KALIDAD NG EDUKASYON LALONG PATATAGIN SA GITNA NG PANDEMYA
Panginoon, aming Dakila at Mapagmahal na Ama, ang aming puso ay puspos ng kagalakan sa araw na ito sapagkat kami ngayon ay nagkatipon upang saksihan at ipagdiwang ang tagumpay ng mga batang magsisipagtapos sa taong panuruang ito. Kami’y nagpapasalamat sapagkat sa kabila ng mga pagsubok na buha’t ng pandemya ay matagumpay na naipagpatuloy ang proseso ng pagkatuto at kalaaman ng mga batang Rizaleno. Salamat sa mga guro at mga magulang na ginamit mo bilang instrumento upang maihatid ang edukasyon sa mga pag-asa ng Bayan. Salamat sapagkat itinuro mo sa amin na ang edukasyon ay walang pinipiling panahon at walang sino o ano man ang makakahadlang dito. Salamat sapagkat tinuruan mo ang bawat guro, magulang at mag-aaral na magpatuloy ng walang pag-aalingan. O Diyos dalangin namin ang patuloy na pagpapatatag ng kalidad ng edukasyon kahit sa gitna ng pandemya at lubusan na paghilum ng aming bayan. Ama, alam naming lubos ang plano mo para sa mga batang ito, planong magdudulot sa kanila ng kinabukasang siksik, liglig, umaapaw at punung-puno ng pag-asa. Sa araw na ito iyong saksihan ay basbasan ang mga batang magsisipagtapos, punuin mo sila ng iyong walang hanggang awa at pagmamahal. Ipakita mo ang iyong daang inihanda para sa kanila. Sa pangalan ni Jesus na aming Panginoon at Tagapaligtas Amen!