You are on page 1of 2

pulitikong kawatan ni G.

Rogelio Ordonez
panunumpa sa tungkulin ng mga pulitikong kawatan)
iniibig ko ang pilipinas
aking lupang ninanakawan
tahanan ng mga kauri kong kawatan
pinahihintulutan akong magnakaw magpakailanman
upang maging mayaman, makapangyarihan at mapanlinlang.
dahil mahal ko ang aking kapakanan
susuwayin ko ang mga batas
at lagi kong pangangalagaan ang aking lukbutan.
tatalikuran ko ang mga adhikaing marangal
kahit magdusa’y masang sambayanan.
buong sigasig akong magsisikap
na maragdagan pa ang aking kayamanan
kahit ikamatay ng aking nasasakupan.
sa aking buong buhay sa panunungkulan
tatalikuran ko ang karangalan
at magsisikap akong maging ganap na tulisan
sa isip, sa salita, at sa gawa
para sa pananatili ng aking kasakiman.
kasihan at pagpalain nawa ako ni satanas!

Ano pa nga ba ang dapat asahan ngayong panahon ng halalan sa nagdaralitang La Tierra Pobreza?
Kanya-kanyang pasiklab at buladas ang mga payaso't sirkero. Maaga pa, pagala-gala na sa mga
lansangan ang inarkilang mga sasakyan ng mga kandidato, bubulahawin kayo ng dumadagundong at
naglalakihang espiker na ibinabando sa publiko ang pangalan ng kinauukulang kandidato upang mauto
kayong sila'y iboto. Lahat sila'y marangal diumano, walang dorobo, walang makasarili, at lubhang mataos
ang hangaring paglingkuran ang kapakanan ng bayan at dayukdok na mga mamamayan.
Paulit-ulit ko na pong narinig ang gayong hungkag na mga retorika mula pa yata noong rehimen ni Pres.
Elpidio Quirino hanggang ngayon sa napakasamang administrasyon ni P-Noy. Sawang-sawa na po
akong marinig ang mga iyon. Kung natupad nga po lamang ang idinakdak ng kung sinu-sinong
bastardong mga pulitikong nanalo at naluklok sa inodoro ng nakababaliw na kapangyarihan, baka po
napakaganda na ng Pilipinas at hindi na titiguk-tigok ang lalamunan ng nakararaming busabos na mga
mamamayan.
Malimit bigyang-diin ngayon ng mga payaso't sirkero na trabaho ang makalulunas sa karalitaan. Sabihin
nang mararagdagan ang bilang ng mga may trabaho pero, punyeta, kailan umunlad ang buhay ng
karaniwang mga manggagawa sa mga pabrika't empresa at ordinaryong mga empleyado ng gobyerno?
Hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin sila dahil sa kasuwapangan ng mga kapitalista't
oligarkiyang walang malasakit o konsensiya para sa kanilang mga manggagawa dahil, unang-una, higit
na mahalaga para sa kanila ang limpak-limpak na tubo kaysa buhay at kapakanan ng kanilang mga
inaalipin.
Malupit pa't gahaman ang mismong gobyernong dapat magmalasakit sa mga mamamayan, kaya
nagagawa pa nitong kubain ang ordinaryong mga manggagawa't empleyado sa pamamagitan ng 12%
VAT (value added tax) sa mga bilihin at serbisyo, patawan ng di makatarungang 32% buwis sa kita
(income tax) at ng kung anu-ano pang inimbentong mga buwis na 30% taun-taon ay dinarambong
lamang naman ng mga dorobo sa gobyerno at hindi naiuukol sa mahalaga't lubhang kinakailangang
serbisyo publiko (mga pabahay, edukasyon at kalusugan, kaligtasan ng mga mamamayan, at iba pa.)
May nagyayabang pa na mawawalang parang bula ang droga, krimen at korupsiyon sa Luzon, Bisaya at
Mindanaw sa loob lamang ng anim na buwan kung sila ang manalong Presidente at Bise-Presidente ng
Republikang Mamon. Diyos ni Abraham... huwag na po ninyo kaming bolahin! Ayon nga sa paring taga-
Colombia, si Padre Camilo Torres, na umanib nang malaon sa kilusang rebolusyonaryo sa kanilang
bansa, hindi masusugpo ang mga karahasan at kriminalidad hanggang nagpapataw ng sobra-sobra't di
makatarungang buwis ang gobyerno upang mapalamon lamang ang mayayaman at may madambong
ang mga opisyal ng pamahalaan. Magpapatuloy ang mga karahasan, ayon sa kanya, hanggang usad-
pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay pumapabor sa mayayaman at makapangyarihan.
Sisidhi ang mga karahasan, dagdag pa niya, hanggang inutil ang pamahalaan at hindi matugunan ang
pangunahing mga pangangailangan ng sambayanan, lupa't bahay, damit, pagkain at gamot, at

https://z-p3-cdn.fbsbx.com/v/t59.2708-21/60329259_184409…oh=6d0ef3a6234f57fa3b9267c924caf0dc&oe=5CDD1776&dl=1 14/05/2019, 1H30 PM


Page 1 of 2
napakahalagang edukasyon.
Sa aba po naming paniniwala, hindi maisasakatuparan ang mga ito hanggang mahigpit na kontrolado
ang pambansang ekonomiya't pulitika ng iilang hari-harian o diyus-diyosan sa lipunan (malalaking
kapitalista't asendero, makapangyarihan at dorobong mga pulitiko}. Baklasin muna ang tiwaling
balangkas na ito ng lipunan na wala pang 15% porsiyento ng ating populasyon ang nagpapakabundat sa
50% ng pambansang yaman at kita (national wealth and income). Kung hindi, mananatiling suntok
lamang sa buwan ang idinadakdak ng bolerong mga pulitikong ito tuwing panahon ng eleksiyon na,
malinaw hanggang ngayon, ay rigodon lamang sa poder ng naghaharing-uri upang patuloy na
mapagsamantalahan ang kahabag-habag nating bayan at nagdaralitang masang sambayanan.
Punyeta! Maniwala na lamang kayo sa horoscopes kaysa eleksiyon! O kolektibo kayong kumilos para sa
radikal at makabuluhang pambansang pagbabago!

https://z-p3-cdn.fbsbx.com/v/t59.2708-21/60329259_184409…oh=6d0ef3a6234f57fa3b9267c924caf0dc&oe=5CDD1776&dl=1 14/05/2019, 1H30 PM


Page 2 of 2

You might also like