You are on page 1of 12

Republic of the Philippines

Department of Education
Region III - - Central Luzon

Schools Division OF CITY OF MEYCAUAYAN

MEYCAUAYAN NATIONAL HIGHSCHOOL

Camalig, City of Meycauayan, Bulacan

ARALING PANLIPUNAN 10 (IKAAPAT NA MARKAHAN)

Unang Linggo at Ikalawang Linggo

PANIMULA

Ang modyul na ito ay ginawa at isinulat para sa iyong kapakinabangan. Ito ay


upang matulungan kang unawain ang mga araling tinatalakay sa Araling Panlipunan
Baitang 10.
Ang modyul na ito ay naglalayong maipaliwanag ang kahalagahan ng aktibong
pagkamamamayan. Ano ba ang konsepto ng pagkamamamayan o citizenship? Ano-ano
ang pagkakahawig at pagkakaiba ng legal at lumalawak na pananaw? Paano ba maging
isang mabuting mamamayan ang isang kabataang katulad mo?
Sa pagtatapos mo nang modyul na ito, ikaw ay inaasahang:
1. nakatutukoy ng mga katangian na dapat taglayin ng isang aktibong
mamamayan na nakikilahok sa mga gawain at usaping pansibiko;
2. nakasusuri ng mga pagbabago sa konsepto ng pagkamamamayan; at
3. napahahalagahan ang papel ng isang mamamayan para sa pagbabagong
panlipunan
MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO

Naipapaliwanag ang kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan. (AP10PKK-IVa-1)

PANAHON

Unang Linggo at Ikalawang Linggo

NILALAMAN

Aktibong Pagkamamamayan

PANIMULANG PAGTATAYA

Panuto: Basahin nang may pang-unawa ang sumusunod na katanungan. Isulat sa


papel ang letra ng tamang kasagutan.

1. Ito ay tumutukoy sa kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng


isang pamayanan o estado.
A. pagkamamamayan C. gawaing pansibiko
B. karapatang pantao D. mabuting pamamahalaan

2. Malinaw na inilalahad sa Saligang Batas ng 1987 kung sino ba ang maituturing


na mga tunay na mamamayang Pilipino. Itinatadhana ito sa:
A. Artikulo 3 C. Artikulo 5
B. Artikulo 4 D. Artikulo 6

1
3. Alin sa mga sumusunod ang hindi maituturing na Pilipino?
A. mga naging mamamayan ayon sa batas
B. ang ama o ina na mamamayan ng Pilipinas
C. ang mamamayan ng Pilipinas ng pagtibayin ang Saligang Batas ng
1987
D. mga isinilang pagkatapos sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga
ina ay Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa
karampatang gulang

4. Si Franchesca ay ipinanganak at lumaki sa Amerika. Ang pareho niyang mga


magulang ay kapwa Pilipino. Si Franchesca ay:
A. walang pagkamamamayan.
B. mamamayang Pilipino lamang.
C. mamamayang Amerikano lamang.
D. parehong mamamayang Pilipino at Amerikano.

5. Nakapangasawa ng isang British si Joia at nagdesisyon silang sa England na


manirahan. Madalas pa rin siyang umuwi sa Pilipinas upang dalawin ang
kanyang mga magulang at kapatid at para na rin magbakasyon. Ano ang
pagkamamamayan ni Joia?
A. British, sapagkat sa England na siya naninirahan.
B. British, sapagkat nakapangasawa na siya sa England.
C. Pilipino, sapagkat hindi naman niya itinakwil ang kanyang
pagkamamamayan.
D. Pilipino, sapagkat madalas pa rin naman siyang umuwi sa Pilipinas
para dalawin ang kanyang pamilya at magbakasyon.

6. Sa pamamagitan ng Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003,


binibigyan ng pagkakataon ang mga dating mamamayang Pilipino na naging
mamamayan ng ibang bansa na maging mamamayang Pilipino muli sa
pamamagitan ng naturalisasyon. Siya ay magkakaroon ng dalawang
pagkamamamayan. Ang batas na ito ay kilala rin bilang:
A. Republic Act No. 9125 C. Republic Act No. 9325
B. Republic Act No. 9225 D. Republic Act No. 9425

7. Si Yuan ay likas o katutubong Pilipino dahil:


A. siya ay ipinanganak sa Pilipinas.
B. dumaan siya sa proseso ng naturalisasyon.
C. pareho sa kanyang mga magulang ay Pilipino.
D. pinagkalooban siya ng hukuman ng pagkamamamayang Pilipino.

8. Kung ang pagkamamamayan ng isang tao ay nakabatay sa pagkamamamayan


ng kanyang mga magulang, ito ay sumusunod sa prinsipyo ng:
A. jus soli C. jus naturale
B. jus civile D. jus sanguinis

9. Kung ang pagkamamamayan naman ng isang tao ay nakabatay sa lugar kung


saan siya ipinanganak, ito ay sumusunod sa prinsipyo ng:
A. jus soli C. jus naturale
B. jus civile D. jus sanguinis

2
10. Sa patuloy na paglawak ng konsepto ng pagkamamamayan, hindi na lamang
ito nananatili sa legal na konteksto. Isa sa mga pinakamahalagang aspekto nito
sa kasalukuyan ay ang:
A. pagkakabit-bisig upang isulong ang mga pansariling interes
B. pagkakabuklod-buklod ng mga tao tungo sa ikabubuti ng kanilang
lipunan.
C. pagsasama-sama ng mga indibiduwal upang ipagtanggol ang interes ng
pangulo.
D. pagkakaisa ng mga mamamayan upang magkaroon ng isang malakas
na pamahalaan.

Aralin
Aktibong Pagkamamamayan
1
SIMULAN NATIN!

Paano ba maging isang mabuting mamamayan ang isang kabataang katulad mo?

Panatang Makabayan
Hinalaw mula sa DepEd Order 54, s. 2001

Iniibig ko ang Pilipinas,


aking lupang sinilangan,
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
Diringgin ko ang payo
ng aking magulang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan:
naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas

3
Pamprosesong Tanong

1. Ano ano ang mga pangakong inilahad sa panata?

2. Bakit mahalagang gawin ng isang kabataang katulad mo ang mga tungkulin at


pananagutang iyong nabasa?

3. Bilang isang mamamayang Pilipino, paano ka makatutulong sa paglago at pag-


unlad ng bansang kinabibilangan mo?

PAYABUNGIN NATIN

Maraming mga tao sa buong mundo ang kailanman ay hindi nakaranas o nakasaksi sa
aktibo at kritikal na pagkamamamayan. Ang ibang mga kultura sa ilang mga bansa ay
mas pinahahalagahan ang pagsunod sa mga nasa kapangyarihan kumpara sa aktibong
pakikisangkot sa pamamahala. Ang usapin ng aktibong pagkamamamayan ay lubhang
mahalaga upang mas maimulat ang mga tao sa kanilang gampanin at responsibilidad
tungo sa kanilang minimithing mas maunlad at progresibong lipunan. Ano ba ang ibig
sabihin ng pagkamamayan o citizenship?

Konsepto ng Pagkamamamayan

1. Legal na Pananaw
Ang konsepto ng pagkamamamayan o citizenship ay tumutukoy sa
kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng isang pamayanan o
estado. Tinitingnan natin ang pagkamamamayan bilang isang legal na
kalagayan ng isang indibiduwal sa isang nasyon o/estado.
Ayon kay Heywood (1994), ang pagkamamamayan ay tumutukoy sa
ugnayan sa pagitan ng mga indibiduwal at ng estado, na kung saan ang
dalawa ay pinagbigkis ng reciprocal na karapatan at pananagutan. Malinaw
na inilalahad sa Artikulo IV ng Saligang Batas ng 1987 kung sino ba ang
maituturing na tunay na mamamayang Pilipino.

Artikulo IV: Pagkamamamayan

Seksiyon 1. Ang sumusunod ay mamamayan ng Pilipinas:


1) yaong mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagpapatibay ng
Saligang Batas na ito;
2) yaong ang mga ama o mga ina ay mamamayan ng Pilipinas;
3) yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga
ina ay Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit
sa karampatang gulang; at
4) yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.

Seksiyon 2. Ang katutubong inianak na mamamayan ay yaong mamamayan ng


Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang
gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang
kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga nagpasiya na
maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksiyong 1, Talataan 3 nito
ay dapat ituring na katutubong inianak na mamamayan.
Seksiyon 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling
matamo sa paraang itinatadhana ng batas.

4
Seksiyon 4. Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mamamayan
ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa
kanilang kagagawan o pagkukulang, sila at ituturing, sa ilalim ng
batas, na nagtakwil nito.

Seksiyon 5. Ang dalawang katapatan ng mamamayan ay salungat sa kapakanang


pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.

Batay naman sa Republic Act No. 9225 o Citizenship Retention and Re-
acquisition Act of 2003, ang mga dating mamamayang Pilipino an naging
mamamayan ng ibang bansa sa pamamagitan ng naturalisasyon ay maaaring
maging mamamayang Pilipino muli. Siya ay magkakaroon ng dalawang
pagkamamamayan (dual citizenship).

Dalawang Uri ng Mamamayan


1. Likas o Katutubo- anak ng Pilipino, parehong mga magulang o alinman
2. Naturalisado- dating dayuhan na naging mamamayang Pilipino dahil sa
proseso ng naturalisasyon

Mga Prinsipyo ng Pagkamamamayan


1. Jus sanguinis. Ang pagkamamamayan ng isang tao ay nakabatay sa
pagkamamamayan ng isa sa kaniyang mga magulang. Ito ang prinsipyong
sinusunod sa Pilipinas.
2. Jus soli. Ang pagkamamamayan ay nakabatay sa lugar kung saan siya
ipinanganak. Ito ang prinsipyong sinusunod sa Amerika.
Pagkawala ng Pagkamamamayang Pilipino
Sa kabila nito ay maaaring mawala ang pagkamamamayan ng isang
indibiduwal. Unang dahilan ay kung siya ay sasailalim sa proseso ng
naturalisasyon sa ibang bansa. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
a. ang panunumpa ng katapatan sa Saligang Batas ng ibang bansa;
b. tumakas sa hukbong sandatahan ng ating bansa kapag may digmaan; at
c. nawala na ang bisa ng naturalisasyon.

2. Lumawak na Pananaw
Sa patuloy na pagbabago ng ating lipunan, patuloy din na lumalawak ang
konsepto ng pagkamamamayan. Isa sa mga pinakamahalagang aspekto ng
pagkamamamayan sa kasalukuyan ay ang pagkakabuklod-buklod ng mga tao
tungo sa ikabubuti ng kanilang lipunan. Ang kanilang pagtugon sa mga tuntunin
at tungkuling inaasahan mula sa kanila ay mahalaga para sa ikatatamo ng
kabutihang panlahat.
Ang mamamayan ngayon ay hindi tagasunod lamang sa mga ipinag-uutos ng
pamahalaan sapagkat wala namang monopolyo ang pamahalaan sa mga
patakarang ipatutupad nito sa isang estado. Ibig sabihin, hinihikayat ang kanilang
aktibong pakikipag-ugnayan at pakikipagdiyalogo upang bumuo ng isang
kolektibong pananaw at tugon sa mga hamon at usaping kinakaharap ng
pamayanan o bansa.
Maaaring maging aktibo ang mga indibiduwal sa kani-kanilang mga
pamayanan sa iba’t ibang mga paraan. Pinipili ng ilan na makialam sa isyu at
usaping tuwirang nakaaapekto sa kanilang buhay sa lokal na antas samantalang
ang ilan naman ay gustong makapagdulot ng pagbabago sa mga usaping may
pandaigdigang saklaw.
Ang isang aktibong mamamayan ay hindi lamang nalilimitahan sa pagsunod
sa mga batas at hindi pagsuway dito. Sa ilang mga pagkakataon ay sinusubok nila
ang mga panuntunan at mga umiiral na istruktura, ngunit palagiang nananatili sa
mga hangganan ng mga demokratikong pamamaraan at hindi nakikisangkot sa
mga gawaing mararahas. Niyayakap nila ang mga pagpapahalagang nakaugat sa
aktibong pagkamamamayan kabilang ang paggalang sa katarungan, demokrasya,
5
at pananaig ng batas (rule of law); pagiging bukas (openness); pagpaparaya
(tolerance); lakas ng loob na ipagtanggol ang isang pananaw; at may pagnanais na
makinig, makipagtulungan at manindigan para sa iba.
Noong Agosto 19, 1939, kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-61 taon ng
kaniyang kaarawan, nagpalabas ang Pangulong Manuel L. Quezon ng Atas
Tagapagpaganap Blg. 217 (Executive Order No. 217) ng mga panuntunang sibiko at
etikal- na tinatawag na Kodigo ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal- na
ituturo sa lahat ng mga paaralan. Ang mga aral ng nasabing kodigo ay nananatiling
buhay at mahalaga sa kasalukuyang panahon.
1. Magtiwala ka sa Poong Maykapal na
gumagabay sa kapalaran ng mga tao at mga
bansa.

2. Mahalin mo ang iyong bayan sapagkat ito


ang iyong tahanan, pinagmumulan ng iyong
pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan
at pagiging tao. Ang pagtatanggol sa bayan
ang pangunahin mong tungkulin. Maging
handa sa lahat ng oras na magpakasakit at
ialay ang buhay kung kinakailangan.

3. Igalang mo ang Saligang Batas na


nagpapahayag ng makapangyarihang
kalooban. Itinatag ang Saligang Batas para
sa iyong kaligtasan at sariling kapakanan.
Sundin ang mga batas at tiyaking
sinusunod ito ng lahat ng mamamayan at
tumutupad sa kanilang tungkulin ang mga
pinuno ng bayan.

4. Kusang magbayad ng mga buwis at maging maluwag sa kalooban ang maagap


na pagbabayad nito. Alalahaning ang pagkamamamayan ay hindi lamang mga
karapatan ang taglay kung hindi maging mga pananagutan din.

5. Panatilihing malinis ang halalan at sumunod sa pasya ng nakararami.

6. Mahalin at igalang ang iyong mga magulang. Paglingkuran mo silang mabuti


at pasalamatan.

7. Pahalagahan mo ang iyong karangalan gaya ng pagpapahalaga mo sa iyong


buhay. Ang karalitaang may dangal ay higit na mahalaga kaysa yamang
walang karangalan.

8. Maging matapat sa pag-iisip at sa gawa. Maging makatarungan at


mapagkawanggawa, ngunit marangal sa pakikitungo sa kapwa.

9. Mamuhay nang malinis at walang pag-aaksaya. Huwag maging maluho at


mapagkunwari. Maging simple sa pananamit at kumilos nang maayos.

10. Mamuhay na gaya ng inaasahan sa iyo ng marangal na tradisyon ng ating


lahi. Igalang ang alaala ng ating mga bayani. Ang kanilang buhay ay
halimbawa ng daan tungo sa tungkulin at karangalan.

11. Maging masipag. Huwag ikatakot o ikahiya ang pagbabanat ng buto. Ang
pagiging masipag ay daan tungo sa isang matatag na kabuhayan at sa yaman
ng bansa.

12. Umasa sa iyong kakayahan sa pag-unlad at kaligayahan. Huwag agad


mawawalan ng pag-asa. Magsikap upang makamit ang katuparan ng iyong
mga layunin.

6
13. Gampanang maluwag sa kalooban ang iyong mga tungkulin. Ang gawaing
hindi maayos ay higit na masama sa gawaing hindi tinapos. Huwag
ipagpabukas ang gawaing maaari mong gawin ngayon.

14. Tumulong sa kagalingan ng iyong pamayanan at palaganapin ang


katarungang panlipunan. Hindi ka nabubuhay na nag-iisa kapiling ang iyong
mag-anak lamang. Bahagi ka ng isang lipunang pinagkakautangan ng
pananagutan.

15. Ugaliin ang pagtangkilik sa sariling atin at sa mga kalakal na gawa rito sa
atin.

16. Gamitin at linangin ang ating likas na yaman at pangalagaan ito para sa
susunod na salinlahi. Ang mga kayamanang ito ay minana pa natin sa ating
mga ninuno. Huwag mong gawing kalakal ang iyong pagkamamamayan.

SAGUTIN NATIN
Gawain # 1: Tukoy-Salita
Panuto: Basahing mabuti ang mga pahayag. Tukuyin kung anong salita ang
inilalarawan ng mga pangungusap. Piliin mula sa kahon ang salitang naglalarawan sa
mga sumusunod. Isulat sa papel ang iyong sagot.

jus sanguinis naturalisasyon


jus soli Saligang Batas
pagkamamamayan legal na pananaw

______1. Ito ay tumutukoy sa kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro


ng isang pamayanan o estado.
______2. Ito ang kasulatang naglalahad kung sino-sino ba ang maituturing na mga
mamamayang Pilipino.
______3. Ito ang prinsipyo ng pagkamamamayang nakabatay sa citizenship ng
alinman sa kaniyang mga magulang.
______4. Ito ang prinsipyo ng pagkamamamayang nakabatay sa lugar kung saan
siya ipinanganak.
______5. Ito ay tumutukoy sa legal na paraan kung saan ang isang dayuhan na nais
maging mamamayan ng isang bansa ay sasailalim sa isang proseso sa
korte.

Gawain # 2: Pinoy Ako


Panuto: Basahin ang sumusunod na sitwasyon. Isulat sa papel ang NT kung ang
pagkamamamayang Pilipino ay natamo, NW kung nawala at MMT naman kung muling
matatamo.
1. Ako si Irvin, ipinanganak sa Nueva Ecija. Ang ama ko ay Pilipino. Tsino ang aking
ina. Ang aking pagkamamamayang Pilipino ay .
2. Ako ay si Lorenz. Sumapi ako sa Hukbong Sandatahan ng Amerika. Ang aking
pagkamamamayang Pilipino ay .
3. Ako ay si Lianne. Ang tatay at nanay ko ay Kapampangan. Ang aking
pagkamamamayang Pilipino ay .
4. Ako si Marisse. Nakapag-asawa ako ng taga-Canada at doon na kami
naninirahan. Ang aking pagkamamamayang Pilipino ay .
5. Ako si Juvy ay naging mamamayang British. Nagbalik-bayan ako at gusto kong
maging Pilipino muli. Nagharap ako ng kahilingan sa hukuman at pinagtibay ito
ng Kongreso. Ang aking pagkamamamayang Pilipino ay .
7
Gawain # 3 : Salita at Guhit ng Pag-unawa
Panuto: Gumuhit ng sariling naging pag-unawa sa paksang Pagkamamamayang
Pilipino. Pagkatapos ay bigyan paliwanag ang iyong ginawa sa lima o higit na
pangungusap.

8
Gawain # 4: Sum It Up!
Panuto: Isa-isahin ang mga pagpapahalagang nakaugat sa aktibong
pagkamamamayan. Pagkatapos ay ipaliwanag kung paano makatutugon ang mga ito sa
pagtupad mo bilang kabataang Pilipino sa mga gampanin at pananagutang inaasahan
mula sa iyo. Isulat sa papel ang hinihingi ng graphic organizer sa ibaba.

Gawain # 5: PILIPINO O HINDI


Panuto: Kilalanin ang ng mga sumusunod. Isulat ang PILIPINO kung nagpapakita ito
ng pagka-Pilipino at HINDI kung walang pagpapakita.

_______________ !. Si Julius ay anak ng isang Igorot at isang


Ilokano. Naninirahan sila sa Maynila.
_______________ 2. Nagbabakasyon sa Pilipinas tuwing mahal
na araw si Nyro na Isang Australyano.
_______________ 3. Si Smith na isang Amerikano ay
nakapagpatayo ng isang malaking kompanya
saPilipinas.Tatlong na siyang naninirahan sa Pilipinas.
_______________ 4. Si Lenie ay ipinanganak sa Cebu. Ang
kanyang ama ay Pilipino at kaniyang ina ay Haponesa.
_______________ 5. Si Kapitan Ben ay isang sundalong Pilipino
na naninirahan sa Mindanao. Nang sumiklab ang labanan
sa Abu Sayaf at Military ,siya ay tumakas kasama ang
kaniyang pamilya.
_______________ 6. Si Tyron ay isang dayuhan ngunit sampung
taon ng naninirahan sa Pilipinas at dito na rin
nakapagasawa.
_______________ 7. Ang pamilya ni Danica ay purong Pilipino. Sila
ay nanirahan sa Japan simula ipanganak siya.

9
_______________ 8. Si Maria ay isang katutubong Mangyan at nag
aral sa Samar. Dito na din nagtrabaho.
_______________ 9. Si Yuan ay isang Chinese business tycon ng
malaking kompanya sa bansa. Ngunit madalas pumunta sa
Pilipinas.
___________10. Si Jack Ma ay kilalang negosyante.. May malasakit sa mga
Pilipino at madalas dumalaw sa Pilipinas. Marami siyang kaibigang Pilipino.
Namamahagi din ng mga donasyon sa mga Pilipino na nangangailangan.

Gawain # 6: Ako Bilang Isang Aktibong Mamamayan


PANUTO:

1. Sumulat sa unang kahon ng limang gawain na sa tingin mo ay nagpapakita ng iyong pagiging aktibong
mamamayan mula sa ligal na pananaw

2. Sa ikalawang kahon naman ay isulat ang limang gawain na sa iyong tingin ay nagpapakita ng pagiging
aktibong mamamayan mula sa lumawak na pananaw . Pagkatapos ay bigyan paliwanag ang iyong mga
tinala.

PALIWANAG:
__________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________

ISAISIP NATIN!

Ang konsepto ng pagkamamamayan o citizenship ay


tumutukoy sa kalagayan o katayuan ng isang tao bilang
miyembro ng isang pamayanan o estado. Tinitingnan natin
ang pagkamamamayan bilang isang legal na kalagayan ng
isang indibiduwal sa isang nasyon o/estado.
10
PANGWAKAS NA PAGTATAYA

Panuto: Basahin at unawain ang bawat pahayag, sitwasyon, o tanong. Piliin at isulat
sa papel ang letra ng tamang kasagutan.

1. Ang kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng isang pamayanan o


estado ay mas kilala bilang:
A. karapatang pantao. C. gawaing pansibiko.
B. pagkamamamayan. D. mabuting pamamahala.

2. Saang bahagi ng Saligang Batas ng 1987 ipinaliliwanag ang mga probisyon ukol
samga tunay na mamamayang Pilipino?
A. Artikulo 7 C. Artikulo 5
B. Artikulo 6 D. Artikulo 4

3. Sino sa sumusunod ang hindi maituturing na Pilipino?


A. Mga naging mamamayan ayon sa batas
B. Ang ama ni Rachelle ay mamamayan ng Pilipinas.
C. Mamamayan ng Pilipinas si Abdul nang pagtibayin ang Saligang Batas ng
1987
D. Isinilang noong Enero 15, 1995 si Mich. Ang kaniyang ina ay Pilipino.
Pinili niya ang pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang
gulang.

4. Ang ama at ina ni Mark ay kapwa Pilipino subalit ipinanganak at lumaki siya sa
California. Si Mark ay:
A. walang pagkamamamayan.
B. mamamayang Pilipino lamang.
C. mamamayang Amerikano lamang.
D. parehong mamamayang Pilipino at Amerikano.

5. Likas o katutubong Pilipino si Chris dahil:


A. siya ay ipinanganak sa Pilipinas.
B. dumaan siya sa proseso ng naturalisasyon.
C. pareho sa kanyang mga magulang ay Pilipino.
D. pinagkalooban siya ng hukuman ng pagkamamamayang Pilipino.

6. Dahil ang ama ni Marlon ay Pilipino, Pilipino rin siyang maituturing. Ito ay
sumusunod sa prinsipyo ng:
A. jus soli. C. jus naturale.
B. jus civile. D. jus sanguinis.

7. Dahil sa United States of America ipinanganak si Diego, lumalabas na siya ay


mamamayang Amerikano. Ito ay sumusunod sa prinsipyo ng:
A. jus soli. C. jus naturale.
B. jus civile. D. jus sanguinis.

8. Isa sa pinakamahalagang aspekto ng pagkamamamayan sa kasalukuyan ay ang:


A. pagkakabit-bisig upang isulong ang mga pansariling interes.

11
B. pagkakabuklod-buklod ng mga tao tungo sa ikabubuti ng kanilang
lipunan.
C. pagsasama-sama ng mga indibiduwal upang ipagtanggol ang interes ng
pangulo.
D. pagkakaisa ng mga mamamayan upang magkaroon ng isang malakas na
pamahalaan.

9. Nagpalabas si Pangulong Manuel L. Quezon noong 1939 ng mga panuntunang sibiko


at etika na ituturo sa lahat ng mga paaralan sa bisa ng Executive Order No. 217. Ito ay
kilala sa tawag na:
A. Kodigo ng Pagka-Pilipino at Kabutihang Asal.
B. Kodigo ng Pagkamamamayan at Kabutihang Asal.
C. Kodigo ng Pagkamakabayan at Kagandahang Asal.
D. Kodigo ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal.

10. Ang aktibong pagkamamamayan ay:


A. nakakahon lamang sa pagsunod sa mga batas.
B. pakikialam sa mga isyung direkta lamang na nakaaapekto sa kanila.
C. maipapakita sa pagsunod lamang sa lahat ng mga ipinag-uutos ng
pamahalaan.
D. maaaring isagawa ng mga indibiduwal sa kani-kanilang mga pamayanan
sa iba’t ibang mga paraan.

TALASANGGUNIAN

Curriculum and Teacher's Guide, Araling Panlipunan 10,


Department of Education, Region III- Central Luzon, 2017

Department of Education, Araling Panlipunan Grade 10 LM, 354-361,


https://aralingpanlipunan9santolanhs.wordpress.com/curriculum/grade-10/

“Quezon’s Code of Citizenship and Ethics”, Malacañan Palace, accessed July 15,
2020, https://malacanang.gov.ph/4376-the-code-of-ethics/

12

You might also like