You are on page 1of 4

Abella, Rona Joy C.

PI 100 El Filibusterismo: Pagsusuri sa Karakter ni Isagani

Marso, 8, 2012

Sa ikalawang kabanata ng El Filibusterismo, Ibabang Kubyerta, ay naroroon ang mga Indio o ang mga nasa mababang antas ng komunidad. Magkasamang binigyang larawan ni Rizal sina Basilio at Isagani marahil sa pagkaka-pareho ng kanilang mga adhikain o pananaw sa buhay. Si Basilio ay nakilalang isang magaaral ng medisina at kahanga-hanga sa kanyang kakaibang pag-aalaga ng maysakit. At si Isagani ay inilarawan na mas mataas kay Basilio, higit na malusog at higit na nakababata. Isa rin siyang makata at pamangkin ni Padre Florentino, tahimik at hilig niya ang pag-iisip (Almario, 1998). Si Isagani ay isang Indio at probinsiyano, punung-puno ng pangarap at buhat sa nakapag-aalinlangang pamilya. (Almario, 1998 p.256). Siya ang naglalarawan na kahit isa lamang siyang Indio ay alam niya ang problema ng lipunan sapagkat mamamayan siya nito. Higit siyang bukas sa kanyang damdamin at walang sinumang kinatatakutan dahil ito ay mapusok na inilalahad ang kanyang mga ideya. Sa pag-uusap nila Kapitan Basilio, Basilio at Isagani sa Bapor Tabo, nailantad ng mga kabataan sa Kapitan ang kanilang hangarin sa bayan. Ito ay ang pagtatayo ng isang paaralan kung saan ang ituturo ay ang wikang Kastila sapagkat naniniwala silang ito ang magbubuklod sa mga Pilipino at layunin nilang mabigyan ng sapat na karunungan o edukasyon ang iba pa nilang kapwa estudyante. Sa murang edad pa lamang nila na ito ay bukas na ang kanilang mga isipan sa katiwalian na nagaganap sa kanilang lipunan. Kung kaya namay, naisama sila ng mga prayle sa kanilang usapin ukol sa pina-plano nilang pagpapatayo ng paaralan sapagkat nag-aalinlangan

sila, lalo na si Padre Camorra, sa balak ng mga kabataang ito at baka kapag natuto na ng wikang Kastila ang mga Indio, ay kalalabanin at makikipagtalo ukol sa pamamahala ng Espanya. Kung kaya namay itinuring silang mapanganib sa pangangahas na isulong ang inaasam na pagbabago. Aniya Kapitan Basilio ay dahil kabataan pa lamang sila hindi pa nila nararanasan ang kabiguan kung kaya namay ang kanilang mga hangarin at adhikain ay nag-aalab para sa hinahangad nilang kalayaan at katarungan (Almario, 1998). Bagamat bayan at ang kapakanan ng mas nakararami ang higit niyang iniintindi at hindi siya gumagawa ng bagay na ang resulta ay pangsarili lamang, si Isagani bilang isang kabataan ay hindi makatatakas sa ipinipintig ng kanyang busilak na puso. At sa katunayan ay umibig at sinisinta si Paulita Gomez na galing sa isang marangyang pamilya at tiya si Donya Victorina. Sa paggawa ni Rizal sa karakter ni Isagani, hindi lamang siya nagtuon ng pansin sa mga adhikaing ipinaglalaban ni Isagani kung hindi kung ano ang kakayahang nagagawa ng pag-ibig at kung ano ang maitutulong nito o ikasisira sa isinusulong ni Isagani na demokrasya at kalayaan para sa kanyang bayan. Dahil ditoy maaari rin natin siyang ilarawan na isang simbolo ng mga kaisipan na naglalaman ng idealismo ng mga pangarap tungo sa ikauunlad ng mga Indio.1 Marahil sa paggawa ng karakter ni Isagani ay nais ni Rizal ipabatid sa mga Pilipino na kahit ano pa mang estado o katayuan nila sa lipunan, higit na mas mahalaga na ipaglaban ang kani-kaniyang karapatan. Ngunit dahil sa indolence o katamaran ng mga Pilipino at marahil dala na rin ng takot, ay hindi nila lubusang nahahayag ang kanilang mga kagustuhan na pagbabago, kalayaan at katarungan at nagsusunod sunuran na lamang dahil takot na malagay sa kapahamakan. Hindi man natin sila masisi sapagkat isa ring dapat sisihin sa mga katiwaliang nagaganap ay ang pamahalaan, ang karakter ni Isagani bilang isang indio ay nagpapahiwatig na hindi tayo dapat matakot sa kung ano man ang maaaring mangyari sa atin kung isulong man

natin ang ating mga karapatan dahil ang mas nakakahiya pa ay ang tubuan ka ng uban na wala man lamang nagagawa para sa bayan (Almario, 1998). Isa rin sa paglalarawan kay Isagani ay ang epekto ng pag-ibig sa mga indio. Hindi na lingid sa kaalaman natin na noong mga panahon na inilalarawan sa nobela ay higit na pinapaboran ang mga may-kaya, tanyag at may lahing Espanyol. Kung kaya naman, kasabay ng pagkabigo niya sa pagpapatayo ng paaralan sapagkat bagamat aprubado, ay ipapailalim naman sa mga Dominiko, nasawi rin si Isagani sa pag-ibig. Marahil impluwensiya na rin ng kanyang tiya na si Donya Victorina ang pagtangkilik sa banyagang pananaw o colonial mentality, mas pinili ni Paulita Gomez si Juanito Pelaez sapagkat inaakala niyang mas nababagay ito sa kanya at marahil dahil na rin sa mali-mali nitong pag-unawa sa lipunan at sa pagkakabilanggo nito ay ayaw ni Paulita na masangkot sa panganib na nakalaan sa pagsusulong ni Isagani sa kanyang mga pangarap para sa bayan. Hindi naman naging balakid ang mga kabiguang ito at dahil sa kanyang paninidigan ay mas inisip pa rin niya ang kapakanan ni Paulita na muntik ng mamatay dahil sa pagtatangkang paghihiganti ni Simoun (Almario, 1998). Maaari rin nating isipin na bagamat maraming puwedeng kabiguan ang dumating sa ating mga buhay, hindi kailanman magiging balakid ito kung ang ninanais mo ay ang kalayaan. Makikita rin natin sa salaysay na ito ni Rizal ang pagtanggi sa panganib ng mga Pilipino noon at sa paghulma ng karakter ni Isagani, marahil nais ni Rizal na ipabatid sa mga indio na matutong palakasin ang loob, huwag maging makasarili at isulong ang magandang edukasyon sapagkat tulad din ng adhikain ni Isagani at Basilio, kailangan magtulungan ng mga Pilipino at Kastila para sa mahusay na sistema ng pamamahala.

REFERENCES 1 Retrieved from http://www.joserizal.ph/fi01.html March 6, 2012


Almario, V. (1998): El filibusterismo. Quezon City: Adarna House, Inc.

You might also like