You are on page 1of 2

Masayang Pamamaalam

2 Timothy 4:6-8, 16-18


Kadalasan ang pamamaalam ay malungkot. Ang paglisan ng isang tao ay nagdudulot ng dalamhati sa marami. Ngunit
tayong mga Kristiano ay may kakaibang pananaw sa kamatayan, kahit na ito ay itinuturing na permanenteng
pamamaalam ng isang mahal sa buhay. Ayon kay Apostol Pablo, “Para sa akin ang mabuhay ay kay Cristo at ang
kamatayan ay pakinabang.” (FIlipos 1:21).
Ano ang Kamatayan Para kay Pablo?
Ang kamatayan para kay Pablo sa ating aralin ay may dalawang paglalarawan: pagpanaw at inihahandog na.
1. Sabi ni Apostol Pablo, “Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw niya sa buhay na ito.” Sa talatang ito, ang
salitang pagpanaw ay figurative speech na katumbas ng departure sa English. Ito ay naglalarawan ng ilang bagay;
a. pamamaalam ng isang maglalayag sa dagat
b. babagbagin na ang tolda, para maitayo na ang permanenteng tahanan
c. pagpapalaya ng isang bihag.
d. palayain ang isang nakataling baka
2. Ang kamatayan din ay katumbas ng inihahandog na, ay naglalarawan sa alak na ibinubuhos sa handog na
susunuging hayop sa altar (Bilang 28:7). Dito, ang buhay ni Pablo ay isang naihandog sa altar ng Diyos. Kaya ang
kamatayan para sa kanya ay hindi wakas ng buhay kundi isang pag-aalay sa Diyos.
Ang kamatayan ay tiyak, para sa lahat. Walang hindi makakatikim ng karanasang. Ngunit may kakaiba sa pahayag ni
Pablo dahil sa kanyang kasiguruhan na, “Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid.” (v.6). Mayroon
siyang kasiguruhan ng kaligtasan.
Ang mga ito ay ating aaralin. Ang kasiguruhan ng kaligtasan ay katibayan na ng ating pananampalataya ay nakasalig
sa katotohanan at ito ay tunay na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Hindi ito isang “bakasakaling”
paniniwala. Ang sinumang sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay may buhay na walang hanggan ayon sa pangako
ng Salita ng Diyos.
May binanggit na dahilan si Pablo sa kanyang kasiguruhan ng kaligtasan.
1. Una, sabi niya, “Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban. (v. 7)”. Ang buhay Kristiano ay araw-araw na labanan ng
buhay. Tayo ay nasa panig ng Diyos laban sa kasamaan, kawalan ng katarungan at pang-aabuso. Kalaban natin ang
mga kasamaan na namamayani sa mundong ito (Efeso 6:12). Bilang Kristiano, kakampi natin ang mga mahihirap,
mabubuti, balo at iba pang mahal sa Diyos.
2. Pangalawa, natapos ni Pablo ang kanyang takbuhin.
Gamit dito ni Pablo ang larawan ng isang mananakbo na tumatapos ng kanyang takbuhin (marathon). Hindi usapin
dito kung nauna siya o nahuli. Ang mahalaga, natapos niya ang takbuhin, at ito ang dignidad ng kanyang buhay. Hindi
niya tinakasan ang kanyang tungkulin sa buhay dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, patuloy siyang
naglilingkod sa Diyos.
3. Pangatlo, nanatili siyang tapat sa pananampalataya.
Ang tinutukoy na “pananampalataya” dito ay hindi pangkalahatang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Marami kasi
ang maling akala, na basta raw naniniwala na sila sa Diyos, may pananampalataya na sila. Ito ay mali, dahil kahit si
Satanas ay naniniwala na may Diyos (Santiago 2:19). Ang sinasabing pananampalataya ni Pablo ay tungkol sa
paninindigan sa;
a. tamang doktrina, dahil hindi naman pare-pareho lang ang mga relihiyon. Hindi tamang relihiyon ang kahit anong
sekta. Kailangang sigurado ang bawat isa na tama ang mga doktrina ng kanyang kinaaanibang sekta.
b. tamang ministeryo, ang bawat isa ay may gawaing pinapagawa ng Diyos bilang misyon natin sa buhay. Wala
tayong karapatan gamitin ang ating buhay sa anumang nais nating paggamit.
4. Panghuli, may kasiguruhan ng kaligtasan si Pablo dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.
Sabi niya, “Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas
sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.”
Ang kaligtasang sinasabi ni Pablo ay pananampalatayang may gawa. Sinabi niya na ang Diyos ang magliligtas sa
kanya at ginawa ng apostol ang kanyang tungkulin. At ito ang nagbigay sa kanya ang kasiguruhan ng kaligtasan sa
kanyang pamamaalam.
Ang paninindigan ito ng apostol ay mababasa rin sa Gawa 20:24, “Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay
magawa ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, ang
pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.”
Walang ibang inisip si Pablo kundi ang mabuhay para maglingkod sa Panginoong Jesus. At kung mamamatay na siya ,
paghahandog pa rin ang kahulugan ng kanyang paglisan sa mundo.
Panalo Tayo!
Ang buhay Kristiano ay buhay na walang talo. Kamatayan man o buhay, iisa lang ang ating patutunguhan - buhay na
walang hanggan kasama ang Diyos. Para sa atin, walang masamang epekto ang kamatayan - dahil kay Cristo maging
ang kamatayan ay nagiging pakinabang.
Mga Tanong:
1. Ano ang nagbibigay takot sa ibang tao tungkol sa kamatayan? Paano nakatutulong ang tamang doktrina tungkol sa
kaligtasan, para maging payapa ang isang malapit ng mamatay?
2. May tama at maling paniniwala tungkol sa kamatayan. Ang mga maling paniniwala ay karaniwang superstitious
beliefs. Paano nakatutulong ang kaalaman mula sa Biblia upang iwasto ang mga Ito?

You might also like