You are on page 1of 13

SCHOOL OF LIBERAL ARTS

PANITIKAN
WEEK 7

✓ INTRODUKSYON
TUNGKOL SAAN ANG MODYUL NA ITO?
Ang modyul na ito ay sumasaklaw sa pag-aaral ng mga pangunahing akdang pampanitikan sa Pilipinas. Sa
pamamagitan ng pagbabasa ng mga akdang pampanitikan ng iba’t ibang rehiyon malalaman ang nakatagong
kultura ng sinaunang panahon na maiuugnay sa kasalukuyan

TUNGKOL SAAN ANG UNIT NA ITO?


7. Panitikan sa Panahon ng Amerikano
8. Panitikan sa Panahon ng Hapones

✓ INAASAHANG BUNGA SA UNIT NA ITO


Sa pagtatapos ng pag-aaral sa Modyul na ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang magtatamo ng mga sumusunod:

Kognitibo Natutukoy ang Panitikang Filipino noon at hanggang sa kasalukuyan at naihahambing ang paglago at
paglinang ng mga akda ayon sa pagtalakay ng mga manunulat sa bawat panahon.
Naipapakita sa pamamagitan ng mga akdang Filipino ang magagandang kaugalian ng mga Pilipino
Apektibo
noon na maaaring makabuluhan pa sa kasalukuyan.
Nakapaglalahad ng iba’t ibang anyo ng akdang pampanitikan na sasalamin sa ating pagiging Pilipino.
Psychomotor
Nakagagawa ng sariling bugtong, tula, maikling kwento at iba pang akdang pampanitikan.

✓ PANIMULANG GAWAIN
Ano ba ang alam mo?
Bago magsimula ang talakayan, alamin muna natin ang iyong kaisipan tungkol sa paksa.
Panuto: Ibigay ang kaisipan at kaalaman batay sa hinihingi ng bawat pahayag.

1. Panahon ng Amerikano
_____________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________________.

2. Panahon ng Hapones
_____________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________________.
✓ MGA ARALIN SA PAGKATUTO
PANAHON NG AMERIKANO

✓ KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
Ang mga Pilipinong mapanghimagsik ay nagwagi laban sa mga Kastila na sumakop sa atin nang higit sa tatlong
daang taon. Naiwagayway ang ating bandila noong ika-12 ng Hunyo 1898, tanda ng pagkakaroon natin ng kalayaan.
Nahirang si Hen. Emilio Aguinaldo noon bilang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas, subalit ang kalagayang ito’y naging
panandalian lamang sapagkat biglang lumusob ang mga Amerikano. Nagkaroon ng digmaang Pilipino- Amerikano na siyang
naging sanhi ng pagsuko ni Hen. Miguel Malvar noong 1903. Gayun pa man, ang kilusang pangkapayapaan ay nagsimula
noong pang 1900. Maraming Pilipino noon ang nagsulong ng sandata at muling nanulat sapagkat ang diwa at damdaming
makabayan ng mga kababayang ito ay hindi nakuhang igupo ng mga Amerikano, bagkus ay lalong nagging maalab pa.
Pinasok ng mga manunulat na Pilipino ang lahat ng larangan ng panitikan tulad ng lathalain, tula, kwento, dula,
sanaysay, nobela, at iba pa. Maliwanag na mababasa sa mga akda nila ang pag-ibig sa bayan at pag-asam ng Kalayaan.

Ang panitikan sa panahong ito ay karaniwang:


• Nagpapakita ng dalawang pwersang nagtutunggalian
• Nakasulat sa wikang Katutubo, Kastila at Ingles
• Tumatalakay sa pagkamakabayan o kaya’y mga paksang romantisista
• Nananawagan ng pagpapatuloy ng rebolusyon o pagpapailalim sa mga Amerikano
• Nagsisikhay na mapanatili ang sariling identidad o nangongopya ng mga estilong Kanluranin

✓ MGA MANUNULAT
▪ Cecilio Apostol
- Isang manananggol subalit di matatawaran ang kanyang kakayahan bilang makata sa wikang Kastila at
Tagalog. Hindi lamang dito kinikilala si Cecilio Apostol sa pagiging makata, sa Espanya at Latin Amerika ay
sinasabing lalong kilala siya bilang "the greatest Filipino epic poet in Spanish."
- May mga handog siyang tula kay Rizal, Jacinto, Mabini, at halos sa lahat ng bayani ng lahi ngunit ang kaniyang
tulang handog kay Rizal ang ipinalalagay na “pinakamainam na tulang papuri” sa dakilang bayani ng
Bagumbayan. Tunghayan natin ang kaniyang sinulat:

“Kay Rizal”

Bayaning walang kamatayan, kadakilaang maalamat


Sumungaw ka mula sa bangin ng libingan
na kinahihimbingan mo sa maluwalhating pangarap!
Halika! Ang pag-ibig naming pinapagliyab ng inyong alaala,
mula sa madilim na walang wakas ay tumatawag sa iyo
upang putungan ng mga bulaklak ang iyong gunita.
Matulog kang payapa sa lilim ng kabilang-buhay
tagapagligtas ng isang bayang inalipin!
Huwag iluha, sa hiwaga ng libingan,
ang sandaling tagumpay ng Kastila,
pagka’t kung pinasabog man ang utak mo ng isang punglo,
ang diwa mo nama’y gumiba ng isang imperyo!
Luwalhati kay Rizal! Ang ngalan niyang kabanalan
na parang sunog sa Tabor sa pag-iinapoy
sa talino ng pantas ay ilaw ng kaisipan,
sa marmol ay buhay, at sa kudyapi’y kundiman.

▪ Fernando Ma. Guerrero


- Isinilang noong 30 Mayo 1873. Siya ay anak nina Lorenzo Guerrero, isang kilalang pintor at guro ng Sining at
Clemencia Ramirez, na may likas na hilig sa musika. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo
Tomas.
- Bata pa lamang si Fernando ay nagpakita na siya ng talino sa literatura, musika at pagpipinta. Malinaw na ang
kanyang talino sa literatura at ang panlasang makasining ay minana niya sa kaniyang mga magulang.
Tumutugtog siya ng piyano at pluta at mahusay gumuhit ng magagandang larawan ng kalikasan.
- Nang mamatay si Heneral Antonio Luna, si Fernando Ma. Guerrero ang naging editor ng El Renacimiento. Isa
rin siya sa manunulat ng pahayagang El Nueva Dia ni Sergio Osmena sa Cebu at ng Cultura
Filipina sa Maynila. Ginamit niya sa kanyang pagsusulat ang mga sagisag sa panulat
na Fulvio, Gil, Florisel, Hector at Tristan.
- Si Fernando ay isang bersatil na manunulat. Hindi lamang mga tulang madamdamin ang kanyang sinusulat.
Nagsulat din siya ng mga sanaysay na pangkasaysayan, maikling kuwento at editorial. Walang humigit sa
kanya sa pagsulat ng mga tulang madamdamin sa wikang Kastila.
- Ang pinakamagagaling na tula ni Fernando ay tinipon sa isang aklat na pinamagatang Crisalidas (Mga Higad).

▪ Jesus Balmori
- Isinilang sa Ermita, Manila noong 10 Enero 1887.
- Isa sa mga maaalam sa pampanatikan sa salitang Espanyol. Siya ay nag-aral sa Collegio de San Juan de
Letran at sa University of Santo Tomas, kung saan siya ay nanguna sa Panitikan. Siya ay ikinasal kay Dolores
Rodriguez.
- Kilalang-kilala siya sa sagisag na “Batikuling”. Naging kalaban niya si Manuel Bernabe sa balagtasan sa Kastila
sa paksang “El Recuerdo y el Olvido”. Nahirang siyang “poeta laureado sa wikang Kastila” dahil tinalo niya sa
labanang ito si Manuel Bernabe.

▪ Manuel Bernabe
- Mamamahayag, politiko, makata at mambibigkas sa wikang Kastila at Latin. Isinilang siya noong 17 Pebrero
1890. Anak siya nina Timoteo Bernabe at Emilia Hernandez.
- Isang makatang liriko at ang karaniwang paksa ng kanyang mga tula ay mga pista at pagdiriwang bagamat
kahit anong paksa ay kaya niyang tulain. Pambihira ang kanyang hilig sa pagtula.
- Sa isang Balagtasan kung saan naglaban sina Bernabe at Balmori sa paksang El Recuerdo y el Olvido ay
walang nahayag na nanalo sapagkat kapwa sila mahusay subalit sa tunog ng palakpakan pagkatapos ng
Balagtasan, lumabas na si Bernabe ang nakaakit sa mga nakikinig.
- Ang katipunan ng mga tulang nasulat ni Bernabe ay pinamagatang Cantos El Tropico (Mga Awit ng Tropico).
Ang isa pang aklat ni Bernabe na naglalaman din ng kanyang mga sinulat ay ang Prefil de la Cresta. Dito
nakasama ang salin niya ng Rubaiyat ni Omar Khayyam at prologo ni Claro M. Recto.

▪ Claro M. Recto
- Sa katayugan at kadakilaan ng pananalita at pamamakas, hindi nagpahuli si Claro M. Recto sa iba pang
manunulat sa Kastila. Tinipon niya ang kaniyang mga tula sa aklat na pinamagatan niyang “Bajo Los Cocoteros”
(Sa ilalim ng Niyugan). Narito naman ang ilang bahagi ng kaniyang sinulat para kay Rizal na pinamagatan
niyang “Ante El Marter” (Sa Harapan ng Martir).
- Sa larangan naman ng batas, ang kanyang kahusayan, ang kagulat-gulat niyang pagwawagi sa kanyang mga
kaso ang siyang mabilis na nagpabago at nagpasikat ng kanyang pangalan. Tinagurian siyang Abogado
Milagroso (Miraculous Lawyer).
- Tatlong bagay ang pinaniniwalaan niyang naging dahilan ng kanyang pagiging matagumpay na abogado:
1. ang kanyang kakayahan sa pagsusulat (literary ability)
2. katalinuhan
3. ang kanyang pagiging masipag at matiyaga.

▪ Lope K. Santos
- Siya ay nobelista, makata, mangangatha, at mambabalarila sa tatlong panahon ng panitikang tagalog; Panahon
ng Amerikano, ng mga Hapon at Bagong Panahon. Ang nobelang “Banaag at Sikat” ang siyang ipinalalagay na
kanniyang pinaka-Obra-Maestra.
- Naging dalubhasa siya sa larangan ng dupluhan, isang paligsahan ng mga manunula na maihahambing sa
larangan ng balagtasan. Noong 1900, nagsimula siyang maglingkod bilang patnugot para sa mga lathalaing
nasa wikang Tagalog, katulad ng Muling Pagsilang at Sampaguita.
- Siya ang tagapagtatag ng babasahing Sampaguita. Sa pamamagitan ni Manuel L. Quezon, naging punong-
tagapangasiwa si Santos ng Surian ng Wikang Pambansa. Kabilang sa mga katawagang nagbibigay parangal
kay Santos ang pagiging Paham ng Wika, Ama ng Balarilang Pilipino, Haligi ng Panitikang Pilipino, subalit mas
kilala rin siya sa karaniwang palayaw na Mang Openg.

▪ Jose Corazon De Jesus


- Kilalang-kilala sa sagisag na “Huseng Batute”. Tinaguriang “Makata ng Pag-ibig” at “Hari ng Balagtasan”. Ang
“Isang Punong Kahoy” na tulang elehiya ang ipinalalagay na kaniyang obra-maestra.
- Isang makatang Pilipino na sumulat ng mga tula sa Tagalog upang ipahayag ang pagnanasa ng mga Pilipino na
maging malaya noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Tinawag ring
"Pepito" noong kanyang kapanahunan.
- Isa sa mga pangunahing manunulat sa Tagalog na nagpulong sa Instituto de Mujeres sa Tondo, Manila upang
pagusapan ang pagdiriwang ng kaarawan ng makatang Tagalog na si Francisco Balagtas sa Abril 2. Ang
pulong ay tinawag at pinamunuan ng manunulat na Rosa Sevilla. Napagpasyahan ng mga manunulat na
magpalabas ng tradisyonal na duplo, o isinadulang debate sa tula na uso noong araw ngunit nalalaos na noong
mga 1920. Pinalitan nila ang porma ng duplo at binansagan itong balagtasan para kay Balagtas.

▪ Amado V. Hernandez
- Siya ay tinaguriang “Makata ng Manggagawa” sa ating panitikan sa dahilang nasasalamin sa kaniyang mga tula
ang marubdob na pagmamahal sa mga dukhang manggagawa at sa kaniyang mga pagpuna at pagsusuri sa
mga kawalan ng katarungang naganap sa Pilipinas noong kaniyang kapanahunan. Nakulong siya dahil sa
pakikipagugnayan niya sa mga kilusang makakomunista.
- Ang pinaka-obra maestra niyang isinaalang-alang ay ang tulang “Ang Panday”.
- Sinalaysay ni Hernandez sa kanyang mga akda ang pakikipagsapalaran at pakikibaka ng mga manggagawang
Pilipino. Minsan siyang napiit dahil sa salang sedisyon, at habang nasa loob ng kulungan, naisulat niya ang
"Isang Dipang Langit", ang isa sa mga mahahalaga niyang tula.
- Nakilala rin si Hernandez sa kanyang mga nobelang gaya ng "Ang Ibong Mandaragit", at "Luha ng Buwaya".
Ang ilan sa kanyang maikling kuwento ay natipon sa isang tomo na pinamagatang "Langaw sa Isang Basong
Tubig at Ibang Kuwento". Nagturo din siya sa Pamantasan ng Pilipinas. Kakikitaan ng diwang makabayan ang
marami niyang tula at nobela: lantad sa mga ito ang makatarungang poot sa pagiging tila isang kolonya ng
Estados Unidos ang kaniyang bansang Pilipinas. Naipakulong siya ni Elpidio Quirino dahil sa bintang na
pagiging mapanghimagsik.

▪ Florentino Collantes
- Isa sa mga kinilalang batikang “duplero” ng kanyang panahon at nahirang na Ikalawang Hari ng Balagtasan o
Prinsipe ng Balagtasan. Siya ang unang makatang Tagalog na gumamit ng tula sa panunuligsang pampolitika
sa panahon ng mga Amerikano.
- Gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat
na Buhay Lansangan.
- Ang kaniyang obra-maestra ay ang “Lumang Simbahan”.
▪ Ildefonso Santos
- Isang makata na isinilang sa bayan ng Malabon, sa nayon ng Baritan noong ika-23 ng Enero, 1897. Kaisa-isang
anak siya nina Andres Santos at Atanacia Santiago.
- Nahilig si Ildefonso sa pagsusulat ng mga tula dahil sa kanyang pinsang si Leonardo Dianzon na isang makata
na naglalathala sa babasahing Ang Mithi. Si Dianzon ang nakatuklas kay Ildefonso nang mabasa niya ang tula
ng pag-ibig na sinulat ni Ildefonso. Si Iñigo Ed Regalado ay humanga rin kay Ildefonso. Doon na nagsimula ang
kanyang pagsulat ng mga tula. Ginamit niyang sagisag-panulat ang Ilaw Silangan.
- Natapos si Ildefonso Santos ng kursong edukasyon. Nang simulang ipaturo ang Pambansang Wika, siya ang
kauna-unahang nagturo ng Pilipino sa National Teacher's College. Nagturo rin siya sa Baguio Vocational
Normal School. Hindi lamang siya guro, siya ay mahusay na tagapagsaling-wika at makata.
- Siya ang nagsalin sa Tagalog ng Pambansang Awit.

▪ Teodoro Gener
- Siya ay kasama sa pangkat ng mga makatang makaluma o konserbatibo tulad nina Deogracias Rosario at Jose
Corazon de Jesus sa Samahang Ilaw at Panitik. Isa siyang makata, nobelista mananagalog. Siya ang nagsalin
sa Tagalog ng nobelang Kastila na “Don Quijote dela Mancha” (Ang Mahusay na Ginoong si Don Quixote ng La
Mancha), isang nobelang sinulat ng Kastilang may-akda na si Miguel de Cervantes Saavedra.
- Ito ang itinuring niyang Obra Maestra. Tinagalog din niya ang sinuring Kodigo Penal.
- Ang pagkakasalin niya sa Tagalog ng Don Quijote ang nagbigay sa kanya ng higit na karangalan sapagkat
pinag-kalooban siya ng gantimpala ng Companya Tabacalera. Kabilang sa mga tulang naisulat niya ay Ang
Guro, Ang Masamang Damo, Ang Buhay, at Ang Pag-ibig. Akda niya ang isang aklat na ginagamit sa
panulaang Tagalog na ang pamagat ay Ang Sining ng Tula na lumabas noong 1958.
- Ang katipunan ng kanyang mga tula ay pinamagatang Salamisim. Tradisyunal siyang manunulat ng tula,
tagasunod siya ni Balagtas sa pagtula subalit sa pagbabago ng panahon, nagbago rin ang anyo ng kanyang
tula - sinubukan niya ang malayang taludturan.

▪ Iñigo Ed. Regalado


- Nakilala bilang isang kwentista, nobelista at mamamahayag sa larangan ng panitikan, higit siyang makata dahil
sa kanyang mga tula madarama ang linamnam ng kanyang panulat. Naging paksa ng kanyang mga tula ang
buhay at mga bagay-bagay sa kapaligiran.
- Tanyag noon sa sagisag na Odalager. Naging patnugot siya ng pahayagang Mithi, Watawat, Pagkakaisa, at ng
lingguhang magasin na Ilang-ilang. Isa siya sa mga Taliba ng panulaan. Kilala siya bilang makata ng pag-ibig.
Ang kanyang mga tula ay natipon sa isang aklat na pinamagatang Damdamin na nagtamo ng unang gantimpala
sa Timpalak Komonwelt noong 1941.
- Ang kanyang nobelang Sampaguitang Walang Bango ay nasulat sa panahong Ginto ng nobelang Tagalog. Ito'y
tungkol sa isang babaing martir ngunit sa huli ay nagtaksil kaya iniwan ng asawa. Katulad siya ng sampagita na
akala ng marami ay maganda, dalisay at namumukod sa kabanguhan subalit sa kabila noon ay naging taksil
kaya itinuring na sampagitang walang bango.

▪ Severino Reyes
- Kilala siya bilang Ama ng Sarsuelang Tagalog. Sa kanyang pagsusulat ng mga kuwentong pambata, ginamit
niya ang sagisag na “Lola Basyang.”
- Ang kanyang sarsuelang pinamagatang Walang Sugat na nasulat sa unang bahagi ng panahon ng
mga Amerikano ang itinuturing na kanyang obra maestro. Ito ay pumapaksa sa kapangyarihan ng pag-ibig sa
mga taong tunay na nagmamahalan.
- Taong 1902 nang simulan niyang magsulat ng dula nang makita niyang ang Moro-moro at komedyang
itinatanghal ay walang buti at kapakinabangang idinudulot sa mga manunuod. Sinikap ni Don Binoy (palayaw
kay Severino Reyes) na mapaunlad ang dulang Tagalog. Naging inspirasyon niya ang kanyang pagsisikap na
patayin ang Moro-moro ang nakitang pagtanggap ng mga manunuod ng sarsuela sa unang pagtatarighal ng
sarsuelang Salamin ng Pag-ibig ni Roman Reyes; Mga Karaniwang Ugali ni Ambrosio de Guzman; Damit ni
San Dimas ni Roman Dimayuga; Despues de Dios, El Dinero ni Hermogenes Ilagan. Dahil sa nakita ni Don
Binoy na reaksiyon ng mga manunuod sa pagtatanghal ng mga dulang nabanggit ay itinatag niya ang Gran
Compana de Zarsuela Tagala na siyang inaasahang magtataguyod sa pagtatanghalang mga sarsuela.
Pagkatapos nga ng pagtatanghal ng Walang Sugat ay sunud-sunod nang itinanghal ang Bagong Fausto, Ang
Kalupi, Ang Tatlong Bituin na sinundan pa ng iba. Naging dramaturgo ng dulang Tagalog si Severino Reyes
dahil sa pagbabagong bihis na ginawa niya sa dulang Tagalog. Nakuha niyang palitan ng sarsuela ang Moro-
moro na dating kinalokohan ng mga manunuod.
- Ang ilan sa mga sarsuelang sinulat ni Severino Reyes ay Walang Sugat, Huling Pati, Minda Mora, Mga Bihag ni
Cupido, Mga Pusong Dakila, RIP, Ang Kalupi at iba pa. Ang RIP ay isang sarsuelang sinulat ni Don Binoy
upang tuyain ang Moro-moro sa pagkamatay nito.
- Si Severino Reyes ay nagsimula ng modernong pagsulat ng dula. Pinaksa ng kanyang mga dula ang suliranin
ng mga Pilipino sa pagdating at pananakop ng mga Amerikano. Si Don Binoy ay naging patnugot ng lingguhang
magasing Liwayway.

▪ Aurelio Tolentino
- Isang mandudula, makata, at mangangatha na sumulat ng Kahapon, Ngayon at Bukas na kanyang pinaka-obra
maestra (1903), isang drama simbolika at pinakasikat sa mga dulang sedisyoso noong panahon ng Americano.
Tinuligsa niya sa akdang ito ang mag Intsik, Amerikano, Kastila, pati na ang mga Pilipinong nagtaksil sa sariling
bayan.
- Isa siyáng Kapampangan ngunit sumulat sa mga wikang Kapampangan, Tagalog, at Español. Aktibo siyáng
Katipunero at kasáma ni Bonifacio sa kuweba ng Pamitinan noong 10 Abril 1895 sa isang lakaran para sa
kalayaan.

▪ Hermogenes Ilagan
- Kilala siya sa tawag na Ka Mohing. Bantog na mandudula at kinikilálang “Amang Dulaang Tagalog.” Isa siyá sa
masigasig na tagapagtaguyod ng sarsuwelang Filipino. Malaki ang kaniyang nagawa upang magiging popular
sa madla ang sarsuwela. Bukod pa, ang kaniyang sarsuwelang Dalagang Bukid ang itinuturing na isa
pinakapopular na dula bago magkadigma.

PANAHON NG MGA HAPONES

✓ KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
Ang Panitikang Filipino sa wikang Ingles sa pagitan ng taong 1941-1945 ay nabalam sa kaniyang tuloy-tuloy na
sanang pag-unlad nang muli tayong sakupin ng isa na namang dayuhang mapaniil - ang mga hapones. Sinakop ng mga
Hapones ang Pilipinas dahil ito ay nasa isalalim ng kolonya ng Estados Unidos. Ngunit para sa karamihang manunulat na
Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa
panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa
panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Maliban sa Tribune at Philippine Review, ang lahat halos ng pahayagan
sa Ingles ay pinatigil ng mga Hapones.
Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang
panitikang nililikha. Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng
Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng panitikan at pagsanib
ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.
Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina Liwayway A. Arceo at
Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-feministang maikling-kwento.
➢ Ang isang manunulat ay likas na manunulat.
➢ Nabigyang sigla ang Wikang Pambansa.
➢ Binigyan pa nila ng pagkakataon ang isang Pilipino, si Jose P. Laurel upang mangulo sa bayan sa kanilang
“pamatnubay.”
Sa madaling salita, nabigyan ng puwang ang Panitikang Tagalog nang panahong ito. Marami ang mga nagsisulat ng
dula, tula, maikling kwento, at iba pa. Ang mga paksain ay pawing natutungkol sa buhay lalawigan.

✓ ANG MGA TULA SA PANAHONG ITO (PANULAAN)


Ang karaniwang paksa ng mga tula noong Panahon ng Hapon ay tungkol sa bayan o sa pagkamakabayan, pag-ibig,
kalikasan buhay lalawigan o nayon, pananampalataya, at sining.

Tatlong uri ng tula ang lumaganap sa panhong ito. Kinabibilangan ito ng:

a. Haiku
- Isang tulang may malayang taludturan na kinagigiliwan ng mga Hapones. Ito’y binubuo ng labimpitong pantig na
nahahati sa tatlong taludtod. Ang unang taludtod nito ay may limang pantig, ang ikalawa ay pitong pantig, at ang
ikatlo ay limang pantig (5,7,5). Maikli lamang ang haiku ngunit nagtataglay ng masaklaw at matalinhagang
kahulugan.
Halimbawa:

TUTUBI
Ni Gonzalo K. Flores
Hila mo’y tabak ….
Ang bulaklak nanginig,
Sa paglapit mo.

LAHAT NG ORAS
Ang kaibigan,
Iyong maaasahan
Sa kagipitan

TAPAT
Kung maghahanap
Iibiging kausap
Dapat ay tapat.

b. Tanaga
- Tulad ng Haiku, ito’y maikli ngunit may sukat at tugma. Ang bawat taludtod ay may pitong pantig. Nagtataglay
din ng mga matatalinhagang kahulugan.
Halimbawa:

PALAY
Ni Ildefonso Santos
Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko,
Nguni’t muling tumayo,
Nagkabunga ng ginto.
PAG-IBIG
ni Emelita Perez Baes
Wala iyan sa pabalat
at sa puso nakatatak,
nadarama’t nalalasap
ang pag-ibig na matapat.

KABIBI
ni Ildefonso Santos
Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka;
Kung idiit sa taynga,
Nagbubunitunghininga!

TAG-INIT
ni Ildefonso Santos
Alipatong lumapag
Sa lupa – nagkabitak,
Sa kahoy nalugayak,
Sa puso – naglagablab!

c. Karaniwang Anyo
- Ang katangian nito ay natalakay na sa panimulang pag-aaral ng aklat na ito.
Halimbawa:

PAG-IBIG
Ni Teodoro Gener
Umiibig ako, at ang iniibig
ay hindi ang dilag na kaakit-akit
pagka’t kung talagang ganda lang ang nais,
hindi ba’t nariyan ang nunungong langit?
Lumiliyag ako, at ang nililiyag
ay hindi ang yamang pagkarilag-rilag
pagka’t kundi totoong perlas lang ang hangad
di ba’t masisisid ang pusod ng dagat?
Umiibig ako’t sumisintang tunay,
di sa ganda’t hindi 8ag into ni yaman…
Ako’y umiibig, sapagkat may buhay
na di nagtitikim ng kaligayahan…
Ang kaligayahan ay wala sa langit
wala rin sa dagat ng hiwang tubig…
ang kaligayaha’y nasa iyong dibdib
na inaawitan ng aking pag-ibig…
✓ ANG MGA DULA SA PANAHONG ITO
Nagkaroon ng puwang ang dulang tagalog nang Panahon ng Hapon dahil napinid ang mga sinehang nagpapalabas
ng mga pelikulang Amerikano. Ang mga malalaking sinehan ay ginawa na lamang tanghalan ng mga dula. Karamihan sa
mga dulang pinapalabas ay salin sa Tagalog mula sa Ingles. Ang mga nagsipagsalin ay sina Francisco Rodrigo, Alberto
Cacnio, at Narciso Pimental. Sila rin ay nagtatag ng isang samahan ng mga mandudulang Pilipino na pinangalanan nilang
“Dramatic Philippines”.
Sa mga dula karaniwan tumatalakay sa buhay ng mga Pilipino, buhay lungsod o nayon, at karaniwang ugali ng mga
Pilipino. Maraming pagtatanghal ang may mga paksang katawa-tawa upang ikubli ang mga kapintasan ng mga hapones tulad
ng pangunguha ng ari-arian sa mga Pilipinong nabibilang o nangungurakot.
Nangangailangan ng aliwan ang libu-libong mamamayang naggala sa lansangan, paglilibang upang malimutan ang
mga pangamba, pag-aalaala at iba’t ibang emosyong sumasanib sa kanilang tauhan. Nagkaroon ng puwang sa lipunan at
nangako ng magandang hinaharap.
Ilan sa mga nagsisulat ng dula ay ang mga sumusunod:
1. Jose Maria Hernandez – sumulat ng “Panday Pira”
2. Francisco Rodrigo – sumulat ng “Sa Pula, Sa Puti”
3. Clodualdo del Mundo – sumulat ng “Bulaga”
4. Julian Cruz Balmaceda – sumulat ng “Sino ba Kayo?”, “Dahil sa Anak” at “Higanti ng Patay”.

✓ ANG MGA MAIKLING KWENTO SA PANAHONG ITO


Naging maunlad ang larangan ng maikling kwento noong panahon ng Hapon. Maraming mga nagsisulat ng maikling
kwento. Kabilang dito sina Brigido Batungbakal, Macario Pineda, Serafin Guinigundo, Liwayway Arceo, Narciso Reyes, NVM
Gonzales, Alicia Lopez Lim, Ligaya Perez, Gloria Guzman at iba pa.
Ang pinakamahusay na akda ng taong 1945 ay pinili ng lupon ng mga inampalan na binubuo ni Francisco Icasiano,
Jose Esperanza Cruz, Antonio Rosales, Clodualdo del Mundo, at Teodor Santos. At ang 25 maikling kwentong pinili ay
pinasuri naman kina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda, at Inigo Ed. Regalado. Ang kinawakasan ng pagsusuri ay
nagsasabing ang mga sumusunod ang nagkamit ng unang tatlong gantimpala:

➢ Unang Gantimpala: “Lupang Tinubuan” ni Narciso Reyes


- Ang kwentong Lupang Tinubuan nabuo tungo sa karanasan sa buhay ng awtor. Pinapakita din dito ang
kasaysayan ay bahagi ng pagkahubog at bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.
- Nagpapahiwatig sa bawat tauhan sa kwentong Lupang Tinubuan na dapat balikan mo ang lugar kung saan ka
ipinanganak at nagkamulat. Ang mga tauhan sa kwento ay si Danding, Tiya Juana, Tiyo Gorio, Tata Inong at
Lolo Tasyo.
- Ang pamilya ang pinaka-ugat ng isang komunidad at mahalaga ang pamilya sa pagbuo ng sambayanan at ang
magkaroon ka ng isang tunay na pamilya na may pagmamahalan ay napakalaking nang kayamanan na
maituturing.
- Sa kabuuan ng kwento na dapat kung saan tayo pinanganak, saan tayo namuhay at nakaranas ng ating
pagkabata ay dapat balikan natin ito at huwag natin kalimutan.

➢ Ikalawang Gantimpala: “Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo


- Ang kwentong ito ay tungkol sa dalagitang nagkaroon ng mga magulang na kailanman ay hindi kakikitaan ng
paglalambing sa isa`t isa. Para bang walang namamagitang pag-ibig ang pagsasama. Hanggang isang
araw,natuklasan nito na may mahal palang iba ang ama at matagal na nitong nililihim sa pamilya . Ito ay nang
mabasa ng dalagita ang talaarawan ng ama at makita ang isang larawan ng isang babae.
- Ngunit ang ina ay patuloy na nag-aalaga sa kanyang ama ng naratay ito sa kabila ng katotohanang pagtataksil .
At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong
pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang
gayong pagtataksil ng kaniyang asawa o bana.

➢ Ikatlong Gantimpala: “Lungsod, Nayon at Dagat-dagatan” ni Nestor Vicente Madali Gonzales


✓ GAWAIN SA PAGKATUTO
Sa bahaging ito, sagutan ang mga sumusunod na Gawain upang mas mapalalim ang kaalaman tungkol sa
paksang tinalakay.

Pagnilayan at Unawain
Gawain 1: ANO SA PALAGAY MO?
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod:
(35 puntos)

1. Ano ang naging kalagayan ng Panitikan noong Panahon ng Amerikano?


___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

2. Ano-anong mga paksang diwa ang nakahiligang isulat ng bawat pangkat ng manunulat ng
panahong ito?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

3. Anong damdamin ang nais ipalagay ng mga manunulat noong Panahon ng Amerikano?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

4. Ano ang naging kalagayan ng Panitikang Ingles nang Panahon ng mga Hapon?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

5. Sino-sino ang mga naging lupon ng inampalan sa pagpili ng pinakamahusay na akda sa


larangan ng maikling kwento nang panahong ito?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

6. Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Haiku sa Tanaga?


___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
______________________________________________________________________.

(ang mga ksagutan ay binubuo ng tatlo hanggang limang pangungusap)


✓ PAGBUBUOD/PAGLALAHAT
a. Buod
PANAHON NG AMERIKANO
o MGA MANUNULAT
• Cecilio Apostol
• Fernando Ma. Guerrero
• Jesus Balmori
• Manuel Bernabe
• Claro M. Recto
• Lope K. Santos
• Jose Corazon De Jesus
• Amado V. Hernandez
• Florentino Collantes
• Ildefonso Santos
• Teodoro Gener
• Iñigo Ed. Regalado
• Severino Reyes
• Aurelio Tolentino
• Hermogenes Ilagan

PANAHON NG MGA HAPONES


o ANG MGA TULA SA PANAHONG ITO (PANULAAN)
• Haiku
• Tanaga
• Karaniwang Anyo

o ANG MGA DULA SA PANAHONG ITO


• Jose Maria Hernandez – sumulat ng “Panday Pira”
• Francisco Rodrigo – sumulat ng “Sa Pula, Sa Puti”
• Clodualdo del Mundo – sumulat ng “Bulaga”
• Julian Cruz Balmaceda – sumulat ng “Sino ba Kayo?”, “Dahil sa Anak” at “Higanti ng Patay”.

o ANG MGA MAIKLING KWENTO SA PANAHONG ITO


• Unang Gantimpala: “Lupang Tinubuan” ni Narciso Reyes
• Ikalawang Gantimpala: “Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo
• Ikatlong Gantimpala: “Lungsod, Nayon at Dagat-dagatan” ni Nestor Vicente Madali Gonzales
b. Konklusyon at Repleksyon

ISIP, DAMDAMIN at ASAL


Batay sa paksang tinalakay, sagutan ang mga sumusunod:
(15 puntos)

Ano ang Ano ang iyong Ano ang aral na


natutunan? naramdaman? napulot?

✓ PANGWAKAS NA PAGTATAYA
I. Panuto: Pagtapat-tapatin. Hanapin ang sagot ng Hanay A sa Hanay B. Titik
lamang ang isagot.
(10 puntos)

HANAY A HANAY B
____ 1. Ka Mohing a. JESUS BALMORI
____ 2. Florisel b. JOSE CORAZON DE JESUS
____ 3. Mang Openg c. FLORENTINO COLLANTES
____ 4. Ilaw Silangan d. SEVERINO REYES
____ 5. Lola Basyang e. HERMOGENES ILAGAN
____ 6. Makata ng Manggagawa f. FERNANDO MARIA GUERRERO
____ 7. The Greatest Filipino Epic Poet in Spanish g. LOPE K. SANTOS
____ 8. Batikuling h. ILDEFONSO SANTOS
____ 9. Huseng Batute i. CECILIO APOSTOL
____ 10. Kuntil Butil j. AMADO V. HERNANDEZ
II. Panuto: Isulat ang may-akda ng mga sumusunod. (20 puntos)

manuel bernabe
_________________________ 1. Mga Awit ng Tropico
_________________________
narciso reyes 2. Lupang Tinubuan
_________________________
teodoro gener 3. Don Quijote dela Mancha
_________________________
amado v. hernandez 4. Ang Panday
_________________________
gonzalo k. flores 5. Tutubi
julian cruz balmaceda
_________________________ 6. Higanti ng Patay
_________________________
teodoro gener 7. Pag-ibig (Karaniwang Anyo)
_________________________
inigo ed. regalado 8. Sampaguitang Walang Bango
_________________________
aurelio tolentino 9. Kahapon, Ngayon at Bukas
_________________________
claro m. recto 10. Ante El Marter
_________________________
ildelfonso santos 11 . Kabibi
_________________________
florentino collantes 12. Lumang Simbahan
_________________________
liwayway arceo 13. Uhaw ang Tigang na Lupa
_________________________
cecilio apostol 14. Kay Rizal
_________________________
jose corazon de jesus 15. Isang Punong Kahoy
_________________________
clodualdo del mundo 16. Bulaga
_________________________
fernando ma. guerrero 17. Crisalidas
_________________________ 18. Lungsod, Nayon at Dagat-dagatan
_________________________
lope k. santos 19. Banaag at Sikat
_________________________
jose maria hernandez 20. Panday Pira

✓ TAKDANG ARALIN / MGA BABASAHIN:


Magsaliksik at pag-aralan ang mga akdang pampanitikan sa Panahon ng Isinauling
Kalayaan.

SANGGUNIAN:

❖ Espina, L.et.al. 2014. Literatura ng Iba’t ibang Rehiyon ng Pilipinas Ikalawang Edisyon. Maynila:Minshapers Co., Inc.

❖ Aguilar, R., 2014. Panitikan ng Pilipinas. Makati City:Grandwater Publication

❖ Panganiban, et.al. 1998. Panitikan ng Pilipinas. REX Bookstore, Inc.

❖ https://www.slideshare.net/margielynaninon/panahon-ng-hapon-65691176

You might also like