You are on page 1of 7

Unang Kabanata ng Bata, Bata Paano Ka Ginawa

ni Lualhati Bautista

At sa wakas, tumugtog ang graduation march at nagmartsa papasok


ang mga batang magsisipagtapos.
“Ladies and gentlemen, here comes kindergarten class, section
one, handled by Mrs. Erlinda Macasaya! Please give them a big hand!”
Palakpakan.
ltinaas ni Lea ang nakahanda nang kamera, isinentro sa anak
na nasa kalagitnaan ng linya. Saglit na huminto sa pagmamartsa si
Maya, itinaas ang baba, nameywang, at ngumiti nang maluwang. Klik!
Itinulak ito ng kasunod. Hinarap ni Maya't tinampal ang kamay ng
kaklase. PinandiIatan sila ni Mrs. Macasaya.
“Coming next is kindergarten class, section two, led by their adviser, Miss Elvira
Sagun. Ladies and gentlemen, please give them a big hand!”
Martsa papasok ang section two. Oo nga't tinuruan sila ng titser ng mga chest out,
stomach in, pero sa oras na ito'y wala na sa mood ang mga bata. May dumadarag na, may
nagkakalkal na ng ulo. Aba nga naman, alas siyete ang usapang mag-uumpisa ang
programa'y alas-otso pasado na ngayon. Mataas na't mainit ang araw. At sa school ground
lang, sa open air, idinaos ang graduation.
Pati mga manonood ay ngayon lang napipirmi. Kanina'y nagkisaw-kisaw na ang mga
tao, reklamuhan kabi-kabila, paypayan, singhalan.
Higit kasi pang matindi sa lahat ang pagkayamot ng mga magpipitong taon.
Pinapawis nga naman sila sa suot nilang toga. Hindi na yata nakatiis ang isa, sa kalagitnaan
ng pila’y hinablot ang toga niya at ginawang pamaypay.
“Sst! Balik 'yan, balik!" gigil na singhal ni Miss Sagun sa bata. Bubulong-bulong na
isinalpak ng bata sa ulo niya ang toga.
Humingi rin ng palakpak ang tagpagsalita para sa dumarating na section three.
lnihatid din ng adviser ang mga ito sa kanilang takdang upuan. Isang batang mukhang pilyo
ang huminto sa tapat ng titser at nagsabi.
“Tser, may I go out!’
Napahindig ang titser. “Mamaya!”
“Iihi ako!"
"Mamaya sabi!"
Nagbanta ang bata. “Ba’la kayo!”
Ssh!”
Bahala nga naman kayo. Pagdating sa upuan (nakatayo pa ang lahat
habang hindi pa kumpletong nakakapasok ang mga ga-graduate) inilabas ng
pilyong bata ang ano niya at sinabayan ng ihi. Lingunan ang mga batang
babaing natilamsikan. Gimbal sa “pagkadungis” ng kanilang mga "dangal!"
“Ma’am, si Roderick, dito umiihi!"
Tawanan ang mga tao. Natukso si Lea, itinaas ang kamera at isinentro sa batang
umiihi.
Klik!
Inanawns ng tagapagsalita ang pagsisimula ng programa sa pamamagitan ng
Pambansang Awit. Dumisente ang mga tao. Bayang magiliw, perlas ng silanganan. .
Pagkatapos nito,'opening speech ng prinsipal. Na sinabayan ng mabilis na pagkilos
ng maraming ina. Puntahan sila sa kanya-kanyang anak para hubaran ang mga ito ng toga,
na magbibilad ng suot nilang bikini suit. Ito ang mga batang kasali sa pilian ng Miss Kinder,
kasali sa fashion show na gaganapin sa stage.
Si Ding ang taya sa pag-aalis ng damit ni Maya. Iyon ang usapan nina Lea at Ding: si
Ding, katulong si Flor na pamangkin ni Lea, ang mag-aasikaso kay Maya dahil si Lea ang
kukuha ng mga retrato ng anak.
Teka, hindi pa pala' yong bikini ang kailangan. Iyon muna pa lang gown. Sinuutan ni
Flor ng gown si Maya. Sinusuklayan. Kinakabitan ng dekorasyon sa buhok.
Sa paligid, hindi lang gown at suklay ang dala ng maraming ina sa kanilang anak
kundi pati make-up at lipstick. Pinupulbuhan niya nang makapal ang mga anak nila.
nilalagyan ng eye liner, pinapahiran ng pampapula sa pisngi. May sinabi si Ding kay Flor at
batay sa pagsulyap nito sa paligid, nahulaan ni Lea na itinatanong nito kung si Maya ba ay
hindi nila pipintahan din.
Hindi. Mahigpit ang order nl Lea na h'wag lalagyan si Maya kahit lipstick. Para kay
Lea, maruming tingnan ang isang batang naka make-up at lipstick. imbis na makaganda'y
sinisira nito ang kalinisan ng isang batang mukha. Nilalagyan ng anyo
ng kamunduhan at karanasan.
Inihanda na ng mga hurado ang papel at lapis nila. Mag-
uumpisa na silang bigyan ng kaukulang marka ang personalidad ng
mga batang kandidato.
Maya-maya' y umaakyat na sa stage ang mga bata; idinidisplay ang
gown nila, lumalakad nang nakapameywang, nagpa-pause, nagpo-
pose, habang sinasabi ng tagapagsalita ang mga pangalan nila na
sinasagot naman ng palakpakan ng mga tao. Panay ang klik ng mga
kamera, na sinisingitan pa ng kislapan ng mga flush bulbs. Ke tatanga
nila, sa loob loob ni Lea. Sa kainitan ng araw, hindi ka gagamit ng
flash bulb.
“Arlina de Ios Santos!"
lsang bata sa gown na kulay ginto at nagkikislapang mga palamuti ang
nagpapalahaw dahil ayaw umakyat sa stage. Hatak-hatak ito ng ina, pinipilit, pinapalo pa
man din. Nagtatawanan na ang marami, nanghihinayang ang ilan.
“Gagang bata’ yan, ang gandaganda pa naman ng suot!"
“Ay, mahal' yan, mare! Mahigit' lsang libo ang ginasta ni Corazon
diyan!" 'Yong Corazon siguro ang ina.
Nag-concentrate si Lea sa pagkuha ng retrato ni Maya. Sa
parisukat na camera lens, aaminin niyang maganda nga ang anak niya.
Manangmana sa ina, sabi niya sa sarili. Pero hindi iyon ang kahang-
hanga dito kundi ang tiwala sa sarili na masasalamin sa mga hakbang
nito, sa mga pa-cute nito. Puwedeng mag-artista paglaki, sabi nga ng
iba. Puwedeng mag-Ieader.
Kung mananatili siyang ligtas sa mundo ng isang musmos, naisip ni Lea. Kung hindi
siya wawasakin ng mga kawalang-katiyakan.
Nanay, nagkakalkal ng ulo si Ojie sa tabi ni Lea. Kanina pa nga naman siya
tinatawag ni Ojie.
Sumilip uli sa lens ng kamera si Lea. "Ano?" tanong niya.
"Gusto ko ng soft drinks."
“Don ka humingi ng pera sa tatay Ding mo. Wala akong dala dito.”
“Malayo siya, e!”
"Lapitan mo.”
“Hindi ako makadaan!"
“Di mamaya ka na mag-soft drinks, pag makakadaan ka na!"
Dumadarag na lumayo si Ojie, at nakadaan papunta kay Ding.
Tatay Ding. Ba’t may Ding pa, tanong ng isang kapitbahay kay Lea no'ng bagong
lipat pa lang sila sa lugar na ito. Ba't hindi basta tatay na lang?
To differentiate, sagot niya. Dahil meron siyang Tatay Raffy.
Nag-anawns ang tagapagsalita ng kasunod na bahagi ng programa Sayaw mula aa
isang grupo ng mga mag-aaral. Ehersisyong sayaw.
Bumanat ng kanta si Florante, Abakada. . ...egahaila .manangaopa . . . rasatauwaya!
Umentra sa stage ang grupo at sinayawan ang kanta ni Florante.
Naghuhubaran na naman ng gown ang mga batang kasali sa contest_ Ngayon, ang
iniwan nila sa katawan ay ang saplot na bikini. Kinambatan ni Lea ang tatanga-tangang
pamangkin. Mabilis namang tinulungan ito ni Ding sa pag-iintindi kay Maya.
Iyong ibang Ina, nireretoke ang make-up ng anak nila. Lumapit si Flor kay Lea at
ibinulong:
"Tita Lea, si Maya lang ang walang make-up. Lalagyan ko siya maski lipstick."
"Wala akong lipstick."
“Manghihiram ako.”
“Tumigil ka.”
Isa pang palabas at balik sa stage ang mga kandidato sa pagka-Miss Kinder.
Dumarami ang mga batang nagmamarakulyo. Ang isa’y nagpoposing nga pero halatang
napipilitan na lang. Halatang malapit nang umiyak. Ginulo naman ng isa pa ang buhok niya
bago nag-fashion show . . . isang maliwanag na paninirya sa ina’t titser.
lyan ang hirap sa usapang ito. Ano ba naman ang kamuwangan ng mga pipituhing
taon sa mga beauty contest? Laro lang ang tingin nila sa lahat ng bagay at komo laro
gagawin lang nila pag gusto nila. Pag nasa mood sila.
Karaniwan na ina lang ang may gustong mapalaban ang anak nila, masabing
kabilang ito sa magaganda, maging ang pinakamaganda kung maaari. Baya'n mo nang
masabak siya sa rehearsal pagkatapos ng klase. Baya’n mong maibilad siya sa init,
mapagod siya, Iagnatin siya, sipunin siya. Gusto ng nanay ng tropeo, gusto ng nanay ng
karangalan.
Dear asawa ko na nasa Saudi: padalhan mo agad ako ng isang milyong dolyar
pambili ng gown ng anak mo na isusuot sa beauty contest. Aba, baka hindi mo nalalaman,
kandidato ang anak mo sa pagka-Miss Kinder!
Naturalmente, kailangang pinakamaganda ang suot niya sa okasyong iyon. H'wag
mong sabihing maitim siya, hindi na mapapansin ang kulay niya pag napansin ang suot
niya. At susuutan ko siya ng gold, sasabugan ko ng sequence para kumislap. Pag
nagmarakulyo siya, hahatakin ko siya. Babanatan ko. Ku, makikita ng batang yan pagdating
namin sa bahay!
Naisip ni Lea na kung anong banat kaya ang aabutin ng bata sa suot na gold pag-
uwi nila ng bahay. T'yak na maraming kurot at amba ng suntok at mura. Sayang ang gown,
e. Biro mo, isang milyon ang halaga, hindi nai-display?
Iniisip din ni Lea kung hindi kaya si Maya lang ang napaiba sa pagkakataong ito. Si
Maya mismo ang pinagdesisyon niya kung gusto niyang sumali.
“S'yempre naman!” tiyakang sagot sa kanya ni Maya.
“Magpapagod ka sa kare-rehearsal. Siyempre araw-araw me praktis kayo."
“S’yempre!”
“Baka mamaya, iiyak ka?”
“Baka ikaw ang iiyak, Nanay?”
“Bakit ako?”
“Bibili mo 'ko ng toga saka gown saka bikini. Maraming perang kailangan do'n!"
May mga pumuna sa kanya sa pagkumporme niya na sumali si Maya sa nasabing
beauty contest. Lalo na't nasa sirkulo siya ng mga taong may matibay na paniwala na ang
mga pagandahan ay isa pa ring uri ng pagsasamantala sa mga babae.
Pero gano'n din naman ang damdamin niya. Ang totoo'y nagalit na siya nang makita
niya ang ipinapagod ni Maya sa rehearsals. Hanggang sa huling praktis kahapon, hanggang
sa mag-umpisa na ang programa kanina, ay gusto na niyang i-withdraw sa contest ang anak
. . . gusto na niyang iuwi! May lagnat na ito kahapon. 38.2. Nag-aalala siya na tumaas pa
iyon.
Kaso'y disidido talaga si Maya na maging parte ng programang ito. Hindi ito papayag
na mag-pulI out. Ano man ang dinaramdam ni Maya ay ginagawa pa rin nito ang kanyang
the best.
Sport siya, sabi ni Lea sa sarili. Manang-mana sa nanay. At kakambal ng
nararamdaman niyang pag-aalala'y nakadarama din siya ng pagmamalaki.
"Ngayon naman po, ang mga bata natin ay magpapakita ng kanilang talino sa
pamamagitan ng pag-awit, tula, at sayaw!’
Unang bata, ala-Celeste Legaspi sa mga angat ng balikat, Iiyad ng katawan at lukot
ng mukha:
“Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe! . . ."
Pangalawang bata, nagpakuha pa man din ng gitara’t upuan: “Nang isilang ka sa
mundong ito, laking tuwa ng magulang mo! . . “
“Talo’ng anak mo ro’n,” biro niya kay Ding na tumabi sa kanya. "Marunong siyang
maggitara."
Seryoso't may kaba si Ding sa panonood. Naisip ni Lea kung napakahalaga ba kay
Ding ng paligsahang ito. Kung matter of life and death ba sa kanya ang na manalo ang
anak.
Huminga nang malalim si Lea . . . Wala kang magagawa, sabi niya sa sarili.
Simpleng tao lang si Ding . . . sing-simple ng karaniwang ama’t ina.
“Oh, Captain, my captain!” banat ng ikatlong bata.
Nagpayanig din ang ikaapat na bata sa pamamagitan ng pagbabali-bali ng katawan
nito sa saliw na tugtuging rock.
“Talo na nga yata ang anak mo,” bulong ni Ding kay Lea. Na-insecure na nga si
Ding.
Hindi na yata huminga si Ding nang pumagitna si Maya at magbandila ng tula niya.:
“Ang tiyan ng nanay, malaki’t mabilog.
Ano 'yon? Tanong ni Ojie sa nanay.
Bola? Bola ng basketball?
Hindi, iba.
Puwedeng paglaruan?
Hindi at may laman.
Ano’ng laman, ha ’Nay?
Sorpresa, sorpresa!
Ang sorpresa nang lumabas, ako pala!
Pa'nong ang bola ay naging si Maya?
Biglang tawa si Nanay:
Paglaki mo na, Ojie, saka mo malalaman!
Hindi siguro akalain ni Ding, pero pinakamasigabo ang palakpakan ng tao kay Maya.
May kasama pang malakas na tawanan.
Pero hindi pumalakpak ang prinsipal. Hindi natawa. Kundi napahindig:
“Que barbaridad!’
Natawa uli ang tao sa reaksyon ng prinsipal.
Nalagay sa alanganin si Ding. Hindi malaman kung matatawa o mapapahiya.
Ngayon lang narinig ni Ding ang tula ni Maya. Pag tinatanong kasi nito ang anak
kung ano'ng gagawin sa stage, ang laging sagot ni Maya: "Malalaman mo."
Nalaman nga niya ngayon. ' .
"Sinong nagturo sa anak mo no'n?" usig ni Ding kay Lea.
Nakangiti si Lea. 'Sino pa!” at nagmamalaki pa!
Tumalim ang tingin ni Ding kay Lea. "Talagang wala kang turong mabuti!"
Babaan na naman ang mga bata para isuot uli ang kanilang toga. Mag-aabutan
muna ng diploma habang nagde-deliberate ang mga hurado.
lsa-isang tinawag ang mga ga-graduate. Sa huli na raw ibibigay ang medaiya ng
karangalan.
Hanggang sa oras na ito, walang nakakaalam kung sinu-sino ang mag-uuwi ng
medalya. Nakabitin sa suspense ang mga magulang.
"Una muna po, pagkaraang pagtibayin natin ang pag-graduate ng bata. hihingin
natin ang pasiya ng mga hurado sa ating paligsahan bago natin iproklama ang mga honor
students natin.”
At least may sapat na isip naman sila na ilagay sa huli ang pagsasabi ng honor
students. At least alam nila na ang pinaka-importante sa umagang ito’y hindi kung sino ang
pinakamaganda kundi kung sino ang pinakamarunong.
Panhikan na naman sa stage ang mga kandidato suot ang kanilang gown. Tulad sa
lahat ng beauty contest, nagpilian muna ng Miss Photogenic, Miss Talent, at kung anu-ano
pang Miss. Naubos na ang tropeo sa pagka-Miss. Kung anu-ano ay wala pang nakukuha si
Maya.
"Wala pang nakukuha si Maya," ninenerbiyos nang bulong ni Ding.
"May makukuha 'yan," pampalakas-Ioob ni Lea. “'Yong pinakamalaki," iyong
pinakamalaking trophy ang nakalaan sa Miss Kinder.
Third Princess!
Second Princess!
Wala pa ring hawak si Maya at na-insecure na rin pati si Lea. Minumura na niya nang
pabulong ang mga hurado. lpinagngingitngit na niya ang tila pagpapakaseryoso ng mga ito
sa pamamahagi ng trophy.
Kung siya ang hurado, titiyakin niya na bawat bata'y may iuuwing tropeo. Na wala sa
kanilang uuwi nang bigo.
At nahihiya. Dahil sa gano’ng edad, ang pagkabigo’y laging may kakabit na
pagkapahiya.
“Tinatawagan po sa entablado ang Miss Kinder ng nakaraang taon para siyang
magputong ng korona sa ating Miss Kinder, ’83. Ladies and Gentlemen, Miss Kinder ’82
Dolores Villafuerte! Let's give her a big hand, please!
Sabog ang palakpakan. Taas-noo, aral na aral ang Iakad, tulad ng isang Miss sa
pandaigdig na pagandahan, naka-gown ng kulay rosas na tinataya ni Lea na nagkakahalaga
na rin ng libo, kuntodo naka-guwantes at parang isinubsob sa make-up, dala ang makislap
na korona ng karangalan, ang nakaraang Miss Kinder.
Diyos ko, usal ni Lea sa sarili. Diyos ko, ano'ng ginagawa nila sa mga bata?
“And now, Miss Kinder ’83, ladies and gentlemen . . . because of her simplicity, her
freshness, poise and total personality. pause. Birada ng tugtog. Mga nakabiting hininga.
"Maria Natalia Gascon!”
Napalundag si Ding. At sa kabila ng damdamin niya, napalundag
din si Lea. Pati puso yata niya'y tumalon at nawala sa lugar. Pero
siyempre di dapat malimutan ang kamera lalo na sa pagkakataong ito.
Klik! teka, ang likot ng kamera! Nanginginig ba ang kamay niya? Klik!
Lumalabo ang lens sa mga mata niya. Ano 'to, umiiyak ba siya? Klik!
Habang sa tabi niya'y hindi rin makontrol ni Ding ang buhos ng
kaligayahan.
Klik! Anak ko 'yon! Hahahaha! Mga kaibigan, si Maya ko 'yon!
Klik! Narinig n'yo ba? Anak ko 'yon!
Klik! Klik!
Anak ko sa labas. 'Yong batang konti ko nang tinunaw no'ng araw. Kundi ko lang
naisip na lahat ng bata'y kailangang bigyan ng pagkakataong maging tao. '
Klik! Maya, naririnig mo ba anak? Si Raffy ang naging katumbas mo! Alam mo ba
kung sino si Raffy? Iyon ang pinakamalaking pag-ibig ko!
Kili! Klik!
“Ding, ’yong film! Sagad na 'to, Ding 'yong film!"
“Eto, eto!"
"Diyos ko, matagal pa ba bago malagay 'yan! Mae-expose 'tong nauna!"
"Misis, isi ka lang. Eto'ng kamera ko, me film pa!"
lnagaw niya halos ang kamera sa kamay ng lalaking nagmamagandang-loob. Klik!
Naloko na, fixed focus, Malabo ang kuha! Tarantadong mama ito, mumurahin ang kamera!
Umiiyak siya. Putang ’na, pati leeg niya, basang basa na sa luha!
Diyos ko, e alam mo namang hindi ako mahilig sa mga beauty contest e bakit
nagkakaganito ako?
Idineklara rin si Maya bilang honor student, pangatlo sa mga nakakuha ng
karangalan. Dito sana dapat mapaiyak sa tuwa si Lea. Pero by that time e wala na siyang
Iuha. . . kung paanong wala ring film ang kamera ng lalaking nagmagandang-Ioob sa kanya,
at binayaran na lang niya ang commercial photographer na gumagala sa school ground
para kunan ang mga dagdag na retrato ang kanyang anak.
Akda mula sa Dayag, Alma M., et.al. Pinagyamang Pluma 9. 2015. Quezon City: Phoenix Publishing House Inc .

You might also like