You are on page 1of 5

ANG PAGSASALIN

Tungo sa pagpapaunlad ng Wikang Pambansa

Michael M. Coroza

ABSTRACT

It has always been the belief that much is lost in translation. On the contrary, in this article, the author
asserts that much is gained if examined in the context of language development. Translation makes
possible for a language like Filipino to expand its vocabulary and idioms to meet the demands of users in
expressing contemporary experience verbally. The article ends with some highlights from the Salinan
2017: International Conference on Translation and Translation Studies organized by the Filipinas Institute
of Translation (FIT) last September 2017. Activities like this prove to be necessary steps in
professionalizing translation not just an academic activity but a practical discipline.

Karaniwang paniniwala na “maraming nawawala sa pagsasalin.” Bunga ito ng tanggap na katotohanang


walang anumang dalawang wika na may magkaparehong batayang sistema o estruktura. Kahit
magkatulad pa ang pasulát na anyo at halos magkalapit ang tunog kapag binigkas, hindi “banal” sa
Filipino ang “banal” sa Ingles. Gayundin naman, ang “banal” sa Filipino ay maaaring hindi ang “santo” o
“sagrado” sa Español. Kayâ hindi kataka-takang higit na pinili ng mga marubdob na mananampalataya na
bansagang “santo” kaysa “banal” ang Niño.

Sa ganito ring paraan, ang “autor” sa Español o ang “author” sa Ingles, na karaniwang tinutumbasan ng
“may-akda” sa Filipino, ay higit na pipiliing hiramin ng isang tapat na tagasalin bilang “awtor” sa
pangambang mawala ang implikasyong “pagkakaroon ng kapangyarihan” kung ang “may-akda” ang
gagamitin.

Mahalagang paglimian ang nasabing paniniwala hindi lamang bilang pamantayan o patakaran sa praktika
ng pagsasalin, kundi bilang prinsipyo sa pag-unlad ng wikang pinagsasalinan o tunguhang lengguwahe
(TL). Idiniriin ng paniniwalang ito ang pangangailangang magsalin o di-magsalin alinsunod sa posibleng
kahinatnan ng kahulugan ng simulaang teksto (ST) sa tunguhang teksto (TT). May salita, o pariralang nasa
simulaang lengguwahe (SL), na hindi dapat isalin kung masasakripisyo ang kahulugan sa TL. Hindi raw
kasi dapat málihis o málayô sa ST ang TT. Laging awtoridad ang ST. Ang TT ay tapat dapat na sumunod.
Kaugnay nito, laging parang itinuturing ang salin bilang “hamak na kopya” ng orihinal.

Naturalisasyon sa Pagsasalin
Magtatatlong dekada na halos mula nang igiit ni Vicente Rafael sa kaniyang Contracting Colonialism
(1988) na sa pagsasaling pangkultura, tulad sa pagsasaling-wika, iniaangkop ng tumatanggap sa kanyang
sariling konteksto ang anumang tinatanggap. Kayâ kung may naganap mang pananakop o pag-
impluwensiyang pangkultura, higit na umayon ito sa kung paano inunawa ng nasakop ang “di-hayag” na
pananakop.

Sa pagsasaling-wika, may nagaganap na mga lingguwistikong pag-aangkop alinsunod sa patakaran ng TL.


Ang anumang pagsasalin ay laging humahamon sa TL na balikatin ang kahulugang taglay ng teksto sa SL.
Tuwiran mang tumbasán o hindi ang isang salita o konsepto, laging humahanap ng paraan ang tagasalin
kung paanong magiging kauna-unawa ang tekstong isinasalin sa wika at kultura ng tatanggap na
mambabasá. Sa ganitong paraan, napapasukan ng marami at samot-saring pagbabago ang TL, maging
ang tunguhang kultura, depende sa dalas at lawak ng bago at banyagang danas na inililipat o isinasalin.

Tinatawag na naturalisasyon ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ang naturang proseso
ng pag-aangkop, na para sa kaniya ay isang ehersisyo ng pagkamalikhain at nagbubunga ng panibagong
bersiyon na hindi na ang katutubo ni ang banyaga—isang bagong orihinal. Sa ganito ring paraan
maaaring tingnan ang pag-unlad ng isang TL o wikang pinagsasalinan, tulad ng Filipino.

Isang malaking pangangailangan ang pagsasalin sa wikang ito bilang wikang pambansa ng Filipinas, na
isang bansang multilingguwal at multikultural. Laging hinahamon ng pagsasalin ang kakayahan ng wikang
ito na magtumbas ng mga salita at konsepto at manghiram mula sa mga SL bunga ng kawalan o
kakapusan nito. Halimbawa, nagtagumpay noong panahon ng Español na maitumbas sa “bautismo” ang
binyag. Ngunit, higit na namayani ang mga hiram na salitang Diyos, birhen, espiritu, santo, at maging ang
mga bahagyang nabagong kumpisal (confesar) at kasal (casar) sa mga Filipinong naging Katoliko.

Sa siglo 20 at hanggang sa ngayon, bunga ng sistema ng edukasyong nananatili pa ring nasa Ingles sa
pangkalahatan, higit na madali para sa marami ang paghiram ng mga terminolohiyang Ingles; madaling
naipapasok at nagiging bahagi ang mga ito sa pagpapahayag sa Filipino. Nasa pagsasalin o di-pagsasalin
(o panghihiram), kung gayon, ang paglawak ng bokabularyo ng isang wika. May paraan ng pag-iisip na
kapuwa nasa simulaang kultura at tunguhang kultura kayâ madaling naihahanap ng mga tumbásang
salita o parirala. Sa kabilang dako, ang paraan ng pag-iisip na nasa simulaang kultura, at kinakatawan ng
isang salita o parirala, na wala sa tunguhang kultura ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa TL.
Napipilitang mag-imbento o manghiram ng maipanunumbas.
Ang “trapik” na panawag sa pambansang karanasan ng masikip at mabagal na daloy ng sasakyan sa mga
pangunahing lansangan ng Filipinas ay salita na ng mga Filipino, na may kahulugang iba na sa orihinal;
“flow” o daloy lamang naman talaga ang ibig sabihin nito sa Ingles. Ang “kompiyuter,” “internet,”
“website,” “cell phone,” at iba pang mga kauring salita o parirala ay bahagi na ng karaniwang búhay natin
kayâ tuwiran na nating nahiram at hindi na kinailangan pang isalin o gawan ng katumbas na higit na
“katutubo” sa Filipino.

Noon pang dekada ’70 at ’80, iginiit na ni Rolando S. Tinio, Pambansang Alagad ng Sining, ang halaga ng
pagsasalin. Isang pag-angkin ang pagsasalin para sa kaniya. May paraang wala sa Filipino—wika at tao—
na naaangkin nito at nagdudulot ng pagbabago. Sa tinig na may pagkasarkastiko, retorikong tanong na
laging sinasabi niya ang ganito: “Bakit hindi puwedeng problemahin ng isang taga-Tondo ang problema ni
Hamlet?”

Sa isang long-playing album ng mga kantang isinalin niya sa Filipino at inawit ni Celeste Legaspi, ang
kaniyang komentaryo: “The purpose of translation is not to stifle or replace original creation, but to open
doors and windows for native genius by showing new possibilities and approaches for the Filipino
creator” (Ang layunin ng pagsasalin ay hindi upang pigilin o palitan ang orihinal na paglikha, bagkos ay
magbukas ng mga bagong pinto at bintana para sa katutubong henyo sa pamamagitan ng pagtatanghal
ng mga bagong posibilidad at pagdulog para sa manlilikhang Filipino).
Propesyonalisasyon ng Pagsasalin

Maláy sa ganitong mahalagang papel na ginagampanan ng pagsasalin sa pag-unlad ng wika, panitikan, at


kulturang Filipino, binabalikat ng kasalukuyang pamunuan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang
pagtataguyod ng mga aktibidad ukol sa paglinang at pagpapalaganap ng disiplina ng pagsasalin. Simula
noong kalagitnaan ng 2016, naghahandog ang KWF ng libreng “Sertipikong Programa sa Batayang Antas
ng Pagsasalin” sa mga interesado at kalipikadong indibidwal.

Ang sinumang lumahok at matagumpay na nakatapos sa tatlong araw na pagsasanay ay aangat sa antas
itermedyo at, kung makatutupad ng lahat ng mga kahingian, pagkakalooban ng sertipiko bilang
propesyonal na tagasalin. Isang hakbang, kung gayon, ang gawaing ito ng KWF tungo sa
propesyonalisasyon ng pagsasalin sa Filipinas. Maraming teksto mula sa iba’t ibang wikang katutubo at
umiiral sa bansa ang mahalaga at dapat maisalin sa wikang pambansa. Hanggang sa pagtatapos ng 2017,
nagkaroon ng apat na pambansang pagsasanay sa batayang antas at sa mahigit 100 pangkalahatang
bilang ng mga lumahok, 20 pa lamang halos ang nakapapasa at kalipikadong magpatuloy sa antas
intermedyong pagsasanay, na ang unang sesyon ay gaganapin sa bungad ng 2018.

Itinaguyod din ng KWF, sa pag-oorganisa ng Filipinas Institute of Translation (FIT), ang Salinan 2017:
Pandaigdigang Kumperensiya sa Pagsasalin at mga Araling Salin noong Setyembre 28-30, 2017, sa
Awditoryo ng Bulwagang Leong, Pamantasang Ateneo de Manila. Naging layunin ng kumperensiyang ito
ang mga sumusunod:

Maitanghal ang lawak ng saklaw ng pagsasalin bilang isang disiplinang akademiko at propesyonal na
larang na may mahalagang papel sa pandaigdigang ugnayan at globalisasyon;

Maitampok ang mga espesipikong kalakaran at pinakamaiinam na praktika ng pagsasalin mula sa iba’t
ibang kontekstong pangkultura at panlipunan sa iba’t ibang panig ng mundo;

Maiagpang sa mga karanasang pandaigdig ukol sa pagsasalin ang mga partikular na lokal na sitwasyon sa
praktika ng pagsasalin; at

Makapaglatag ng mga panukalang hangarin at hakbang para sa higit na internasyonal na kolaborasyon sa


pagsusulong ng mga proyekto sa pagpapalitang-teksto ng mga bansa sa mundo.

Naging mga pangunahing tagapagsalita sa kumperensiya sina Lawrence Venuti ng Temple University
(USA), Luise von Flotow ng Ottawa University (Canada), at Almario ng KWF at NCCA.
Naging sentro ng pagtalakay ni Venuti ang kritikal na kaibhan ng pagsasaling ayon sa modelong
instrumentalismo at modelong hermenyutiko. Ipinanukala niyang higit na dapat mamayani ang
modelong hermenyutiko sa pagsasalin.

Inihanay naman ni Flotow ang iba’t ibang aspektong dapat isaalang-alang sa pedagohiya ng pagsasalin.
Ibinahagi niya ang programang akademiko ukol sa pagsasalin sa School of Translation and Interpretation
ng Ottawa University, na katatapos niyang paglingkuran bilang direktor at may 17 taon nang
pinagtuturuan niya.

Binigyang-diin naman ni Almario ang “paglilipat” at “pagpapalit” bilang mga prinsipyo sa pagsasalin.
Natuon ang malaking bahagi ng kanyang pagtalakay sa ugnayan ng pagsasalin at paglinang ng wikang
pambansa, na pumukaw sa interes ni Venuti na nagkomentaryong ang programa ni Almario sa
pagpapaunlad ng Filipino ay walang katulad sa kasaysayan ng mga wika sa buong mundo. Bunga nito,
nagkasundo ang dalawa na magdaos ng pagpapalitang-kuro sa pamamagitan ng email hinggil sa
nasabing paksa. Lalagumin ni Venuti ang kanilang pag-uusap sa isang artikulong ipinangako niyang
ilalathala sa isang pandaigdigang dyornal.

Mahigit sa 400 delagado mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas ang dumalo bilang mga delegado sa
kumperensiya. Karamihan sa mga ito ay mga guro sa hay-iskul at kolehiyo. Sa kanyang bating pagtanggap
sa mga kalahok ng kumperensiya, hiniling ni Fr. Jose Ramon T. Villarin, SJ, pangulo ng Pamantasang
Ateneo de Manila, na harinawang higit na marami ang matagpuan kaysa mawala sa pagsasalin. Sadyang
ito naman talaga ang dapat asahan at tunay na mangyayari kapag naging matatag at kinikilala na ang
pagsasalin bilang disiplinang akademiko at propesyonalisado.

Michael M. Coroza. Puno ng Pambansang Komite sa Wika at Pagsasalin at kalihim ng Subkomite sa


Diseminasyong Pangkultura ng NCCA. Siya ay propesor ng panitikan at pagsasalin sa Kagawaran ng
Filipino, Paaralan ng Humanidades, sa Ateneo de Manila University; tagapangulo ng Unyon mga
Manunulat sa Pilipinas (UMPIL); at pangulo ng Filipinas Institute of Translation (FIT).
(mcoroza@ateneo.edu)

You might also like