You are on page 1of 15

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala

at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya

ni John Paul Marzan Dela Paz

Mula sa anotasyon ni Rizal sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Antonio de Morga,

orihinal sa Espanyol, “sa mga Pilipino, sa Noli Me Tangere, sinimulan kong ilarawan

ang kasalukuyang kalagayan/sitwasyon ng ating lupang tinubuan. Ngunit, dahil sa

epekto ng aking pagsisikap [effort], napagtanto [na-realize] ko na bago ko subuking

ilantad sa inyong mga mata ang mga maaaring mangyari sa hinaharap, dapat lamang

na dalin kayo sa lumipas [past]. Sa pamamagitan lamang nito ninyo matagumpay na

mahuhusgahan ang kasalukuyan...” (San Juan, 2013)

Panahong nalulukuban ang Pilipinas, panahong sinakop tayo ng Espanyol, itinuring na

alipin / busabos at tahasang bumalewala sa konseptong pagkatao at pagkabayan ang

mga Pilipino, nilupig ng kolonyalismong Espanyol ang bait sa isip ng mga kapuwa

nating Pilipino sa pamamagitan ng relihiyon. Sa maaga namang yugto ng ng

pananakop ng Amerika sa Pilipinas, edukasyon ang armas-kultural ng Estados Unidos

para maiwaksi ng madla ang talinong magpapaunlad sa bansa at magdudulot ng

katiwasayan sa lipunan. EDUKASYON ang bumitay sa katinuan ng sambayang Pilipino

sa iskema ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas. Bunga nito, naging pamantayan ng

karunungan ang kabihasaan sa pagsasalita sa wikang Ingles. Ayon kay Abadilla,

diwang kolonyal ang naipunla at nalinang ng edukasyong mga kano ang titser sa

maagang yugto na nang lumaon ay mga gurong Pilipino na Ingles ang midyum ng

pagtuturo sa edukasyon.

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 1

John Paul Marzan Dela Paz


Masalimuot at maalimpuyo ang karanasan ng ating bayan sa kamay ng mga dayuhan

kaya naman magpahanggang ngayon dala natin ang pagkagapos sa karahasang

pangkamalayan. Ayon kay Sukarno (sipi mula sa makabayang panimula ng unang

pambansang kumperensiya sa makabayang edukasyon), “Alalahanin natin ang

pinakamataas na adhikain ng tao ay pagpapalaya ng kanyang sarili sa tanikala ng takot,

pagkabusabos at kahirapan.” Sapagkat, pinamamanhid ang ating kamalayan bunga ng

masalimuot na kapaligiran. Dagdag pa ni Tolentino (1999), nabubuhay tayo sa

panganib kaya kinakailangang gumawa ng iba pang panganib na makakasagka sa

malawakang pananakop ng imperyalistang globalisasyon. Kaya kinakailangan nating

magtangkang humubog ng kontraryong panganib laban sa pananakop ng

imperyalistang globalisasyon. Nabanggit nga sa liriko na kathang-awit ni Propesor Joel

Costa Malabanan ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, “Ang bayan ko ay Speak in

English Zone, paghahandang yakapin ang globalisasyon, sariling wika ang siyang

magpapalaya sa gapos ng tanikala” (akin ang diin).

Nabanggit ang usapin ng wika, may kontrobersiyang pangwika na. Paano bubuo ng

wikang tunay na mapagpalaya na gagapos sa tanikala-- tanikala ng kamangmangan,

kahirapan at pang-aalipin? Ayon kay Siao Campoamor (1999), “sana’y na tayong

gamitin at intindihin ang wika, pero, mas madalas kaysa hindi, hindi tayo ang

gumagamit at umiintindi rito. Dagdag pa niya pinapagamit at pinaintindi lang ito sa atin

ng bunga ng hindi ng fiat o batas kundi ng mahabang panahon ng ugnayang

panlipunan.”

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 2

John Paul Marzan Dela Paz


Mula nga sa isinadokumentaryong pag-aaral ng GMA News na pinamagatang Don’t

English Me ng I-Witness, mababatid mula sa iilang sulok ng mga kalsada sa Metro

Manila, maraming nakakaaliw na basahin, ang mali-maling pagbubuo/pagbabaybay ng

mga salita gamit ang wikang Ingles at makapilit dila ng mga Pilipino sa paraang

pagbigkas gamit ang wikang banyaga. Hindi kataka-takang magkaganito. Hindi na nga

madali ang magsulat o bumigkas nang husto at wasto sa sariling wika ‘di lalong higit pa

sa hindi sarili. Sa pagbaybay ng mga kataga o salita, ang mga salita ay tumutukoy o

kumakatawan sa mga bagay-bagay na nakikita, naririnig, nararamdaman, naaamoy at

nalalasahan. Mula sa mga bagay na tumitimo sa sentido, nakabubuo ng mga ideya na

nagpapakilos sa kahulugan, kabuluhan at katuturan ng mga ginagawa ng mga tao sa

pamumuhay (Abadilla, 2002). Kaya kapuwa nagiging hilaw ang pagkatuto ng mga mag-

aaral sa Ingles sapagkat kung simula’t sapul na ang mag-aaral ay lumaki at naging

pamilyar gamit ang nakagisnan niyang wika sa pagbubuo ng mga ideya hindi malabong

malabong tunay ang kanyang pagkatuto at sa kalauna’y ituring na “bobo” ng

mapanghusgang lipunan na pantas ang turing sa mahusay mag-Ingles na binunga ng

kolonyal na edukasyong naging kasangkapan sa pagkalupig ng puso’t diwang Pilipino.

Saan nga ba unang isinusulat ang mga letra? Mula nga sa pag-aaral ng GMA News, sa

isang mababang paaralan sa Kalookan, may isang espesyal na silid-aralan ang bawat

baitang hindi dahil special children sila dahil ngayon pa lang sila natututong magbasa,

grade 6 na ang grupo ng mga estudyanteng ito. Sa ilalim ng bilingual policy ng bansa,

grade 1 pa lang ay kailangan nang pag-aralan ang wikang Ingles kaalinsabay sa pag-

aaral ng wikang Filipino at maliban doon ay ginagamit din ang mga wikang ito sa pag-

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 3

John Paul Marzan Dela Paz


aaral ng ibang subject tulad ng Math at Siyensya. Pilit na itinutuwid ang kanilang dila sa

pagbigkas ng wikang banyaga. Mas mahirap ito sa mga batang hindi Filipino o Ingles

ang kanilang unang wika tulad ng mga Bikolano, Ilokano, at marami pang iba.

Ayon nga kay Bb. Jhouna De Los Santos, guro sa Mababang Paaralan ng Bagong

Silang, aniya talagang nahihirapan ang mga estudyante kaya kinakailangang

maipaliwanag ang gustong ituro ng guro sa pinakamababaw na Ingles kung saan

maiintindihan ng mga estudyante, gagawa nang paraan ang guro para gawin iyon.

Gaya nang isinasaad sa kabanata ng Noli Me Tangere ni Rizal (Mga Suliranin ng Isang

Guro). Sa nasabing kabanata, sa wikang Kastila tinuturuan ang mga bata gayong hindi

pa naman sila nakakaintindi ng wikang iyon.

Ganito rin nga ang karaniwang nangyayari ngayon sa mga estudyante sa hayskul,

kolehiyo at unibersidad sa bansa na dahil sa Ingles nagsipag-aral, at salat sa

kakanyahan sa banyagang wikang ito, mabilis na nakakalimutan ang sinaulong mga

leksiyon kaya nagsisipagtapos na kabisote (Ordonez, 2003). Kung tutuusin makatwiran

at kayang sikmurain ang diwang nakapaloob mula kay Ka Roger, ngunit ang mas

masaklap ang naging kalagayan ng labing anim na taong gulang na si Jayson, tatlong

beses na siyang umulit ng grade 1 at tila palaisipan pa rin sa kanya kung paano

nabubuo ang isang salita. Sa isinagawang panayam ng GMA News, buong lakas na

inamin ng estudyanteng si Jayson Manlanat, nasa baitang lima ng nabanggit na

paaralan aniya hindi niya nauunawaan ang guro sa kung ano ang itinuturo partikular na

sa asignaturang Ingles, kaya madalas niyang ginagawa ang pagtakas sa pamamagitan

ng palagiang pagpapaalam sa guro upang pumunta sa palikuran at doon ilalagak ang

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 4

John Paul Marzan Dela Paz


oras hanggang sa matapos ang klase niya sa asignaturang Ingles at saka

magpapasyang bumalik uli sa klase. Kung tutuusin hindi naman naiiba si Jayson sa

maraming kabataang hirap sa pag-aaral dahil sa wikang banyagang ginagamit at

maaaring ito’y isang dahilan kung bakit napakataas ng drop out rate sa ating bansa.

Sa estadistikang nakalap ng GMA News, sa bawat isang daang (100) nakakapasok ng

Grade 1, anim na pu’t lima (65) lang ang nakakatapos ng Grade 6, karamihan ay mga

lalaki na dahil mahirap makahanap ng trabaho nagiging tambay na lang o ‘di kaya’y

minsan nagiging kriminal. Nakapaloob sa pagpapaigting ng kahusayan sa edukasyon

ay ang wikang gagamitin bilang midyum sa pagtuturo na siyang magpapakita ng ganap

na pagkatuto ng isang indibiduwal. Mahalagang isaalang-alang ang pagkaunawa sa

wikang gagamiting panturo nang sa gayo’y lubos na maunawaan ang isang

ispesipikong aralin at hindi maging hadlang sa pagpoproseso ng ideya at impormasyon.

Ayon nga kay Dr. Ricardo Nolasco, Linguistics Department ng Unibersidad ng

Pilipinas-Diliman, “Ang isa mga fundamental na hindi pinapansin nang marami ay ang

hindi naiintindihan ng mga bata ang kanilang mga teacher, hindi sila makasunod sa

mga lesson kasi ang wikang ginagamit nila ay hindi nila wika so dahil d’yan dahil hindi

sila nagkakaintindihan, tignan natin ang learning outcomes, ang drop-out rates, ang

mga problemang kinakaharap ng mga bata sa pagkakatuto ay lahat ‘yan makikita natin

sa language.” (mula sa sariling pagsasatitik ng kabuuang sipi ng panayam)

Bakit maraming bansang pilipit ang dila sa Ingles ang higit na maunlad. Bakit? Dahil

sila’y higit na nagkakaunawaan sa sarili nilang wikang ginagamit. Ganito nga rin ang

nasaksihan ni Pangulong Quezon sa bansang Hapon. Habang gamit niya ang wikang
Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 5

John Paul Marzan Dela Paz


Ingles sa pakikipagtalastasan sa Emperador ay tumugon naman ito sa sariling wika.

Halimbawa na nga rito ang sistemang edukasyonal ng Hapon, Tsina at Koriya na ayon

sa pag-aaral ni Dr. Prudente, nakilalang makabayan makatao, progresibong

intelektuwal at edukador, ang mga nabanggit na bansa ay sa sarili nilang wika

ginagamit na panturo sa lahat ng asignatura-kabilang ang matematika at siyensya-at,

bunga nito, taon-taon, laging nangunguna sa Silangan at Timog-Silangang Asya sa

mga pagsusulit ang kanilang mga estudyante at nangungulelat ang mga tinuruan agad

ng Ingles gaya ng mga estudyante sa Pilipinas. Sa katunayan, binigyang-diin ni Dr.

Prudente na sa mga nasabing mga bansa, lumikha pa sila ng mga “calculator” at

“computer” na nasa sarili nilang wika.

Mahigit isang daang taon nang itinuturo sa mga Pilipino ang wikang Ingles pero

hanggang ngayon tila baluktot pa rin ang dila ng karamihan ng mga Pilipino kasi nga

raw kahit ang sistema ng edukasyon walang duda ay baluktot din. Niliwanag at

binigyang-diin ni Dr. Nemesio E. Prudente, “repleksiyon ng mababang kalidad ng

pamumuhay sa bansa ang sistema ng edukasyon,” gayundin ng “kolonyal na

mentalidad, kainutilan at katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno at ng burukrasya.

Nabanggit din sa pag-aaral ni Dr. Prudente, batay sa mga pagsusuri sa Amerika at

Canada, “lima hanggang pitong taong ipinaiilalim sa mga programa sa pag-aaral ng

wika ang mga estudyante bago maabot ang kahusayang akademiko.”

Ayon nga kay Rep. Eduardo Guillas, Author ng The English Bill:

“ Now will be advent the Bilingual Policy of the Department of

Education, exposure was limited because of the use of Tagalog or


Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 6

John Paul Marzan Dela Paz


Filipino which is actually Tagalog as the medium of instruction

therefor the mastery of the English was not attained anymore.”

Taglay ng diwang ito ang oryentasyong “kami”-na ang ibig ipakahulugan ay pagtangi

(sa Ingles), pagkamakasarili (sapagkat nakapanig lamang sa iisa, Ingles lamang),

tiwalag (inililihis ng Ingles ang pagkamakabayan at adhikaing nasyonalista) ito ay bunga

ng makitid na pananaw na itinakda ng kanilang kolonyal na edukasyon at uring

pinagbuhatan. Kamakailan lamang, nailathala ni Propesor Joel Costa Malabanan

(2017) na, “Iba na ang Filipino sa Tagalog” na ang karamihang salitang mas malawak

na ginagamit ay naging kabahagi ng itinuturing na Filipino at hindi Tagalog kasama na

ang iba pang salita na mula sa iba pang pangunahing wika sa Pilipinas gaya ng

isinasaad ng probisyong nakapaloob sa Artikulo labing apat (14), seksiyon anim (6) na

itinakda ng Kontitusyon, “Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samakatuwid

sa ngayon ay dapat nating harapin ang pagpapayabong at pagpapayaman sa wikang

ito salig sa mga umiiral na wika sa Pilipinas upang maging epektibong wika sa

pagkakaunawaan at pagkakaisa tungo sa pag-unlad ng bansa.” Ayon pa nga kay

Almario (2015), ang wikang Filipino sa gayon ay isang ingklusibong wika at

naglulunggating sumulong at yumaman sa pamamagitan ng mga tunog, titik, at

katangiang ‘di –Tagalog ngunit taglay ng mga wika ng bansa. Kaya magkaiba na

talaga ang wikang Tagalog sa wikang Filipino na itinuturing nating wikang Pambansa.

Isa pa hindi kailangang isisi na ang kahinaan natin sa wikang Ingles ay bunga ng

palagiang paggamit natin ng Filipino, sapagkat sabi nga ni Simoun sa kabanata pito

ng El Filibusterismo ang ganito: “Nakalimutan ninyo na habang pinangangalagaan ng

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 7

John Paul Marzan Dela Paz


sambayanan ang kaniyang wika, pinangangalagaan niya ang marka ng kaniyang

kalayaan kung paanong napangalagaan ng isang tao ang kaniyang independensiya

habang pinangangalagaan niya ang sariling paraan ng pag-isip. Ang wika ay kamalayan

ng mamamayan.” Totoo ito maging sa mga manunulat na ipinapalagay ni Casper

(1980) na may “tayo” oryentasyon na nasasandig sa tinatawag niyang pangarap ng

Pilipino- pagkakaisa—tulad nina Alejandrino Hufana (Poro Point), NVM Gonzalez

(Season of Grace), Bienvenido Santos (Brother, My Brother), Nick Joaquin (The

Woman Who Had Two Navels), Manuel Arguilla (The Socialist”), Ediberto Tiempo (To

be Free).

Noon pa man, isang makabayang pagsisikap na maitaguyod ang nasyonalismong

Pilipino ang mailagay ni Rizal sa bibig ni Simoun, sa pakikipag-usap kay Basilio, ang

sumusunod na kataga, “Ang Kastila ay hindi kailanman magiging wikang pangkalahatan

ng bansa; ang baya’y hindi kailanman magiging wikang pangkalahatan ng bansa; ang

baya’y hindi kalianman magsasalita nito. Bawat bayan ay may sariling wika gaya ng

pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. At, mainam na maidagdag na ang Ingles ay hindi

kailanman magiging wikang pangkalahatan ng bansa.

Giit nga ni Dr. Jovy Peregrino, Direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng

Pilipinas- Diliman. “’Yung medium of instruction, mali para sa atin ang kaisipan na

kapag ang bata ay inekspows mo nang matagal sa wikang Ingles, matututo siya ng

wikang Ingles, mali ito, hindi ito totoo. Pangalawa, kapag ginamit mo ang Ingles bilang

medium ng pagtuturo sa lahat ng subject, gagaling sila sa Ingles, hindi rin ito totoo.

Bakit? Obserbahan mo ang mga estudyante bakit sa kasalukuyan mula pa noon

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 8

John Paul Marzan Dela Paz


magpahanggang ngayon, Ingles na ang ginagamit natin, bakit hindi tayo makabuo ng

English speaking community.” Ayon nga rin kay Cesario Torres, “matagal na tayong

nag-Iingles, umunlad na ba tayo?”

Kung babalikan natin taong 2010 nang lubhang nagpabago sa pamamaraan ng

pagsasalita at pagsusulat lalo na ng mga kabataang Pilipino, lumaganap ang

lengguwaheng jejemon maging ang bekimon ng mga nasa ikatlong kasarian na naging

sentro ng maraming panunuligsa. Sa katunayan, nagpahayag pa nga ang Kagawaran

ng Edukasyon (DepEd) ng isang all out war upang malabanan ang ‘di maiiwasang

pagbabago sa likas nating salita dahil sa pagbabagong dulot ng panahon at sa

paniniwalang ang dapat na manatili ay ang ating sariling dilang Pilipino. Marami rin ang

gumagamit ng Taglish. Tagalog na binudburan ng mga salita at konstruksiyong

gramatikal na Ingles. Oo nga’t Ingles daw ang wika ng edukasyon, kalakal at sinasabing

wika ng kaunlaran subali’t hindi natin dapat isantabi ang katotohanang may sarili tayong

wikang dapat gamitin at ipagmalaki.

Sa pag-aaral ng Philippine Human Development Report halos magkapantay ang

kakayahan ng mga Pilipino at Amerikanong estudyante sa larang ng Siyensya at

Matematika noong 1920s. Sa katunayan, ayon sa pag-aaral ni Aurora De Jesus (2010),

maaaring isama tayo sa third largest English speaking sa buong mundo sunod sa US at

Inglatera at puwedeng isama sa kalipunan ng global citizens ang ating bansa. Ngunit

kabalintunaan ito sa datos na nakalap ng GMA News, ngayon kulelat na ang Pilipinas

sa buong Asya . Kasama sa mga problema ang Bilingual Policy -ang kalidad ng mga

guro na produkto nito.

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 9

John Paul Marzan Dela Paz


Giit pa uli ni Dr. Jovy Peregrino, “Ang nagtuturo ng wikang Ingles ay hindi mga English

speaking people sila ay mga second language learner lamang ng Ingles, ni hindi nga

alam ng mga gurong ito kung ano talaga ang kasaysayan halimbawa ng Ingles, ang

lalim ng Ingles, ang ibig sabihin ang nagtuturo sa mga bata ay mga guro sa Ingles na

puwede mong sabihin ay hindi ganoon kamaster ang subject na tinuturo nila. Ganito

nga ang naging prinsipyo ng isang dalubguro sa Ingles ng Politeknikong Unibersidad ng

Pilipinas mula sa Kolehiyo ng Artes at Literatura, Kagawaran ng Ingles at Dayuhang

Wika na si Bb. Maria Cecilia S. Angles, aniya:

“Grammar Nazis are nothing but waste of cyberspace. Your task

as an English major is to teach and not to criticize. It is inevitable

for us to commit mistake because English is not our first

language.”

Napasama ito sa 40 quotable quotes mula sa mga dalubguro ng PUP na naging tampok

sa Facebook. At trending na pinag-usapan ng mga Iskolar ng Bayan.

Sa probinsya ng Kalinga, minsan nang nangarap ang taga-Lubuagan Central School.

Noong dekada nobenta kasi napabilang sila sa Top not performing school, ibig sabihin

isa sila sa mga pinakulelat, ang kanilang solusyon, mahalin ang sariling wika ganyan

kasimple ang kanilang pormula, Multilingual Education o MTB-MLE ang tawag sa

ganitong klase ng pagkatuto kung saan Unang Wika Muna na halos dalawampu’t

limang taon nang ginagamit sa Kalinga. Sa katunayan nabanggit sa pag-aaral ni

Propesor Jomar G. Adaya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na napatunayan

nina Stephen Dekker et. al sa kanilang The Lubuagan Mother Tongue Experiment,
Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 10

John Paul Marzan Dela Paz


lumalabas sa pagsusuri na mas may gamit at may kabuluhan sa mga mag-aaral ang

natutuhan sa eskuwelahan, napananatili at napayayaman ang kanilang kultural na

identidad, mas nagkakaroon sila ng higit na kumpiyansa sa sarili, gaya nang nabanggit

ni Contantino (2014) na kung nasa unang wika pinoproseso ang pagkatuto ng mga

mag-aaral ay mas nag-e-enjoy sila. Mas nakapagpapahayag at nauunawaan ang

leksiyon, mas nagtatanong ang mag-aaral (gaya ng siyentipikong pagkatuto) hindi

lamang basta nagsasaulo gaya nang ginagawa sa Ingles, mas masigla sa pag-aaral at

nakatutulong panlaban sa lumalalang ignoransya at iliterasi. Ayon kay Pado (2013) ang

MTB-MLE ay babawas sa drop out at repeater sa mga eskuwelahan. Ngunit, may

problema pa rin ang naturang pagpapasiya sa kalagayan ng MTB-MLE. Sa katunayan,

hindi kinikilala ang katayuan ng wikang pambansa –ang Filipino, sapagkat nagiging

proseso pa ito sa mapanghating pangkat ng mga wikain sa Pilipinas at nagiging daan

ng pagtatangi ng kani-kanilang sariling wika. Katulad noon, wala naman talagang

konsepto ng Pilipino, kapag tinanong ang isang Pilipino (kabayan) na nagtatrabaho sa

ibang bansa at tatanungin siya kung anong lahi siya hindi sasabihin halimbawa ng isang

katutubong Ilokano na siya ay Pilipino kundi sasabihin niyang, I am an Ilokano.

Ngayon, higit kailanman, dapat mamulat ang sambayanang Pilipino na ang kasarinlang

sosyal at politikal sa pag-iisip ay malalasap lamang kaalinsabay ng kasarinlan sa pag-

iisip at pananaw.

Akmang sipiin ang mungkahi ng mga mananaliksik na sina Pajanustan et. al (2017) sa

kanilang tesis na Hamon ng CHED Memorandum Blg. 20, s. 2013 sa Pagtingin ng mga

Dalubguro mula sa mga Piling Unibersidad sa Kalakhang Maynila: Isang Pagdalumat,

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 11

John Paul Marzan Dela Paz


iminumungkahi nila na dapat ay hindi nagiging boluntaryo na lamang ang paggamit ng

wikang Filipino bilang wikang panturo bagkus dapat ang wikang Filipino ay bilang

panturo na rin siyensiya at teknolohiya sa panahon ng globalisasyon, palalimin ang

makabayang oryentasyon gaya ng pag-unawa sa kultura, ekonomiya, politika at

lipunang Pilipino, makabayang oryentasyon sa pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas,

Asya at Daigdig, Agham at Teknolohiya para sa Bayan, mapagpalayang Panitikan at

Sinema sa edukasyon, progresibong asignaturang Filipino sa kolehiyo, makabayang

musika sa edukasyon, nasyonalistang dulog sa pagtuturo ng ekonomiks, progresibong

internasyonalismo sa edukasyon, oryentasyon hinggil sa mga paaralang Lumad at mga

kapatid nating katutubo, magkaroon ng mapagpalayang edukasyong pangkasarian, at

mga kontemporaryong isyung pang-edukasyon at panlipunan, sa mga hamon at

progresibong tugon. Dapat na mas palakasin ang makabayang kamalayan sa

pagtataguyod ng pambansang wika at pamana sa panitikan, sining at kultura, at igalang

natin ang mga lokal o katutubong wika, panitikan, sining at kultura.

Tuklasin natin sa ating mga sarili ang nagtatagong damdaming makabayan. Gisingin

natin ang natutulog na diwang Pilipinong may pagmamalaki sa likas niyang sarili lalo na

sa kanyang wika.

Sapagkat ayon nga kay Prop. Maria Sison, “kung walang paggalang sa sarili nating

kultura tiyak na nauuwi ito sa pagsamba sa kulturang dayuhan at paglimot sa ating

pambansang dignidad at mga karapatan. May habilin nga ang Ama ng Katarungang

Panlipunan” at “Ama rin ng ating wikang pambansa na Pangulong Manuel Luis Quezon-

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 12

John Paul Marzan Dela Paz


“Mas nanaisin ko pa ang isang mala-impiyernong pamahalaan na pinatatakbo ng mga

Pilipino, kaysa sa isang makalangit na pamumuno ng mga dayuhan.”

Bilang pampinid, ayon kay Heneral Luna, “Huwag mo akong ma-Ingles-Ingles sa

sariling bayan ko.”

Padayon sa wika at bayan.

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 13

John Paul Marzan Dela Paz


TALASANGGUNIAN:

MGA AKLAT

Aranda, Ed.D., Ma. Rita R. at Din, MA.ED., Randy A. Pagbasa at Pagsulat Tungo sa
Pananaliksik, AAA Printing Hauz, 60 Elga St. Tatalon, Lungsod ng Quezon, 2010.

Almario, Virgilo S. Pagpaplanong Wika at Filipino, Languange Planning and Filipino,


Komisyon sa Wikang Filipio, Gusaling Watson, 1610 Daang JP Laurel, San Miguel,
Maynila. 2015

Buenaobra, Dr. Nita P. et. al. 2001. Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika,
Komisyon sa Wikang Filipino at Iba Pang Kaugnay na Batas (1935-2000). Quezon City,
Printon Press.

Komisyon sa Wikang Filipino, KWF Medyo Matagalang Plano 2017-2020, Komisyon sa


Wikang Filipio, Gusaling Watson, 1610 Daang JP Laurel, San Miguel, Maynila. 2016

Lumbera, Bienvenido. 2000. Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa. Diliman, Lungsod


ng Quezon, University of the Philippines Press.

Ordonez, Rogelio L. Pluma at Papel, Sa Panahon ni Gloria, Prometheus Publishing


Corporation, 2007

Tolentino et. al. 1999. Lagda bilang 1, Opisyal na Journal ng Departamento ng Filipino
at Panitikan ng Pilipinas. Diliman, Lungsod ng Quezon, Unibersidad ng Pilipinas.

MGA DYORNAL

Abadilla, Bayani S. Epitemolohiyang Filipino sa Karunungang Pilipino. 2002.

Abadilla, Bayani S. Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya. 2002.

Lumbera, Bienvenido. Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang


Pagkaalipin. 2007

San Juan, David Michael. A LUTA CONTINUA!: Ang Pakikibaka Para sa Filipino sa
Kolehiyo at Iba Pang Kaugnay na Isyu. 2015

San Juan, David Michael. Globalisasyon, K to 12, Bagong General Education


Curriculum (GEC) at, Wikang Filipino: Kamalayan, Ekonomiya at Edukasyon sa
Pilipinas. 2014

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 14

John Paul Marzan Dela Paz


San Juan, David Michael. Wika at Araling Filipino sa Siglo 21: Holistiko, Progresibo,
Mapagpalaya at Makabayang Edukasyon Mula Elementarya Hanggang Kolehiyo at
Lagpas Pa. 2016

San Juan, David Michael. Kapit sa Patalim, Liwanag sa Dilim: Ang Wika at Panitikang
Filipino sa Kurikulum ng Kolehiyo (1996-2014). 2014

Sison, Jose Maria, Susing Talumpati sa Pambansang Kumperensya sa Makabayang


Edukasyon. 2016.

Tapang Ph.D., Giovanni, Pagsusulong ng Agham at Teknolohiya Para sa Bayan sa


Edukasyon. 2016

Tapang, Giovanni Science and Technology Education for Whom?

Tolentino, Rolando B. Introduksiyon: Kritikal na Pag-aaral ng Panitikan, Wika at


Kulturang Filipino/ 3-5. 1999.

TESIS

Pajanustan et. al Hamon ng CHED Memorandum Blg. 20, s. 2013 sa Pagtingin ng mga
Dalubguro mula sa mga Piling Unibersidad sa Kalakhang Maynila: Isang Pagdalumat.
2017

MGA WEBSAYT

www.journals.upd.edu.ph

www.ejournals.ph

www.narcis.nl

www.academia.edu

www.scribd.com

www.facebook.com/TANGGOLWIKA

dlsu.academia.edu/lastrepublic

www.faceboook.com/PSLLF

www.youtube.com/dont.english.me.i.witness.gma.news

Don’t English Me: Pagbasag sa Gapos ng Tanikala at Pagbuo ng Wikang Mapagpalaya 15

John Paul Marzan Dela Paz

You might also like