You are on page 1of 5

INFLATION

Bawat problema ay may karampatang solusyon, iyan ang madalas

kong marinig sa aking ina, iniisip ko ngayon kung may solusyon ba sa

problema ng mamamayang pilipino sa pagtaas ng mga bilihin? Ang tawag sa

pagtaas ng mga bilihin ay inflation. Sa isang karaniwang pilipino ang palagi

nitong problema ay paano matutustusan ang kanilang pamilya kung sa araw-

araw ay tumataas ang bilihin. Sa sanaysay na ito ay itatalakay kung ano nga

ba ang kahulugan ng inflation? Paano naaapektuhan ang mga mamimili at ang

sambayanang pilipino? At kung paano ito sosolusyonan ng gobyerno?

Ano nga ba ang inflation, ito ay ang pangkalahatang pagtaas ng mga

presyo sa loob ng isang ekonomiya sa isang takdang panahon. Ito din ay

tumutukoy sa pagbaba ng purchase power (ang kakayahan ng salapi na bumili

ng serbesyo at produkto) ng isang yunit ng salapi. Halimbawa, kung dumoble

ang presyo ng bilihin, ang purchasing power ay bababa ng kalahati; kung

bababa ng kalahati ang presyo ng bilihin, dumudoble ang purchasing power.

Kamakailan lamang ay naramdaman ng bawat isa ang epekto ng inflation sa

ating bansa. Ang inflation na ito ay bunsod ng pagtaas ng mga presyo ng

bilihin sa ating mga pamilihan. Ang ilan sa mga rason ng pagtaas ng presyo ng

bilihin ay dahil sa TRAIN Law, pananalasa ng mga bagyo at pagtaas ng presyo

ng langis.

Ayon kay Joshua Mata ang Secretary General ng Sentro ng mga

Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa o SENTRO, hindi sapat ang binibigay

na pabuya ng pamahalaan na pag-alis sa buwis sa mga manggagawang may

taunang kita na 250-libong piso dahil binabawi naman ito sa pagpapataw ng

mataas na buwis sa mga produktong karaniwang kinokonsumo ng

mamamayan.
Dismayado si Mata sa pagpatupadang pamahalaan ng panibagong

tax measure sa kabila ng bigong pagtugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng

pangunahing bilihin sa bansa.

“Malaking dagok itong inflation na ito kahit na binibigyan pa ng

TRAIN Law ng pabuya ang ating mga manggagawa na magkaroon ng tax break

o yung first 250,000, kahit may ganyan babawiin at babawiin ng gobyerno sa

pamamagitan ng matataas na taxes sa ating kinokonsumo lalo na itong

tinatawag na excise taxes sa langis at sugar sweetened beverages. Sa madaling

salita po nasa sitwasyon tayong may bagong tax measure na ini-implement

habang tumataas ang presyo ng bilihin dahil sa kapalpakan ng policy ng

gobyerno natin sa bigas at dahil sa international na galaw ng presyo ng langis.”

pahayag ni Mata sa panayam ng Radio Veritas.

Binigyan naman ng sariling pagpapakahulugan ni Al G. Pedroche ng

Phillippine Star Ngayon, noong Nobyembre 2022. “Ang inflation, sa simpleng

paliwanag na mauunawaan ng ordinaryong mamamayan ay ang pagbagsak ng

halaga ng ating salapi na dahilan para tumaas ang presyo ng mga bilihin.

Kapag hindi na ito makontrol, runaway inflation na ang tawag diyan.

Sa totoo lang, bumabagsak ang halaga ng ating piso hindi dahil

lumalakas ang US dollar. Sa totoo lang, ang dollar ang bumababa ang halaga

at dahil ang ating piso ay nakasandal dito, damay tayo sa paghina ng salapi.

Ang ginagawa ng US ay maglimbag nang maglimbag ng green bucks

para mapagtakpan ang panghihina ng kanilang salapi. Ang kaso, lalo itong

nagpapalubha sa inflation. Sa ating sariling bansa, ramdam na ng bawat

Pilipino ang epekto ng inflation sa presyo ng mga paninda”

Ayon sa News5 bumilis sa 6.1 na porsyento ang presyo ng mga bilihin

at serbisyo nitong hunyo 2022, ayon sa Philippine Statistic Authority o (PSA)


ito ang pinakamataas na naitalang inflation simula noong Oktubre 2018 na

nasa 6.7 na porsyento.

Ayon sa naging ulat ni Kristine Sabillo ng Abs-cbn News april 2018,

nasa 98 porsiyento ang tumugon na ramdam nila ang pagtaas ng presyo ng

mga bilihin simula pagpasok ng 2018, ayon sa inilabas na resulta ng Pulse

Asia survey na ginawa noong Marso. Samantala, nasa 86 porsiyento ng mga

tumugon sa survey ang nagsabi na "matindi" ang epekto ng pagtaas ng presyo

ng mga bilihin sa kanilang pamumuhay.

Ang tanong ng Pulse Asia sa 1,200 respondents: "Mayroon ba kayo o

ang inyong pamilya na pangkaraniwang binibili na tumaas ang presyo simula

noong Enero 2018?"

Pareho ang sentimyento sa iba't ibang bahagi ng bansa mapa-Luzon,

Visayas, at Mindanao, at maging sa iba't ibang antas ng pamumuhay.

Pinakauna sa listahan ng idinadaing ng mga Pinoy na naramdaman

nila ang pagmahal ay ang pagkain, partikular ang bigas at matatamis na

inumin.

Dahil sa mga hinaing ng sambayanang pilipino ay nagpulong ang

mga gabinete ng gobyerno upang magkaroon ng hakbang at solusyon sa

inflation na nangyayari sa bansa. Tiniyak ng mga economic managers kay

Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda na hihinto na ang

pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Inihayag ito ni Legarda, matapos ang briefing sa kaniya nina Budget

Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Carlos Dominguez III, NEDA

Secretary Ernesto Pernia at Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor

Francisco Dakila, Jr.


Ayon kay Legarda, kabilang sa mga hakbang ng economic team ay

ang agarang pagpapalabas sa National Food Authority o NFA ng 4.6 million

sako ng bigas. Sabi ni Legarda, nakiusap din ang economic managers na ipasa

agad ang Rice Tariffication Bill ngayong buwan. Binanggit din ni Legarda na

bumuo na ang Department of Trade and Industry (DTI), NFA, Philippine

National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at grupo ng mga

magsasaka ng monitoring team para bantayan ang bigas mula sa pier, patungo

sa mga warehouse ng NFA hanggang makarating sa mga pamilihan.

Pupulungin naman ng DTI at Department of Agriculture (DA) ang

mga poultry producers para pag-aralan na maka-direkta sila sa mga palengke

para mapigil ang pagpapatong ng malaki sa presyo ng karne ng manok.

Ibubukas naman ng sugar regulatory administration ang pag-angkat ng asukal

sa direct users nito habang ipaprayoridad naman ng Bureau of Customs (BOC)

ang pagpapalabas ng mga food items mula sa pantalan.

May naging pahayag din si Al G. Pedroche ng Philippine Star Ngayon

sa binigay na solusyon ng gobyerno sa inflation na nangyayari sa bansa ayon

sa kaniya. Pinag-aaralan daw ng Department of Labor and Employment (DOLE)

na taasan ang sahod ng mga manggagawa. Para bang bobombahan ang labor

force katulad ng lobong nawalan ng hangin para makaagapay sa ‘di mapigilang

inflation na nagaganap sa buong mundo. “Inflation kontra inflation.” Ngunit

kung itataas ang sahod ng manggagawa, ang mga employer ay mapipilitan

ding magtaas sa presyo ng kanilang produkto at serbisyo. Suma total, wala

ring pagbabago.

Ang tanging mabisang solusyon ay pataasin ang pro¬duksyon imbes

na angkat tayo nang angkat ng mga pro¬duktong kailangan natin na ang

tinutulungan natin ay ang ibang bansa. Nakakadismaya na ultimo asin na

sagana ang ating bansa ay kailangan pang angkatin.


Huwag na munang unahin ng ilang ganid na opisyal ang

pagpapayaman sa komisyong makukuha nila sa impor¬¬tation. Unahin ang

kapakanan ng bansa. Kaya natin ito kung lahat tayo ay hindi mapag-imbot at

tapat sa tungkuling paglingkuran ang taumbayan.”

Sa kabuuan ng sanaysay na ito ay napagtanto ko na ang mas

naaapektuhan sa inflation na ito ay ang mga normal na mamamayan ng

Pilipinas. Sa tingin ko ay naghahanap naman ng paraan ang ating gobyerno na

mabigyan ng solusyon ang kahirapang natatamasa natin sa ngayon. Mahirap

man paniwalaan ang sinasabi ni Pangulong Ferdinand Marcos na ibabalik niya

ang presyo ng bigas dati na tig dalawampung piso lamang ay umaasa pa rin

ako na iyon ay magkatotoo ng sa ganon ay hindi na mas lalong mahirapan pa

ang ating mahihirap na kababayan at sana ay bigyan na rin ng solusyon ang

pagpapadagdag ng sahod dito sa pilipinas at nang maiwasan ang paglalayag ng

mga kapamilya nating Overseas Filipino Worker o OFW sa ibang bansa.

You might also like