You are on page 1of 122

pambubuliglig

mga tula ng pagkampay at pagsisid

emmanuel villajuan dumlao


Dagli akong tumigil at nag-ala tuod

Isang umaga
nangabute kami ni Manong
sa bangkagan.

“Magdala ka ng patpat,”
mahigpit niyang tagubilin.

Habang naglalakad,
hampasin ko raw ang magkabilang panig
ng dadaanan naming damuhan
para matakot ang mga ahas.

Pero kung mayroon kaming masabat


pumrente lamang daw ako at huwag magulat
at tiyak na ahas ang masisindak.

Pagdating sa kulumpon ng kawayan,


inginuso ko sa kanya ang isang tudtud –
gabulateng ahas, pakendeng-kendeng
na gumagapang sa silong ng Pukinggang1
Dagli akong tumigil at nag-ala tuod.

Nang lingunin ko si Manong


singlaki na lamang siya ng kabute,
kumakaripas sa halip na pumrente.

1
(clitoria racemosa) ligaw na halamang baging, kulay biyoleta at korteng pekpek ang bulaklak
Kahit anag-ag na lamang ng dapit-hapon
(kay ‘Tang alyong, bayani ng Pantabangan)

Dinidilaan na ng alon
ang balkon ng iyong bahay;
ngunit haliging bato kang hindi natigatig,
nakatunghay sa tubig na sumasakmal
sa bukiring umaruga sa iyong araro’t tirador.

Tila litrato ng yumaong kabiyak,


hinaplos ng iyong mga mata
ang bawat burol, bawat bubong,
bawat sanga na hindi pa nilalamon
ng tubig-dam. Ay! sinong nakaunawa
sa luhang namaybay
sa kulay lupa mong pisngi?

“Nababaliw na ang matanda,”

Paismid na wika
ng mga kababayan mong ang tinig
ng pag-aklas agad pinaos ng pilak.

Para sa kanila, singsalimuot


ng nilalala mong bilao at buslo
ang pagtanggi mong lisanin
ang bayang iyong sinilangan,
sukdulang ikapigtas
ng nagninisnis nang hibla
ng iyong hininga.

Walang tambol ang iyong pagtutol


ngunit yumanig sa aking dibdib
ang alingawngaw ng iyong tinig.

Mandirigma kang hindi nasindak


kahit sumuko na ang iyong pinuno,
kahit nabihag na ang iyong mga kasama.

Kahit anag-ag na lamang ng dapit-hapon


ang nalalabi mong tanglaw.
Kahit tatlumpong taon nang nakalibing

Sa bawat pagbabalik,
pinapagpag ko ang alikabok
binabakbak ko ang putik,

iginagadgad sa nakabaligatad
na mga tansang pinagdikit-dikit
ang pagal kong sapatos.

Pagkatapos ay sasalampak ako


sa kawayang sahig
ng aming balkon.

Oo, sa panahon ng pagkabalisa,


ng pagkabagot, ng pangungulila,

may pamawing-hapdi ang pag-uwi;


may pamukaw-galak ang pagbabalik.

Kahit limot na ng lumot at mga alon


ang aking bayan, ang aking tahanan.

Kahit tatlumpong taon nang nakalibing


sa luha at tubig-dam ang Pantabangan.
Bisukol2 at ispeling

Tuwing hapon
pagkagaling ko sa eskwela
lumulusong kami ni Ingkong sa Nabao
para mamulot ng bisukol.
Hindi maglilipat-minuto
at mapupuno ang dala naming bakol.

Matapos ibukod ni Ingkong


ang pang-ulam namin sa hapunan,
aataduhin niya sa mga platong lusa
ang mga bisukol; buong ingat na aayusin
sa bilaong magmimistulang pumpon
ng itim na kampupot,
bilaong susunungin ko’t ilibot
sa buong bayan.

Isang hapon,
habang pumapalakat ako nang pakanta,
pinapanpanan ko ng aking mga siko
ang aking mukha
upang salagin ang mga sibat
ng ngisi’t titig
ng aking mga kaeskwela.

Kung puwede lamang maging singtahimik


ng kuhol.
Pero kailangan kong sumigaw:
“Bisukol, bisukol kayo diyaaaan”

Kaya malayo pa ako, alam na nila


kung saan ako tatambangan.
At muli, sinundan ako ng walang katapusang
tawanan at alingawngaw:
“BISUKOOOL, BISUKOOOL, BISUKOOOL”!

Ganito pa rin ang nangyari


kahit nangako silang hindi na nila ako tutuksuhin
matapos ko silang pakopyahin
ng ispeling ng facade at Mississippi.

2
kuhol
May tanghali kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas
(sa mga kabataan ng Pantabangan)

Nilamon na ng mga alon ang malawak na kaparangan –


ang larangan na nagpatibay sa ating mga murang tuhod,
napugnaw na ang mga hamog na yumayakap sa damuhang
sa ating mga talampaka’y kumikiliti, pumupupog.

Malamig na at nilulumot ang naulilang mga patpat


na ipinangtutugis natin sa mga tutubi't tipaklong,
wala nang bagting ng sapot na sa kadawaga'y nagsalabat –
krokis na tagapagturo sa mga gagambang nagkakanlong.

Nagsitakas na sa pandinig matitinis na hagikhikang


kalaro ng tulirong isip at kasiping ng pagal na dibdib,
wala nang makikipagsayaw sa tanglaw ng bitui't buwan
wala na, wala nang iindak sa tugtog ng mga kuliglig.

Ay! sa paglabusaw na ito sa halumigmig ng pangarap,


may umaga kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?
Pantabangan Dam

Isang dambuhalang dahumpalay –


lumilingkis sa burol, bukid at gubat
na kumalong sa ating mga pangarap
at katawang gusgusi’t sugatan.

Kaliskis ang mga munting along


yumasa sa hitik-sa-hamog na lambat
ng mga sapot-gagambang nakalatag
sa parang ng ating mga sipol.

Ngunit patuloy na umaangil


sa ating mga mata, dibdib at utak
angaw na saranggolang nagpapasulak
ng daluyong sa dam na kumitil

Sa ating paglula’t paninimbang


sa timbulan ng kawalang-muwang.
Sana singtaas ng mandala ang mga butil

Tilyadora
ang kapiling namin ni Inang
tuwing bakasyon.

Sa tabi nito,
naglalatag kami
ng tarapal na gawa
sa pinagtagpi-tagping sako.

Habang ang mga luray na uhay


ay humahangos paimbulog,
umiindak sa hangin pababa,
at nagiging mandala;
parang pulubi kaming
nakasahod ang palad,
sinasambot ang mga mumong
tumatalsik mula sa bumubugang
tumbong ng tilyadora.

At habang gumuguhit sa aking leeg


ang alikabok at gilik,
walang patlang ang aking pag-asam:

Maging singtaas sana ng mandala


ang mga butil na pumapatak
sa aming tarapal, sa aming palad.
Tuko akong gutay ang tuhod

Binubudburan namin ng abo


ang kalsada upang iguhit
ang hanggahan ng mga kampo
at ang larangan ng aming gera.

Sino mang mataga ng palad


sa labanang ito ay magiging bihag;
pero hindi puwedeng tagain
ang kawal na nakakapit sa bakod
na himpilan ng kaniyang pangkat.

Tuko akong bantay-bakod,


minsan-minsang nangangahas
na lumapit sa guhit
ngunit iglap ding babalik.

Ikakatuwirang babantayan ko na lamang


ang mga bihag na kaagad namang napapalaya
ng mga kalaban na ipinanganak yatang
may imbisibol na pakpak!

Madalas akong mataga at mabihag


at natatapos ang gerang hindi ako naililigtas –
tuwing tatangkain akong isalba ng katropa
hindi kami makalusot kahit sa lampang tanod –

Tuko akong gutay ang tuhod.


Mam me ay gu awt

Nang himasin ng hari ng row por


na si Anton ang kaniyang tainga,
agad ikinaluskos ng mga lalaki sa klase
ang pagbubulakbol.

Isa-isa naming iniwan


ang mga des na nanggigitata sa pawis –
habang may gumagapang patakas,
nagkakandabulol naman ang iba
sa pagma-mam me ay gu awt.

Parang mga kabayo kaming lumikwad


sa kabila ng naaagnas na pader ng iskul.
Nagkarera kami sa paghuhubo’t hubad
at paglabusaw sa mga sanga at ulap
na sapo ng naghihintay na ilog.

Hindi namin alintana ang bukas,


kahit alam naming muling lalapnusin
ng tila papel de-lihang daliri ni mam
ang mga tainga naming burdado ng banil.
Nambubulaga na ang mga bulalakaw

Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kaniyang bakol,


nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri


ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas
sa ngipin ng gapas; mga uhay
na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang
na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa


sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming singnipis


pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag
sa tuktok ng burol;

matatapos kaming nambubulaga na


ang mga bulalakaw.
Sulyap sa bayang nilamon ng alon

Bakasyon noon, may mga sugong


dumating sa bahay mula sa Malakaniyang.
Ginusot ng isa sa kanila ang aking buhok,
at kinamayan nila si Tatang at si Inang

Hibla ng ginto ang kanilang laway at pangako –


Namilog ang mata ni Tatang,
Natunaw ang puso ni Inang

Mula noon, umukyabit na sa hangin,


at naging bulaklak ng bawat umpukan
ang papuri sa bayang handa raw lunurin
ang sarili, makahinga lamang nang maginhawa
ang mas nakararami.

Umatungal ang mga makina,


nagtugisan ang mga higanteng trak,
binungkal ang kalsada at kinutkot ang ilog,
ibinulagta ng mga umaangil na lagare
ang mga mangga at santol,
sinuwag ng buldoser ang mga bakod at pader.

Tinibag ang mga nitso, hinalungkat


ang mga kalansay at inilipat
sa mga kahong playwud.

Tila sawang gumapang ang tubig-dam.


Sinagpang ang mga pampang,
nilingkis ang mga bakuran at bukirin,
ang mga gulod at gilid ng ilog.
ang bawat burol, bundok, bangin.

Kumislap ang pangarap sa palatak at sulyap


ni Tatang at ni Inang.

Habang ako at si Manong nakamasid


sa pagsinghap ng mga kalsadang
pumasan sa aming pangarap,

nangingilid ang luhang nakatunghay


sa pagkagunaw ng aming mga halakhak.
Singit na nilapnos ng pinong kurot

Super-bagyo raw ang darating


kaya pinulak ang matandang puno ng Kamatsile
sa sentro ng bayan para hindi makadagan
ng tao o bahay.

Namumutiktik sa bunga ang nasabing puno,


kaya sumabo ang mga tao noong umagang iyon.
Hindi nila alintana ang mga tinik
na kumakalmot sa kanilang mga balat

May nagkakaumpugan, may napapasubasob,


may naghahablutan habang may sunong na bakol,
o kilik na palanggana, o bitbit na bayong, o hilang sako.

Pinabantayan sa akin ni Inang


ang isang palangganitang umaapaw
sa mga kamatsileng busaksak3 – manilaw-nilaw,
mamula-mula, nakasungaw ang ga-pundakol4 na laman.

Nakipaggitgitan si Inang
sa kulumpon ng mga katawang tila mga uod
na nag-uumbangan.

Mayamaya, isang ga-dangkal na kamatsile


ang tumalsik at sumabit sa bakod,
mga dalawang dipa mula sa aking kinauupuan.

Saglit ko itong dinagit, iglap lang akong nalingat


pagbalik ko’y wala na ni bakas
ng binabantayan kong palangganita!

Sabi ni Ingkong,
kung sino raw sa aking mga kalaro kinabukasan
ang may pinakamakapal na kupal,
siya ang aking singilin sa singit kong nilapnos
ng pinong kurot ni Inang.

3
salitang Pantabangan na ang ibig sabihi’y namumutok sa kahinugan.
4
salitang Pantabangan sa hinlalake
Sumaliw, magpasaklaw sa panambitan

1.
Sa muling paghalik
ng aking talampakan
sa landas-paang
kaytagal kong hindi nakaulayaw,
isa-isang gumising ang mga sandaling
walang sinisinong wakas.

Muli akong lumulan sa mabining alon


ng dilaw-lunting dagat ng uhay.
Muli kong sinuong ang sinapupunang kumupkop
sa aking kamusmusan – ang duyan
ng mga pasusuhing pangarap, ang pandayan
ng bubot kong isip, bisig, at tuhod.

Muli akong nagtampisaw sa ilog


na nag-ingat ng aking inunan,
nagbanlaw sa dugo ng aking sugat-paglaya
sa kawalang-muwang.

Ginalugad ko
ang mga pilapil ng pakikipagtudyuan
sa mga tutubi’t tipaklong;
ang mga pinitak ng pagtugaygay
sa mga hito at dalag;
ang mga mandala ng paslit na hagikhikan;
ang mga tumana ng pang-uumit
at mga dalisdis ng pagsusundalu-sundaluhan;
ang mga silong-mangga ng pagbabahay-bahayan;
ang mga burol ng pakikipag-agawan
ng Duhat at Ayusep;
ang mga punso at kakawayanang
kuta ng mga kapre, tiyanak, tikbalang.

Muli akong naligo


sa gilik na iniluluwa
ng mga higanteng tilyadora.

At bumalikwas sa aking dibdib


ang matalim na itak
ni Tatang, ang kaniyang araro
kareta
kariton
patuki
paragus
suyod
asad
bakol
bilao
buklot
lusong
lilik.

2.
Ngunit nagbago na ang panahon.
Tama ang isinasaad
ng mga bandila't kamao
sa mga pabrika't lansangan ng lungsod.
Iba ang tanawing nasasaksihan ko ngayon.

Hindi ito ang bukid


ng aking kawalang-malay.
Wala na ang mga tutubi't tipaklong.
Wala na ang mga hito at dalag.
Wala na ang mga kuliglig.
Wala na ang hagikhikan ng mga paslit.

Luksang kalansay ng mga dampa


ang nakatirik.
Sangsang ng pulbura at lansa ng dugo
ang samyo ng hangin.
Bomba't bala
ang nakapunla sa mga pinitak.

Wala na ang talampas ng tuwa.


Wala na ang ilog na mapag-aruga.

Ngunit walang patid


sa pagpintig sa aking puso
ang dagundong ng kanilang dibdib.

Ay! ano pa kaya ang hihigit


sa dahilan nitong aking pagbabalik?
3.
Naiinggit ako sa inyo mga kasama,
mga dating kalaro.

Kaygagaan ng inyong mga hakbang.


Hindi ninyo iniinda ang hiwa ng talahib
at kalmot ng mga bato at tinik.

A, pasasaan ba't liliksi rin itong mga paa,


tatalas din itong paningin at pandama,
lalo na sa mga gabi ng pagmamatyag
at paglusob sa mga berdugo. Dama ko,

ito pa rin, ito pa rin ang ilog


na humilod ng ating libag at libog,
ito pa rin, ito pa rin ang bukid
na bumanat sa ating litid at likod.

Ngunit iba ang layon natin ngayon.

Narito tayo
hindi upang muling yakapin
ang layaw ng kawalang-malay,
hindi upang muling bihagin
ang kislap ng bitui’t buwan.

Narito tayo upang sumaliw,


magpasaklaw sa panambitan
ng mga talang tumatanglaw
sa mapagpalang kabundukan.
Anong bukas kaya ang mapamumukadkad

Sinasaksak ng liwanag-bombilya ang aking mata


Tuwing kumikislap sa puso ang mga alitaptap
at pasusuhing mithi na itinaboy at sukat
ng tinatanuran ko ngayong dayong pabrika.

Oo, tanod din ako noon sa lupang ito


sandata ko’y tirador, tinutugis mga uwak
at dagang sa butil lagi nang ngumangatngat;
ngayon, bantay akong itinataboy ay tao.

Kapag nabubunggo ng nangangapang paningin


pader, tsimni, usok at basurang bumubulwak
sa tumbong ng pabrika, sa muni’y sumisiklab
ang mainit na dibdib ng nag-iwing bukirin:

Ang gusaling ito ay dating kakawayanang


sumaksi sa tilamsik ng panganay na dagta,
nagkaloob ng papag sa milyong pulot-gata’t
kumanlong sa supling ng pakikipagsuyuan.

Ang pusaling iyan ay dating mayuming batis


sa gurlis-kamusmusa’y epektibong panghaplos;
at kapag dusang-puso’y masidhi ang pag-ulos
lana itong pamahid sa galis ng hinagpis.

Dinig ko pa ang kalansing ng pangakong


humablot sa kalag ng aming komunidad;
sa altar ng pagtuwad sa kaunlarang hungkag
ihinandog sa dolyar ang lupaing ninuno.

Nangingilo pa ako sa gaspang ng buhanging


nilubid at ipinambigti sa dugo at palahaw
ng mga obrerong nginasab ng makinang
hukluba’t hikain na’y ayaw pang dispatsahin.

Sariwa pa sa gunita ang anak kong si Lina


Ilinuwa ng makinang ang tanging mababakas
na mapagkikilanla’y ang suot na pulseras –
ulilang alaala ng yumao niyang ina.
Ay! anong bukas kaya ang mapamumukadkad
ng isang pag-unlad na bumabansot sa butil
nitong buhay? Kaunlaran ba yaong pagkitil
sa daluyang-hininga ng mga kapos-palad?

Hindi ba dapat lamang na akin nang silaban


ang pabrikang ito na sa aki’y kumukuba?
magkaroon man lamang ng silbi aking pagtanda
at magwakas na itong dustang paninilbihan?
Awit ng magsisibuyas

Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras


Kalong ng sibuyas ang saganang bukas
Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras.

Huwag pakalalim nang hindi palito


Ang ating anihin. Huwag pakababaw
Nang hindi Mabolo ang ating mahukay.

Simbilis ng pulso, itusok ang asad5


Singtulin ng kisap, humakbang paatras
Nang hindi maiwa’t mapagsalikupan.

Tusok, tundos, tabon. Iimbay, igiling


Kalawanging braso, tuhod at baywang
Nang hindi mabuskang “matandang hukluban.”

Bilis, bilis, bilis! Ay, saan susuling?


Punla sa kaliwa, punla rin sa kanan
Punla sa likuran, punla kahit saan.

Tusok, tundos, tabon. Mutya ng pinitak


Bakit naging tuod? Hakbang, dahan-dahan
Baka madapurak sibuyas ng buhay.

Kalong ng sibuyas ang saganang bukas


Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras
Kalong ng sibuyas ang ating pangarap.

5
pantanim ng sibuyas, puwedeng kutsilyo o pinatulis na sanga ng kahoy
Barat na bunganga

Ginising ng aking araro


ang nahihimbing na lupa.

Tumingala sa langit
ang mga tiningkal –
tila iniaalay ang sarili
sa isang ritwal.

Mga tiningkal:
muli’t muling

hahaplusin ng suyod,
yayakapin ng paragus,
hahalikan ng asad6,
dadantayan ng ilog.

Mga tiningkal:
muling magluluwal ng sibuyas
na magpapasigla ng kalan at dulang.

Ngunit hindi sa palad kong


nagpagal sa lupa uuwi ang biyaya;
kundi sa naglilitanya ng tubong
talsik-laway at barat na bunganga.

6
pantanim ng sibuyas, puwedeng kutsilyo o pinatulis na sanga ng kahoy
Buliga7

Winawarat
ng palakat ng buldoser
ang hanging nakakumot
sa paanan ng Sierra Madre.

Hindi magkandaugaga
mga politiko’t negosyante,
binibilang mga bituing
kanilang susungkitin
sa langit na hatid
ng Pantabangan Dam.

Hinahaplos ni nanay Ester ng titig,


ang tila luhang mga dahon ng sibuyas
na iniluwal ng kaniyang pawis;

nadudurog sa kuyom niyang palad


ang buligang pagkagat ng dilim
sasagpangin ng tubig-dam.

7
gasuntok na lupang matigas
Rotor8

Nanginig ang bundok at ilog


nang ligligin ka ng rotor.
Nilunod ng dagundong nito ang lahat
maliban sa siyap ng iyong mga pangarap:

matutubos si Kalakyan
makakapagbukas ng tindahan
balik-eskwela ang mga anak.

Ngunit tulad ng dati,


pagdating ng anihan
butas ang iyong palad,
basyo ang palabigasan.

Sinaid ng iyong utang


ang katas ng sibuyas.

Lalong humigpit ang buhol


ng iyong ani, pangarap, at hininga
sa barat na bulsa ng kapitalistang
inuutangan mo’t may-ari ng rotor.

8
makinang pandurog ng mga tiningkal
Kur-it9

Singlalim ng bakas ng kur-it sa punlaan,


ang mga gatla sa iyong noo’y katumbas
ng bawat pagpintog ng sibuyas, Tatang.

Ngunit sa kanya na may makinis na kutis


sa kanya na may maninipis na palad
sa kanya na walang ibang inaatupag
kundi magkuwenta ng tubo at pautang –

sa kanya nauuwi ang katas ng sibuyas.

At sa atin na inaagnas ng pestisidyo


at pataba ang talampakan at palad,
ang nalalabi ay gulanit na kubo
at mga panghal10 na tiningkal.

9
manipis na kahoy o metal na pinangguguhit sa pagitan ng mga punla para pagbudburan ng pataba
o binhi ng sibuyas.
10
tigang
Muling sisipol ang mga takure

Anihan.

nagsalimbayan sa himpapawid
ang mensahe ng mga diyos:

“baratin ang cbuyas.”

Umalingawngaw ito sa bawat sulok


ng kanilang mga altar –
Divisoria, Cabanatuan, San Jose
at maging sa Visayas at Mindanaw.

Ngunit walang patid


sa paniniktik ang pinitak.
Nagtipon ang mga magsisibuyas
upang isagawa ang kanilang balak
laban sa mga diyos.

Bagong bukad silang bulaklak


na ang polen ay isinaburayray11 ng amihan
sa bawat pinitak, bawat pilapil, bawat putog12,
bawat tibag, bawat bangkagan13;

sa mga gilid ng daan, sa mga bakuran,


sa mga opisina, eskuwelahan, simbahan,
palengke –

sa buong Pantabangan.

Umalimbukay ang alikabok


sa pagdating ng mga diyos.
Muli nilang babaratin ani ng Abuyo14 –
primera klaseng sibuyas: mabilog,
pulang pula at makinang ang balat,
malutong at siksik ang mga talukap.

11
isinabog
12
burol
13
tumana
14
bahagi ng mga bukiring pinalubog ng Pantabangan dam. Ginagawa itong taniman ng sibuyas kapag lumiliit ang
tubig-dam.
“ttba na nmn tyo.”

Paniniyak ng mga diyos.

Ngunit binulaga sila


ng isang pasalungat na prusisyon:
mga buriki ng sibuyas na nakalulan
sa patuki, kareta, kariton, traktora,
jipni, wipon, siksbay;

mga buriki ng sibuyas na pasan, sunong,


bitbit, kipkip ng mga bata, matanda,
babae, lalaki, lesbian, bakla;

mga buriki ng sibuyas na nakapingka


sa likod kambing, kalabaw, baka.

At habang tuod na nakatunganga


sa pagkamangha ang mga diyos,

unti-unting naging kagampan sa sibuyas


ang buong Pantabangan. Ginawang hayangan
ang silid-aralan at pasilyo ng mga eskwelahan,
ang balkonahe at session hall ng munisipyo;
ang mga health center, day care center,
at barangay hall; ang mga pasilyo
ng simbahan at kumbento; ang mga sala,
kuwarto, kusina, banggerahan, batalan,
balkon, at bubong ng bawat bahay.

anihan:

muling sisipol ang aming mga takure


at gagalakgak ang aming mga kalan.at dulang.
Pabalik-balik na pangitain

Punlaan: muling isinuga


ni Mr. Yap sa kaniyang pitaka
ang kapalaran ni nanay Ester
at ng dalawa nitong anak.

Anihan: muling mamumuwalan


sa tubo ang pitaka ni Mr. Yap
habang binubusbos naman ng utang
ang palabigasan nina nanay Ester.

Kagabi
habang pinaghahalinhan nila
ng kaniyang panganay
ang paglalagay ng basang bimpo
sa noo ng kaniyang bunso,
humugis sa gunam ni nanay Ester
ang dating malabo
ngunit pabalik-balik na pangitain:

Isang Mr. Yap ang nakabulagta


sa nakasambulat na sibuyas

nakasalaksak
sa kaniyang lalamunan
ang isang sugatang asad15.

15
pantanim ng sibuyas na gawa sa pinatulis na sanga ng matigas na kahoy.
Payapang pilapil

Payapang pilapil,

kimkim mo ang agunyas


ng palad na isinumpa –

dantaong pagbuntot sa kalabaw


at pag-ani ng ipa at tulyapis,
dantaong pagkayod sa kusina
ng poong sa lupa ay kumamkam.

Pasan mo ang isang sumpa –

huling hantungan ka
ng pulsong napigtas,

balikat kang sumapo


sa bangas na bungo
ng isang panginoon,

nang taimtim na iukit


sa iyong dibdib
ng mga palad
na sa iyo’y lumikha,

ang hanggang-guhit
ng paninikluhod.
Sa pagpapala ng IMF-WB

Muling nagbeso-beso
ang mga kopita.

Ipinagdiwang
ng mga negosyante’t politiko
ang nakikinita nilang tagumpay
ng isang dakilang plano:

proyektong
titighaw daw sa uhaw
ng mga tayantang na bukirin,
at tatanglaw daw sa pusikit
na mga sulok
ng Gitnang Luson.

Idinuyan ng katiyakan
ang mga henyo ng pag-unlad –

ilang bungkos lamang ng dinamita


at muli silang makapagtutundos
ng isang magmamapuring karatula
sa maluluray na paanan ng Sierra Madre:

Kaunlarang Pinondohan ng IMF-WB

Ngunit nakaukyabit pa sa hangin


ang palahaw ng kalapit-bukiring
tinarakan ng gayong panlilinlang.

Kaya walang mapapuputok


kahit isang dinamita;

kung mayroon man,


kailangan munang sumambulat
ang magkakasalikop
na mga hininga at bisig

naming mga iniluluwal


at tagapagluwal
ng biyaya ng lupa.
Laking gulat ng barat

Binusiksik ni Mr. Suwitik


ang laman ng mga buriki;
ibinukod ang mga rejek16
ayon sa sipat at panlasa
ng sulipat niyang mata.

Gumaan nang todo


ang ani ni Mang Berto.

Bago bitiwan ang bayad


negosyante ay humirit:
itawad na lang daw
ang kaniyang nirejek.

Buntis noon ang ulap


at walang laban sa ulan
ang sibuyas na kayselan.

Kaya tiyak si Mr. Suwitik


na hinding hindi tatanggi
ang probinsiyanong pobre.

Pero laking gulat ng barat –


tumalikod si Mang Berto,

ikinarga sa kariton
at tinalukbungan ng tarapal
ang kaniyang sibuyas

At pinitik si Kalakyan pauwi.

16
reject, tawag sa mga sibuyas na bagsak sa quality control. Halimbawa nito ang pikils- sobrang liit; bulugan-
parihaba o hugis-titi; obersays-halos gasuntok ang laki; burlis- walang balat.
Tagibang na timbangan

Mula sa pagbubudbod ng binhi


hanggang sa pagsisilid sa buriki,
inaruga namin ni Inang
ang bawat sibuyas;

pero sa bodega ng kapitalista,


parang grabang isinaburayray17
sa semento ang aming ani.

Hinalukay, iwinasit18 ang mga pikils,


bulugan, obersays, at burlis19
na isiningit daw namin sa mga gud20.

Tila hinigop
ng tagibang na timbangan
ang humumpak naming mga buriki.

Nanikip ang aking lalamunan,


Kumalog ang aking tuhod –

Ibig sumirit ng dugo


sa mga daliri ni Inang;
halos madurog sa kaniyang palad
ang puluhan ng sakbat niyang itak.

17
ikinalat
18
pabalagbag na iniitsa sa tabi
19
pikils-maliit na sibuyas; bulugan-sibuyas na parihaba o hugis-titi; obersays-malalaking sibuyas; burlis-
sibuyas na walang balat. reject ang generic na tawag sa mga ito.
20
mula sa Ingles na good, sibuyas na katamtaman ang laki; klase ng sibuyas na hinahanap ng mamimili.
Yakap at yapak ng yumaong kabiyak

Isinandal ni nanay Crisanta


ang araro at pagal na katawan,
pinangko ang kaniyang likod
ng kubong kumukupkop
sa kaniyang pangungulila’t himutok.

Hinaplos ng kaniyang mata


ang prusisyon ng mga tiningkal,
nangakatingalang tila iniaalay
ang sarili sa isang ritwal….

Ilang sudsod pa ng suyod,


ilang pasada pa ng paragus,
ilang oras pa ng pagpapayok21

at nadurog ang mga tiningkal;


nabunot, nalagot ang mga ugat –
humandusay ang kahuli-hulihang mutha.

Nag-aanyaya ng pagtundos
ang buhaghag at mamasa-masang lupa;

Muling nasamyo ni nanay Crisanta


sa maligamgam na simoy ng pinitak
ang yakap at yapak ng yumaong kabiyak.

21
pagtatrabaho nang mag-isa. may konotasyon ng tiyaga at determinasyon
Awa ng kapitbahay

Wala kaming bigas noon,


wala ni asin;

Pero hinugasan pa rin ni Inang


ang malinis na naming kaldero.

Napansin kong mas madiin


ang tila walang direksyong
pagkaskas niya ng abo
sa paligid nito –

nakatutulig ang taginting


na nagtatagisang takip
at bunganga ng kalderong
sinadya yata niyang pag-umpugin.

Mayamaya’y inutusan ako ni inang


na humingi ng kapirasong dupungan
sa hindi niya kakibuang kapitbahay.
(Gayong meron naman kaming posporo.)

Wala kaming bigas noon, wala ni asin


pero nagparingas pa rin ng kalan si Inang.

Dati sa isang ihip lamang niya,


maririnig ko na ang hagikhik ng apoy;
pero noong araw na iyon
wala akong nasilip ni katiting na baga,
kahit sinusuob na ng usok
ang bawat sulok ng aming kubo.
(at bakit nga ba sariwang daho’t sanga
ng madre cacao ang ipinanggatong niya?).

Saka ko na lamang malalaman


kung bakit ginawa iyon ni inang –

upang salagin ang sagpang


ng mas mabagsik pa kaysa gutom
na awa ng aming kapitbahay.
Atungal ng elepante

Parang atungal ng elepante di ba ‘tay?


tanong ng aking anak, isang hapong
nakakalumbaba niyang pinanonood

sa bintana ng inuupahan naming kuwarto,


ang abuhing posteng-usok na iniluluwa
ng isang di-kalayuang pabrika ng plastik.

Tanong itong dumamba sa sinapupunan


ng aking utak na agad namang nagluwal
ng panibagong palaisipan: wala na bang

katuparan ang paulit-ulit na mga pangako


ng pag-unlad? Edukador ako ng karapatang
pantao; gusto kong damhin sa mga mata

ng aking anak ang liyab ng binibigkas kong


mga talumpati tungkol sa bagong kaayusang
kikilala sa pagkatao ng bawat tao. Gusto kong

apuhapin sa kaniyang kawalang-muwang


ang timyas ng huklubang pangako: daigdig
na malaya sa pangamba at pangangailangan.

Samantala, batid kong sa malao’t madali’y


makakasalamuha na rin niya ang pagdarahop
na nasasalag pa ng kayod-makinang trabaho

namin ng kaniyang ina; madarama na rin niya


ang mga impit na sigok na nagkukubli sa likod
ng aming mga ngiti. Makakadaupang-palad

na rin niya ang dapithapon ng pribelihiyo


ng kaniyang kamusmusan, at pakikipagpiko
sa mga elepante ng kaniyang imahinasyon.
Paninimbang
kay luntian

Mula sa madalas
na pagkabyos
ng iyong paa sa pedal,
paggewang ng puwit sa upuan,
at pangangatal ng kamay
sa handle bar;

mula sa mga galos at bukol


na balato ng madalas na pagsemplang;

dahan-dahan mong natutuhan


ang paninimbang
na singgaan
ng balahibo ng ibon,

ang pagpadyak na singtiyak


ng pagsudsod ng araro sa putik.

Natutuhan mong palayain


ang iyong mata
mula sa pagkapako sa ikot ng gulong,
tungo sa paggalugad sa lawak
ng kalsada.

Maglaho-lumitaw ka sa aking paningin –


lulunukin ka ng balumbon ng mga dahon,
at muli ka nilang iluluwa.
Iwan-datnan mo akong nagmamasid
sa mga talulot ng bulaklak
na isinasaboy
ng iyong halakhak.

Habang tumatahip
sa tuwa’t kaba
ang aking dibdib.
Parang kinukuyumos na papel

bawat tunog
bawat kaluskos

ay bateryang nagpapatakbo
sa aking bunso
papunta sa pinto

sa pagbabakasakaling iyon na
ang kaniyang ina

madaling-araw
na rin siyang natulog kagabi
nakipagbuno sa antok
sa paghihintay

sa pangako
kong beybleyd

na hindi ko pa rin
nabibili hangga ngayon

parang kinukuyumos
na papel
ang aking loob

habang minamasdan siyang


pilit na ibinubuka

ang mata
at kinakaladkad ang paa
papunta sa pintong
kinakalmot

ng gutom
at nangungulilang pusa
Santambak
kay azul

Linggo ng umaga,
binuklat ng boses mo ang aking mga mata,
hinaplos ng iyong ngiti
ang balikat kong halos malinsad
sa bigat
ng trabaho’t alalahanin.

At hiniling kong tumigil


ang oras,
nang makapiling ko pa
ang musmos na tuwa
sa iyong mga pilik,
at ang awit
sa matabil mong dila.

Katabilang kahapon ay pinangatal


at pinasigok ng galit
na sumirit
mula sa aking mata,
bibig at kamaong madalas
na hindi makakilala
ng paglalambing sa iyong kakulitan.

Kung masisilo ko lamang ang araw


at maiaangat ito nang mas matagal pa –

gusto ko pang makipaglaro


at mang-asar
at mag-sori

at matulog na yakap ka;

pero dama ko na ang pagaspas


ng takipsilim, isinisipol na ng hangin
ang pahimakas ng liwanag.

Sinusundo ng ako sa dilim.


Kulubot na kamay ni Inang

Mauna na kayo busog pa ako,


sabi ni Inang habang nakapamintana
at nakatanaw sa malayo.

Nag-unahan ang patpat


naming mga daliri sa pagkurot
sa tuyo at tutong na magpapakalma
sa aming tiyan sa buong magdamag.

Habang iniimis ni Inang ang dulang,

Sa sulok ng aking mata,


naaninag ko ang kulubot niyang kamay,
parang manok na tumutuka
sa mga butil na nalaglag
mula sa aming mga daliri at bibig.

Sinakal ako ng tanawing iyon –

patagong isinusubo ni Inang


ang mga mumong nakapuslit
sa bagsik ng aming gutom.
Mapapalad kayong mahihirap

Sa ilalim ng alkitrang langit


bayaang yakapin kita bunso,
kumutin mo ang bisig kong hapo
humimlay ka sa pagal kong dibdib.

Iwaksi sa isip ang dagundong


ng buldoser, angil ng de-kabra,
singasing ng pako-yero-tabla.
Iduduyan kita sa daluyong

ng himagsik-pagibig-pagasang
panangga ko sa lamig at gutom,
habang kinakalag ko ang buhol
ng mitong tumatabing sa mata

ng mahihirap. Aking bunso


kailanman hindi tayo susuko.
Sugatang pag-iisa

Sapagkat sangsang
ng pulburang kumitil
sa maligamgam na dibdib
ng iyong ina,
ang sumalubong
sa iyong pagsilang,

pagdamutan mo bunso
ang ulila kong bisig.

Bayaang aking iduyan ko


Sa liyab ng pagluluksa

ang iyong kawalang muwang –

ang tanging balabal ko sa lamig


nitong sugatang pag-iisa.
Pagpatid sa lubid ng pagkaumid

Hindi mo na ako malilinlang,


bumukal man ng pulot ang iyong tinig.
Hindi mo na ako mapangangatal,
bumuga man ng tingga ang iyong titig.

Binulabog ng bayaran mong mga berdugo


ang aming piket kahapon.
Pinakislap ng puluhan ng armalayt
ang libong bulalakaw sa aking bungo.
Hinilam ako ng aking dugo.

Sa kauna-unahang pagkakataon
nakasamyo ako ng sariwang simoy.
Mirasol na bumukadkad ang aking dibdib:
Diktador, isa kang Diktador!

Linalagot ko ngayon ang mahabang lubid


ng aking pagtango, pagyukod, at pagkaumid.

Dalawang kabilugan na ng buwan


na hindi ko matitigan ang lisik ng gutom
sa mga mata ng aking mga anak.

Pagot na ang tirador


ng aking panganay.
Hindi na siya makapag-uwi
ng ibon ni daga o ahas.
Wala na rin siyang mahagilap
na susuhong at tipaklong.

Gayunman, hindi ako tatanghod


sa mga pangako mong pilantod.

Hindi mo na ako malilinlang.

Namumugad na sa aking dibdib


ang lakas na sumuhay sa mga mata
ng aking asawa,

noong titigan niya ang kamatayan


na iniangil ng iyong baril.
Astig

Dalawa pa!
kilos, kilos,
konting ipit,

sigaw ng ale
sabay sampal
sa tagiliran ng jipni.

Hindi ko alam
kung matutuwa ako
o makukunsumi;

pero astig, nagkasya

sa ga-beyntesingkong espasyo
ang dalawang dambuhalang puwet
na huling sumakay

bago umarangkada
ang hikaing Malagueña.
In god we trust

bomba sa klats
padyak sa preno
pihit sa manobela
tulak-batak sa kambyo

diin sa silinyador
agwad sa saydmiror
na nasagi ng nagkukumahog
na pasahero

nangangalambre ang tumbong


sa upuang parang pugon

halos malinsad ang balikat


sa pag-abot ng sukli’t bayad
habang nakikipagpatintero
sa kawatang unipormado

at taimtim na nilalanghap
ang utot ng sinusundang

“in god we trust”


Estribong hitik sa anghit

Kahapon,
baradong imburnal na naman
ang Quiapo.

Isang dekada
na akong nakatayo
nakikipaggitgitan
nagpaparoo’t parito

Pitig na ang aking binti

Hindi pa rin ako makasakay,


kahit sabit..

Mabuti kung hanging-pinipig


ng Disyembre
ang aking nalalanghap,
at hindi utot ng tambutso
at ng mga uod
na umuumbang ng basura.

Mabuti kung eyrkon


ang aking masasakyan –
maginhawa akong makakaupo
at makakaidlip.

Pero ang kaya ko lamang ay jipni;


wala akong mapagpipilian
kundi ang umukyabit
sa estribong hitik sa anghit.
Jack hammer

Nginasab ng takatak ng jack hammer


ang lahat ng tunog, maliban sa tikatik
ng kung anong sakit sa kaniyang sintido –

kumakalog ang kaniyang utak,


lumuluwa ang kaniyang mga mata,
singlamig ng bakal ang kaniyang pawis.

Gumigitaw ang laway


sa mga sulok ng kaniyang bibig.
Lumalabo umiikot lumalapit

lumalabo ang buong paligid –


pansit supdrinks
ngiti ng kaniyang bunso yakap
ng kabiyak
trumpong umikot ang lahat.

Bumulagta ang jack hammer. Bukas


hindi na nito liligligin ang dating matipuno
ngunit ngayo’y lamog niyang katawan;

Bukas muli itong yayakapin


ng tulad niyang gutom na mga palad

Magpapatuloy ang proyekto.


Lagi akong kumokontak kay lord

Nang ako ay magkaselpon,


natuto akong magdasal
nang kusa at taimtim.

Wala akong pinipiling lugar –


simbahan, bahay, iskul, sinehan
jipni, kalye, kubeta.

Lagi akong kumokontak


kay lord

kahit anong aking ginagawa –


kumakain
naliligo
naglalakad
tumatae.

Kahit natutulog.

Singgaspang na ng tuhod
ng Manang sa Quiapo
ang aking pundakol22

sa kapipindot sa nanlilimahid
na mga butil
ng aking rosaryo –

masend ka
masend ka
plis naman god
masend na sana

hay tnx

Amen.

22
salitang Pantabangan sa hinlalake
Langib

makadiyos.tapat.kaibigan
makamasa.lakasngbayan .

Lumalagaslas
ang talulot at pulot
sa entablado’t pulpito;

ngunit singrupok ng papel


ang pangako,
singbagsik ng pulbura
ang dalita.

Habang nagliliwaliw
ang mga nagwagi sa Moro-moro,
at nag-iimbak sila ng laway
para sa susunod nilang palabas,

wakwak pa rin ang bituka


ng dukha;
bigti pa rin ang tinig
ng maliit.

Kaya hindi magtatagal


at muling maglalangib
ang garbo ng paligid,

mambubuliglig
ang tinakpang ligalig
sa dibdib ng pader:

Isulong ang rebolusyon!


Nasa lotto ang pag-asa

Hindi na siya nag-jipni;


naglakad na lang papunta
sa pinapasukang konstruksyon.

Nangarap ng pansit at pandesal


para sa almusal, dumighay
ng mithing bahay kotse diploma
para sa tatlo niyang anak.

Habang naglalakad
nilulurok23 niya ang bawat mabunggo
ng kaniyang mata – pulis poste aso
basura kanal buntis na tindera bilao,

at matiyagang ikinukombina
sa kung kaninong birtdey binyag kasal
kamatayan libing at iba pang petsa,
tunay man o bungangtulog.

pagdating sa kanto, isinubo niya sa lotto


ang nanlilimahid niyang sampung piso,
nag-antanda at umasam, umasam, umasam.

23
pinipigurahan o matamang sinisipat, inaanalisa, pinakikiramdaman kung anong numero o mga numero ang
ikinukubli ng isang bagay o pangyayari, aktwal man o panaginip.
Pesteng yawa

Welcome
sabi ng karatula sa entrance.

Buti na lang nakasapatos ako

Welcome
sabi ng de-kurbatang agent ng Carissa Homes.

Anim na buwan na nga pala akong


walang trabaho

Welcome
sabi ng pinto ng Furnitureville Inc.

Bayaran na naman ng bahay


sa katapusan.

Welcome ang lahat ng major credit cards


sabi ng lahat ng pinto.

Pinapa-attorney na ako ng Citibank;


hindi na ako nakakapaghulog
kahit minimum due.

Welcome
sabi ng Fun World.

Itinaboy ng sekyu
ang dalawang gusgusing batang
nakatunganga sa harap ng video.

Pesteng yawa!
Kumulo ang dugo ko
nagmadali akong lumabas.

Sabi ng karatula sa exit:


Thank you come again!
Sapatero

Walang daplis bawat tusok,


bawat pukpok walang mintis.

Pukpok, tusok, pukpok, tusok;


kahit warat nang sapatos
na sa kanal ay napulot
iyo pa ring naaayos.

Sa martilyo mong kaygaan,


pumipikit bawat angat;
Sa karayom mong kaykinang
dumidikit bawat tastas.

Matalas pa iyong mata,


Braso’y di pa nanginginig
kahit ika’y sitenta na;
kahit wala ka nang kisig.

Bawat tusok walang daplis,


walang mintis bawat pukpok.

Laksang luray na tsinelas


Ibinalik mo ang tibay;
laksang warat na suwelas
pinalawig mo ang buhay.

Di mo pansin ang pagkirot


ng pawisa’t hapong likod.

Sapaterong anong sikap,


masulsihan mo pa kaya
sanga-sangang mga sugat
ng bituka mo’t dalita?
Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta

Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta


noong alukin mo ako ng tinda mong mga k’wintas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.

Dapit-hapon noon, umaambon nang lumapit ka,


bitbit ang tinuhog na kampupot na wala nang katas;
sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta.

“B’wisit, abala”, dagli kong kinuyom ang aking bulsa,


tiniyak na wala ni kalansing na dito’y aalpas.
Ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.

Laksang bubog ng yelo ang lumuwa sa aking mata –


mga pangil ng lamig na sa iyong puso’y ngumatngat;
sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta.

Dapit-hapon, umaambon; marahan, tumalikod ka –


humakbang. Yumakap sa iyong likod ang mga patak;
ayaw, ayaw pumantag nitong aking pag-iisa.

Tinawag kita sa gitna ng ulan: “bata halika!”


Ikinubli ka ng dilim; lalamunan ko’y nalaslas.
Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta,
ayaw, ayaw pumantag nitong aking pag-iisa.
Tagubilin ni Ingkong

“Bihirang lumabas ang bahag-hari


noong kabataan ko,” sabi ni Ingkong.
Ngunit kapag ito raw ay gumuhit,
Malinaw ang mensahe nitong bitbit:

Pangako ng Maylikha
hindi tayo gugunawin sa baha.

Bakit sa Ormoc?, bigla kong naisip


na para namang nabasa ng matanda;
kaya nga raw lubha siyang nababahala
sa mga tanawin dito sa Maynila.

Kahit saan, kahit kailan, makikita


ang bahag-hari – sa pader, sa kuko,
sa buhok, sa balat. Sabi ni Ingkong,
mahirap nang pag-ibahin Kano at Pinoy –

Pareho ng suot, pareho ng kilos, pati kulay


ng balat at buhok. Mabuti na lamang
at dapa pa rin daw ang ating ilong.

Isang araw, biglang nag-empake si Ingkong


at nakiusap: “Sige na, umuwi na tayo apo ko,
Mangyayari na, magugunaw na ang mundo.”

Inakbayan niya ako at binulungan ng tagubilin:


“Kailangang matapos ang arko bago dumilim”.
Ukay-ukay

Konsultahin
ang panlasa
pero sundin
ang tibok ng bulsa.

Ibandera
ang pinagsawaan ng iba.

Maano kung hindi brandnyu,


pareho lang din naming ipambabalabal
sa malaparilyang tadyang
o kaya'y malatapayang tiyan.

Maano kung hindi brandnyu


pareho lang din namang ipambabalot
sa nangungulubot
na lagusan ng utot.
Ayaw kong maging diyos

Sa ating klase,
dalawang bagay
ang aking hinihiling:

Huwag mo akong tingnan


na parang mapipitas mong
tila hinog na bayabas
sa aking bibig
ang bawat sagot
sa iyong mga tanong.

Huwag mo akong tingnan


na parang taimtim kang nakatitig
pero paningi’y naglalagos
sa pisara.

Sa parehong pagkakataon,
mas gusto kong
huwag ka nang pumasok,
o lisanin mo na ang klasrum;

Ayaw kong maging diyos.


Ayaw ko ring maging tuod.
Bumubukad ang libong Mirasol sa aking dibdib
(oda sa kababaihan)

Mirasol ang inyong umpukan –


sa pagtikom: kapanatagan
sa pagbukad: pagbubunyi.

Pumapailanlang ang inyong tinig


at halakhak.

Umiindayog ang mga balakang.


pimipilantik ang mga daliri,
kumakampay ang mga kamay,
kumukuyom ang mga kamao,
tinutugis ninyo ang araw. Kamakailan,

kayo’y mga lantang talululot,


hi
w hi wa
a- l a
y

.nag-iisa.

Walang tumitingin sa halaga at hinaing


ng inyong sinapupunan kundi kayo.
Walang humahaplos sa inyong mga sugat
kundi sarili ninyong mga palad.

Ngunit nagawa ninyo, nagawa ninyong


maging mirasol. Nagawa ninyong
tugisin ang araw. Nagawa ninyong
sumakay sa hangin upang ihasik
ang sarili, ang binhi ng paglaya
sa kung saan-saang dako. Ngayon,
nag-uugat ang inyong lakas –

sa mga pabrika, pamahalaan, bukirin,


tahanan, estero, kalye, aklat, batas,
radyo, telebisyon, diyaryo, pulpito.

Bumubukad ang libong Mirasol


sa aking dibdib.
Lupaypay na pakpak bakit ka hihimlay

Lupaypay na pakpak bakit ka hihimlay


paligid ay saklot na ng takipsilim,
bawat puno't dampa'y tupok na kalansay.

Pabigat na pingka sa hapong pagkampay


ang dugo't pulburang kaladkad ng hangin;
lupaypay na pakpak bakit ka hihimlay.

Ulilang pilapil ay nakahandusay


mga tanggol-bayan may k’wintas na krimen,
bawat puno't dampa'y tupok na kalansay.

Tinggang walang mata ang sumpang humilam


sa pamumukadkad ng iyong bukirin;
lupaypay na pakpak bakit ka hihimlay.

Bawat sulyap, ritwal – isang pag-aalay


sa mga hiningang hinablot ng dilim,
bawat puno't dampa'y tupok na kalansay.

May titis ng poot naabong himlayan –


bagsik ng himagsik sa mga salarin.
Lupaypay na pakpak bakit ka hihimlay
bawat puno't dampa'y tupok na kalansay.
Nagnanaknak na bituka at utak
sa diwa ng edsa 3

Tumpak ang pinakamamahal na Pangulo:


kailangang kalingain natin nang buong lugod
ang mga kutis-kamatis na mukhang nakisukob

sa kislap ng kamera noong anihin niya


– ng mahal na Pangulo – ang hinog na uhay
na pinahutok ng ating dusa’t himutok.

Nagurlisan ng sinag-araw at alikabok


ang mga mukhang maghapon-magdamag
na kaulayaw ng kolorete at eyrkon.

Kaya alang-alang sa paghihilom


ng mga sugat ng ating bansa
nararapat lamang silang arugain.

Kailangang langgasan ang mga gurlis


sa kanilang balat bilang-sukli
sa taimtim nilang pakikiramay sa atin –

mga matiising alila sa kanilang kusina,


bukid, at pabrika – upang kung manumbalik
ang kutis nilang sakdal-kinis,

maanggihan naman ng binlid


o mertayolet ang nagnanaknak
nating mga bituka at utak.
Pagtatapos na tatapos sa paghihikahos

Nakahilata sa mamasa-masa pang damuhan


ang mga anino ng magkakapatong
na upuang monoblak;

Umiindayog ang mga dahon ng palmera


sa mga pasong nakapaligid sa entablado;

Kumakaway ang mga dahon


ng akasyang nakayungyong sa kalye –
pumapayong sa makikintab
na kotseng binabantayan
ng mga daliring abala sa pagpindot
ng celfon o pagkokolorete.

Habang humahangos naman ang mga pawisang bisig –


may nagkakabit ng telon,
may nag-aayos ng mikropono,
may nagpupungos ng halaman.

Sa ilang sandali, lulutang na sa entablado


ang mga iskolar ng bayan.

Madilim pa kanina
nang umalis kami ni Tatang sa bahay,

At tiyak na muli kaming didilimin


sa pagbabakbak,
pagbubuhat,
pagsisinop ng mga kalat
na iniwan

ng mga iskolar ng bayang


tiyak na uumagahin
sa pagdiriwang.

Hindi ko alam kung natatandaan pa ni Tatang


ang pagtatapos na unang nangakong tatapos
sa kaniyang paghihikahos.
Walang iba kundi ating mga bisig
sa gunita mga anakpawis sa edsa 3

Ginahis man, dama ko pang pumipintig


pulso’t puso ng pag-asang nang pumitlag,
inasam kong madurog tanikala’t tinik
ng pag-usig sa anak-pawis. Umiiktad

sa aking utak ang mga tinig na pinaos


ng dantaong panlilinlang at pagkutya;
ng sagradong pagsamba ng mga diyos
sa kapital at sarili nilang mukha

at ng paghimod nila sa dayong tumbong.


Kanino pa kung ganoon mamamanhik
taumbayang binabansot ang pag-usbong?
Walang iba kundi ating mga bisig

ang tutubos sa sarili; nakagapos


sa dolyares ang puso ng mga diyos.
Dambuhalang gutom

Alyas ng imperyalismo
ang globalisasyon –
isang dambuhalang nilalang
na singluwag ng Jupiter ang bunganga,
at singlawak ng kalawakan
ang bituka at gutom.

Ayon sa mga tagapag-alaga nito,


ang Dambuhalang ito
na may dambuhalang gutom
ang magliligtas sa sangkatauhan
mula sa kahirapan.

Kaya dapat daw itong suyuin, arugain


at huwag katakutan –

kailangang gibain natin ang ating mga bakod


at ang dingding at bubong ng ating mga bahay –
kailangang malayang makapanginain
at mabusog ang Dambuhala.

Oo, mabusog.
Kung kailan walang nakatitiyak.
Pero hindi tayo dapat mainip
dahil kapag nabusog ang Dambuhala,

isipin na lamang natin:

banye-banyerang lungad na bubulwak


sa kaniyang pagdighay,
bundok-bundok na ipot na titilapon
sa kaniyang pag-utot

ang bubundat sa ating hapag!

Huwag nang sabihin pa ang singlaki ng Iraq


na tingang kaniyang ipipitik
sa makikipot nating bibig.
Bitbit ng hangin ang isang pagbangon

May inilalahad ang dagat


isang sugilanon –

mga batang singkintab ng balud


ang likod,

mga mangingisdang isinasakmol


ng higanteng trol,

baybay-dagat na kinukuyumos
ng tingga at kombatsyus:

pigtas na tsinelas
butas na baruto
basag na kabibe.

May inilalahad ang dagat,


isang sugilanon –

mga hiningang kaulayaw ng lambat,


naghahayuma ng isang pasyon;
sa kandili ng dilim, gising magdamag –
bitbit ng hangin ang aming pagbangon.
Digmaan

Hinawi niya ang nalumlom


na sinampay – mga paniking
nakabitin sa bintana
ng kaniyang lungga.

Sinaksak ng mga retaso ng liwanag


ang kaniyang katawan at mukha.

Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat


ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kaniyang mga binti,

at sa hininga
ng kaniyang ama’t ina, isang umagang
palabas sila ng Mosque.

Sinisid ng kaniyang tingin


ang lunting alon ng bakuran.

Sa kaniyang isip,
binubulabog niya ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,

sinasalat ng kaniyang talampakan


ang nagsakliwat na sapot ng gagamba.

Nahinog ang hamog


sa kaniyang mga mata.

Umingit, pumihit
ang kaniyang wheelchair.

Wasak
na saranggolang
kumampay ang ulila niyang

binti.
Huling hibla ng hininga

Huling hagod ito ng ngarag kong palad


sa gitarang karugtong ng pawis ko’t libag.

Bawat kalabit, bawat panginginig


ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig,
may mga alikabok na nalalaglag,
may mga alaalang naglalagalag –

gumagalugad sa mga gulod at gilid


ng kamusmusang hitik sa halas at gilik;
dumudukal sa bukal ng danas at dunong –
pamana ng bandilang pula’t kamaong kuyom.

Ay! kasama, simbilis ng sulyap ang lagablab


ng kamusmusang tila hindi mapapatid.
Ay! katuwang, singtulin ng talon ang tagaktak
ng kasibulang tila hindi masasaid.

Huling kalabit ito ng ugatin kong mga daliri


sa gasgas na kuwerdas nitong aking gitara –
bayaang igaralgal ang kalbaryo ng uring
ang paglaya’y puno’t dulo nitong pagkanta.

Pagdamutan, ngarag na halad ng kaluluwa –


katapusang hibik, huling hibla ng hininga.
Kaylan Tayo Babalik(was)

tayo: lupa tubig hangin apoy


nasa atin ang anyaya at alimpuyo
ng ilog at dagat

ang bulong at bulyaw


ng amihan at habagat

ang ligamgam at lagablab


ng buwan at bituin.

tayo: salungatan at kaisahan ng buhay

bukang-liwayway at takipsilim
init at lamig kapayapaan at ligalig
pagsilang at pagyao babae at lalaki

nasa atin
ang inog at ritmo ng kalikasan
ang bukal ng dunong at danas
ang gamot sa ating mga sugat

ang pagpapasya

tayo: kalikasan
kalikasan: tayo

ngunit tinatalikdan natin ang kalikasan


ang ating sarili

ay! kalikasan kalikasan kalikasan

niyayakap natin ang rangya at isinasangkalan


ang pangalan ng pag-unlad

napapabulag tayo sa kinang

kinang kinang kinang

laksa-laksang gubat
ang ating pinupulbos
laksa-laksang bundok
ang ating winawasak
laksa-laksang ilog
ang ating sinasaid
laksa-laksang bukid
ang ating nilulunod

laksa-laksang pulso
ang ating pinapagot
alang-alang sa kaunlaran

kaunlarang para kanino


kaunlarang para kanino
kaunlarang para kanino

ay!
binibistay
ng kinang ang ating pagkatao

ay!
inuuk-ok
ng kamangmangan ang ating pagkatao

kamamgmangan kamangmangan kamangmangan

sinasamba natin
ang kinang at kamangmangan
binubuhay natin
ang kinang at kamangmangan

at habang naghihintay
ang lupa tubig hangin apoy
ang bukal ng dunong danas buhay
sa ating pagbabalik

pumapailanlang
ang halakhak ng mga humahablot
sa ating hininga.

kaylan tayo babalik


kaylan tayo babalik

kaylan
tayo babalikwas?
Sa pinagpipitaganan kong mga diyos at hukom

Sa pinagpipitaganan kong mga diyos at hukom


ng iba't ibang kampo at kaharian, bilang tanda ng aking katapatan
sa sinumpaan kong pananagutan, narito ang aking puso
na naglalayong magbahagi ng pag-ibig; ang aking utak
na nagnanais maghayag ng katotohanan; ang aking hininga
na nagsisikap magbigay ng buhay.

Narito ang aking akda, ang aking sarili. Ihinahapag ko


sa altar ng inyong pagsusuri. Maging karapat-dapat nawa
sa rituwal na ito, mapabilang nawa sa gagawaran ng mapagpala ninyong bendisyon.
Katayin ninyo ang aking katawan, bukalkalin, himayin hanggang sa kaloob-looban.
Hanggang sa kaliit-liitang bahagi, pati na ang aking kaluluwa.

Batid kong mag-iiba-iba ang aking mukha sang-ayon


sa inyo-inyong lente ng paghusga. Pagtatalunan ninyo
nang walang katapusan kung ano ako, saan ako nagmula,
ano ang aking kulay at ano ang aking silbi. At habang
hinihintay ko ang kahihinatnan ng pag-aalay na ito,
bayaan ninyong pangarapin ko kahit sandali, sa kabila
ng pagkalam ng aking sikmura, na iiwihin ako ng mga dakilang pahina ng panitika’t
kasaysayan, na ipaghehele ako
ng timyas ng katanyagan.

Kaya pinagpipitaganan kong mga diyos at hukom


ng iba't ibang kampo at kaharian, buong puso kong ipagdiriwang kung mababasbasan
ninyo ang aking alay. Kung magkagayon, walang pasubaling kikilanin ako ng
sambayanang sinusuyo
ng aking pagtalima sa sinumpaan kong pananagutan.

Nais kong angkinin nila ang aking galak, ipagbunyi nila ang aking
ipinagbubunyi.

Ngunit mayroon akong isang pakiusap: huwag sana ninyong tangkaing usisain pa kung
bakit wala rito ngayon ang aking sambayanan. Naghihinanakit ako sa kanila sapagkat habang
narito akong nag-aalay ng aking sarili para sa kanilang paglaya, naroroon sila

nakabuntot sa kalabaw, nakapugal sa makina.


Casual(ty)

becoz i’m not a graduate of UP


and i aint got no MA or PhD,
nor do i have the latin surname laude

casual akong p’wedeng masisante


anytime, even without notice ‘mare.
hasa man ako sa mga diskarteng

pangklasrum, mag-somersault man sa klase,


tumimo lang sa student’s kukote
the lessons that i weave araw at gabi.

gosh! sadya nga bang buhay ay ganire


dine sa ‘ting premiere university?
gee! tuluyan na nga kayang napundi

ang Liwanag? Ningning ang humalili?


o dear idols ng mga estudyante,
my colleagues, kapuwa ko casual(ty)

kumapit sa payroll, huwag pahuli


dream! makibeso tumagay magbunyi
himurin, himurin ang RGEP24

24
Revised General Education Program ng UP
Chop suey

Bakit di natin tuklasin


ang silbi ng pag-unawa’t pag-ibig.

Ang minsa’y nabanggit ko


sa isang kasama.
Nag-uusap kami noon
tungkol sa mga sariwang pagtingin
sa Marxismo at Leninismo
kaugnay ng rebolusyong Pilipino.

“Huwag mong gawing chop suey


ang rebolusyon”,

Ang kaniyang pagsaway, tugong


paulit-ulit niyang iminartilyo
sa aking sentindo.

Bigla akong ginutom


pakiramdam ko’y nagsigawan
ang mga bulate sa aking tiyan:

Mabuhay ang mga kusinero!


Handa ka na bang mambulabog?

Hindi dapat humulagpos


sa iyong bibig ang ungol
ng sarili mong dibdib.

Maaari mo itong paglagusin


sa mga siwang ng iyong ngipin
ngunit hanggang doon lamang.

Walang kapatawarang kabusungan25


ang pagpuslit nito at paglikha
ng tunog, gaano man kahina,

lalo na kung may kinalaman


sa gutom, pagtula at paglaya.
Ito ang batas na dapat mangibabaw.

Maliban na lamang
kung handa ka nang bulabugin
ang paghihilik ng mga diyos;

maliban na lamang
kung handa ka nang ipain
ang iyong leeg
sa kanilang mga pangil.

25
mula sa salitang ugat na busong na nangangahulugang walang-respeto sa matanda o sagradong bagay
Ayaw mong mahuli sa pulong

Upang maiwasan
ang pitik ng inip
haplusin mo ng titig
ang kalmot ng sabon
sa mga daliri mong
nakipagkarera kanina
sa paglingkis ng araw
sa gulod ng iyong labada

o kaya’y pumikit ka
at humabi ng kuwentong
isusupot at ipasasalubong
sa iyong anak
na aabutin na naman
ng paghikab ng araw
sa pagkalumbaba
sa inyong bintana

o kaya’y kalmahin ang sarili


bumuntong-hininga
at ipalagay na ang ligamgam
ng iyong palad ay kayang ihaplos
sa noo ng iyong anak
ng idinrowing mong
batang nakangiti
at nag-gugudmorning.

Mahimbing pa siya
nang iyong iwan

Ayaw mong mahuli


sa pulong na walang katiyakan
kung kailan mag-uumpisa
Kandautot sa katatawa ang CIA-IMF-WB-negosyo et. al.

Nasaksihan ko ang tumatagas na nana


at kumukuyaw na mga uod sa kanilang mga gilagid.
Oo, sa kanila na umaastang diyos
at minsa'y itinuring kong mga diyos:

“Paglingkuran ang sambayanan.


Muling pagtibayin ang paninindigan.
Magwasto.
Itakwil.

pâGÌLiNgK╛uran EAng sam@BaY%an*a

TaNgi^ng #arma/doNg DOGMATISMO! ╚pAKi1kIb*aKa


pa Rin hIndI REPORMISMO! maGpA\@PabaGsa&k
Ma#luLu|tAs STALINISMO! Sa %TaTlo*Ng $ng ISM%o
HuklU@b?aNG p*am$a/maR#aa%n MAOISMO
ANg krisis KONTRA-REBOLUSYONARYO! =P%anLI'Puna#n.

Matainga TAKSIL SA BAYAN! sulang


redigm ksang yob nayan
kankala unyun suan ran ISTUPIDO!”

Habang pumapaimbulog
ang presyo ng petrolyo,
rumaragasa ang demolisyon at militarisasyon,
sinisipa ang mga manggagawa,
kinakatay ang mga bukirin,
nilulustay ang kaban ng bayan;

habang kapit-tuko ang gobyerno


sa paghimod sa tumbong
ng amo nitong Estados Unidos,
na tagapagligtas daw ng daigdig;

habang nangangalumata at humuhumpak ang pisngi


ng milyong masang puno’t dulo ng rebolusyon.

Habang kandautot sa katatawa


ang CIA-IMF-WB-negosyo et. al.
Kropek

Paos ang pasasalamat na inusal ng maputla mong labi


nang abutin mo ang pabaon kong piso. Napaso ako
sa lamig ng iyong daliri, nanulay ang liyab ng yelo
sa aking bisig, namugad ang ginaw sa aking dibdib.
Agad naglagalag ang aking mga mata upang iwasan
ang iyong titig. Nangimi akong aluin, kahit saglit,
ang nakakapit na kirot ng sikmura
sa ilog na namuo sa iyong mga mata.
Natakot akong lusungin kahit saglit
ang bukal ng pag-unawa sa ilog na iyon.
Gumuho ang aking mga kalamnan at buto.
Batid kong hindi kayang haplusin ng piso
ang hapdi ng agahan nating kropek.
(Paano pa kaya ang pagngatngat
ng pagpapanggap na busog ka pa,
habang nilulunok mo ang amoy
ng pananghaliang iniaalok
ng iyong mga kaklase at guro?)
Hindi mo na kayang ipantawid-
gutom ang mga salita.
Binusog kita ng mga teksto
at imahen na nagpapalagablab
sa mga kamao at istrimer.
Ngayo’y dumidighay
ng katanungan
ang iyong
mga mata.
Hanggang
kailan
itay
?
Makata

Pitong beses… hindi… walo...ay, siyam, siyam


na beses kong binalikbalikan, dinalidalirot
ang tulang ipapaworksyap ko sana sa mga makata
ng Diliman. Tanaw pa ang araw noon,
habang naghihintay, habang wala pa sila,
pinasadahan ko ulit ang tula. 12 ang metapora
puro sariwa. Tungkol lahat sa hirap ng buhay –
4 ang nakikita 3 ang naaamoy 3 ang nalalasahan
1 ang naririnig at 1 rin ang kumakalmot sa balat.
Walang gasgas na salita at imahen. Wala pa rin.
Sinuyod ko ulit ang tula, tutal naaaninag pa naman
ang mga letra, ang mga bubong, ang tuktok
ng mga puno. Buti na lamang at malamig dito sa UP.
Ano kaya ang nangyari sa kanila?
Malayang taludturan ang tula pero inayos ko
sa tatatluhing linya. 10 saknong lahat, 30 linya lahat.
Nangangalay ang aking likod. Tinutusok
ng isang milyong karayom ang aking mga hita
at puwet. Walang tuldok, may tatlong kuwit
310 ang patinig, 177 ang letrang a, 78 ang I,
21 ang o, 28 ang u, at 6 ang e. 423 ang katinig.

Malabong drowing na lamang ang lahat.


Hindi na mabuklat ng ilaw sa poste ang anino
ng akasyang nakatalukbong sa akin, iilan na lamang
ang paroo’t paritong mga estudyante, nagsasara na
ang mga dormitoryo.

Umaalulong na ang aking bituka.


Pinatay ko ang aking gutom at inip –
pinagpira-piraso ko nang pinung-pino,
isinubo, nginuya, at ilinuwa
ang aking tula.
Magwasto

“Magwasto!”

sigaw ng mga kabataang aktibista


habang kapit-bisig nilang binabarahan
ang martsa ng mga kapwa-demonstrador
(na dati nilang kasama ngunit ngayo’y
itinuturing nilang kaaway).

at nakita kong halos pumutok


ang mga ugat sa mukha at braso
ng mga pulang mandirigma ni Mao

habang kanilang nilalait


at hinahagupit ang dati nilang guro
na nagturo sa kanila

ng tula
at paglaya.
Parang pagdura na lamang

Parang pagdura na lamang para sa kanila


ang pagbigkas ng pasensiya o pagpapasintabi
kapag hindi sila dumating sa takdang oras
ng pulong o ano mang klase ng tipanan.

Tulad ng pagbaon ng barena sa dingding,


dapat nating iukit sa ating mga kukote
na mga importanteng tao ang hinihintay natin.
Kung kaya naman abalang abala. Unawain natin sila
kung gayon sa kanilang pagkahuli. Ano ba naman
ang kalahating araw na pagtunganga
kumpara sa kapakanan ng bayang
siyang nakasalang sa mga pulong
na kanilang pamumunuan?

Abalang-abala sila sa mga gawaing pambayan,


at sa pag-uutos sa kanilang mga utusan
upang asikasuhin ang maraming bagay
na hindi na nila kaya pang atupagin. Tsk,
hindi na sila magkandaugaga,
kung kaya dapat nating intindihin
na kung gaano kasikip ang kanilang panahon
ganoon din kakitid ang kanilang pasensiya.

Kung gayon, tayo na naghihintay


ay hindi dapat mamuna o magreklamo
sa hindi nila pagdating sa takdang oras;
baka mapatid ang pisi ng kanilang pasensiya
at sumambulat pa sa ating bilasang mata
ang durog na sili mula sa kanilang mga bunganga.
Panis na laway

Pitumpo’t pitong taon nang nakasuga


sa tumana si mang Pilo. Nasaksihan na niya,
tulad ng kaniyang pagkakasaksi sa paglulupi
ng mga ahas ang di-mabilang na pagpapalit
ng tao sa gobyerno, ang di-mabilang
na pagsasalitan ng tag-ulan at tag-araw,
ang tila walang hanggang taggutom.

Ngayo'y nasa harap niya,


at ng mga kapwa magbubukid
at kanilang mga mahal sa buhay,
ang mga tagapagligtas.

Sa pangako ng paghulagpos sa pagkadusta,


tinipon sila ng mga tagapagligtas.
Tulad ng dati, lagas na mga butil
ng rosaryong tumalsik mula sa bibig
ng mga tagapagligtas ang litanya ng pasyon
ng mga magbubukid,
ang silbi ng pagkakaisa,
ang pagtatayo ng maaliwalas na bukas,
ang kawalang-saysay ng reporma,
ang kahalagahan ng dahas.

Tulad din ng dati, nilanghap ni mang Pilo


ang samyo ng sariling panis na laway,
habang nakikipagkindatan sa munting sinag
na naglalagos sa kaniyang balanggot.
Nagtutulakan tayo ngayon sa bangin

Hinaplos ng hinahon ng ating hininga


pasa ng puso nating saklot ng pagsuko;
isinandal natin ang ating likod sa lamyos
ng lunting burol sa ating tinig at dibdib.

Kapanatagan ang ating kandungan.

Nagbanyos tayo sa ilog ng ating mata,


nilanggasan ang naknak na mga kudlit
ng durog na bubog ng pag-aalinlangan
sa ating talampakan: sarili o sambayanan?

Pinaghilom ng taglay nating paglaum


ang ating mga sugat. Sanlaksang lakas
ang halumigmig ng ating yakap.

At namulaklak tayo ng bandila’t istrimer;


muling lumagaslas sa ating lalamunan
ang tinig ng himagsik; nanariwa sa ating diwa
ang sanghaya ng digma.

Ngunit anong kulam mayroon


ang kalam ng pagbabago?
Hiniklat ng magkaibang dalumat
ang ating mga balikat, palayo sa ating halakhak.

Iisang bituin ang inaalayan natin ng tingin,


ngunit nagtutulakan tayo ngayon sa bangin;
nagsusuplagan sa pagtahak
sa kaniya-kaniyang gasgas na landas.
Alaala ng luwad at tapuy

Habang hinahawi
ng sinasakyan kong traysikel
ang halumigmig na nakakumot
sa bulubundukin ng Ifugao,

kinawayan ako
ng mga ilap na Mirasol
na nakatunghay sa bangin.

at hinagkan ang aking batok


ng ating pagdadaop-palad
sa Banaue – noong gabing

nilasing ako ng luwad mong dibdib


at ng tapuy sa iyong hininga’t titig.
Flaslayt

kagabi
isang saranggolang gawa
sa pinagtagpi-tagping bituin
malamlam
mapusyaw
maningning

ang ating pinasisid sa abuhing langit

gumewang umalon umekis


sa kalangitang walang ligalig

ngunit
iglap na napatid
ang pising nilubid
mula sa ating hininga

binulaga tayo
ng mapanghimasok
na liwanag

kasabay ng pagdayb
ng ating saranggola

ginutay ng flaslayt

ang ating mga mata


at hubad na katawan
Ganito kita itatakwil

Sa iyong pagtatksil,
ganito kita itatakwil:

Tatarakan ko ng krus na dugo


ang bawat puno, bawat guho
bawat damuhan, bawat dingding –

ang lahat ng nagpaunlak


sa ating paglilim sa dilim.

Ipalalamon ko sa liwanag
ang alab at alat,
ang halakhak at hiraya
ng ating pagtataling-hininga.

Ihahabilin ko sa hanging
ihilam sa iyong mata
ang lansa ng dugo.

hanggang ikaw ay mabulag


at hindi na makabalik
sa mga pook na sa ati’y kumupkop.
Hugas-kamay

Sa panahon ng digma o kapayapaan,


ikaw ang nasa aking puso.

Hindi bilang isang alaala o saksi lamang;


kundi isang buhay na katuwang
sa paglikha ng isang pag-ibig

na walang pangalan, o sinadya nating


hindi pangalanan, sapagkat mas mainam
ang malaya sa bilangguan ng kinagawian.

Ngunit kailangan kitang paslangin;


(sapagkat iniibig kita, at gusto kong mabuhay ka).
Kailangan kong paslangin ang lahat
ng may kaugnayan at bumubuhay sa iyo.

Papaslangin kita ngunit hindi sa pamamagitan


ng patalim, lason o baril, kundi sa bagsik
ng pagkamuhing ipupunla ko sa iyong dibdib.
Natatangi ang pagpaslang na ito – ako,

Ako na pumapaslang ang mamamatay.


Ako na lumilimot ang lilimutin. Aarugain ko
ang pagkamuhing uusbong sa iyong dibdib,
pag-uugatin ko ito sa iyong utak, mata, bibig,

bituka, mga daliri. Hanggang mantsahan


nito ang iyong mga kamay. Hanggang
multuhin nito ang iyong konsensya.

Samantalang ako, ako na tunay na salarin


ay walang kurap na magsasabi: Wala,
wala akong kasalanan.
Liyab ng Kabalyero

Paulit-ulit, binubuhusan ko
ng tubig-yelo, ang nagliliyab
na bulaklak ng Kabalyerong

pinasibol ng Flores de Mayo


sa aking dibdib; ngunit patuloy
nitong sinisilaban ang bawat hibla

ng lumot ng aking pangungulila.


Sa gatong ng gunita ng libaging
rosaryo, at marurusing na batang

nag-ugnay sa atin sa isa't isa,


nagliliyab ang mga bulaklak
ng Kabalyero sa aking dibdib;

inaasam ang iyong pagbalik –


ang iyong pagsuway sa buhay
na selyado ng belo at rosaryo.
Malilimutan ko ang iyong pangalan

“ANOTHER DEATH IN DILIMAN.


A suicide victim spills his blood a few meters
from the foot of the oblation, UP’s symbol
of selfless sacrifice.” - Philippine Collegian, 03/3/99

Ngangatngatin ng alikabok
ng aking paglimot
ang iyong katauha’t pangalan;
ngunit hindi ang iyong pagsalungat
sa balud ng pagsunod sa kinagisnan.

Nang pigtasin mo ang iyong hininga,


nabanaag ko ang aliwalas ng landas
na kasumpa-sumpa ayon sa mga pinagpala
ng pulpito at kombento.

Hindi kita kilala at lalong hindi ko batid


ang pitik ng iyong puso’t utak;
ngunit nakaangkas sa pagbukas ko ng mata
bawat umaga ang iyong kalatas:

may hihigit pa sa dighay at orgasmo


at iba pang aliw na lalang ng laman;
may hihigit pa sa galak at gayak ng buhay
na sadlak sa samut-saring kamatayan.

Nang ipaghele ng sementadong hagdan


ang iyong laslas na pulso at bangas na bungo,

itinaboy mo ang maligno ng liwanag,


na nagdidiktang kadikit ng pikit na isip
ang pagsuway sa utos ng langit;

inawit mo ang pulot at oyayi


ng pagyakap sa kamatayan –
upang mabuhay, upang mabuhay.
May taglay pa ring init

Kakulay na
ng durog na kabibe
ang aking buhok,

humulma na
sa aking mukha
ang alon ng dagat;

ngunit
may taglay pa ring init
ang perlas na iyong isinabit
sa aking dibdib.

Kahit isang dakot nang buhangin


ang bilang ng mga taon,
mula noong hablutin ka sa akin
ng kalaro nating mga alon.
May tamis sa kamatayan

Minsan, kinawayan ako


ng ligaw na bulaklak sa bakuran
ng aming kapit-bahay.

Bugso ng pulso,
tinangka ko siyang pitasin;
buksan ng aking mga daliri
ang kaniyang mga talulot.

Ngunit nanaig sa akin


ang aral ng buhay: may bitbit
na gantimpala ang pagpatay
sa sarili.

Kaya nagpasya akong habambuhay


na magbigti, habang sinisilip
mula sa bintanilya ng aking puso
ang pamumukadkad ng bulaklak.

Tuwing umaga mula noon,


sa aking puntod, iwiniwisik ng hangin
ang samyo ng polen ng bulaklak

na pinagtangkaan kong pitasin.


Pagaspas ng paruparo mong labi

muli mong nilagok


ang ilog sa aking mga mata

pumikit ako
upang taimtim
na kaulayawin

ang iyong uhaw


ang aking uhaw

dahan-dahan pumagaspas
ang paruparo mong labi

dumapo sa aking noo


kilay pilik talukap ng mata ilong
pisngi baba pisngi tenga batok tenga
leeg tenga batok leeg
baba

LABI

at tumigil ang lahat


ang lahat lahat

maliban sa pagparoo’t parito ng mga alon


maliban sa pagtaas at pagbaba ng mga alon
maliban sa paglukot at paglatag ng mga alon

maliban sa pagparoo’t parito


pagtaas at pagbaba
paglukot at paglatag
ng mga alon

maliban sa ritmo ng ating hininga

maliban sa indayog ng ating katawan


Paghihintay

hindi ko magawang dinggin


ang pintig

ng sariling dibdib

nakagapos ang aking pandamdam


sa bawat puwang

na puwede mong daanan

bawat siwang
bawat kaluskos
bawat aninong sumungaw

binabakuran ko ng titig at pag-asam


na sana’y ikaw na

oo bawat espasyo
bawat estrangherong kaluskos
bawat aninong hindi iyo

ay dagat ng buntong-hininga
at pagkabalisang

namumugad sa aking dibdib


Walang kasinglamig ang simoy ng pangungulila

Habang minamasdan ko,


mula sa bintana ng aking klasrum
ang mala-sundalong tindig
ng bundok Makiling, idinampi
sa aking dibdib ng mamasa-masang hangin
ang mga alaala ng Sierra Madre:

magkadaop ang ating mga palad,


inaalalayan mo ako sa pag-akyat
sa matarik na burol –
nakakahiya, babae ang umaakay,
pero ano ang aking magagawa?

Tanging paninindigan at lakas ng loob


ang aking bitbit noon;

buhol-buhol ang aking hininga


sa paghagilap ng matatapakan,
hindi magkamayaw ang likaw
ng mga baging at damong-gubat,
mabuti na lamang at naroon
ang iyong mga kuwento at awit;

a, kayligamgam ng iyong hininga


at haplos – masuyong tapik sa panahong
halos igupo ng bigat ng bakpak at armalayt
ang aking balikat.

Marahan kong isinara ang bintana: walang


kasinglamig ang simoy ng pangungulila.
Wala na akong masulingan

Gusto kitang kalimutan:

kung ilang beses


ko nang binagsakan
ng bato
ang iyong bungo,

pero paulit-ulit
na nagbabagong anyo’t buhay
ang sumasambulat mong utak.

Sanlaksa sila ngayong umuusig


sa akin.

Minumulto nila ako,


wala na akong masulingan
kundi ang makisilong
sa liwanag,

at bagsakan ng bato
ang sarili kong bungo.
Sariling langib

Hinahamon ako
ng mga langib
ng punong Akasya –

mula sa pinakamagaspang
hanggang sa pinakapino;

mula sa mga nakatinghas


na halos malaglag na sa lupa,
hanggang sa mahigpit pa
ng kapit sa puno at sanga;

mula sa pinakatayangtang
hanggang sa mga babad pa sa nana.

Hinahamon nila akong lapitan sila,


masdang isa-isa, at haplusin.

At nang gawin ko ang gayon,


natuyot at nagkabitak-bitak
ang aking mga palad –

binulaga ako
ng sarili kong mga langib.

May kung anong pinong tinik


ang tumusok sa aking mga mata.
Pangungulila

Kagabi,
sa pusod ng dilim,
isa akong

ulilang sagwan,

kinukutib
ng mga alon
sa gitna ng laot.

Nakatingala
sa kulay kalabaw
na langit,

nakamasid
sa mga pundidong bituin,

habang sunong ko
ang unti-unting natutunaw

na buwan.
Paramdam ni kamatayan

Nagparamdam sa akin
si Kamatayan kagabi:

isinayaw
ng hanging iniluluwa
ng electric fan
ang tinuhog
na bulaklak ng kampupot
at ilang-ilang
na isinabit ko sa kisame.

Wala na ang gilas


ng sariwang talulot;

mga daliring kulubot


ang ngayo’y nakakapit
sa taling unti-unting
nalalagot.

Iginupo ako ng antok.


Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng diyos

sapagkat gayon
na lamang
a n g p a g sinta
n g d i yo s
sa san l i butan
kung kaya
i p i n a g kaloob
niya ang kaniyang kaisa-isang anak

sapagkat gayon na lamang ang pagsinta


ng negosyo sa sariling diyos, ipinako
nito sa minimum
ang sahod upang
ang sino m a n g
sumasampalataya
sa kap ital
a y h i n d i
m apahamak
kundi magkaroon
n g b u h a y
n a walang
h a n g g a n
aleluya aleluya
Sugatan ang buwan kagabi

Sugatan
ang buwan kagabi –

habang nagsasalimbayan
sa pagsaksak sa aking mata
ang kislap ng mga ilaw,
ng poste at sasakyan,
at ang liwanag
na iniluluwa
ng mga gusali
sa paligid,

magdamag kong dinilaan


ang dugong umagos
sa maputla niyang pisngi.
Mister kibitser

Nakakabilib
si mister kibitser:
laging nakikinig,

laging nagmamasid.
Hindi umiidlip
si mister kibitser.

Kahit pinid na silid


kaniyang nasisilip.
Talagang nakakabilib.

May radar si mister kibitser,


kaygaling niyang humagip
ng kahit anong tsismis –

“you know ba? yan daw si ano


nagpaano bzz bzz bzz.”

At kaygaling niyang kumilatis:

“look o, can’t even speak


straight English!”
“yuck, what a jolog,
tingnan mong manamit!”

Nakakabilib.
Makamandag ang tagtuyot

Makamandag ang tagtuyot.


Sinisipsip nito ang utak
at lakas ng ano mang may buhay

na kayang magpakislot ng salita.


Kapag sumagpang, hindi ito bumibitiw
hanggang hindi nalalagutan ng hininga

ang biktima. Minsa’y naka-engkuwentro


ko ang tagtuyot, nanlilisik
ang kaniyang mata, wala akong nagawa

kundi ipain ang aking leeg


na agad niyang sinagpang;
rumagasa ang kaniyang kamandag

sa aking mga ugat, umakyat


sa utak, nagdiliryo ang aking ulirat.
Muntik matigang ang aking lakas.

Kulog ang kaniyang halakhak


nang inakala niyang lubusan
na niya akong nagapi. Ngunit

sa kahuli-hulihan kong sigok,


bumulwak ang mga salita,
bumangon ang mga imahen,

rumagasa ang hiraya. Naumid


ang tagtuyot, nagkalasug-lasog
makikintab niyang mga pangil.
Laslas na ang aking maong

Laslas na ang laylayan


at tuhod ng aking maong,
kalahating dangkal na
ang nakaluwang
mga pahalang nitong hibla,

at patuloy pang nagninisnis.

May mga hiblang magkakasalikop,


may mga hiblang lumulundo,
may mga hiblang nag-iisa.

May mga hitik sa himulmol,


nagbabadya ng pagkalagot;
mayroon naming kipkip pa ang tikas
ng sinulid na hindi pa gamit.

May mga hiblang


taglay pa ang pagka-asul,
may mga hiblang
kakulay na ng lupa,
may mga hiblang
nagbabalik na sa bulak.

Ilang lakaran na lamang


at may mga hiblang mapapatid,
luluwang ang laslas
ng aking maong.
Magiging basahan.

Pero kahit
may mga hibla nang bumabaklas
sa isa’t isa,

nananatili pa itong saksi


at katuwang

ng paglalagalag
ng aking mga paa.
Mga imahen ng pagdarahop

Kinakabagang palabigasan
sa ilalim ng kalang singlamig
ng nguso ng butas na takure.

Mga langutngot ng gasgas


na bitukang namimilipit
sa ibabaw ng dulang.

Mga matang nililingkis ng tagtuyot


habang naglalambitin sa nagninisnis
na atip na gawa sa dahong niyog –

binibigti ang gutom habang nakikipagpiko


sa mga usa at baboy-damong dumudungaw
sa manipis na siwang ng bubong.

Hershey’s at Barbie doll na naliligiran


ng pader na nakatirintas ng alambre,
at pinakikinang ng mga pangil na bubog –

tinatanuran ng mga matang may lisik


ng tingga, ng amoy pusaling pag-ismid,
ng tapik sa balikat na singgaspang ng punso.

Ulilang tsinelas, gulanit na istrimer,


sinasakal ng tirgas at pulbura
sa sinapupunan ng Mendiola

Ararong nginangatngat ng kalawang,


nakahilig sa tarangkahang inuunano
ng mga mutha, nasasabik sa haplos

ng mga kalyuhing daliring ngayo’y naghahasik


ng liyab sa tagulaylay at oyayi ng paghuhunos;
mga daliring sumisipol ng punglo at palakard,

bigas tsinelas kalan dulang,


upang muling padaluyin ang ilog
sa nangangalirang na retina ng tagtuyot.
Dalit

Mandarambong

Nang tayo ay manikluhod


sa selosong manunubos,
yamang-bayan ay naubos
sinikwat ng espada’t krus.

Salamangka

Aw! espageting pataas,


salamangkang patalastas;
bansa’y manhid sa agunyas
ng bitukang naaagnas.

Tandang Sora

Walang gatol, Tandang Sora


dalit ng iyong pag-asa
kahit nisnis na ang hibla
ng buhok mo at hininga.

Supremo

“Di dapat maging pangulo


ang isang di abogado!”
Hatol: isang aginaldo –
punglo para sa supremo.

White Christmas

Sa tungayaw ng blues at jazz,


umasam ka ng white Christmas.
Binura mo pati bakas
ng heleng malaya’t wagas.
Pagsasanib

Sa linggal ng mga tambol


tumipa ka ng rock ‘n roll,
sakbat mo ang pahimaton
ng kudyapi, kubing at gong.

Serbisyo

Indak-kumpas sa maghapon
upang trapiko’y dumaloy
kinakapos, ginugutom
pero hindi nangongotong.

Komitment

Guro: hamog kang pumatak


sa pusod ng bundok Marag,
punglo’t lamok ‘yong hinamak
upang tribo ko’y bumukad.
Diona

Ina

Bawat ingit ng anak


may haplos na katapat –
ina’y gising magdamag.

Bunso

Hindi baleng kumalam


itong sariling tiyan
bunso’y kumain lamang.

Lubid

Bawat isa’y sinulid,


kapag may isang patid,
rurupok itong lubid.

Gugma

Gugma: isang sinulid


na nang mapatid, ang lubid
na tahana’y nagnisnis.

Timon

Palangga, sa pagsuong
sa dagat na maalon,
ikaw ang aking timon.

Tungkod

Inay ikaw ang tungkod


sa paghanap ng birtud
nitong pananaludtod.
Saklay-mata

Hintuturo ka ama,
saklay ng aking mata
sa gubat nitong letra.

Walang lamangan

Sugpo man o alamang,


ating paghahatian.
Utol, walang lamangan.
Tanaga

Susmaryosep

Bakit naman ngayon pa


sumiklab itong gera,
susmaryosep pa’no na
ang bukas natin sinta?

Tuod

Lurayin mo man irog


aking puso at tuhod,
tuod akong tatanghod
sa papatak mong hamog.

Gera

Hindi dapat maiga


pag-ibig natin sinta;
magtagpo pa rin kita
sumiklab man ang gera.

Sumpa

Binitiwan mong sumpa,


hamog sa ‘king gunita
ngayong nananalanta
ang kamandag ng digma.

Kuwerdas

Daliri ako sinta –


kakalabitin kita
hihimasin tuwina –
k’werdas ka ng gitara.
Labingsiyam

Pagdarahop

1.
Kumakahol na ubo,
dugo sa dura.
Kinabukasang kuba.

2.
Kabukirang nilunod,
dambuhalang dam.
Kalderong inaamag.

3.
Sinasapot na kalan,
iyak ni bunso.
Malay na sumisikdo.

4.
TNC's ng dayuhan,
libre sa buwis;
ekonomyang may tisis.

5.
Muling nabilaukan
dugyot na kanal –
nagdiwang ang ospital.
Total war

1.
Nagliliyab na baryo,
pila ng tao.
Pilantod na gobyerno.

2.
Atungal ng armalayt,
wasak na burnay.
Pira-pirasong buhay.

3.
Rigodon ng kombat syus
sa baybay dagat;
mga duguang sigay.

4.
Saranggolang dumadayb,
lagot na pisi.
Sugat sa pusong munti.
Haiku

Patak-ulan

Mumunting patak-
ulan sa iyong pisngi,
ngiti ng rosas.

Watusi

tengang barado
bungangang may watusi,
pader na yelo.

Labada

Dildil ng asin,
gabundok na labada,
Bagang may burda.

Sampayan

Haplit ng hangin
sa hitik na sampayan –
Ingat ka giliw.

Ngiti

Kulob na sinag
sa balumbon ng ulap;
ngiting sisilay.

Hasmin

Kaway ng hasmin
sa balikat ng daan;
haplos sa dibdib.
Sanggol

Ingit ng sanggol
sa nagbabagang kuna;
gabing bagabag.

Kamay

Ngatngat ng sabon
sa kulubot na kamay –
kanin sa hapag.

Tala

Tala sa mata
ng bunsong bumabati,
gabing mahimbing.

Pinitak

Halik ng ulan
sa tuyot na pinitak –
lunting halakhak.

Buhay

Likaw ng tubig
sa bato at buhangin.
Alon ang buhay.

Wakas

Kutib ng uod
sa talulot ng rosas.
Lahat may wakas.
Anay

Linya ng anay
sa posteng anong tayog,
hari’y yuyukod.

Baril

Pangil ng baril
na naglagos sa dingding;
sino ang ligtas?

Digma

Pusa sa kalan,
kalderong inaamag –
gatong ng digma.

Dayo

Bolpen: kumendeng,
ngumasab ang buldoser.
Dayo: nagdiwang.

Modernisasyon

Tribong pinalis
sa lupaing ninuno,
modernisasyon?

Balang

Minsa’y nangitim
mga uhay ng palay.
ulam sa pinggan.
Anino

Aninong ligaw
sa siwang ng bintana;
lindol sa dibdib.

Bubog

Butil ng hamog
sa dahon ng kampupot;
bubog sa palad.

Luha

Patak ng luha
sa pahina ng aklat;
buko ng rosas.

Alon

Saplok ng alon
sa katig nitong bangka;
bukang-liwayway.
Sigaw at diwa ng panitik

Bawat karanasang kaniyang maititik


lakas na gigising sa damdaming pikit.
Ang tintang guguhit ay dugong titigis
sa tigang na lupa, titighaw, didilig.

Ang tibay at talas ng aking panitik


ang siyang tatahi sa lahing gulanit;
ang dugong nagmula sa aking panulat
huhugas sa bayang sa putik nasadlak.

Sigaw ng paglaya, tilamsik ng hibik


tintang naging dugo at nagtutumangis.
Kaniyang pagsamo: “Mga nakikinig
sana ay pumansin, tuwinang magmasid”.

Sutla at busilak na papel ang hanap


Liyab n ng paglaya doo’y isusulat;
Iwi nitong dugo kusang ipapatak –
talim ng panitik ay maglalagablab.

May lakas ang bawat kibot ng panulat,


Mga matang pikit pilit imumulat –
“Masdan ang paghawi ng lambong ng ulap
damhin ang ligamgam na dala ng sinag.”

Sa pilas ng aklat kaniyang ikikintal


ang bawat bayaning sa dilim nabuwal;
lahing Pilipino kaniyang itatanghal
mithing kalayaan ay ipaglalaban.
Iba’t ibang mukha ng panahon

Matulin ang takbo ng panahon,


ang luntiang dahon na kanina’y kaysigla
ngayo’y naluluoy.
Prinsipyo ba’y kumukupas?

Babangon, babagsak ang mga kasama.


Matamis na ngiting ari ng iba,
bukas ay atin.
Mapipigil ba ang pakikibaka

Halakhak nila ngayon,


bukas atin ang tagumpay.
Pagbagsak ng rebolusyon,
simula ng kaganapan.
Ito na ang panahon

Di na magtatagal ang ating kaapihan;


dumating na ang panahon
hinog na ang kalagayan.
Tunguhin natin ang kabundukan

Sandatang sa ati’y ipinamamaslang


ngayo’y gamit natin sa paglipol sa kaaway.
Diwa’y sulong, matibay ang paninindigan.
Handang ibuwis ang iwing buhay

Ang mithing kalayaa’y ating makakamit;


magwawakas ang panahon ng mga ganid.
Pagkatapos ng madilim na gabi ng pakikibaka,
tiyak sisilay ang pulang araw ng bagong umaga.
Sa pagsulong ng sambayanan

Ang luksang lambong ng magdamag


ay pupunitin ng isang pag-aaklas.
Ang ningning ng karit ay sasambulat,
maso’y ipupukpok nang buong lakas.

Babagsak ang mga kaharian,


malilipol ang mga gahaman.
Pulang bandila’y iwawagayway
magbubunyi ang mamamayan.

Bawat isa’y may iisang layon,


bawat hakbang ay may direksyon;
susundan ang landas ng rebolusyon
diwa ng pagbabago buong giting
na isusulong.
Makakamit ang kaligtasan

magsimula tayo
habang may buhay pa ang mundo
habang may init pa ang ating hininga
pagkalat ng dilim ating pigilin
ginaw ng paligid ating pawiin

kapag tumigil ang mundo sa pag-inog


kapag namuo ang dugo sa ating mga ugat
maglalaho ang lahat
guguho ang ating pangarap
mawawalan ng silbi ang liwanag

wakasan ang pananahimik


basagin ang pagsasawalang-kibo
huwag tumigil sa paghakbang
makakamit natin ang mithiin
maaabot ang hangad na kalayaan
May sigwa sa aming nayon

Ang sapa’y ayaw nang umagos


Si kalakya’y walang mainom
Pati ang araw ay nagkakanlong
Sa ulap na kay-itim ngayon.

Nagbabadya ang sigwa sa aming nayon


Huni ng kuliglig tila putok ng bulkan
Mga ibo’y nagtatago; lagi sa karimlan
Damo’y nanginginig, mga puno’t nangangatal.

Ihanda ang tabak, hawiin ang damo


Ang kislap ng talim ay tatanglaw sa kubong
Pinagkakanlungan ng mga kasamang
Ngayo’y sugatan ngunit walang panlulumo.

Magkapit-bisig tayo mga kanayon


Tatagan ang dibdib; sigwa’y umuugong
Humahambalos ang ulan, huwag tayong sumilong
Panakot lamang iyan ng sakim na panahon.
Kailan tayo magbabago?

Pagsasamantala ang patuloy na naghahari


Habang karapatang ng tao’y nalulugami
Kayhirap abutin ating minimithi
Sigaw sa labi’y laging tinitimpi.

Hanggang kalian tayo magtitiis


Paaalipin sa dusa’t sakit?
Hanggang kalian tayo padadaig
Sa mga pangil ng dusa’t sakit?

Mga kasama halina’t tumindig


Hanguin ang bayan sa pagkakahilahil
Ang tanikala ng paninikil
Atin nang wakasan, atin nang pagutin

Mga kasama saan atayo tutungo


Ngayong ang mundo’y gulong-gulo?
Mga kapatid saan tayo tutungo
Kalian, kalian tayo magbabago?
Lakbayani

Lakbayan, paglalakbay tungo sa kalayaan


Anumang uri ka ng mamamayan
Ikaw ay bayaning itatanghal
Kung ikaw’y nakilahok sa lakbayan.

Hindi alintana ang gutom at uhaw


Maipakita lamang ang katotohanang
Baya’y tutol sa sistemang umiiral
Lakabayani, bayani ka ng bayan.

Nagmartsa ang buong sambayanan


Sigaw aay paglaya at katarungan
Mithi’y lansagin ang pamahalaang
Nagpapakatuta sa mga dayuhan.

Maraming taon na ang paghihirap


Maraming taon nang baya’y binulag
Ngunit ngayo’y unti-unting namumnulat
Gumigising, tumitindig, laya ang hangad.

Walang punglong maaaring humadlang


Sa lakas ng baying sumusulong
Walang pader na maaaring humarang
Sa lakas ng bayang mistulang daluyong.
Manalig ka

Tahimik, gabi’y pusikit


anong dilim ng paligid
walang anumang marinig
kahit isang munting tinig.

May ilaw iyong pagmasdan


kayningning kaniyang sinag
magmadali iyong sundan
iyon ang iyong patnubay.

Kahit saan ka magpunta


hindi ka dapat mangamba
Si Hesus laging kasama
manalig sa gugma niya.
Patak ng dugo sa iyong mga bakas

Pasan ko ang iyong krus


sinusundan ko ang iyong yapak
ako’y kanilang inuusig
tangkang kitlin hiram kong buhay.

isinigaw ko ang katarungan


inawit ko ang kalayaan
ako’y kanilang hinagupit
binato at ibinilanggo.

masakit kang magmahal


ngunit walang ibang daan
tungo sa kaligtasan
kundi ang pagsunod sa iyong kalooban

kristo ang patak ng dugo sa iyong mga bakas


ay pamamalagiin kong sariwa
masakit ang sugat na dulot mo
ngunit sadyang ganiyan ka magmahal.
Salamat panginoon

Masakit ang sugat


na likha ng nakaraan,
ngunit salamat panginoon
lumago ako tulad ng isang halaman.

May luha ang alaala


ng kahapon,
luhang sa aki’y dumilig
upang harapin ang bukas.

May latay ang mga palo


ng tag-araw, ngunit salamat panginoon
ako’y naging matatag,
handang sumalubong sa tag-ulan

Madilim ang buhay sa loob ng bilangguan,


subalit dahil dito’y nadama ko
ang tunay na kalayaan.

Matinik ang alambre ng pagkamulat,


panginoon salamat
may lakas ako sa pagpiglas.
Gagabayan tayo ng panginoon

Matatag na ba ang suhay ng iyong dampa?


Handa ka na ba sa sigwang darating?
Lumipas na ang tag-araw...
Muling yayakapin ng lamig ang paligid,
Lalambungan ng makakapal na ulap
Ang mga bundok na unti-unti
Nang nagkukulay lunti.

Handa na ba sa pagbungkal
Ang iyong mga bisig?
Sapat ba ang lakas ni kalakyan,
husto na ba sa gulang ang mga punla?

Kasama ang sugat na dulot


Ng nakaraang tag-init
Ay hindi kailanman mapaghihilom
Ng tag-ulan.

Sa ating pagsulong tungo sa tag-araw


Kailangang mag-ugat sa matibay
Na pundasyon ang ating lakas,

Huwag tayong matakot sa ginaw


Ng dulot ng tag-ulan
Gagabayan tayo ng panginoon
Sa landas na ating tatahakin.
Aliping dinidiyos

Gusto mo’y laging ikaw ang masusunod,


isa kang alipin ngunit dinidiyos.
Pinili mo ang buhay paglilingkod,
ngunit mga tao sa iyo ang lumuluhod

Hindi ka nakararanas ng pagdarahop


pagkat buhay mo’y sagana lagi kang busog.
Sabi mo: “buhay ng tao’y masalimuot.”
Kumilos ka ba upang ito’y isaayos?

Marami kang alam tungkol sa lipunan,


Toneladang teorya pinagsunugan mo ng kilay;
ngunit kumilos ka ba para sa kalayaan
ng mamamayang bilanggo ng kahirapan?
Kristo, hantungan

doon sa hangganan ng mga pangarap


may isang batis, salamin ng buhay
maaaninag ang kaganapan
ng ating mga pangarap
na pinipilit nating abutin

mapugto man
ang iwi nating buhay
ang pagtatalaga’y hindi magmamaliw

huwag tayong matakot sa madawag na landas


may lunas ang ating mga galos sa dulo ng daan
sapagkat si kristo ang ating hantungan.

You might also like