You are on page 1of 3

Matamis na Bunga ng Edukasyon

ni Maricris C. Ical

BSED-FILIPINO 2-A4

Naaalala ko pa noong ako’y pumasok sa paaralan sa kauna-unahang pagkakataon. Limang


taong gulang pa lamang ako noon nang inihatid ako ng nanay ko sa isang Day Care Center sa
aming baranggay. Bakas sa aking mukha ang pagkasabik na tawaging isang estudyante. Nag-
aaral. Nakikinig sa guro. Nakikipaglaro. Natututo. Sa aking murang isipan ay itinanim ko na sa
aking puso’t diwa na ako ay magsisikap sa aking pag-aaral hanggang sa makatapos. Ipinangako
ko na sa aking sarili na darating ang panahon na ang isang hamak na batang katulad ko ay
aabutin ang kanyang mga pangarap.

“Anak, tanging edukasyon lamang ang kayamanang maipamamana namin sa inyong


magkakapatid kaya’t pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” paalala ng aking nanay at tatay na
kung bibilangin ay isang libong beses na yatang sinabi sa aming limang magkakapatid. “Hindi
naman ito para sa amin, para ito sa kinabukasan ninyo.”

Mahirap lamang kami. Walang sapat na kita ang aking mga magulang upang itaguyod kaming
lahat sa pag-aaral. Dumarating din ang araw noong ako ay nasa elementarya at hayskul na halos
wala nang maipabaon ang aking mga magulang sa akin ngunit gagawa pa rin sila ng paraan para
lamang ako ay makapasok. Sayang daw kasi ang isang araw kung liliban ako sa klase.Sa ganitong
mga pagkakataon sa aming buhay ay lalong tumitindi ang aking pagnanasang makatapos sa
aking pag-aaral. Sabi kasi ni tatay, kapag nakatapos kami sa kolehiyo ay mas malaki ang
oportunidad sa buhay. Iba na raw ang may pinag-aralan lalo na sa panahong ito. Naniniwala ako
sa aking mga magulang. Kaya mula noon ay sinisikap kong mag-aral nang mabuti.

Hanggang sa tumuntong ako sa sekondarya at habang tumatagal ay lalong nag-aalab ang aking
pagnanasang maabot ang aking mga pangarap. Sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan ko bilang
isang estudyante at ng aking mga magulang sa aming kabuhayan ay nakatapos pa rin ako sa
hayskul.Sa bilis ng panahon ay parang bumibilis ang tibok ng aking puso. Para akong
kinakabahan sa mga susunod na yugto ng aking buhay. Hindi ko akalaing makakapasok ako sa
kolehiyo.

Nakatingin sa alapaap habang nababalot ng dilim ang buong paligid na tanging kislap ng mga
bituin at sinag ng buwan lamang ang tanging liwanag, malayo na ang nililipad ng aking
pangangarap. “Konting tiis na lamang at malapit na malapit na,” bulong ko sa aking sarili. Alam
ng Diyos ang aking bawat panalangin na sana’y bigyan niya ako ng sapat na lakas upang huwag
sumuko sa buhay.Mahirap ang buhay-estudyante. Para sa akin, ang pag-aaral ay hindi biro.
Nariyan ang kaliwa’t kanang mga proyekto at responsibilidad. Araw-araw, kailangang mag-
review para sa mga quizzes at examinations. Idagdag pa ang magkakalapit na deadline para sa
aming mga gawain sa lahat ng subjects. Ibang-iba ang buhay sa kolehiyo. Malayung-malayo sa
buhay ng hayskul at elementarya. Dito kailangan sanay kang tumayo sa sarili mong mga paa.
Wala kang ibang aasahan kundi ang sarili mo. Kailangan marunong ka ring makisama sa mga
kamag-aaral mo. Iba’t ibang lugar na kasi ang kanilang pinanggalingan. Hindi katulad noong
hayskul na halos lahat kayo sa klase ay magkakapit-bahay lamang. Sa kolehiyo makikilala mo ang
iba’t ibang uri ng tao. Malalaman mong lahat pala kayo ay may kanya-kanyang pananaw sa
buhay, kanya-kanyang diskarte, at kanya-kanyang istorya.

Kahit kailan ay hindi ko inisip na sumuko sa labang ito ng buhay. Minsan, mapagbiro ang
tadhana ngunit natutunan ko na kung paano makisabay sa agos ng panahon. Sipag at tiyaga.
Iyan ang prinsipyong noon pa man ay kakambal na ng aking pagsusumikap.

Sa lahat ng panahon ay sinamahan nila ako sa bawat hakbang ko patungo sa aking pag-abot sa
mga pangarap na dati ay halos kasing layo ng mga bituwin sa langit na tinatanaw ko gabi-gabi,
ngunit ngayon ay halos abot-kamay ko na.Katulad ng isang butong itinanim sa bakuran, kapag
inalagaan nang husto ito’y tutubo, yayabong, at sa paglipas ng panahon — pagkatapos maging
matatag laban sa mga bagyo’t unos — ay mamumunga rin nang matamis at masarap. Ito ang
aking pangarap. Katulad ng buto ay itinanim ko sa aking puso. Inalagaan nang husto. Pinatatag
sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan hanggang sa yumabong nang yumabong at namunga ng
napakatamis na tagumpay.

You might also like