You are on page 1of 11

PLATON:

ANG SINGSING AT ANG YUNGIB

Dalawang mataas at malawak na bundok

Sa huling panahon ng mga sinaunang Griyego, makikitagpo tayo kay Platon at kay Aristoteles: dalawang
higante sa larangan ng diwa. Ang bawat isa ay isang daigdig ng pagmumuni-muni; maihahambing sila sa
matataas at malalawak na bundok sa bayan ng mga namimilosopiya. Ang mailalahad lamang dito ay
sandaling sulyap, sandaling pagdalaw sa bawat isa. Magsisimula tayo sa tatlong textong halaw sa Politeia
ni Platon.

Politeia I, 328a-330a Matanda at bata

Ang Politeia ay nilalagay ni Platon sa bibig ni Sokrates. Bata pa si Sokrates dito. Siya ang taga-
kwento kung ano ang nangyari, at taga-ulat din sa mga sinabi niya at ng mga ibang tauhan sa
dialogong ito.

Ika ni Adeimantos, Hoy, hindi ba ninyo alam na magkakaroon daw ng karera ng mga sulo para sa
diyosa sa bandang agaw dilim at mangangabayo sila?

Mangangabayo? wika ko, bago iyan. Itataas ba nila ang mga sulo at hali-haliling tatanggapin at
ibibigay sa isa't isa habang nagkakarerahan silang nangangabayo? Ganyan ba ang sabi mo?

Ganyan nga, ani Polemarchos. At pagkatapos ay gaganap sila ng magdamag na pagdiriwang na


magandang panoorin. Pagkatapos ng piging, titindig tayo't papanoorin natin ang pagdiriwang. At
kakasamahin natin ang maraming kabataan doon at mag-uusapan tayo. Kaya't manatili kayo at huwag pa
kayong uuwi.

Sabi ni Glaukon, Nararapat, kailangan nating manatili.

Kung ganyan ang paningin mo, sabi ko, iyan ang dapat gawin.

Kaya't tumungo kami sa bahay nina Polemarchos at doon ay nagtagpuan kami nina Lysias at
Euthydemos, mga kapatid ni Polemarchos; naroon din si Thrasymachos taga-Kalchedon, si Charmantides
taga-Paiania, si Kleitophon anak ni Aristonymos. Naroroon sa loob ng bahay, ang, ama ni Polemarchos, si
Kephalos. Akala kong malaking dihamak ang kanyang itinanda. Matagal na naman mula noong aming
huling pagkita. Nakaupo siya sa isang silyang may unan. Napuputongan pa ang kanyang ulo sapagkat
nagkataon na kaaalay lamang niya ng insiyenso sa kanyang patio. Umuupo kaming linilibot siya sapagkat
meron namang mga silyang nakaayos doon na paligid sa kanya.

Tuluyang tinuonan ako ni Kephalos at binati ako: Sokrates, aniya, bihira ka namang bumaba
upang dumalaw sa amin dito sa Peiraios. Ngunit dapat kang pumarito. Kung sana' y meron pa akong sapat
na lakas upang maginhawang tumungo sa bayan, hindi mo na sana kailangang pumarito; kami na lamang
ang dadalaw sa iyo. Ngayon naman ay kailangan mong pumarito ng mas madalas. Sapagkat mulat ka, na,
para sa akin, habang humihina at naglalaho iyong mga aliw ng katawan, lalo namang tumitindi ang
pagnanais sa mga aliw ng matinong pagpapalitan ng salita. At ang makakatupad dito ay walang iba kundi,
na magkatagpuan ang mga kabataan at dumalo dito sa amin bilang mga itinuturing na mga kaibigan sa
sariling tahanan.
Wika ko naman, Tahasang nalulugod akong makipagpalitan ng salita sa matatandang may
pananabik. Inaakala ko kasi na kailangan kong makibalita sa kanila. Para bagang nakalakbay na sila sa
isang landas na kami rin, kailangan din naming tahakin. Gaano ba ang kalagayan: lubak-lubak ba at
magaspang, o patag ba at malinis ang dadaanan? Tahimik ang loob naming maniwala sa iyo, kung ano
ang pagtanaw mo, yayamang ngayo'y nandodoon ka na, sa mismong yugto ng iyong edad na "nasa
bungad ng katandaan", ika nga ng mga makata. Mahirap ba ang buhay o ano ba ang iyong maibabalita?

Sasabihin ko sa iyo, sa ngalan ni Zeus, Sokrates, kung ano ang natatanaw ko. Sapagkat madalas
magkatipon ang ilan sa amin na kababata noon at ngayo'y kapuwa matatanda, ayon sa sinaunang
kawikaan na nagkakasama ang mga hawig. Ang karamihan ay sama-samang nananangis sa kanilang
pagnanasa sa mga libangan ng kanilang kabataan. Inaalala ang mga aliw ng pagtatalik at inuman at
bangketehan at lahat ng mga nakukuha sa mga ganito. At nagmamaktol sila na parang nanakawan ng
kung anong malaking kayamanan. Noon daw ay masarap ang kanilang buhay, ngayon daw ay hindi sila
nabubuhay. Ipinagdadalamhati naman ng ilan ang mga pang-aapi ng kanilang mga kasambahay.
Kinakanta nila na katandaan ang sanhi ng kanilang lubusang pagkawasak. Ngunit, sa pagtanaw ko,
Sokrates, hindi nila ipinapataw ang bintang sa tunay na sanhi. Sapagkat kung katandaan ang sanhi,
nagtitiis din sana ako ng ganyan at ganoon din sana ang lahat ng mga ibang nakarating sa ganitong edad.
Ngayon, ang nangyari sa akin ay iba sa sumapit sa kanila. Noong araw nagkatagpo kaming makatang si
Sophokles habang tinatanong siya ng isang tao. "Papaano ang kalagayan mo, Suphokles, " aniya, "ukol sa
aliw ng laman? Kaya mo pa
bang makipagtalik sa babae?" Tugon naman niya, "Tahan, tao. Tuwang tuwa akong nakatakas. Para
bagang nabayaran ko na' nakawala sa isang mabangis na amo." Akala ko noon na magaling ang kanyang
tugon; at
hangga ngayon, hindi nababawasan ang aking paghanga. Sapagkat sa katandaa'y tahasang pumapayapa at
lumalaya ang tao sa mga ganyang hilig. Kapag ang matinding pagbanat ng mga pagnanasa ay lumuluang
at humuhupa, ang kalalabasa'y tahasang gaya noong kay Sophokles: pagkakalag sa pagkagapos sa
maraming baliw na amo. Ngunit ang mga hirap na galing sa mga hilig ng Katawan at sa mga pang-aapi
ng mga kasambahay ay may kaisa-isang sanhi: hindi ang katandaan kundi ang pag. uugali't asal ng mga
tao. Kung maayos at mabait sila, gumagaan ang mga pasanin ng katandaan. Kung hindi, Sokrates,
magiging mabigat ang bagsak sa mga ganyang asal, maging ng katandaan, maging ng pagka-bata.
Hinangaan ko ang kanyang mga pinagsasasabi. Ibig ko pang magsalita siya, kaya't giniitan ko siya't wika
ko: Kephalos, sa palagay ko'y hindi tatanggapin ng madla ang iyong mga sinabi. lisipin nilang magaan na
pasanin sa iyo ang katandaan, hindi dahil sa iyong ugali't asal, kundi dahil sa nakakamit ka ng maraming
ari-arian. Marami raw libangan ang mayayaman.

Totoo ang wika mo, aniya. Hindi nga nila tatanggapin. At meron nga silang sinasabi; hindi naman
nila nauunawaan. Ngunit maganda iyong sinabi ni Themistokles. Nilalait siya ng isang taga-Seriphos;
sabi nito na tanyag nga si Themistokles, pero hindi dahil sa kanyang sarili kundi dahil sa kanyang bayan.
Tugon ni Themistokles na wala ngang makakakilala sa kanyang ngalan kung siya'y taga-Seriphos, at wala
rin namang makakakilala sa ngalan ng nanlalait kung taga-Athenai siya. Kaya' totoo ang sabi nila: sa mga
hindi mayaman, mabigat na pasanin ang katandaan, sapagkat hindi maginhawa ang katandaan ng isang
dukha, kahit na maganda ang kanyang asal. Ngunit, hindi rin masaya ang matatamo ng isang mayaman na
ang asal
ay hindi maganda.

Hanggang diyan ang teksto ni Platon.

Sa isa sa mga sulat ni Platon, sinasabi niya na wala siyang sinulat o isusulat kailan man na
kathang pilosopiko; ang mga kathang tinatawag na kanya, ay sulat daw ng isang "'Sokrates na naging
maganda at bata", Sokratous estin kalou kat neou gegonotos. Pinagtatalonan ng mga dalubhasa kung
talagang kay Platon ang naturang sulat, at kung ano ang kahulugan ng "naging maganda at bata". Ngunit,
para sa ating pag-aaral ngayon, sapat nang makita na ang Sokrates sa Politeia ay bata pa, at malayo pa sa
katandaan na nakita na natin sa Apologia. At dito may ibang klaseng ironya, ang ironya ng trahedya.

Ang ironya ng trahedya ay ganito. Alam na ng mga nanunuod ng trahedyang Griyego kung ano
ang istorya. Ang magiging hantongan ay talos na nila. Kaya' walang pagkabitin sa drama. Ang drama ay
pagkakataon para sa panalangin at para sa pagmuni-muni ukol sa kahulugan ng mga sakunang
wumawasak sa buhay. At palibhasa alam na ng mga nanunuod kung ano ang mangyayari, may mga
bahagi sa drama na iba ang kahulugan na nasa salita ng mga tauhan sa isa't isa, at iba naman ang
kahulugang
tumatama sa mga nanunuod.

Halimbawa, sasabihin ni Kreon kay Oidipous na sabi ng diyos na ang sanhi ng peste ay lyong
taong pumatay kay Laios; na kapag nahanapan na nila ang taong ito at pinapatapon siya'y hihinto na ang
peste. At buhos na buhos iyong dalawa sa mapusok na paghahanap. Pero ang iniisip ng mga nanunuod ay:
Hindi nila alam na nandidiyan iyong hinahanap nila: iyong ginagalang ng lahat, si mismong Oidipous.
Siya ang sanhi. Kay dupok ng dangal ng buhay. May mga hindi alam ng taong pagsisira, na ginaganap
niya sa kanyang sarili.

Sa pakikipagtagpo nina Sokrates at Polemarchos, ang nagpapakita sa mambabasa ay isang batang


nakikipagbalita sa isang matanda. Natahak na ng matanda ang landas ng isang buhay na maginhawa.
Hindi siya kinapusan sa mga dangal ng buhay. At ngayon, mapanatag niyang tinatanaw ang paglubog ng
araw. Ikinatutuwa niya na humuhupa na ang kanyang mararahas na pagnanasa, at aliw niya ang matinong
pagpapalitan ng salita. Nagtatanong si Sokrates, Nakalakbay ka na ng malayo, papaano pa kaya ang
aming paglakbay?

Ngunit inisip ng mambabasa, na kagagaling pa lamang sa Apologia: Ibang iba ang magiging
paglakbay ni Sokrates. Hindi isang paghakbang na linilibot ng ginhawa ng kayamanan, kundi isang
karukhaan na ang sanhi ay isang palaging umuudyok na utos ng diyos. Utos na palagi siyang sinasangkot
sa buhay at sa kamatayan. At ang sasapit sa kanyang katandaan ay hindi mga nakakaaliw na pagpapalitan
ng salita, kundi mga patuloy pang pagsisikap gisingin ang mga nagtutulug-tulugan, ang walang pahingang
pagpapagal ng bangaw ng diyos. At ang pagpapalitan ng salita ng matandang Sokrates ay magiging isang
tagisan, na ang nakataya ay buhay at kamatayan.

Sa ganitong eksena'y hinahanda ni Platon ang magiging Pagmumuni-muni ng Politeia, isang


pagmumuni-muni tungkol sa katarungan, tungkol sa dike na gumagalaw sa buong daigdig at nagbibigay
kahulugan sa lahat, lalo na sa buhay ng tao. Ngunit mapapatubo lamang ng tao ang kahulugan, kung
handa siyang makisangkot sa buhay at sa kamatayan.

Politeia Il, 359c-362c Ang singsing

Patuloy ang pag-iistorya ni Sokrates. Dito'y inuulat niya ang paglalahad ni Glaukon.
Gagawa ng isang eksperimentong pala-isip si Glaukon. Kukunin niya iyong papel ng masama,
magpapanggap siyang laban siya sa katarungan, upang mapilitan sila na magmuni-muni ng mas
malalim tungkol sa kabaitan at katarungan:

Kung ang mga nagpaplano ay walang poder sumalungat sa katarungan, hindi bunga ng kusang
loob ang mga plano. Lalong makikita ito kung gagawa tayo ng isang pala-isip na pagsubok. Bigyan natin
ng kapangyarihan ang mabait at ang masama na gawin ang anomang gusto nilang gawin. Sa gayo'y
masusundan natin, at mapagmamasdan ang bawat isa, kung hanggang sa anong sukdulan siyang dadalhin
ng kanyang pagnanasa. Mahuhuli natin ang mabait sa mismong akto: na pareho sa masama ang landas
niya: ang pagka-ganid. Bukal sa bawat linalang na ituring itong mabuti, at habulin. Parang batas na
sapilitang tinutulak ang bawat isa sa parehong katanyagan at kayamanan. Lubusang iiral itong
kapangyarihang sinabi ko kung sumapit sa kanila iyong kakayahan na, ayon sa kwento'y natuklasan
noong araw ni Gyges, na ninuno ng mga taga-Lydia. Pastol daw siya; alipin ng namumuno noon sa Lydia.
Matagal daw umulan ng malakas at lumindol. Bumitak ang lupa at nagkaroon ng malalim na bangin doon
sa kanyang kinaroroonan. Nakita niya, nagtaka, bumaba. Nakakita daw siya ng mga pambihira at
katakataka, gaya ng mga binabanggit sa mga kwento. At meron pa raw kabayong bronse na hungkag at
may bintana. Yumuko siya't nasilip niya ang isang bangkay na higit sa tao ang laki. Walang suot pulos
kundi isang singing sa kanyang kamay. Kinuha niya ito't saka siya umahon. Ugali ng mga pastol na
magpulong bawat buwan upang maibunyag sa hari ang tungkol sa mga kawan. Dumalo raw siya na suot
suot ang singsing. Umupo siya kasama ng mga iba at habang iniikot niya iyong singsing ay napaloob sa
kanyang kamay at harap sa kanyang katawan ang bato. Noong nangyari ito, hindi na siya makita ng mga
nakaupo sa kanyang palibot at nag-listoryahan sila na parang nakaalis na siya. Sa kanyang pagtataka' y
hinagilap niya muli iyong singing at inikot niyang palabas iyong bato, at noong naikot na'y nakita siya uli.
Nag-isip-isip siya't tahasan niyang sinubukan iyong singing kung meron ngang ganyang kakayahan. At
ganito nga ang natagpuan niya. Ikutin niyang paloob ang bato, mawawala siya. Palabas, sisipot siya.
Noong natauhan siya ay agad niyang pinakitilan ng buhay ang mga sugo ng hari. Pumunta raw siya at
nakiapid sa kanyang asawa at pinangatawanan noong dalawa na ipapatay ang hari at sa ganito'y angkinin
ang poder. Ngayon, kung may dalawang singsing na ganito, isuot mo iyong isa sa mabait at iyong isa
naman sa masama. Sa karaniwang pag-aakala walang magiging sintigas ng bakal na mananatili sa
pagkamabait. Walang lakas loob na pipigilan ang sarili upang huwag agawin ang ari-arian ng ba.
Yayamang wala siyang katatakutan at nasa poder niyang pumunta sa mga palengke at damputin ang
anomang gusto niya, looban ang mga bahay at makitipon sa kung sinomang gusto niya, at patayin o kaya
kalagin sa pagkagapos, ang sinomang gusto niya; at sa pagganap ng kung ano ano sa mga tao ay maging
parang diyos. Kaya't sa kanilang mga ginagawa, hindi magkaiba ang dalawa; lisa ang kanilang
tinutunguhan. At masasabi na ito ang matunog na tanda na walang mabait na kusang loob, kundi sapilitan.
Sapagkat walang mabuti sa sariling laya. Tuwing may nag-aakala na nasa kondisyon siyang gumawa ng
masama, masama ang gagawin niya. Sapagkat inaakala ng bawat to na di hamak na kapaki-pakinabang sa
kanyang sarili ang pagka-masama, kaysa pagka-mabait. At totoo ang pag-aakalang ito, sasabihin ng mga
tumatalakay sa usaping ito. Sapagkat kung may nakakamit ng ganyang kapangyarihan at ayaw pa niyang
magpakasama, at ayaw pa rin niyang agawin ang pag-aari ng iba, ituturing ng mga nakakakita na siya ang
pinaka-kulang sa isip at baliw. Kahit na pupurihin nila siya sa harapan ng ibang tao, lilinlangin nila ang
isa't isa dahil sa takot sa pagka-masama. Talagang ganyan ang mga bagay na iyan.

Makagagawa tayo ng hustong pagkilatis sa buhay na ating pinag- uusapan, kung sa mismong
pagkilatis ay mahihiwalay natin ang sukdulan ng mabait sa sukdulan ng masama. Walang paghiwalay,
walang pagkilatis. Kaya't papaano ang tunay na paghiwalay? Ganito. Huwag bawasan ng anomang pagka-
masama, ang masama; huwag din bawasan ng anomang pagka-mabait, ang mabait. Gawin nating ganap
ang bawat isa sa kanyang uri ng pagsisikap. Unahin natin ang masama. Sa paghubog sa kanya, tularin
natin ang tusong manggagawa. Gaya ng magaling humawak ng timon o kaya manggagamot: mahahalata
nila kung ano ang maaabot ng kanilang techne, kung ano ang hindi. Pinangangatawanan nila iyong isa,
pinababayaan iyong isa. Kung sakali may pumalpak, wastohin ng sapat. Ganyan pagsisikapan ng masama
na matakpan ng wastong kaanyohan ang kanyang mga kabuktutan, kung talagang hangad niyang
magpaka-masama. Ituring na tanga lamang ang mga nahuhuli. Sapagkat sukdulan ng pagka-masama ang
mag-anyong mabait, habang huwad ang lahat. Kaya't dapat ibigay sa ganap na masama ang pinakaganap
na kabuktutan. Huwag agawin, bagkus idulot sa gumagawa ng sukdulan ng kabuktutan, na makapaghanda
na siya para sa kanyang sarili ng sukdulan ng anyo ng pagka-mabait. Kung may pumalpak, kaya niyang
ayusin, magsalita ng sapat upang makahikayat. Kung may nagsumbong ng kanyang kabuktutan, gumamit
ng karahasan sa antas na kailangan ang dahas, sa pamamag-itan ng tigas ng loob at pagpipilit, at sa pag-
aalaga ng mga kaibigan at ng kayamanan. Ngayon na nalagda na natin iyan, ibaling naman naun ang
salita sa mabait, isang lalaking simple at maginoo, ayon kay Aischylos, kalooban niyang hindi mag-anyo
kundi maging mabuti. Kaya't kailangan nating alsin ang pag-aanyo. Sapagkat kung meron siyang anyong
mabait, sasapit sa kanya ang mga karangalan at mga biyaya na idinudulot sa mga nag-aanyong ganito.
Kaya't hindi malinaw kung hangarin niyang tupdin ang katarungan o tumanggap ng mga karangalan at
biyaya nito. Kaya't hubdan siya ng lahat, maliban lamang sa kanyang pagtupad sa katarungan. Gawing
kabaliktaran noong nauna ang kanyang kalagayan. Wala siyang ginagawang kabuktutan, umiiral ang
sukdulan ng anyo ng kabuktutan. Sa ganya'y masusubukan siya't titindi ang kanyang pagkatig sa
katarungan. Hindi siya mag-aalanganin dahil sa any ng kabuktutan at lahat ng taglay nito, kundi
mananatiling tapat hanggang sa kamatayan. Nag-aanyong masama habang buhay, ngunit sa totoo'y
mabait. Ipalagay ngayon na nakatahak na ang dalawa hanggang sa dulo ng landas, ng mabait, iyong isa;
ng masama naman, iyong isa. Ngayon maari nang kilatisin kung sino sa dalawa ang mas maligaya.

Nakakatakot! wika ko, kaibigang Glaukon. Iyong dalawang lalaki' y ginawa mong parang
dalawang istatuwa na ipapasok mo sa paligasahan, at kay bagsik mong pinapakinis para sa mga
inampalan.

Hanggang sa abot ng aking kaya, ika niya. Samakatuwid, hindi na mahirap suriin ng masusi kung
ano pang buhay ang nananatili para sa dalawa. Kailangang sabihin. At kung magaspang ang pagkasabi,
hindi ako ang nagsasalita ng ganyan, Sokrates, kundi iyong mga pumupuri sa masama laban sa mabait.
Sasabihin nila na ang may asal-mabait ay hahagupitin, babataki't pipilipitin ang paa at kamay, gagapusin,
susunugin ang dalawang mata, at sa wakas, tapos niyang batahin ang lahat ng hirap, ibibitay sa krus.
Ganyan niyang matututunan ang nararapat: hindi ang kaloobang maging mabait, kundi mag-anyong
mabait. Ang wika ni Aischylos ay mas wasto raw bigkasin ukol sa masama. Kung sa bagay, sasabihin
nila, sa sabik na pagpaplano ng masama, gumagalaw siya sa katotohanan; sapagkat hindi siya nabubuhay
sa anyo. Hindi niya hangarin ang mag-anyong masama, kundi talagang mabuhay sa kabuktutan.

Magbungkal ng malalim sa kalooban,


pakinabangan;
mula rito uusbong
mga balak
na ubod ng katinuhan.

Magsimula muna sa bayan; mag-anyong mabait. Pagkatapos, magkasal ng asawa mula sa


anomang angkan na gusto niya; pagbigyan ang sinomang gusto niyang maging kasama; makipisan sa
kung kanino niya gusto at, sa lahat nito, gantimpalaan sila nang huwag silang mahirapan sa pag-alagad sa
masama. Pumunta sa mga kapulungan at magtagumpay sa pansarili at sa pangmadla; samantalahin ang
mga kaaway. Bunga ng pagsasamantala: kayamanan. Pasayahin ang kaibiga't saktanin ang kaaway;
magsuob ng insiyenso't mag-iwan sa templo ng mga nababagay at tanyag, na alay sa diyos. Ang
paglingkod niya sa diyos ay mas magaling kaysa sa paglingkod ng mabait o ng sinomang taong gusto
niya. Kaya't ratinong isipin na mas kalugod-lugod sa diyos at mas napapakinabangan ang masama; hindi
ang mabait. Ganyan sila kung magsalita, Sokrates. Sa mga diyos daw at sa mga tao, mas mabuti ang
buhay na pinagtitiyagaan ng masama kaysa sa inaatupag ng mabait.

Hanggang diyan ang leksto nt Platon.

Sa tekstong katatapos pa lamang, ang "dikaios" ay sinaling "mabait". Ang "adikos" naman ay
sinaling "masama". Ang "adikia" o gawain ng adikos ay madalas "kabuktutan". Ang mismong "dike" ay
"katarungan"; at ang mga gawain ng dikaios ay madalas "katarungan" din. Ito ay isang mabangis na teksto
na linalahad ng tahasan ang paningin ng adikos. Itinuturing ng adikos na siya ang realista, ang nabubuhay
sa talagang totoo. Inaangkin niya para sa kanyang sarili ang mga pangalan na sa karaniwa'y ibinibigay sa
dikaios: gaya ng "gumagalaw sa katotohanan" "ubod ng katinuhan".
Tiyak na tiyak ang adikos na huwad ang anomang ginagawa ng dikaios. Ang dikaios ay ganid na
nagbabalatkayo. At kung sakali magpaka-dikaios siya ng totohanan, masisira lamang siya. Ang aral ng
lahat ay na ang katotohanan ay adikia.

Parang teksto ito ni Nietzsche. Sa hawig dito nga naninindigan si Nietzsche. Naninindigan naman
si Platon sa kabaliktaran, sa dike. Ngunit, malinaw ang kanyang paningin. Kitang kita niya ang katayuan
ng adikos. At malinaw niyang inilalahad ang mga balatkayo ng adikos. May pahiwatig dito na
nakipagtagpo na si Platon sa adikos na nasa kanyang kalooban.
Parang sinasabi niya na ang naghahangad magpaka-dikaios ay kailangan munang makipagtagpo sa adikos
na nasa kanyang kalooban, at tawirin ang adikia ng kanyang kalooban. Sa ganyan ay aahon siya't
pagsisikapan niya ang dikaiosyne.

Politeia VIl, 514a-5196 Ang yungib

lyong mas malalim na pagmumuni-muni ukol sa katarungan, sa dike, ay siyang buod ng kathang
Politeia na sampung aklat kahaba. Ang nakikita ni "Sokrates na naging maganda at bata" ay, na
ang dike ay mas aangat kung titingnan hindi lamang sa isang tao, kundi sa buong polis. Ngunit,
umiikot pa rin ang pangangasiwa sa polis sa mga taong nakatanaw sa mismong mabuti. Ang mga
detalye ng pagtalakay ay hindi mailalahad dito. Ngunit mahalaga pa ring pagmuni-munihan ang
"pag-ikot" na kailangang gawin ng tao, sinomang tao, upang mabuhay siya sa katotohanan. Ito'y
tinatalakay sa larawan ng yungib.

Pagkatapos nito, wika ko, ilalarawan natin kung ano ang nararanasan ng ating kalikasan: kung
meron itong pinag-aralan, o kaya, kung walang napag-aralan. Tingnan mo. Mga taong nakatirà sa ilalim
ng lupa, sa isang parang yungib. May bungad na bukas sa liwanag, sinlawak ng buong yungib. Sa loob,
mula noong bata pa sila, may mga nakagapos ang binti at liig, kung kaya nananatili silang sa harapan
lamang nakatingin. Hindi maaring lumingon at umikot ang ulo cahil sa pagkagapos. Ang liwanag nila ay
apoy sa mas mataas at mas malayo, nagliliyab sa likod nila. Sa pag-itan ng apoy at ng mga nakagapos,
isang mataas na landas at, sa landas, tingnan mo, may gumawa ng pader. Gaya ng ginagawa ng mga
nagpapapanood ng kababalaghan sa mga tao; isang parang pader na pinagpapatongan nila ng mga
katakatakang pinapakita ni’a.

Nakikita ko, aniya.

Tingnan mo ngayon, sa buong ibabaw ng pader, mga taong may dala-dalang lahat ng uring
kasangkapan. Tinataas nila sa pader ang mga istatuwa ng tao, mga anyo ng linalang na buhay, bato,
kahoy, sari-saring pagkagawa. Sa mga nagdadala, maaring may maingay, meron namang tahimik.

Pambihira, aniya, ang iyong paglalarawan at ang mga bihag ay pambihira din.

Gaya natin, wika ko. Inaakala mo ba na ang mga taong iyan, sa kanilang sarili muna, at
pagkatapos sa pakikipagkapuwa, ay makakakita ng iba, liban sa mga anino na dahil sa apoy ay nahuhulog
sa yungib na hinaharap nila?

Papaano pa ba? aniya, palibhasa' y sapilitang hindi magalaw ang kanilang ulo ›a kanilang habang
buhay?

At ukol sa mga nangyayari? Hindi ba pareho din?

Papaano pa?
At kung kaya nilang makiusap sa isa't isa, hindi mo ba ipapalagay na inaakala nila na ang
talagang totoo ay ang mga nakikita nila?

Kailangan.

At ano kung ang kabila ng bilangguan ay may eko? Tuwing humuhuni ang isa sa mga dumadaan,
inaakala mo ba na ipapalagay nila na iba iyong naghuni sa aninong dumadaan?

Sa ngalan ni Zeus, hindi nga, aniya.

Lubusang iisipin ng mga ganito, wika ko, na ang totoo ay di iba sa mga anino ng mga
kasangkapan.

Talagang kailangang ganoon.

Masusi mong tingnan, wika ko, kung ano ang mangyayari, kung sakaling mula sa kalikasan ay
sumapit sa kanila, na kinalag at binigyang-lunas ang mga nakagapos at walang isip. Kung kinalag ang isa
at kaagad pinilit a tumayo at paglingonin ang lig at humakbang at tumingala sa liwanag . . . . habang
ginagawa niya lahat nito'y mahihirapan siya. At dahil sa mga kislap na nakakasilaw, ay hindi niya kayäng
kilalanin ang anomang bagay, kahit na nakita na niya ang kanilang mga anino. Ano ang akala mong
itutugon niya kung pagsabihan siya na ang mga nakita niya noon ay kabaliwan at na ngayon nama'y
meron siyang nakikitang mas malapit sa talagang totoo? At kung pagsabihan pa siya na nakabaling na
siya sa mas matinding meron kaya't mas tuwid ngayon ang kanyang pagtanaw? At kung ituro sa kanya
ang bawal isa sa mga dumadaan at kung tanungin siya't pilitin sumagot kung ano ang mga iyon? Hindi
mo ba inaakala na malilito siya't ipapalagay niyang mas totoo iyong mga nakita niya noon kaysa sa mga
itinuturo ngayon?

Malamang, ika niya.

Hindi ba't kung pinilit siyang tumingin sa liwanag sasakit ang kanyang mata at iikot siya upang
siya'y makatakas at makabalik sa mga bagay na kaya niyang tingnan, at isipin niya na, sa totoo, ang mga
iyan ay mas malinaw kaysa sa mga itinuturo?

Ganyan na nga, ika niya.

At kung sakali, sabi ko, may marahas na kinaladkad siya mula roon, sa magaspang na daang
paakyat at matarik, at hindi siya binitiwan kundi kinaladkad pa hangga't natablan na ng liwanag ng araw,
hindi ba't mamimilipit siva sa hirap at magmamaktol na kinaladkad siya. At kapag bumaling siya sa
liwanag at titigib sa sinag ng araw ang kanyang mata, makakakita ba siya ng anomang tinatawag na
totoo?

Aba hindi, aniya, bigla kasi.

Ang kuro kuro ko'y kailangan niyang masanay muna kung makikita niya ang mga nasa itaas. Sa
una'y madaling yumuko at tingnan ang mga anino. Pagkatapos ang tubig at ang mga anyo doon ng mga
tao at mga ibang bagay. Sa katapusan, ang mismong mga pinanggalingan ng mga anyo. Mula rito, sa
langit. At mas madaling matatanaw ang mismong langit sa gabi; tingalain ang liwanag ng mga bituin at
ng buwan, at huwag muna ang araw sa maghapon at ang mga may kinalaman sa araw.

Paanong hindi?
Sa aking pagkukuro, huli sa lahat ay hahantong sa araw. Hindi sa tubig o sa anomang ibang bagay
na maaring pagbahayan ng larawan ng araw, kundi ang mismong araw sa kanyang sarili at sa sariling
bahay.
Matatanaw at matatauhan sa kanyang katunayan.

Kailangan, aniya.

At pagkatapos, mangangatuwiran siya ukol sa araw, na siya ang nagdadala sa lahat ng panahon at
mga taon, at nangangasiwa sa mga nasa daigdig ng nakikita. At sa lahat ng nakikita nila, kahit na
papaano, ay sanhi siya.

Malinaw, aniya, na mula sa hantongan tutuloy sa pangangatuwiran.


Ano pa? Maaalala kaya niya ang kanyang unang tinirhan at ang tinatawag na karunungan doon at
ang kanyang mga kapuwa bihag noon? Hindi ba't maniniwala siya na dapat siyang ituring na maligaya
sapagkat nilipat siya, at kakaawaan niya sila?

Malamang.

At kung doon ay kanilang pinaparangalan at pinupuri ang isa't isa at may premyo pa ang
pinakamatalas tumingin sa mga dumadaan, at magaling umalala kung ano ang mga sa karaniwa'y nauuna
at kung ano ang mga nahuhuli at kung ano ang mga lumalakad na sabay, at mula rito'y mas kayang hulaan
kung ano ang sasapit . . . inaakala mo bang nanaisin niya o maiinggit pa siya sa mga dinulutan nila ng
parangal at sa mga may hawak ng poder? O baka lalo pa siyang handang magtiis at mapusok pa niyang
nanaisin iyong sabi ni Homeros na

nasa ibabaw ng lupa


alipin ng ibang tao
katabi ng walang mana.

Hindi ba't handa pa siyang magtiis ng kahit ano, kaysa ituring na mahalaga ang buhay doon at mabuhay
ng ganoon?

Ganoon, aniya, ang aking pag-aakala. Lahat ng pagtitiis ay tatanggapin ko kaysa mabuhay ng
ganoon.

At isipin mo itong mabuti, wika ko. Kung itong taong ito ay muling bababa sa parehong upuan at
uupo doon, hindi ba magiging siksik sa dilim ang kanyang mata palibhasa'y bigla siyang nanggaling sa
araw?

Malamang, ika niya.

Kung kailangan niya muling kilatisin ang mga aninong iyon at makipangatuwiran sa mga
palagiang nakagapos doon, habang mapurol at hindi pa pumapanatag ang kanyang mata, sapagkat hindi
gaanong maikli ng panahon ng pagsasanay, hindi ba't mag-aanyo siyang katatawanan at sasabihin nila na
umakyat siya sa itaas at eto ngayon, sira ang mata, kaya't hindi nararapat subukang umakyat sa itaas? At
kung pangangatawanan ninoman na kalagin sila at dalhin sila sa itaas, kung kahit na papaano'y
makayanan nilang hulihin siya at patayin, hindi ba't papatayin nga!

Tahasang ganyan, aniya.


Ngayon naman, kaibigang Glaukon, kailangang ibagay ang lahat ng nasa larawang ito, sa mga
nasabi noong una. Ang larangan ng nakikita ng mata ay maitutumbas sa tahanang bilangguan, at ang apoy
na ilaw doon ay maitutumbas sa lakas ng araw. At kung itutumbas mo iyong pag-akyat sa itaas at ang
pagtingin sa mga nasa itaas, sa landas ng pag-akyat ng tunay na sarili sa larangan ng karunungan, hindi ka
tataliwas sa aking pag-asa, at iyan nga ang nais mong marinig. May diyos na nakakaalam kung nagkataon
na totoo ito. Ang tahasang nakikita ko naman ay ganito: Sa larangan ng karunungan, ang huling
nagpapakita ay ang mabuti; halus hindi makita, ngunit kapag nakita'y malalaman sa pangangatuwiran na
ang mismong mabuti ay siya ngang sanhi ng lahat ng wasto at maganda sa lahat ng bagay Sa larangan ng
nakikita, ang mabuti ang nagsisilang sa liwanag at sa ama (kyrios) ng liwanag; sa larangan naman ng
karunungan, ang mabuti ang ina (kyria) na pinagsisikapang magdulot ng katotohanan at pag-uunawa. Ang
tong may langkang magmatino sa gawaing pang-pribado man o pang-madla ay kailangang nakakita na sa
mabuti.

Sa antas na aking nakakayanan, ika niya, sumasang-ayon ako. Kaya't halika, wika ko, at sumang-
ayon ka uli, at huwag kang magugulat na ang mga nakaakyat doon ay hindi na gustong makisangkot sa
mga gawaing-tao; bagkus ang tunay na sarili'y palaging paakyat na nagpupumilit upang makapanatili sa
itaas. Malamang ganyan ang nangyayari; kung may kahit na katiting na katotohanan ang ating mga
paglalarawan.

Malamang talaga, wika niya.

Ano pa? Nakakagulat ba, wika ko, na kapag nanggaling ang tao sa pagtanaw sa makadiyos at
lumipat sa makatao'y pangit at katuwa ang kilus niya, at mag-aanyong lubhang katatawanan, palibhasa' y
madilim pa ang kanyang tingin; at, bago pa siyang masanay ng sapat sa pumapaligid na kadiliman, ay
pinipilit na siyang dumalo sa mga hukuman at kung saan saan, upang makipaglaban ukol sa katarungan
ng mga anino o ng mga likha na pinanggagalingan ng mga anino, at mapusok itong pagtalonan, laban sa
mga alanganin na pag-aakala ng mga taong hindi pa kailan mang nakakita sa mismong katarungan?

Hindi pulos nakakagulat, ika niya.

Ngunit kung may isip ang tao ay maaalala niya na dalawa, at nagmumula sa dalawa, ang
pagkalito sa mata: ang paglipat mula sa liwanag tungo sa dilim, at mula sa dilim tungo sa liwanag. Kung
may nakakaalam na hawig diyan ang nangyayari sa tunay na sarili, at nakakita siya ng taong nagugulo at
hindi makakita, hindi siya basta't tatawa na walang dahilan. Masusi niyang titignan kung nanggagaling
iyong tao sa buhay na mas maliwanag at nadidiliman sapagkat hindi sanay, o kung umaahon iyong tao
mula sa pagka-tigib sa di-kaalaman tungo sa kaliwanagan, kung kaya't bigla siyang nasiksikan ng kislap
at kaningningan. Sa ganyan, ituturing niyang maligaya iyong isa, sa kanyang buhay at karanasan.
Maaawa naman siya sa isa. At kung ito'y ibig niyang tawanan, hindi gaanong katatawanan ang kanyang
tawa kaysa kung tatawanan niya yong nanggagaling sa liwanag sa itaas.

Ubod ng katinuhan, aniya, ang iyong sinabi.

Kaya't kailangan, wika ko, na pag-isipan natin ang mga ganito, kung ano ang totoo. Sapagkat may
pahayag ang ilan ukol sa pagtuturo, na hindi naman talagang totoo. Sabi nila, na kung may anomang
kaalaman na wala sa tunay na sarili, ay kanilang maisusuksuk doon. Para bagang sinuksukan nila ng
paningin ang mata ng bulag.

Ganyan nga ang sabi nila, aniya.

Ngunit, wika ko, pinapahiwatig ng ating usapan na may kapangyarihang makaalam at


makaunawa na nananatili sa loob ng bawat isa, sa tunay na sarili. At ang kakayahang ito ay gaya ng mata:
hindi makakakita ang mata kung hindi ibabaling ang buong katawan mula sa dilim tungo sa liwanag.
Ganoon din, kailangang ikutin ang buong tunay na sarili; talikdan ang daigdig na umiiba at pa-iba-iba,
hanggang sa nakatalab na at nagpapatalab sa nagmemeron . . . hanggang sa kaya na niyang manatiling
palaging tumitingin sa pinakamaliwanag na nagmemeron. Sabi natin na ito ang mabuti. Ganyan nga ba?

Oo.

Kaya't meron yatang techne, wika ko, ukol sa pag-ikot na ito. May patakaran kaya sa mas madali
at mas mabisang pagpapaikot? . . hindi upang lumikha ng kakayahang makakita; ang nakasangkot ay
isang may kakayahan nang makakita, pero hindi tuwid ang tuon, hindi tumitingin sa dapat tingnan . . .
papaanong mapapaikot ito? Ganyan nga yata, aniya. Kaya't lumalabas na ang mga tinatawag na arete ng
tunay na sarili ay lapit na lapit sa mga arete ng katawan. Ang mga hindi bukal na naroroon sa simula, ay
maaring likhain sa pamamag-itan ng pagsasanay at disiplina. Ngunit, ang kakayahan sa karunungan ay
siya yatang makadiyos sa lahat. Sapagkat ito ay kapangyarihan na hindi mawawasak kailan man; at, ayon
sa kung saan bumabaling, ay maaring magdulot ng pakinabang at tulong, o kaya ng pagka-inutil at
paninira. Hindi mo ba napagmasdan iyong mga tinatawag nilang masama pero marunong? Kay pait ng
tingin ng kanilang bansot na sarili. Kay talas nilang makakita sa anomang binabalingan nila. Hindi
mahina ang kanilang paningin, kundi pinipilit nilang paalipinin sa masama. Kaya't kung lalong matalas
ang kanilang pagtanaw, lalong nakakawasak ang kasamaang nagaganap.

Tunay ngang ganyan, wika niya.

Kaya't ang ganyang kalikasan, wika ko, sana'y mula pa sa kabataan ay kaagad hinubog at
tinanggal sa mga parang mabibigat na tingga na taglay ng tao mula sa kapanganakan. lyan ang mga
pagnanasa kung kaya't nahihiyang at nagagapus ang to sa mga bangketehan at mga aliw ng laman at sa
maselan na paghabol sa mga potahe; bumibigat ang tingin ng tunay na sarili at napapasa-ibaba. Kung
sana'y makawala sa mga iyan, at bumaling sa totoo, ang mismong parehong kakayahan ng mismong
parehong tao, na ngayo'y nakatuon sa mababa, ay magiging ubod ng talas ang tingin tungo sa
katotohanan.

Para ngang ganyan.


Hanggang dito ang leksto ni Platon.

Inilalarawan dito ang tao, bilang may likas na kakayahan tumingin. Ngunit ipinapanganak siyang
nakagapos at sapilitang nakatuon sa mga anino. At ang kanyang kakayahang makakita ay hiyang sa dilim.
Kaya't tiyak na tiyak siya na nakikita niya ang totoo, ngunit sa anino lamang siya nabubuhay. Ito ay isang
komentaryo sa adikos. Tiyak na tiyak siya na ang tunay na katotohanan ay karahasan at pagkukubli;
niwalang niwala siya na siya'y realista, ngunit ang kanyang realismo ay mga anino na walang laman. At
sa kanyang kalagayan ay hindi niya kayang matauhan sa talagang totoo, sa tunay na katotohanan.

Upang makita niya ang katotohanan, kailangan lamang niyang ituon ang kanyang tingin sa
liwanag, sapagkat bukal sa kanya ang kakayahang makakita. Ngunit ang pagbaling sa liwanag ay
magagawa lamang sa isang pag-ikot ng buong katawan, ng buong katauhan, buong sarili. Isang mahirap
at mahabang pagsasanay. Tigib sa sakit at pagtitis, sa mapait na katatawanan at panlalait. Ngunit sa
hulihan ay matatanaw ang mabuti.

en to gnosto teleutaia be tou agathou idea ay isinalin kong:

Sa larangan ng karunungan, ang buling nagpapaktta ay ang mabutt


Sapagkat pumapanig ako sa interpretasyon ng "idea" bilang pagpapakita ng talagang meron. Ang ugat na
"id" sa Griyego ay ukol sa pagkita. Ang modernong paggamit sa "idea" sa pagtukoy sa "konsepto" o
"purong kaisipan" ay hindi sinauna. Ang sinaunang tinutukoy ay: na meron nagpakita at talagang nakita.

Halus hindi nakikita ang mabuti, ngunit kapag nakita, malalaman sa pangangatuwiran na ang
mabuti ay siyang nagsisilang sa liwanag sa larangan ng mga nakikita ng mata, at isinisilang din niya ang
araw na siyang kyrios ng liwanag. Sa larangan naman ng karunungan ang mabuti mismo ay ang kyria na
nag-aalaga at pinagtatrabahohan ang tunay na karunungan. Halus hindi makita ang mabuti, ngunit
nakikita pa rin. Nananatiling tapat si Platon sa malinaw-malabo. "May diyos na nakakaalam kung
nagkataon na totoo ito." Ngunit tunay na tunay pa rin. "Malalaman sa pangangatuwiran na ang mismong
mabuti ay siya ngang sanhi ng lahat ng wasto at maganda sa lahat ng bagay." At ang ibig mabuhay ng
wasto, ng ayon sa dike, ay dapat palaging nakatuon sa mabuti na siyang sanhi na nag-aalaga at pinag-
likutan ng lahat.
Bakit binibigyan-din ni Platon na ang mga nakatanaw sa liwanag ay mahlhirapan bumalik sa dilim?
Sapagkat bibigyan-diin niya sa mga susund na talata, na dapat silang bumalik sa dilim. Utang nila sa mga
tao na bumalik doon at paglingkuran at isagawa ang liwanag. Mabigat na pasanin. Ngunit ang pag-ayaw
bumaba ay tanda ng isang tunay na lingkod ng polis. Kung gusto ng isang to ang poder sa polis, tanda
iyan na hindi pa niya nakikita ang mabuti. Adikia kung ibibigay sa kanya ang poder. Ang nakakita naman
sa mabuti ay ayaw humawak ng poder. Sa kanya maari at nararapat na ikatiwala ang poder. At obligasyon
niyang tanggapin at paghirapan, sapagkat lingkod siya.

Mahirap pangatawanan ang pagsasagawa sa liwanag, ngunit iyan ang udyok ng dike sa dikaios,
iyan ang nauunawaan sa liwanag ng kyria, ng mabuti. Mapanganib din. Baka patayin ang lingkod. At
ngayon maaalala natin ang wika ng matandang Sokrates na lalong mabuting maapi dahil sa dike, kaysa
umapi. Akala ng umaapi na maligaya siya, ngunit huwad ang buhay niya, hindi siya tunay na tao. Anino
ang itinuturing niyang totoo. Kung papatayin naman ang dikaios, kung hahagupitin siya't pipilipitin ang
katawan at susunugin ang dalawang mata at pababatahin ng lahat ng hirap hangga't ibitay siya sa krus, tao
pa rin siya; nabubuhay sa talab ng liwanag, ng mabuti.

You might also like