You are on page 1of 3

Naririto tayong lahat at nagtipon-tipon ngayong araw na ito upang ipagdiwang ang isang

malaking pangyayari sa ating buhay bilang isang mag-aaral. Ito ang araw na ating
pinakahihintay… ang katuparan ng ating masidhing pangarap na matapos ang ating puspusang
pagpupunyagi sa pag-aaral. Mga hirap na ating naranasan upang matapos natin ang anim na taon
sa piling ng ating mga kaibigan, kapwa-mag-aaral at mga minamahal na mga guro.

Ito ang araw ng katuparan. ito ang araw na ating pinakahihintay, ang pinakaaasam-asam
nating lahat… ang magawaran ng kaukulang pagkilala ang ating pagtitiis, paghihirap at
pagsusumikap. Ito ang tamang araw upang ipagdiwang natin ang matagumpay na
maisakatuparan ang pagsusunog ng ating kilay alang-alang sa ating kinabukasan. Ang tagumpay
ay hindi lang para sa mga natatanging mag-aaral. Hindi lamang sa akin ang karangalan na
makapagtapos nang may natatanging pagkilala, kundi ang karangalan ay para sa ating lahat.

Una na nating pasalamatan ang ating mahal na Paaralan na naging ikalawang tahanan
nating lahat ang Tranquilimo L. Oblan Elementary School. Sa loob ng mahabang anim na taon,
naririto tayo upang hubugin ng ating mga dakilang guro ang ating pag-iisip, ang ating puso at
ang ating buong pagkatao, upang sa darating na panahon ay maging isang kapaki-pakinabang na
mamamayan ng ating bayan sa isang tamang landasin. Pinanday ang ating pagkatao sa loob ng
tamang panahon at sa angking-talino ng mga tumayong ikalawang-magulang natin. Sa
pamamagitan ng tamang pag-gabay ay matagumpay nating naisakatuparan ang nais na igawad sa
atin ng ating mga guro. Walang katapusang pasasalamat sa aming mga guro sa kanilang
dakilang tungkulin sa mga mag-aaral. Mga Ma’am at Sir Maraming Maraming Salamat po sa
inyo. Sorry po minsan kami ay madalas na makulit at laging nagpapasaway, dala lamang ng
aming pagkabata. Salamat po sa pagtitiis sa aming ugali. Sa pamamagitan ng aking
pagsusumikap nawa mam and sir nakapagbigay ako at kami ng karangalan sa ating mahal na
paaralan.

Ang araw na ito ay ang katuparan ng pagtupad natin sa pangarap ng ating mga
magulang. Ang pangarap nilang mabigyan ng tamang edukasyon ang kanilang mga
anak. Mapapalad tayo at iginawad sa atin ng ating mga magulang ang ating karapatang
makatanggap ng tamang edukasyon at mainit nating natanggap ang kanilang walang-sawang
suporta sa ating pag-aaral. Mga magulang at guro na magkatuwang na humubog at gumabay sa
ating wastong asal. Sa kanilang mahabang panahon na ginugol, kaalamang itinuro at pagtuklas
sa ating talino na kanilang nilinang, nakarating tayo sa espesyal na raw na ito. Ang lahat ng ito,
na ating tinatamasa ngayon ay isang malaking tagumpay sa lahat ng mga taong naghirap para sa
atin upang marating natin ang araw na ito. Salamat po kay tatay at Nanay sa pagtitiis at
pagsasakripisyong magtrabaho upang may makain kami at may baon pagpasok sa paaralan.
Hindi kayo nagsasawa para suportahan kami sa mga bayanihan at mga projects namin sa school.
Hindi niyo inalinta ang lahat ng sakripisyo at paghihirap upang kami ay mabigyan ng tamang
edukasyon. Kay Nanay at Tatay na kahit nahihirapan sa aming magkakapatid na nag –aaral,
tinitiis pa din ninyo ang kahirapan para mabigyan kami ng magandang buhay na kahit walang
baon sa pagpasok sa paaralan. Sa aking mga magulang, marami pa tayong pagdadaanang mga
problema sana maging magiging matatag tayo sa mga hamon ng buhay. At lagi akong
nagdadasal sa ating Poong Maykapal.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang lahat, hindi ito ang wakas. Ang bahaging ito ng ating
buhay-mag-aaral ay pasakalye pa lamang ng ating mas malaking buhay. Inihanda lamang tayo
ng ating mga guro at magulang upang maging matibay, malakas at matatag tayo sa mga darating
na pagsubok at hamon sa ating buhay – maging ito man ay tungkol sa pag-aaral o personal na
pakikibaka. Papunta pa lamang tayo sa isang mas mabigat na pakikipagsapalaran. Ngunit dahil
sa tulong ng mga taong naghirap para makapagtapos tayo ng pag-aaral ay taas-noo at buong-
tiwala nating haharapin ang anumang pagsubok. Ang edukasyon ay ang sandata na ibinigay sa
atin upang mapagtagumpayan natin ang mga darating na hamon ng buhay.

Para sa malaking bahagi ng aming tagumpay, maraming salamat sa aming mga magulang
na naririto ngayon upang saksihan ang paunang-tagumpay ng kanilang mga anak. Kaya sampu
ng aking mga kapwa-mag-aaral na nagsipagtapos, nais po namin kayong pagpugayan sa inyong
kadakilaan. At higit kanino man, ang taos-pusong pasalamat natin sa Poong-Maykapal,
na siyang may bigay sa atin ng ating kalakasan at karunungan. Kung wala Siya ay wala ang
lahat ng ito.

At bilang pagtatapos sa aking talumpati, nais kong hikayatin ang aking mga kapwa
magsisipagtapos na gamitin natin ang tinamasang karunungan sa ating pag-aaral. Isa-puso natin
ang lahat ng ating mga natutunan sa paaralang ito. Mula sa mga libro na ating pinag-aralan, mga
kaalamang ibinahagi ng ating mga guro gamitin natin sa kabutihan ang mga ito upang mapanatili
natin ang tuwid na na landas na ating tinatahak tungo sa tagumpay ng ating bayan. Mayroon
tayong mahalagang papel na gagampanan para sa ating bayan. Bagamat nasa murang isipan pa
lamang ay huwag tayong magsawalang-bahala dahil sa darating na panahon ay tayo ang
mamamahala ng ating bayan. Kung kaya ngayon pa lamang ay maging isang mamamayan tayo
na makatao at maka-Diyos upang makamtan natin ang kaginhawahan sa buhay.

Isang mainit na pagbati para sa pagtatapos nating lahat. Nawa’y magtagumpay ang bawat isa sa
atin sa ating buhay, pag-aaral, gawain at higit sa lahat sa mata ng Diyos.

Maraming-maraming salamat at magandang hapon sa inyong lahat.

You might also like