You are on page 1of 4

MARAGTAS (EPIKO NG BISAYAS)

Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan
Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng
dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.

Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng
masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang
magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan
sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.

Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at
marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu
Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni
Sumakwel sa balak na paglaban.

Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni
Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu
Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao.
Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang
ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na
maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila’y mararangal na datu na mapagmahal sa
kalayaan.

Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila’y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda
ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng
maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang
kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan
nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang
malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni
Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.

Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung
datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung
matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay
Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-
asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang
mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si
Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.

Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot
sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita
nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang
naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam din niya
kung gaano kayaman ang pulo.
Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay,
narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.

Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong
iyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na
marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung
saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay
nais makipagkaibigan.

Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya,
masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na
gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.

Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga
Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang
kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin.
Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang
layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na
tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan
nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.

Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng
maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng
Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo
kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan.
Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng
mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas,
panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati.
Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay
nagsayaw pandigma, ang sinurog.

Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at
gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni
Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito’y kuwintas na lantay na
ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan,
kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas
niya kay Maniwantiwan.

Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa
baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik
siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).

Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga
bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.
Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa
na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan.
Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang
dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na
kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu Sumakwel.
Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa
Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si
Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa
kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.

Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at
ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela.
Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya
ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga “Taga-ilog”. Isang araw lamang
at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.
ALAMAT NG LANSONES

Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman, walang gaanong
pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw ang hinahabol ng mga tao.
Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat gutom na gutom na rin ang magnanakaw
sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong
patay at may bakas pa ng bula sa bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang
nangahas kumain nito.

Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan. Pakanta-
kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya pero nangangamba namang makipag-
usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng lansones ang babae at nagsimulang kumain.
Inasahan ng mga nanonood na mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan
niya ang mga tao para lumapit. "Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari
na ninyong kainin." Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones.
"Makikita ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason.
Kumain na kayo." At nawala ang babae.

Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At naroon nga
ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.

You might also like