Ang “Parabula ng Nawawalang Tupa” ay hango sa Bibliya
na matatagpuan sa aklat ng Lucas Kabanata 15 talata 1 hanggang 7 (Lucas 15:1-7).
Isang araw ay lumapit kay Hesus ang mga taong
makasalanan at mga maniningil ng buwis upang makinig sa kaniyang mga turo. Nakita ito ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng kautusan kaya sila ay nagbulung- bulungan. Nakikisama at nakikisalo raw umano si Hesus sa mga taong makasalanan. Nang marinig ito ni Hesus ay kaniyang ibinahagi ang talinghaga ng nawawalang tupa. May isang lalaki na may isandaang tupa ngunit nawala ang isa. Iniwan niya ang siyamnapu’t siyam at hinanap ang nawalang isa. Nang makita ang nawawalang tupa ay masaya niya itong pinasan saka umuwi. Pagdating sa bahay ay inanyayahan niya ang kaniyang kaibigan at mga kapitbahay at sinabing, “Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!” Makaraang ilahad ni Hesus ang talinghaga ay kaniyang sinabi, “Magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”