You are on page 1of 5

Pangarap ni Ija

By Doren John Bernasol (Fiction)

Nang dumating si Ija sa kanilang bahay, agad niyang ibinalita sa ina ang mataas na markang

nakuha niya sa pagsusulit. “At alam mo, Nay,” dagdag ng dalagita, “ang sabi ni ma’am, dapat

maging guro rin ako tulad niya kasi magaling daw ako sa klase.”

Hindi umimik si Tuya. Naalala niya na sa susunod na buwan pala ay magtatapos na ng hayskul

ang kanyang bunsong anak. Ni handa para sa pagtatapos nito ay nahihirapan na sila, paano pa

kaya ang paghagilap sa hiling nitong pangkolehiyo? Lunok-laway niyang tinapat si Ija na baka

hindi na kayanin pang maipagkolehiyo ito.

Hindi na humingi ng paliwanag si Ija nang marinig ang ina. Batid na rin niya ang sitwasyon nila.

“Magsaing ka na,” utos ni Tuya. “Medyo damihan mo kasi dito raw maghahapunan si Sir Pablo.”

Nabuhayan ng loob si Ija nang marinig ang pangalan ng kakilala nilang maykaya. “Nay, baka po

matulungan tayo ni Sir Pablo. Baka may alam siyang scholarship para sa akin, o kahit

mapapasukang trabaho na lang po. Ayaw ko pong huminto.”

Umiwas ng tingin si Tuya at hindi tumugon. Pumasok na lamang si Ija sa kuwarto at nagbihis.

Nang dumating si Lano, ang ama ni Ija, muling nagkuwento ang dalagita tungkol sa kanyang

mataas na marka at sa sinabi ng guro, ngunit tulad ni Tuya, iling at malulungkot na salita lang

din ang naging tugon ni Lano.

Nanlumo si Ija. Matutulad lang siya sa kanyang mga nakatatandang kapatid. Nagbukod ang mga

ito nang maaga at hindi nagkaroon at nakatupad ng matatayog na pangarap.

Ilang sandali pa ay dumating na si Pablo nang nakamotor. Nagdala ang bisita ng litsong manok

at pansit gisado. Parehong mainit pa. May nakasupot din siyang dalawang lapad. Malapit siya sa
mag-anak na katutubo dahil matagal nang nagtratrabaho sa kanyang lupain si Lano, at si Tuya ay

naging yaya ng kanyang mga anak noong iwan siya ng asawa.

Akmang sasalubungin ng malakas na ulan ang pagdating ng gabi, kaya bago pumikit ang

dapithapon ay sumilong na ang lahat. Habang nag-iihaw ng tilapya ang mag-ina, nag-inuman

sina Pablo at Lano. Halos tungkol kay Pablo ang naging usapan. Malaki ang negosyo nitong

pautang at malawak ang lupain, kaya napag-aral nito ang tatlong anak sa lungsod, at ang mga ito

ay may magagandang trabaho at maaayos na pamumuhay na ngayon doon.

Sarap na sarap si Ija sa kanilang hapunan. Minsan lang sila magkaroon ng gan’on karaming

ulam. Tinanong siya ni Pablo kung ano ang napipisil niyang kurso para sa kolehiyo. “Gusto ko

pong maging guro,” walang pag-aalinlangan niyang sagot.

Natahimik sina Lano at Tuya, at lihim na nagpasalamat nang hindi na sinundan pa ni Pablo ang

tanong.

Bumuhos ang ulan sa kalagitnaan ng kanilang hapunan, at lalo pa itong lumakas nang matapos

silang kumain. Inalok ni Lano ang amo na doon na lang magpalipas ng gabi.

“Oo nga, sir,” dugtong ni Tuya. “Tiyak madulas ang daan pauwi sa inyo mamaya. Delikado.

Nakamotor pa naman kayo.”

“Saka hindi pa natin nabubuksan ang ikalawang lapad,” sabi ni Lano, sabay tawa nang bahagya.

“Ipatuloy na lang natin ang inuman,” sagot ni Pablo. “Pero uuwi ako kapag tumila ang ulan.”

Matapos ang hapunan ay inilatag sa mesa ang isa pang lapad at ang mga tirang ulam para gawing

pulutan. Nagpatuloy sa pag-inom sina Pablo at Lano. Nakisali sa kanilang usapan si Tuya.

Lumalim ang gabi. Dumako roon at rito ang usapan, at patuloy pa rin ang bugso ng ulan. Naubos

nila ang pangalawang lapad, at nadagdagan pa ito ng tinatagong tuba ni Tano. Nang muling mag-

alok ang mag-asawa na doon na siya magpalipas ng gabi, hindi na tumanggi si Pablo.
Ginawa ni Ija ang kanyang takdang aralin at nagpaalam sa matatanda na mauunang matulog,

ngunit hindi siya nakahiga agad dahil narinig niya ang kanyang pangalan. Pinag-uusapan siya ng

matatanda. Nilapat niya ang tenga sa dingding na pawid at nakinig sa usapan.

Sa hapag-kainan, ipinapaliwanag ni Tuya kay Pablo ang kalagayan ni Ija. “Gusto sanang

humingi ng tulong ng anak namin sa ’yo, kasi hindi na namin magawang mapag-aral siya ng

kolehiyo. Baka may kakilala kang makakatulong sa kanya o kahit mapapasukang trabaho habang

nag-aaral siya.”

Ilang sandaling nangalumbaba si Pablo, pagkatapos ay sinabing, “May mga kalabaw ako, at may

ilang ektaryang lupaing hindi ko na naaasikaso. Sapat na sigurong dori iyon para kay Ija?”

Nagising ang inaantok na diwa ni Ija. Kahit kailan hindi sumagi sa isip niya na mamutawi ang

ganung salita sa bibig ni Pablo. Kahit normal sa tribu nila na ipagkasundo ang babaeng anak sa

taong may kakayahang magbigay ng dori, anuman ang edad ng lalaki, hindi niya inakalang

mapapasok siya sa gan’ong sitwasyon. Buo na ang isip niya dati pa man na magtatapos siya ng

pag-aaral at gagawa ng mga sariling desisyon.

Ang mag-asawang Lano at Tuya naman ay hindi na masyadong nagulat sa tinuran ni Pablo.

Noon pa man ay nagpaparinig na ito hinggil sa pagnanais nitong may makakasama at mag-aalaga

sa pagtanda.

“Nabanggit ko na ito sa inyo dati pa,” sabi ni Pablo. “Naidulog ko na nga ito sa datu ng inyong

tribu.”

“Ngunit, sir,” sabi ni Tuya, “hindi pa ganoon ka handa ang anak ko sa hinihiling mo. Musmos pa

siya para maging ina.”

“Hindi ko naman nais na magkaanak pa, o magkaanak kaagad. Paaralin ko si Ija. Tutuparin ko

ang pangarap niyang maging guro.”


Sa loob ng kuwarto, narinig ni Ija ang ama. Hindi klaro sa kanya ang mga salita nito dahil

mahina ang boses nito, nag-aalala ngunit hindi umaalma. Parang alam na ni Ija ang pasiya ng

ama.

Hindi alam ni Ija kung ano ang gagawin. Puwede siyang lumayas, ngunit saan siya pupunta?

Puwede siyang magtrabaho, ngunit ano’ng trabaho ang kaya niya, at sapat ba ang kikitain niya

para mapaaral ang sarili? Puwede siyang tumanggi sa alok ni Pablo at huminto na lang sa pag-

aaral, ngunit paano na ang mga pangarap niya?

Ang matatanda ay patuloy pa rin sa pagkakasundo kasabay sa paglunok ng matamis na tuba, ang

mahalagang pagpapasiya. Hanggang sa unti-unti na rin silang nagligpit at wakasan ang gabi sa

pamamahinga. Unti-unti na rin sa wakas napagod ang ulan. Ang marahan nitong buhos ng mga

natitirang patak ay salungat sa bumabalisbis na luha ni Ija. Itinago niya ang pag-iyak sa

pamamaluktot at mahigpit na yakap sa unan. Ang bigat ng sumaklob na hinagpis na iyon sa

kanya ay simbigat ng katitilang ulan.

Kinaumagahan, hindi pa nakadungaw ang araw sa langit ay nagising na si Tuya. Niyugyog nito

si Ija. “Anak, gising na. May mahalaga tayong lakad ngayon.”

Nagmulat ng mata si Ija.

“Bangon na,” sabi ni Tuya. “Maghanda ka ng isusuot mo.”

“Handa na dati pa ang uniporme ko, Inay.”

“Hindi. Liliban ka muna ngayong araw sa klase. May mahalaga tayong lakad nina Sir Pablo at ng

itay mo.”

“Saan po?” pagmamaang-maangan ni Ija.

“Sa datu.”

Hindi umimik si Ija. Bumangon siya at tinulungan ang inang tiklupin ang banig.

You might also like