You are on page 1of 2

K to 12, Baluktot na Daan tungo sa Kaunlaran

Ang K to 12 Basic Education Program ay unang inimplementa taong 2016 na


nakapaloob at nakabatay sa Republic Act 10533 o mas kilala na “Enhanced Basic Education
Act of 2013”, sa pamumuno ng dating Presidente na si Noynoy Aquino. Sa ilalim ng batas
na ito, nadagdagan ng dalawang taon ang pag-aaral ng mga kabataan sa sekundarya at
tinawag itong ‘Senior High School’. Isang layunin ng programa ay mas ihanda ang mga
kabataan sa pagtungtong nila ng kolehiyo, magkaroon ng agarang trabaho ang mga
magtatapos ng Senior High School at upang makipagsabayan tayo sa mga ibang bansa na
may 12 na taon na programa sa kanilang Basic Education. Nagbibigay din ng karagdagang
tulong pinansyal ang gobyerno sa pag-aaral ng mga kabataan. Ngunit sapat na ba ito upang
mapabuti ang ating bansa? Nakatulong nga ba ito sa mga mag-aaral? O maging sa mga
magulang at mga guro?

Maraming haka haka ang mga mamamayang Pilipino tungkol sa programang ito ng
Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa ikaapat na taon ngayon ng programa, marami pa ring
hindi naniniwala sa benepisyo na naidudulot ng programa sapagkat mas dumadami ang mga
problemang lumilitaw sa pagtagal ng programa. Kailan lang ay may mga napapabalita sa
iba’t ibang social media platforms tungkol sa pagtigil ng K to 12. Ngunit nanindigan ang
DepEd na hindi na matatanggal ang programa sapagkat naisabatas na ito.

Bilang isang mag-aaral at produkto ng K to 12 program, hindi rin ako kuntento sa


bagong kurikulum na ito. Bukod sa kulang kami sa mga materyal na gamit sa pag-aaral,
hindi rin isang daang porsyento ang paghahanda ng mga guro at maging ang gobyerno. Mali
mali ang mga nakapaloob sa mga libro. Kulang sa kaalaman ang mga nagtuturo. At mas
naging problema din ang kakulangan sa mga pasilidad para sa mga mag-aaral.
Nagkaproblema din ang karamihan sa pagkuha ng pinansyal na tulong mula sa gobyerno.
Patagalan sa proseso at kung minsan, hindi na rin umaasa ang iba dito. Maganda ang layunin
ng programa ngunit ang nakikita kong problema ay ang kakulangan sa paghahanda ng mga
awtoridad.

Tunay ngang kailangan ng pagbabago sa kalidad ng edukasyon sa bansa, ngunit paano


ito mangyayari kung ang mismong kurikulum ng bansa ay hindi maayos at mali para sa
karamihan. Maraming sinasayang na pera ang gobyerno sa programang ito ngunit wala
namang nakikitang magandang resulta dito. Gayunpaman, sana’y maalarma na ang DepEd at
ang gobyerno tungkol dito sapagkat ang mga mag-aaral, mga magulang at mga guro ang mas
naapektuhan sa suliraning ito. Maagap na solusyon at makatwirang rason ang kailangan ng
mamamayan. Kung patuloy itong mangyayari at walang pagbabago, hindi uunlad ang bansa
natin at mas lalo tayong mapag-iiwanan ng iba pang bansa. Baguhin ang sistema sa tamang
paraan at hindi sa baluktot na pamamaraan. Edukasyon ang pinakaimportanteng bagay para
sa karamihan kung kaya’t kailangan nating pagyamanin at pagandahin ang mga programang
ukol dito.

You might also like