You are on page 1of 7

Ang pananaliksik ay isang komprehensibo at kawili-wiling gawain.

Nabibigyan ang bawat


mag-aaral o indibidwal ng pambihirang pagkakataon na makatuklas at makasuri ng mga hindi batid
na kaalaman na makatutulong sa pagpapalawak ng mga karanasan, karunungan, at pati na rin sa
kanyang sariling paglago.

Mga Kahulugan at Katuturan ng Pananaliksik

Ang pananaliksik ay isang sistematikong proseso ng imbestigasyon o pangangalap ng mga


datos sa layuning magbigay kasagutan sa mga tanong at solusyon sa suliranin ng isang mananaliksik.
Mayroong iba't ibang mga kahulugang inilahad ang iba’t ibang dalubhasa at awtor sa pananaliksik.
Pansinin natin ang ilan sa mga sumusunod:

➢ Ayon kay Pacay III (2016, 53), ang pananaliksik ay masistemang gawain ng pagsusuri at
pag-aaral ng mga materyal at paksa at ang pinagmulan nito upang makabalangkas ng mga
makatotohanang pagpapaliwanag at makapagtamo ng mga bagong pagdulog at kongklusyon ukol sa
isa o higit pang larangan.

➢ Dagdag pa ni Jocson (2016, 276), ang pananaliksik ay isang sining. Ito ay paraan ng
paghahanap ng teorya, pagsubok o paglutas sa mga teorya na gamit sa komprehensibong pag-aaral.

➢ Ano’t ano pa man, iisa ang tinutumbok ng lahat ng depinisyon, ang pananaliksik ay isang
proseso ng pangangalap ng datos o impormasyon ukol sa isang bagay upang lubusang maunawaan
ito. Sa pamamagitan ng sistematikong pananaliksik, nagkakaroon ng resolusyon, predikasyon at
paliwanag ang mga usapin at suliranin (Bernardino, et al., 2016, 124).

➢ Bilang paglalagom sa mga naunang depinisyon, maaari nating magamit ang kasunod na
salin ng sipi mula kina Calderon at Gonzales (1993, sa Bernales 2016, 223), bumalangkas sa isang mas
komprehensibong anyo, ang pananaliksik ay maaaring tukuyin bilang isang sadya, sistematiko at
makaagham na proseso ng pagtitipon, pagsusuri, pag-uuri, pag-aayos, paglalahad, at
pagpapakahulugan ng mga datos para malutas ang isang suliranin, masagot ang mga hula o haka,
matuklasan ang katotohanan, o para mapalawak o mapatunayan ang umiiral na kaalaman, lahat ay
para mapapanatili at mapapabuti ang kalidad ng buhay ng tao.

LAYUNIN NG PANANALIKSIK

Sa pagsasagawa ng pananaliksik, binanggit ni Jocson (2016, 277), ang ilan sa mga layunin na
dapat mong mabatid sa gawaing ito. Dapat na:

A. Makatuklas ng mga bagong impormasyon, ideya at konsepto;

B. Makapagbigay ng bagong pagpapakahulugan o interpretasyon sa dati nang ideya;

C. Mabigyang-linaw ang isang mahalagang isyu o paksa;

D. Makapagbigay ng mungkahing solusyon sa suliranin;

E. Makapagpatotoo o makapangatuwiran sa tulong ng mga mapananaligan na dokumento


tungkol sa mga paksang nangangailangan ng paglilinaw; at

F. Makapagbibigay ng mga ideya o mungkahi batay sa pangkasaysayang perspektibo para sa


isang pangyayari o senaryo.

MGA HAKBANG SA PAGBUO NG MAKABULUHANG PANANALIKSIK

Narito ang mga hakbang sa paggawa ng makabuluhang pananaliksik na hinango mula sa iba’t
ibang awtor na eksperto sa ganitong larangan.

1. Pumili ng tiyak na paksa at pagkatapos limitahan ang paksang napili. Ayon kina Taylan,
Petras, Geronimo (2016, 150), ang mabisang pananaliksik ay nakabatay sa makabuluhang suliranin
na tinatawag na gap. Ang pagpapasya sa kritikal na isyu o gap ng pananaliksik ang pangunahing
isaisip ng mananaliksik sa pormulasyon ng pipiliing paksa. Simulan ang panimulang gawaing ito sa
pagpili at pagpapasya ng tiyak at limitadong paksa batay sa mga kasunod na katangian ng mahusay
na paksa sa larangan ng wika at kultura:

A. Tiyaking ang paksa ay malapit sa interes ng mananaliksik at pagkokonsidera sa kapakanan


ng paksa;

B. Makapagtitiyak ng sapat na materyales o sanggunian;

C. Makabubuo ng mga tiyak na suliranin at haypotesis;

D. May katangiang napapanahon at nakapag-aambag sa kasalukuyang kalagayan o


phenomena sa larangan ng wika at kultura;

E. May matibay na ugnayan at kabuluhang mapaglalapatan ng angkop at malayang metodo o


pamamaraan;

F. Paksang nakapagpapayaman sa pag-unawa, pagdalumat, at pagpapahalaga sa anomang


isyu o usapin sa larangan ng kultura at wika.

Sa pagsisimula ng pagpili ng paksang pampananalikisk, nakabubuo ang mga mananaliksik ng


malawak na paksa na kinakailangang limitahan at itakda ang saklaw upang higit na malinaw ang tiyak
na pokus ng pananaliksik. May ilang tiyak na pokus sa paglilimita ng paksang pampananaliksik na
nakatuon sa uri, panahon, grupong kinabibilangan, perspektiba, edad, kasarian at lugar.

2. Sumulat ng pamagat pampananaliksik pagkatapos pumili ng paksa. Ang paggawa ng


pamagat pampananaliksik ay hindi madaling buuhin lalo na sa mga baguhang mananaliksik, ngunit
may mga paraan ito kung paano gawin.

Una. Madalas ang paksang pampananaliksik ay binubuo ng tatlong bahagi (Sojor, Sitoy at Olis,
2004):

a. Pokus sa Pag-aaral (Object of the Study)

b. Populasyon o Respondente (Sample Population)

c. Lugar (Setting or Research Site)

Halimbawa: “Mga Piling Telenobela sa Pilipinas: Bilang Awtentikong Materyal Sa Pagtuturo


ng Kultura sa mga Mag-aaral Sa Piling Kolehiyo sa Metro Manila”

Pokus sa Pag-aaral: Mga Piling Telenobela sa Pilipinas

Populasyon o Respondente: mga Mag-aaral Sa Piling Kolehiyo

Lugar: Piling Kolehiyo sa Metro Manila

Pangalawa: Mula sa nilimitahang paksa ay pwede nang gumawa ng pamagat sa gagawing


pananaliksik sa pagpapatuloy nito. Makatutulong ang paggawa ng T-chart sa paggawa ng Pamagat
mula sa paksang napili.

Pagsulat ng Pamagat Batay sa Paksa (Pacay III, 2016, 64)


3. Isunod ang pagbuo ng tesis na pahayag. Ito ay makatutulong upang mabigyangdiin ang
perspektiba ng binalak na pag-aaral. Ang tesis na pahayag ay isang pangungusap na kinapalooban ng
tiyak na paninindigan o pananaw ng isang mananaliksik, at upang makabuo nito, kailangang ilahad
ng mananaliksik ang kanyang nilimitahang paksa at dagdagan ng komento. May kasabihan na “Kung
walang pahayag na tesis ang isang akademikong papel kawangis ito sa isang sasakyan na walang
tsuper”. Samakatwid, napakahalaga ng tesis na pahayag anuman ang anyo ng pananaliksik upang
makapagbuo ng matatag na tunguhin o direksyon ang papel-pampananaliksik at hindi kung saan-
saan nakapaling ang pagtalakay.

Halimbawa ng tesis na pahayag:

Ang Telenobela ay awtentikong materyal na ginagamit sa pagtuturo ng kultura sa mga Mag-


aaral.

Ang tesis na pahayag ay isinusulat sa bahagi ng introduksiyon madalas matatagpuan ito sa


hulihang bahagi ng talata. Mas makabubuti na ang iyong pahayag ay may kalakip o pinagbatayang
kaugnay na literatura o pag-aaral.

Halimbawa: Ayon sa pag-aaral nina Manije (2014), ipinapakita ng mga telenobela ang kulturang
ating iniingatan…

4. Mangalap ng datos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kaugnay na literatura at kaugnay


na pag-aaral. Mas mainam kung sa unang bahagi pa lamang ng pananaliksik ay may sapat nang pag-
unawa ang mananaliksik sa paksang napili nang sa gayon ay magiging madali para sa kaniya ang iba
pang mga kasunod na bahagi. Mabibigayan ng karagdagang ideya ang mananaliksik sa kaniyang
pagbabasa ng mga kauganay na literatura at pag-aaral, at malalaman niya rin kung ang binabalak na
paksa ay may kahalintulad na o di kaya naman ay wala pang bastanteng batis o sanggunian.

Mga uri ng Hanguan ng mga Impormasyon (Bernardino, et.al. 2016, 141)

A. Haguang Praymarya – kung saan ang datos o ideyang kinalap ay nanggaling mismo sa
direktang hanguan o indibidwal, awtoridad o organisasyon. Halimbawa nito ay pakikipanayam o
interbyu sa kinauukulan.

Halimbawa:

Ayon kay Gng. Cadorna, Guro sa Filipino sa kanyang panayam hinggil sa kahalagahan ng
pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino, sinabi niya na mahalaga ang papel na ginagampanan ng
pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino sapagkat sa pamamagitan ng gawaing ito, natutulungan
tayong tuklasin ang pinagmulan ng yaman ng wika at kultura natin. Samakatuwid, napag-iibayo pa
natin ang paglilinang at pagtatangkilik sa sariling atin.

B. Sekondaryang Hanguan – kung saan ay tinutukoy ang mga hanguang limbag na dokumento
tulad ng aklat, journal, magasin, pahayagan, artikulo, mga naunang pag-aaral na tesis, disetasyon,
pananaliksik, mga manwal at iba pa.

Halimbawa: Sa pamamagitan ng sistematikong pananaliksik, nagkakaroon ng resolusyon,


predikasyon at paliwanag ang mga usapin at suliranin (Bernardino, et al., 2016).

Tandaan: Ang mga hanguang primarya at sekondarya ay maaaring makuha sa pamamagitan ng


online o print. May ilang hanguan na makikita lamang online subalit may ilang print na makikita na
sa Web. Makakakita na ng maraming hanguang nakalimbag sa silid-aklatan subalit ilan sa mga ito ay
online na rin.

C. Hanguang Elektroniko o Internet – ang mga datos o impormasyon ay mababasa at makukuha


online, ngunit laging isaisip na hindi lahat ng impormasyong naririto ay mapagkakatiwalaan sa
dahilang ang ilang website ay hindi gaanong mahigpit sa mga impormasyon lalo na kung walang
aministrador ang site kaya nararapat lamang na suriin ang mga datos na makukuha rito at
siguraduhing may angking kredibilidad ang mga ito. May ilang paalala sa pagkuha ng impormasyon:
Dapat ang impormasyong makukuha ay naipaliwanag nang maigi at nasuportahan ng mga ideya; Ang
mga impormasyon sa website ay hindi naaaksis at nababago ng kung sino-sino lamang; Isaalangalang
ang kredensyal ng sumulat at website at kung wala bang pagkiling sa ideya.

Halimbawa:

Ang bawat tao ay may kinabibilangang kultura na siyang kinalakhan niya at nagtuturo sa kanya sa
mga papel na dapat niyang gampanan sa lipunan at kung paano niya ito maisagawa sa pamamaraang
maituring na kanais-nais. Higit sa lahat ang kulturang ito ang kanyang sandigan at gabay sa kanyang
paglalakbay tungo sa makabulohang buhay at nabibigyang anyo, naipahayag, at naipasa sa ilang
henerasyon sa pamamagitan ng wika (Robrico, 2009).

5. Bumuo ng mga layunin sa pag-aaral upang mailahad ang suliraning pampananaliksik. Sa


pagbuo o pagsulat ng layunin ng pag-aaral dapat matatagpuan dito ang mga tiyak na dahilan kung
bakit kailangang isagawa ang pagaaral at mga tiyak na suliranin na nakasulat sa anyong patanong.
Pansinin ang kasunod na halimbawang hinalaw at isinalin sa pananaliksik na “Level of Confidence of
Manjuyod Secondary Schools Athletes as Influenced by Their Coaches’ Coaching Styles: A Basis for
Effective and Efficient Coaching Strategies” - Cadorna (2018)

Paglalahad ng Suliranin:

Ang pag-aaral na ito ay tumutukoy sa antas ng tiwala sa sarili ng mga atleta sa mga paaralang
sekundarya ng Manjuyod habang may kompetisyon at istilo ng pagsasanay ng mga tagasanay batay
sa pananaw ng mga atleta habang isinasagawa ang pagsasanay at paligsahan.

Layunin ng pananaliksik na ito na masagot ang mga sumusunod na tiyak na katanungan:

1. Ano ang antas ng tiwala sa sarili ng mga atleta habang may kompetisyon tulad ng Negros
Oriental Athletic Association (NORAA) na palaro?

2. May kaugnayan ba sa pagitan ng antas ng tiwala sa sarili at propayl ng mga atleta?

6. Isulat o ilatag ang mga haypotesis ng pag-aaral. Bilang mananaliksik kailangan mong maitala ang
pinakalohikal o pinakamaktawirang mga palagay ukol sa isyu nang sa huli ay mapatunayan,
mapatibay, masusugan o mapasubalian. Sinasagot nito ang tanong na: Ano-ano ang mga
makatwirang pagpapalagay o haka ng mananaliksik ukol sa kanyang paksa?

Mga uri ng Haypotesis (Pacay III 2016, 66)

1. Haypotesis na Deklaratibo – Kilala rin sa tawag na direksyunal na haypotesis at nakatuon sa


paglalahad ng positibong ugnayan ng dalawang salik sa pananaliksik. Ang unang salik o bahagi bilang
siyang sanhi at ang pangalawa bilang siyang bunga.

2. Haypotesis na Prediktibo – isa itong uri ng haypotesis na kaugnay ng pagbibigay ng isang


kondisyonal na sitwasyon sa paksa. Ang kahalagahan ng prediksyon ay matutukoy at masusuri
matapos isakatuparan ang panukala o rekomendasyon ng pananaliksik.

3. Haypotesis na patanong – maaari ding magsilbing haypotesis ang mga lohikal na tanong na
nailalahad sa isang pananaliksik. Masusuri ang kahalagahan at ang mga sagot sa mga patanong na
haypotesis na ito pagkatapos ng pananaliksik.

4. Haypotesis na Null – tinutukoy ang walang direktang ugnayang umiiral sa mga saliksik na naitala
kaugnay ng problemang pinapaksa ng pananaliksik. Madalas ginagamit ang ganitong uri sa mga
pananaliksik na kwantitatibo o gumagamit ng isang tiyak na estadistikal na pagsusuri sa pananaliksik.
Sa apat na uri ng haypotesis na binanggit sa itaas ang pinakamadalas na ginagamit sa pananaliksik ay
ang haypotesis na null.

Halimbawa:

Ho1: Walang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng antas ng tiwala sa sarili at propayl ng


mga atleta.
7. Gumawa ng sarbey-kwestyuner mula sa nabuong layunin ng pag-aaral. Ang isang sarbey ay isang
tiyak na mga katanungan na maaaring maisagawa sa pamamagitan ng isang papel at panulat at ito’y
iyong ibabahagi at sasagutan ng mga respondente o kalahok sa iyong pag-aaral pagkatapos itong
maipakita sa iyong guro. Dahil mag-uumpisa ka pa lamang sa iyong pananaliksik mas mainam gamitin
ang talatanungan na binubuo ng closed-ended na mga katanungang may tiyak na sagot na
pagpipiliian. Dapat mong tandaan na kailangang magkaugnay ang layunin ng iyong pag-aaral at ang
nilalamang mga katanungan ng iyong kwestyuner. Huwag gumawa ng tanong na hindi naman hiningi
sa layunin ng iyong pag-aaral.

Halimbawa:

1. Ano ang antas ng tiwala sa sarili ng mga atleta habang may kompetisyon?

8. Tiyakin kung ano nga ba ang kahalagahan ng isasagawang pag-aaral. Bilang mananaliksik dapat
batid mo mismo ang kahalagahan ng iyong pananaliksik at naisa-isa mo na kung sino-sino ang
makikinabang sa iyong isasagawang pag-aaral.

Halimbawa:

Mga Atleta sa mga Paaralang Sekondarya ng Manjuyod. Ang resulta ng pagaaral na ito ay
magagamit bilang batayan sa pagsasagawa ng programa na makalilinang at makauunlad sa antas ng
tiwala sa sarili ng mga atleta sa mga paaralang sekondarya ng Manjuyod sa gayon makakamit nila
ang pinakamahusay na pagganap sa mga panahon ng kompetisyon.

Mga susunod na mananaliksik. Ang pag-aaral na ito ay makatutulong sa mga susunod na


mananaliksik na magsasagawa ng kaugnay na pag-aaral sapagkat ang resulta nito ay maaari nilang
gamiting batayan o sanggunian sa isasagawang pananaliksik.

9. Bumuo ng Teoretikal at Konseptwal na Balangkas. Makakabuo ka ng guhit ng isang balangkas


kung malawak na ang iyong kaalaman sa paksang napili bunga na rin ng iyong pagbabasa ng mga
kaugnay na literatura at pag-aaral. Sa pamamagitan ng pagbuo ng teoretikal at konseptwal na
balangkas, nagkakaroon ng mas malinaw na paglalahad ang isang suliranin ng isang pananaliksik
kung ano-ano at papaano nagkakaugnay-ugnay ang bawat baryabol sa isa’t isa. Batay kina Graciano
at Raulin (2013), na binaggit naman nina Bernardino, et.al. (2016, 129), sa pamamagitan ng paggamit
ng isang teoretikal na presentasyon, mas nabibigyang-diin at linaw ang kaugnayan ng mga baryabol
na pinag-aaralan sa isa’t isa. Ayon nga kina Miles at Hubberman (1994), na muling binanggit nina
Bernardino, et.al. (2016, 129), ang konseptwal na balangkas ay isang representasyon sa pasulat o
biswal na pamamaraan ng iyong pinag-aaralan sa pananaliksik tulad ng mga pangunahing salik,
konsepto at baryabol. Sa pamamagitan ng isang konseptwal na balangkas ay nakikita ang
hinihinalang relasyon o kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa. Kailangan ang sapat na kaalaman at
kahusayan ng mananaliksik sa kanyang pagbabatayang konsepto, kaisipan at teorya.

Halimbawa:
10. Ilahad ang saklaw at limitasyon ng iyong pag-aaral. Bilang mananaliksik nararapat lamang na
alam mo kung hanggang saan ang iikutan ng iyong isasagawang pag-aaral, kung saan magsisimula at
kung ano-ano ang sakop ng naturang pag-aaral.

Halimbawa:

Saklaw ng pag-aaral na ito ang napiling 34 na atleta sa mga paaralang sekondarya ng


Manjuyod na lumahok sa Negros Oriental Athletic Association (NORAA) na palaro noong Nobyembre
14-18, 2016. Ang mga atleta na ito ay napili sa ginanap na palarong pandistrito noong Oktubre 20-
21, 2016, sa liwasan ng mataas na paaralan ng Manjuyod National High School kung saan sinalihan
ng sa iba't ibang mga sekundaryong paaralan ng Manjuyod tulad ng Kauswagan High School, Pancio
High School, Sampiniton Community High School, Manjuyod Science High School, at Manjuyod
National High School.

Limitado rin ang pag-aaral na ito sa mga kaganapan o isport na nilahukan ng mga atleta sa
NORAA na kompetisyon, tulad ng Table Tennis, Athletics, Lawn Tennis, Chess, at Volleyball. Ang pag-
aaral ay limitado lamang sa paghahanap ng antas ng kumpiyansa sa sarili ng mga atleta sa mga
paligsahan sa palakasan na naimpluwensiyahan sa mga istilo ng tagasanay sa kanyang pagsasanay.
Halaw sa pananaliksik na “Level of Confidence of Manjuyod Secondary Schools Athletes as Influenced by Their Coaches’
Coaching Styles: A Basis for Effective and Efficient Coaching Strategues” Cadorna (2018)

11. Bigyang katuturan o kahulugan ang mga salita o terminong makailang gamitin sa pananaliksik.
Bigyan ng depinisyon o kahulugan ang mga katawagan, salita, o pariralang may espesyal na gamit o
natatanging kahulugan sa iyong pag-aaral.

Dalawang Paraan ng Pagbibigay ng Kahulugan

Operasyonal na Pagpapakahulugan – kung saan bibigyang linaw ang mga katawagan sa paraan kung
paano ito gagamitin sa iyong pag-aaral.

Konseptwal na Pagpapakahulugan – tumutukoy naman ito sa istandard na kahulugang matatagpuan


sa diksyunaryo.
Halimbawa: Ang ilang termino na ginagamit sa pag-aaral na ito ay binigyang kahulugan ng
mananaliksik batay sa gamit para maunawaan ng mga mambabasa ang mga konseptong inilahad
dito.

Antas ng Kahusayan. Sa pag-aaral na ito, ito ay tumutukoy sa damdamin at paniniwala ng mga atleta
tungo sa kanilang kahusayan sa pagganap tuwing may paligsahan.

12. Balikang muli ang mga nabasang kaugnay na pag-aaral at literatura at isaisahing isulat at
banggitin ang pinaghanguan ng ideya o impormasyon. Mahalagang mabanggit ng mananaliksik
kung kani-kanino hinango ang ideya o impormasyong binanggit dahil ito ang isa sa magiging sukatan
ng iyong katapatan bilang mananaliksik at magbibigay rin ito ng kredibilidad sa iyong papel
pampananaliksik. Mapatutunayan mo sa mga mambabasa na hindi gawa-gawa lamang ang mga
ideyang binanggit sapagkat sila mismo ay nabibigyan ng pagkakataon na maaksis ang tunay na
pinaghanguan ng mga kaugnay na pag-aaral at literatura. Mahalagang kasanayang nararapat
matutuhan sa pananaliksik ang karampatang pagkilala sa sanggunian. Ang hindi pagtukoy sa mga
sangguniang libro, artikulo, at iba pa ay malinaw na anyo ng plagyarismo o plagiarism na lumalabag
sa pagiging matapat ng isang mananaliksik.

You might also like