You are on page 1of 10

Philippine Studies 302

Rebyu ng libro ni Resil Mojares, “Waiting for Mariang Makiling”


Para kay: Gng. Teresita Maceda, Phd
Gawa ni: Ma. Concepcion B. Rapisora-Lagos, Marso 26, 2008

ANG PAGDATING NI MARIANG MAKILING

Komentaryo sa aklat
Sa kabuuan, katangi-tangi ang istilong ginamit ni Resil Mojares sa pagsiyasat sa
kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Isa siya sa mga tumutulong na iangat ang akademikong pag-
aaral sa maraming maliliit, nakakalat, nakatabi at nakalimutang bahagi ng kasaysayang ng
Pilipinas. Ngunit maliban pa sa kahanga-hangang istilo ng pagusisa sa kasaysayan ng Pilipinas,
kahanga-hanga rin ang pagpili niya ng mga paksa para gawing mas interesado, makabuluhan at
kontrobersyal ang kasaysayan.
Ang “Waiting for Mariang Makiling”, na pangalan ng libro at pamagat ng unang
sanaysay sa libro ay nagbibigay kahalagahan sa mga mito (myth) para maintindihan at
mapagpahalagahan ang mga sinaunang kamalayan ng mga Pilipino. Sa pagbibigay importansya
sa mga mito, pinakita ni Mojares na maaari nating makilala nang labis ang ating pagkatao bilang
mga Pilipino.
Ngunit bakit natin kinakailangang matanto ang pagkatao natin bilang Pilipino? Sa aking
palagay, dito magsisimula ang magandang pagtingin ng mga Pilipino sa kanilang sarili. Kapag
naunawaan natin ang ating pagkatao bilang Pilipino, uusbong hindi lamang ang paniniwala natin
sa sarili kundi pati na rin ang paniniwala natin sa kapwa Pilipino. Sa panahon ngayon kung saan
laganap sa halos lahat ng bahagi ng lipunan ang kasakiman, katiwalian at pagaaway-away, tila
bagang walang pagtitiwala ang mga Pilipino sa isa’t isa. Walang motibo ang mga taong malakas
ang impluwensya sa bayan tulad ng mga nakaluklok sa gobyerno, mga mayayamang
mangangalakal at ang mga nasa larangan ng media na gumawa ng mabuti para sa kapakanan ng
mga Pilipino. Nakalulungkot ang sitwasyong kinatatayuang ng bansa ngayon. Sana’y ang mga
akdang katulad ng ginawa ni Mojares ay makapagbigay motibo sa mga taga-akademya na
maghanap ng mga paraang mas maiintindihan ng mga Pilipino ang kanilang larangan at kultura
para mas mapagyayaman natin at pagpapahalagan ang ating bansa.

1
Ang aking komentaryo sa ibang bahagi sa libro ay naka-pokus sa mga patakaran at
impluwensya ng mga Espanyol si Mojares. Dahil pinakamatagal ang Pilipinas sa ilalim ng
pamumuno ng Hari ng Espanya ay hindi nangangahulugang sa mga Espanyol lang tayo
nakakuha ng bahid sa ating kultura. Marami sa ating lipunan ang sumisigaw sa impluwensya ng
iba pang bansang sumakop sa Pilipinas, tulad ng mga Hapon at Estados Unidos (E.U). Wala
siyang nabanggit tungkol sa mga Hapon. Hindi masyadong naging kritikal si Mojares sa mga
naging impluwensya ng mga Amerikano. Makikita sa aklat kung saan binibigyang pansin niya
ang mga politikal na programa (talk shows) sa radyo. Dito, sinabi ni Mojares na kaysa bigyang
linaw ng mga programang ito ang mga politikal at sosyal na isyu, mas lalo pang nabubulagan
ang mga tao tungkol sa tunay na nangyayari sa kanilang lipunan. Ito ay dahil ipinapahayag ang
mga isyu batay sa kagustuhan ng mga manhahayag. Walang dialogo na namamagitan sa
nakikinig at naghahain ng isya, ang agos ng mga ideya at paniniwala ay nasa isang direksyon
lamang, kaya naman ang kamalayan ng mga Pilipino ay tuluyang nadidiliman. Sa bahaging ito,
hindi nabanggit ni Mojares na ang porma na ginagamit sa mga programang pangradyo ay
pormang sinunod ng marami ayon sa mga programa sa E.U. Kahit isang beses ay hindi niya
ibinintang sa mga Amerikano ang mga maling pagpapahayag ng mga isyu sa radyo.
Karagdagan pa, noong kanyang isinalaysay ang hapunang inihanda ni Don Pedro Cui,
isang mestizong Intsik, sa Cebu para sa mga Amerikanong dumating doon, wala siya pintas na
ipinaratang sa mga Amerikanong ito. Hindi niya binigyang pansin ang pakay ng mga Amerikano
sa pagdating sa Cebu bago pa umusbong ang digmaan ng Espanya at E.U. Hindi niya binanggit
na kitang-kita sa hapunang ito na may mga motibo na ang mga Amerikanong pumalit sa mga
Espanyol. Sana’y nakapagbigay siya ng mga ganitong kritisismo sa kolonyal na E.U. Ang mga
kritikal na pagsusuri ni Mojares tungkol sa mapang-api at abusadong Espanyol ay nagpapa-asa
sa mga bumabasa, tulad ko, na makapagbibigay din siya ng agkop na kritisimo tungkol sa mga
masasamang epekto ng mga Amerikanong kolonyal. Ngunit hindi ito ginawa sa libro.
Ang aklat na “Waiting for Mariang Makiling” ni Resil Mojares ay nagbigay liwanag sa
aking pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas sa hindi ko inaasahang paraan. Sa librong ito,
may labindalawang sanaysay tungkol sa samu’t saring tao at pangyayari sa kasaysayan ng
Pilipinas. Sa pakay na maintindihang mabuti ang sinasabi ng manunulat, nais kong ibahagi ang
sarili kong interpretasyon sa aklat na ito.

2
Sino at ano si Mariang Makiling?
Nagsimula ang libro sa paglalarawan kay Mariang Makiling at ang mga mitong isinulat
tungkol sa kanya. Base sa mga mito tungkol kay Mariang Makiling, pinakita ni Mojares ang iba’t
ibang konteksto kung saan ginamit ang mito ni/ng Mariang Makiling alinsunod sa iba’t ibang
mithiin ng mga manunulat.
Dalawang klaseng mito ang tinutukoy ko sa pagsabi ng “ni/ng Mariang Makiling”. Una,
ang mga tula ni Mariang Makiling ay mga tumutukoy sa kanya bilang isang tao. Ang pangalang
“Maria” ay nagpapakita ng bahid ng relihiyong Katoliko, dahil ang unibersal na pagkikilanlan
dito ay tumutukoy sa Mahal na Birheng Maria na ina ni Hesus at ina ang Simbahang Katoliko.
Makikitang malakas ang naging impluwensya ng kulturang Espanyol na nagpakilala sa mga
Pilipino ng relihiyong Katoliko. Ngunit maaari ding bilang isang pangalan, ay tumukoy ito sa
isang Pilipinong naimpluwensyahan at tinanggap na ang relihiyong Katoliko. Katulad din siya ng
mga babae sa panahon ngayon na binigyan ng mga magulang na pangalang, Maria Tiburcia o
Maria Benita. Pangalawa, ang mga tula ng Mariang Makiling ay tumutukoy sa isang lugar na
maaaring bundok ng Mt. Makiling sa Laguna, isang kagubatan o maaaring isang mahiwagang
lugar.
Dahil si Mariang Makiling ay binigyan ng sariling pangalan, na pangalang pangtao,
maaari din siyang isang tao na nagrerepresenta sa kalikasan, o kung ating tatawagin ay inang
kalikasan (mother nature). Kadalasan, ang mother nature at inang kalikasan ay mga salitang
ginagamit na tumutukoy sa isang representasyon ng ina. Ngunit, naiintindihan din sila ng
nakararami bilang pangtukoy sa likas na yaman ng mundo. Si Mariang Makiling ay tumutukoy
sa likas na yaman ng Pilipinas. Karagdagan dito, si Mariang Makiling ang simbolo ng inang
kalikasan na katulad din ng ating pagkakakilala sa inang bayan.
Ang paggamit sa kanya sa matagal na panahon bilang paksa sa mga tula, kwento o mga
opisyal na pahayag ng gobyerno ay nagpapakita na ang Mariang Makiling ay isa ring simbolo.
Simbolo siya ng kasaysayan ng Pilipinas. Isa rin siyang saksi sa kasaysayan ng Pilipinas.

Mariang Makiling: Saksi sa Kasaysayan


Ayon kay Mojares, may tatlong paraan para maintindihan ang kahalagahan ni Mariang
Makiling at ang naging karanasan niya sa kasaysayan ng Pilipinas. Una, si Mariang Makilling ay
ginagamit para maipakita ang isang Edenic world. Katulad ito ng paradisong hardin sa libro ng

3
Genesis sa Bibliya na unang ginawa at hinandog ng Diyos kay Adan at Eva. Noong nagsimula
ang panahon ng tao, mapayapa at maayos ang kinalalagyan nilang lugar. Dito, matiwasay ang
buhay ng mga tao at ng kalikasan. Maaaring ihalintulad ang mundong ito sa mundo noong
mapayapa, nagtutulungan at malaki ang pagtitiwala ng mga tao sa isa’t isa. Dito, walang
kahirapan ang relasyon ng mga tao at kalikasan. Wala ring naghaharing puri dahil pantay-pantay
ang lahat, mula sa pinakamaliit na bahagi ng kalikasan hanggang sa pinakamataas na tao.
Walang consciousness ang mga naandito tungkol sa kasamaan, kasakiman at pang-aabuso. Alam
ng lahat sa mundong ito ang lugar nila at masaya nilang ginagampanan ang mga inaasahan sa
kanila dahil alam nilang para sa ikabubuti nila iyon. Labis nagtitiwala ang lahat hindi lamang sa
ibang tao ngunit pati sa kalikasang pumapaligid sa kanila. Dito, hindi nila kinailangang hanapin
ang kanilang sarili o bigyang saysay ang kanilang pamumuhay. Dati rati’y may
pagkamagkaisang-himig ang buhay ng mga tao at ang kanilang mga paniniwala. Pinagkakatiwala
nila ang kanilang kapalaran sa kalikasan at kay Mariang Makiling.
Sa lugar na ito, ang mga batas na sinusunod sa lipunan, sa pamilya at para sa sarili ay
tinatanggap ng lahat ng tao dahil nakikita nilang isinasabuhay ito ng kanilang mga ninuno.
Nakikita rin dito na hindi tao ang gumagawa ng batas kundi ang kalikasan. Lahat ng pangyayari
ay naaayon sa batas ng kalikasan (laws of nature). Ang mga tao ay walang konsepto ng oras
dahil may sarili silang batayan ng kanilang pamumuhay. Hindi sila nagpapaalipin sa relo, isang
bagay na gawa ng tao, ngunit malaki ang koneksiyon sa galaw ng kalikasan. Nakabatay sa
kalikasan ang kailangan nilang gampanan sa pangaraw-araw na pamumuhay. Sa makatuwid, ang
Edenic world ay isang paradiso, kung saan mapayapang nabubuhay ang mga tao alinsunod sa
batas ng kalikasan. Sa mga batas na ito nanggagaling ang ilaw na nagbibigay sa kanila ng
katotohanan, kaya’t wala na silang ibang minimithi kundi ang kapakanan ng mga tao at kaayusan
ng paligid nila.
Ngunit hindi naglaon ay nasira ang paradisong ito. Kaya naman may mga sulatin tungkol
kay Mariang Makiling na nagpapakita ng kawalan ng kanyang presensiya (presence). Tinatawag
ni Mojares itong post-Edenic world. Makikita ito sa isang bahagi ng tula in Rizal na “Mariang
Makiling” sa La Solidaridad noong Disyembre 31, 1890.
Ang pagkaliban muna ni Mariang Makiling at hindi niya pagpapakita sa mga tao ay
maaaring magsaad ng kanyang pagkagalit dahil sa paglabag ng mga tao sa batas ng kalikasan.
Ang pagtataksil ng mga tao ay nangyari dahil nawala sa kanilang isip ang kahalagahan ng

4
kanilang kapaligiran at ng kalikasan kung saan sila nanggaling. Ang paglipat ng mga tao sa
siyudad (lowlands/pueblo) mula sa mga bulubundukin, ayon sa batas ng reduksyon (reduccion)
ng mga Espanyol, ang pangunahing rason na nawala sa kamalayan ng tao ang batas ng kalikasan.
Dahil sa reduksyon, ang batas ng kolonyal na gobyerno at ng simbahan ang naging pangunahing
batas ng mga tao. Ang naging epekto nito ay ang paglayas, pagtago at pagliban muna ni Mariang
Makiling. Hanggang dumating ang panahon na bumalik ang mga tao na pagpahalagahin si
Mariang Makiling, hindi maaanigan ng mga tao kahit anino niya. At habang wala siya, wala rin
sa tamang pagkilanlan sa sarili ang mga tao. Walang direksyon, walang ilaw at walang balong ng
katotohanan at dunong ang mga tao. Sa ganitong kalagayan, hindi malalaman at maiintindihan
ng mga tao kung sino silang talaga.
Ngunit may pag-asa pa rin ang mga Pilipinong makita muli si Mariang Makiling sa lugar
at panahon na inilalarawan ni Mojares na isang emergent world. Dito, magbabalik-loob ang mga
tao kay Mariang Makililing at matatagpuan nilang muli ang kanilang pagkatao. Sa lugar na ito at
pagdating ng panahong ito, mas magiging ganap ang pamumuhay ng mga tao dahil nalampasan
at nasubukan na ang kanilang pagtitiwala sa sarili at sa kalikasan. Bagamat may lamat na ang
relasyon ng tao sa kalikasan, dahil sa kanilang pagtaksil at pagtakwil, nasubukan na ang relasyon
nila kay Mariang Makiling, kaya’t maipagtitibay pa ito.

Mariang Makiling: Isang Malikhaing Mito


Ang mga mito tungkol kay Mariang Makiling ay parating nagpapakita ng ugnayan sa
pagitan ng mga tao at ni Mariang Makiling. Kaya naman sa aking palagay, kailangang tignan ang
iba’t ibang uri ng pagkatao na isinalaysay ni Mojares sa kanyang libro. Nagsalaysay si Mojares
ng buhay ng iba’t ibang tao. Ilalalgay ko sa dalawang kategoriya ang mga taong ito.
Una, nandyan ang mga banyagang sina Pigafetta, Fr. Luis San Vitores at ang mga unang
Amerikanong dumalo sa hapag-kainan ng mga mestizong Intsik sa Cebu.
Pangalawa, tinignan niya ang buhay nina Pedro Calungsod at Miguel Ayatumo. Isinuri
din niya ang mga naging kontribusyon sa larangan ng kasaysayan, ang maraming Pilipinong nag-
akda tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas tulad nila Rafael Palma, Teodoro Kalaw at marami pang
iba. Sa larangan naman ng sining, kanyang tinignan ang mga kontribusyon nina Vicente Ranudo,
N.V.M Gonzales at marami pang iba.

5
Ang mga taong binanggit ni Mojares sa libro ay maari nating sabihin na sila ang mga
karakter sa bumubuo sa kwento ni Mariang Makiling. Si Mariang Makiling ang bida sa kwento
at ang mga taong ito ang iba’t ibang karakter. At dahil mayroong istorya na ipinapakita si
Mojares, meron din siyang isang tema na gustong ihayag. Ito ay ang tema ng reduksyon.

Ang mga Banyaga


Ang unang kategoriya ng mga taong tinignan ni Mojares ay ang mga banyaga. Tinignan
ni Mojares ang mga naisalaysay at ang kaugnayan nila sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Ang
Espanyol na si Pigafetta at ang isinulat niyang Los Suceos De Las Islas ay binigyan niya ng
sariling interpretasyon na batay sa kinatatayuan ni Pigafetta. Sinabi niyang hindi natin maaaring
tanggapin ng buong katotohanan ang mga tinalata ni Pigafetta tungkol sa paglalayag nila ni
Magellan patungo sa Pilipinas. Hindi maayos na basehan ang paglalarawan ni Pigafetta sa mga
tao sa Pilipinas at sa mga lugar dito. Ito ay dahil wala talagang pakay si Pigafetta na maging
taga-akda ng katotohanan para sa mga makagagamit at magkakaroon ng interes na saliksikin pa
ang mga lugar na pinuntahan niya. Ang pakay ni Pigafetta ay ialay ang kanyang akda sa kanyang
Hari, para maiparangal siya bilang buntod na manunulat at makatanggap ng gantimpala.
May bahagi sa libro na nagbanggit tungkol kay Fr. Diego Luis de Sanvitores, isang
Jeswitang pari na naging Santo. Ang maigsing pagbahagi sa buhay ni Fr. Sanvitores ay
nagpapakita kung paano kadalasang bumabalot ang kamalayan ng sarili nating kasaysayan sa
mga banyagang pumapaligid sa atin. Ang pagsasalarawan ni Mojares sa buhay ni Fr. Sanvitores
at kung papaano siya itinanghal na isang martyr ng simbahan ang nagbigay daan sa mithiin ng
mga Cebuano na itanghal ang isa nilang kababayan na si Pedro Calungsod bilang isa ring martyr.
Sa pag-paralellismo sa ka-martyran ni Fr. Sanvitores at ni Pedro Calungsod, pinapakitang ang
batayan ng pagiging Santo ni Pedro Calungsod ay dahil kasama niya si Fr. Sanvitores sa huling
hantungan ng kanilang buhay. Tila ang pagiging martyr ni Pedro Calungsod ay magiging
impossible kung hindi dahil kay Fr. Sanvitores.
Ang iba pang banyagang binanggit ni Mojares ay ang mga Amerikanong dumating sa
Cebu na hinandaan ng magarang hapunan ng meztisong Intsik na Cebuano na si Don Pedro Cui.
Maganda ang presentasyon in Mojares sa bahaging ito ng aklat dahil ipinakita niya ang
kakaibang dynamics na namagitan sa mga Amerikano at mga Pilipinong nakisalo sa kanila.
Sinasabi niya na sa pangyayaring ito, nakakatuwang isipin na yung serbidora, kusinera,

6
hardinero, kutsero, at iba pang taong nagsilbi sa mga Pilipino at mga Amerikano ang siya ding
mga taong namuno at nakisama sa himagsikan laban sa mga Espanyol noong Abril 3, 1891.
Kaya naman sinasabi ni Mojares na mutual manipulation and deception ang totoong pakay
nitong hapunan. Maaaring magarbo ang ginawang paghahanda at lantad na tinanggap ng mga
Pilipino ang mga Amerikano sa kanilang tahanan para makapagsalo-salo. Ngunit sa katunayan,
isang deception ito na ginawa ng mga Cebuano dahil kinailangan nila itong gawin para
malinlang ang mga Amerikanong isipin na katanggap-tanggap sila sa mga Cebuano. Linggid sa
kaalaman ng mga banyaga, marami ding masasama at lihim na pakay ang mga Pilipino sa
pagkakaibigan nila sa mga banyaga.
Ano ang papel ng mga banyagang ito sa mito ni Mariang Makiling? Sila ang dahilan
kung bakit nawala si Mariang Makiling. Dahil kay Pigafetta, ang kasaysayan ng Pilipinas ay tila
binigyan ng bagong simulain at ito ay sinimulan noong dumating sila. Ang storya ni Fr.
Sanvitores ay nagpapakita kung paanong nagiging batayan ang mga Kanluranin kadalasan para
sa pagkilanlan at kasiguruhan natin sa ating sarili. Kaysa na sa atin mismo manggaling ang
batayan, kadalasa’y nangangailangan pang paniguruhan ito mga Kanluraning pamantayan o
sukatan. Ang mga banyagang nagdatingan sa Cebu para makisalo sa hapunang hinanda ng
mestizong Intsik ay nagbubunyag ng mga katiwalian ng mga banyaga sa bansa. Dahil sa kanila,
naipluwensyahan ang mga Pilipino ng ibang kamalayan. Kamalayan, batay sa mga Kanluraning
ideya ang pumalit sa ating kamalayan bilang mga Pilipinong mapayapang namumuhay sa
paradiso ni, at kasama si Mariang Makiling. Dahil sa mga impluwensya ng mga banyaga, ang
mga Pilipino ay nagkulang sa pagmamalaki sa sariling nilang pagkakaintindi at kamalayan sa
kanilang bayan, kultura at pagkatao. Ang kanilang atensiyon ay nabaling na ayon sa kagustuhan
ng mga banyaga. Sila ang nagbunsod na limutin natin ang ating pinanggalinggan at nakaraan,
ngunit tayo ay pumayag din na mangyari ito. Kaya naman nawala sa ating si Mariang Makiling.

Mga Pilipinong Manunulat


Ang mga Pilipinong manunulat na pinapangaralan ni Mojares ay sina Rafael Palma,
Teodoro Kalaw, N.V.M Gonzales, Vicente Ranudo at marami pang iba. Sila ang mga
nakapagpalaganap muli ng makabayang pananaw ng mga Pilipino. Ang mga sinulat nila ay
pumukaw sa kalooban ng mga mamamayan para maisulong muli ang kalayaan at pagpapayaman
ng ating kasaysayan at kultura. Sila ang nakapagbigay ng inspirasyon sa marami dahil sa

7
pagbabahagi ng kanilang mga isinasaloob at hinanakit para sa bayang nagapos at nabugbog ng
mga naghaharing kolonyal sa bansa. Sila ang nagbigay buhay muli sa sining at kultura ng mga
Pilipino dahil nakapagpahayag sila ng mga maka-Pilipinong hinanakit. Dahil sa pagsaksi nila sa
masamang naidulot ng kolonyalismo, sila ay nanguna na isulong ang kaunlaran ng kamalayang
makabayan.
Hinangaan ni Mojares sina Rafael Palma at Teodoro Kalaw dahil sa pagbukas ng isip at
puso ng dalawang ito pagkatapos ng digmaan ng Espanya at E.U.. Sa ibang intellektwal at kahit
mandirigma noong panahong ito, ang pagkatalo ng mga Pilipino at ang paglipat ng Pilipinas
mula sa Espanya patungo sa mga kamay ng E.U. ay nagbunsod ng kabiguan at pagkabahala sa
kinabukasan ng Pilipinas. Ngunit kay Palma at kay Kalaw, ito ang nagbunsod nang mas matindi
at mas malinaw na misyon para ipaglaban ang kapakanan ng Pilipinas. Sa dalawang intellektwal
na ito, ang pagkabigo ng mga Pilipino at ang paglaya mula sa Espanya para lang mailipat ang
pamamahala sa mga Amerikano ang nagbigay ng mas matinding kabuluhan sa kinakailangan
nilang gawin bilang tunay na Pilipino. Kaya naman labis ang paghahanga ni Mojares sa mga
indibidwal na ito.
Si N.V.M Gonzales ay isa ring pinangaralan ni Mojares. Nakikita sa aklat ang malaking
respeto ni Mojares kay N.V.M Gonzales ngunit hindi lang dahil sa kagalingan nito. Mukhang
malaking inspirasyon kay Mojares ang suliraning hinaharap at inaamin ni N.V.M. Gonzales. Ang
hindi pagiging dalubhasa sa wikang Filipino ni Gonzales ay kanyang ibinabahagi sa marami
niyang sulatin. Kitang-kita kay Gonzales ang malaking pagdadalamhati, dahil kahit tanyag na
siya sa larangan ng literatura, para sa kanya hindi ito sapat dahil hindi pa siya nagiging dalubhasa
sa wikang Filipino. Siguro nga’y magkatulad sila ni Mojares sa ganitong aspeto. Mas mabuti
lang si Mojarese dahil dalubhasa naman siya sa wikang Cebuano ngunit mas marami pa din
siyang mga sulatin sa wikang Ingles.
Si Vicente Ranudo ay isang kababayan ni Mojares. Hinangaan niya ang tula ni Ranudo
na Pag-usara at ibinanggit ang iba pang magagandang tula niya gaya ng Halikamtan. Ang
pagpapangaral ni Mojares kay Ranudo ay hindi lamang dahil malalim at maganda ang ginamit na
istilo ni Ranudo sa kanyang mga tula. Ayon kay Mojares, ang tunay na kahanga-hanga ay ang
pagtangkilik ng maraming tao sa mga tula niya. Nagtagumpay si Ranudo sa mga tula dahil
nakapagpukaw siya ng maraming puso at isipan gamit ang mga metaphor. Sinuri ni Mojares ang
istilo ni Ranudo ng paggamit sa tema ng pag-ibig para tumukoy sa isang mangiibig at sa bayan

8
ng Pilipinas na kanyang iniibig. Dahil nakaugnay ang mga taong bumasa sa mga tula ni Ranudo
at naramdaman ng mga tao ang mga sentimyento ni Ranudo, nagging kahanga-hangang talaga
ang manunulat na ito.
Ang mga manunulat na pinili ni Mojares na huwaran sa pagsulong ng kamalayang
pagkatao ng mga Pilipino ay siyang mga naghahanap kay Mariang Makiling. Sila ang mga taong
mulat sa paradisong dapat nating mithiin. Sila ang mga gabay na dapat nating sundan para mas
mapalapit tayo sa pagkilanlan at pagbabalik ni Mariang Makiling. Ang pagbabalik na ito ay
nagbubunsod ng pagbabalik ng mga tao sa pagtaguyod ng isang komunidad. Isang komunidad na
kinabibilangan ng mga taong namumuhay para sa kapakanan ng isa’t isa. Ang mga manunulat na
ito ang nagpapakita ng magagandang aspeto ng ating kultura. Sila ang nagpapahayag ng
maraming kayamanang nakatago sa ating kasaysayan kung saan tayo hinubog. Sila ang
nagmumulat sa ating mga Pilipino para makita ulit natin ang ating pinagmulan, pinagdaanan at
patutunguhan. Kapag nangyari ito, magbubunsod ito ng walang katigilang pagmamalaki at bilib
sa sarili. Ito ang nais na maatim ng mga manunulat at atin dapat naisin ito para sa kapakanan ng
ating buong pagkatao.

Ang Tema ng Reduksyon


Labis akong natuwa sa paggamit ni Mojares ng konsepto ng reduksyon (reduccion) na
ipinataw ng gobyerno ng Espanya sa Pilipinas para ilayo sa mga liblib na lugar at bulubundukin
ang mga Pilipino. Sa paglipat ng mga Pilipino ng tirahan mula sa mga bundok papunta sa mga
pueblo, kung saan madali silang mamanmanan at maturuan ayon sa Kanluraning konsepto ng
pagiging mabuting tao, hindi lamang nalayo ang mga Pilipno sa lugar na kanilang kinalakihan.
Nalayo din sila sa sarili nilang pagkakakilala sa sarili, bayan at kultura. Sa makatuwid, nalayo
ang mga Pilipino sa kanilang kaakuan at sa kanilang pagkatao bilang Pilipino. Nawala ang mga
konseptong itinuro sa kanila at bumuhay sa kanila sa mahabang panahon bago dumating ang mga
mananakop. Sa aking tingin, ang nawalang konsepto ng pagkatao ng mga Pilipno ang sinasabi ni
Mojares na dapat ibalik dahil malakas ito at importante rin bilang pudasyon ito para lubos nating
maunawaan ang pagkatao natin bilang Pilipino. Ito ang simula marahil ng mas mabuting daan
tungo sa pag-sasaayos ng mga problema sa bansa.
Ang tema ng reduksyon ang nagtatali sa storya ni Mariang Makiling. Sa temang ito
makikita ang nawalang kamalayang Pilipino sa pagpatuloy na pagtakbo ng kasaysayan. Ang mga

9
banyaga at ang mga Pilipinong tila-banyaga mag-isip ang dahilan ng pagkawala nito ngunit sa
mga Pilipino nakasalalay ang muling pagbabalik nito.

Konklusyon
Sa aking pagkakaintindi, si Mariang Makiling ay isang anyo, isang konsepto, na buong
bisang nagsisimbulo ng kahalagahan ng mga Pilipinong manumbalik sa pagkilala sa kanilang
sarili na may kaakuan at pagmamalaki. Naging mabisa ang konsepto ng Mariang Makiling dahil
nakapasok siya sa kaisipan ng mga tao sa paraan ng mga mito. Nagtataglay ng malakas na
kapangyarihan si Mariang Makiling. Ito ang dahilan kung bakit isa siya sa mga konsepto na
nagtatali sa kamalayan, mula sa mga sinaunang Pilipino hanggang sa mga Pilipino ngayon. Isa
siyang buhay na relic, na dumaan sa maraming proseso ng pagkahubog ngunit ang kahalagahan
niya dati ay sinlakas ng kahalagahan niya ngayon. Nakapagbibigay siya ng kamalayan sa
Pilipino tungkol sa kanilang nakaraan at kung ano ang dapat gampanin ng mga Pilipino para
makilala nang husto ang sarili at bayan.
Si Mariang Makiling ang saksi at biktima sa kaysaysayan ng Pilipinas, gayunpaman, siya
ay timeless at omnipresent. Ang binigay ni Mojares na titulo ay nagsasaad ng perspektibo na
galing sa kanya, at sa mga Pilipinong naghihintay.
Ngunit may problema din sa salitang “waiting” sapagkat tila nagsasaad ito ng passivity.
Para bagang hindi aktibo ang mga tao sa kanyang pagdating. Sa pagsasabing lumiban muna si
Mariang Makiling, ang atensyon ay nakasentro kay Mariang Makiling, isang tao, lugar, at
panahon.
Kapag ang isang tayo ay lumiban, may paniniwala ang iba o nakararami na babalik pa
ito. Ang mga naghihintay ay pansamantalang hindi nakatunganga. Aktibo silang umiisip,
umaaksyon, nananaginip at nagdarasal. Sa ganitong paraan pansalukuyang inaantabayanan ang
pagdating ni Mariang Makiling.

Reference: Mojares, Resil. 2006. Waiting for Mariang Makiling. Philippines: Ateneo de Manila University Press.

10

You might also like