You are on page 1of 8

Alamat ng Pinya

Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina
ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang
bugtong na anak kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng
mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin
ang mga itinuturo ng ina. Kaya’t pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng
gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang
lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at
nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano
ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumagawa sa
bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang
kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon
ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang
ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya’t nawika nito: “Naku! Pinang,
sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi
ka na tanong nang tanong sa akin.”
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis
siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay.
Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan
siyang bumangon at naghanda ng pagkain. Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing
na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung
nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita
ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya
alam kung anong uri ang halaman iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y
magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito.
Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata. Biglang naalaala ni Aling Rosa ang
huli niyang sinabi kay Pinang, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita
ang kanyang hinahanap.
Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang
sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa
palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging Pinya.

Pagtataya: Sagutin ng may buong pag-unawa ang mga tanong


mula sa binasang kuwento. Isulat ang sagot sa iyong kuwaderno sa Pagbasa.
1. Sino ang pangunahing tauhan ng kuwento?
2. Bakit siya naparusahan?
3. Ano ang parusang ibinigay sa kanya?
4. Bakit kaya ganun ang ginawad na parusa sa kanya?
5. Kung kayo si Aling Rosa, ano ang gagawin mo kay Pinang
upang mabago ang kanyang maling gawi?
Alamat ng Pakwan

Kaawa-awa ang batang si Juan. Ulila siya sa ama at ina. Nakatira siya sa
kanyang tiya at tiyo. Mga pilyo, tamad, at masasama ang ugali ng kanilang mga
anak. Malupit sila kay Juan. Sinisigawan, pinapalo at pinagtatawanan nila si Juan
kapag nagkakamali ito. “Pak-Juan” ang tawag nila sa pinsan na ang ibig sabihin ay
pangit si Juan.

Malaki ang ulo ni Juan. Maiitim ang kanyang mga ngipin at mapupula ang
kanyang makakapal na labi. Ngunit mabait, masipag at matulungin si Juan.
Nagtatrabaho siya sa bahay sa buong maghapon. Naglilinis, nagluluto, nag-aalaga
ng bata, at nagliligpit ng kinainan.

Minsan, nabasag ang hinugasang pinggan ni Juan. “Wala kang ingat,


maghuhugas ka lang ng pinggan ay mababasag pa”, sigaw ng kanyang tiya.
Pinagtawanan siya ng kanyang mga pinsan, “ha-ha-ha, Pak-Juan! Pak-Juan!”, ang
paulit-ulit na biro ng mga pinsan.

Hindi na nakatiis si Juan. Umiiyak siya. Tumawag siya at nanalangin sa


Poon. “Kung maari kunin mo na po ako! Hirap na hirap na po ako!”At biglang
nagdilim ang langit! Bumuhos ang malakas na ulan. Kumidlat at kumulog.
Kinabukasan, di na nakita ng mag-anak si Juan.

Sa halip, isang halamang may bungang simbilog ng ulo ni Juan ang kanilang
nakita. Biniyak nila ang bunga. Simpula ng mga labi ni Juan ang laman nito at
sing-itim ng mga ngipin ang mga buto. Nagsisi ang mga anak. “Juan, sana’y
mapatawad mo kami”, ang sabi nila sa sarili. Nagbago sila ng ugali. Inalagaan nila
ang halaman. Tinawag nila itong Pak-Juan. Sa paglipas ng mga araw, nang Pakwan
ang tawag sa halaman. Iyon ang simula ng pagkakaroon ng halamang pakwan.

Sagutin ang mga tanong:


1. Sino ang pangunahing tauhan sa kwento?
2. Ano-ano ang mga katangian ni Juan?
3. Paano tratuhin ng magkakapatid si Juan?
4. Bakit nagsisi ang mga magkapapatid sa ginawa nila kay Juan?
5. Ano ang aral na natutunan mo sa kwento?
Ang Mabuting Samaritano

Isang lalaki ang naglakbay mula Jerusalem patungong Jerico. Sa daan ay hinarang siya,
pinagnakawan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos wala nang buhay ng masasamang
loob.

Isang pari ang napadaan kung saan nakahandusay ang lalaki. Ngunit nang makita niya
ang lalaki, sa kabilang gilid ng daan siya lumakad.

Ganito rin ang ginawa ng isang napadaang Levite.

Isang Samaritanong naglalakbay ang napadaan at nang makita nito ang lalaki ay
nakadama ito ng labis na pagkaawa. Nilapitan niya ang lalaki at tinulungan ito.
Pinahiran niya ng langis at alak ang mga sugat ng lalaki at saka binendahan. Pagkatapos
ay isinakay niya ito sa kanyang kabayo at dinala sa isang bahay panuluyan kung saan
niya inalagaan ang wala pa ring malay na lalaki.

Kinabukasan, bago umalis ang Samaritano ay binigyan niya ng dalawang pilak ang
namamahala sa bahay panuluyan at ipinagbiling alagaan ang lalaki.

“Alagaan mo siya at sa pagbabalik ko ay babayaran ko ang lahat ng magagastos mo sa


kanya.”

Pagtataya: Sagutin ng may buong pag-unawa ang mga tanong


mula sa binasang kuwento. Isulat ang sagot sa iyong kuwaderno sa Pagbasa.

1. Bakit sa palagay mo “Ang Mabait na Samaritano” ang pamagat ng kuwento?


2. Sinu-sino ang tatlong napadaan sa kinaroroonan ng lalaki?
3. Maaari mo bang ilahad kung sino ang unang dumaan, ikalawa at ikatlong dumaan?
4. Sa paanong paraang tinulungan ng Samaritano ang lalaki?

5. Kung ikaw ay napadaan sa mismong kinaroroonan ng lalaki, ano ang gagawin mo?
Bakit?
Pambansang Pintor

"Anak," malumanay at wari'y bantulot na wika ng ina kay Fernando. "Kailangang


makapagpatuloy ka ng pag-aaral. Ang iyong tiyo lamang ang makatutulong sa atin
para makapag-aral ka. Papayag ka ba na tumira sa Tiyo Fabian mo?"

"Opo, Nanay," walang atubiling tugon ni Fernando. "Kayo po ang masusunod;


kaya lang magkakalayo po tayo." "Hindi bale, Anak, madadalaw naman kita
paminsan-minsan," wika ng ina na pilit pinasasaya ang mukha.

Maglalabindalawang taon na si Fernando Amorsolo nang magsimulang tumira siya


sa kanyang Tiyo. Pinapag-aral siya sa Liceo de Manila. Sa isang paligsahan sa
pagguhit, nagkamit siya ng unang gantimpala at pangatlong gantimpala naman sa
aritmetika. Ang kanyang angking talino sa pagguhit ay lalong naging matibay
pagkat sa tuwi na'y namamasid niya ang mga paraan sa pagguhit ng kanyang Tiyo
Fabian na may pangalan na rin sa larangang ito.

Nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas at isa siya sa kauna-


unahang nagtapos ng sining sa pagguhit noong 1914. Nakita ng isang pilantropo na
si G. Enriquez Zobel ang kakayahan ni Fernando sa pagguhit, kung kaya't siya'y
pinagkalooban ng libreng pag-aaral sa Espana. Ang iba't ibang pagkakataong
makapag-aral sa ibang bansa ay nabuksan sa kanya dahil sa kaakit-akit na mga
likha niya. Ang karaniwang paksa niya ay ang mga tanawing bukid,
makasaysayang pangyayari at iba't ibang mga larawan ng tao tulad ng isang
matanda o mayuming dalagang nayon. Kapuri-puri ang kasanayan niya sa
pagbibigay pansin sa pinanggalingan ng liwanag sa mga iginuguhit niya. Ito ang
dahilan kung bakit naiiba ang kanyang mga likha at ipinahayag na siya ang pintor
noong mga pandalampuang taon (1920's) hanggang sa sumunod na mga taon pa.

Naging director siya ng School of Fine Arts ng Pamantasan ng Pilipinas hanggang


sa kanyang pagreretiro noong 1957. Ang kanyang naiwang mga alaala na bunga ng
sipag at pagtitiyaga ang siyang susi sa pagiging isang Pambansang Pintor.

Sagutin ang mga tanong:


1.Sino -sino ang mga tauhan sa kuwento?
2.Ilang taon na si Fernando Amorsolo ng tumira siya sa kanyang tiyo?
3.Ano ang dahilan sa pagtira ni Fernando sa kanyang tiyo?
4.Ano ang angking kakayahan ni Fernando?
5.Bakit siya tinaguriang Pambansang Pintor?
Si Mariang Mapangarapin
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya.
Ano pa’t masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang
pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang
nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising.
Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit
si Maria bagkus pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa
pangalan niya.
Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok.
Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng
nag-iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa
mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka
niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito
ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng
araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming
itlog.
Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nangitlog ang lahat
na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga
inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay
ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-
kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.
At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo
ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si
Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap
nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog.
Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida
at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang
paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!
Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan.
Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng
pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.
Sagutin ang tanong;
1. Bakit tinawag si Maria na mapapangarapin?
2. Paano inalagaan ni Maria ang mga natanggap niyang itlog?
3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng pangarap ni Maria?
4. Anong katangian ni Maria ang hindi mo dapat tularan at bakit?
5. Ano ang dapat mong taglaying katangian para matupad ang iyong pangarap?
Ang Tatlong Maliliit na Baboy
May tatlong biik na nagdesisyong maglakbay upang hanapin ang kanilang
kapalaran. Napag-usapan ng mga biik na kapag nakakita sila ng maayos na lugar para
sa kanila ay sisimulan na nilang magtayo ng bahay.

May pagkatamad ang unang biik kung kaya't nagtayo siya ng sarili niyang bahay na
gawa sa mga dayami. Isang araw dumating ang isang malaking lobo, sa isang malakas
na pag-ihip lamang ay napatumba nito ang bahay na ginawa ng unang biik.

Sa takot na makain ng lobo ang unang biik ay nagtatakbo siya patungo sa ikalawang
biik.

Wais naman si pangalawang biik kaya nagtayo siya ng kanyang bahay na gawa sa
kahoy at pawid, ngunit nang dumating nanaman ang malaking lobo, natulad lamang
ang kanyang bahay sa naunang biik. Sa takot ng dalawang biik ay nagtatakbo naman
sila patungo sa bahay ng ikatlong biik.

Ang ikatlong biik ay masipag at matalino. Nagtayo siya ng bahay na gawa sa bato.

At hindi nga nagtagal ay dumating na ang malaking lobo. Hinipan nito ng paulit-ulit
ang bahay ng ikatlong biik, ngunit hindi siya nagtagumpay. Naiisip ng lobo na
magdaan sa chimineya upang makapasok sa loob.

Dahil sa nangyari sa naunang dalawang bahay ng mga biik. Naglagay sila ng apoy at
nagsalang doon ng mainit na tubig upang sa gano'n ay mapaso at masunog ang lobo
kung sakali mang dumaan ito sa chimineya. At ganoon nga ang nangyari, nagdaan sa
chimineya ang lobo at doon tuluyang napaso. Nagtatakbo ang lobo sa sakit at hindi na
muling nagbalik.
Sagutin ang mga tanong:
1. Sino -sino ang tauhan sa kwento?
2. Sino ang tamad sa mga biik?
3. Bakit tumakbo ang pangalawang biik sa bahay ng ikatlong biik??
4. Ano ang naisip ni lobo upang sila ay makapasok sa loob ng bahay ng ikatlong
biik?
5. Ano ang aral na natutunan mo sa kwento?
Alamat Ng Rosas
Noong unang panahon ay may isang magandang dalaga mula sa malayong bayan
ng Tarlac na Rosa ang pangalan. Bukod sa angking kaganda ay nakilala rin si Rosa na
gagawin ang lahat para mapatunayan ang tunay na pag-ibig.
Ayon sa kwento nakatakda nang ikasal si Rosa kay Mario nang matuklsang may
malubhang sakit ang lalaki. Sa kabila ng lahat ay pinili ng dalaga na pakasal sila para
mapaglingkuran ang lalaki hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito.
Gayunman ay hindi pumayag si Mario. Anang binata ay sapat na sa kanya na
baunin ang pag-ibig ng dala sa kabilang buhay. Pinaglingkuran ni Rosa si Mario. Hindi
siya umalis sa tabi nito. Ang ngiti niya ang nasisilayan ni Mario sa pagmulat ng mata
at ang kanya ring mga ngiti ang baon nito sa pagtulog.
Ang mga ngiti rin ni Rosa ang huling bagay na nasilayan ni Mario bago panawan
ng hininga.
Ang mga ngiti ni Rosa ay hindi napawi kahit nang ilibing si Mario at kahit nang
dinadalaw ang puntod nito at pinagyayaman. Nang tanungin kung bakit hindi nawala
ang ngiti sa mga labi ay ito ang sabi niya.
"Alam kong nasaan man si Mario ay ako lang ang babaing kanyang minahal.
At alam ko rin na maghihintay siya sa akin para magkasama kami na hindi na
maghihiwalay pa."
Naging inspirasyon ng iba ang ipinakitang lalim ng katapatan at pagmamahal ni
Rosa sa katipan.
Bago namatay ay hiniling ni Rosa na sa tabi ng puntod ni Mario siya ilibing.
Kakatwang may tumubong halaman sa kanyang puntod at kayganda ng naging
mga bulaklak.
Tinawag nilang rosas ang mga iyon bilang alaala ng isang dalagang simbolo ng tunay
ng pag-ibig
Sagutin ang mga tanong:
1. Sino-sino ang tauhan sa kwento?
2. Ano- ano ang mga katangian ni Rosa?
3. Ano ang hiniling ni Rosa bago siya namatay?
4. Bakit tinawag na rosa ang bulaklak na tumubo sa tabi ng puntod?
5. Ano ang aral na iyong natutunan sa kwento?

You might also like