You are on page 1of 3

Maituturing nating pinaka mahalagang kayamanan ng bawat isa sa atin ang edukasyon, ito

lamang ang tanging kayamanan na hindi kayang makuha ng kahit sino man.

Malaki ang kontribusyon ng mga guro sa paghubog sa ating mga kaisipan, pag-uugali, at
pakikitungo sa iba, sila din ang tumatayong pangalawang magulang ng bawat isa sa atin.

Bilang pagpupugay sa ating mga dakilang guro ngayong Labor Day ay kumapanayam ako ng
guro para magkaroon tayo ng ideya at kaalaman kung ano ang buhay na mayroon at bigat ng
mga sakripisyo ng isang guro.

Kinapanayam ko si Michael Gonzales, 34-anyos, ng lungsod ng Malabon, isang public school


teacher, nagtuturo siya sa ika-apat na baitang sa elementarya sa Amang Rodriguez
Elementary School, actually kaklase ko siya noong high school sa Arellano University at Jose
Rizal High School.

At noon pa lamang ay alam ko nang magiging isang guro ang kaibigan kong ito, hindi dahil sa
sinabi niya ito sa akin kung hindi dahil sa bukod sa marunong siya sa aming klase ay makikita
mo sa kanyang bukas siyang magbigay ng opinyon at kaalaman sa iba.

Pagkatapos na makapagtapos sa Bachelor of Science in Elementary Education ay agad na


kumuha ng board examination si Michael at nang makapasa in one take ay agad ding
nakapagturo, noon pa lamang ay naramdaman na niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang
pagtuturo ay hindi matatawaran.

Ayon kay Teacher Michael na kasalukuyang kumukuha ng kanyang Masteral Degree ay mula
umano Kinder 1, Kinder 2, Grade 1 hanggang Grade 6 ay nahawakan na niya at naturuan.

Para sa kanya ay ang Kinder 1, Kinder 2, at Grade 1 ang pinakamahirap turuan dahil sa bubot
pa ang mga kaisipan.

Kaunti na rin naman umano ang hirap sa pagtuturo sa mga nasa higher grades na tulad ng
mga nasa Grade 4 hanggang sa mga graduating students, dahil kahit papaano ay may mga isip
na ang mga ito.

Nalaman ko rin na isa sa mga pinakamahirap na trabaho ang pagiging guro dahil bukod sa
kinakailangan na maging modelo ka ng mga estudyante mo ay napakahabang pasensiya rin
ang kinakailangan.

Sa loob ng isang taon ay mayroong P1,000 chalk allowance bawat public school teachers,
okey na rin siguro ang halagang isang libong chalk na bibilhin sa loob ng isang taon, pero
paano naman ang iba pang mga kagamitan na kinakailangan ng isang guro para makapagturo
ng kalidad na edukasyon sa kani-kanilang mga mag-aaral?

Doon na pumapasok paggastos ng mga guro mula sa mismong bulsa nila, mahigit isang rim na
bond paper din ang kinakailangan ng mga guro sa pagtuturo sa isang taon, nariyan na ang
paggastos nila sa mga pentel pen na gagamitin, manila paper at iba pang gagamitin nila para
sa visual nang mas matuto ang kanilang mga estudyante.

Naroroon pa nga ang maya’t-mayang mga pag-aarkila sa mga computer shop para sa pagri-
research ng mga ituturo nila sa mga mag-aaral dahil na rin sa kakulangan ng aklat sa mga
pampublikong paaralan, malaki ang maitutulong sa mga guro kung may sarili silang laptop o
computers sa ganoong paraan ay hindi na nila kinakailangan pang mag-arkila sa mga
computer shops na kung saan ay maging ang mga pagpi-print ng kanilang gagamitin ay sa
bulsa rin nila manggagaling. mga estudyante.

Sa sahod na depende sa ranggo, katulad halimbawa ng sa hanay ng pulisya na may PO1, PO2,
hanggang pataas ay mayroon din silang tinatawag na Teacher 1 o T1 na pumapatak ng
P19,000 ang sahod sa isang buwan, ang Teacher 2 o T2 naman ay nasa P20,000 at ang
Teacher 3 o T3 na kagaya ni Teacher Michael ay nasa P21,000 ay malaki ang maitutulong
kung mai-isyuhan sila ng kanilang mga sariling kagamitang mapapakinabangan na rin naman
nila ng ilang taon kaysa naman sa isang oras lamang o higit pang ibinabayad upang makapag-
arkila lang.

Kung tutuusin ang kinikita nilang kakarampot lamang na pera ay napupunta lamang sa mga
ginagastos nila para sa pagtuturo, sa katunayan ay upang maging mas epektibo ang kanilang
pagbibigay-kaalaman sa mga mag-aaral ay gumagamit din sila ng mga projector na hindi rin
biro ang halaga para sa mga guro.

Nariyan pa ang may ilang mga estudyante na tila walang pakialam ang mga magulang na
papasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan, nagugutom, at wala ring baon, bilang mga
pangalawang magulang ay hindi kayang basta na lamang na tiisin ng mga guro ang kanilang
mga estudyante na gutom at hindi makakasabay sa kanilang mga kamag-aral sa recess kaya’t
sila na rin ang sasagot sa pangkain ng kanilang mga estudyante.

Kung gutom nga naman at walang laman ang tiyan ng isang bata ay wala ring papasok na
kaalaman sa kanyang pag-iisip, bagay na labis na nakakapagbigay ng matinding kalungkutan
sa mga guro.

Sa kagaya ni Teacher Michael na isang breadwinner ay malaking sakripisyo rin sa kanya ang
budget-in ang kakarampot na sahod niya.

Isa rin sa mga nakakalungkot sa pagtuturo ay kapag may mga estudyante sila na pala-absent.

Sa mga ganitong sitwasyon ay ang mga guro na rin mismo ang kusang nagpupunta sa bahay
ng kanilang estudyante upang makausap ang mga magulang ng mga ito.

May ilang mga insidente rin naman na totoo ang mga nasabing pananakit ng mga guro sa
kanilang mga estudyante na kung tutuusin ay may seryosong kaso na katapat sa ilalim ng R.A.
7610 o Special Protection Against Child in Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

At dahil din dito ay nakakakita ng pagkakataon ang ilang mga magulang upang samantalahin
ito at makagawa ng pera sa pamamagitan ng pangba-blackmail sa mga guro.

Samantala ay matatandaang kailan lamang ay sinabi ng kakaupo lamang na si Pangulong


Rodrigo Duterte na itataas na ang mga sahod ng mga guro at maging sa hanay ng pulisya.

Subalit napag-alaman ko mula mismo sa ilang mga pulis na hindi pa umano napapatupad ito.

Sa sarili kong pagkukwenta sa mga ginastos ng mga guro para sa kanilang pagtuturo ay tila
sumasahod lamang sila upang gastusin din para sa mga estudyante nila.

Noong una ay hindi ko pa maintindihan kung bakit nagtitiyaga si Teacher Michael sa ganoong
trabaho ngunit nang tanungin ko siya kung paano niya kinakaya pa ang pagtuturo ay maluha-
luha ako nang sabihin niya ang sagot niya.

Ayon sa kanya bilang guro na ang passion ay ang pagbibigay-kaalaman sa mga estudyante ay
kaligayahan umano nila ang pamamahagi ng kanilang kaalaman, kahit na kakarampot lamang
ang sahod at maraming mahihirap na task ang kinakailangan gawin sa araw-araw.

So, kung iisipin talaga labor of love ang nangingibabaw sa mga guro, hindi na bale umano ang
maghirap basta makatulong, mabigyan ng kaalaman, at mabigyan ng pagmamahal bilang
pangalawang magulang ang kani-kanilang nagiging mga mag-aaral ay masaya na rin umano
sila noon.

Kung matutuloy ang sinasabing dagdag-sahod para sa mga guro ng gobyerno, maging ito ay
dalawang libong piso o kahit isang libong piso ay malaki ang maitutulong sa mga guro.
Pahalagahan natin ang mga guro dahil hindi biro ang kanilang sinasakripisyo at paghihirap
mabigyan lamang ng maayos, kalidad, at magandang edukasyon ang mga mag-aaral.

You might also like