You are on page 1of 5

TALUMPATI

a. Ang talumpati ay pagpapahayag ng mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng isang tao sa harap ng madla.
b. Ang talumpati ay itinuturing na isang sining ng pagpapahayag ng kaisipan sa paraang pasalita sa harap
ng tagapakinig. Ito ay isang maanyong pagpapahayag na maaaring kumatawan sa wika at kaisipan ng
isang pangkat, organisasyon, rehiyon, o hindi kaya ng isang bansa (McBurney at Wrage, 1953).
Mga Bahagi ng Talumpati
 Panimula - Inilalahad sa bahaging ito ang layunin ng talumpati.
 Katawan - Sa bahaging ito gumagamit ang mananalumpati ng iba’t ibang kaparaanan para mapagtibay
ang kanyang mga ideya, kaisipan at paninindigan.
 Wakas- Nililinaw ng mananalumpati ang kanyang mga paninindigan, tinitiyak na nag-iiwan ng
kakintalan o impresyon sa huli ay maaring nanghihikayat tungo sa pakikibaka o pagkilos.

Mga Sangkap ng Talumpati


A. Kaisahan - Ang isang sulatin ay nagtataglay ng kaisahan kung ang pahayag sa talata ay
tumutukoy sa iisang paksa, ideya o kaisipan.
B. Kaugnayan - Ilan sa mga paraan upang magkaroon ng kaugnayan ang talata ay ang
pagsasaayos nito ayon sa lohika, ayon sa panahon, at ayon sa espasyo bilang mga ayos nito.
C. Diin o Emphasis - Ito ay nakatuon sa pag-uulit ng mga pahayag na matatagpuan sa alinmang
bahagi ng talata. Kagaya ng kaisahan na nagtataglay ng paksang pangungusap, pagtuon at
pagbibigay-diin sa pangungusap ang sangkap na ito.
 Pagbibigay-diin ayon sa posisyon - Sa paraang ito, nililikha ang impresyon sa sulatin.
Matatagpuan ito sa unahan at katapusan ng talata. Kapag ang diin ay nakasulat sa unahan
ng talata, ang mga kasunod na pangungusap ay naglalaman ng pagpapatunay o detalye.
 Pagbibigay-diin ayon sa proporsiyon - Ang paglikha ng pahayag na may proporsiyon ay isa
sa mga paraan ng paglikha ng diin. Sa paraang ito, binibigyang-tuon ng manunulat ang higit
na mahalagang paksa ng talakay. Kalimitan ay kakikitaan ng mga pahayag ng naglalahad ng
kongklusyon sa paksang tinatalakay ang pagsulat nito.
• Pagbibigay-diin ayon sa pag-uulit ng salita at tunog - Sa pamamagitan ng pag-uulit ng tunog
at salita sa loob ng talata ay nagagawa ng manunulat na bigyan ng tuon ang pahayag.

LAYUNIN AT GAMIT NG TALUMPATI


1. Magturo- Layunin ng talumpati ang makapagbigay ng wasto at nararapat na konsepto o kaisipan
ukol sa isang paksa, at pagbibigay ng wastong paraan upang makabuo ng isang bagay.

2. Magbigay kabatiran - Layunin ng talumpati ang makapagbigay ng bago at dagdag na kaalaman


ukol sa isang usapin. Kabilang din sa layuning ito ang magbigay ng linaw sa mga kaalamang
naiimbak sa isipan ng isang tagapakinig.

3. Manghikayat - Layunin ng talumpati na makapanghimok tungo sa positibong pagpapakilos ukol


sa isang paniniwala o hangarin.

4. Manlibang - Nagiging kawili-wili ang talumpati sa tuwing inilalapit ng manunulat ang sariling
nakatutuwang karanasan sa danas ng mga target na tagapakinig.

5. Magbigay puna - Ang talumpati ay may katangiang maging analitikal at kritikal, kaya naman
masasabing isa sa layunin ng pagsusulat ng talumpati ay ang magbigay ng puna sa lipunang
kinabibilangan ng mananalumpati.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Talumpati
a. balangkas ang pangunahing ideya
b. Palawigin ang pangunahing ideya
c. Paunlarain hanggang makabuo ng unang burador
d. Pinuhin ang hanggang makabuo ng pinal na talumpati
e. Patuloy na magsanay sa pagsusulat

Ang pagsulat ng talumpati ay tulad rin ng pagsulat ng sanaysay, kinakailangan ang mahusay na paggamit ng
wika o bokabularyo upang lubos na maunawaan ng mga tagapakinig ang mensaheng nais iparating.

Ayon kay Alejandro G. Abadilla, ang sanaysay ay "nakasulat sa karanasan ng isang sanay sa
pagsasalaysay." Ang sanaysay ay nagmula sa dalawang salita, ang sanay at pagsasalaysay . Ito ay
panitikang tuluyan na naglalahad ng kuro-kuro, damdamin, kaisipan, saloobin, reaksiyon, at iba pa ng
manunulat hinggil sa isang makabuluhan, mahalaga, at napapanahong paksa o isyu

KATANGIAN NG TALUMPATI
Ang isang talumpati ay masasabing epektibo o mahusay kung ito ay sumusunod sa mga
katangian nito:
1. Kalinawan - kinakailangang mahusay at klaro ang mensaheng ipararating ng talumpati. Bukod
pa rito, dapat na malinaw rin ang magiging pagbigkas sa talumpati upang lubos na maunawaan
ng mga tagapakinig.
2. Kawastuhan - ang impormasyon tungkol sa paksang isusulat at bibigkasin sa talumpati ay
kinakailangang wasto o tiyak, kaya kinakailangan din na magsaliksik at pag-aralan nang mabuti
ang isusulat.
3. Maikli - karaniwan sa mga tagapakinig ay naiinip kapag masyadong mahaba ang talumpati kaya
naman mas mainam na ito ay maikli lamang subalit kinakailangan na siksik pa rin ito sa
kaalaman.
4. Mapanghikayat - tandaan na kinakailangan sa simula pa lamang ay makuha na ang atensiyon
ng mga tagapakinig kaya marapat na siguraduhing mapanghikayat ang talumpati. Maaaring
maglahad ng mga makabuluhang kuwento, mga halimbawa, o maaari ding mga biro na maaaring
magpakita ng kanilang interes.
5. Impormal na ugnayan - ang talumpati ay may layuning pormal subalit mahalaga na sa
pagbigkas nito ay maaaring haluan din ng mga impormal na pakikipag-ugnayan sa mga
tagapakinig upang mas maramdaman o madaling makuha ng mga tagapakinig ang nais iparating.
6. Pagbibigay-pansin sa mga tagapakinig - huwag kalimutang ang isang talumpati ay binibigkas
sa mga tagapakinig o madla kaya naman sa pagsulat nito ay marapat na bigyang-pansin kung
sino ang mga tagapakinig batay sa kanilang edad, interes, kasarian, katayuan sa buhay, o iba
pang aspekto.
7. Malakas na tinig at malinaw na pagbigkas - ang isang mahusay na isinulat na sanaysay o
piyesa sa isang talumpati ay hindi magiging epektibo kung hindi ito mabibigkas nang may
malakas na tinig at malinaw na pagbigkas.
8. Kontroladong damdamin o emosyon - dapat isaalang-alang sa isang mahusay na talumpati
ang emosyon o damdamin na nais iparating. Hindi kinakailangan na magpaapekto sa emosyon
ng talumpati kung ito ay makapagbibigay ng ibang epekto o konteksto sa layunin ng iyong
talumpati.
9. Maayos na tindig at kumpas - ang isang talumpati ay marapat na binibigkas nang may
maayos na tindig upang maipakita ang kahandaan sa paghahatid ng talumpati. Gayundin, ang
kumpas ay nakapagpapahatid rin ng mensaheng nais iparating sa mga tagapakinig at maaaring
maging paraan upang bigyang-diin ang mga bibigkasin.
10. Angkop na kilos o galaw - upang mapanatili ang interes ng mga tagapakinig, marapat na
samahan din ng kilos o galaw na angkop sa talumpati. Ang kilos ay mahalaga lalo na ang
emosyon ng mukha sapagkat hindi sapat ang mga salita sa paghahatid ng mensahe.

URI NG TALUMPATI AYON SA ANYO AT KAHANDAAN


1. Impromptu o Dagliang Talumpati - ito ay biglaang talumpati kung saan ibinibigay ang paksa
sa tiyempo mismo na kailangang magtalumpati. Ito ay walang paghahandang talumpati.
Inaasahang sa kabila ng kawalan ng kahandaan ay makapagbibigay ng maikling talumpati ang
magsasalita o magtatalumpati.
2. Extempore o Extemporaneous Speech - ang talumpating ito ay binibigyan naman ng
kahandaan subalit limitado lamang sa pagitan ng pagkuha ng paksa at mismong paligsahan.
Gayundin, ang pagtatalumpati ay may nakatakdang oras lamang. Sa ilang kompetisyon sa
ganitong uri ng talumpati, nagkakaroon ng kabawasang puntos kung sobra o kukulangin sa oras
ang pagtatalumpati.
3. Isinaulong Talumpati o Talumpating Handa - sa ganitong uri, ang mananalumpati o
tagapagsalita ay binibigyan ng panahon sa pagsulat o paggawa ng kaniyang talumpati.
Samakatwid, may paghahanda na sa ganitong tipo ng pagtatalumpati at kailangang memoryado
o saulado ang piyesa bago ito bigkasin.
4. Pagbasa ng Papel sa Panayam o Kumperensiya - makikita sa talumpating ito ang kasanayan
sa pagsulat ng papel na babasahin sa kumperensiya. Ang pag-oorganisa ng mga ideya at ang
pagsulat ng panimula, katawan, at wakas/kongklusyon ay dapat na magkakaugnay at may
kaisahan.

URI NG TALUMPATI AYON SA LAYUNIN


1. Talumpating Nagbibigay-impormasyon - ang talumpating ito ay may layuning
makapagbahagi ng impormasyon o kaalaman tungkol sa paksa sa mga tagapakinig. Kaya
naman sa ganitong uri ng talumpati kinakailangan na ang ilahad na impormasyon ay
mula sa pananaliksik, estadistika, o mga datos na masusing pinag-aralan.
2. Talumpating Nanghihikayat - nilalayon ng talumpating ito na hikayatin ang mga
tagapakinig na sumang-ayon sa panig na kaniyang inilalahad. Masasabing ang ganitong
uri ng talumpati ay ninanais na bigyang-diin ang pagpapalakas o empowerment,
pagbabago ng isip, o paniniwala ng mga tagapakinig.
3. Talumpating Okasyonal o Nang-aaliw - ang ganitong uri ng talumpati ay ang
pinakapamilyar sa lahat sapagkat ito ay kadalasang ginagawa sa mga simpleng okasyon
sa ating buhay gaya ng piyesta, kaarawan, anibersayo, at iba pa.
4. Talumpating Nagpapaliwanag - Maaaring isipin natin na tila pareho lamang ang
talumpating nagbibigay impormasyon at itong talumpating nagpapaliwanag ngunit ang
pagkakaiba nito ay hindi eksaktong kasama ang aktuwal na pagpapakita kung paano
gawin o magsagawa ng isang aksiyon tungkol sa paksa sa talumpating nagpapaliwanag
kaysa sa talumpating nagbibigay-impormasyon.
5. Talumpating Nagpapakilala - ang pokus ng ganitong uri ng talumpati ay sa
ipakikilalang panauhin kung saan nakasalalay ang pagtanggap sa panauhin kaya
kinakailangan na ang tinig ng tagapagsalita o speaker ay nagtataglay ng awtoridad.
6. Talumpati sa Pagkakaloob ng Gantimpala - ito ay talumpating naglalayon na
maipagkaloob ang karangalan sa isang indibidwal dahil sa isang gawaing
napagtagumpayan.
7. Talumpati ng Pamamaalam - ang talumpating ito naman ay binibigkas kung aalis na sa
isang lugar ang tagapagsalita o kaya naman ay magtatapos na ang tungkulin kung saan
ibinabahagi ng tagapagsalita ang kaniyang karanasan, damdamin, at pasasalamat.
8. Talumpati ng Elohiya ( Eulogy ) - ito ay talumpating binibigkas sa sandali ng pagyao sa
memoryal na serbisyo sa kilalang namayapa kung saan binibigyang-diin ang mga nagawa
ng namatay noong panahong nabubuhay pa siya.

KATITIKAN NG PULONG
• Sa wikang ingles, tinatawag itong “ minutes of meeting. ” Ayon kina sylvester & CGA (2012)
mula sa libro nina Bernales, Ravina, at Pascual (2017), ito ang opisyal na rekord o tala ng
pulong ng isang organisasyon, korporasyon, o asosasyon.

Layunin ng pagsusulat ng ang sumusunod (Mandel, 2014):


1. Nagsisilbing opisyal na tala ng mga isinagawang pagpupulong sa isang samahan, institusyon, o
negosyo.
1. Nagsisilbing paraanan o daluyan ng pagpapahalaga at pagpapaunlad ng tiyak na pamamaraan,
mga nakasanayang gawi o traditional activities, at iba pa ng isang samahan, institusyon, o
negosyo.
2. Nagsisilbing kasangkapan upang maging sipi sa pagbabalik-tanaw ng mga sangkot tungkol sa
mga nangyari sa pulong.
3. Maaaring magsilbing gabay o batayan sa pagpili ng mga nominasyon sa pagkilala ng mga
natatanging miyembro o empleyado
4. Maaaring maging mahalagang dokumentong pangkasaysayan sa paglipas ng panahon.
5. Nagsisilbing hanguan o sanggunian sa mga susunod na isasagawang pagpupulong.

Katangiang dapat taglayin ng isang mahusay na katitikan


• Ito ay dapat na makatotohanan at organisado ayon sa pagkasunod-sunod ng mga puntong napag-
usapan.
• Ito ay dokumentong nagtatala ng mahahalagang diskusyon at desisyon.
• Maaaring gawin ito ng kalihim, encoder / typist , o reporter sa korte.
• Maikli at tuwiran, obhetibo, walang paligoy-ligoy, at walang dagdag-bawas sa dokumento.
• Detalyado, nirepaso, at hindi kakikitaan ng katha o bias sa pagsulat.

Mga Bahagi ng Katitikan ng Pulong


Walang iisang pamantayan na pormularyo sa pagsulat ng katitikan ng pulong, pero ngunit ito ay
laging may petsa, oras, lokasyon, aytem ng agenda, mga napagkasunduan, at pangalan ng mga
taong nagtaas ng mosyon at mga sumusog (Bernales, Ravina, & Pascual: 2017).

1. Pamulaan o Heading . Ito ay naglalaman ng pangalan ng kompanya, samahan, organisasyon, o


kagawaran. Makikita rin dito ang petsa, ang okasyon, at maging ang oras ng pagsisimula ng
pulong.
2. Mga kalahok o dumalo . Dito nakalagay ang nanguna sa pagpapadaloy ng pulong gayundin
ang pangalan ng mga dumalo kasama ang panauhin. Maging ang pangalan ng mga liban o
hindi nakadalo ay nakatala rin dito. Ngunit sa ilang institusyon, lahat ng miyembro ng pulong
ay binibigyan ng kopya ng katitikan ng nagdaang pulong bago ang isang miting kalakip ang
nakatakdang agenda, upang masuri ang mga ito bilang paghahanda sa pulong.
3. Pagbasa at pagpapatibay ng nagdaang katitikan ng pulong . Dito makikita ang nilalaman ng
nakalipas na katitikan ng pulong. Ito ay papagtibayin at titingnan kung may mga pagbabagong
dapat isagawa sa mga ito.
4. Usaping napagkasunduan o Action items. Kasama sa bahaging ito ang mga hindi pa natapos o
nagawang proyekto sa nagdaang pulong. Dito makikita ang mahahalagang tala hinggil sa mga
paksang tinalakay. Inilalagay rin sa bahaging ito kung sino ang taong nanguna sa pagtatalakay
ng isyu at maging ang desisyong nabuo ukol dito.
5. Pagbalita o pagtalastas . Hindi ito laging makikita sa katitikan ng pulong ngunit kung mayroon
mang pabalita o patalastas mula sa mga dumalo tulad halimbawa ng mga suhestiyong agenda
para sa susunod na pulong ay maaring ilagay sa bahaging ito.
6. Iskedyul ng susunod na pulong . Itinatala sa bahaging ito kung kailan at saan gaganapin ang
susunod na pulong.
7. Pagtatapos . Inilalagay sa bahaging ito ang tiyak na oras ng pagtatapos ng pulong.
8. Lagda . Mahalagang ilagay sa bahaging ito ang pangalan ng taong kumuha ng katitikan ng
pulong at kung kailan ito isinumite.

You might also like