You are on page 1of 21

Berinarew

Pagsasanib ng Aral at Aliw


Emmanuel Villajuan Dumlao

Page 0 of 21

BERINAREW: PAGSASANIB NG ARAL AT ALIW (Berinarew: Fusion of Moral and Delight)

N(e) Teduraien u beni. (Sapagkat isa akong Teduray), ani Seonomon1 sa dalawang magkahiwalay na insidente sa epikong Berinarew2. Sa unang konteksto (saknong 3270), puno ito ng pagmamalaki at tiwala sa sarili. Dahil sanay sa hirap, anumang pagsubok at paghihirap ang kanyang suungin manatili man siya sa lupa o umalis patungo sa piling ng Manlilikha hindi siya susuko. Sapagkat isa akong Teduray. Sa ikalawa (saknong 4110), matingkad ang pagpapakumbaba at pagmamalaki sa sariling kaakuhan. Tinanggihan niya ang alok ni Datu Kadeg Teresang ama ng babaeng una niyang pinakasalan na ihatag sa kanya ang paggalang na iginagawad sa mga espiritu ng dagat. Wika ni Seonomon:
Ka tom edoten basa, Basa i dub layagan-e Teduraien u i begen. (saknong 4110) Ayokong tumanggap ng paggalang na para sa isang taong-dagat; Isa akong Tedura.

Na para bang sinasabi niya: Igalang mo ako bilang ako, ibigay sa akin kung ano ang nararapat. Saan kaya humuhugot ng lakas at inspirasyon ang ganitong tiwala at pagmamalaki sa sarili ng isang Teduray? Nakaangkla ang buong sanaysay na ito sa nabanggit na tanong. Binusisi ko ang mga tala ukol sa dalawang tawag sa katutubong tribong ito na ang buhay ay pangunahing nakasandig sa lupa at ilog. Una, Tiruray. Galing sa salitang tiru (kinagisnan, kapanganakan, kinatitirhan) at ray sa daya (itaa s na bahagi ng sapa o ilog). Ikalawa, Teduray. Galing sa salitang tew ibig sabihin ay lalaki at duray na tumutukoy sa isang maliit na kawayan na may bingwit at tali (Notre Dame University 1). Ayon kay Bho -Keykey3, isang beliyan o lider-espirituwal ng mga Teduray, ayaw nila sa salitang tiruray. Bukod sa perbersyon diumano ito ng terminong Teduray, na siyang tunay na pangalan ng kanilang tribo, may konotasyon ito ng panunuya sa kanila bilang katutubo. Mula sa etemolohiya ng dalawang binanggit na katawagan, nasilip ko ang pangunahing ikinabubuhay ng isang karaniwang Teduray pagkakaingin at pangingisda

Page 1 of 21

pero hindi ko nadama sa mga ito ang lakas na nagpapaigting sa pangungusap na N(e) Teduraien u beni. Sa una, naka-fokus ang salitang Tiruray sa mga malapit sa ilog. Paano ang mga etew rotor (taong bundok) at etew dogot (taong dagat)? Sa ikalawa naman, ipinako ang kahulugan ng etew sa lalaki. Ini-etsapuwera nito hindi lamang ang kababaihan kundi maging ang mga espiritu sapagkat sa mga Teduray, ang etew ay tumutukoy sa keilawan (tao) at meguinalew (espiritu). Kung wala sa mga pangalang ikinakabit sa tribong ito, saan kung gayon nanggagaling ang aking hinahanap? Para sagutin ang naturang tanong, dalawang punto ang magiging fokus ng papel na ito: ang aral at aliw na nakapaloob sa Berinarew. Sa aral, pagtutuunan ko kung paano inilalarawan sa epiko ang mga halagahang (values) sentral sa pag-iral at pakikipagkapuwa ng Teduray. Partikular na bubusisiin ko sa bahaging ito ang mga rekisitos na kailangang tugunan ng mga Teduray upang matagumpay silang makapaglakbay mula megubar fantad (lupang marupok) tungo sa bolowon o kerekamen fantad (lupang walang pangamba). Sa aliw, bibigyan ko ng panimulang sipat ang mga katangian ng epiko bilang oral na panitikan. Pagtutuunan ko sa bahaging ito ang anyo at mga kasangkapang pampanitikan ng akda. Sa pagbusisi ko sa dalawang hindi mapaghihiwalay na aspektong ito ng epiko, inaasahan kong maisisiwalat ko ang lakas at pagmamalaking nakapaloob sa asersyong N(e) Teduraien u beni. Pero bago ako pumalaot sa aral at aliw na taglay ng Berinarew, uusisain ko muna ang mga usaping signifikante sa pag-unawa sa naturang epiko. Sa Berinarew, Tedurai ang pangkalahatang terminong ginagamit kapag tinutukoy ang isang Teduray o ang mga Teduray bilang isang grupo. Pero batay sa kanilang lokasyong heograpikal, may ibat iba pang subdibisyon ang naturang grupo: etew rotor (taong bundok), etew dogot (taong dagat), etew teran (taong Teran pangalan ng ilog), etew ufi o taong Upi (Tricom 28). Karamihan sa mga Teduray ay matatagpuan sa bayan ng Upi, Maguindanaw. Bago manghimasok ang mga dayuhan sa kanilang lupain, pagbubungkal ng lupa ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Teduray. Ang karagdagang pagkain nila ay nagmumula sa pangangaso at pangingisda. Ang iba pa nilang pangangailangan, tulad ng asin, damit, at kasangkapang bakal, ay kinukuha nila sa pakikipagkalakalan sa mga Muslim. Mula noong buksan ang Mindanao sa mga settler mula sa Visayas at Luzon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, unti-unting napanot ang kanilang mga bundok at gubat. Kinamkam ng mga settlers, karamihay Kristiyano, ang kanilang mga lupain. Bunga nito, unti-unting nagkawatak-watak ang mga Teduray. May mga naiwan Page 2 of 21

sa kapatagan na karamihay naging Muslim o Kristiyano at may mga nanatili sa kabundukan at namuhay ayon sa kinagisnan nilang paniniwala.4 Sa kasalukuyan, nahahati sa tatlong kategroya ang mga Teduray: Una, intact o ang mga nananatili sa tradisyonal na komunidad at nagsasabuhay ng katutubong kultura at tradisyon ng Teduray. Mayorya pa rin ang nakapaloob sa kategoryang ito. Ikalawa, assimilated o ang mga nakakuha ng edukasyong dayuhan at karaniwang nabubuhay sa pagnenegosyo at pamamasukan batay sa kanilang profesyon. Karamihan sa mga assimilated ay nakatira sa mga sentrong urban. At ikatlo, semi-assimilated o ang mga nasa pagitan ng intact at assimilated, na karaniwang nakikinabang sa mga oportunidad na tinatamasa ng dalawang naunang kategorya. (Mokudef, Panayam) Sentral na halagahan o value para sa isang Teduray, partikular ang nasa kategoryang intact, ang pagrespeto sa fedew5 ng kanyang kapuwa. Apdo ang literal na ibig-sabihin ng fedew at sa metaporikal na pakahulugan, tumutukoy ito sa buong pagkatao ng Teduray. Sa pag-aruga sa fedew ng kapuwa umiikot ang buong buhay ng mga Teduray. Dito nakasandig ang sistema ng kanilang ekonomiya, politika, hustisya, at espirituwalidad. Kapag tinanong natin, halimbawa, ang dahilan ng desisyon ng isang kefeduwan ukol sa paglutas ng isang kaso, sasabihin niyang iyon kasi ang nararapat. Ano ang nararapat? Ang mga bagay, aksyon, kalagayan na hindi nagdudulot ng sakit sa fedew ng kapuwa; bagkus, gumagalang at kumakalinga sa pagkatao ng isat isa. Sa ideyal, gagawin ng isang Teduray ang lahat para proteksyunan at respetuhin ang fedew ng kanyang kapuwa. Ito ang sentral niyang tungkulin bilang Teduray. Ang salitang kefeduwan, na tumutukoy sa taong pinagkakatiwalaan ng mga Teduray upang magsaayos ng mga gusot sa kanilang komunidad, ay nangangahulugan ng pagyakap sa fedew ng bawat myembro ng komunidad. Taglay ng salitang kef (yakap) ang diwa ng pagkalinga sa kolektibong kapakanan ng mamamayan. Sa mga tiyawan o mga pagtitipon upang ayusin ang anumang gusot, ang layunin ng bawat kefeduwan at ng mga kampong sangkot ay hindi upang manalo sa kaso kundi maayos ang gusot at mapanumbalik ang nasaktang fedew6. Ayon nga kay Schlegel, isang healing system (Wisdom 171) ang sistema ng hustisya ng Teduray. Kaugnay ng ganitong paggalang sa fedew, kasalikop ng pang-araw-araw na komunikasyon ng isang Teduray ang paggamit ng binuaya o matatalinghagang salita. Tinitiyak ng ganitong salita na hindi masasaktan ang pinagsasabihan, gaano man kabigat o kagaan ang kanyang pagkakamali. Ang binuaya ay hindi nakasasakit ng loob pero tumatalab at nakapagpapaluwag ng kalooban. Eksperto ang mga kefeduwan sa ganitong wika. Hangad ng bawat Teduray ang pagtatayo ng isang kaayusang iginagalang ang karapatan ng bawat isa, kaayusang lahat ay nagtatamo ng kaligayahan; samakatuwid, Page 3 of 21

walang fedew na nasasaktan. Kefiyo fedew ang tawag nila sa kaayusang ito. Maganda, mabuti ang ibig sabihin ng fiyo. Mahigit sampung taon akong naging edukador ng karapatang pantao at sa loob ng panahong ito, sumalig ako sa konsepto at praktika ng karapatan sa kanluran, sa mga instrumento ng United Nations. Paulit-ulit ko mang balikan ang pinagdaanan kong pagaaral ukol sa karapatang pantao, wala akong mahagilap na isang terminong katumbas ng kefiyo fedew. Napakahalaga ng pag-unawa sa konseptong ito ng fedew kaugnay ng Berinarew sapagkat ito ang gulugod ng naturang epiko. Ito ang lunsaran at batayang motibasyon ng mga kilos at pagpapasiya ng mga tauhan sa buong akda. Ayon kay Schlegel, gaya ng iba pang katutubo sa kabundukan ng Pilipinas, ang mga Teduray ay representatibo ng kulturang laganap sa arkipelago bago dumating ang mga Kastila (Tiruray Justice, 1970). Masasalamin sa kanila ang mga gawain at paniniwala na komon sa maraming katutubo sa Pilipinas. Halimbawa, gaya ng ipinahihiwatig sa mitong Si Malakas at si Maganda (na sa Visayas ay simpleng tinatawag na Laqui at Bayi), naniniwala ang mga Teduray sa pagkakapantay ng babae at lalaki. Masasalamin ang ganito sa paniniwala nila sa walang-kasariang manlilikha na si Tulus at sa kataas-taasang si Fulufulu, na isang babae. Isa lamang si Fulufulu sa napakaraming makapangyarihang espiritung babae na gumagabay sa pamumuhay ng mga Teduray. Gaya ng pagkilala sa bakla, agi, bayot sa ibat ibang dako sa Pilipinas, wala ring problema sa mga Teduray ang usapin ng sexual o gender preference. Mayroon silang tinatawag na mentefuwaley libun at mantefuwaley lagey na ang ibig sabihin ay lalaking naging babae at babaeng naging lalaki (Schlegel 137-142). Ang ganitong pagpapalit ng kasarian para sa isang Teduray ay kasing-natural lamang ng pag-aasawa. Hindi pekpek o titi ang batayan nila ng sekswalidad kundi ang kilos ng isang indibidwal. Ibig sabihin, magiging babae ang isang lalaki kung kikilos at magdadamit siya bilang babae. Para sa mga Teduray, ang isang lalaking nagpalit ng kasarian ay mentefuwaley libun, hindi siya bakla, hindi siya bi-sexual. Siya ay babae, mentefuwaley libun o lalaking naging babae. Nagulat at namangha ako nang malaman ko ang tungkol dito. Noon lamang kasing 2004 ko na-engkuwentro ang performativity theory ni Judith Butler na nagsasabing ang seksuwalidad ng isang indibidwal ay batay sa kung paano niya ito ipiniperform (Literary Theory 1998). Mayaman din ang mga Teduray sa ibat ibang espiritu espiritu ng dilim (ang unang bahagi ng Berinarew ay panawagan kay Unggak, espiritung gumagabay sa Page 4 of 21

pagsasalaysay ng uret o kuwento) espiritu ng ilog, espiritu ng dagat, mababait na espiritu, masasamang espiritu (busaw). Para sa mga Teduray ang mga espiritu ay kapuwa nila tao; pero kaiba sa kanila, ang mga ito ay hindi nakikita. Ilang suliranin Nasa Berinareu: The Religious Epic of the Tirurais ni Fr. Clemens Wein, SVD ang kaisa-isa at kauna-unahang nakalathalang bersyon ng Berinarew. Binubuo ang libro ng bersyong Teduray ng epiko at ng salin sa Ingles ni Fr. Wein. Sa pamagat pa lamang, mahihiwatigan na ang bias ng nagsaliksik at nagsalin. Lumalabas kasi na de-kahon ang buhay ng mga Teduray na nagluwal ng naturang epiko. Salungat ito sa obserbasyon ni Schlegel, antropolohistang mahigit dalawang taong nakipamuhay sa mga Teduray ng Figel na isang komunidad sa bulubundukin ng Maguindanao malapit sa ilog Teran. Sa paglalarawan ni Schlegel, mahigpit na magkakawing ang panitikan at ang pang-arawaraw na pamumuhay ng mga Teduray (Wisdom 1999 at Children 1994). Halimbawa, lumalalim ang pagkilala ng batang Teduray sa kanyang kapaligiran sa pamamagitan ng mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng mga bagay, sa mga espiritu, sa mga bawal at hindi bawal na gawin. Ang kuwentuhan ay nasa puso rin ng kanilang pakikisalamuha sa isat isa. Kaugalian ng isang pamilyang Teduray ang magkuwentuhan bago matulog. Sa pamamagitan ng kuwentuhan, nalalaman nila ang tungkol sa buhay ni Lagey Lengkuos at iba pang mga unang tao sa daigdig na ngayon ay itinuturing nilang ganap nang mga meguinalew o espiritu. Maging ang kanilang gawi sa pangingisda at pangangaso ay natutuhan nila sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanilang mga ninuno (Tenorio 424). Nakakabit ang panitikan maging sa paghihiganti ng isang Teduray. Matapos tiyakin ng naghiganti na wala nang buhay ang kanilang pinaghigantihan, kumakanta sila ng kerensiyaw habang naglalakad pabalik sa kanilang tahanan. Ang kerensiyaw ay awit na nananawagan kay Moferow, ang espiritung nakatalaga sa hantungan ng mga kaluluwang namatay sa karahasang may kaugnayan sa karangalan (389). Ayon kay Fr. Wein, iminumulat tayo ng nasabing epiko tungkol sa mga halagahang nararapat nating bigyan ng pinakamataas na prayoridad. Dagdag niya Berinareu inspires us to think of the lasting goals of our own life (Inroduction 1). Sa unang tingin maaaring sabihing napakadalisay ng ganitong saloobin. Pero paano kaya kung salungat sa diwa ng Kristiyanismo ang Berinarew? Sa susunod na bahagi ng kanyang introduksyon, sinasabi ni Wein na nakikita ng mga Teduray (iyong mga umanib sa Kristiyanismo) na ang pinakamalalalim nilang aspirasyon ay nagkakaroon ng kaganapan sa Kristiyanismo. Partikular niyang tinukoy ang paghihirap at pagsasakripisyo bilang daan ng kaligtasan, na pareho raw matatagpuan sa Berinarew at sa Kristiyanismo (1). Page 5 of 21

Maaari ngang malaki ang pagkakahawig ng Berinarew sa Kristiyanismo lalo na sa usapin ng paniniwala sa kabilang buhay at pagsasakripisyo para makamtan ito. Pero kapag binusisi nang masinsinan, makikita ang pundamental na pagkakaiba ng dalawa. Una, napakatindi ng hirarkiya sa Kristiyanismo. Sa mga Teduray, walang ganito. Magkakapantay ang lahat, pantay ang babae at lalaki, ang magulang at anak, ang kefeduwan, ang belian ( lider espirituwal) at ordinaryong Teduray. At maging si Tulus at si Fulufulu7 ay kapantay nila. Nagkakaroon lamang ng pagkakaiba sa larangan ng gawain. Sa usapin ni Tulus, siya ang lumikha ng lahat ng bagay ngunit hindi siya nakahihigit sa mga Teduray (Schlegel, Wisdom 111). Sa epiko, kahit itinakda ni Fulufulu ang pag-isang dibdib nina Seonomon at Seangkaien, nananatiling nasa dalawa ang pagpapasiya. Halimbawa, nang talikuran ni Seangkaien si Seonomon dahil sa isang hindi pagkakaunawaan, nanlumo ang binata. Dahil sa sama ng loob, hiniling niya kay Fulufulu na pahintulutan siyang ipagkaloob ang kemarung o ang ginintuang sinulid na may walong buhol sa ibang babae. Ganito ang sagot ng lundaan:
Au toouso i uret an de Lala i emfeseleu gom B(e) fantad gom-o megubar. Na ode(n) sumala begom (saknong 3370) Ayon sa iyong salaysay Ay hindi kayo nagkakasundo Sa lupang marupok. Ipinauubaya ko na sa iyo ang pagpapasiya

Idinagdag pa ni Fulufulu na hindi na mahalaga kung kanino ipagkaloob ni Seonomon ang kemarung, ang mahalaga ay makakatuwang ito ng binata sa pagliligtas sa mga Teduray (saknong 3410). Ikalawa, dominado ng lalaki ang Kristiyanismo; pantay ang kasarian sa mga Teduray. Nakikidigma ang lalaki kasama ang babae. Nalulungkot, nagtatampo, at nakadarama ng pagsuko ang lalaki gaya ng babae. Ikatlo, nakasentro sa indibidwal na kaligtasan ang Kristiyanismo (ang bersyong ipinakilala sa atin ng mga Kastila na laganap pa rin hangga ngayon). Buong komunidad ang fokus ng pagsasakripisyo at paghihirap sa Berinarew. Buong komunidad ng mga Teduray ang umakyat tungo sa kerekamen fantad o lupang walang pangamba. Sa Kristiyanismo, mag-isang umakyat sa langit si Hesus. Sa Berinarew, sambayanang Teduray ang sinalubong ni Fulufulu. Sa Kristiyanismo, ang pagtitika ay indibidwal na pagpapakasakit na hiwalay sa pang-araw-araw na buhay; sa Berinarew, buong komunidad ang nararapat magdaan sa pasasakripisyo pagkakaingin o paghahanda ng lupa para sa pagkain ng buong komunidad. Ikaapat, sa usapin ng dahas bilang daan ng kaligtasan, magkaibang-magkaiba ang praktika at pananaw ng dalawa. Sa Deutronomio halimbawa, nandirigma sina Moises Page 6 of 21

upang magpataw ng iisang pananampalataya, upang gawing unibersal ang katotohanan ni Yahweh, ng Judaismo. Sa Berinarew, nandirigma sina Seonomon at Seangkaien upang ituwid ang isang pagkakamali, upang panumbalikin ang nalabag na karapatan, upang magkaroon ng pagkakasundo. Wala sa Berinarew ang imahe ng Diyos na nag-uutos na alipinin ang mga tatanggap ng alok na kapayapaan at digmain ang mga tatanggi at sirain ang kanilang mga altar, gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises sa harap ng mga nasyon na madadaanan nila patungo sa Canaan.8 Ikalima, pinagagana ng konseptong binary opposition ang Kristyanismo. Sa Berinarew, matingkad ang kaisahan ng dilim at liwanag, keilawan (tao) at meguinalew (espiritu), lagey (lalaki) at libun (babae), lowoh (katawan) at remogor (kaluluwa), dahas at kapayapaan. Makikita ang kaisahang ito sa mengaku, isang punong kahoy na ang mga dahon sa gawing silangan ay namamatay dahil sa lason; samantalang ang nasa gawing kanluran ay nagsisilbi namang gamot sa nasabing lason (saknong 2420 -2430). Isa pang halimbawa ang mga espiritu ng kadiliman na kasama nina Seonomon at Seangkaien sa pakikipaglaban. HIndi matatawaran ang pagsisikap ang di-birong pagdodokumento at pagsasalin sa Berinarew na ginawa ni Father Wein. Gayunman, umaalingawngaw sa kanyang proyekto ang bigotry na taglay ng sumusunod na paglalahad ni John Pope Paul II: Christ is absolutely original and absolutely unique. If He were only a wise man like Socrates, if he were a prophet like Mohammed, if He were enlightened like Buddha, without any doubt He would not be what he is. He is the one mediator between God and humanity (Pagels, Introduksyon xx). Kapansin-pansin sa bersyong English ni Wein ang mga terminong nakakiling sa Kristiyanismo at kung gayon ay sumisira sa kahulugan ng orihinal. Halimbawa: Tulus = Lord, Fulufulu = Lordess. Iniluwal ng lipunang feudal ang naturang mga salin at salungat ito sa kahulugang taglay ng isinalin. Binubura ng Lord at Lordess ang diwa ng pagkakapantay na sentral sa buhay ng Teduray. Laganap din sa salin ang mga terminong heaven, angel at iba pang salitang mas nagpapakilala sa Kristiyanismo kaysa sa Berinarew. Sa ganitong lambong din ng Katolisismo sumablay ang napakayaman sanang akda ni Sigayan o Jose Tenorio9. Sa unang tingin, napaka-obhetibo ng pagsasalaysay ni Tenorio: Ang mga Teduray kung gusto ninyong malaman kung saan sila nagmula ay nakatira sa pagitan ng Tamontaka at lupain ng Dulangan (366). Pero kapansin-pansin ang paggamit niya ng sila at nila na hiwalay sa kanyang ako. Mas magiging matingkad ito kapag ikinabit sa mga pangungusap niyang kahiya-hiyang isalaysay ang gawain/ paniniwala nilang ito at isang gawaing hindi maiisip gawin ng isang Kristiyano na nagkalat sa buong akda. Sa kabuuan nito, minamaliit at nilalait ng libro ang mga paniniwala, tradisyon, kultura ng tribong Teduray. Page 7 of 21

Sa kabila ng ganitong kahinaan, napakalaking kontribusyon pa rin para sa akin ang nasabing libro kung tungkol lamang din sa mga Teduray ang pag-uusapan. Hindi lamang ito nagbigay sa akin ng mayamang impormasyon kundi, mas higit, nagbukas din ng oportunidad para sa mas malalim na pagkilala sa tribong Teduray. Pero hindi ko pa rin maiwasang tanungin: Ano pa kaya ang naikuwento sana ni Sigayan kung hindi siya nalambungan ng anino o censorship ng mga frayleng Hesuwita? Gaano kaya kayaman ang isasalaysay niya kaugnay ng seksuwalidad ng mga Teduray? Kadiwa ng tanong na ito: Ano-ano kayang bahagi ng Berinarew ang nalambungan ng Kristiyanismo ni Father Wein noong sinasaliksik niya at isinasalin ang naturang epiko? Sa panig naman ng mga sekular na pagsisikap, wala ang panitikan sa mga pinakabago at komprehensibong pag-aaral ukol sa mga Teduray10. Na para bang ang buhay ng Teduray ay lubusang mauunawaan nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang panitikan. Sa anim na layunin ng pag-aaral na The Case of the Teduray People, halimbawa, wala ni isa ang nagpapahiwatig na mapagtutuunan ng pansin ang panitikan ng mga Teduray. Samantalang kung susuriin ang unang layunin magkaroon ng higit na kaalaman at pag-unawa sa masalimuot na kalagayan (Notre Dame University 2) makikita ang mahigpit na pangangailangang saliksikin, pakinggan, at unawain ang mga salaysay na ikinukubli ng mga tanong tungkol sa bilang ng myembro ng pamilya, ikinabubuhay, edukasyon, atbp. Sa huling layunin ng pag-aaral, sinasabi na, mapalakas ang komunidadat mahikayat ang mga tao na makilahok(3). Anong lakas ang tinutukoy na ito kung sa simula pa lamang ay pinipilayan na ang mga Teduray sa pag-etsapuwera sa kanilang panitikan? Anong partisipasyon ang hinihingi kung hinahati ang kanilang pagkatao sa binaryong kaluluwa bersus katawan? Mula pagpaplano hanggang implementasyon, kompartamentalisado na ang buhay ng Teduray sa nabanggit na pag-aaral. Kung may integrado man sa lapit nito, nakatuon lamang ito sa kung ano ang dating malinaw na ekonomiya, politika, at organisasyon. Bubuksan lamang ang kahon ng panitikan kung ito ay magagamit para suhayan ang alinman sa tatlong aspektong ito.

ARAL: Mula megubar fantad patungong kerekamen fantad Umiinog ang Berinarew sa dalawang konsepto at imahe ng lupa megubar fantad at kerekamen fantad.11 Magkasalungat ngunit magkasalikop. Isang pinagmulan at isang patutunguhan. Isang pansamantala at isang walang-hanggan. Punot dulo ng pag-iibigan Page 8 of 21

ng dalawang pangunahing tauhan na sina Senonomon at Seangkaien, punot dulo ng pagdurusa at ng pag-akyat ng kanilang mga kuyug (tagasunod) sa piling ni Fulu-fulu. megubar fantad Ayon sa epiko, tahanan ng mga Teduray ang fantad megubar (saknong 2620). Sa lupang ito nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay. Dito rin nila itinutusok ang kanilang mga fandi o maliliit na bandila at inilalagay ang kanilang mga alay upang suyuin ang ibat ibang espiritu ng kalikasan. Nakahilig pakanluran ang fandi para sa mga natutunaw na tao; pasilangan naman ang para sa mga espiritu ng tubig. Narito ang mga reguas (ilog) at tuduk (bundok) na nagsisilbing palatandaan sa kanilang paglalakbay at nagbibigay sa kanila ng pagkakakilanlan. Sa bawat paglalakbay, bundok at ilog ang karaniwang palatandaan. Sa kanyang pag-uwi mula sa tribo ni Kadeg Teresang, dumaan si Seonomon sa bundok-na-walang-patlang, sa Seminda-sinda (lugar na umuulan habang umaaraw), sa sangandaan kung saan nakadugtong ang landas papunta sa lupain ng mga Teduray. Bilang pagkakakilanlan, tinatawag ding Lagey Lengkuos o binata mula sa Bundok Lengkuos si Seonomon; samantala, nangangahulugan namang mula sa gubat ang Seangkaien. Bai Layagan o prinsesa ng karagatan ang isa pang pangalan ni Seangkaien. Tama(n) Talun o mula sa dulo ng gubat ang pangalan ng isa sa kanyang mga kapatid. Segoyong Wayeg naman ang tawag sa mga espiritu ng tubig na tagasunod ni Endilayag. Sa kabila ng mapagpalang katangian ng lupa, tinitingnan ito ng mga Teduray na pansamantala at marupok. At wala rito ang tunay nilang kaligayahan. Nang mag-usisa ang mga kuyug ni Seonomon tungkol sa kanilang kaligayahan, sabi ng binata: N(e) metangka segedoten,/ Tindeg i mekefio-we (saknong 120). Napakalayo ng kaligayahan, napakahirap nitong kamtin. Ang megubar fantad, gayunman, ay kasalikop ng kerekamen fantad lunsaran ito ng realisasyon ng mithiin ng mga Teduray na makaakyat sa piling ng kanilang Manlilikha. Dito nila isinakatuparan ang kanilang terasai o pagsasakripisyo na batayang kahingian sa kanilang pag-akyat sa piling ni Fulufulu. Dito sila nagbungkal ng kaingin, dito nila itinanim at inani ang binhing semueb, dito nila kinalembang ang gong upang tawagin ang lahat ng aakyat. Dito nagmula ang tipak ng lupang sinakyan nila patungo sa kerekamen fantad. kerekamen fantad Ang kerekamen fantad ang rurok ng pag-iral ng mga Teduray sa megubar fantad, sa lupang marupok na kanilang sinilangan at tahanan. Ipinangako ito sa kanila ng kataastasang lumikha na si Tulus 12 at ng kataas-taasang lundaan na si Fulu-fulu. Sa lupang ito Page 9 of 21

ng umaalingawngaw na tunog ng tanso (na tumutukoy marahil sa tunog ng mga gong). Tingnan ang deskripsyon sa epiko:
a menengasa wee, i Fenatula an fantad Tibuse(n) re so inan. Angaie(n) ro n(en) sakaten A menengasa wee, i Lemegau-lau an fantad Lemegau-lau taduren (E)ni nen bingkatan-e de, A menengasa wee, i Meseranam-e sila. (E)ni nen atag i lawai-e N(e) setoyo-we beluntu. (saknong 8500 -8510) Ay, kamanghamangha Sa lupain ng mga kidlat, Dumaan din sila doon. Ngayon ay dumating na sila, Ay, kamanghamangha Sa lupaing kapag tinapakan ay tumataginting Tumataginting na parang tanso. Ang hinahakbangan mo Ay, kamanghamangha Ay walang patid na kidlat. Sa silong ng kalangitan Ay suson-suson na bahaghari.

Sa lupaing ito, hindi kumakain ang mga tao; tumatawa na lamang sila at ngumunguya ng nganga. Hindi sila tumatanda o namamatay dahil silay ganap nang mga meginalew o espiritu. Ani Fulufulu nang salubungin niya ang mga Teduray: Ngayong pumanik na kayo rito,/ Mga tao, wala na kayong dapat ipanagamba (saknong 8520). Ang lupaing ito ang minimithing kaligayahan ng mga Teduray. Ngunit kahit ipinangako sa kanila, hindi nila basta-basta nakamit ang kerekamen fantad. Mabigat at masalimuot ang pagsubok na kanilang pinagdaanan. Hindi matingkalang hirap ang sinuong nina Seonomon at Seangkaien. Sa umpisa ng epiko, kaagad ipinasilip ng mang-aawit ang paghihirap ni Seonomon:
Ringonen tad mebilang en Mengganad, a ta ferasai fo, B(e) kesereinseg enan mon

Page 10 of 21

Tuduk Getai Lengkuos an. (saknong 20) Tila hindi maisasalaysay ang hirap niyang dinanas nang siyay maglakbay mula sa Bundok Lengkuos.

Tatlong hamon ang hinarap nina Seonomon bago sila naging karapat-dapat sa kerekamen fantad. Una, pagdanas ng terasai. Hindi ito indibidwal na pagtitika o personal na paghihirap ng katawan at kalooban para sa minimithing langit. Bagkus, isa itong kolektibong pagsasakripisyo, isang sama-samang paggawa (pagkakaingin) para sa buong inged o komunidad ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Teduray. Maging ang paghihirap na indibidwal na dinanas ni Seonomon at ni Seangkaien ay hindi para sa sarili nilang kaligayahan. Ang salimuot na pinagdaanan ng kanilang pag-iibigan, ang mga panganib na kapuwa nila sinuong sa pakikidigma, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kanilang mga inged. Ikalawa, pagpapanumbalik ng nilabag na wagib o benal. Karapatan ang salitang Tagalog na pinakamalapit sa benal. Nakapaloob sa konseptong ito ang katarungan at paghihiganti dahil sa nilabag na karapatan. Nang tanungin, halimbawa, ng isang lundaan kung bakit naglalaban sina Seonomon at Gentang Lawai, sumagot si Seonomon: Walang maglalaban/ kung walang karapatang dapat panumbalikin (saknong 1950). Sefebenal o pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ang tuntungan ng tunggalian ng kuwento sa Berinarew. Ito ang puwersang nagpapakilos sa mga pangyayari. Dito nakaangkla ang realisasyon ng pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa lupang walang pangamba, sa piling ng kanilang Manlilikha. Nang dukutin ng pangkat ni Gentanga Lawai si Seangkaien na nakatalagang mapangasawa ni Seonomon, nangyari ang hindi nararapat. Nilabag ang benal hindi lamang ni Seangkaien at ng kanyang pamilya, hindi lamang ni Seonomon kundi ng buo nilang mga angkan. Sa pagdukot na ito, nasira ang pundasyon ng nakatakda, nabulabog ang pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa ikawalong antas ng lawai. Kung kaya dapat itong panumbalikin, dapat gawin ang nararapat. Kailangang maghiganti, kailangang magsagawa ng sefebenal. Nang malaman ni Seonomon ang mga dumukot kay Seangkaien, agad siyang nagpasya ng paglusob. At dahil itoy pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ng buong inged, dumating maging ang mga espiritu mula sa angkan ng kanyang ama. Sefebenal ang nagtulak kay Seangkaien upang bawiin ang gintong sinulid na may walong buhol mula kay Linauan Kadeg. Batid ng dalaga na dito nakasalalay ang

Page 11 of 21

kaganapan ng misyong itinakda sa kanya ng mga lundaan -- maging katuwang ni Seonomon sa pamumuno sa mga tao papunta sa lupang walang pangamba. Ang ganitong pagtalima sa benal ang sukatan ng mabuting tao o keilawan. N(e) komon fio so i eteu-e/ K(e) talikuf sefebenal. (saknong 5330) Matuwid ang tao kung lagi niyang hinahangad ang nararapat. Noong iligtas nina Seonomon si Seangkaien mula sa pangkat ni Gentang Lawai, pinuri ng dalaga ang binata: kagula i Teduraien-e, / Ne metintu sefebenal. (saknong 2400) Ganiyan ang mga Teduray / Matapat nilang ipinagtatanggol ang kanilang karapatan. Ikatlo, pagkakaroon ng serefat (pagkakasundo) tungo sa linaw (kapayapaan). Mabibigo ang angkan ni Seangkaien sa pagbawi sa gintong sinulid kung nanatili ang hidwaan sa pagitan nila at ng angkan ni Seonomon. Totoo, buo ang kanilang loob na ipaglaban ang kanilang karapatan sa naturang gintong sinulid ngunit walang karanasan sa pakikidigma ang marami sa kanyang mga kapatid. Dahil dito, humingi ng tulong sa angkan ni Seonomon ang dalaga. At naghilom ang sugat na hatid ng hindi nila pagkakaunawaan. Nagsanib ang kanilang mga puwersa sa isang paghihirap tungo sa pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan (saknong 4990). Nang magapi ang tribo nina Kadeg Teresang at mabawi ni Seangkaien ang gintong sinulid, nagkaroon ng ganap na pagkakasundo ang dalawang angkan. At iniluwal nito ang linaw o kapayapaan sa kanilang mga inged. Ngayoy wala nang sagabal sa kanilang paglalakbay. Bago sila tuluyang pumasok sa tahanang nakalaan sa kanila sa kerekamen fantad, pumunta sila sa ilog o reguas Seobudon upang gawin ang kahulihulihang kahingian ng kanilang mithi pagtanggal sa kanilang mga katawan (saknong 8450). Bagamat magkasalungat, malinaw sa epiko ang ugnayan ng megubar fantad at kerekamen fantad. Hindi balakid ang lupang marupok, bagkus isa itong behikulo ng pagkakamit ng kaligayahan. Sa katunayan, ang kauna-unahang porma ng terasai na pinagdaanan ng mga Teduray ay pagkakaingin, isang kolektibong paggawa upang pagyamanin ang lupa. Ang ugnayang ito ay binibigyang-diin din ng dalawa pang kondisyong pinagdaanan ng mga angkan nina Seonomon at Seangkaien: sefebenal at serefat. Batay dito, malinaw na kasalikop ng kerekamen fantad ang mga konsepto at praktika ng terasai, sefebenal, at serefat. Napaka-signifikante ng lalim ng pag-unawa sa buhay na inilalarawan sa Berinarew hindi lamang sa mga Teduray kundi sa bawat Filipino. Ang konsepto nito ng pagtatanggol ng karapatan at pagkakasundo tungo sa kapayapaan ay maaaring pagbatayan ng mga hakbanging pangkapayapaan sa bansa, partikular sa Mindanao. Kung isasaalang-alang ito sa mga hakbangin at polisiya ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), halimbawa, mas magiging tiyak at tunay ang kapayapaang matagal nang hinahangad sa bahaging iyon ng bansa. Subalit sa halip na Page 12 of 21

mabigyan ito ng kaukulang pansin, patuloy itong naisasantabi dahil mas nabibigyan ng espasyo ang kapakanan at tinig ng mga Muslim. Mas nakatuon ang mga pagsisikap sa lupaing Bangsa habang ang lupaing ninuno ng mga lumad (kabilang ang tribong Teduray) na nakapaloob sa ARMM ay nanatiling etsa-puwera. Nananatili silang hostage sa mga proyekto ng gobyerno at pribadong sektor at ng di matapos-tapos na labanan sa pagitan ng mga kawal ng pamahalaan at rebeldeng grupo (Position {Paper 2006). Sa kasalukuyan, sa gitna ng mga pagsisikap nating paghilumin ang mga sugat ng bansa na likha ng hidwaang politikal at pangrelihiyon at iba pang mga salik, hindi maaaring isantabi ang sentrong aral ng Berinarew: tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ang fedew ng bawat isa at ang sukatan ng mabuting tao ay ang kahandaan niyang ipagtanggol ang karapatan ng kanyang kapuwa. Sa pahayag ng mga Teduray at iba pang grupong lumad sa ARMM: Naniniwala kami na kung bibigyan kami ng pagkakataong gamitin ang aming subok na ng panahong katutubong sistema ng kaalaman at praktika sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, mapatutunayan namin ang silbi nito sa mga hamon ng ating panahon.13

ALIW: Berinarew bilang oral na panitikan Ilug ang tawag ng mga Teduray sa Berinarew, isang mahabang tulang inaabot ng walumpong oras kapag inawit nang buo (Wisdom, 1999). Nahahati ito sa dalawang bahagi: una, ang siasid o panawagan. Sa bahaging ito, ang mang-aawit ay nananawagan sa espiritu ng kadiliman na si Unggak.14 Hinihiling niya na wala sana siyang malimutan ni anuman sa kanyang pagsasalaysay dahil ang lupa naming marupok ay nababalot ng kadiliman (saknong 1). Pito ang batayang bilang ng pantig ng epiko pero wala itong regular na tugmaan. Karamihan sa mga saknong ay nagsisimula sa mga salitang Na dauen de nen (Ay, kahabag-habag) at paulit-ulit rin, lalo na sa mga tagpong gustong bigyang-diin ang paglalarawan, ang pangungusap na Akar eme de k(e) loo (Ilarawan sa diwa). Dalawa ang gamit ng mga ito sa epiko: upang ihudyat ang pagbabago sa daloy ng kuwento at upang bigyang-diin ang paglalarawan ng mga karakter, lugar, bagay, o pangyayari. Sa panahon ng pag-awit ng epiko, ang mga tagapakinig ay bahagi ng buong pagtatanghal at hindi mga tagatanggap lamang. Halimbawa, nang awitin ni beliyan BhoKeykey ang ilang bahagi ng Berinarew sa isang pagtitipon15, may mga tunog na pinadadaloy sa ilong mula sa mga tagapakinig ang paminsan-minsan ay sumisingit o sumasabay sa awit. Ayon kay Bho-Keykey, dalawa ang layunin ng pagsingit: Una, pagtaboy sa mga masasamang espiritu na nagtatangkang guluhin ang pagtitipon at ikalawa, pag-engganyo sa mang-aawit na ipagpatuloy pa ang awit. Palatandaan ito na nagugustuhan ng tagapakinig ang performans ng mang-aawit. Page 13 of 21

Hinabi ang epiko sa pamamagitan ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, nang walang gatol na paghuhugpong ng natural at supernatural na mga bagay at pangyayari. Kasing-natural ng dilim ng gabi ang kamangha-manghang katangian ng lupa, ilog, at iba pang aspekto ng kalikasan. May sariling buhay at nagtataglay ng pambihirang katangian ang ordinaryong mga kasangkapang pandigma tulad ng kalasag at tabak. Halimbawa, nang tanungin ni Seonomon ang kanyang renomot o kalasag kung kilala nito ang mga dumukot kay Seangkaien, sinabi nitong:
Idih melau, kuyugon Enda getua(n) ku de Ati lidu i baul e Bulug k(e) eni i sobuten-e K(e) fegebidu mo begen, N(e) bilang go belintua, fegebidu mo begen, Tad tua(n) ku i megubar-e. (saknong510-520) Hindi ko alam, kuyugon (pinuno) Hindi ko alam Kung ano ang gumagambala sa aking kuyugon. Kung hihilingin mo, Kung nais mo akong gamitin sa labanan, Bibilang ka ng taon Sa paggamit sa akin sa pakikidigma, Hindi ako masisira.

Samantala, narito ang ilang halimbawa ng nabanggit ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan: Magkasamang nananahan sa lupa ang keilawan at meginalew bilang mgas etew. Nag-uugnayan sila sa isat isa nag-iibigan, nag-aaway, nagtutulungan. Halimbawa, noong lusubin nina Seonomon sina Gentang Lawai upang bawiin si Seangkaien, tumulong ang mga espiritu mula sa angkan ng ama ng binata. Ang lupa na nagsisilbing tahanan, na pinagkukunan ng pagkain, at ginagamit na panandang heograpikal ay may kakayahang lumipad at maglakbay. Sa fesayawan16 sumakay sina Seonomon at Seangkaien kasama ang kanilang mga tagasunod nang pumunta sila sa ikawalong antas ng lawai pagkatapos nilang gapihin ang tribo ni Kadeg Teresang. Matatagpuan naman sa bundok- na-walang-patlang ang ta(d)geher, punong ginintuan ang mga sanga at bahaghari ang mga dahon, at ang refuruh feketunag o hanging tumutunaw ng tao.

Page 14 of 21

Sa ilog nagkakanlong ang buwayang tumulong kay Seonomon upang makarating siya sa inged nina Linauan Kadeg. Ilog din ang nagtanggal ng katawan ng mga keilawan bago sila umakyat sa lupang walang pangamba. Naging tubig ang kaluluwa ni Seonomon bago siya buhayin ni Seangkaien. Nagsasalita at may sariling buhay ang renomot o kalasag ni Seonomon. Halimbawa, noong nakikipaglaban ang binata kay Gentang Lawai, inakala nito na natagpas niya si Seonomon. Pero nagsalita ang renomot ng binata, tinuya nito si Gentang Lawai at itinuro sa mandirigma ang walang kagalos-galos na si Seonomon. Renomot din ang sinasakyan ni Seonomon sa kanyang mga paglalakbay, lumilipad itong parang agila, kumikinang na parang araw. Pamaypay naman ang ginamit ni Seangkaien upang buhayin ang mga kaanak na napapatay sa labanan. Agad tumatayo na parang walang nangyari ang bawat paypayan ng dalaga. Pamaypay ang ipinambuhay ng dalaga kay Seonomon. Hitik sa ganitong kababalaghan at kamangha-manghang pangyayari ang buong epiko. Walang gatol ang pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, isinasalaysay nang tuloy-tuloy na kasing-natural ng daloy ng ilog. Punong-puno rin ng talinghaga ang epiko mula sa salaysay ng mang-aawit hanggang sa diyalogo ng mga tauhan. Ihinalintulad sa lagaslas ng ilog ang tikhim ni Seonomon nang makita niya si Linauan Kadeg. Nakasisilaw si Seangkaien, napalilibutan siya ng walang patid na kidlat. Maningning siyang parang araw, malamlam na parang buwan. Parang tumataginting na mga kuliling ang kalansing ng mga pulseras sa bisig ni Seonomon habang siyay nakikipaglaban. Tila agilang naghahanap ng madadapuan sa kulumpon ng mga halaman ang kanyang renomot. Mistulang tumutukang tagak ang pagdidikdik ni Seangkaien ng nganga. Dumagundong ang kulog na parang napupunit ang kalawakan at nagigiba ang lupa nang humingi ng hudyat ng tagumpay sina Seonomon. Tila tuloy-tuloy na talampas at sumusukdol sa langit ang mga renomot nina Gentang Lawai. Nagliliyab ang pagtatagis ng mga tabak, umaapoy ang bawat renomot na mahagip ng mga ito. Mula simula hanggang dulo, nagsasalikop ang karaniwan at kababalaghan sa epiko at mahigpit na magkakawing ang yaman ng wika at husay ng pagsasalaysay. Dalawang katangian ito na nagbibigay lakas sa Berinarew bilang anyong pampanitikan. Hindi mapasusubalian ang kapangyarihan nitong mang-aliw. Bukod pa rito, kapana-panabik din ang kuwento. Buong-buo ang balangkas, malinaw ang motibasyon ng bawat kilos ng mga tauhan, at humahatak ng atensyon ang pagkakahanay ng mga pangyayari. Walang ligoy ang umpisa, ipinasilip kaagad ang bisyon ng buong epiko: nag-uusap sina Seonomon tungkol sa pag-akyat nila kerekamen Page 15 of 21

fantad at sa rasai na dapat nilang pagdaanan. Sa kalagitnaan ng nasabing usapan, pumasok ang isang matandang babae o lukes libun, hinahanap ang anak niyang si Seangkaien na dinukot ng masasamang loob. Mula rito, umarangkada na ang kuwento hitik sa mga sorpresa, kababalaghan, at umaatikabong drama at aksyon. Kagiliw-giliw ang mga tauhan mga superhuman pero nagkakamali, nagtatampo, napapagod, nalilito, umiiyak, sumusuko, nagbibiro. Nang hindi harapin ni Seangkaien si Seonomon, sumakit ang loob ng binata at agad gumawa ng pasyang halos ikasira ng kanyang misyon bilang tagapamuno sa pagakyat ng mga Teduray sa piling ni Fulu-fulu. Sa gitna ng kanyang kalituhan, balewala na sa kanya kung umakyat man siya o hindi tulad ng ipinangako sa kanila. Sa kabilang banda, nagtampo si Seangkaien sa kapatid niyang si Endilayag dahil hindi ito ang nagligtas sa kanya mula kina Gentang Lawai. Humagulhol siya nang mamatay si Seonomon. Nagalit siya kay Seonomon nang magbiro ang binata noong naglalakbay sila sakay ng fesayawan. Sa paglalakbay na iyon, nangamba ang dalaga na baka sa pagdaan nila sa tapat ng refuruh feketunag ay matangay ang ilan sa kanilang mga tagasunod. Nagbiro ang binata na pananagutan ng dalaga ang sinumang tangayin ng hangin at kung sino man ang tangayin, regalo na lamang sila sa hangin. Sinigawan ng dalaga ang binata at sinabing, hindi maganda ang ganyang biro sa kalagayang pinagdaraanan natin ngayon (mga saknong 8190 -2000). Sa kabuuan, makikita sa Berinarew ang mahigpit na pagkakaisa ng anyo at nilalaman. Isa itong obrang pampanitikan na epektibong umaaliw at nangangaral. Umaaliw, hindi sa pamamagitan ng paglulubid ng walang kawawaang katawa-tawang mga pangyayari kundi sa husay ng pagkukuwento at yaman ng pananalinghaga. Nangangaral, hindi isa pamamagitan ng nakaririnding sermon kundi sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon ng isang bisyon at posibilidad ng pag-iral. Itinatampok nito ang mga pagpapahalagang balon ng lakas at inspirasyon ng asersyon ni Seonomon na Isa akong Teduray. Mga pagpapahalagang nararapat taglayin ng bawat Filipinong nagnanais magtayo ng isang lipunang gumagalang at kumakalinga sa fedew ng bawat mamamayan.

Page 16 of 21

Mga Talahulihan
1

Lagey Lengkuos ang isa pang pangalan ni Seonomon. Ang ibig sabihin ng Seonomon

ay siya na dapat sundan at ang Lagey Lengkous ay binata o lalaki ng bundok Lengkuos. Sa epiko, tinatawag din siyang kuyugon (siya na dapat sundin) at lalagen (siya na dapat pangilagan).

Ayon sa mga nakapanayam kong mga lider ng Teduray, isa lamang ang Berinarew sa

tatlong epiko ng kanilang tribo. Gayunman, tanging ang Berinarew lamang ang nakalimbag. Ang Teduray at Ingles na bersyon nito ay nasa Berinareu: The Religious Epic of the Tirurais ni Father Clemens Wein ng SVD. Lahat ng bahagi ng epiko na sinipi sa papel na ito ay galing sa naturang aklat.

Johnny Mokudef ang buong pangalan ni Bho-Keykey. Sa Teduray, ipinapangalan sa

panganay na anak ang mga magulang. Ang Bho o Mo ay tatay, kaya ang Bho-Keykey ay tatay ni Keykey. Ideng ang tawag sa nanay at ang Ideng Fiona, halimbawa, ay nanay ni Fiona.

Sa kanyang librong Wisdom from the Rainforest, inilalarawan ni Stuart Schlegel ang

sistema ng pamumuhay ng mga Teduray na tumangging sumanib sa kulturang Muslim o Kristiyano.

Pangunahing sanggunian ko ukol sa fedew ang librong Wisdom from the Rainforest

ni Stuart A. Schlegel. Tinatalakay rin niya ito sa Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality.

Page 17 of 21

Mula sa pakikipag-usap kay Ka Deming Valero, isang kefeduwan.

Fulu-fulu kataas-taasang diwata ng mga Teduray

Basahin ang mga sumusunod na bersikulo sa Deuteronomio: 6:10-12, 7:1-6, 20: 10-18

The Customs of the Tiruray People. Isinalin ni Suart A Schlegel mula sa orihinal na

Kastila.

10

Totoo ito kahit sa pinakaprogresibong organisasyon na tumutulong sa empowerment

ng mga Teduray sa kasalukuyan. Economic at political empowerment ang fokus at kung may mabanggit man kaugnay ng panitikan, ito ay para suhayan lamang ang dalawang aspektong ito.

11

megubar fantad lupang marupok, lupain ng mga Teduray; kerekamen fantad lupang walang pangamba, lupang ipinangako ni Tulus sa mga Teduray. Tinatawag din itong bolowon fantad o gintong lupain.

12

Tulus Diyos na walang kasarian; Sa epikong ito, ginagamit din ang termino bilang

pantukoy kay Lagey Lengkous.


13

Bahagi ito ng Position Paper of the Teduray, Lambangian and Dulangan Manobo on

the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Peace Negotiation na isinumite sa panel ng GRP-MILF peace negotiators noong Pebrero 21, 2006. Akin ang salin.
14

Unggak espiritung gumagabay sa pagkukuwento

Page 18 of 21

15

Seminar ukol sa karapatang pantao kung saan inimbita ako bilang tagapagsalita.

16

fesayawan pook sayawan; malinis na lupa sa harap ng bahay ng datu na pinagdarausan ng ritwal, kasayahan, at mga pagpupulong

Mga Sanggunian

Butler, Judith. Performative Acts and Gender Constitution. Rivkin, Julie and Ryan Michael (Eds). Literary Theory: An Anthology (2nd ed). USA: Blackwell 1998. 900-911. Mokudef, Johnny. Panayam. 30 Abril 2009. Notre Dame University Research Center and Accion Contra El Hambre Philippine Mission. Ang Kalagayan ng mga Teduray sa Walong Barangay ng Upi Maguindanao. 2005. Position Paper of the Teduray, Lambangian and Dulangan Manobo on the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Peace Nogotiation. Pebrero 21, 2006. Tenorio, Jose. The Customs of the Tiruray People. Stuart A. Schlegel (Trans.) Philippine Studies, vol. 18, no. 2. Quezon City: Ateneo de Manila University, 1970. 364-428. TRICOM. Defending the Land: Lumad and Moro Peoples Struggle for Ancestral Domain in Mindanao. 1998. Schlegel, Stuart A. Wisdom from the Rainforest: The Spiritual Journey of an Anthropologist. Quezon City: Ateneo de Manila Universtiy Press, 1999. ____________ . Children of Tulus: Essays on the Tiruray People. Quezon City: Giraffe Books, 1994. ____________. Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality. California: University of California Press, 1970. _____________. Tiruray-English Lexicon. California: University of California Press, 1971. Wein, Clemens SVD. Berinareu: The Religious Epic of the Tiruray. Manila: Divine Word Publications, 1989. Page 19 of 21

Page 20 of 21

You might also like