You are on page 1of 19

Usapang Kultura

Balikan ang kasaysayan.Pag-aralan ang lipunan.

Thursday, February 8, 2007

Prof. Roland Tolentino

KULTURANG POPULAR, IMPERYALISTANG GLOBALISASYON AT GAWAING KULTURAL

Binigkas sa Philippine Cultural Summit ng Amado V. Hernandez Resource Center

September 12 – 14, 2006, St. Michael Retreat House, Antipolo City

Magkalinawan muna tayo. Sino ka ba sa kulturang popular? Ikaw ba ang mangangalakay at basurera sa
bundok ng Payatas na handang gumasta ng ilang pisong tinging tipid-load para tignan kung mabuti ang
lagay ng iyong mga musmos na anak sa paanan? Ikaw ba ang pumila sa Ultra Stadium isang lingo bago
ang anniversary show ng Wowowee para sa pagkakataong maging kontestant—sa pila ka na kumain,
natulog, nag-alaga ng anak, at namatay? Ikaw ba ang kabataang nagtratrabaho sa fastfood o call center
na nagkaroon ng instant na pang-ekonomiyang kapangyarihan, nakabili ng bagong cellphone, nakatulong
sa gastusin sa bahay, pati pag-aaral ng nakakabatang kapatid, at kayang bumili sa nagsulputan tulad ng
kabuti na 24/7 na mga outlet ng pang-araw-araw na pangangailangan? Ikaw ba ang manggagawang
bumibili ng pirated na DVD player—pinapili ka pa nga ng brand na itatak sa iyong makina--para
magpalabas ng isiniksik na siyam na pelikula sa pirated na dividi? Ikaw ba ang anak ng magsasakang sa
hacienda sa Villa Escudero, na tumutulong sa pangongopra sa tag-ani at sa ibang panahon ay
pinagsasayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw sa resort ng hacienda? Ikaw ba ang muy bueno familia na
hindi kukurap sa anumang nais mapasaiyo, madalas pa nga ay ang produkto at serbisyo ang lumalapit sa
iyo? Ikaw ba ang intelektwal na nakakabili ng art at cult films sa Quiapo, nakakapag-ukay sa Anonas at
Baguio, nakakabili ng segunda-manong mature (mateorya) na libro sa Booksale? At huli, ikaw ba ang
aktibistang nakikibaka laban sa imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, gayong sa labas ng
publikong politikal ay isa ka rin sa mga naunang identidad?

Paano maging aktibista sa larangan ng kulturang popular? Kung itong politikal na gawain ay nanghihimok
ng nasyonalisasyon ng industriya, hustisya sosyal at tunay na kalayaan, bakit naninigarilyo ka pa rin ng
Marlboro o Winston, nakasuot ng Levi’s o Wrangler, nakikinig sa alternatibong mga banda, nasisiyahan
kapag nakakakain sa Jollibee o McDonald’s at kapag nagmo-malling sa SM, ang entidad na nakaperfekto
ng subcontractual labor praktis sa bansa? Madaling sabihin na napakalaganap na ng kulturang popular
na hindi na tayo maaring makatakas pa rito. Kung gayon, bakit pa tayo nakikibaka sa pambansa at
pandaigdigang antas kung hindi rin pala mapapagpag ang imperialismo at ang kulturang kaakibat nito?
Bakit sa hanay ng aktibismo ay nakikita ang politikal at kultural bilang magkaibang spero ng gawain—
hardcore at purista kapag usaping politikal, samantalang kontradiktoryo, kundi man hypokritikal, sa
usaping kultural. Pwede ka bang maging aktibista na sabayang gusto ang kulturang popular at ang
imperyalistang kulturang kaakibat nito, at ang pakikibaka para sa sambayanang inaapi, kung saan integral
ang kulturang popular sa pagpapadaloy ng kaapihang ito?

Mag-prayer meeting muna tayo—gunitain ang operasyon ng kulturang popular at matapos, magkaroon
ng malalim na paninindigan para sa tunay na kultural na transformasyon ngayon pa lamang. Kung tunay
na kaakibat ang kultural na rebolusyon—na oposisyonal na sasagka sa naghaharing elitista, pyudal at
kolonyal na kultura—sa politikal na masang pakikibaka, lalo na sa gawaing rebolusyonaryo (literal at
figuratibo), hindi ba’t ngayon pa lamang ay sustenidong nagsusulong na ng kulturang nasyonalistiko,
syentipiko at makabayang kultura—ang mga salik ng mismong kultural na rebolusyon? Tila ba ibang
spero ng gawaing politikal ang gawaing kultural, magkasalikop lamang kapag nagtatagpo sa masang
kilusan? Instrumento lamang ba ng gawaing politikal ang gawaing kultural, ginagamit sa politisasyon,
mobilisasyon at organisasyon ng masa? Kung hindi, paano ba sisipatin ang gawaing kultural para maging
mabisang pwersa, tulad ng politikal na gawain, sa politikal na transformasyon na may relatibong
autonomiya ng dalawang mahahalagang spero o ng partikulardad ng gawaing kultural, sa isang banda, at
sa kabilang banda ay ang pagkalahatang diwa ng rebolusyonaryong gawain—ang paglulunsad ng
rebolusyonaryong kultural na kamalayan sa rebolusyonaryong politikal na gawain na may sabayang
pagkabig sa politika at kultura? Maari bang ang politisasyon ay kaabikat ng kulturalisasyon, paglulunsad
ng kontra-namamayaning kultura, at politika na rin?

Sa sanaysay na ito, nais kong bigyan-diin ang gawaing kultural sa rebolusyonaryong gawain na sabayang
may natatangi at pangkalahatang ugnay sa politikal na rebolusyonaryong gawain—natatangi dahil ang
mismong gawaing kultural ay tumutumbas sa relatibong autonomiya ng spero sa pagbabaklas ng
namamayaning kamalayan at pagkilos, nakaugnay dahil hindi lalampas sa potensyal ng politikal ang
gawaing kultural—nananatiling nakapaloob ang anumang pagtatangkang baguhin ang pangkamalayan sa
aktwal na kondisyong panlipunang pinamamayanian ng pambansang saklaw ng tradisyunal na politika.
Ang pakahulugan ng rebolusyonaryong gawain ay antitetikal sa namamayaning ekonomiya, politika at
kultura ng gobyerno sa partikular, at estado sa pangkahalatan na nagdulot ng mabigat na paghihirap at
pambubusabos sa nakararami at nagbiyaya sa iilan, mga pambansang kubrador sa partikular. Ito ay
sumasakop mula sa egalitaryong layunin ng burgesyang lipunan hanggang sa aktwal na rebolusyon ng
pambansang demokratikong kilusan; kung gayon, mula sa transformasyong reformista hanggang
himagsikan laban sa gobyerno at estado. Sa ganitong pagturing lamang maaring baklasin ang kalayaang
indibidwal bilang bahagi ng dispensasyong pang-estado sa binibigyan-pribilehiyong ideal na mamamayan
at mamimili (consumer), at pagtataguyod ng aspirasyon para sa kolektibong kalayaan ng bansa laban sa
tumitikis at umaapi sa nakararami.
May kakatwang puwang ang malawakang pagtanggap sa kulturang popular bilang normal na operasyon
ng karanasan sa pang-araw-araw na imperialismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo dahil ito ang
pangkaraniwang kulturang binabagtas sa kalunsuran at urbanisadong kanayunan. Kung ang kulturang
pyudal—direktang dulot ng kawalan ng edukasyon at maledukasyon na nagbibigay-pribilehiyo sa politika
at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng panginoong maylupa sa periperi—ang siyang humuhubog sa
kamalayang pangkultura sa kanayunan, maaring isipin na ang pangunahing humuhubog ng kamalayan sa
kalunsuran at urbanisadong kanayunan ay ang kulturang popular—indirektang dulot ng maledukasyon
na nagbibigay-pribilehiyo sa politikal at pang-ekonomiyang pamamatronahe ng burgis komprador sa
sentro. Bagamat magkasalikop rin ang mga usapin, ang partikularidad ng kulturang popular sa
formulasyon ng kultura sa kalunsuran ay simptomatiko ng namamayaning kultura ng elitista, kolonyalista
at pyudal. Maari pa ngang isipin, sa implementasyon ng pambansang kaunlaran ng pamahalaan, ang
isang pangunahing motibasyon ng mito ng pag-unlad na ipinapalaganap ay ang urbanisayon at
kosmopolitanisyon ng bansa: hindi ba’t ang isang marka ng pagiging urbanisado ng lugar ay ang
pagkakaroon ng McDonald’s at Jollibee na ang signage ay kasing-taas ng kampanaryo ng simbahan? o
ang paghahanay-hanay ng mga bagong tayong bahay at bungalo sa gitna ng di man lang sementadong
kalsada ng mga liblib na lugar ay dulot ng informal na recruitment ng mga OCW sa kanilang kapitbahay?
o ang ukay-ukay ng brand labels na sinusuot ng mga taong ni hindi man lang kilala ang mga ito?

Ang mga informal na referensya ng di-pantay na karanasan sa kulturang popular ay indikasyon na


malaganap na ang kulturang ito sa paghubog ng namamayaning kultura, at kung gayon, ang kulturang
binabagtas at nagsusubstansya sa gawaing kultural. Sa pagpapaliwanag kung ano ang kulturang popular,
paano ito ginagamit sa pagpapayaman ng namamayaning kultura, at paano rin ito magagamit para sa
pagbalikwas ng sarili nitong operasyon sa gawaing kultural ay mga mahalagang usapin para mailugar ang
puwang ng sabayan at magkahiwalay na gawaing kultural at politikal sa pagrerebolusyon. Ang rebolusyon
ay mahalagang larangan ng literal at figuratibong espasyo ng transformasyong panlipunan. Isinasaad nito
ang pangkamalayan at pangmateryal na transformasyon ng namamayaning kaayusang nagdudulot ng
napakaraming pang-uri, sexual, pangkasarian, lahi at etnisidad, henerasyon at relihiyosong opresyon sa
nakararami at nagbibiyaya sa iilan tungo sa mas egalitaryo, kritikal na publiko, at tunay na demokratikong
lipunan. Kung ang namamayaning kamalayan ang nagdulot ng napakarami at napakabigat na bagaheng
pinapasan ng mamamayan na nagpapamangmang sa kanila, ito rin ang nagdulot ng imahe at utopia ng
rebolusyon bilang paraan ng pagbalikwas sa loob (kritikal na publiko hindi ng civil society kundi ng
people’s party at kilusang masa) at labas (aktwal na rebolusyon).

Ang pagsasaalang-alang sa rebolusyon ay naglalahad ng pananaw sa kulturang popular. Walang nasa


labas ng namamayaning kultura—kulturang (sa pangunahin) pyudal sa kanayunan at kulturang popular
sa urbanisadong lunan. Gayunpaman, tulad ng rebolusyon, ang isinusulong ng gawaing kultural ay
pagbalikwas ng namamayaning kultura sa loob (kritikal na publiko ng kilusang masang nagbibigay-diin, sa
pangunahin, sa pang-uring politika) at labas (aktwal na rebolusyon, pagtatatag ng sosyalista o kontra-
estado ng kasalukuyang lipunan). Sa isang banda, ang sosyalismo ay nananatiling lehitimong utopia sa
kasalukuyang dystopia ng masibong korapsyon at paghihikahos; at sa katangian ng utopia, ito ang
kolektibong fantasy-ideal kung bakit nanlalaban at nakikisangkot pa rin tayo. Ito o ang wholesale na
pagbili sa kasalukuyang predikamento ng kumikitid na panlipuang mobilidad (pangunahin, ang call center
at OCW) at ang misrekognisyon na mabuti naman pala ang kolektibong lagay. Sa kabilang banda, ang
sosyalismo ang direksyon ng kultural na gawain—pagtutol sa politikal na pagpaslang, sa pagpatay sa mga
peryodista, anti-chacha (charter change) at rebolusyon, halimbawa--na nagbibigay-diin sa makabuluhang
papel ng people’s parties, kritikal na media, at institusyong nagbabantay at nagtatag ng pambansang
soberenya. Ito o ang paglulusaw sa bisyong sosyalismo—kawalan ng kumpiyansa sa progresibong
politika, pagsasaalang-alang ng mito ng deglobalisasyon sa edad ng umiigting na neoliberalismo,
pagtanggap ng administratibong posisyon sa burukrasya ng kasalukuyang pamahalaan--at kung gayon,
pagpapaluwang sa espasyo ng kolonyal at elitistang demokrasyang puno’t dulo ng pagsustina sa pang-
ekonomiyang paghihirap ng sambayanan.

Pinangungunahan ko na ang aking argumento. Magsimula tayo sa ilang matingkad na katangian ng


kulturang popular, kung paano ito nagnonormalisa ng namamayaning kultura. Maglalahad ako ng apat na
tesis tungkol sa kulturang popular sa namamayaning kultura at ang gawaing kultural. Kaiba ang usapin ng
kulturang popular bilang aparato ng paghahari ng estado at pagbabalikwas nito ng kontra-estado.
Nanghihimok sa gamit ng dahas, hindi aktwal na gumagamit ng dahas ang kulturang popular. Ang
sanaysay ay tatalakay sa magkakasalikop na usapin ng kulturang popular dulot ng pag-igting sa kita ng
kulturang industriya sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. May apat akong nakikitang bahagi ang
papel: una, komodifikasyon ng luho bilang pangangailangan; ikalawa, ang tunay (real) at politikal; ang
intelektwal na gawain; at ang kultural bilang politikal na gawain. Tatalakayin ko ang usapin ng
resureksyon ng Wowowee sa telebisyon, ang proliferasyon ng cellphones at text messaging, ang
dominasyon ng Hollywood at ang pag-unlad ng dokumentaryong kolektibo (Sipat/Kadao/ST Exposure), at
ang digital film movement ng kasalukuyang panahon bilang paraan ng pagpapalawig sa apat na paksa.
Nilalayon ng papel na linawin ang usapin ng kulturang popular bilang insidente ng panghihimok ng
negosyo at estado sa naghaharing kaayusan, at ang lalo pang pag-igting ng pagnanais kumita sa edad ng
lumalawak na kahirapan sa panahon ng imperyalistang globalisasyon. Nilalayon ding linawin ng papel
ang halaga ng kulturang gawain para sa politikal na pagbabago.

Kulturang Popular at Normalisasyon ng Global na Kasiyahan.

Kapag iniisip ang kulturang popular—ng nangangalakay na nanay sa itaas ng bundok ng basura na
ginagamit ang kakakurampot na kita para makapagtext sa anak sa bahay sa paanan ng bundok o sa
panonood ng romantikong pelikula, halimbawa—ang isinasaalang-alang ay ang relief, na nakakain na ang
mga bata at ligtas sa peligro, o ang temporal na pagkalimot ng sariling pagkatao sa sine para tunghayan
at pangibabawan ng pagkatao ng mga bida. Hindi naisasaalang-alang ang kakulangan, kung gaano kasaid
ang buhay sa paanan at ibabaw ng bundok, ng abang pagkataong pinagkakaitan ng marami pa ring
panlipunang oportunidad sa dilim o liwanag man, sa loob at labas ng sinehan. Ang realisasyon ng
kakulangan ay isang politikal na muestra, parang pagtataas-kamao, parang automatiko pero may
paninindigang politikal—sabayang reafirmasyon sa realisasyon ng kasalatan at ang posibilidad ng
transformasyon sa pamamagitan ng pag-igpaw sa sariling predikamento. Kapag narealisa ng isang tao na
siya ay salat, may siwang na pamandaling bumukas para sa politikal na interbensyon—naigpawan na niya
ang pagtanggap sa inakalang normal na kalagayan, namarkahan bilang kulang, at nanghihikayat na punan
ng ibang larangan.

Kung walang politikal na organisasyon sa lugar, kagyat na nagsasara ang siwang na ito, babalik sa normal
na dati. Pero hindi tulad ng lingab, hindi ito naghihilom. Parati itong nagmamarka ng kasalatan at ng salat
na indibidwal. Maging ang pagtunghay sa sarili bilang salat ay maaring maging normal, tulad ng
normalisadong dysfunctionality--may mali pero bahagi ang sablay ng katanggap-tanggap na normal dahil
walang ibang naalok na lagusan. At ito ang kapangyarihan ng kasiyahan sa pasakit at pighati, kayang
lunukin ng nauna ang huli bilang mismong relief sa aktwal na karanasan sa huli. Hindi katulad ng
realisasyon kapag alam mong inaapi ka na, opresibo na ang kondisyon ng iyong paggawa at buhay, hindi
ka masaya dahil hindi kasiya-siya ang kondisyong. Pwede kang maging masaya kahit na malungkot ka,
napapangibabawan ng kasiyahan ang paghihirap. Kung gayon, ang kasiyahan sa hanay ng naghihikahos
ang muestra o manifestasyon ng kanilang relief sa abang kalagayan. Kakatwa ito dahil ang mekanismong
sikolohikal—paghahanap ng relief sa gitna ng masibong anxiedad o pagkaatake sa sarili--ay nagiging
pagsipat sa pang-araw-araw na buhay sa kasalatan. Iba rin ang turing ng gitnang uri sa kasiyahan dahil
reafirmasyon ito sa karanasan ng kanilang uri, ang uring ginagawang batayan ng kulturang popular. Kung
magsha-shopping ang gitnang uring indibidwal, kinokonsumo niya hindi lamang ang karanasan ng
pamimili kundi ang aktwalisasyon ng ethos ng kanyang uri—nakakapamili at hindi nangangalakay, may
kapasidad magdesisyon sa bibilhin, may pang-ekonomiyang kapangyarihan, may politikal na karapatan
habang namimili, at iba pa.

Kung mahirap ang nakakagawa ng akto ng panggitnang uri, ito ay pagdanas ng lampas at labis sa kanyang
uring pinagmulan. May bumubukas na siwang, at ito ang siwang ng uring kasalatan sa kanyang
pinagmulan at kalabisan ng kanyang tinatangkang mapantayan, at sa pagitan nito, ang misrekognisyon na
kabahagi na siya ng lampas sa kanyang uri. Ang kakatwa rito, sa kasalukuyang proliferasyon ng kulturang
popular, ang mahirap ay parating nasa ipinapadanas ang pang-uring siwang. Sa bawat pagmo-malling,
panonood ng telenovella at dividi, sa paglalakad lamang sa kalye, kahit pa pamamalimos ng paslit sa
nakaabang mag-go na kotse, maging ang nanay na nangangalakay ng basura ng Jollibee o ang pag-uukay-
ukay, hindi maiiwasan ang normalisasyon ng panggitnang uri bilang panuntunan ng pagkamamamayang
buhay. Natutunghayan ng mahirap ang mga produktong abot-tanaw, abot-pangarap dahil salamin (sa
pagitan ng di bumibiling maller at produkto ng tindahan, o ng namamalimos sa driver ng sasakyan) o
dukwang (ng nangangalakay ng tira-tirang pagkain sa fastfood) ang pagitan, o ito nga lang ba? Hindi ba’t
kosmos ng kontradiksyong panlipunan, historikal at modernidad ang pagitan ng gitling?
Walang nangarap nang mas mababa sa kanyang uring pinagmulan. Ang tunguhin ng panlipunang
mobilidad ay mas mataas kaysa sa aktwal na kalagayan. Hindi ito hiwalay sa pambansang kalagayan sa
malawakang kahirapan at iilang karangyaan: “In 2003 per capita gross income was US$1,090, below the
$1,390 average for lower-middle-income countries. Refelecting regional disparities, in 2003 11 percent of
Filipinos lived on less that $1 per day and 40 percenton less than $2 per day, according to the World
Bank.”[1] Tinitiyak lalo ito ng karanasan sa kulturang popular. Nililikha ang kasiyahan bilang normal pero
normal na ideal na antas, tinitiyak na hindi aktwal na maabot ng nakararami gayong binibigyan ng
aproksimasyon para sa nakararami, parang abot-tanaw lahat ng nakakataas na uring pangarap—parating
karatig-hapit kahit pa magkaibang mundo ang pagdanas sa mga ito. Nagagawa ito sa pangunahin ng
kulturang popular dahil ang direksyong pinaghahalawan at tunguhin nito ay sa global na pamuntunan.
Global ang karanasan sa hamburger (McDonald’s at Jollibee), theme park (Enchanted Kingdom at
Disneyland), mall (Robinson, SM at Glorietta), mass transportation (MRT, LRT, LRT2), cell phone (Globe at
Smart), panlalakeng underwear (Bench) o pambabaeng underwear (Herbench), halimbawa dahil nakamit
ng mga ito ang panuntunan ng pwersa ng globalisasyon—mataas na kalidad ng produkto, kapasidad na
makapanghimok ng malaking premium sa tunay na halaga ng produkto sa pamamagitan ng kapani-
paniwala at nabibiling kwento ng produkto at ng dating (affect) nito, tungo sa pagiging komoditi
(produkto plus premium/kwento) at komodifikasyon nito (ang tao ba ang fetishistikong humuhulma sa
produkto o ang produkto na ang humuhulma ng tao? Noong 2003, ang Pilipinas ay mayroong 11.5
milyong radio, 3.7 milyong telebisyon, 3 milyong landline at 1.5 milyong computer kahit pa limang
milyon lamang ang may access sa internet, 85 porsyento ay umaasa sa dial-up connection.[2] Sa
limitadong akses sa komunikasyon at media, bakit nangangarap ng labis?

Ang matingkad na katangian ng global ay ang kapasidad nitong magbenta ng erotisadong kwento, may
lahok ng sexual na nasa at kasiyahan sa reafirmasyon ng uring nais o aktwal na kinabibilangan. Ang
Bench ay taunang nagtatanghal ng pagdispley ng mga produktong pangkatawan (mismong briefs at ang
katawang nakasuot nito) sa one-night event nito. Maging ang pagkain ng Jollibee at McDonald’s na
gumagamit ng musmos ay reafirmasyon ng sexual na nasa ng gitnang uring nakakatanda na dulutan ang
mga walang kapangyarihang indibidwal ng gratification sa akto ng pagbili at pagkonsumo ng hamburger
at iba pang produkto ng fastfood. Bahagi ito ng gitnang uring heteronormativity--pagbibigay pribilehiyo
sa rekurso ng heterosexualidad bilang normal na kalakarang panlipunan—na nakasentro sa pamilya at sa
lalaking breadwinner. Ang MRT, branch ng McDonald’s sa Angono, Coke na nabibili sa Sagada ay global
sapagkat ito ay kahalintulad ng produkto at serbisyong matutunghayan sa iba pang bahagi ng mundo—
parehong quarter-pounder (presentasyon, sangkap at maidadagdag na langkap) sa parehong kapaligiran
(ilaw, muwebles, lamig, amoy) sa parehong serbisyo (paraan ng pagluluto, pagbati at pagkuha ng order
ng crew, pagluluto sa kusina, bilis ng pag-deliver ng order). Kaya kapag sinabing McDonald’s, ang
katumbas na kwentong ipinagbibili nito sa premium—malaking lampas sa tunay nitong halaga—ay
fastfood, Bench ay sexy underwear, Coke ay real thing, Mercedes Benz ay luxury, Palmolive ay makinis na
balat, Sunsilk ay malasutlang buhok, Colgate ay maputing ngipin, at iba pa. Ang kwento ang buod ng
partikular na pagnanasa, at ang pagiging brand ng produkto—ang pagkakaroon nito ng mabentang
kwento sa likod nito—ang siyang mas mahikal na nagtratransforma sa hilaw na materyales (isda) hindi na
lamang tungo sa pagiging produkto (malambot na sardinas na walang mga ulo’t lunod sa sarsa,
nagsisiksikan sa lata) kundi sa pagiging komoditi nito (Century Tuna na naglalaman ng omega na mabuti
para sa puso sa senior citizen o Century Tuna ginataan flavor sa panlasa ng Bikolanang OCW sa Tanzania).

Sa mahika ng transformasyon, ang nawawala—kahit pa man sa antas ng produkto—ay ang lakas-


paggawa. Tila bigla na lamang lumukso ang mga walang ulong isda sa maliit na lata! Nawala ang
mangingisda at manggagawa. Kagyat na lamang nagsulputan ang mga lata sa groseriya. Sa antas ng
global brand, kahit pa harap-harapan na ang subcontractual na empleyado sa pagkuha at pagluluto ng
order at paglilinis ng pinagkanan, nakakayanan na natin siyang gawing invisible. Hindi ito tao, hindi ito
manggagawa, ito ay bahagi ng aparato ng mismong global na establisyimento—nandoon pero wala, lahat
ay nasa anino na lamang ng arko ng global na komoditi. Kaya nga kung matagpuan ng mamimili ang sarili
na napuwesto sa tabi ng salamin at mayroong paslit na yagit na namamalimos sa kabilang panig, hindi ito
nadidisoryento dahil malinaw ang prioridad ng panggitnang uring mamimili—ang makonsumo ang
kanyang pinapangarap at pinaghirapang kitain-para-mabayaran na hamburger. Makakain pa rin ito kahit
na nasa gitna siya ng isa sa pinakamarahas na eksena ng tunggalian ng mga uri. Ang pagkain niya sa
fastfood ang kanyang piniling katotohanan at tunay, ang paslit ang aparisyon ng tunay. At tulad ng mga
aparisyon, sa pang-araw-araw natin pagtunghay sa kahirapan o mga birheng nagpapakita, hindi na ito
nagiging kakatwa dahil wala nang irony rito. Ang pagdanas sa trahedya bilang hindi trahedya ang
mismong trahedya ng kalakarang makakita ng kapangyarihan ng diyos sa pang-araw-araw.

Simula 1980s, ang pressure ng International Monetary Bank at pamahalaan ng U.S. na mag-deregulate at
i-privatize ang sistemang media at komunikasyon, at ang pagpasok ng satellite at digital na teknolohiya,
ang nagresulta sa pagsulpot ng higanteng transnasyonal na media.[3] Ang pandaigdigang sistemang
media ay pinamamayanian ng siyam na higanteng korporasyon na kabilang sa unang nakakataas na
baiting; ang lima sa pinakamalaki ay Time Warner (1997 sales, $24 bilyon), Disney ($22 bilyon),
Bertelsmann ($15 bilyon), Viacom ($13 bilyon) at Rupert Mudoch’s News Corporation ($11 bilyon).[4]
Noong 1990, 15 porsyento ng kita ng Time Warner at Disney ay galing sa labas ng U.S., noong 1997, ang
kita sa labas ay mga 30 hanggang 35 porsyento.[5] Ang kinalabasang higanteng korporasyon sa media ay
nakalahok sa maraming industriya ng media—ang ginawang pelikula ng media ay ipapalabas sa kanilang
sinehan, at mayroong soundtrack mula sa recording studio, may spin-off na TV show, video games,
amusement park na sakay—na hindi kakayanin ng mga korporasyong walang conglomerated holdings.[6]
Ang nalilikhang produktong media ay nag-uumapaw sa “hyper-commercialism” o “veritable commercial
carpetbombing of every aspect of human life.”[7] Ika nga ng C.E.O. ng Westinghouse, “We are here to
serve advertisers. That is our raison d’etre.”[8] May rekurso rin sa imperialistang diskurso ang lohika ng
pagpapalaganap ng serbisyo ng media conglomerates, ika nga ng Presidente ng HBO si Jeffrey Bwekes na
ang global na paglaganap ng HBO ay “manifest destiny,” tulad ng afirmasyon ng pananakop ng Pilipinas
sa Amerika sa nakaraang siglo.[9]
Hindi kakatwa na ang media sa Pilipinas ay kabahagi ng susunod na mga negosyong na bahagi ng
kasalukuyang round ng neoliberalisasyon. Kasama ng edukasyon at kalusugan, ang media ay ang isa pang
negosyo na tinatarget simula pa sa panahon ni Fidel Ramos na iamenda ang Konstitusyon para
makapasok ang dayuhang pag-aari. Sa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP 2004-2010),
ang isa sa mga intension ay pahintulutan ang dayuhang pag-aari ng mga domestikong negosyo na
ipinagbabawal ng 1987 Constitution.[10] Bahagi ng mga target pang-ekonomiko ng MTPDP ay ang mga
sumusunod: “1) raising the economic growth rate to 7 percent by 2009; 2) reducing the poverty
incidence from 28.4 percent of Filipino households to 17.0 percent by 2010; and 3) creating 1.5 million
jobs annually.”[11] Inaasahan na sa pagbubukas ng mga negosyo, tulad ng media, sa dayuhang pag-aari
na makakamit ang mga pang-ekonomikong target. Pero gaya nang nabanggit ng peryodistang Luis
Teodoro, “There’s another objective missing from that list: the making of a compliant media.”[12] Sa
pamamagitan ng pagbubukas ng pambansang ekonomiya sa dayuhan, kasama na ng malaki at patuloy na
dumarami ng bilang na pagpaslang sa peryodista sa bansa, nahihikayat at napipilit ng pamahalaan na
gawing sunod-sunuran ang media. Wika pa ni Teodoro, “The dominance of trivia and avoiding critical
reporting or comment on the public issues that are of concern in the Philippines would not only be
contrary to efforts to make journalism more meaningful in this country. It would also be no less a
Godsend to this as well as future governments.”[13]

Ang nangyayaring pagiging sunodsunuran ng pambansang pamahalaan sa pwersa ng neoliberalismo ay


hindi lamang nagbubuyanyang sa kasiyahan bilang katampukang dating kundi pati na rin ng paglalahad
ng depolisadong ideolohiya ng pagiging masunuring mamamayan. Wala nang papalag dahil sino ba ang
ayaw manood ng D.C. superhero na naging big-budgeted Hollywood film, o ang hindi na bibili ng kiddie
meal ng fastfood na may kasamang figura ng karakter sa pinakabagong animation feature? Ang
masunuring gitnang uring mamamayan ay nakakakonsumo kaya nagiging kwalipikadong mamimili, hindi
lang maller, at mayroong politikal na kapangyarihan, nakakatimbang ng pagpipilian at nakakapili sa pang-
indibidwal at kolektibong disposisyon. Mayroon siyang kapangyarihan sa kultura dahil kasapi siya sa
komunidad na may rekognisyon sa brand, paraan ng pagdanas nito, at pagpapatuloy ng produkto sa iba
pang karanasan sa kulturang popular. Para sa kanya, sapat na ito.

Noong unang panahon, nag-uusap ang magkakalayong tao sa pamamagitan ng sulat, o kung may
emergency, ng telegrama. Kung papalarin, matapos ng sampung taong pag-aantay ng linya, nakakapag-
usap ang mga tao sa teleponong monopolyo ng PLDT. Ngayong halos kulang sa kalahating Filipino ay may
cell phone, anong ganda ng pagbubukang-liwayway! Mula sa panahon ni Marcos, ang anim na diyaryo sa
Manila ay naging 12, ang tatlong estasyong pantelebisyon ay naging anim.[14] Labindalawang taon
matapos ang People Power 1, may 156 na estasyong pantelebisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 402
na estasyong radio, 25 na diyaryo na may pambansang saklaw na hindi lalampas ng apat na milyong
sirkulasyon bawat diyaryo, at higit sa 200 na lingguhan o dalawang beses-isang buwan na diyaryo.[15]
Noong 1980s, ikatlong bahagi lamang ng mga bahay ang mayroong telebisyon; noong 1997, sinasabing
87 porsyento ay nanonood ng telebisyon, 97 porsyento sa Metro Manila.[16] Tinatanya na kalahating
milyong telebisyong ang binibili taon-taon noong 1990s.[17] May kalahating milyong subscribers ang
SkyCable, pag-aari ng pinakamalaking media conglomerate ABS-CBN, 60 porsyento ng cable market na
inaasahang madoble matapos ng limang taon.[18] Noong 1996, binili ng PLDT na may hawak ng 45
porsyento ng landlines ang pinakamalaking internet service provider sa pananakot dito na puputulan ng
linya kapag hindi ito pumayag sa pagbebenta.[19] Ang isang resulta ng convergence ng media, ayon kay
Sheila Coronel, ay “it will provide a backdrop that will allow foreign firms to own media networks. Most
of the new telephone ventures set up since 1992 involve foreign capital.”[20] Samakatuwid, kahit hindi
pa naamenda o nababago ang Konstitusyon, may ilang maniobra na ng pagpasok ng dayuhang pag-aari
sa pambansang negosyo na lalo lamang iigting sa mas malawakan pang kontrol kapag nabago ang
Konstitusyon.

Ang pangunahing motibasyon ng dayuhang industriya ng kulturang popular at media ay magdulot ng


kasiyahang mabebenta nang may premium. Kaya mas matindi ang kasiyahan, mas mabenta ang
produkto, mas nagiging transformatibo sa komodifikasyon ng produkto at ng mamimili. Kung mas
matindi ang pagtataya sa kasiyahan, mas matindi ang pagtatago sa pasakit at pighating nagkukubli sa at
pinagtutuntungan ng kasiyahan. At kung magpaganito, mas depolisado ang ipinapalaganap na ideolohiya
ng estado at negosyo (mutlinasyonal na kapital at kubrador nito sa uring burgis kumprador): mas
nagiging katanggap-tanggap ang pinakarumaldumal na karanasan sa politikal na pagpaslang, ng
lumalawak na paghihikahos at kamangmangan, ng korapsyon at pamamaluktot ng politika sa personal na
interes, ng pagsasanla ng intelektwal at artista sa pinamalaking makakapagbayad, ng mga telebiswal na
trahedya ng kontestants na namamatay sa stampede at pagka-promote sa heneral na berdugo ng mga
aktibista sa burukrasya ng pamahalaan, ng pagpapalaganap ng cha-cha bilang imperatibo ng
pambansang pag-unlad, ng pagso-sorry bilang resolusyon sa bintang ng masibong pandaraya sa
eleksyon, at iba pa.

Ang politikal na kaguluhan na may potensyal ng transformatibong pangkamalayan ay itinatatwa bilang


hindi kasiya-siya dahil pinaglumaan na—People Power, at pagpapatalsik at akusasyon ng korapsyon at
nepotismo kay GMA, halimbawa—kaya may imperatibong mapalitan ng kasiya-siyang spektakularisyon
ng pang-araw-araw na karanasan, tulad ng pagtatagumpay ng Pilipinas sa 2005 Southeast Asian Games,
pagkapanalo ni Manny Pacquiao, beauty contestants at iba pang Filipino sa internasyonal na
kompetisyon ng spesyalisadong kagalingan, at iba pa, at maging ang mga ito ay naluluma rin sa takdang
panahon. Niluluma ang politikal at ang nilikhang bago ay ang reimbensyon ng politika, lalo na sa media at
industriya ng kultura. Ang paglalahad ng bago at ang kabago-bago ay ipinapasok sa parametro ng politika
ng global na kulturang popular—bagong Superman na naman, bagong branch ng Starbucks, bagong mall,
bagong modelo ng cell phone, at kung magpaganito, bagong kasiya-siyang karanasan. Ito o ang luma, alin
ang mas gugustuhin? Ang fetishismo ng relasyon, tulad ng sadista at masokista, ng nambubugbog at
binubugbog, ng nang-aapi at inaapi ay nakapaloob rin sa kahalintulad na predikamento ng kasiyahan ng
bago: itong abusadong relasyon o ang kawalan ng relasyong humuhubog ng pagkatao? Kung
magpaganito, paano lalampasan ang kawalan ng pagpipilian? Paano gagawing politikal ang kultural na
predikamento?

Unang Eksena: Komodifikasyon ng Luho Bilang Pangangailangan

Nabuhay tayo minsan sa panahon ng walang cell phone, kasabay ng ginhawa (kaligtasan sa konektado-
tayo-sa-mundo) at panganib (ilan na ang pinatay sa ngalan nito?) nito. Sa kasalukuyan, sa akto na
makalimutan ang cell phone sa bahay o sa di inaasahang pagkawala nito, tila tayo kulang, napilayan, may
kabawasan, hindi buo, hindi na ang regular na Maria o Jose. Naging integral ang cell phone, tulad ng iba
pang modernong gadget at serbisyo, sa panggitnang uring buhay na umaasa ng pang-indibidwal na
seguridad, expektasyon, kalidad ng serbisyo, estetika, halaga at iba pa bilang kolektibong karanasan sa
uring ito. Sa isang banda, mismong ang panggitnang uri ay ginawa nang komoditi, itinampok bilang
kanasa-nasang buhay, buhay na bumebenta sa takilya, CD at magazin dahil namumutiktik sa material at
sikolohikal na mga detalye nagmamarka ng pakiiisa at pakikipag-kapwa sa uring ito. Pero bago pa man
ang uring ito ay naging komoditi, ang produktong ipinapatangkilik sa kanya ay bumagtas na sa
kaangkupan ng komoditi sa kabilang banda.

Nagkaroon na ito ng kwentong kabenta-benta, naging brand na, na ang binibili ay hindi na lamang ang
panghugas ng buhok kundi ang buhok na nakakabit sa babaeng naliligo sa maluhong bathtub,
naggagayak ng marangyang kasuotan para sa pakikipagtagpo sa kanyang prince charming kinagabihan.
Ito ang buhok na tumatangkilik ng shampoo brand. Ang shampoo ay nilalahukan ng kwento at ang
kwento ay bahagi ng naratibisasyon ng panggitnang uring buhay bilang pamantayang pang-ekonomiya,
politika at kultura. Lampas sa tunay na halaga, nag-uumapaw sa labis na kwentong hindi kakamit-kamit,
at higit sa lahat, may masang napapatangkilik dahil sa lampas at labis. Ang produkto ay naging komoditi
para sa gitnang uring pangarap ng mismong nagnanais mapabilang sa at mareafirma ang pagiging
gitnang uri. Ang kulturang loop ay naghuhudyat ng pagkalusaw ng politikal dahil wala nang pagtatanong
sa naturalisasyon ng komodifikasyon at ideolohiya. At kahit pa ginagamit ang shampoo para lang
mapanlinis ang buhok, hindi naman aabot ang shampoo mula manggagawa sa pabrika at manggagawa sa
groseriya hanggang sa mamili (na malamang ay manggagawa o anakpawis rin) kung hindi naging konduit
at daluyan ang komodifikasyon sa paglilipat-lipat ng proseso ng produksyon at konsumpsyon. Hanggang
ang produkto ay nagnanais na mabentang hiwalay sa paggawang lumikha nito, ito ay kagyat na
nakapaloob na sa proseso ng komodifikasyon, alam man ng tumatangkilik ang kwento sa likod nito o
hindi.

Sa ganitong komodifikasyon ng produkto, pagbibili at mamimili na ang luho ay nagiging pangangailangan


ng karanasan sa gitnang uring buhay. Sa isang banda, napapatangkilik tayo ng luho—mula Jollibee
hanggang bagong modelo ng cell phone, depende sa persepsyon ng uring kinabibilangan—dahil tila
tinatangkilik ito ng iilang may mas higit na ekonomiyang kapangyarihan kaysa sa atin. Sa pagdaan ng
panahon, simula ng pagkilala sa bago at paghudyat at pagiging lumaan na nito, nagkakaroon ng tila
demokratisasyon sa produkto, napapamura ito dahil may pumapalit nang bagong uso na mas mahal at
di-asesible sa nakararami. Gayunpaman, lumilikha ang kapitalismo ng niche markets na mabebentahan
pa rin ang bawat uri ng pinapatangkilik na produkto—pinakabagong modelo ng cell phone sa maykayang
uri, ang susunod na tier ng medyo lumang uso para sa gitnang uri na minsanan lamang makakabili, at
mga lumang-lumang uso para sa naghihirap na uri, bagong nakaw na luma at uso para sa lumpen
proletaryado. Sa kabilang banda, sa familiaridad sa uso at produkto, sa akto ng pagkaalam at pagbili ng
mga mga ito, ang produkto ay nagiging pangkaraniwan na, kabahagi na ng mga bagay at detalye na
nagbibigay-definisyon sa gitnang uring karanasan.

Tinatayang mayroong 30-40 milyon ang may cell phone sa Pilipinas, gumagamit ng Global System for
Mobile Communications, isang second-generation digital na teknolohiya na ginagamit ng 71 porsyento
ng mundo.[21] May apat nang domestikong carrier ang pinahintulutan na ng National
Telecommunications Commission na magdulot ng third-generation cellular service simula 2008 na may
kapasidad na high-speed, high-bandwidth video application sa cell phone.[22] Ang Short Message
Service (SMS), ang sistema para sa text message na may kulang ng 160 karakter ang haba ay malaganap
ang gamit at may 200 milyon messages ang ipinapadala sa bawat araw gayong hinihikayat rin ang
pagpapadala ng Multimedia Message Service simula pa 2003.[23] Sa ibang pagtataya, ang bilang ng text
messages na ipinapadala ng bansa ay umaabot ng 350 milyon, mas malaki pa sa pinagsama-samang SMS
volumes ng European na bansa, Amerika at China.[24] Ang Smart Communications ay may hawak ng 54
porsyento ng market noong 2003 at ang Globe Telecommunications ay hawak ang 46 porsyento, at sa
taong ito, nagsimula rin ang Sun Cellular na nag-aalok ng mas mababang halagang serbisyo.[25]

Walang lalampas ang araw na hindi nag-a-advertise ng dalawang buong pahinang may kulay ang
dalawang kompanyang telecommunication. Walang oras na lalampas sa telebisyon at radyo na hindi rin
ito ginagawa ng mga kompanya, o isang gabi na walang spino-sponsor na event na magtatampok sa
kanilang serbisyo. Ipinapalaala sa atin dahil kay daling makalimutan na ang cell phone ay luho at hindi
pangangailangan. Araw-araw ay nire-referendum tayo ng mga kompanya sa moral na dilema nito, para
bumotong pabor sa pagpapatuloy ng kanilang serbisyo. Hindi nga ba’t ang isa ring silbi ng cell phone ay
magtext sa panahon ng kaburyongan (boredom). Sa ilang sandali, nawawala ang buryong, nagiging mas
interesante ang buhay. Para sa karanasan ng gitnang uri, ang text ay nakakapagdulot ng ginhawa at relief.
May seguridad na alam mong mahuhuli ang dapat mong katagpuin sa isang partikular na oras at may
magagawa ka pang ibang bagay. May ginhawa sa pag-alam na ligtas ang mga bata sa sakuna sa lugar na
tinirhan, lalo na sa OCW na ina; o kahit pa ang balitang namatay na ang magulang ilang segundo
matapos mangyari ito. Para sa kinakailangang impormasyong magbibigay ng seguridad, ipinapakita natin
ang mga kompanyang telecommunications. At tulad ng call center sa information technology, ang texting
ang ating niche market sa information, communication and technology—ang mga Filipino raw ang may
pinakamabalis na mga daliri sa buong mundo. Ang mababang kapasidad ng mga Filipino sa larangan ng
ekonomiyang global ay naghuhudyat lamang ng ating mababang antas sa pandaigdigan at sexual na
dibisyon sa paggawa.

At dahil ito ang bansa ng malawakang korapsyon at paghihikahos, at limitadong infrastruktura, maging ng
pinakamaraming pagkakataon ng karanasan sa natural na kalamidad, maraming informasyon ang
kinakailangan para magpalagay ng loob. Sa malawakang pagbebenta ng mga produktong
ipinapatangkilik, may kapasidad ang malawakang diseminasyon na magkaroon ng sariling pintig sa bawat
tumatangkilik nito—iba ang iniiyakan ni Omeng at On-on sa sine kahit pa pareho ang kanilang
pinapanood dahil sa ibang sikolohikal na impedimento ipinapapakat ito, magkaiba at magkahalintulad na
karanasan sa paglaki bilang mamamayan. Ang pagmanufaktura ng kulturang popular ay nakapaangkla sa
kapasidad nitong ipersonalisa ang brand o henerikong karanasan. Makakaisip tayo ng sampung bagay na
pwedeng gawin sa cell phone para maging kakaiba ito kaysa sa milyon-milyong cell phones—pagpili ng
ring tones, screen saver at wall paper, paggamit o hindi ng mga features nito, kompanyang
telecommunication at serbisyong tatangkilikin, casing at holder, paraan ng pagtext at pagsagot, at iba pa.
Parang kakaiba lang ang sa atin kahit pare-pareho tayong dumadanas ng karanasan sa kulturang popular.
Kaya kapag nawalay o nawala ang objek, tila tayo piglas. Ginagawa nating tao (anthropomorphize) ang
objek, kabahagi ng ating pagkatao. Kung magkagayon, sino ang objek at sino ang sabjek ng kulturang
popular—ang pinapatangkilik ba o ang tumatangkilik? Sa huli, ang pagmamay-ari mo ay nagmamay-ari
na sa iyo, pareho nang naging objek sa kulturang popular.

Ang pakiwari na nakakapagdesisyon (sa features halimbawa ng cellphone) at interaktibo (halimbawa, sa


pagboto sa “Philippine Idol” na tulad sa reputasyon ng mga Filipino, ang sumira sa Asyanong record ng
pagboto sa mahigit na 300,000 text votes sa isa sa mga unang episodes pa lamang nito) ay kabahagi ng
linyang asembleya ng pagiging gitnang uri.[26] Nakakalahok ang liberal demokratiko at konsumeristang
sabjek na nakapag-ehersisyo ng kanyang karapatang mamili, makaboto at maging bahagi ng lehitimasyon
ng mismong proseso, dito sa kulturang popular. Sa kabilang panig naman, mayroong muling pagsasaayos
ng mga objek ng kulturang popular. Ayon sa report ng isang peryodistang Amerikana ukol sa cell phone
texting:

The technology is […] changing the organization and dynamics of protests, allowing leaders to control,
virtually minute-by-minute, the movement of demonstrators, like military generals in the field. Using
texts that communicate orders instantly, organizers can call for advances or retreats of waves of
protesters.[27]

May produktibong praktikal na halaga rin ang mga objek ng kulturang popular, kahit pa tila komandista
ang nabanggit na deskripsyon sa report. Napapag-alam kagad ang kalagayan, lalo na sa umiigting na
dispersal at iba pang karahasan sa kilos-protesta. Tiyak na kasama ang mga aktibista sa hanay ng mga
Filipinong pangkahalatan ay nagpapadala ng walong texts kada araw.[28] Nang matanggal nga si Joseph
Estrada sa pagkapangulo via People Power 2, umangal ito na ang pag-aaklas na nagyari ay “coup de
text.”[29] Gayunpaman, kinakailangan ng hinay kapag sinabi na ang produktibong praktika na dulot ng
texting—o kahit ano pang objek ng kulturang popular—ay transformatibo sa politika, tulad ng banggit ng
lider kabataan sa pagtatapos ng sanay na ang texting “is a development for democracy.”[30] Pumapasok
ang aktibista sa fetishistikong pananaw hinggil sa kulturang popular, na kahit pa normalisado sa gawaing
pampolitika ay tumutulong magpatindig sa negosyo ng kulturang popular. Walang ganap na
transformasyong politikal kapag walang pagbabago sa nagmamay-ari ng pang-ekonomiyang produksyon.

Sa kontra-insureksyon ng militar at gobyerno, ang mahalagang dokumentong nagtatalaga ng


identifikasyon ay hindi naman cell phone. Ito ay sedula na galing sa pinakamalapit na baranggay na
tinutunghayan ng kontra-insureksyon na operasyon.[31] Ito ang nagmamarka ng posisyon ng taumbayan,
kung sila ay taga-loob (lehitimong mamamayan ng lugar) o taga-labas (iligal na tao at pagkatao, kasapi ng
New People’s Army). Hindi nga ba’t ang pagpunit ng sedula ng mga Katipunero sa Pugadlawin ang naging
senyales ng Rebolusyong 1896? Na ito ay nananatiling papel ng opisyal na identidad ay patunay na
pananatili ng karahasan ng estado. Sa kasalukuyan, ang low-tech na papel ay tinutumbasan ng high-tech
na anyo ng pagmamatyag sa cell phone:

Together with the National Security Agency, the Central Intelligence Agency also maintains “Project
Echelon,” the most sophisticated and most technologically advanced eavesdropping system that has
been devised. Through a relay system of satellites and spook stations in Australia, New Zealan, United
Kingdom, Canada and United States, the US intelligence system is able to intercept all (emphasis sa
awtor) telephone, fax, e-mail, Internet and cellphone transmissions worldwide. Its nerve center is
located at Fort Meade in Maryland where the NSA maintains its headquarters. This has grave
implications for both our public and private security.[32]

Samakatuwid, itong objek ng kulturang popular na nagmamarka ng gitnang uring identidad ay


instrumental rin sa pagmamatyag at disiplina ng estado at imperyalistang bansa. Kaya ang kulturang
popular ay nakaugnay sa relasyon ng estado sa imperyalismo. Ang komodifikasyon ay hindi na lamang sa
pagtransforma ng sabjek bilang objek at ng objek na sabjek na naghuhudyat ng tao bilang sabjek; ito ay
ang komodifikasyon na rin ng sabjek bilang objek ng estado at imperyalismo.

Ikalawang Eksena: Politika ng Tunay, Politikal sa Tunay

Linawin naman ang usapin ng inaangking katotohanan (truth-claim) ng mga objek ng kulturang popular
—lalo na nga ng brand labels—sa pagpalaganap nito bilang namamayaning katotohanan sa larangan ng
hegemoniya o ang kalakaran sa ideolohiya at pagkilos ng nakakapagdiktang minoryang may lampas na
politika at ekonomiyang kapangyarihan at ng mayoryang tumatanggap ng kaayusan ng kawalan-
kapangyarihan. Ang inaangking katotohanan, kapag ipinagpilitan ng pwersa ng pagsang-ayon (ideolohiya)
at karahasan (politika), ay nagiging tunay (real). Tulad ng pekeng pagkapangulo ni GMA, sa pagdurog nito
sa politikal na tumutunggali sa kanya, pati na ang oposisyong politika, at sa pagkumbinsi sa higit pang
neoliberalismo ng kapital at negosyo sa bansa ay nagiging katanggap-tanggap sa nakararami bilang ang
kasalukuyang imperatibo ng tunay. Wala nang papalag dahil sa karanasan ng pananakot at panganib ng
politikal na pagpaslang at ng karangyaan at kasiyahan ng paggasta at dayuhang kapital. Nililikha ang
gitnang uri bilang panuntunan ng pagdanas sa kasalukuyang pagsasabansa, lalo pa sa malakolonyal at
malapyudal na sistema na kayang-kayang pagsanibin ang karanasan sa karahasan at kasiyahan sa
pamamalakad ng pambansang pamahalaan.

Ang nangyayari sa mga aparatong kultura—media, relihiyon, edukasyon at sining halimbawa—ay gawin
itong paramilitar o sumeserbisyo sa militarisasyon ng politikal na aparato ng estado. Tunghayan ang
gameshow na Wowowee, na ang isa sa likas na katangian ng format ay ang dispensasyon ng awa at
tulong (charity), hindi sa nangangailan kundi sa karakter na pinakarepresentatibo ng media-saviness. Ang
kontestant ay ginagawang tao hindi pa sa antas ng pagpapalalim ng pagkilala sa kanyang pagkatao, kundi
bilang isang liberal demokratikong tao na nagnanais mapabuti ang kanyang abang kondisyon o ang lagay
ng kanyang pamilya. Ang game show host ang representatibo ng media conglomerate na hindi lamang
namimili, kundi nagseset ng parametro ng kontest, nagpapakilala sa kontestants, nanghihimok ng
partisipasyon ng audience sa bahay, at nagbibigay ng pabuyang premyo sa pinaka-deserving na
kontestant. Siya na may media personality na makapagdispensa ng kapangyarihan ay nagmimimick ng
kapangyarihang kultura ng kapitalista at burgis kumprador ay naghahanap rin ng kahalintulad niyang
pinakarepresentatibo ng tagapagpadaloy ng kapangyarihan sa hanay ng kontestants. Ang kapitalista at
burgis kumprador naman ay gumagaya sa kapangyarihan ng estado. Para sa kapitalista at estado, ang
charity ang mekanismo ng pamumudmod ng ekonomiyang ganansya sa naghihikahos na nakararami.

Noong Pebrero 2006, para sa unang anibersaryo ng Wowowee na nagpakalat ng balitang dodoblehin ang
premyo, marami na ang pumila ilang araw bago ang palabas. Pitongpu’t tatlo ang namatay sa stampede
nang magkagulo ang mga tao sa labas ng pila sa ULTRA Stadium hindi dahil sa pag-aakalang hindi sila
makakapasok kundi dahil sa balita na namang may perang pabuya ang unang ilang daang makakapasok.
Nakipagsapalaran ng kanilang buhay ang mga tao para sa balita, sa fantasya na makakapasok sila kahit
malinaw na sa dami ng bilang ng pumila ay hindi mapapagbiyan ang lahat. Walang paghahanda sa crowd
control dahil akala ay kakayanin na ng balita at impormasyon (tagapaghatid ng balita ng posibilidad na
makaangat) na madisiplina ang malaking hanay ng hindi lamang naghihikahos kundi yaon pang gustong
mapabilang sa nakakaangat na hanay. Silang nabubuhay sa kahirapan ay hinahayaang mamatay sa
kanilang paghihikahos.
Ilang araw matapos ang stampede ay nabura na ito sa alaala ng gitnang uring mamamayang kumondena
sa pangyayari. Hindi naman ito kaiba sa iba pang gawang-taong trahedya sa bansa, walang nangyayari sa
sampu-sampu, daan-daan o libo-libong buhay na namatay sa kasakiman ng kapitalista at paggarantiyang
seguridad ng estado sa kanilang tagapagtaguyod: 4,000 ang namatay sa paglubog ng Dona Paz noong
1987, tinagurian bilang pinakamalubhang maritime disaster sa postwar era; 5,000 hanggang 8,000 ang
nasawi sa flash flood sa Ormoc, Leyte noong 1991 dahil sa illegal logging; gayundin, 1,500 ang nabaon sa
putik sa Aurora at Quezon noong 2005.[33] Naabswelto ang mga kinasuhang opisyal sa 400 kabataang
namatay sa sunog sa Ozone Disco, at nananatiling nakatakas ang may-ari nito. Malinaw na hindi sa dami
ng bilang ng namamatay sa mga gawang-taong trahedya ang pinagtutuunan ng pansin sa trahedya kundi
ang paraan ng pag-manage ng trahedya bilang exemption o ang krisis na sandali, at ang kawalan nito
bilang ang normal o ang kawalan ng krisis. Pinapatingkad lamang ng trahedya ang pagdanas ng krisis
bilang normal at ang kawalan nito bilang exemption. Minomobilisa ng kapitalista at ng mga alipores nito
—iba pang contract artist ng media conglomerate, pag-iyak ng host sa ibang show sa telebisyon,
telebiswal na pagpapamisa, at paghina ng coverage ng anti-GMA rallies, halimbawa—at ng estado—
pakikiramay ng pangulo, paghingi ng pondo sa publiko para sa biktima ng trahedya, paggawa ng fact-
finding body, at iba pa.

Ang trahedya ay hindi na lamang misrekognisyon ng krisis bilang karaniwang karanasan sa pagsasabansa
kundi sa pagtanggi na nagkaroon ng trahedya. Sa ganitong pagtanggi nagtatagumpay ang estado na
maghugas ng sariling kamay dahil ang trahedya ay nangyayari sa spero ng negosyo, kahit pa magkasiping
naman ang mga ito. Ang kultural na gawain ay ang pagbaklas ng tunay sa antas ng anti-administrasyon
(sa pag-igting ng pasismo at neoliberalismo) at anti-estado (na ang mga pangulo pa sa hinaharap ay lalo
lamang magpapaigting sa karahasan at kahirapan). Ang kulturang popular ay may afinidad sa kapitalista
at estado kaya ang tungkulin ng aktibistang kultural ay ang ideolohikal na pagbaklas nito—kritikal na
pagbasa at pagtingin, at artistikong gamit—konsistent sa materyal na pagbaklas nito sa aktibistang
indibidwal at sa kanyang politikal na hanay. Ito ang pagpapatuloy ng comeback ng mga opresibong
trahedya ng mga luma, nakilatis na at patuloy na nagkakaroon ng kumikitang buhay sa kasalukuyang
kapitalismo.

Sa pagbabalik ng OCW na domestic workers mula sa ginigiyerang Lebanon, ginawang guests ang 235 na
OCW na tumakas sa giyera sa Wowowee noong 5 Agosto 2006, nagpamigay ng P1 milyong piso (ang
parehong halaga ng premyo sa anniversary show noong Pebrero) na pantay na paghahatian ng
kontestants. Kumpleto na ang comeback ng luma at ng binaong trahedya. Heto ngayon tayo sa mas
mabigat na trahedya na kahit na nasa harap na natin ay hindi pa rin nakikilala ang pagdating, pag-abang,
pagtunghay at pag-alis nito.

Ikatlong Eksena: Intelektwal Bilang Ubod ng Gawaing Kultural


Ang organikong intelektwal sa malay ng marxistang Antonio Gramsci ay nanggagaling mula sa hanay ng
kilusan, hinulma ng kilusan at nakakasagap ng lakas sa kilusan, gaya ng pagbibigay ng lakas niya rito.
Intelektwal dahil kritikal—umuusbong na alternatibo at oposisyonal—ang kanyang inihahayag na
posisyong panlipunan at historikal. Siya ang kontra sa kultura ng namamayaning kapangyarihan. Ang
gawaing intelektwal, sa aking palagay, ang ubod ng gawaing kultural. Kung ang politika ay tumutukoy sa
pamamalakad ng pamahalaan na nilalahukan ng palitan ng pabor, ang politikal ay katawagan sa
transformatibo tungo sa mas egalitaryong kaayusan hanggang sa anti-estado. Maaring isipin ang kultura-
kultural sa ganitong pagpapakahulugan: na ang kultura ay tumutukoy sa ideolohiya at praktis ng
namayaning kapangyarihan ng estado at negosyo, at ang kultural ay ang transformatibong panlipunan.

Pinakaabante sa gawaing intelektwal ang manggagawang kultural dahil sa kanyang hanay nasisiwalat ang
pagpapalawak at pagpapalalim ng politikal na kaisipan, panunuri at pagkilos. Sila ang nagdaraos ng mga
ensayo ng aktwal na rebolusyon. Ang kaibahan niya sa proletaryado ay ang paraan ng pagkamulat na
hiwalay sa produksyon. Ang manggagawang kultural ay may iba’t ibang pinanggagalingang uri ngunit may
kaisahan tungo sa pagbabagong ideolohikal na nakabatay sa sosyalistang hinaharap sa pagdanas ng
kasalukuyang kapitalismo—at ang ideolohikal na ito na ang pangunahing sangkap ay intelektwal ang
siyang impetus para sa aktwal na gawaing politikal: sa partikular, ang pagpapalawak ng hanay ng kultural,
at sa pangkalahatan ang paghulma at pagsubstansya ng kamalayan at praktis na babalikwas sa
imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.

Paano sasagkaan, halimbawa, ang pamamayani ng Hollywood na pelikula gayong ito ay napakalawak na
ng saklaw, hindi lamang sa Pilipinas maging sa buong bahagi ng mundo? Ang Hollywood films sa
partikular ang kumakatawan sa tinatawag na “kultural na imperialismo” o ang dominasyon ng
imperyalistang bansa sa industriyang kultural ng ibang bansa, ang kung magpagayon, ng hulmahang
kultural ng naturang mamamayan. Noong 2004, may 53 na pelikula na lamang na naipalabas mula sa
lokal na industriya sa Pilipinas. Noong 2005, ito ay 36 na pelikula na lamang. Lubhang mababa na ito
kung ikukumpara sa 1990s na produksyon na umaabot sa 150 pelikula kada taon, ginagawang isa sa
pinakamaraming pelikulang nagagawa ang bansa sa buong mundo. Wala nang makakatawad pa sa global
na pamamayani ng U.S. sa produksyong pampelikula. Noong 1998 ang overseas box office ng US ay
US$6.821 bilyon na halos katapat ng domestikong kita ng $6.877 bilyon.[34] Ang pinakapopular na 39 na
pelikula sa buong mundo noong 1998 ay galing ng U.S. kahit pa ito ay gumagawa lamang ng maliit na
porysento ng pandaigdigang feature film.[35] Sitenta’y singko porysento ng kita sa sinehan sa buong
mundo, at mas malaking porsyento kapag isinama ang video rentals at pagbenta nito.[36]

Ayon sa Social Weather Station (SWS) survey, 52 porysento ng matatanda sa bansa ay nanonood ng
sineng Filipino ng isang beses o higit pa isang linggo pero 6 na porsyento lamang ang nanonood sa
sinehan.[37] 29 porsyento ang nanonood na lamang ng sine sa telebisyon, isang indikasyon ng paghihirap
ng buhay ng gitna at mababang uri.[38] Edukado ang manonood ng pelikulang Filipino: 49.4 porsyento ay
high school o nakapagkolehiyo, 18.9 porsyento na nakapagtapos ng elementarya o nakapaghigh school,
at 17.8 ay tapos ng kolehiyo o nag-aaral nang higit pa rito. Ang educational capital ay natatanghal sa akto
ng panonood ng sine, kakatwa na hindi na pejoratibong “bakya crowd” o ang mga di-aral ang manonood
ng pelikulang Filipino. Ipinapakita nito ang pagbabago ng paradigmatiko ng panonood ng sine—ito ay
hindi na batayang pangangailangan, ito ay luho na, gamit sa pag-eehersisyo ng gitnang uring identidad,
kahit pa nga sa telebisyon na ito tinutunghayan.

Ang pandaigdigang epekto nito ay malawakan din. Nagbagsakan na sa Europa at iba pang bahagi ng
mundo ang domestikong industriya: sa Germany, 10 porsyento na lamang ay kita mula sa lokal na
pelikula; Britain ay 12 porsyento; France ay 26 porsyento; Spain ay 12 porsyento; Canada, 2 porsyento;
Australia, 4 porsyento; at Brazil, 5 porsyento.[39] Ang kabuuang laki ng industriyang pampelikula sa
Europa ay 1/9 na lang ang laki kung ikukumpara noong 1945.[40] Dagdag pa, sa Western Europe noong
1985, 41 porsyento ang kita ng Hollywood na pelikula, at ng 1995, ang kita ay lumaki sa 75 porsyento.
[41] Mula sa kitang $11 bilyon sa pag-export ng pelikulang Hollywood noong 2002, ito ay lalaki sa $14
bilyon sa 2004, at inaasahang kumita ng $24 bilyon sa 2010.[42] Kaya ang dating kita na 50 porsyento ng
pelikulang Hollywood mula sa ibayong dagat ay lalaki pa hanggang sa 70 porsyento.[43] Natitiyak ng
World Trade Organization at General Agreement on Tariff and Trade ang pagdaloy ng pelikulang
Hollywood sa higit pa nitong paglaganap sa ibang bansa dahil walang lubos na lokal na industriya,
maliban na lamang siguro ang India at China, ang makakatapat dito.

Ang unang antas ng pagsagka ay ang kritikal na pagbasa sa pelikulang Hollywood, ang hayag at kubling
ideolohikal na plataporma nito, ang paglalatag ng mga detalye at kabuuan ng panggitnang uring
karanasan sa liberal na demokrasya. Kinakailangan dito ng literacy training na naghahayag ng mga kritikal
na kapamaraanan ng pagbasa, panonood at pagtunghay sa pelikula at iba pang media. Ang layunin nito
ay lumikha ng antas ng kritikalidad sa hanay ng mga indibidwal at ng sektor na mahalaga sa paggiya ng
materyal na artistikong produksyong sasagka sa ideolohikal na agenda ng pelikulang Hollywood at iba
pang objek ng kulturang popular. Sa antas ng artistikong produksyong kultural, maaring lagumin ang
karanasan ng nagsulputang documentary film collectives sa iba’t ibang rehiyon. Ang documentary film
collectives, tulad ng Southern Tagalog Exposure, Sine Patriyotiko (Sipat ng Metro Manila), Kodao, at iba
pang grupo sa Bikol, Central Luzon, Kordilyera, Ilokos, Visayas at Mindanao, ay binubuo ng mga
aktibistang kabataan na filmmakers.

Ang proyekto ay kultural—artistikong produksyon ng kontra-estadong mga dokyu (dokumentaryong


pelikula) na ang pangunahing layon ay magturo ng pagsusuri sa mga isyu at pangyayari at politikal—
pagtaas ng panlipunan at historikal na kamalayan, pag-organisa at pagmobilisa. Kultural ang proyekto
dahil rin ito ang paglikha ng kultural na akda ay nakabatay sa politikal na kilusang masa—sa pag-aaral ng
kondisyong panlipunan at pangkasaysayan at mula rito, pag-angkat ng kontra-estadong pagsusuri sa mga
kasalukuyang isyu at kaganapan. Iba rin ang moda ng produksyon—kolektibo ang proseso ng artistiko at
lohistikal na pagdedesisyon, multi-tasking ang filmmakers (kadalasan, editor, cinematographer, direktor,
scriptwriter, at iba pa sa iisang pagkatao), low-budget, issue- at cause-oriented ang motibasyon ng
paglikha, ibinabalik sa masa ang nalikhang pelikula. Ang inilalahad ng gawaing kultural ay ang
itelektwalisasyon—sa artistikong politikal na kapamaraanan—ng isyu. Parang nag-iisip pa rin sa mas
malaking kahon ng politikal sa gawain na gamit ay lente ng kultural na diin ng masining at mapagturong
kapamaraanan. Ang kasiningan nito ay nagmumula sa kakayahang bumaklas ng namamayaning
kapangyarihan at magtatag, kapalit nito, ng alternatibo o oposisyonal na pinagmumulan ng
kapangyarihan, mula sa hanay ng nakikibakang masa.

Ikaapat na Eksena: Gawaing Kultural Bilang Gawaing Politikal

Ang gawaing kultural ay gawaing politikal sa ilang mga antas: sa indibidwal na aktibistang antas, ang
kultural na internalisasyon sa pang-araw-araw na buhay na nadudulot ng maraming katanungan hinggil
sa kontradiksyon ng posisyong gitnang uri sa kamulatang makamasa; sa loob ng hanay, ng artistikong
produksyong kultural bilang moda ng pagtaas ng kamulatan, pagmomobilisa at pag-oorganisa, tulad ng
pagwelga sa manggagawa bilang impetus ng pagtaas ng kamulatang politikal at kultural; sa labas ng
hanay tungo sa mas malaking kilusang politikal, ang kultural na pananaw sa politikal na isyu at
kaganapan bilang paraan ng konsolidasyon ng muestra at pagkilos. Maari ring ilahad ang proposisyong
ang gawaing politikal ay gawaing kultural hindi lamang sa kumprehensibong pagsinop ng politikal na
pagsusuri na naglalahad ng makabago (sosyalista) na paraan ng pananaw, pag-iisip at pagkilos kundi sa
mulat na internalisasyon ng politikal at kultural bilang magkahalintulad at produktibong nakikipag-usap
na pwersa sa rebolusyonaryong gawain.

Kung magkagayon, maari tayong tumunghay sa posibilidad ng mga gawain: sa hanay ng kultural, digital
feature films dagdag sa mas mahabang panahon sa pananaliksik sa full-length na documentary films o
dokyung iglap na kagyat na nakakatugon sa kahilingan ng napapanahong isyu, live animation
(tinutunghayan ng kamera ang mga model figures at kapaligiran) na naglalahad ng mga progresibong
kwento, makabayang sing-a-long videos, literary readings na high tech at may vcd at dividi, multi-media
dance presentation, at tungo sa tunay na second-generation sa visual arts, halimbawa; sa hanay ng
politikal, kultural na manggagawa sa iba’t ibang hanay, cultural nite bilang anyo ng konsolidasyon, writing
at performance workshops sa loob ng piketlayn o mass leave ng mga guro at kawani sa gobyerno, mass
leader na nakakatula at nakakaawit, at matulain na palaban na kilusan, halimbawa. Kung walang nasa
labas ng namamayaning kapangyarihan at kulturang popular, ang kapamaraanan ng pagbalikwas mula sa
loob ay nangangahulugan ng higit pang pagkamalikhain at politisadong kapamaraanan, hanggang ang
kulturang popular, sa abot ng makakaya, ay maging kulturang mapagpalaya nang nakararami.

Ang mga posibilidad ng politikal sa pamamagitan ng gawaing cultural ay imperatibo sa pambansang


kondisyong malakolonyal at malapyudal na tumutukoy sa kondisyon ng lampas ng 700 at tumataas pang
bilang ng politikal na pinaslang, at walang nakukulong, nasasakdal at napaparusahan sa isang banda, at
tumitindi pang pagbaba ng sweldo at kawalan ng seguridad sa trabaho, pabigat na kahilingan ng gawain,
call center at pag-OCW bilang tanging kambal na opsyon ng bagong graduate, pagbukas ng
pinakamalalaking malls, sa kabilang banda.[44] Ang tanging kalayaan sa kasalukuyan ay ang
mapanlikhang posibilidad ng aktwal na paglaya. Ang pag-ehersisyo at pag-eensayo ng kalayaan sa
posibilidad ang tutumbas sa rebolusyonaryong pagkakamit nito sa hinaharap. Kung gayon, ang gawaing
kultural at kultural na produksyon sa kasalukuyan ay nagaganyak sa mamamayan para sa rebolusyon.

You might also like