You are on page 1of 15

Sa Taluktok, Sa Paanan

MGA TAUHAN:
LALAKI – kasing-edad ni BABAE,
matagal nang sinusundan si BABAE
BABAE – kasing-edad ni LALAKI,
matagal nang tinuturo kay LALAKI
kung saan pupunta
MANGLALAKBAY – mas matanda kila
LALAKI at BABAE, matagal nang
naglalakbay
Tagpuan: Sa gitna ng isang
bundok.
ORAS: dapit-hapon.
Bubukas ang ilaw ng entablado.
Maririnig ang mga tunog ng
bundok: mga ibon, mga lobo at
mga tipaklong. Papasok ng
entablado si LALAKI at BABAE.
LALAKI
Gaano katagal na?
BABAE

Matagal-tagal na.
LALAKI

‘Di nga?
Hindi siya sasagutin ni BABAE.
Nasaan na ba tayo?
BABAE
Malapit na. Onti nalang.
LALAKI
Eh kahapon?
BABAE

Onti nalang din.


LALAKI
Bukas?
BABAE

Onti nalang din.


LALAKI

Nasa taluktok ba tayo o nasa may paanan?


BABAE

Hindi ko alam.
LALAKI
Anong hindi mo alam?
BABAE

Kasi hindi ko alam! Kahapon, ngayon o bukas, hindi ko pa rin


malalaman! Kailangan pa rin natin maglakad.
LALAKI

Sandali lang, pahinga muna tayo.


Patlang.
Nasaan na nga ba tayo?
BABAE

Hinihingal ka na ba?
LALAKI

Onti.
BABAE

Baka papuntang taluktok na tayo. Sa tingin mo may oras tayo


magpahinga?
LALAKI
Wala rin naman magbabago. Kahapon, naglalakad tayo. Bukas,
maglalakad pa rin tayo.
Patlang.
Tingin mo ba may pag-asa pa tayo?
BABAE
Narinig mo ‘yung sinabi nila, ‘di ba? May isang lugar dito.
Makakaalis din tayo.
LALAKI
Ano sinabi nila?
BABAE
Sabi nila-
LALAKI
Ano sinabi ng nasa taluktok?
BABAE

Nasa paanan.
LALAKI

At ano naman sinabi ng mga nasa paanan?


Patlang.
BABAE

Nasa taluktok. Tara na, maglakad na tayo.


LALAKI

Sandali lang.
BABAE
Bakit?
LALAKI
May pagkain ka?
Maghahanap ng pagkain si BABAE
mula sa bag niya. Maglalabas
siya ng isang bayabas. Maiiling
si LALAKI.
Bayabas ulit?
BABAE

Sa sunod, ikaw ang maghahanap ng pagkain.


LALAKI

Kung bayabas lang ang mahahanap ko sa letseng bundok na ‘to,


‘wag na.
BABAE
Ano kaya sasabihin nila pagpunta natin doon?
LALAKI
“Nasa paanan!” Sabi ng mga nasa paanan nandito. “Hindi, nasa
taluktok!” Sa tingin mo ba mahahanap talaga natin?
Hindi makakasagot si BABAE.
Hindi natin mahahanap kasi hindi siya totoo. Ginawa ang lugar
na ito para mapanatili tayo rito sa loob. Gaano sila Katanga
na gagawa sila ng paraan para makatakas tayo?
BABAE
Ano’ng sinasabi mo?
LALAKI
Siguro sila rin ang nagsabi na may labasan dito para panoorin
nila tayong naghahabulan na parang mga asong nakakita ng
kotse!
Kakainin ni LALAKI ang bayabas.
Pagkatapos, bibigyan si BABAE.
Katahimikan.
BABAE

“Dalawang tao lang ang makalalabas!”


LALAKI

“Wala rito ang pag-asa ninyo! Nandoon!”


BABAE

“Nasa taluktok ba o nasa paanan?”


LALAKI
“Nasa paanan!”
BABAE
“Hindi. Wala dito, nasa taluktok!”
Magtatawanan ang dalawa.
Patlang.
LALAKI

Ano na?
BABAE

Sandali lang.
LALAKI
Ano?
BABAE

Sandali lang.
LALAKI

Akala ko ba nagmamadali ka?


BABAE

Hindi ko sinabing-
LALAKI
Ano? Nagdadalawang isip ka na?
BABAE

Hindi naman ganoon-


LALAKI

Paano ka nawalan ng pag-asa sa loob ng limang minuto?


BABAE

Hindi ako nawalan-


LALAKI
Bakit hindi nalang tayo tumira sa taluktok o sa paanan?
BABAE
Hindi ko sinabing-
LALAKI

Sa tingin mo ba may punto pa itong paglalakbay natin?


BABAE

OO!
Patlang.
Napagod lang ako ng onti.
Papasok ng entablado si
MANGLALAKBAY. Titingin-tingin
siya ng onti bago niya makita si
LALAKI at BABAE.
MANGLALAKBAY

Pasensya na ho, may narinig po akong nagsisigawan.


LALAKI
Patawad, kami iyon.
BABAE
Ano ho narinig ninyo?
MANGLALAKBAY
Wala akong naintindihan sa sinisigaw ninyo, narinig ko lang
‘yong ingay, at pumunta ako rito. Akala ko baka may inatake ng
mga lobo o mga magnanakaw. Dumarami na nga raw sila sa may
taluktok. Patawad kung ako’y naging istorbo.
BABAE

Hindi ho, walang anuman.


LALAKI

Pahinga na muna kayo, o.


MANGLALAKBAY

Salamat.
BABAE
Bayabas po.
Kukunin ni BABAE ang bayabas sa
loob ng bag niya at ibibigay kay
MANGLALAKBAY.
MANGLALAKBAY

Maraming salamat.
LALAKI

Saan po kayo nanggaling?


MANGLALAKBAY

Sa paanan, kinausap ako ng mga tao roon.


BABAE
At ano ho sabi nila?
MANGLALAKBAY

Nasa taluktok ang sagot.


LALAKI

Nakausap mo na rin ba ang mga nasa taluktok?


MANGLALAKBAY
Oho.
LALAKI
At ano sinabi nila?
MANGLALAKBAY
Nasa paanan.
Patlang. Kakainin ni
MANGLALAKBAY ang bayabas.
MANGLALAKBAY

Ngunit, noong paalis na ako, may nakausap akong manglalakbay


na sinabi sa akin kung saan talaga mahahanap ang sagot.
LALAKI

Anong sagot?
MANGLALAKBAY
Ang sagot ho na dati ko pa hinahanap-hanap, ang sagot sa
tanong na “saan nga ba tayo makakalabas galing dito?” Ang
sagot na, sigurado ako, hinahanap ho rin ninyo.
BABAE
At ano ho ang sinabi niya?
MANGLALAKBAY
May binanggit siyang lugar. Ang lugar kung saan naroroon ang
sagot sa mga tanong natin. Sinabi niya sa akin kung nasaan ang
labasan.
LALAKI
Nasaan?
MANGLALAKBAY
Sa lugar po kung saan nagkikita ang taluktok at ang paanan ng
bundok, at makikita lamang daw siya sa oras ng pagkita ng araw
at ng buwan. Araw-araw, dalawang tao ang nakakalabas dito.
Pagkatapos, mawawala na siya sa sunod na araw, at kailangan
nanaman hanapin ang bagong lugar, kaya ho patawad at ako’y
nagmamadali rin makapunta sa labasan.
LALAKI

Alam mo kung nasaan ang lugar na ito?


MANGLALAKBAY
Oho. Bago ko kayo narinig, papunta na sana ako roon.
BABAE
Kaya mo ho kami dalhin doon?
Patlang.
MANGLALAKBAY

Oo, ngunit isa lang sa inyo ang makasasama sa akin sa labasan


mismo. Dalawa lang ang nakatatakas araw-araw.
Patlang.
LALAKI
Bayabas pa.
Ibibigay ni LALAKI ang bayabas
niya kay MANGLALAKBAY.
MANGLALAKBAY
Maraming salamat ho.
Matatahimik si MANGLALAKBAY,
abalang-abala sa bayabas.
Hahablutin ni LALAKI si BABAE at
mag-uusap sila sa gilid ng
entablado.
LALAKI
Makalalabas na tayo.
BABAE

Ha? Sabi niya dalawa lang ang puwedeng tumakas.


LALAKI

Oo nga.
BABAE

Isa lang sa atin ang makatatakas!


LALAKI
Isa lang – kung tatakas din siya.
BABAE
Ano plano mo?
Patlang.
Hindi ‘yan tama.
LALAKI
Gusto mo bang maghiwalay tayo?
BABAE
Hindi, pero-
LALAKI

Ako ang lalaki mo, hindi nga ba?


BABAE

Oo.
LALAKI
Hindi tayo puwede maghiwalay.
BABAE
Wala siyang ginawang masama sa atin.
LALAKI

Sinabihan niya tayo na may labasan, subalit sinabi na rin niya


na isa lang sa atin ang makalalabas. Pinaasa na nga niya tayo,
gusto pa niya tayo ipaghiwalay. Binigyan natin siya ng
pagkain, tapos ‘yan ang gagawin niya sa atin? Siya ang may
mali.
BABAE

Hindi pa rin ito tama.


LALAKI
Hindi tama na ipaghihiwalay niya tayo!
Mapapatingin si MANGLALAKBAY.
MANGLALAKBAY

Kumusta ho kayo diyan?


LALAKI
Maayos lang, salamat. May pinag-uusapan lang. (kay BABAE) Pag
hindi mo ‘to ginawa, mag-isa na tayong maglalakbay. Gusto mo
ba iyon?
BABAE
Hindi.
Patlang.
Bayabas pa ho?
MANGLALAKBAY

Nako, nakakailan na ako. Salamat.


Ibibigay ni BABAE ang huli
niyang bayabas kay MANGLALAKBAY.
Masyado kayong mabait sa akin.
LALAKI

Tama lang na maging mapagbigay sa iyong kapwa.


MANGLALAKBAY

Tama ka nga ho.


Kakainin ni MANGLALAKBAY ang
natitirang bayabas.
BABAE

Gaano katagal na ho kayo naglalakbay?


MANGLALAKBAY
Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ko na nalakbay ang
bundok na ito.
Mapapatingin si MANGLALAKBAY sa
kanilang dalawa.
May kasama nga rin pala ako noon. Kayo ba? Matagal na rin ba
kayong magkasamang maglakbay?
BABAE
Oho. Nagkita po kami sa taluktok – o sa paanan ba? Ah, hindi
ko na rin po maalala. Ilang beses na rin kaming umakyat
patungong taluktok at ilang beses na rin kaming bumaba
patungong paanan. Kahit kalian, hindi kami naghiwalay sa aming
mga lakbay.
MANGLALAKBAY

Matatag. ‘Yung kasama ko, parehas kami sa inyong dalawa.


Ganiyan din matatag, kung hindi mas matatag pa. Ilang beses
umiikot sa bundok nang walang napapala sa lakbay – at noong
simula, wala rin kaming paki kung ano mangyari. Basta’t
magkasama kami.
BABAE
Ano ho nangyari sa inyo?
MANGLALAKBAY
Matagal na kaming magkasama sa lakbay namin. Ilang beses na
namin inikot ang taluktok at ang paanan, kahahanap ng labasan.
May mga kaibigan kaming gumamit ng ibang daan sa kanilang
paglakbay, may mga kaibigan din kaming hindi na naglalakbay.
Siya naman, wala na. Naimpluwensyahan ata ng mga nasa taluktok
o paanan.
BABAE

Napagod ho?
MANGLALAKBAY

Oo. Nasa paanan na siya ngayon, kasama ng mga ibang hindi na


rin naglalakbay. Nagpapahinga. Nagpaalam kami, at mag-isa na
ako. Iyon ang mahirap sa buhay natin. Kahit anong gawin ninyo,
isang araw, titigil na rin kayo. Darating kayo sa punto na
kailangan niyo mamili: tutuloy ba kayo o hindi?
Patlang.
LALAKI

Hindi kami ganoon.


MANGLALAKBAY
Baka nga ho.
BABAE

Matatag kaming dalawa.


MANGLALAKBAY

Mukha nga.
LALAKI

Pinagdududahan niyo ata kami.


MANGLALAKBAY
Hindi naman ho ganoon.
BABAE
Bakit niyo ho kami minamaliit?
MANGLALAKBAY
Hindi ko kayo minamaliit! Sinasabi ko lang. Iyon din kasi
sinabi naming dati.
Katahimikan.
Mahal na mahal namin ang isa’t isa, wala kaming tinatago, at
parati kaming magkasama. Noong isang beses, papunta kaming
paanan – o taluktok ba? Hindi ko na rin matandaan – bigla kong
sinabi sa kaniya na mahal ko siya, at sinabi niya rin sa akin.
Ang lakbay ang nagbigay sa amin ng pagmamahal.
LALAKI

Kami rin!
MANGLALAKBAY
Pansin ko nga ho. Ngunit, sa lakbay rin niya nalaman na
napapagod na siya. Nakakaubos nga rin naman ng pasensya ang
walang katapusang paglalakbay.
LALAKI

Ipinaghihiwalay niyo ata kami, a!


MANGLALAKBAY
Ay hindi ho! Pagkatapos niyo ho ako bigyan ng pagkain ninyo?
Hindi ho ako taksil.
Hahablutin muli ni LALAKI si
BABAE papunta sa gilid ng
entablado.
LALAKI

(pabulong) Nakikita mo ginagawa niya sa atin? O, sino ngayon


ang taksil?
BABAE
‘Wag ka ganiyan.
LALAKI

Ipagtatanggol mo siya?
Patlang.
Gusto mong ipaghiwalay niya tayo?
Hindi makakasagot si BABAE.
Putangina.
BABAE
Tama na.
Iiwanan ni LALAKI si BABAE sa
gilid.
LALAKI

(kay MANGLALAKBAY) Nasaan ang labasan?


MANGLALAKBAY

Sino sa inyo ang magiging kasama ko?


Patlang.
LALAKI

Kaming pareho.
BABAE

(pabulong) Ano?
LALAKI

Dadalhin kita doon, tapos mag-isa ka na.


BABAE
‘Wag ka ganiyan.
LALAKI

Anong huwag-
MANGLALAKBAY

Dapit-hapon na at malapit na ho mawala ang labasan. Gusto niyo


ho pa ba ako samahan?
BABAE
Gusto niyo pa po ng bayabas?
Hahalungkatin ni BABAE ang bag
niya, ngunit walang makukuhang
bayabas.
MANGLALAKBAY

Maraming salamat, ngunit mukhang wala na ata tayong oras para


kumain.
LALAKI
Dumidilim na nga po.
Magsisimulang magimpake si
LALAKI, ngunit hahablutin siya
ni BABAE palayo kay
MANGLALAKBAY.
BABAE

Ano na gagawin mo?


LALAKI

Sasama tayo hanggang sa labasan.


BABAE

At pagkatapos?
Hindi sasagot si LALAKI.
Pagkatapos?
Hindi papansinin ni LALAKI si
BABAE.
LALAKI
(Kay MANGLALAKBAY) Tara na ho?
MANGLALAKBAY

Sige ho. Parating na ang gabi.


BABAE

Iiwanan mo ako?
Bago makasagot si LALAKI,
susugurin siya ni BABAE.
Mahuhulog si LALAKI sa sahig, at
kukunin ni BABAE ang kaniyang
bag. Gamit ang bag, sasakalin ni
BABAE si LALAKI. Lalaban siya,
ngunit matatalo ito at unti-
unting mamamatay. Mapapagod si
BABAE, at maglalabas ng bayabas
mula sa bag niya.
Gumagabi na.
Hindi makakasagot si
MANGLALAKBAY.
Ako ang babae niya, at siya ang lalaki ko.
Patlang.
Heto.
Aalukin ni BABAE kay
MANGLALAKBAY ang bayabas.
Titingnan lamang siya ni
MANGLALAKBAY. Iiling siya,
ngunit tatanggapi rin ang inalok
na bayabas.
Sa ngayon, ikaw na ang aking lalaki at ako na ang iyong babae.
Naiintindihan mo ba ako?
Hindi makakasagot si
MANGLALAKBAY.
Kailanman, hindi mo ako iiwanan at hindi rin kita iiwanan. Ako
ang mangununa, at ikaw ang susunod sa aking yapak.
Patlang.
Gumagabi na. May bayabas ka?
Tahimik lang si MANGLALAKBAY.
Ibibigay niya ang bayabas na
binigay ni BABAE. Kukunin ni
BABAE at kakainin.
Tara na.
Iiling si MANGLALAKBAY, ngunit
susunod din sa utos.
MANGLALAKBAY

Saan tayo pupunta?


BABAE

Sa taluktok, sa paanan. Basta. Lakbay lang ng lakbay.


Mahahanap din natin ang labasan isang araw. Ano sa tingin mo?
MANGLALAKBAY
Malalaman natin sa lakbay.
Mag-iimpake si MANGLALAKBAY at
si BABAE. Lalabas si BABAE ng
entablado. Kukuha ng bayabas si
MANGLALAKBAY mula sa bag niya at
ibibigay kay LALAKI. Lalabas
siya ng entablado. Didilim.
Wakas.

You might also like