You are on page 1of 5

Seklusyon, Aralin 4 at 5

Ang unang babasahin ay tungkol sa grupo ng mga babaeng hindi masyadong nabibigyang
pansin sa pangkalahatang pag-aaral ng Kasaysayan ng Pilipinas. Sila ay mga dalaga ngunit
malamang sa hindi ay nakatakdang ipakasal. Binukot kung sila’y tawagin, na angkop lamang
dahil sila ay itinatago sa paningin ng ibang tao lalo na sa mga kalalakihan maliban sa kanilang
pamilya.
Ang salitang binukot maging ang mismong kulturang nakapaloob dito ay ginagamit pa rin
sa malalayo at mabubundok na lugar sa Panay. Ito ay isang pang-uri na sa lahat ng kahulugang
ibinigay sa babasahin ay nagtutugma bilang kinumutan o tinakpan sa pamamagitan ng kumot.
Malaki ang kinalaman nito sa grupo ng kababaihang nabanggit sa itaas na ayon sa babasahin ay
mga anak na babaeng nakatago lamang sa bahay. Iba ang binukot sa madre. Ang una’y nananatili
sa isang lugar hanggang siya’y maging asawa ng lalaking may mataas na antas sa buhay
samantalang ang huli nama’y bawal mag-asawa at ikinukulong ang sarili sa paglilingkod sa
Panginoon.
Sa Panay, ang mga batang babae edad 3-5 na pinakamaganda at pinakamaputi sa pamilya
ay inihahanda para maging binukot at pagsapit ng tamang edad ay pwede nang ipakasal. Ang
mga binukot ay kakaiba na kung ilarawan pa’y ubod ng ganda at puti na maaari na ring
ihalintulad sa diwata o di kaya’y sa Dyosa. Sila’y nagsusuot ng magagarang damit at itinuturing
na kahanay ng mga Datu sa antas sa lugar na kanilang kinabibilangan. Ang kanilang balat na
mapuputi at makikinis na marahil ay dulot ng hindi pagbibilad sa araw ay inihahambing sa hikay,
isang hipon, sa balanak na kilala dahil sa mapuputi nitong karne at pati sa kawayang nahati sa
gitna. Dahil sa noon ay isa ang kulay ng balat sa pinagbabasehan ng kagandahan at estado ng
pamumuhay, madaling sabihin na ang mga binukot ay nanggaling sa pamilyang nakaaangat sa
nakararami. Ang binukot ang nagdadala ng kasikatan at karangalan sa kanyang pamilya kaya
minarapat na magkaroon siya ng mga tagapagsilbi at hindi gumawa ng mabibigat na gawain
upang mapanatili ang kaperpektuhan ng kanyang kaanyuan. Noon pa ma’y mataas na talaga ang
tingin ng mga Pilipino sa mga taong may mapuputing balat at hindi ito basta bunga lamang ng
kolonyalisasyon.
May sariling kwarto ang binukot na nakahiwalay sa iba pang miyembro ng kanilang
pamilya. Doon ay lagi lamang siyang nananahi, nagbuburda ng mga disenyong tanging siya ang
nakakaalam at gumagawa ng magagaang na bagay na kung tutuusin sa ngayon para sa ibang
kababaihan ay mga bagay na nakakabato at nakakatamad. Halos lahat ng mga damit ng mga
lalaki sa pamilya kasama na iyong mga isinusuot sa pakikipaglaban ay gawa ng binukot. Kapag
may mga bisitang lalaki na dumarating sa kanilang pangmaharlikang bahay ay nagtatago ang
binukot sa isang sikretong silid na maaaring lagyan ng bintana upang kanyang mapagmasdan ang
mga nasabing bisita nang hindi siya nasisilayan ng mga ito.
Sa Maranao, isang epikong Darangen, ang mga tao ay naniniwala sa kapangyarihan ng
isang ‘amulet’, kulay ginto, hugis butiking may dalawang ulo o maaari ring tingnan na kahubog
ng ahas o ng manika. Ang pagkakaroon nito ay nakapagbibigay kasiguraduhan ng tagumpay sa
kahit anumang laban. Ang binukot/liyamin ang may karapatan at kakayahang humawak dito at
makipag-ugnayan sa mga espiritu. Sa isang tagpo sa nasabing epiko ay nakipagtunggali ang
liyamin sa isang prinsipe nang nananatili lamang sa loob ng kanyang sagradong tore hanggang sa
matapos ang laban.
May ritwal na ginagawa sa mga unang araw na ang mga kababaihan ay nagdadalaga nang
ganap upang mapangalagaan ang kakayahan nilang magdala ng buhay sa sinapupunan. Mas
matagal ang ritwal kung ang babae ay nagmula sa pamilyang nasa kategoryang maginoo.
Ang babasahing ito ay masasabing naglalayong maibilang ang grupo ng binukot sa pag-
aaral ng Kasaysayan ng mga sinaunang Pilipino. Ang kanyang presensya at papel na
ginagampanan sa lipunan ay makapagbunga ng iba’t ibang teorya tungkol sa konsepto ng
kapangyarihan, kababaihan sa kabuuan, paglikha, relasyon sa pamilya at sa lipunan.
Isa ang paghahabi sa mga gawaing napag-ukulan ng pansin ng mga binukot at ganoon din
ng mga babaylan sa relihiyosong paraan. Ang paghahabi ay hindi lamang isang simpleng
gawaing pang-ekonomiko kundi isang importanteng penomenong kultural sa lipunang ‘animist’
bilang espiritwal na koneksyon sa mga ninuno. Sa mga datos na nailahad, magkaiba ang
babaylan at binukot. Ang babaylan ay gumagawa sa publikong mga ritwal, mapa-espiritwal,
medisinal o politikal at pinipili ng mga diwata samantalang ang pagpili sa binukot ay hindi
maituturing na ‘supernatural’. Makikita pa rin hanggang ngayon sa Panay ang ganitong mga
gawain. Ngunit hindi naman agad masasabing ang tradisyon na umiikot sa mga binukot ay may
impluwensyang Islamiko dahil kahit na ang mga babaeng Muslim ay nagsusuot ng belo, hindi
naman sila itinatago mula pagkabata. Sa pagkakataong ito na nahubad ang maliit na parte
tungkol sa mga binukot ay nananatili pa rin itong nakukumutan at hindi lantad nang buo sa
Kasaysayan.
Sa Aralin 4, apat na bagay ang madalas na nababanggit na siyang madaling maitanim sa
isipan ng mga mambabasa. Ang ideya ng langit, lupa, katawan, at kaluluwa ay mga pangunahing
dahilan para mabuo ang kalinangan at kamalayang bayan.
Sa pangkalahatan, ang sandaigdigan ng mga sinaunang Pilipino ay kapansin-pansing may
iba’t ibang sapin o rehiyon at maging ang mga saping ito ay nahahati pa sa mas maliliit na
rehiyon. Mayroong langit, lupa, at ilalim ng lupa. May mga Diyos, diwata, anito, tao, hayop,
halaman at iba pang mga di pangkaraniwang “nilalang” na naninirahan sa mga rehiyong ito.
Kasama sa mga rehiyon ang huling hantungan ng mga kaluluwa ng mga namatay; maaaring nasa
alinman sa tatlong rehiyon ang kabilang buhay. Hindi ito naiiba sa pinaniniwalaan ng marami sa
atin ngayon sa kasalukuyan lalo na ang turo ng simbahang Katoliko tungkol sa langit, lupa at
impyerno.
Sa kabuuan ng arkipelago, iisa halos ang tawag ng mga katutubong Pilipino sa langit---
langit din. Naniniwala silang isa itong batis ng mga biyaya, pinanggalingan ng liwanag, ulan at
hanging mahalaga para mabuhay. Dito nakatira si Bathala, si Kabunian, si Apong Mallari, si
Pamulak Manobo o anupamang pangalang naisin nilang itawag sa pinakamataas at
pinakamakapangyarihan nilang anito. Laganap ang kwentong mababa ang langit ng mga
sinaunang panahon at ang sinabi ng babaeng nagbabayo ng palay ang dahilan kung bakit ito
tumaas. Dagdag pang paliwanag na ang buwan at mga bituin ay ang suklay at kuwintas ng
babaeng ito na nasama sa pagtaas ng langit. May iba’t ibang bersyon din ang bawat sinaunang
tribo pagdating dito.
Ang lupa naman ay tahanan hindi lang ng mga tao, hayop at halaman kundi ng mga
diwata, anito at espiritu. Sa madaling salita, ang buhay ng tao sa lupa ay hindi nila sarili,
maraming puwersang pangkalikasan at espiritwal na kailangan nilang pakisamahan. Ang pag-
iisip na ito ay akma hanggang ngayon lalo pa’t ang mga modernong tao ay mabilis makagawa ng
sariling multo. Sa ilalim naman ng lupa, magkahawig pa rin ang pananaw ng mga tao noon at
mga tao ngayong naimpluwensyahan na ng Katolisismo. Dito rin nakatira ang mga bagay na
nagdudulot ng masama tulad ng paglindol kagaya sa atin, sa iniisip nating tirahan at kayang
gawin ni Satanas. Pagdating naman sa kabilang buhay, iba-ibang lugar din ang tinutukoy.
Mayroon silang lugar ng pagdurusa --- casanaan kung saan napupunta ang kaluluwa ng mga
masasamang patay na, at walang napupunta sa langit kapiling ni Bathala taliwas sa ating
paniniwala. Nakakatuwa naman ang pahayag na walang babaeng maililigtas kung walang
mangingibig na tutulong sa kanya sa kabilang buhay para marating ang calualhatian.
Noon pa man ay meron ng konsepto ng pisikal na katawan at kaluluwa. Ang katawan ay
may hininga, lakas, at pandamdam. Ang katawan ay humihina, nagkakasakit, nakakaranas ng
karamdaman, at namamatay. Ang kaluluwa ay hindi namamatay. Ito ang bahaging tumatawid sa
kabilang buhay at maaari itong humiwalay sa katawan kung nasa ibang antas ng kamalayan, o
kung nananaginip at sa panahon lamang ng kamatayan ito hindi na maaari pang bumalik. Sa mga
taga-Bikol pala nanggaling ang paniniwalang bawal mag-iwan ng kalderong nakabukas sa gabi
dahil baka makulong ang kaluluwa. Ang kaluluwang ito rin ang dahilan kung bakit may iba’t
ibang ritwal na isinasagawa para sa paglalakbay diumano ng namatay na.
Masasabi natin na hindi lamang purong kaisipang panlabas lamang ang pinagmulan ng
mga nakasanayan at nalalaman natin pasahanggang ngayon na nakaaapekto sa araw-araw nating
pamumuhay. Ang mahirap lang maintindihan ay kung bakit tayo naniniwala kahit wala namang
mga konkretong ebidensya na magpapatunay sa lahat ng mga bagay na ito.
Ang mga pamunuan sa sinaunang Pilipinas partikular na ang mga barangay sa bayan ang
tinatalakay sa Aralin 5, mula sa pagpili ng magiging pinuno at sa mga taong magiging bahagi ng
lumalawak na barangay (naging kumpederasyon).
Sa pag-aaral ng istruktura ng pamamahala at kapangyarihan, ang gabay ay ang mga
magkakaugnay na mga salitang nasa iba’t ibang wikang katutubo. Sinu-sino nga ba ang may
hawak ng kapangyarihan sa pamayanan? May gat (ginoo), pangat, dato (kasingkahulugan ng
anito), tuan at raja --- ang lahat ng mga iya’y katawagan sa mga pinuno sa iba’t ibang lugar sa
bansa. Ang barangay bilang pinakamaliit na organisasyong panlipunan ay nagpapahiwatig ng
kapangyarihang nasa loob ng kamag-anakan. Bawat barangay ay isang mag-anak lamang at kung
lumaki man ang sakop, ang batayan pa rin ay isang pagkakapatid na isinasakatuparan sa
pamamagitan ng ritwal na kung tawagin ay sandugo.
Makukuha natin mula sa babasahing ito na kahit hindi tuwirang binanggit na laganap ang
paggamit ng po at opo, at pagmamano di tulad ngayon ay makikitang malaki talaga ang
paggalang ng mga Pilipino sa mga nakatatanda. Sa katunayan maraming mga salita na ang
sentido ay ang pagsamba sa mga matatanda at sa yumaong kamag-anakan.
Nabanggit din sa Aralin 5 ang Lipunang Balanghay na may kakaibang paniniwala.
Halimbawa, ang pagpapalapad ng noo ng bata ay iniuugnay sa pagiging matalino, isang
katangian ng magiging pinuno. Masasabi natin na ang bawat pamilya kahit papaano ay
naghahangad din sa kapangyarihan dahil na rin siguro sa mga pribelehiyong kanilang
matatanggap. Inilarawan din dito ang Lipunang Gat sa baybay ng Maynila. Ang tuluy-tuloy na
kahalagahan ng baybay ng Maynila hanggang sa kasalukuyan ay maituturing na mahalaga bilang
isang entrepot ng komersyo na dinarayo ng mga banyaga.
Sa pagdating ng Islam noong 1280, ang pook ng katutubo ay nabago sapagkat mula sa
pagiging kasapi ng kamag-anakan sa isang barangay, sila ay napasali sa daigdig ng Ummah (ang
lahat ng sumasampalataya kay Allah bilang Diyos) na nakasentro sa Mecca. Ang Sultanato,
isang sistema o uri ng pamahalaan na nagpaunlad sa Islam bilang relihiyon ng estado ay matibay
nang nakatatag sa Pilipinas bago pa man sumikat at maghari ang Kristyanismo sa sangkapuluan.
Ang koordinasyon nito ay halatang umiikot bilang patriyarkal katulad ng sa mga katoliko.
Mahalaga ang kalalakihan samantalang lumalabas na mahina naman ang mga kababaihan.
Halimbawa nito’y hindi maaaring maging Sultan ang isang babae sapagkat pinaniniwalaang wala
itong sapat na kakayahan at lakas. Hindi rin siya pinahihintulutang mamuno sa pagdarasal. Sa
panahong idinaraos ang pagdarasal sa mosque, ang mga babae ay hindi kailangang dumalo at
nakahiwalay sa kalalakihan kung ibig namang dumalo. Sa pagpapatuloy, maaari lamang maging
Sultan ang isang datu kung ang kanyang mga magulang ay nabibilang sa maharlikang lipi ng
kadatuan at kasaripan. Ang magiging Sultan ay ang pinakamatandang datu sa Sultanato.
Kailangan din ang pagkakaroon ng lubos na kaalaman tungkol sa shariah at adat, maalam sa
mga wikang banyaga, at kayang makipag-alyansa o magsagawa ng kasunduan. Ang kayamanan
at ari-ariang taglay maging ang kagandahang-asal ay kabilang rin sa mga batayan. Ang tarsila o
salsila kung saan nakabatay ang Sultanato ay nagbibigay-halaga sa pagkakasunud-sunod at
pagkakaugnay-ugnay ng mga angkan. Talaangkanan o henealohiya ang pinakamalapit na
katumbas ng tarsila sa Filipino. Pruwebang malakas ang impluwensiya ng Islam ay ang mga tao
sa mga lugar sa Bali na hindi na nag-aalay ng baboy sa mga bathalang Hindu. Sa pagdating ng
mga Kastila, nahadlangan ang patuloy na pag-usbong ng Islam. Nagkaroon ng mga pagbabago sa
paniniwala ng mga Pilipino partikular sa relihiyon. Ang poligamya ay ipinagbawal na siya
namang masasabing patas para sa lalaki lalo na sa babae. Ang usapin sa pagkain ng baboy ay
nagbago rin.
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa kabuuan ay tunay na hitik sa mga interesanteng kwento
na may kinalaman at nagpapaliwanag (di tuwiran) sa kinalakhan nating kultura sa kasalukuyan.

[mula sa mga babasahin sa isang klase (KAS1) sa UPD]

You might also like