Hindi ko alam kung sinong lasing ang nagpauso ng forever na yan. Kung si Marcelo Santos III man o kung sinong nasobrahan yata sa ginbulag, may masamang epekto yata sa kabataan yung mito ng forever. Ayun, sa halip na mag-aral, boyfriend/ girlfriend/ pag-ibig/ panliligaw/ ligaw-tingin (torpe, mahiyain, hanggang sulyap na lang ang kayang gawin) / textmate (sa magulang naman galing ang pangload) / chatmate (gamit ang free FB messenger) / eyeball/ pagpaparamdam (hindi naman multo)/ ang inaatupag. Sa halip na textbook, Para sa mga Hopeless Romantic ang hawak (ngayon pa nga lang tinitigyawat, pumipiyok pa nga kapag nagsasalita, ang pakiramdam agad e hindi na maliligawan o sasagutin ng gustong ligawan. Parang maiiwan ng byahe ng buhay). Hindi ako bitter. Tulad ng gasolina, diesel at pangunahing bilihin, marunong (at sobra-sobra, tulad ng tubo ng mga kumpanya ng langis) din akong magmahal. Hindi ko rin trip maging anti-climatic, baka gulpihin ako ng mga excited ng magcelebrate at makipagdate sa Balentayms Day. Sa tingin ko lang, OA na minsan, at minsan madalas, ang mga kabataan pagdating sa usaping pag-ibig. Overrated ika nga. Komersyalisado ang Araw ng mga Puso. Pinauso para bumili ng mga produkto tulad ng tsokolate, bulaklak, stuffed toys, couple shirts, lobo at kung ano-ano pang pwedeng pangregalo. Araw ng Negosyo. Hindi ako bitter. Walang masama sa pag-ibig. Hindi mali ang umibig. Ang mali ay limitahan ang depinisyon nito. May ibat ibang klase ng pag-ibig, hindi lamang ang pag-ibig sa opposite sex (o same sex) ng magkasintahan, magkatipan nagliligawan (o naglolokohan). Pag-ibig sa sarili, pag-ibig sa kapwa, pag-ibig sa kaibigan, pag-ibig sa pamilya, kapatid, magulang, pagibig sa bayan. Huwag ikulong (at ibigay ng buo) ang pag-ibig sa iisang tao (pero wag din naman mamangka sa dalawang ilog), lalo na kung hindi naman narereciprocate ang pagmamahal. Tandaan na kahit ano pang kabiguan, gaano man ka-wasak at ka-miserable ang lovelife, iikot ang mundo at magpapatuloy ang buhay. Sabi nga ni Lualhati Bautista, ang pag-ibig ay hindi dinidivide, minumultiply. Pag-alayan ng pag-ibig at panahon ang ating pamilya, kaibigan, sarili at bayan. Ang pagmamahal ay dapat magdulot ng mas malalim na pagkilala sa ating sarili at motibasyon upang higitan ang inaakala nating limitasyon ng ating pagkatao.
Hindi dapat maging diskurso ng forever ang pag-ibig. Baka kakatingin
mo sa dulo, sa mahaba-habang paglalakbay na hindi mo naman tiyak kung mararating mo, agad kang mapagod. Narito ka sa kasalukuyan, sa gitna ng mundong walang-katiyakan. Hindi kailangang intayin ang Balentayms Day para iparamdam ang pagmamahal. Bawat segundo, bawat sandali ay maaaring umibig, at ibigin.*