You are on page 1of 3

Bangkang Papel

ni Genoveva Edroza-Matute

Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang
magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo
sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan. Ilang maliliit na bata ang
magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang
winawasak.

Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang
lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman. Isang batang
lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat. Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon
noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan
pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan. Sa karimla’t pinalaki
niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung
alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang
paningin ang kanyang ina. Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang
paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli.

Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako. Muling
nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.“Inay, umuulan, ano?”“Oo, anak, kangina,” anang
tinig mula sa dulo ng hihigan.“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”Sumagot ang tinig ngunit
hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi’y naroon
ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang
banig na walang tao. Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng
kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan.
Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati
ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati. Naramdaman niya ang panunuot ng
lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanang kamay sa kumot at kinapaang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.

Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.“Inay,” ang
tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”“Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na,
anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig. Dali-dali siyang
nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa
pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang
kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita: “Siya, matulog ka na.”Ngunit ang bata’y hindi natulog.
Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.“Marahil ay hindi na
uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.

Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking
bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat. At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-
hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy
sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at
ulan.

Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating. Ngunit kakaibang
kinabukasan. Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan
ni Miling at ng kanyang ina. Pupungas siyang bumangon. Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas
ng paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay. Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila
naaawa. Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat. Naroon ang asawa ni
Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay
halos mapuno ng tao. Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang
lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay
walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina. Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa
rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala. Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang
kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito? ”Ngunit tila
hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa
buhok ni Miling. Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil
nang siya’y makita. Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay” Hindi niya maunawaan ang ang
lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya
ay makita.

Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong.“Bakit po? Ano po iyon?” Walang sumasagot sa kanya.
Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang
kanyang buhok at wala na. Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao. “Handa na
ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na
ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito. Kaya’t walang maaaring maiwan.

”Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari. Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat
ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan. Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-
salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay. Sa labin-limang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama
sa labas ng bayan sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan. Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina
na mabibigat ang mga paa sa paghakbang. “Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?” Ang mga bata
noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na
marahang-marahan ay nagsalita. “Iyon din ang nais kong malaman, anak iyon din ang nais kong malaman.”

Samantala sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay
nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan. Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwan, ng mga pangarap
na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang
tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon. Kaya nga ba’t sa tuwi
akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa
ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman.

TANONG:

1. Bakit hindi na kalianman napaagos ang tatlong bangkang papel na ginawa ng batang lalaki?
2. Kung ikaw ay isa sa mga kapitbahay ng batang lalaki, paano mo ipapaliwanag sakaniya ang pagpanaw ng
kaniyang ama?
3. Ano ang nagging simbolo ng tatlong bangkang papel sa batang lalaki?

Samantala...
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na
pawid at sa munting bukid na kanyang
tahanan ay nararagdagan ang
agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
Ang gabing yaon ng mga dagundong at
sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at
ng mga bangkang papel –
ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa
kabataang sasansaglit lamang tumagal.
Ang araw na humalili’y tigib ng
pangamba at ng mga katanungang
inihahanap ng tugon.
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita
ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking
gunita ang isang batang
lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng
tatlong malalaking bangkang papel na
hindi niya napalutang
kailanman...

You might also like