You are on page 1of 3

Survey sa “walang trabaho” isang hamon sa DOLE upang higit na paghusayin ang

programa—Baldoz
Date Posted: February 7th, 2015 06:12 AM

Bagama’t may pagkakaiba sa pamamaraan ng pagsasagawa ng survey ng opisyal na Labor Force


Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng Survey on Adult Joblessness ng Social Weather
Station (SWS), kung kaya’t ang kanilang resulta ay hindi maikukumpara, sinabi kamakailan ni Kalihim
Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanapbuhay na ang pangkalahatang sitwasyon ng
trabaho sa ating bansa na ipinakikita ng dalawang survey ay hamon sa DOLE upang higit pang
paghusayin nito ang mga programa na tutugon sa pangangailangan ng manggagawang Pilipino ng
trabaho.
“Hindi kami dismayado sa resulta ng 2014 Fourth Quarter Survey on Adult Joblessness ng SWS,” tugon
ni Baldoz sa katanungan sa kaniya ukol dito sa seremonyang paggunita sa ika-88  kaarawan ng yumaong
dating Kalihim Blas F. Ople sa Malolos, Bulacan.
“Gayunman, gusto kong ipaliwanag na ang konsepto ng “joblessness” at “unemployment”— na kahit man
ang SWS ay maingat sa pag-uuri—ay dalawang magkaibang paksa,”dagdag ng Kalihim.
Ipinaliwanag niya na ang “job” o trabaho ay tumutukoy sa uri ng trabaho na ginagawa ng isang tao,
samantalang ang “employment” ay tumutukoy sa isang tao na may trabaho.
“Ang isang tao na may trabaho ay maaaring magkaroon ng mahigit sa isa pang trabaho, katulad ng isang
guro na nagtuturo sa isang pribadong paaralan na pagkatapos magturo ay isa ring part-time tutor. Siya ay
mabibilang na isang tao na may trabaho sa opisyal na Labor Force Survey.  Ang SWS survey ay
binibilang ang “kawalan ng trabaho”; ang Labor Force Survey ay binibilang ang mga tao na may trabaho,”
aniya.
Sinabi ni Baldoz na ang kahulugan ng “unemployed” o walang trabaho sa LFS ay sumasaklaw sa mga
tao na tumutugon sa tatlong pamantayan: (1) walang trabaho; (2) naghahanap ng trabaho; at (3)
maaaring magtrabaho.
“Ang isang tao na hindi tumutugon sa alinman sa isa sa tatlong pamantayan sa panahon na isinagawa
ang survey ay maituturing na “economically inactive” o wala sa  “labor force”.  Ang “labor force” ay ang
“working age population” na 15 taon pataas,” kanyang paliwanag.
Ipinaliwanag din ni Baldoz na ang reference period ng LFS para sa resulta ng SWS na mas mataas ang
‘joblessness’ ay dahil sa mas mahabang panahon ng sanggunian, dahil sa mas mahaba ang panahon ng
sanggunian, ay maaaring mas mababa ang bilang ng walang trabaho.
Ang reference period ng LFS para sa walang trabaho at sa naghahanap ng trabaho ay pitong araw (sa
nakaraang linggo), samantalang ang reference period para sa mga tinanong kung maaari silang
magtrabaho sa nakaraang linggo o sa loob ng dalawang linggo kasunod ng petsa ng panayam o survey.
Ang isa pang pagkakaiba na isinasaalang-alang kung kayat hindi maaaring ikumpara ang LFS at ang
SWS ay ang sample size ng survey.  Ang LFS ay nagsu-survey ng 51,000 kabahayan.
Sa “isang oras” na pamantayan na pagtukoy ng trabaho, sinabi ni Baldoz na ito ay pang-internasyonal na
pamantayan na sinusunod ng Pilipinas.
“Ang terminong ‘employment’ ay naka-angkla sa kabuuang konsepto ng produksiyon na itinakda ng UN
System of National Accounts (SNA), kung saan ipinahayag na anumang gawain na nakapaloob sa SNA,
maliit man ito, ay tinuturing na trabaho para sa layunin ng pagsukat ng ‘employment’ o trabaho.  Lahat ng
trabaho, ito man ay isang oras lang sa isang linggo, ay nakakadagdag sa kabuuang kita ng bansa, at
dahil dito, ito ay dapat mabilang,” aniya.
Sinabi ni Baldoz na kahit na ginamit ng SWS ang opisyal na kahulugan ng ‘unemployment’ sa 4th quarter
suvery ng 2014, ang resulta ng ‘joblessness’ ay umabot pa rin sa 7.3 milyong Pilipino base sa resulta
nito.
“Dito makikita na hindi maaaring ikumpara ang datos ng LFS at SWS survey.  Historically, ang resulta ng
survey ng SWS ay mas mataas sa resulta ng LFS,” aniya.  Matapos sabihin ito, sinabi ng Kalihim na kung
titingnan ang resulta ng SWS survey, may isang positibong resulta ito—ang 36 porsiyento na tumugon sa
survey ay nagsasabi na tataas ang bilang ng trabaho sa susunod na 12 buwan.
Sinabi niya na survey mang opisyal ng Labor Force Survey o ng SWS, o iba pang survey, ang DOLE ay
seryosong tumutugon sa problema ng unemployment.  “Tinitingnan namin ang SWS survey na “building
blocks” upang mas higit naming pag-ibayuhin ang aming istratehiya at programa sa pagpapaunlad ng
trabaho o empleyo.”
“Sa pagharap namin sa problema, nakikita namin nang mas maliwanag ang bawat anggulo nito.  Bilang
tugon, inatasan ko na ang Institute for Labor Studies ng DOLE na suriin ang datos ng SWS, hindi para
ikumpara, bagkus upang tingnan ang mga positibong aspeto na makakatulong sa DOLE upang mas
mapabuti ang pagtugon sa nasabing hamon,” aniya .
“Seryoso ang DOLE na tugunan ang problema sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programang
pangkabuhayan, katulad ng pagpapanatili ng katahimikan sa industriya ng paggawa, paghahatid ng
employment facilitation services, pamamahagi nang tama, naaayon, at napapanahong labor market
information; pagsasagawa ng career guidance at counselling; at pagbibigay ng karagdagang kasanayan
sa mga manggagawa,” paliwanag ni Baldoz
Isa sa mga programang ito ay ang JobStart Philippines, isang ‘full-cycle employment facilitation program’
na nagbibigay ng career guidance services, life skills training, job matching at referral, technical training,
at internship at naglalayong paigsiin ang job search period o school-to-work transition mula dalawang
taon hanggang siyam na buwan.
Sa ngayon, may 2,162 kabataan ang sumailalim sa career guidance, kasama na ang skills assessment,
labor market information, at one-on-one career coaching.  May 1,226 benepisaryo naman ang nagtapos
ng eight-day life skills training.
Ang DOLE, dagdag paliwanag ni Baldoz, ay patuloy na pinag-iibayo ang job fairs both on-site at virtual. 
Patuloy din nitong sinusuportahan ang Special Program for the Employment of Students, o SPES, kung
saan may mahigit na 200,000 mahirap, ngunit karapat-dapat na estudyante at out-of-school youth na
nabigyan ng oportunidad na kumita at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral nitong 2014.
Sa ilalim ng SPES, sinasagot ng DOLE ang 40 porisyento ng sahod ng benepisaryo, samantalang ang
kanilang employers—ahensiya ng gobyerno, tulad ng lokal na pamahalaan at pribadong kompanya, at iba
pang sponsor-institutions—ang nagbabayad ng 60 porsiyento.
Ang iba pang employment facilitation program na binanggit ni Baldoz ay ang Government Internship
Program (GIP), Youth Employment and Youth Entrepreneurship (YEYE) Program, at Training for Work
Scholarship Program, na nakakatulong upang tugunan ang youth unemployment.
Binanggit din niya ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program, o DILEEP, na
naglalayong bawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng : (1) transitional emergency employment; at (2)
promotion of entrepreneurship and community enterprises. Nitong nakaraang taon, 292,853 indibidwal na
benepisaryo ang nakinabang sa DILEEP.
“Nagsisikap kami upang harapin ang problema sa kakulangan sa trabaho at nakikpag-tulungan kami sa
iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang suliranin sa jobs mismatch sa pagpapatupad ng
programa sa employment facilitation, enhancing employability, strengthening social protection, at
promoting and sustaining industrial peace upang maka-attract sa mga investor at makagawa ng trabaho,”
aniya.

You might also like