You are on page 1of 11

1

Pakabaliksan:
Mapagpalayang Teoretikal na Balangkas sa
Pagsasakasaysayan ng Buhay-Ilokano

Leonardo D. Tejano
ldtejano@mmsu.edu.ph

Abstrak

Mahalaga ang papel ng wika sa buhay ng tao. Bilang kanlungan ng karunungang pantao,
nananahan sa wika—paggamit ng wika—ang napakayamang batis ng impormasion ukol sa tao at
karanasang pantao. Sa lingguistikong pagbaling o linguistic turn na ito, mapalalaya ang metodo
ng mga pananaliksik na inilarawan ni Smith (1999, 13) bilang pinakamaruming salita sa
bokabulario ng indihenong mundo na nagpapanumbalik ng masasakit na emosion at masasamang
alaala.
Tinalakay sa papel na ito ang gampanin ng wika sa pananaliksik tungo sa mapagpalayang
pagsasakasaysayan ng buhay-Ilokano. Pangunahin rito, isinusulong ng papel na ito ang
pakabaliksan mula sa pormulang paka+balik[a]s+an (Tejano, 2018) bilang mapagpalayang
teoretikal na balangas sa naturang layuning pagsasakasaysayan.
Sa huli, nag-alok ang papel na ito ng ilang hamon para sa mga iskolar ng buhay-Ilokano
na magsuri gamit ang balangkas na ito.
2

Pakabaliksan:
Mapagpalayang Teoretikal na Balangkas sa
Pagsasakasaysayan ng Buhay-Ilokano

Ilang Kontrobersia sa Pagsasakasaysayan ng Buhay-Ilokano


at Ang Gampanin ng Wika sa Pagresolba ng mga Nito:
Isang Panimula

Pangunahing inspirasion at hamon nang isulat ng kasalukuyang mag-aaral ang “Paoay a

Makapaway: Narativa ti Panagwayawaya iti Maysa a Lokal a Komunidad” (Tejano 2018) na

kaniyang tesis sa Masterado sa Sining ng Edukasion mejor sa Araling Ilokano ay kung papaano

lalabanan ang umiiral na popular na naratiba ukol sa sarili niya mismong bayan. Nangunguna

rito ay ang hindi makatwirang paglalarawan ng popular na paligsahang Tan-ok ni Ilokano sa

kasaysayan ng bayan ng Paoay na umusbong sa pagdarayuhan ng mga Taga-Bombay, India

(Province of Ilocos Norte Official 2018). Ipinakikita ng ganitong uri ng pagsasakasaysayan na

walang puersa, inutil, at, batay sa salita ng mga kolonisador, indio ang indihenong pag-iisip sa

pagbuo ng sarili nitong gimong o lipunan para hindi nito mapangalanan ang kaniyang teretorio

(Tejano 2018). Ganitong kasaradong pag-iisip ring inilarawan ni Jose Resurreccion Calip sa

kaniyang tesis na The Iloko Epic—Lam-ang: A Critico-Anthropological Analysis (1957) ang

teoria niyang riu-kiu o liu-kiu bilang pinagmulan ng katawagang Ilokano. Ang naturang mga

salita, ayon kay Calip (isinita sa Agcaoili 2008) ay nangangahulugang “mga islang malapit sa

malaking isla” kung saan ang malaking isla ay tumutukoy sa China. Dagdag pa ang aklat na The

History of Ilocos Norte (Philippines) ni Aurelio (2016) na nagkukuento ng kakatuwang

pinagmulan ng pangalan ng mga bayang Vintar na mula raw sa letrang V at salitang intar na

nangangahulugang pila dahil pumipila raw nang paletra-V ang mga tao tuwing darating ang mga

Kastila, Pagudpud mula sa salitang pudpud, at marami pang iba na hindi kumikilala sa malayang
3

daloy ng emikong energia mula mismo sa loob ng kolektibong pamumuhay ng isang lahi at hindi

na nangangailangan pa ng etikong perspektiba para mabinyagan ang pagkatao (Agcaoili 2015).

Pinaalala nito ang naratiba ng kamangmangan at pagmamaliit na ginamit ng mga lahing

kolonisador para matawag na sientipiko at empirikal ang kanilang pananakop sa mga indihenong

pamayanan (Smith 1999). Sa ganitong teoretikal na balangkas ng pananaliksik sa indihenong

pamumuhay matutunton ang dahilan ni Smith (13) sa paglalarawan sa pananaliksik bilang

“pinakamaruming salita sa bokabulario ng indihenong mundo na nagpapanumbalik ng masasakit

na emosion at masasamang alaala”. Gayunpaman, hindi dapat talikuran ng indihenong

pananaliksik ang pagteteoria. Bagkus, dapat nitong okupahan at angkinin ang espasio ng

pagteteoria na ipinagkait ng Kanluraning Kaalaman nang makapag-alok ito ng mga paraan upang

masuri ang kabaluktutan ng lohika sa isang kaalamang walang-kahulugan sa existensia ng isang

lahi (Anzaldua 1988). Sa pagbabagong ito ng teoretikal na balangkas, mapalalaya ang kaisipan

hindi lamang ng mga mananaliksik kundi maging ng buong pamayanan na tuklasin ang iba pang

promesa at sorpresa sa indihenong mundo.

At wala na nga yata pang higit na makapag-aalok ng matamis na promesa at sopresa ukol

sa indihenong mundo kundi ang mismong wika nito.

Matayog ang esensia ng wika sa buhay ng tao. Lagpas ito sa mababaw na

pagpapakahulugang wika ang pangunahing instrumento ng komunikasiong pantao. Sa patuloy na

pag-unlad ng kasaysayang pandaigdig, mahalagang instrumento ng pagkatuto, pagsunod, pag-

utos, pagsakop, at iba pa ang wika. Lalo na sa kasaysayan ng kapuluan bilang bahagi ng

malaking Austronesianong komunidad, ang wika ay esensial sapagkat pagsasaling-dila o

pagkukuwento ang naging paraan ng pagsasakasaysayan noong matandang panahon (Ramos at

Reginaldo 2019). Dito, maliwanang na maiuugat ang mahalagang gampanin ng wika bilang
4

“tagapagpahayag at impukan-kuhanan” (Salazar 1996, 20) ng karunungang pantao na

instrumental sa pagresolba ng mga kontrobersia sa pagsasakasaysayan ng buhay-Ilokano.

Lingguistikong Pagbaling sa Pananaliksik


Tungo sa Pagsasakasaysayan ng Buhay-Ilokano

Maaaring basahin ang lingguistikong pagbaling o linguistic turn sa pagsasakasaysayan

bilang lohikal na pagbibigay tuon sa relasion ng wika, mga tagapagsalita nito, at ng mundo.

Makabuluhang umusbong noong unang bahagi ng ika-20 siglo, sinubok nito ang tradisional na

pananaw sa obhektibidad ng kasaysay. Ipinalalagay nitong maaaring ilarawan ang nakaraan ayon

sa aktwal na nangyari batay sa mga sanggunian. Sa halip, ang mga tagapagtaguyod ng

lingguistikong pagbaling ay tumutol na ang nakaraan ay hindi lamang umiiral sa labas ng mga

tekstong representasion o sanggunian, at ang mga representasyong ito ay hindi maihiwalay sa

ideolohiang dala ng mga mananaliksik (The Institute of Historical Research 2008).

Magkagayunman, hindi nangangahulugang sapat na ang kaalamang pangwika sa

isinusulong na pagsasakasaysayan. Ang paggamit ng terminong pagsasakasaysayan ng buhay-

Ilokano ay pagkilala sa buhay bilang puno at dulo ng pananaliksik kaya naman dapat na

magmula sa kaniyang karanasan ang kuento na inaasahang payayabungin pa ng mananaliksik.

Halimbawa na lamang, bukod sa existensia ng epikong Biag ni Lam-ang sa kasaysayan at

panitikang Ilokano, mahalagang matanto na bagaman bahagi ito ng naratibang ginamit ng mga

Kastila upang mapasama ang imahen ng mga Pugot sa mga Ilokano, maliwanag nitong

inilalarawan ang buhay at isip-Ilokano. Ang pagtangi nitong mapangalanan bukod sa kung ano

ang nais niya, at pagpili mismo kay Lakay Guiban bilang ninong ay nagpapakita ng maagang

pagkakaroon ng muwang o nakem at tendensia ng pakikibaka na maaaring magbukas ng

diskusion sa rebolusiong linahokan ng mga Ilokano noong panahon ng mga Kastila at pagsusuri

sa iba pang ebidensiang sususog rito (Tejano 2017). Sa ganitong paraan, ang pananaliksik at
5

paglalahad ng kasaysayan ay hindi basta pasibong naratiba kundi praktikal at may progresibong

papel sa proseso ng dekolonisasion na maaaring tumawag ng politikal na komitment bilang

suporta sa indihenong komunidad.

Maliwanag na marahil na ang paggamit sa lingguistikong pagbaling sa pananaliksik ay

pangunahin sa ideolohia ng mapagpalayang kasaysayan na isinusulong ng papel na ito sang-ayon

sa sinabi ni Enriquez (1975) na ang wika ay mahalagang daluyan bilang saligan ng pananaliksik.

Pakabaliksan: Ang Balikas bilang Semilia ng Pakasaritaan

Isang mapagpalayang teoretikal na balangkas na nakaangkla sa lingguistikong pagbaling sa

pananaliksik sa pagsasakasaysayang ang isinusulong ng papel na ito—pakabaliksan ni Leonardo

D. Tejano (2018).

Nabuo ang metodolohia ng pakabaliksan sa “Paoay a Makapaway: Narativa ti

Panagwayawaya iti Maysa a Lokal a Komunidad” na tesis ng kasalukuyang mag-aaral nang

tapusin nito ang Masterado sa Sining ng Edukasion mejor sa Araling Ilokano. Dito, ipinaglaban

niya ang argumentong simboliko ang mga salitang Ilokano at nagtataglay ng mga elementong

susi sa pagsasakasaysayan ng lahi (Tejano 2018). Inspirasion nito ang teoriang Pakasaritaan ni

Agcaoili (1996) na nauna niyang binuo ng isulat niya ang kaniyang disertasion bilang Duktorado

sa Pilosopia sa Unibersidad ng Pilipinad-Diliman na pinamagatang “Bannuar, Ang Libing ng

Araw: Isang Etnograpik na Pag-aaral sa Pilosopiya ng Buhay ng mga Ilokano 1971-1999.”

Pinag-aralan at hinabi niya ang mga kuento ng Pamilia Agtarap sa Kagayan upang makabuo ng

kasaysayan ng isang angkan noong panahon ng Batas-Militar. Bunga ng pananaliksik ni Agcaoili

ang nobelang Dangadang o Giera na inilathala niya noong 2003 at nagwagi ng ikatlong

gantimpala sa Philippine Centennial Literary Prize (Espinosa, 2007).


6

Mahalagang bagay na dapat malaman na ang salitang pakasaritaan sa Ilokano ay

malawakang ginagamit bilang lexikal na katumbas ng salitang kasaysayan o historia. Mula sa

salita sa kombinasion ng tatlong morpema, unlaping paka-, salitang-ugat na sarita na

nangangahulugang kuento, at hulaping –an. Sa pormulang ito, matutunton ang balangkas ng

teoria ni Agcaoili (1996) kung saan gumamit ito ng kuento nang mabuo ang kasaysayan—sarita

kas pakasaritaan.

Kumikilos naman ang metodo ng teoriang pakabaliksan mula sa salitang-ugat na balikas

o salita o mensahe sa Tagalog, unlaping paka- na nangangahulugang pagiging instrumento o

gamit ng salitang kinabitan, at hulaping –an nagsasapangngalan ng termino. Sa madaling sabi,

ang pakabaliksan ay tumutukoy sa salita o mensahe na nasa likod ng makahulugang salita.

Tinutukoy ng makahulugang salitang ito ang kontrobersial na salita o ang paksa ng pananaliksik

dahil ang mga salita bilang simbolo ay bumubuo lamang ng mabisang kahulugan kapag mayroon

ng kontexto. Mahalagang tanong dito ay kung ano ang pragmatikong kahulugan ng salita batay

sa mga elementong lumulukob dito.

Halimbawa, sa mismong tesis kung saan nabuo ang teoriang ito, ang Paoay na pangalan

ng bayan ay napatunayang galing mismo sa salitang paway na nauna nang naidokumento ng

Iglesia Filipina Independiente sa bayan, Vocabulario de la lengua Ilocana trabajado por varios

religiosos del orden de N.P.S Agustin (1849) ni Fr. Andres Carro, at Diccionario Pangasinan-

Español Hispano-Pangasinan (1863). Nangangahulugan ang salitang paway na kalayaan,

kakayahang makapag-isa, at pag-aklas na napatunayang nakaangkla sa papel na ginampanan ng

bayan noong panahon ng himagsikang nagtulak sa paghihiwalay ng norte at sur (Tejano 2018).

Ang paggamit ng indehinong Ilokanong termino na pakabaliksan ay kontextualisasion at

pag-aresto sa isang balangkas na makapagbibigay ng espasio sa Ilokano para sa pagsasagawa at


7

paglalahad ng mga pananaliksik na nakabatay mismo sa karanasang Ilokano (Tejano 2018). Pag-

amin ito na kulang ang mga dokumentasion at sangguniang maaaring gamitin sa pananaliksik ng

kasaysayang Ilokano ngunit hindi dapat itong mangahulugan ng pagtigil dahil wala ng paraan.

Ang wika bilang sors at saksi ng realidad ay nag-iiwan ng mga “bakas at kahulugan” (33).

Ilang patunay sa gamit ng balangkas na ito ang nauna ng pananaliksik sa mga toponimo

ng mga lugar sa Paoay, Ilocos Norte na mauuri sa apat (Tejano 2016): una, ang mga pangalang

may kaugnayan sa simbahan bunga ng concentraccion o reduccion gaya ng San Juan, San Roque,

Sta. Rita, San Agustin, San Pedro, San Blas, Dolores, at Veronica; pangalawa ang mga halamang

matatagpuan sa mga lugar gaya ng Cabagoan at Cabangaran; pangatlo ang heograpikal na

karakteristiko gaya ng Laoa, Nalasin, Suba, Bacsil, Oaig-Upay, at Monte; at pang-apat ang ilang

historika na pangyayari gaya ng Nangguyudan, Sungadan, Sangladan, Mumulaan, at Pambaran

na maiuugnay sa alamat ng lawa ng Paoay kung saan nabanggit rin ang mga salitang ito.

Nauna nang nabanggit sa papel na ito ang layuning pagteteorio sa mga indehinong

pananaliksik na masuri ang kabaluktutan ng lohika sa isang kaalamang walang-kahulugan sa

existensia ng isang lahi (Anzaldua 1988). Gamit ang balangkas ng pakabaliksan, mababasa na

kahit ang romantisadong Samtoy na ayon kay Duque (wp) na katawagan sa panitikang Ilokano

ay kulang sa pagmumuni-muni. Produkto raw ito ng engkuentro ng isang Kastila at isang

Ilokano. Tinanong ng Kastila sa Ilokano kung anong wika ang sinasalita nito. Sumagot naman

ang Ilokano ng: Saomi daytoy o salita namin ito. Dumaan ang sagot na ito ng Ilokano sa proseso

ng kontraksion at naging samtoy. Kung tutuusin, sinong taong nasa huisio ang sasagot sa tanong

ng mismong ang tanong rin. Ang pagsusulong ng ganitong naratiba ukol sa pagkatao ng Ilokano

ay hindi kaaya-aya at walang lohika (Agcaoili 2015).


8

Maging ang teoriong riu-kiu na nauna nang nabanggit sa itaas ang maaaring husgahang

hindi posible ayon sa balangkas na ito. Mas lohikal pang suriin ang kaugnayan ng pangalan ng

mga lugar at ang heograpia ng amianan bilang isang kapakipakinabang na teoria. Pansinin ang

dalawang uri ng heograpia sa amianan, ang kabundukan at kapatagan. Ang salitang golod at

bariant nitong gorot ay nangangahulugang bundok o mataas na bahagi ng kalupaan. Ang

mababang bahagi naman sa Ilokano ay lukong. Idagdag ang Austronesianong panlapi na I- na

nangangahulugang taga- o mula sa, maaaring mabuo ang teoriang I+golod o I+gorot na

tumutukoy sa mga taong mula sa kabundukan o mataas na bahagi ng kalupaan at I+lukong o

I+luko na tumutukoy sa mga taong mula sa kapatagan. Sa teoriang ito, mabubuksan ang diskurso

ng pagkakaunawaang pangwika, pangkultura, at pangkasaysayan sa pagitan ng dalawang lugar at

lahing naninirahan rito. Magagamit ang ideang ito upang higit na mapalalim ang paghahanap ng

iba pang obhektibong ebidensiang susuporta sa teoria.

Hamon para sa mga Iskolar ng buhay-Ilokano

Isang mahalagang gawain sa paglilinaw at pag-uugnay sa mga pangyayari sa nakaraan,

kasalukuyan, at hinaharap ang pananaliksik pangkasaysayan (Mcdowell 2013). Sa Ilokano,

bukod sa paglilinaw at pag-uuganay, gampanin rin ng mga iskolar nito na ilagak ang

kasaysayang Ilokano sa karapat-dapat nitong lugar sa espasiong pampubliko ng mga Ilokano.

Higit itong humihingi ng dunong sapagkat madalas ay hindi nito naookupahan ang teritoriong

dapat ay kaniya dahil sa iba’t ibang salik dulot ng pagkakarsel at paglolobotomisa ng kaisipan

dulot ng paliadong sistemang pang-edukasion at polisiang pangwika—dagdag pa rito ang

akademiang lango at labis ang pagmamahal sa teoria ng kanluran na naman kilala ang ating

existensia bilang lahi (Agcaoili 2016). Ang teoriang mapagpalaya ay may mahalagang gampanin

sa gawaing ito.
9

Malawak na batis na maaaring pagkunan ng impormasion ukol sa buhay-Ilokano ang

wikang Ilokano. Gayunpaman, hindi layuning ng papel na ito na punggukin ka at ikulong sa

iisang larang. Malaya kang tumuklas at gumawa ng sarili mong teoria at metodo. Tunay na

magiging mapagpalaya ang isang iskolarship kung magiging multidisiplinario ito at may akses sa

iba pang kaalaman. Sa paraang ito higit na mapalalaya at mapayayabong ang buhay at

karunungang-Ilokano.
10

Tala ng mga sanggunian:


Agcaoili, Aurelio S. 1996. “Bannuar, Ang Libing ng Araw: Isang Etnograpik na Pag-aaral sa
Pilosopiya ng Buhay ng mga Ilokano 1971-1999.” Duktoral na disertasion. Lungsod
Quezon: Kolehio ng Agham Panlipunan at Pilosopia, Unibersidad ti Pilipinas.
Agcaoili, Aurelio S. 2003. Dangadang. Quezon City: University of the Philippines Press.
Agcaoili, Aurelio S. 2015. “Quo Vadis: Sirmata Para iti Sao nga Ilokano iti Sumaruno a
Sangagasut a Tawen.” Mula sa Aro ken Sirmata: Language, Culture, Education, and the
Pursuit of Diversity. Inedit nila Aurelio S. Agcaoili at Elizabeth A. Calinawagan.
Philippines: Nakem Conferences Philippines at Undertow Books (3-28).
Agcaoili, Aurelio S. 2016. Balabala ti Filosopia nga Ilokano. Honolulu: Undertow Books.
Aurelio, Manuel F. 2016. History of Ilocos Norte (Philippines). Laoag City: Ilocos Publishing
Corporation.
Anzaludua, G. 1998. Making Face, Making Soul. San Francisco: Aunt Lute.
Calip, Jose R. 1957. “The Iloko Epic—Lam-ang: A Critico-Anthropological Analysis” Tesis ng
Masterado. Maynila: Unibersidad ng Santo Tomas. Isinita sa Agcaoili, Aurelio S. 2008.
“The Ilokano Language: History, Culture and Structure.” Tawid News Magazine. Naakses
noong Agosto 23, 2020 https://tawidnewsmag.com/the-ilokano-language-history-culture-
and-structure-part-v/
Duque, Reynaldo A. wp. “Kurditan Samtoy: The Literature of A Manly Race.” National
Commission for Culture and the Arts. Naakses noong Agosto 23, 2020 https://ncca.gov.ph/
about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-the-arts-sca/literary-arts/kurditan-
samtoy-the-literature-of-a-manly-race/
Enriquez, Virgilio G. 1975. “Mga Batayan ng Sikolohiyang Pilipino sa Kultura at Kasaysayan.”
Sa Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino Bolyum 1: Perspektibo at Metodolohiya. Inedit ni
Rogelia Pe-Pua. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas (5-12).
Espinosa, Shirlita. 2007. “Ethnicity and Kinship in Filipino Centennial Novels.” Kyoto Review
of Southeast Asia. Naakses noong Agosto 23, 2020 https://kyotoreview.org/issue-8-
9/ethnicity-and-kinship-in-filipino-centennial-novels/
Mcdowell, Bill. 2013. Historical Research: A Guide for Writers of Dissertations, Theses,
Articles, and Books. New York: Routledge.
Province of Ilocos Norte Official, 2018. “Paoay: Gulingguling Festival” Youtube. Naakses
noong Agosto 23, 2020 https://www.youtube.com/watch?v=hDjNxbVVOEg
Ramos, Nikko Jay at Reginaldo, Reginald. 2019. “Ang Lingguwistika bilang Pantulong na
Disiplina sa Pagsulat ng Kasaysayan.” Sa Metodolohiyang Pangkasaysayan. Inedit nila
Argen Rivas, Danica Dela Paz, John Adrianfer Atienza, Nikko Ramos, at Jeremiah
Montejo. Lungsod Quezon: Bagong Kasaysayan, Inc.
11

Salazar, Zeus. 1996. “Ukol sa Wika at Kulturang Pilipino.” Sa Mga Piling Diskurso sa Wika at
Lipunan. Inedit nila Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza. Lungsod Quezon:
Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas (20).
Smith, Linda T. 1999. Decolonizing Methodologies: Research and Indigenous Peoples. Dunedin:
University of Otago.
Tejano, Leonardo D. 2016. “Morpoponemiko a Paganalisar kadagiti Toponimo dagiti Baranggay
iti Paoay.” Graduadong Papel. Lungsod Laoag: Pampamahalaang Pamantasan ng Mariano
Marcos Paaralang Graduado.
Tejano, Leonardo D. 2017. “On Biag ni Lam-ang” Facebook, April 26, 2017
https://web.facebook.com/leo.tejano.3/posts/1392008344189157
Tejano, Leonardo D. 2018. “Paoay a Makapaway: Narativa ti Panagwayawaya iti Maysa a Lokal
a Komunidad. Tesis ng Masterado. Lungsod Laoag: Pampamahalaang Pamantasan ng
Mariano Marcos Paaralang Graduado.
The Institute of Historical Research. 2008. “Linguistic Turn” Naakses noong Agosto 23, 2020
https://archives.history.ac.uk/makinghistory/themes/linguistic_turn.html

You might also like