You are on page 1of 1

Alamat Ng Sibuyas

Si Buyas ay anak ng manggagamot ng isang tribo na nakatira sa paanan ng bundok ng  


Sierra Madre. Maliit pang bata ay kapansin-pansin na ang pagiging sensitibo ni Buyas. Lalo
siyang naging maramdamin nang isilang ang bunsong kapatid. Maganda ang kapatid kung
ihahambing kay Buyas kaya agad napapansin ang kaibahan nila. Palibhasa ay marami ang
nagpapagamot sa ama, kadalasan ay maraming tao sa kanilang kubo. Hindi mai-alis na
mapansin ang mag-kapatid dahil maliit lang ang kubo at doon mismo nanggagamot ang
kanilang ama.
"Kayganda ng inyong bunso," madalas ay sinasabi ng mga nagpupunta roon.
"Maganda rin si Buyas," madalas ay maririnig ng kanyang ina. Ayaw na ayaw ni Buyas na
maririnig ang ganyong usapan. Agad na siyang pupunta sa likod ng kubo at doon uubusin ang
oras hanggang maubos ang kanyang mga luha.Nang magdadalaga si Buyas ay umibig siya sa
isang makisig na binata. Ang problema, ang bunso niyang kapatid ang gusto ng lalaki.
Masakit na masakit sa loob ni Buyas tuwing aakyat ng ligaw ang binata sa kapatid. Ang
gagawin niya ay magtatago sa kanilang likod-bahay at doon i-iiyak ang bigat ng damdamin.
Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ni Buyas ngunit wala itong magawa. Hindi nito
mapanghihimasukan ang puso ng binata. Isa pa ay paano naman ang damdamin ng bunsong
anak? Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang mga magulang upang hingin ang kamay ng
kapatid ni Buyas. Nais raw pakasal ng dalawa sa ikalawang pag-bilog ng buwan.
Labis na dinamdam ni Buyas ang kamatayan ng pag-ibig. Kinabukasan ay hindi na nakita si
Buyas. Naglaho siyang tila bula. Sumapit at natapos ang araw ng kasal ng bunsong kapatid ay
hindi na nakita si Buyas. Isang umaga, habang nagwa-walis sa likod-bahay ang ina ay napansin
nito ang isang halamang tumubo roon. Nang bunutin iyon ng babae para itanim sa mas maayos
na lugar ay nakita ang bilog nitong mga bunga. Natuklasan ng ina na maaaring ipanahog sa
pagkain ang bunga. Pero higit sa lahat, natuklasan nitong nakapag-papaiyak ang bunga pag
hinihiwa. Naalala tuloy ng ina ang anak na si Buyas. Pinangalanan nitong buyas ang bungang
iyon. Ang buyas ay naging sibuyas makaraan ang maraming panahon.

Sagutin ang mga tanong:


1. Sino -sino ang tauhan sa kwento?
2. Saan nangyari ang kwento?
3. Bakit madalas pumunta si buyas sa likod ng kanilang kubo?
4. Ano ang nangyari kay buyas ng ikasal ang kanyang kapatid?
5. Saan ginagamit ang sibuyas?

You might also like