You are on page 1of 5

Disenyo at Pamamaraan ng Pananaliksik

Ang disenyo ng pananaliksik ay ang pangkalahatang estratehiya na pinipili ng mananaliksik


upang pagsama-samahin ang lahat ng bahagi at proseso ng pananaliksik sa maayos at lohikal na paraan.
Ayon sa Business Dictionary (2011), ang disenyo ng pananaliksik ang detalyadong balangkas kung paano
isasagawa ang imbestigasyon. Kadalasang nilalaman nito kung sa paanong paraan mangangalap ng datos
ang mananaliksik, ano at paano gagamitin ang napiling instrument, at ang mga pamamaraan kung
paanong susuriin ang datos.
Ayon kay David de Vaus (2011), kung mailalatag nang maayos ng isang mananaliksik ang
sistema at disenyo ng pananaliksik, tiyak na makakamit nito ang mga sumusunod:
• Matutukoy ng malinaw ang suliranin ng pananaliksik at mapangangatuwiranan ang pagkakapili
nito.
• Madaling makabubuo ng rebuy at sintesis ng mga naunang pag-aaral na may kinalaman sa paksa
at suliranin ng ginagawang pananaliksik;
• Malinaw at tiyak na matutukoy ang mga haypotesis na pinakasentral sa pag-aaral;
• Epektibong matutukoy at mailalarawan ang datos na kailangan sa pagsubok ng mga haypotesis
at maipaliliwanag kung paanong makakalap ang mga datos na ito; at
• Mailalarawan ang mga pamamaraan ng pagsusuri na gagamitin upang alamin kung tama o mali
ang mga haypotesis.

Nahahati sa iba’t ibang paraan at kategeorya ang disenyo ng pananaliksik batay na rin kung sa
anong disiplina ito nakalinya. Madalas na ginagamit bilang pangkalahatang distinksyon ng disenyo ang
pagiging kuwantitatibo (quantitative) o kuwalitatibo (qualitative) ng pananaliksik.
 Kuwantitatibo- Ang kuwantitatibong pananaliksik ay tumutukoy sa sistematiko at empirikal na
imbestigasyon ng iba’t ibang paksa at penomenong panlipunan sa pamamagitan ng
matematikal, estadistikal, at mga teknik na pamamaraan na gumagamit ng kompyutasyon.
Kadalasang ginagamitan din ito ng mga nasusukat at nakabalangkas na pamamaraan sa
pananaliksik gaya ng sarbey, eksperimentasyon, at pagsusuring estadistikal.
Ang mga halimbawa nito ay mga pag-aaral na pinopondohan ng gobyerno gaya ng sensus sa
populasyon, mga panlipunang indikasyon gaya ng antas ng kawalan ng trabaho, dami ng
naghihirap, o kaya ay mga impormasyon pang-ekonomiya gaya ng paraan ng paggastos ng mga
mamamayan ng isang bansa.
 Kuwalitatibo- Ang kuwalitatibong pananaliksik naman ay kinapapalooban ng mga uri ng
pagsisiyasat na ang layunin ay malalimang unawain ang pag-uugali at ugnayan ng mga tao at ang
dahilan na gumagabay rito. Ang disenyong ito ay pinapatnubayan ng paniniwalang ang pag-
uugali ng tao ay laging nakabatay sa mas malawak na kontekstong pinangyayarihan nito at ang
mga panlipunang realidad gaya ng kultura, institusyon, at ugnayang pantao na hindi maaaring
mabilang o masukat. Layunin nitong magpakita ng malinaw at detalyadong salaysay ng
karanasan ng tao.
Layunin nitong magpakita ng malinaw at detalyadong salaysay ng karanasan ng tao. Kabilang sa
mga metodong madalas gamitin sa ganitong uri ng pananaliksik ang pakikisalamuhang
obserbasyon (partisipatory observation), pakikipanayam, FGD o (focus group discussion) at
pagsusuri sa nilalaman.Ang kagamitang ginagamit sa pangangalap ng datos sa ganitong uri ng
pananaliksik ay walang tiyak na estruktura o kakikitaan lamang ng bahagyang estruktura at hindi
ginagamitan ng pagsusuring estadistikal ang datos na nakalap. Kung ang Kuwantitatibong
pananaliksik ay deskriptibo at depinitibo, ang kuwalitatibong pananliksik ay eksploratori.
Layunin lamang nitong magpaliwanag at magbigay ng inisyal na pagkaunawa tungo sa pagbuo ng
desisyon.
Bukod sa paghahating kuwantitatibo at kuwalitatibo, maikaklasipika rin ang pananaliksik batay
sa sumusunod na uri:
 Deskriptibo- Pinag-aaralan sa mga palarawang pananaliksik ang pangkasalukuyang ginagawa,
pamantayan, at kalagayan. Nagbibigay ito ng tugon sa mga tanong na sino, ano, kalian, saan at
paano na may kinalaman sa paksa ng pag-aaral. Hindi ito makatutugon sa mga tanong na “bakit”
sapagkat naglalarawan lamang ito ng tiyak at kasalukuyang kondisyon ng pangyayari at hindi ng
nakalipas o hinaharap.
Maaaring maging konkreto o abstrakto ang deskripsyon sa ganitong uri ng pananaliksik. Ang
halimbawa ng konkretong paglalarawan ay maaaring magpakita ng etnikong pagkakahati ng
isang komunidad o kaya ay nababagong katangian ng populasyon. Abstrakto naman ang
paglalarawan kung tinatangka nang sagutin ang mga tanong gaya ng “Bumaba o tumataas ba
ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan?” o kaya ay “Ano ang antas ng kahirapan sa isang
tiyak na komunidad?”
Halimbawa ng deskriptibong pananaliksik:
• Persepsiyon ng mga mag-aaral sa Divorce Bill.
• Antas ng paggamit ng apat na core values ng UST ng mga guro sa kanilang pagtuturo.

 Disenyong Action Research- Kaiba sa deskriptibong pananaliksik, inilalarawan at tinatasa ng


isang mananaliksik ang isang tiyak na kalagayan, pamamaraan, modelo, polisya, at iba pa sa
layuning palitan ito ng mas epektibong pamamaraan. Angkop na gamitin ang Action Research sa
larangan ng edukasyon upang mapabuti an mga programa o pamamaraan sa pagtuturo.
Makabuluhan at napapanahon ito upang paghusayin pa ang nakasanayang praktika at baguhin
kung may kahinaan o pagkukulang.
Halimbawa:
• Tunay nga bang epektibo ang modelong Outcome-Based Education (OBE) sa lalong pagkatuto ng
mga mag-aaral sa Arkitektura?
• Anong estratehiya sa pagtuturo ang pinakaepektibo sa pagkatuto ng mga mag-aaral na may
suliranin sa pandinig?

 Historikal- Ang historikal na pananaliksik ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng


pangangalap ng datos upang makabuo ng mga konklusyon hinggil sa nakaraan. Batay sa mga
datos at ebidenysa, pinalalalim ang pag-unawa sa nakaraan, kung paano at bakit nangyari ang
mga bagay-bagay, at ang pinagdaanang proseso kung paanong ang nakaraan ay naging
kasalukuyan.
Halimbawa:
• Pag-unlad ng Wikang pambansa ng Pilipinas

 Pag-aaral ng kaso/karanasan (Case Study)- Ang mga pananaliksik na nasa ganitong disenyo ay
naglalayong malalimang unawain ang isang partikular na kaso kaysa magbigay ng
pangkalahatang kongklusyon sa iba’t ibang paksa ng pag-aaral. Ginagamit ito upang paliitin,
maging mas ispesipiko, o kaya’y pumili lamang ng isang tiyak na halimbawa mula sa isang
napakalawak na paksa. Mahusay ang disenyong ito upang ipaunawa ang isang masalimuot na
paksa sa pamamagitan ng detalyadong pagsusuri ng konteksto ng mga pangyayari at ugnayan ng
mga ito.
Halimbawa:
• Kaso ng isang doktor na piniling maging caregiver sa Estados Unidos.
• Kahirapan sa Pagkatuto ng Ikalawang Wika; Kaso ng Ilang Mag-aaral ng UST na may Dalawang
Pagkamamamayan.
 Komparatibong Pananaliksik- Ang komparatibong pananaliksik ay naglalayong maghambing ng
anumang konsepto, kultura, bagay, pangyayari, at iba pa. Madalas na gamitin sa mga cross-
national na pag-aaral ang ganitong uri ng disenyo upang mailatag ang mga pagkakaiba at
pagkakatulad sa pagitan ng mga lipunan, kultura, at institusyon.
Halimbawa:
• Komparatibong pagsusuri ng mga panitikang pambata ng mga Tagalog at Bisaya.
• Komparatibong pagsusuri ng mga editorial cartoon ng Philippine Star at Philippine Daily Inquirer
sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas.

 Pamamaraang Nakabatay sa Pamantayan (Normative Studies)- Madalas na inihahanay sa


deskriptibong uri ng pananaliksik ang disenyong normative dahil naglalayon itong maglarawan
ng anomang paksa. Gayunpaman, naiiba ang disenyong ito sapagkat hindi lamang simpleng
deskripsyon ang layunin nito, kundi nagbibigay-diin sa pagpapabuti o pagpapaunlad ng
populasyong pinag-aaralan batay sa mga tanggap na modelo o pamantayan. Madalas na bahagi
ng rekomendasyon ng ganitong pananaliksik ang proyekto o pagpaplano upang makasapat o
makasunod sa hinihinging batayan ng sinomang kalahok sa pananalisik.
Halimbawa:
• Pagsusuri ng Kakayahan sa Matematika ng mga Mag-aaral ng Magsaysay High School Batay sa
Itinatakdang Kompetensi ng DEPED.
• Bumababang kakayahan ng mga guro sa Ingles sa pagsasalita o pagtuturo ng Wikang Ingles.

 Etnograpikong Pag-aaral- Ang etnograpiya ay isang uri ng pananaliksik sa agham panlipunan na


nag-iimbestiga sa kaugalian, pamumuhay, at iba’t ibang gawi ng isang komunidad sa
pamamagitan ng pakikisalamuha rito. Nakabatay ito sa pagtuklas ng isang panlipunang
konteksto at ng mga taong naninirahan dito sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang mga
pagpapahalaga, pangangailangan, wika, kultura, at iba pa. Nangangailangan ito ng field study na
isang pamamaraan ng pagtatala ng mga datos at pangyayari sa pamamagitan ng mga pandama
(pagmamasid, pang-amoy, pandinig at panlasa).
Halimbawa:
• Pagpapakahulugan kay Rizal ng mga Milinaryong Kilusan sa Banahaw.

 Disenyong Eksploratori- Isinasagawa ang disenyong eksploratori kung wala pang gaanong pag-
aaral na naisagawa tungkol sa isang paksa o suliranin. Ang pokus nito ay upang magkaroon ng
mas malawak na kaalaman sa isang paksa na maaaring magbigay–daan sa mas malawak at
komprehensibong pananaliksik. Layunin nitong makapaglatag ng mga bagong ideya at palagay o
kaya ay makabuo ng mga tentatibong teorya o haypotesis tungo sa mas malalim na pagkaunawa
ng paksa.
Halimbawa:
• Panimulang Pag-unawa sa Masaker sa Mamasapano Kaugnay ng Usapang Pangkapayapaan sa
Mindanao.

Metodolohiya ng Pananaliksik:
Ang metodolohiya ay sistematikong kalipunan ng mga metodo o pamamaraan at proseso ng
imbestigasyon na ginagamit sa pangangalap ng datos sa isang pananaliksik. Nagmula ito sa mga
katagang Latin na methodus na nangangahulugang patakaran o alituntunin at logia na
nangangahulugang larangan ng pag-aaral. Nahahati sa limang mahahalagang bahagi ang nilalaman ng
metodolohiya ng pananaliksik.
1. Disenyo at Pamamaraan ng Pananaliksik
Ang disenyo ay tumutukoy sa kabuuang balangkas at pagkakaayos ng pananaliksik, ang
pamamaraan naman ay tumutukoy sa kung paanong mabibigyang-katuparan ang disenyo. Iba’t ibang
pamamaraan ang maaaring isasagawa ng isang mananaliksik batay sa itinakdang suliranin ng
pananaliksik. Narito ang ilang batayang pamamaraan.
a.) Sarbey- Isang metodo na ginagamit upang mangalap ng datos sa sistematikong pamamaraan sa isang
tiyak na populasyon o sampol ng pananaliksik. Kadalasang ginagamitan ng payak na questionnaire ang
sarbey na hinahayaang sagutan ng mga kalahok. Ang mga sumusunod ang halimbawa ng mga suliranin
sa pananaliksik na maaaring gamitan ng sarbey:
• Ilang bahagdan ng mga Pilipino ang nagtitiwala pa sa pangulo ng Pilipinas?
• Gaano karaming mag-aaral ang nakauunawa sa isyu ng Charter Change?
b.) Pakikipanayam o Interbyu- Ito ay pagkuha ng impormasyon sa isang kalahok na may awtoridad o di
kaya ay may personal na pagkaunawa sa paksa ng pananaliksik.Naglalayon ang pakikipanayam na
kumuha ng malalim at malawak na impormasyon mula sa taong kakapanayamin. Gayunpaman may
tinatawag ding structured interview o nakabalangkas na pakikipanayam kung saan halos eksakto o tiyak
ang pagtatanong gaya ng mga nasa talatanungn na ginagamit ng sarbey. Ang kaibahan lamang ay
pasalita ang pamamaraan nito at binabasa ng mananaliksik ang mga tanong sa tagasagot.
Ang semi-structured interview o pakikipanayam na bahagyang nakabalangkas naman ay mas
nagbibigay ng kontrol sa mananaliksik o tagatanong sa magiging daloy ng panayam. Ginagamitan lamang
ito ng mga gabay na tanong upang maging maayos at sistematiko ang daloy ng panayam ngunit hindi
istrikto ang pagsunod dito at nagpapaubaya sa pagpapalalim at pagpapalawak ng tanong na nagmumula
sa impormasyong ibinibigay ng kinakapanayam. Mahalaga sa ganitong uri ng pakikipanayam ang husay
sa pagbuo ng mga kasunod at kaugnay na tanong (follow-up questions) upang mapalalim ang panayam.
Maaari ding unstructured o walang estruktura ang pakikipanayam. Ang layunin nito ay upan galugarin
ang nararamdaman ng kalahok tungkol sa paksa ng panayam. Maaari ding maging paksa ng panayam
ang kuwentong-buhay o partikular na karanasan ng kalahok. Kadalasang impormal ang paraan ng
pagtatanong sa ganitong uri ng panayam.

Narito ang ilang paalala sa pagsasagawa ng pakikipanayam:


● Maging maagap sa itinakdang oras ng panayam.
● Ihanda ang gabay sa panayam at iba pang kakailanganing materyales gaya ng recorder,
camcorder o anumang
kasangkapan sa pagtatala.
● Magsasagawa ng inisyal na pananaliksik tungkol sa kakapanayamin.
● Magsalita ng malinaw kung nagtatanong o nagpapaliwanag at maging magalang sa bawat kilos
at pagsasalita.
● Magbigay ng simpleng token o sulat ng pasasalamat sa taong kinakapanayam, hindi bilang suhol,
kundi pagpapakita ng pagpapahalaga sa pras na inilaan ng kalahok.

c.) Dokumentaryong Pagsusuri- Ang dokumentaryong pagsusuri ay isang pamamaraan sa pananaliksik


na ginagamit upang kumalap ng impormasyon na susuporta at magpapatibay sa mga datos ng
pananaliksik sa pamamagitan ng analitikal na pagbasa sa mga nakasulat na komunikasyon at mga
dokumento upang malutas ang mga suliranin. Madalas na ginagamit ito bilang sekondaryang
pamamaraan sa pagsusuri ng mga kaugnay na literatura o
kaya ay pangunahing pinagmulan ng resulta
ng pananaliksik.
d.) Nakabalangkas na Obserbasyon at Pakikisalamuhang Obserbasyon- Ginagamit ito sa mga uri ng
pananaliksik na nangangailangan ng field study gaya ng entograpiya. Ang nakabalangkas na
obserbasyon ay pagmamasid ng mananaliksik sa mga kalahok na pokus ng pag-aaral habang
sistematikong itinatala ang kanilang pagkilos, interaksyon, at pag-uugali sa pamamagitan ng gabay na
obserbasyon. Ang pakikisalamuhang obserbasyon naman ay pag-aaral sa kilos, pag-uugali at
interaksyon ng mga kalahok sa isang likas na kapaligiran. Kasabay ng sistematikong obserbasyon, ang
mananaliksik ay nakikisalamuha at nakikisali sa karaniwang mga proseso o pamumuhay ng mga tao sa
isang komunidad.
Ayon sa sikolohistang si Virgillo Enriquez, mahalagang isaalang-alang ang taal na kultura at
sikolohiya ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng ganitong metodo kung kaya’t iminungkahi niya ang mga
pamamaraang pakikisalamuha at pakikipagpalagayang-loob upang makakuha ng makatotohanan at
makabuluhang datos mula sa mga kalahok.

2. Lokal at Populasyon ng Pananaliksik


Sa bahaging ito ng metodolohiya, nakasaad ang mga batayang impormasyon tungkol sa kalahok
ng pananaliksik. Kabilang sa mga ito a kung sino, tagasaan, o kaya ay kung anong institusyon o
organisasyon may kaugnay ang kalahok. Ibinibigay ang batayang impormasyon gaya ng propesyon, edad,
at kasarian depende sa pangangailangan ng pananaliksik.
3. Kasangkapan sa Paglikom ng Datos
Sa bahaging ito ng metodolohiya, ilalahad ang uri ng kasangkapan o instrumentong gagamitin
upang maisagawa ang pamamaraan ng pananaliksik. Nakabatay sa disenyo at pamamaraan ang
instrumento. Halimbawa, kung magsasagawa ng pakikipanayam, kailangan ang gabay sa panayam o
talaan ng mga tanong. Kung obserbasyon, kailangan din ang isang talaan o checklist na magsisilbing
gabay sa mga dapat bigyang-pansin sa obserbasyon, o kung sarbey naman ay questionnaire o
talatanungan.
4. Paraan sa Paglikom ng Datos
Nilalaman naman ng bahaging ito ang hakbang-hakbang na plano at proseso sa pagkuha ng
datos. Maaaring gumawa ang mananaliksik ng dayagram upang maipakita ang mga hakbang sa
pangangalap ng datos o kaya ay ilahad na lamang ang mga ito.
5. Paraan sa Pagsusuri ng Datos
Kung kuwantitatibo ang pananaliksik, nakapaloob sa bahaging ito ang iba’t ibang estadistikal na
pamamaaan para sa komputasyon at pagsusuri ng datos.Kung kuwalitatibo naman, madalas na
tinutukoy rito kung paanong isasaayos at bubuuin ang mga kategorya o maliliit na paksa na
magpapaliwanag sa mga datos na nakalap. Ilalagay rin sa bahaging ito kung paano gagawing sistematiko
ang presentasyon ng datos para sa mas madaling interpretasyon at pagsusuri.

You might also like