You are on page 1of 10

Lapid, Princess C. | Quion, Ellen Mae C. | Teaño, Anica Rae T.

Hi165 R—G. Michael Pante


Pagtatalaban: Isang pananaliksik sa mga naratibo ni Lazaro Makapagal ukol sa
pagkakapatay kay Andres Bonifacio
Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan noong Rebolusyon ng 1896, ay mayroong
mga malabong detalye tungkol sa kaniyang pagkamatay. Makikita ito sa mga nagtatalabang
bersyon ng kaniyang pagkamatay na inilimbag ng iba‘t ibang mga tao. Mismong si Lazaro
Makapagal, ang komandanteng inutusang pumatay sa magkapatid na Bonifacio, ay nagsulat
sa isang dyaryo (De Viana 2006, 93–97) at isang liham tungkol sa nangyari (Ronquillo 1996,
811-815). Subalit, ibang mga kaganapan ang isinulat ni Santiago Alvarez (1992, 117-18) sa
kaniyang talambuhay kahit na ‗di umano‘y ikinuwento raw ito sa kaniya ni Makapagal nang
personal. Kailangang mabatid na ang dalawang bersyong ito ay inilimbag halos sa parehong
panahon, mahigit tatlumpung taon na ang nakalipas matapos ang pagbaril sa magkapatid
kung kaya‘t makikitang kahina-hinala ang mga detalye. Dapat din suriin ang naratibo ni
Teodoro Agoncillo (1956, 259-275) dahil ito ang pinakatanyag sa lahat.
Kinakailangang suriin ang mga bersyong nasabi, at hindi lamang ang mga detalye ng
paglilitis sa magkapatid na Bonifacio kahit man malimit itong suriin, dahil ang imahe ng
bayaning si Andres Bonifacio noong oras ng kaniyang pagkamatay ay maraming
maipahihiwatig ukol sa kaniyang katapangan bilang tagapaglaban ng kalayaan ng Pilipinas
lalo na sa mga mata ng mga tao. Isang mahalagang pagkakaiba sa mga bersyon ay ang
pagtatalaban ng mga naging reaksiyon ni Bonifacio nang malagay sa bingit ng kamatayan na
maaring maging malaking salik kung paano siya titingnan ng madla at maaari rin itong
makasira sa kaniyang reputasyon bilang bayani ng bayan. Kahit ang imahe ni Makapagal ay
naapektuhan din. Sa kabila ng masamang reputasyong bunga ng pagkakaugnay niya sa
pagpatay sa Ama ng Katipunan na si Andres Bonifacio, siya ay nananatiling mahalagang
bahagi ng himagsikan sapagkat ang mga testimonyang inilahad ni Makapagal ay may iba‘t
ibang anggulo na mas magbibigay linaw sa mga kaganapan noong himagsikan at ang
imaheng kakabit ng pangalan ni Andres Bonifacio.
Si Lazaro Makapagal, isinilang noong 17 Disyembre 1871, ay mamamayan ng Kawit,
Cavite (De Viana 2006, 92), ang naging sentro ng Rebolusyon ng 1896 matapos bumagsak
ang Maynila. Isa siyang komandante ng Magdalo na itinaas sa ranggo matapos iligtas ang
buhay ni Emilio Aguinaldo noong 19 Abril 1897 (ibid.). Siya ang inatasang pumatay sa
magkapatid na Bonifacio noong 10 Mayo 1897 (ibid.). Ipinapakita ng pagsusuri sa dalawang
teksto kung saan ipinahiwatig ni Makapagal ang mga pangyayari noong gabing iyon na halos
iisang dokumento lamang ang ―How We Executed Bonifacio‖ mula sa Philippines Free
Press (De Viana 2006, 93–97) at ang liham niya kay Jose P. Santos (Ronquillo 1996, 811-15)
dahil sa tahasang pagkakatugma ng mga detalye kasama na rin ang mismong pagkakasunod-
sunod ng mga punto at salita. Magkalapit din ang panahon ng pagsulat ng dalawa noong
taong 1929. Dalawang detalye lamang ang naiiba sa dalawang teksto. Ayon sa artikulo na
sinipi ni De Viana (2006, 94), si Koronel Crisostomo Riel ang hiningan ni Makapagal ng
apat na sundalo upang sundin ang utos habang sa liham naman ay si Koronel Ritual ang
nagbigay (Ronquillo 1996, 811). Makikitang hindi gaanong mahalaga ang detalyeng ito sa
pagsusuri dahil napakaliit ng papel na ginampanan ng Koronel na nagbigay lamang ng mga
sundalo upang matulungan si Makapagal sa pagsasagawa ng utos ngunit mahalagang
pansinin na may pagkakaiba ang dalawang bersyon.
Ang mas mahalagang pagkakaiba marahil ay ang paghingi ni Jose P. Santos ng
paliwanag tungkol sa actuacion militar ni Makapagal kung kaya‘t napilitan itong magsulat
ng liham kahit alam na niyang laganap na ang mga detalye ng pagkamatay ni Andres
Bonifacio noong panahong iyon ayon mismo kay Makapagal (ibid.). Bilang isang masugid na
mag-aaral ng Rebolusyong Pilipino, naging malapit si Santos kay Emilio Aguinaldo. Marami
ang maaring mahinuha sa kaniyang mga liham kay Aguinaldo noong 1940 kung saan
mapapansing si Santos ay may layuning burahin ang masasamang akusasyon laban kay
Aguinaldo hinggil sa hindi umano‘y utos niyang ipapatay ang magkapatid na Bonifacio.
Isang patunay rito ang sinabi ni Santos sa kaniyang liham para kay Aguinaldo noong 25
Pebrero 1941:
Kung mananalo nga naman ang aking obra sa nakaraang concurso ay mawawalan na sila ng
paraang matuligsa kayo sa pagkamatay ni Bonifacio na kayo ang laging pinapalabas na
masama, samantalang sa aking obra ay nagkaroon kayo ng katwiran (Ronquillo 1996).
Sa pahayag na iyan makikita ang malasakit ni Santos para kay Aguinaldo at sa
kaniyang reputasyon. Ang dalawa ay mayroong malapit na relasyon at mapapatunayan ito ng
mga bating pangwakas sa mga liham na Santos kung saan inilalagay niya ang mga katagang
―Ang nagtuturing sa inyong parang magulang‖ (ibid.).
Isa pang maaaring dahilan ng paghingi ni Santos ng liham mula kay Makapagal ay
ang paglimbag ng talambuhay ni Santiago Alvarez (1992, 3-4, 117-18) sa Sampaguita mula
24 Hulyo 1927 hanggang 15 April 1928 kung saan mayroon itong ipinahiwatig na iba sa mga
pangyayari ayon kay Aguinaldo. Maaaring dahil walang nailimbag si Aguinaldo tungkol sa
mga detalye ng pagpatay kay Bonifacio bago ng taong 1927, kinailangang linawin ang mga
pangyayari gamit ang pananaw mismo ng pumatay kay Bonifacio. Lumalabas na mahalaga
ring ikumpara ang mga sinabi ni Makapagal sa mga detalye ng mga pangyayari ayon kay
Aguinaldo sa kaniyang libro (Aguinaldo 1967, 161-63) at ayon kay Alvarez sa puntong ito,
upang magbigay linaw sa mga pangyayari noong 10 May 1897 at sa kanilang nalalaman dito.
Makikita ito sa kalakip na Talahanayan 1.
Ayon sa kaniyang librong inilimbag noong 1967, nakapagbigay ng lehitimong
dahilan si Aguinaldo (1967, 161-63) sa pagiging maikli at pagkakaroon ng malaking
pagkukulang ng mga detalye ukol sa pangyayari. Huli na raw niyang nalaman ang nangyari
dahil sa mismong araw ring iyon sumalakay ang hukbo ng Espanya (ibid.). Makikita rin ang
detalyeng ito sa simula ng liham ni Makapagal kung saan minadaling pinaalis si Makapagal
ni Heneral Noriel dahil papasok na raw ang hukbong Kastila, at sa bandang dulo ng liham
tungkol sa pagharap ni Makapagal sa hukbong Kastila pagbalik niya sa Maragondon
(Ronquillo 1996, 811, 815).
Kung bibigyang pansin naman ang bersyon ni Alvarez, kahit man kaniyang sinabi na
naikuwento raw ito ni Makapagal, sa simula pa lamang ay makikita na ang malaking
pagkukulang ng detalye sa pahayag ni Alvarez tungkol sa mga pangyayari. Ang kakulangan
ng bersyon ni Alvarez tungkol sa mga detalye ng lugar kasama ng kaniyang mga pagkakaiba
mismo ng mga lugar ay nagpapakita ng kahina-hinalang aspeto sa kaniyang bersyon. Sa
kaniyang ikapitong punto sa Talahanayan 1, makikita ang agad na pagsuway ni Makapagal sa
utos ni Heneral Noriel habang ang ikalabing-isang punto sa Talahanayan 1 ay nagpapakita ng
kahinaan ng loob ni Makapagal. Kung titingnan naman ang mga detalye tungkol kay Andres
Bonifacio, lumalabas ang pagkiling ni Alvarez sa kaniya. Makikita ito sa paunang salita ng
kaniyang libro kung saan kaniyang sinabing malimit siyang kasama ni Andres Bonifacio sa
Katipunan at maging sa Magdiwang bilang Kapitan Heneral (Alvarez 1992, 3-4). Sa
kaniyang paghingi ng imbestigasyon tungkol sa pagsuway ng utos tungkol sa pagpababa ng
hatol sa magkapatid na Bonifacio at sa kaniyang mga metapora, makikita ang kaniyang
mataas na pagtingin kay Andres Bonifacio tulad ng:
The might of the revolutionary government prevailed over that of the Supremo Andres Bonifacio and
his brother...It prevailed over a patriotic Father who never wearied of his love for freedom. The
justification was so that thousands of brethren might be united to rally in defense of the Motherland
(ibid., 117).

Maaring naging dahilan ito ng pagkakaiba ng kaniyang detalye ukol sa pagharap ni Andres
Bonifacio sa kamatayan.
Kung bibigyang pansin ang liham ni Makapagal, kailangang malaman kung may
kinalaman ang pagkiling ni Makapagal kay Aguinaldo sa pagpatay kay Andres Bonifacio. Si
Makapagal ay may malaking paggalang kay Heneral Aguinaldo buhat na rin ng pagiging
sundalo na pumapasailalim sa hukbo ng heneral. Noong himagsikan, makikita ang kaniyang
katapatan kay Aguinaldo sa pamamagitan ng kaniyang mga kilos. Isa na rito ang pagsiwalat
niya sa lihim na pagtitipon na naganap patungkol sa diumanong pagtataksil ni Aguinaldo sa
Katipunan. Unang-una, isinama si Makapagal sa mga dinakip nina Ciriaco Bonifacio at
dinala sa Hacienda (Achutegui 1972, 366; Aguinaldo 1967, 145) na nagpapakita ng malaking
posibilidad na isang pangkaraniwang kaalaman na ang pagiging tapat ni Makapagal kay
Aguinaldo, dahil hindi naman nila dadakipin at babantayan nang maigi si Makapagal kung
alam ng panig ng Magdiwang na wala silang mapapala sa kaniya. Ang pagtangkang tumakas
ni Makapagal mula sa kaniyang mga bantay (Achutegui 1972, 365; Aguinaldo 1967, 145-46)
ay nagpapakita na mahalaga para sa kaniya na maiparating kay Aguinaldo ang mga
pangyayari. Nang siya‘y makarating, batay sa librong ginamit sa pananaliksik, detalyado pa
ang paraan ng pagbabahagi ni Makapagal sa mga nakatataas sa kaniya (Achutegui 1972, 367-
68). Dito, makikitang tunay nga ang paggalang at pagpapahalaga ni Makapagal kay
Aguinaldo sapagkat nakita niya ang pangangailangan na sabihin ang lahat ng kaniyang
nalalaman, hangga‘t kaniyang makakaya. Kung iisipin din, bilang isang taong nasa kaniyang
sitwasyon, mahirap subukan na tumakas sa pagkakataong iyon dahil malaki rin ang
posibilidad na baka si Makapagal mismo ay mabaril ng ilan sa mga kawal na naroon.
Malaking bagay rin na gumanap bilang isang kalihim si Makapagal (Palma-Bonifacio 1963),
ayon sa paghirang ni Pantaleon Garcia sa ilalim ng utos ni Aguinaldo, sa panahon ng
paglilitis kay Bonifacio. Maaring mahinuha dito na siya ay isang importanteng bahagi ng
grupo na pinagkakatiwalaan ni Aguinaldo.
Bilang napakahalagang tungkulin, ang pagpatay sa dalawang magkapatid na
Bonifacio ay nararapat lamang na ibigay sa taong siguradong gagawin ang pagpatay na ito at
nagkataong si Makapagal iyon. Maari nating ipagpalagay na ang pagpili ni Heneral Noriel
kay Makapagal upang magsagawa ng pagkitil sa Supremo ay hindi aksidente. Maaring siya
ang pinili sapagkat siya ay malapit kay Aguinaldo at alam ni Noriel na hindi niya babaliin
ang kautusan dahil na rin sa pagkiling ni Makapagal kay Aguinaldo. Marahil siya ang pinili
sapagkat napatunayan na rin ang katapatan niya kay Aguinaldo matapos ang pagbunyag ng
lihim na pulong sa Hacienda. Nang dumating na sa puntong papatayin na ni Makapagal si
Bonifacio, madaling ipagpalagay na mas pinili pa rin ni Makapagal ang utos mula sa panig ni
Aguinaldo kaysa pag-isipan ang mga maaring paraan upang maiwasan ang pagsagawa nito.
Subalit mas mainam kung tingnan din ang mismong mga salaysay at salitang ginamit ni
Makapagal sa kaniyang mga sulatin patungkol sa naganap na pagpatay niya kay Bonifacio
gayong siya lamang at ang apat pang kawal na kasama niya ang naroroon. Kung titingnan
ang bahagi ng pangyayari ayon kay Makapagal, lumalabas na isa sa pinakamahalagang
pagkakaiba ng liham ni Makapagal ang kaniyang mga saloobin noong oras ng pagpatay kay
Andres Bonifacio. Madaling sabihing utusan lamang si Makapagal noong araw na iyon
ngunit hindi maikakaila na nananatili ang kaniyang karapatang pumili kahit man kamatayan
ang isa sa pagpipilian (Marquez 2000, 159). Subalit, kailangan ding suriin ang kaniyang
piniling gawin sa konteksto niya mismo noong panahong iyon. Makikita sa kaniyang liham
na ilang beses niyang sinabing natakot siya at hindi na niya alam ang kaniyang ginagawa
noong oras ng kaniyang pagpatay sa magkapatid (Ronquillo 1996, 813). Dulot ito ng
kaniyang puwesto bilang Komandante ayon sa kaniyang ikawalo at ikalabingtatlong punto sa
Talahanayan 1.
Datapuat sa mga oras na yon, dala ng aking pangamba, gulat, takot, hindi ko malaman ang
aking ginawa, ngunit akoy awa. (Ronquillo 1995)
Bagaman nabanggit na isang masunurin na sundalo si Makapagal, sa oras na ito ay
nagkaroon siya ng pagdadalawang-isip buhat na rin ng awa na naramdaman niya para sa
magkapatid. Subalit, nanaig pa rin ang pagiging sundalo at ang kautusan kay Makapagal.
Ayon sa liham, labis na nagsisi si Makapagal sa kaniyang ginawa at sinabing kung nabasa
niya ang kautusan sa simula pa lamang ay hindi na niya ito susundin dahil mas gugustuhin pa
niyang ―humarap sa barilan, sa gumap ng gayong tungkol sa taong hindi ko katalo at walang
sama ng loob‖ (ibid., 814). Ang kaniyang konteksto ang tumulak sa kaniya upang piliing
patayin si Andres Bonifacio at hindi ang kaniyang pagkiling kay Aguinaldo.
Makikita rin ito noong papunta na sila sa Bundok ng Tala kung kailan tinanong ng
magkapatid si Makapagal kung alam niya ang gagawin sa dalawa, at sinabi ni Makapagal na
hindi niya alam (Ronquillo 1996, 812). Idinagdag din niya na isa lamang siyang komandante,
na malayo sa mga nakatataas at siya lamang ay sumusunod sa mga utos nito (De Viana 2006,
94). Makikita sa puntong ito na hindi pa niya nabasa ang nilalaman ng pakete at makikita pa
sa kaniyang mga susunod na salaysay na dahil dito, nakipag-usap pa rin siya sa magkapatid
na parang walang mangyayaring panganib (Ronquillo 1996, 812). Ganoon din ang
pakiramdam ng kasama niyang mga sundalo (ibid.). ―While we were walking, we talked
quietly, at night the two brothers nor I had any foreboding, and even the soldiers were not
prepared for tragedy‖ (De Viana 2006, 94). Kaya noong binasa ni Makapagal ang utos sa
kaniya na patayin ang magkapatid at haharapin niya ang nararapat na parusa sa kaniya sa
ilalim ng Codigo de Enjuiciamiento militar Español kung hindi niya ito susundin, nagulat
siya at halatang hindi siya handa sa kailangan niyang gawin. ―I held myself in readiness,
fearing that he might strike first… I was filled with fear- fear of the man who had give me
the order. What was I to do?‖ (De Viana 2006, 95). Ito ang mga salitang kaniyang isinulat
tungkol sa kaniyang saloobin sa mga panahon noong dumating na sa pagkakataong kailangan
na niyang patayin sina Andres Bonifacio. Mapapansin dito na malaking salik sa kaniyang
mga kilos ang takot dahil nadamay na rin ang kaniyang sariling paniniwala. Batay sa kaniya,
hindi rin ito isang bagay na gagawin niya dahil ito ay hindi sang-ayon sa kaniyang mga
prinsipyo. Kung babasahin naman ang mga detalye sa liham ni Makapagal ukol kay Andres
Bonifacio, mayroong itong kahina-hinalang elemento dahil sa pagkakaroon ng pagkiling ni
Makapagal kay Aguinaldo.
Mas magiging maliwanag ang pagkiling ni Makapagal kay Aguinaldo at laban kay
Bonifacio kung tampulan ang mismong mga sulatin nito. Isa na rito ang kaniyang naratibong
natagpuan sa mga papeles ng pamilyang Aguinaldo. Dito ginamit niya ang alyas na Major X
at inilarawan ni Makapagal ang mga pangyayari mula sa araw ng lihim na pagtitipon, noong
19 Abril 1897, hanggang sa pagkamatay ni Bonifacio (Achutegui 1972, 365). Sa isang bahagi
ng papel nakasulat ang sapilitang pagpasok ni Aguinaldo na hindi man lamang nasaktan sa
loob ng Hacienda na pinagpupulungan ng mga gumagawa ng plano laban sa kaniya, kahit na
ang utos sa mga kawal ay barilin ang sinumang sumubok pumasok nang walang pahintulot ni
Koronel Ticong. Dahil dito ay pinalabas ni Makapagal na pabor ang Panginoon sa ginawang
mga kilos ni Aguinaldo na makikita sa kaniyang isinulat na ―The just will of God prevailed
(ibid., 370)‖ at ―It must have been the will of Heaven (ibid.).‖ Bilang karagdagan, itinuring ni
Makapagal bilang isang kadakilaan ni Aguinaldo ang hindi pagkakaroon ng pagdanak ng
dugo noong gabing iyon.
It therefore seemed like a miracle that no bloodshed occured. Aguinaldo was able to take
back his men without any casualty. If Aguinaldo had not been permitted to enter the place,
his armed men would have entered the Hacienda by force. That would have been the end of
the Revolution. (ibid.)
Ito rin ay ipinalagay bilang isang kaduwagan sa panig ni Andres Bonifacio batay sa mga
sulatin ni Makapagal na ―Despite such acts of violence, their vaunted bravery proved helpless
before Aguinaldo, who was able to enter their stronghold‖ (ibid.); ―The Bonifacio brothers
who masterminded everything and who moved heaven and earth to make their secret plan a
success: what happened to their bravery?‖ (ibid.); at, ―Where was the violence? Did you not
go away because you were afraid?‖ (ibid.).
Hindi niya nabanggit ang katotohanang walang binigay na utos si Aguinaldo na
pigilan ang pagtakas ng grupo ni Bonifacio at maaring walang nasaktan noong gabing iyon
dahil nagtimpi na lamang si Bonifacio. Marami-rami sa mga sinalaysay ni Makapagal noong
sinubukan na niyang suriin at intindihin ang mga pangyayari na nagpapakita na mayroon
siyang mga paniniwala laban kay Bonifacio.
It seemed that the peak of his [Bonifacio‘s] greatness was only up to a certain stage, not up
to the end. It must have been remorse of the conscience that forced them to surrender (ibid.,
371)
Kung papansinin batay sa kaniyang sulatin, mayroong halatang pagkiling kay Aguinaldo si
Makapagal sapagkat hindi naman siya kumuha ng ilang mga pahayag mula sa panig ng grupo
ng Balara (ibid.). At dahil sa kaniyang pagkiling kay Aguinaldo, marahil ay malaki ang
impluwensya nito sa naging pananaw niya kay Andres Bonifacio at ang paraan ng kaniyang
paglarawan dito.
Ang pinakatanyag na bersyon na nagsasalaysay kung paano namatay si Andres
Bonifacio ay ang akda ni Agoncillo (1957, 259-275). Mapapansin sa Talahanayan 1 na
maraming mga detalye mula sa aklat ni Agoncillo ang nagtutugma sa liham na akda mismo
ni Makapagal. Ang simula ng salaysay ni Agoncillo ay kahawig ng paraan ng
pagkakasalaysay ni Makapagal sa kaniyang liham at ang mga detalye ay makikita sa
Talahanayan 1 bilang apat hanggang pito. Ang pagkakahawig ng paraan ng paglalarawan kay
Andres Bonifacio nina Makapagal at Agoncillo ay maaring magkaroon ng implikasyon na
ang parehong naratibo ay may pagkiling. Ang pagkiling na ito ay mahalagang salik na
sumasalamin sa imahe ni Andres Bonifacio sa kasalukuyan.
Papasok ang pagkakaiba sa tono ng pananalita ni Makapagal kung susuriin ang mga
teksto. Makikita sa Talahanayan 1 bilang pito ang inisyal na ginawa ni Makapagal sa liham
ngunit sa akda ni Agoncillo, makikitang marami pang sinabi si Makapagal at dagdag pa ni
Agoncillo, nang tanungin ng magkapatid sa pangalawang pagkakataon si Makapagal kung
saan sila tutungo, naiiritang sumagot si Makapagal at sinabing:
I myself have no idea of what would be done to you two. I am a mere major, I am not
supposed to know the doings of the higher officers in the headquarters and all I have to do
is to obey orders. (Agoncillo 1956, 268)
Matapos patayin si Procopio Bonifacio, magkahalong awa at takot ang naramdaman
ni Makapagal ngunit nag-iba muli ang tono niya sa makikita sa linyang ―He steadied himself,
fortified by the thought that he was just following orders. His conscience was clear
(Agoncillo 1956, 268).‖ Sa mga katagang nabanggit ay makikitang may pagpapalubag-loob
na naganap sa parte ni Makapagal. Binibigyang diin na walang masama sa ginawa niya
ngunit tataliwas ito sa nauna niyang paniniwala bago pa man patayin si Procopio Bonifacio
na masama ang kaniyang ginawa:
Before him were his own countrymen, people of his own race, who spoke the same
language and relished the same ideals as he. It was murder no less. He did not relish his
mission (ibid., 275)
Mahihinuhang may pagkakataong pabago-bago ng isip si Makapagal at hindi niya
matimbang kung masama o mabuti ba talaga ang kaniyang ginawa.
Ang naratibo ni Makapagal at ang bersyon ni Agoncillo ay may mahalaga ring
pagkakaiba na makikita sa mga kaganapan matapos bumalik nina Makapagal sa
Maragondon. Sa salaysay ni Agoncillo, nabaril si Makapagal at bago siya mawalan ng malay,
naalala niyang hindi pa niya natatapos basahin ang liham na naglalaman ng kautusan ni
Heneral Noriel. Dito pa lamang niya nalaman ang kabayaran kung sumuway siya sa ibinigay
na kautusan ―…you will be subjected to the rigor of the laws in the code of Spanish Military
Court‖ (ibid., 275).
Mahalagang suriin ang parteng ito sapagkat sa bersyon ni Makapagal, masasabing napatigil
lamang siya saglit dahil sa pagkakabanggit ng pariralang ―binasa kong muli‖ na matatagpuan
sa liham ni Makapagal. Importante ito sapagkat maaring magbago ang paghusga at mga
aksyon ni Makapagal kung nabasa niya ito sa Bundok ng Tala pa lamang.
Ang mga sumusunod ay nagpapakita ng mahahalagang detalye na kahina-hinala. Sa
ikalawang bilang ng Talahanayan 1, kahina-hinala ang bersyon ni Agoncillo ukol sa paraan
ng kaniyang pagkalap ng impormasyon sapagkat hindi nagamit si Alvarez bilang isang batis.
Mahalagang ilakip si Alvarez sa kaniyang bersyon sapagkat ito ay indikasyong sinuri nang
mabuti ni Agoncillo ang bawat anggulo ng pangyayari. Kaduda-duda ang pagtukoy ni
Alvarez sa Bundok ng Buntis sa ikaaapat na bilang sapagkat ang mga ibang batis ay
tumutukoy sa iisang detalye at ito ang Bundok ng Tala. Nagpapakita naman ang ikalimang
bilang ng kahalagahan ng orihinal na kautusan ni Heneral Noriel sapagkat kung mapatunayan
na tama ang tala ni Alvarez, masasabing may posibilidad na ang pagkamatay ni Bonifacio ay
pakana ng mga taong salungat sa kaniya. Sa ikaanim na bilang makikita na may pagkiling si
Alvarez sapagkat inilarawan niya bilang ―tago‖ ang lugar sa halip na ibigay na lamang ang
mismong detalye. Dalawang mahahalagang punto ni Agoncillo ang makikita sa ikapitong
bilang. Una, kataka-takang nilapatan ni Agoncillo ng saloobin si Makapagal datapwat hindi
naman ito matatagpuan sa mga naratibo ni Makapagal. Ikalawa, tanging ang tala lamang ni
Agoncillo ang naglahad na hindi nabasa ni Makapagal ang kaukulang parusa sakaling hindi
niya maisagawa ang kautusan. Kaya naman maaaring ipagpalagay rito na may
kapangyarihang mamili si Makapagal. Sa kabilang banda, kung nalaman niya agad ang
magiging kaparusahan, maaring masabi na buo ang kaniyang kamalayan sa kaniyang
gagawin. Makikita rin ito sa ikawalong bilang. Matapos suriin ang mga pagkiling nina
Makapagal, Alvarez, at Agoncillo, nagiging kaduda-duda ang kanilang mga binanggit
tungkol kay Andres Bonifacio sa ikasampu, ikalabindalawa, at ikalabingapat na bilang.
Bilang paglalagom, ang mga pagtatalaban ng mga naratibo ng pagkakapatay kay
Andres Bonifacio ay nagbibigay ng ibang anggulo na magbibigay linaw sa malaking papel na
ginampanan ni Makapagal. Hindi lamang maipapaloob sa akto ng pagkitil ang papel ni
Makapagal sapagkat naging mahalaga rin ang mga pagpapasya niya. Ang mga pagtatatalaban
ay mahalaga ring usisain at ikumpara sa pinakatanyag na bersyon sapagkat magiging
malaking salik ito kung ano ang imahe ni Bonifacio na lalaganap sa mga Pilipino.
Talasanggunian
Achutegui, Pedro S. S.J., and Miguel A. Bernad, S.J. 1972. Aguinaldo and the revolution
of 1896: A documentary history, 355-374. Quezon City: Ateneo de Manila.
Agoncillo, Teodoro. 1956. The revolt of the masses: The story of Bonifacio and the
Katipunan, 231-275. Quezon City: University of the Philippines Press.
Aguinaldo, Emilio. 1967. The plot against Aguinaldo. In My memoirs : General Emilio F.
Aguinaldo, President, first Republic of the Philippines, trans. Luz Colendrino-Bucu,
161-63. Manila: Cristina Aguinaldo Suntay.
Alvarez, Santiago V. 1992. The Katipunan and the Revolution, trans. Paula Carolina S.
Malay, 3-4, 117-18. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
De Viana, Augosto V. 2006. The death of Andres Bonifacio. In the I-stories: the
Philippine revolution as told by its eyewitnesses and participants, 91-6. Manila: UST
Publishing House.
Marquez, Jeena R. 2000. The killing of Andres Bonifacio: A critical linguistic reading of
history. Journal of English Studies and Comparative Literature 6(1):159.
Palma-Bonifacio. 1953. The trial of Andres Bonifacio: The original documents in tagalong
text and English translation. Quezon City: Ateneo de Malila University Press.
Ronquillo, Carlos Valdez. 1996. Ilang talata tungkol sa paghihimagsik nang 1896-97, ed.
Isagani R. Medina, 811-15. Quezon City: University of the Philippines Press.

You might also like