You are on page 1of 2

FILIPINO: SALAMIN NG KAHAPON AT NG KASALUKUYAN

Sa paningin ng ibang lupain ang mga Pilipino ay yagit, mga walang muwang at walang taglay
na pagkakakilanlan. Isang lahing walang maipagmamalaki kundi ang taglay na kulay ng balat,
walang kayamanan at lalong higit ay walang karangalan. Mga Pilipinong ang kakanyahan ay
hindi man lamang masilayan ng tunay na sibilisasyon upang sila ay matulad din sa iba na may
pangalan at katangian. Ang katotohanan sa kanilang palagay ay hindi mapapasubalian. Sinakop
tayo ng mga dayuhan, inalipin, nilait at hinamak. Ang dating maliit na tingin ay lalong
binahiran ng pang-aalipusta at pagyurak sa tunay na dangal ng lahing kayumanggi. Dahil dito,
ang mga Pilipino ay itinuring na kaaway ng kanilang karunungan at mga paniniwala.
Inihalintulad sa isang basahan,binusabos at inalisan ng sariling karangalan. Ang ilan ay
nanatiling pipi, bingi at bulag sa ganitong palakad ngunit ang kaalipustaang ito ay hindi
nagtagal, hindi hinayaang manatili hanggang sa ang bayan ay magising sa pagkakahimbing.
Ang mga Pilipino ay bumangon, nagkapit-bisig, nagsalong ng sandata, lumaban at nakibaka. Sa
pagkakahulagpos ng nakataling bibig at nakagapos na mga kamay ay nagawang iwagayway ang
bandila ng panghihimagsik, ayaw sumuko, ayaw patalo at lalong higit ay tumangging
mapasailalim ng kapangyarihan ng kolonyal na pamamalakad. Ang diwa ng pagkakaisa ay nag-
alab sa puso ng maraming mamamayan at ng Inang Bayan. Ang dibdib ng mga Pilipino ay
parang subong nag-aapoy sa ngitngit at galit laban sa mapang-aping pamahalaan. Ang mga
Pilipino ay tuluyan nang nagpatulo ng pawis, nagpadanak ng dugo at nagbuwis ng buhay.

Ang kasaysayan ay kasaysayan. Hindi mabubura, libo pa mang taon ang malagas sa tangkay ng
panahon. Ang kahapon ay kahapon. Mga sandaling hindi malilimutan habang ang dugong
nananalaytay sa mga kayumanggi ay dugong del Pilar, Jaena, Luna, Bonifacio at Rizal. Habang
ang kanilang kasaysayan ay nanatiling nakatala sa pahina ng mga aklat. Habang ang dugong
Pilipino ay patuloy na dumadaloy sa kanilang mga ugat at habang ang bayan ay nagkakabigkis,
nagkakasama-sama na mistulang isang walis na dati'y binigkis ng isang mahunang panali,
ngayon ay natipon at nagsilbing kalasag para sa isang simulain at paniniwala.

Pinaalis ng nagkakaisang bisig ang magkasanib na pwersa at lakas ng mga dayuhan. Ang dating
tulay na kawayan ng kabihasnan ay pinatibay ng makabagong kasangkapan ng pagkakaisa. Ang
dating kubo ni Juan dela Cruz ay hinalinhan ng kasangkapang likha ng katutubong karunungan
ng mga Pilipino. Ang dating mga Pilipino na tinakpan at piniringan ang mga mata, sinarahan
ang mga tainga at binusalan ang mga bibig ay nagsimulang tumayo at ang hinarap ay ang
pagsulong ng ating Inang Bayan at ng mga mamamayan. Rebolusyon ang sigaw. Tinig na halos
ay tumulig sa tainga ng mga mapaniil Tinig na hindi nila matagalan at napaglabanan hanggang
sa lisanin nila itong ating Inang-Bayan. Nagkaroon ng kalayaan ang ating bansa, nakilala ang
mga Pilipino at ang kanilang mga karapatan. Nagkaroon sila ng pangalan, ng karangalan at
lalong higit ay ng pagkakakilanlan.

Pumasok ang edukasyon. Natuklasan ang katalinuhan ng lahing kayumanggi. Nakilala ang
bansa. iginalang, tiningala, pinag-agawan, hinahangaan at lalong higit ay kanilang itinatangi.
Iyan ang bansang Pilipinas, may iisang wika, may iisang adhikain. Ang pagkakaunawaan,
pagmamahalan at kalayaan ay humalili at sumaatin, wika ang nagbibigkis at naging
kasangkapan ng lakas na ito. Dahil dito ay isigaw natin. MAHALIN ANG WIKANG FILIPINO
AT MABUHAY ANG ATING INANG-BAYAN.

You might also like