You are on page 1of 3

Modyul # 2 Teksto

Ang Wikang Filipino sa Akademya


Teresita F. Fortunato

ANG BANSANG PILIPINAS ay isang multilinggwal na nasyon, at ang bawat


mamamayan ay nakapagsasalita ng dalawa man lang na wika. Kaya ang ordinaryong
Pilipinong estudyante ay nakapag-uusap sa kanyang unang wika (isang vernakular), at
sa rehiyonal na lingua franca; hanggang matutuhan niya ang Filipino at Ingles sa
eskwelahan; samakatwid kwadrilinggwal pa siya. Kung may Chinese heritage siya,
matututo pa ng Mandarin. At kapag nakaabot pa sa kolehiyo, maaari pa siyang
makapag-aral ng Español/German/Niponggo/Latin/French depende sa kakailanganing
pangkomunikasyon ng kanyang pinaghahandaang propesyon.

Ang akademya ay may patakarang sinusunod sa pagsasakatuparan ng layuning


ito. Nakatadhana ito sa Kautusan Blg. 54, s. 1987 na may pamagat na ”Panuntunan ng
Implementasyon ng Patakarang Edukasyong Bilinggwal.” Ang edukasyong bilinggwal
ay ang hiwalay na paggamit ng dalawang wika bilang midyum ng instruksyon sa lahat
ng antas ng pagtuturo. Inaasahang makabubuo tayo ng mga mamamayan at nasyong
bihasa sa komunikasyon sa dalawang wika, ang Ingles at Filipino.

May tiyak na tunguhin ang edukasyong bilinggwal na nakasaad sa ibaba:


 pagpapahusay ng pagkatuto sa pamamagitan ng dalawang wika upang
matamo ang may mataas na uri ng edukasyon gaya ng itinakda ng
Konstitusyon ng 1987;
 paglinang at pagpapayabong ng Filipino bilang wikang panliterasi;
 ang development ng Filipino bilang simbolong wika ng pambansang
pagkakaisa at identidad
 kultibasyon at elaborasyon ng Filipino bilang wika ng diskors iskolarli, na
nangangahulugan ng patuloy na intelektwalisasyon nito; at
 pagpapanatili ng Ingles bilang isang internasyonal na wika para sa Pilipinas
at bilang di eksklusibong wika ng agham at teknolohiya.

Mula elementarya hanggang hayskul, hinasa tayong maging bihasa sa Filipino at


Ingles sa paggamit ng bawat wika sa mga tiyak na aralin. Sa antas tersyarya, itinutuloy
ang gamit ng dalawang wikang ito bilang midyum ng pagtuturo. Hindi ba sa mga
krusong pang-agham panlipunan at humanidades, tinatalakay natin ang mga
kaalamang ukol dito sa tulong ng wikang Filipino? Samantalang nag-iingles tayo sa
mga kursong agham pangkalikasan at teknolohiya, karagdagan sa kursong Ingles. Sa
paggamit ng Filipino sa lahat ng level ng pag-aaral, hinihikayat na iangat ang uri nito
bilang isang wikang intelektwalisado, isang midyum sa pagkuha ng karunungan sa
matataas na antas ng komunikasyon. At ang prosesong ito ay ang intelektwalisasyon.
Ito ang Filipinong inilalarawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ayon sa
Resolusyon Blg. 96-1 na kailangang maintelektwalisa:

1
Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong
Pilipinas bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong
grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay
dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga
panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di katutubong
wika at sa evolusyon ng iba’t ibang varayti ng wika para sa
iba-ibang sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na may iba’t
ibang sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang
saligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at
iskolarling pagpapahayag.

Ano ang intelektwalisasyon ng wika? Sa panalita ni Havranek ng Prague School


of Linguistics (Omar 1981: 73), ang intelektwalisasyon ay ang adaptasyon ng wika para
magkaroon ito ng kakayahang bumuo ng wasto, tiyak, at kung kakailanganin, ng mga
pahayag na abstrak na matatagpuan sa mga sulating pansyensya at pampilosopiya. Sa
simpleng pananalita, ito ang paggamit ng isang wika sa larangan ng kaisipan at ng
buhay akademiko. Lenggwahe ito na magagamit sa pagtatamo ng kompletong
edukasyon. Sa pamamagitan ng wikang ito, anumang sangay ng disiplina ay maari
nating maabot at matutuhan dahil maraming literaturang nasulat ukol dito. Sa
pagpapaliwanag nina Sibayan at Gonzalez, pangunahing sosyolinggwista sa
kasalukuyan, ito ang makabagong midyum ng komunikasyong dapat ginagamit sa
mahahalagang larangan sa loob ng isang bansa tulad ng gobyerno, administrasyon,
lehislasyon, pagbabatas, agham, teknolohiya, komersyo, at industriya at sa lahat ng
level ng edukasyon mula elementary hanggang kolehiyo. Isa na itong wikang ganap na
nadevelop at naintelektwalisa.

Bilang isang koda ng komunikasyon, may estruktura ang Filipino na patuloy na


nalilinang sa iba’t ibang proseso. Pwedeng mapalawak ang bokabularyo nito sa
panghihiram mula sa mga wikang sinasalita sa bansa natin. Kalimitang hinahanguan
natin ng mga salita ang pangunahing katutubong wika tulad ng Tagalog, Cebuano,
Ilocano, Ilonggo, Bicol, Pampango, Pangasinense, Waray, Maranaw at iba pa.
Gayundin sa wikang Ingles, Español, Tsino, Niponggo, at iba pang wika sa daigdig.
Sapagkat buhay ang wika, lagi itong nagbabago na maaaring tanggapin o tutulan ng
mga gumagamit. Sa edukasyon, na isang dinamikong larangan, may mga tiyak na
wikang ginagamit sa pagtatamo ng mga karunungan.

Mga sangay ng disiplina

Sa mga unibersidad at kolehiyo, dalawang malalaking sangay ng disiplina ang


kalimitang mapagpipiliang pag-aralan: (1) agham panlipunan at humanidades, at (2)
syensya at teknolohiya.

2
Ayon kay Cruz (sa Acuña 1994: 133-4), maraming paraan sa pagkaklasipika sa
mga humanidades, at isa na rito ang pamamaraang klasikal. Kabilang sa humanidades
ang sining pangwika at literari (gramar, retorika, literatura, pamamahayag, publikasyon),
ang mga sining viswal (pinta, eskultura, arkitektura), ang itinatanghal na sining (teatro,
musika, sayaw), sining elektroniks (radyo, telebisyon, pelikula, multimedia kompyuter)
at ang mga syensyang humanistiko (kasaysayan, linggwistiks, pilosopiya, teolohiya,
pag-aaral internasyonal, pag-aaral interdisiplinari tulad ng sosyolohiya, antropolohiya at
kaugnay na karunungan). Lahat aniya ng mga kurso sa lahat ng level ng edukasyon ay
makaklasipika sa alin man sa malalaking kategoryang binanggit. Ang salik na
nagsasanib sa mga karunungang ito bilang isang grupo ng disiplinang akademiko ay
ang magkakatulad na malasakit nila – ang asal o ugaling sosyal ng tao. Magkakaugnay
din ang mga ito bagaman nagkakaiba ang mga konsepto, kaya nga manipis lamang
ang linyang naghihiwalay sa kanila. Maaaring manghawakan sa teorya at impormasyon
ng isa ang isang disiplina na inyong matutuklasan sa pananatili sa kolehiyo.

Naiiba naman ang mga agham pangkalikasan at teknolohiya na


nangangailangan ng karunungang syentipiko na ipinahahayag sa isang lenggwaheng
precise o tiyak. Batay ang mga paksa sa eksperimentasyon at produkto ng mga
aplikasyon ng mga teoryang sinubok at dumaan sa maraming pagsusuri. Kahanay sa
disiplinang ito ang inhinyeriya, matematiks, agham pangmedisina, biyolohiya,
komersyo, agham pangkompyuter, atb. Higit ang pangangailangan ng kasanayan sa
wikang kompyutasyonal, at analisis ng mga datos buhat sa mga eksperimento at iba
pang paraan ng pag-aaral. Karagdagan ang pagiging mapagmasid at analitikal at
pagiging mayaman sa imahinasyon tungo sa paglikha ng mga inovatibong gamit,
makina at iba pang kailangan s pag-unlad ng bansa.

Inilahad ni Acuña (1994: 89) ang espesyal na pangangailangan sa pag-aaral nito


dahil ang syensya ay:

1. Isang sistema ng mga facts/katotohanan na pinag-aralan sa kalilkasn o


plinanong sitwasyong tinatawag na eksperimento;
2. Pagbubuo ng mga obserbasyong ito sa mga pahayag na tinatawag na mga
batas;
3. Kapani-paniwalang pahayag na nagpapaliwanag kung paano at bakit
nangyayari ang mga bagay-bagay.

Ang sistema ng ating edukasyon ay nagmumungkahi ng paggamit ng Filipino sa mga


disiplinang panghumanidades at agham panlipunan sa pilosopiyang nakaangkla sa
disiplina sa kultura. Sa isang banda, Ingles naman ang midyum ng pagtuturo/pag-aaral
sa mga asignaturang hindi tuwiran ang ugnayan sa kultura tulad ng syensya at
teknolohiya. Subalit hindi naman eksklusibong pang-Ingles ang huling sangay ng
karunungan. Maraming pagkilos na ang isinasagawa sa pagtalakay ng paksang teknikal
sa pamamagitan ng wikang Filipino. Importante ito bilang tugon sa intelektwalisasyon
ng ating pambansang lingua franca, kasabay ng pagsulat ng maraming babasahin sa
iba’t ibang karunungan, gayundin ang pagpapayaman ng bokabularyo sa lahta ng
sangay ng kaalamang akademiko. ## (Buhay at Lipunan, 2000. DLSU Press)

You might also like