Kailanman ay hindi naging batayan ang haba sa kahalagahan ng mensahe na nilalaman
ng isang babasahin o kaya ay ng isang palabas. Pinatunayan ito sa likha at direksyon ni James Callos Jordan, at sa panulat nina Sheree Mae Mangalindan at Kaycee dela Cruz kung saan sa loob ng labing-tatlong minuto ay nakapagpakita ng isa pang mukha ng katotohan na maaring mangyari, nangyayari at nangyari sa mga taong naiwan ng mga punamaw na. Isang pelikulang Kapampangan ang Bryle Lakingdanum (1990-2012) kung saan bumisita ang magkakaibigang sina Neil, Ann, Bert, Dette at Jane sa puntod ng pumanaw na si Bryle. Sa aking palagay ay nahahati sa dalawang bahagi ang pelikulang ito. Sa unang bahagi ipinakita kung papaano ba ang kadalasang naiisip o pananaw ng mga nabubuhay na tao sa mga yumao na, tulad nalang ng paglarawan kay Bryle bilang mabait na kaibigan, masayang kasama, matulungin, maaasahan, maraming naituturo at naitutulong. Samantalang sa ikalawang bahagi naman ipinakita ang isa pang mukha ng realidad na maaring hindi pala puro magagandang alaala lamang ang maiwan. Maari pala na galit, pandidiri, pagkamuhi, pagkadaya at pagka-traydor ang maiwanan ng isang pumanaw sa mga taong kanyang nilisan dahil sa mga bagay na nagawa niya sa kanila. Gumamit ng monochrome effect sa pelikulang ito at dahil dito mas diretsong naipakita ang nais ilabas na kondisyon sa tagpo sa paraan na naibibigay ng buong buo kung ano man ang emosyon na hinihingi o gustong ipadama ng eksena. Ilan sa mga ito ay nakapamamangglaw, o kaya naman ay ang pakiramdam ng kabataan, pagkakaibigan, samahan at pagseseryoso. Kapansin-pansin rin ang pagtutok ng lente ng kamera sa iisang anggulo lamang. Binibigyan nito ng limitadong saklaw ang paningin ng mga manonood. Hindi gumagalaw ang kamera ngunit sa halip ay ang mga tauhan o karakter ang siyang tanging kumikilos. Naging paraan ito upang mas magbigay ng malaking atensyon at mas abang ang manonood sa mga kilos at salitang binibitawan ng bawat tauhan. Sa pagharap ng mga tauhan sa kamera bilang pagkausap sa yumaong kaibigan, nakapagbigay ito ng nakakikilabot na pakiramdam sa pagkat para bang inilalagay nito ang mga manonood sa posisyon ni Bryle. Inilagay nito ang mga manonood sa posisyon kung saan para bang sila ang nagkasala. Kung titignan ng magkahiwalay ang dalawang bahagi ng pelikulang ito, maaring ipalagay na ang mensaheng gustong ipahayag ay makikita lamang sa kung ano lang ang mood na ipinalabas sa mga naturang bahagi. Samantala, kung ipagduruktong o titignan ang dalawang bahagi bilang isa, makikita rin ang tunay na kabuuang aral na nilalaman ng pelikula. Kapag pumanaw na ang isang tao, maaalala ang mga kabutihang kanyang nagawa, madalas iyong ang reaksyon at bukang bibig ng karamihan sa bawat isa. Pero sa totoo lang kahit pa sumakabilang buhay na ang isang tao, hindi basta-basta mabubura nalang ang mga kasalanang kanyang nagawa. Hindi rin ito mawawala ng ganun na lamang sa isip at puso ng mga taong nasaktan nila. Ibig sabihin kahit pa wala na rito sa mundong ibabaw ang isang tao, hindi parin siya ligtas sa mga kasalanang kanyang nagawa, at kanyang mga naiwang alaala sa mga nabubuhay ang magiging kapalit ng kanyang mga kasalanan.