You are on page 1of 1

Zeus Salazar

Si Zeus A. Salazar ay kinikilalang pangunahing Filipinong istoryador, antropologo, teoriko, at pasimuno


ng teorya at simulaing Pantayong Pananaw sa Filipinas. Siya ang dating dekano ng Kolehiyo ng Agham
Panlipunan at Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman (1989–1992), at naging tagapangulo ng
Kagawaran ng Kasaysayan ng UP Diliman (1987–1989).

Si Salazar ay may titulong doktorado sa larang na Etnolohiya sa Antropolohiyang Pangkultura mula sa


prestihiyosong Sorbonne Universite de Paris. Nakamit niya ang kaniyang titulong batsilyer sa agham,
summa cum laude, mula sa UP noong 1955. Bihasa si Salazar sa mga wikang gaya ng Espanyol,
Pranses, Aleman, Ruso, at Bahasa Melayu.

Isa siya sa mga tanyag na istoryador na sumunod sa mga yapak nina Teodoro A. Agoncillo at Renato
Constantino sa pagsulat ng kasaysayan ng Filipinas. Naging sariwang simoy makaraan ang panahon ng
Batas Militar ang Pantayong Pananaw ni Salazar, at nagpasigla sa makabayang pananaw at adhikain ng
mga Filipino. Ang nasabing teorya at pagdulog ay ginamit ng bagong henerasyon ng mga iskolar na
Filipino sa pagsusulat ng kasaysayan at kultura ng "walang imik" na masa.

Isinaad ni Salazar sa kaniyang maraming panayam at saliksik na "ang kasaysayan ng isang bayan o
bansa ay dapat buuin batay sa panloob na agos ng kasaysayan." Dahil nasakop nang mahabang
panahon ang Filipinas, ang pananaw sa daigdig ng Filipino ay nababahiran ng mga akda ng mga iskolar
na nahasa sa kolonyal na edukasyon. Ang kasaysayan ng Filipinas ay maaaring mabuo alinsunod sa
pagkakaunawa ng mga dalumat at kaisipang batid ng mga Filipino. Sa ganitong pagsusuri, may dalawang
pananaw ang mga Filipino sa pag-urirat ng kanilang kasaysayan. Una, ang mula sa likas o taal na
Filipino; at ikalawa, ang mula sa Kanluraning pananaw.

Pinansin din ni Salazar na ang paraan ng pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas ay nakabalangkas sa


Kanluraning wika at ideolohiya. Ito ang pagkiling na ipinagpapatuloy pa rin ng ilang henerasyon ng mga
istoryador na Filipino. Itinuon ni Salazar ang marami niyang akda sa pagtugon sa gayong pagkiling laban
sa katauhan at diskurso ng Filipino. Tumagos ang kaniyang mga pagdulog sa iba pang larang ng agham
panlipunan, lalo sa sikolohiya.

You might also like