You are on page 1of 16

BULACAN STATE UNIVERSITY

Ang BUHAY,
GAWA
at mga naisulat ni
Dr. Jose Rizal
BULACAN STATE UNIVERSITY

Pangkalahatang Pananaw
Si Dr.Jose Rizal ay isang natatanging anak ng ating Bayan na naging huwaran ng lahing Pilipino
sa larangan ng matapat na paglilingkod at lubos na pagmamahal sa ating Bayan. Sa kabila ng hindi na
mabilang ng iba’t-ibang anyo ng pag-durusa na dinanas nila noon sa kamay ng mga mananakop na
kastila, hindi siya kailanman nalimitahan sa kinaya niyang gawin para sa pagtatanggol sa karapatan ng
kapwa Pilipino at para sa kapakanan ng Inang-Bayan sa kanilang kapanahunan.
Katulad ni Dr. Rizal ang mga kabataang milenyal na makakabasa ng modyul na ito ay tunay ding
mga anak ng ating Inang-Bayan na marahil ay may katulad ding kakayanan na makagawa ng mga
bagay na higit pa sa pagmamahal sa sarili at pamilya, sa madaling salita ay may kapasidad na
maipakita din ang sariling bersiyon ng kanilang pagmamahal sa Bayan na maaaring makatutugon sa
pangangailangan ng ating bansa laluna sa kasalukuyan.
Sa ganitong diwa nabanghay ang modyul na ito upang sa mga aralin na dito ay sunod-sunod na
inilatag kasama na ang mga gawaing binanghay para mapalalim ang kamuwangan at kaalaman ng mga
mag-aaral sa kursong Rizal, inaasahang makapagbigay ng oportunidad ang mga ito sa mga mag-aaral
na balikan ang nakaraan sa buhay, sa mga ginawa, at mga mahahalagang kaisipang dumaloy sa mga
akda ni Dr. Rizal laluna ang kanyang dalawang nobela: ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo kung
saan man maari nilang kapulutan ng magandang aral sa buhay upang kanila ding maipagpatuloy ang
sinimulan ng mga huwarang Pilipino katulad ng ating Bayani
Bilang Pambansang Bayani ng ating Bayan malaki ang naiambag ni Jose Rizal sa pagkamit ng
ating kalayaan sa mga dayuhang mananakop. Ipinamalas niya ang pagmamahal sa ating tinubuang
lupa sa pagbubuwis ng kanyang buhay.Siya ay naging inspirasyon upang magkaroon ng reporma tungo
sa kinakailangan upang higit na mapagbuti ang kalagayan ng ating bansa.
Matutunghayan natin sa modyul na ito ang talambuhay ni Jose Rizal ,ang kwento ng angkan at
pamilyang pumanday ng katatagan ng batang lumaki at yumabong sa kahusayang si Jose Rizal,
kasama na ang mga detalye ng kanyang panimulang masumpungan ang liwanag na dulot ng kaisipang
napanday sa kanyang karanasan sa paglayo sa kanilang tahanan upang simulan ang kanyang
edukasyon sa pribadong paaralan sa Biñan hanggang sa buhay probinsyang mag-aaral na napunta sa
Maynila at nag-aral sa Ateneo de Municipal, at malaunan sa kanyang kolehiyo sa Unibersidad Santo
Tomas. Ang mga kwento ng kanyang kabiguan at kahusayan sa larangang pinili niya, pagtuklas ng
karunungan sa Europa, sa sariling Bayan ng Calamba, buhay Destierro sa Dapitan Mindanao,
hanggang sa sumapit siya sa kanyang maagang kamatayan na ibinunga ng kanyang pasyang lisanin
ang komportableng kalagayan sa buhay niya sa Hongkong, para ialay ang buhay sa kanyang tunay na
pinag-alayan ng kanyang lubos na pagmamahal. Ang Inang Bayang Pilipinas: “Ang kanyang Dakilang
Pag-ibig”.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Sa bandang huli ng modyul na ito matutunghayan ang mga naisulat niyang akda, nobela, tula,
liham at mga sanaysay na tunay namang nakapag-iwan ng magagandang aral at inspirasyon.

KABANATA I
ANG BATAS RIZAL
BULACAN STATE UNIVERSITY

Pambungad na Salita
Sa bisa ng Republic Act bilang 1425 (Batas Rizal), mahigit nang anim na pong taon (60) nang
kinukuha ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang kursong tumatalakay sa buhay at mga akda ni Dr Jose
Rizal.

Mahalagang balikan ang konteksto ng pagpanukala ng mga batas at ang mga naging kaakibat na isyu
sa pagsusulong nito.
Tatalakayin sa module na ito ang krisis panlipunan na kinahakaharap ng mga Pilipino matapos ang
ikalawang digmaang pandaigdig.

Mga Aralin:

I. Ang Pulitika sa likod ng Batas Rizal


II. Mga Layunin at itinadhana ng Batas Rizal
III. Pagpili ng Pambansang Bayani sa Panahon ng mga Amerikano
IV. Ang kabuluhan ng Kabayanihan ni Dr Jose Rizal sa kasalukuyang panahon.
BULACAN STATE UNIVERSITY

ANG PULITIKA SA LIKOD NG BATAS RIZAL


Talaan ng mga Resultang Nais Makamit:

Panukalang Batas Blg. 438 (Senate Bill No. 438)


Ika-3 ng Abril 1956 nang ihain nina Sen. Claro
M. Recto at Sen. Jose P Laurel sa Mataas na
Kapulungan ang Senate Bill No. 438 (“An Act to Make
Noli Me Tangere and El Filibusterismo Compulsory
Reading Matter In All Public and Private Colleges and
Universities and For Other Purposes”).
Hindi naging madali ang pagkapasa ng batas na
ito sa Mataas na Kapulungan. May mga di sang-ayon
sa pag-aaral ng Noli at Fili sa lahat ng unibersidad at
kolehiyo. Kabilang sa mga sumasalungat sa
panukalang batas na ito ay sina Decoroso Rosales,
kapatid ni Arsobispo Rosales; Mariano Cuenco, kapatid ni Arsobispo Cuenco; at Francisco “Soc”
Rodrigo, dating pangulo ng Catholic Action. Ayon sa kanila, nilalabag ng naturang panukalang batas
ang kalayaan sa pagpili at pananampalataya. Mahigpit na tumutol ang mga Katolikong grupo sa
pagpapasa ng panukalang batas na ito.

Panukalang Batas Blg. 5561 (House Bill No. 5561)


Ika-19 ng Abril 1956 nang ipinakula ni Kong. Jacobo Z. Gonzales ang House Bill No. 5561. Ang
panukalang batas na ito sa Mababang Kapulungan ay nanganib na maibasura noong ika-3 ng Mayo sa
simula ng deliberasyon dahil walong boto lamang ang naging lamang ng 45 na sumang-ayon sa 37 na
tumutol, at may isang nag-abstain. Ang deliberasyon sa Mababang Kapulungan ay naging maaksyon at
humatong pa sa suntukan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Batas Republika Blg. 1425


Ika-12 ng Hunyo 1956 nang opisyal na nalagdaan ng Pangulong Ramon Magsasaysay ang Batas
Republika Blg. 1425 o Batas Rizal. Ang batas na ito ay nag-aatas na isama sa umiiral na kurikulum ng
bawat paaralan maging pribado o pampubliko man, sa lahat ng antas ng pag-aaral (Elementarya,
Sekundarya, o Kolehiyo) ang pag-aaral sa buhay, ginawa at sinulat ni Dr. Jose Rizal, lalo na ang
kanyang dalawang nobelang Noli me Tangere At El Filibusterismo, pagbibigay kapahintulutan sa
paglilimbag at pamamahagi ng mga nabanggit na aklat at sa iba pang kapakinabangan.

Ang mga probisyon sa batas na ito ay ang mga sumusunod:


1. Kailangan na masama sa kurikulum ng mga mag-aaral sa elementarya hanggang
kolehiyo ang Noli at ang El Fili ng walang anumang pagbabago.

2. Gumamit ng primaryang batayan.

3. Kailangang may sapat na bilang ng kopya ng El Filibusterismo at Noli Me Tangere sa


mga silid-aklatan ng bawat paaralan.
4. Dapat ay nakasalin ang mga ito sa Filipino, Ingles at mga wikang umiiral sa
Pilipinas.

5. Dapat maglimbag ng kopya nito sa murang halaga o di kaya'y nang walang bayad.

6. Kailangan ay may kopya ang mga


organisasyon o himpilan ng barangay.
Batas Republika Blg. 229
Isang kautusan na ipinagbabawal ang sabong, karera ng
kabayo at Jai alai sa ika-30 araw ng Disyembre kada
taon at bumuo ng lupon para manguna sa tamang
pagdiriwang ng araw ni Rizal sa bawat bayan at lungsod
sa tamang kadahilanan.
Nilikha ng Senado at ng Mababang Kapulungan sa
Kongreso ng Pilipinas.
SECTION 1. Ang batas at kautusang ito ay nagbabawal
sa pagsasabong,pagkakarera at jai alai sa ika-30
disyembre kada taon, ang araw ng kagitingan ng ating
dakilang bayaning si Dr. Jose Rizal.
SECTION 2. Magiging opisyal na gawain ng punong
bayan ng bawat municipalidad at mga siyudad na gumawa ng lupon na mangunguna sa tamang
pagdiriwang ng araw ni Rizal kada taon, at kung saan ang punong bayan, ang kanilang pinuno at
BULACAN STATE UNIVERSITY

sa kooperasyon ng mga ahensiya, departamento, opisina, kawanihan ng gobyerno at local na


institusiyon. Ang ilan sa mga seremonya ay ang paglagay sa kalahati ng hagdan ng pagtaas ng
bandila sa lahat ng pampublikong lugar.
SECTION 3. Ang sino mang sumuway sa kautusan ay pagbabayarin ng karampatang
multa na hindi hihigit sa dalawandaang piso o pagkakakulong na hindi lalagpas sa anim na
buwan o parehong parusa sa paghatol ng hukuman. At kung ang nagkasala ay ang punong
bayan karagdagang parusa na ipapataw ay ang pagkasuspendi sa kanyang termino ng isang
buwan. Kung may paglabag ang isang korporasyon, ay mayroong pananagutang kriminal ang
presidente nito, direktor o ibang opisyales nito.
SECTION 4. Ang batas na ito ay epektibo matapos ito ay aprubahan.
Naaprubahan: Hunyo 9, 1948.

Ang Kautusan Blg. 247 s. 1994


Sa kautusan ito ng Malacañang ay inaatasan ang Kalihim ng Edukasyon, Kultura, at Sports, at
ang tagapangasiwa ng CHED na ipatupad ang Batas Republika Blg. 1425 na nag-uutos na isama sa
pag-aaral ng mga pampubliko at pribadong paaralan, mga kolehiyo at unibersidad ang buhay, mga
nagawa, at naisulat ni Jose Rizal, lalo na ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, at ang
paglimbag at isa-publiko ang mga nasabing nobela.
BULACAN STATE UNIVERSITY

MGA LAYUNIN AT ITINADHANA NG BATAS RIZAL


Talaan ng mga Resultang Nais Makamit:

Batas Republika Blg. 1425


Section 1. Ang mga kurso ukol sa buhay, gawa at mga akda ni Jose Rizal, partiKular na
ang kanyang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay dapat ibilan sa lahat ng kurikulum
ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad pampubliko man o pribado. Sa kondisyong, sa mga
kursong pangkolehiyo, ang orihinal at hindi binagong edisyon ng Noli Me Tangere at El
Filibusterismo o ang kanilang mga salin sa Ingles ay dapat gamitin bilang pangunahing aklat.
Ang Board of National Education sa pamamagitan nito ay binigyan kapangyarihan at inatasang
tanggapin ang kagyat at maingat na pagpapatupad ng mga probisyon ng seksyon na ito. Kasama na rin
ang pagsulat at pag-imprenta ng mga aklat para sa bata, babasahing aklat at aklat-pampaaralan. Ang
kapulungan ay marapat na ipakalat ang mga tuntunin at patakaran ng batas na ito sa loob ng 60 araw
bago ito tuluyang magkabisa. Inaatasan din ang mga mayroong kapangyarihan na ipatupad ang mga
probisyon ng batas na ito. Ang kapulungan ay inaasahan gumawa ng mga tuntunin at patakaran na
pagpapawalang saklaw ng batas na ito sa mga mag-aaral na magkaroon ng problemang may kinalaman
sa paniniwalang panrelihiyon na nakasulat sa isang pahayag ng pagsumpa, mula sa kautusan ng
probisyong ito na nakapaloob sa ikalawang bahagi unang talata ng seksyon na ito; ngunit hindi sa
pagkuha ng kursong (asignatura) kinakailangan sa unang parte ng nasabing talata. ette.
Section 2. Ito ay marapat gawing obligasyon sa lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad
na maghanda sa kanilang mga silid-aklatan ng sapat na bilang ng kopya ng original at walang
binagong edisyon ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. O ang mga salin nito sa Ingles
gayundin ang iba pang mga akda ni Rizal, na kinakailangan maisama sa mga aprobadong aklat
na marapat basahin sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kolehiyo at unibersidad.
Ang Board of National Education ay siyang magtatakda ng kasapatan ng bilang ng mga aklat,
depende sa bilang ng mag-aaral ng paaralan, kolehiyo at unibersidad.
Section 3. Ang Board of National Education ay dapat magdulot na ang salin ng Noli Me
Tangere at El Filibusterismo. Gayundin ang mga iba pang sulat ni Jose Rizal ay isinalin sa
BULACAN STATE UNIVERSITY

Ingles, Tagalog at iba pang mga pangunahing diyalekto o wika; ipag-utos ang pagpapa-imprenta
ng mga ito ng mura at bilang mga tanyag na edisyon; ipag-utos ang pagpapakalat ng mga ito ng
walang bayad sa mga taong nagnanasang basahin ang mga ito sa pamamagitan ng mga
organisasyon sa mga Purok at konsehong pambarangay sa buong bansa.
Section 4. Wala alin man sa batas na ito ang marapat na ibilang o ipakahulugan na
pagbago o pagpapawalang bisa sa seksyon 927 ng Administrative Code, na nagbabawal sa
pagtalakay ng mga pambublikong guro at iba pang mga tao na may kinalaman o kabilang sa alin
mang pampublikong paaralan sa mga doktrinang pangrelihiyon.
Section 5. Ang kabuuang halagang tatlong daang libong piso ay binigyang awtorisasyon
na ialis sa bilang ng alin mang pondo maliban lamang na aprobado ng National Treasury na
isagawa ang layunin ng batas na ito.
Section 6. Ang batas na ito ay magkakaroon ng bisa matapos itong maaprobahan.
Naaprubahan: JUNE 12, 1956
Ang batas na ito ay nagbibigay ng pangunahing katwiran kung bakit ang batas na ito ay kailangan
isagawa at ipatupad matapos itong maaprobahan. Ang paglilinaw ay kalakip ang mga sumusonod na
probisyon:
Una, ito ay napatunayan na higit pa sa kahit anong pagkakataon sa ating kasaysayan ay
kinakailangang italagang muli ang mga mithiing pangkalayaan at nasyonalismo na siyang naging daan
ng buhay at ikinamatay ng ating mga bayani. Malinaw na ang batas na ito ay itinatalaga sa lahat ng
mga Pilipino at para sa mga susunod na henerasyon upang ang mga sakripisyo, luha, dugo’t pawis ng
ating mga ninuno at mga bayani tulad ni Rizal tungo sa pagkakamit ng kalayaan at nasyonalismo ay
mabigyan kasiguruhan, gagawin itong isang pangangailangan sa pamamagitan ng pormal na proseso
ng edukasyon. Ang kalayaan at nasyonalismo ay dalawang importanteng katawagan na totoong nasa
puso ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal at lahat ng mga rebolusyonaryong bayani. Ang
mga Pilipino sa ilalim ng pananakop ng mga dayuhan ay patuloy na nagnasa ng kalayaan, kawalan ng
pamimilit, paniniil at limitasyon sa pagpili o pagkilos at kalayaan mula sa pagkaalipin sa ilalim ng
kapangyarihan ng iba. Ang kasarinlan ay maiuugnay sa kalayaan sa kaparaanan ng sambayanan
Pilipino na nagnanais ng sariling pagkakakilanlan at gobyerno na pinamumunuan ng mga Pilipino tungo
sa pambansang kasarinlan at kapangyarihan. Ang lahat ng pagpupunyaging ito ay nakahilig tungo sa
katapatan at pagmamahal sa bayan. Mga bayaning Pilipino sa pangkalahatan ay ipinagbubunyi ang
bayan higit sa lahat at binigyan pagpapahalaga ang pagtaguyod, pagtatanggol at pangangalaga ng
kultura at kapakanan nito. Ang mga ito ay naglalarawan ng totoong diwa ng nasyonalismo sa mga
Pilipino.
Pangalawa, napatunayan na sa pagpaparangal sa kanila (mga bayani), particular na sa ating
pambansang bayani at makabayang si Jose Rizal, tayo ay umaalalang may giliw at pagmamahal. Ang
kanilang buhay at mga gawa ay humubog sa karakter ng ating bansa. Ang batas na ito ay magsisilbing
haligi na siyang magbibigay kasiguruhan sa mga Pilipino at sa mga susunod na henerasyon na
pangangalagaan ang pinagsikapang kalayaan at dalisay na diwa ng nasyonalismong inialay ng ating
mga bayani. Tayo ang mga ganap na tagapagmana ng lahat ng mga bungang ito at marapat lamang na
sila ay ating parangalan na ang kanilang buhay at mga gawa ay hindi mailagay sa kahihiyan at
kawalang kabuluhan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Pangatlo, napatunayan na ang buhay, gawa at mga akda ni Jose Rizal particular na ang
kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay parehong matatag at nakapagpapaalab
na bukal ng pagkamakabayan kung saan ang kaisipan ng mga kabataan lalo na sa yugto ng kanilang
pagsibol at pagkatuto sa paaralan na dapat hustong mapunan.
Pang-apat, napatunayan na ang lahat ng mga paaralan sa ilalim at sakop ng ating estado ay
hinihikayat na makiisa sa paghubog ng katauhang moral, disiplina sa sarili, konsensya ng panlungsod
(komunidad) at magtuturong tungkulin ng isang mamamayan. Ang pangangasiwa ay isang importanteng
sangkap ng pamumuno. Ito ay lubhang mahalaga dahil isa itong paraan upang mabantayan ang isang
particular na proseso. Ang proseso ng pangangasiwa ang siyang nagpapatakbo at nagpapanatili ng
malusog na operasyon ng mga institution alinsunod sa mga mithiin at layunin kung kaya sa ganitong
paraan ang hangarin at layunin ng RA 1425 mas kilala bilang The Rizal Law ay nabibigyang katiyakan
na naipapatupad at naisagawa sa pinakamataas na antas.
BULACAN STATE UNIVERSITY

PAGPILI NG PAMBANSANG BAYANI SA PANAHON NG MGA AMERIKANO


Talaan ng mga Resultang Nais Makamit:

Ang lupon na pumili sa pambansang bayani


Naganap ang pagpili kay Dr. Jose Rizal bilang bayaning pambansa noong panahon ng
Amerikano sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng Gobernador Sibil na si William Howard Taft.
Ang mga sumusunod ang nagsagawa ng diskusyon upang pag-usapan ang mga merito ng mga
pagpipiliang bayani:
William Howard Taft (Setyembre 15, 1857 – Marso 8, 1930) – Siya ang 27 pangulo ng Estados
Unidos ng Amerika (1909-1913). Ito ang naging tulay niya upang maging pangulo ng Estados Unidos at
naging Gobernador Sibil ng Pilipinas noong 1901 hanggang 1904. Siya ang nanguna sa pagpili kay Dr.
Jose Rizal upang maging pambansang bayani ng Pilipinas.
William Morgan Shuster (1877-1960) – Siya ay naging custom collector ng Estados Unidos para
sa Cuba noong 1899, at noong Spanish – American War. Siya ay mas nakilala sa kasaysayan ng
mundo bilang pinakamahusay na treasurer – general ng bansang Persia (Iran) noong 1911.
Bernard Moses (1846 – 1930) – Commissioner ng Bureau of Education at nang huli’y naging
kalihim ng Public Instruction. Nakilala siya sa kasaysayan ng mundo bilang pioneer of the
Latin-American scholarship.
Dean Conant Worcester (Oktubre 1, 1866 – 1924) – Kilalang pulitiko at zoologist. Siya noo’y
kasapi ng United States Philippine Commission at Commissioner ng Interior Government ng Bansa.
Henry Clay Ide – Siya ay Commissioner ng Finance and Justice ng Philippine Commission.
Trinidad Hermenigildo – Pardo de Tavera (1857-1925) – Kilalang maka-Amerikanong creole
(mga Pilipinong may dugo o pamilyang Kastila na ipinanganak sa bansa) nang Lubao, Pampanga. Isa
siya sa tatlong napiling kumakatawan sa bansa sa Second Philippine Commission bilang isang resident
commissioner.
Gregorio Soriano – Araneta (1869 – 1930) – Siya ay isa sa mga Pilipinong pinili ng
gobernador-heneral Elwell Otis bilang kinatawan ng tribunal na siyang ipinapalit sa Real Audencia
(katumbas na Korte Suprema) kasama sina Cayetano Arellano, Florentino Torres, Manuel Araullo, Julio
Llorente, at Dionisio Chanco.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Jose Luzuriaga – Isa sa tatlong unang Pilipinong napiling kumakatawan sa bansa sa Second
Philippine Commission bilang resident commissioner (ang isa pa ay si Benito Legarda na di napiling
maging bahagi ng lupon ng pagpili.)
Cayetano Arellano (Marso 2, 1847 – Disyembre 23, 1920) Siya ang unang punong mahistrado
ng Korte Suprema ng Pilipinas.

Ang pamantayan sa pagpili ng pambansang bayani


Isinaayos ni Prof. Henry Otley Beyer, propesor ng Antropolohiya at katulong sa tekniko ng lupon
mula sa Unibersidad ng Pilipinas, ang naging pamantayan ng pagpili ng komisyon, at ito ay ang mga
sumusunod:
1) Isang Pilipino
2) Namayapa na
3) May matayog na pagmamahal sa bayan (nagpapakita ng nasyonalismo)
4) May Mahinahong Damdamin (Calm disposition)

Ang mga pinagpilian na bayani ng lahi


Sa mga pinagpilian naman ng mga dakilang Pilipino na maging pambansang bayani, sila ay sina
Marcelo H.del Pilar, Antonio Luna, Graciano Lopez-Jaena, Emilio Jacinto, at Jose Rizal
Marcelo H. Del Pilar ng Bulakan, Bulacan Isang propagandista, hindi napili sapagkat
nangibabaw ang pagiging pinuno nang magkaroon ng alitan sa pagitan ni Rizal sa La Solidaridad.
Antonio Luna ng Binondo, Maynila, isang parmasyutiko at heneral, hindi din napili dahil siya
ay sinasabing bugnutin, may napatay umanong isang sundalo, sa pamilya at sa mga kapwa Pilipino.
Higit sa lahat, namatay siya dahil sa kapwa Pilipino (hindi kanais-nais o kadaki-dakila ang
kamatayan).
Graciano Lopez-Jaena ng Jaro, Iloilo, isa ding repormista at propagandista, hindi din napili sa
kadahilanang namatay sa depresyon (hindi angkop sa pamantayan o kadaki-dakila ang naging
kamatayan).
Emilio Jacinto ng Trozo, Maynila, isang manunulat at katipunero, isa siyang utak ng
Katipunan na sumuporta sa rebolusyon. (walang mahinahong damdamin)
Jose Rizal ng Calamba Laguna isang repormista at propagandista, isang Pilipinong ginising
ang kaisipan at kamalayan ng bansa sa totoong kalagayan nito. Huwaran ng kapayapaan.
Prominenteng taong may malaking ambag sa bansa. Katapangan sa pagharap sa panganib , tanyag
at ikinararangal ang kamatayan.
Ayon sa tala, maraming pumili kay Marcelo H. del Pilar ngunit ito ay kanilang binago ayon kay
Dr. H. Otley Beyer, sa kadahilanang higit na naging madula ang buhay at kamatayan ni Rizal, lalung
lalo na ang pagiging martir niya sa Bagumbayan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Tunay ngang pinili ng Komisyong Taft si Rizal mula sa ibang dakilang Pilipino bilang
pangunahing bayani ng kanyang mga kababayan, ngunit masasabi rin natin na ang kanilang ginawa
ay pagpapatibay lamang ng katotohanan na si Jose Rizal ay ipinagbunyi na ng kanyang mga
kababayan na bilang pinakadakilang tao ng lahing Malayo at martir ng bayan niyang sinilangan.
Noong barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896, maraming tao ang
nagluksa at humanga sa kanyang kadakilaan at katapangan. Noong hindi pa natutuklasan ng mga
Kastila ang Katipunan, ginawa na ni Andres Bonifacio ang pagsugo kay Pio Valenzuela upang
mabatid ang panig ni Rizal hinggil sa pinaplanong paghihimagsik. Pinapatunayan lamang ng
pangyayaring ito ang pagtitiwala at paggalang sa katalinuhan ni Rizal.
Sina Heneral Emilio Aguinlado at iba pang mga pinuno ng himagsikan na ipinatapon sa
Hongkong ay Nagbigay ng pang-alaalang palatuntunan noong Disyembre 29, 1897 upang dakilain
ang mga nagawa ni Rizal sa okasyon ng unang anibersaryo ng pagbaril sa bayani.
Ang pahayagan La Independecia, na pinamatnugutan ni Antonio Luna at ang El Heraldo de la
Revolucion, sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Aguinaldo ay naglabas ng dagdag na sipi bilang
paggunita sa kamatayan ni Jose Rizal.
Noong Disyembre 20, 1898, nagpalabas si Pangulong Aguinaldo ng opisyal na proklamasyon na
nagtatalaga sa Disyembre 30, ng taong iyon bilang Araw ni Rizal. Batay rin sa proklamasyon, iniuutos
ang pagtataas ng bandilang Pilipino sa kalagitnaan ng palo mula tanghali ng Disyembre 29 hanggang
tanghali ng Disyembre 30, at ang pagsasara ng lahat ng mga opisina ng pamahalaan sa buong araw ng
Disyembre 30.
Marami namang taong sumang-ayon kay Professor Ferdinand Blumentritt na nagsabi noong
1897:
Si Rizal ay hindi lamang “Ang pinakabantog na tao sa kanyang mga
kababayan kundi ang pinakadakilang tao na nalikha ng lahing Malayo”.
Ang kanyang alaala ay hindi maglalaho sa kanyang tinubuang lupa at
matututuhan pa ng susunod na mga henerasyonng mga Kastila ang pag-
bigkas sa kanyang pangalan na may paggalang at pagpipitagan.

Mula sa sanaysay na sinulat ni Esteban A. de Ocampo, Sino ang pumili kay Rizal Bilang
Pambansang Bayani natin at bakit? Binanggit niya:

“Bakit si Rizal ang naging pambansang bayani? Siya ang ating


pinakadakilang bayani sapagkat, bilang nangingibabaw na tao sa Kampanyang
Propaganda, gumanap siya ng “kahanga-hangang bahagi” sa kilusang iyon na
humigit kumulang ay papipiliin tayo ng isang katha ng isang Pilipinong manunulat
sa panahong ito, na higit sa ibang mga sinulat ay nakatulong nang malaki sa
pagbubuo ng nasyonalidad ng mga Pilipino, hindi tayo mag-aatubili sa pagpili sa
Noli Me Tangere (Berlin, 1887) ni Rizal. Totoo na ipinalathala ni Pedro Paterno ang
kanyang nobelang Ninay sa Madrid noong 1885; ni Marcelo H. del Pilar, ang
kanyang Discursos y Articulos Varios Impresiones sa madrid noong 1893, ngunit
BULACAN STATE UNIVERSITY

wala sa mga aklat na ito ang nakapaglikha ng papuri o pagpuna mula sa mga
kaibigan o mga kaaway na tulad ng Noli Me Tangere ni dr Jose Rizal.”

ANG KABULUHAN NG KABAYANIHAN NI RIZAL SA KASALUKUYANG PANAHON


Talaan ng mga Resultang Nais Makamit:

Ang Kabayanihan ni Dr Jose Rizal


Natatangi at isang pulang araw sa kasaysayan ng iniibig natin Pilipinas ang ika-30 ng Disyembre
sapagkat ginugunita ang kabayanihan at pagiging martir ng ating pambansang bayaning si Dr Jose
Rizal.
Madalas nating naririnig ang salitang “bayani” kahit saan tayo magpunta. Naririnig natin ito sa
radyo, napapanood sa mga pelikula at nababasa sa mga libro, pahayagan at internet. Tinatawag na
“bayani” ang mga pangkaraniwan tao na gumagawa ng isang bagay na taliwas sa inaasahan ng marami
na gagawin niya, o ng isang bagay na napakahirap gawin, o bagay na magdudulot ng malaking
sakripisyo at hirap. Ngunit ano ba talaga ang totoong kahulugan ng salitang “bayani”?
Binigyang kahulugan ni Dr. Zeus Salazar, isang historyador at pangunahing tagapagpalaganap
ng Pantayong Pananaw sa bansa, ang “bayani” bilang “isang nagkukusang makipagtulungan nang
walang anumang bayad sa mga gawaing pangkomunidad.” Kaugnay ng pagpapakahulugang ito ang
salitang Bisayang “bagani”, na nangangahulugang “mandirigma”, at “wani” o malasakit at pagtulong.
Sa kabilang banda, kung titingnan sa mga diksyunaryo ang pagpapakahulugan sa salitang “hero”,
kadalasang tumutukoy ito sa isang magiting, matalino at malakas na lalaki, maaaring sa totoong buhay
o binigyang-buhay sa mga kwento at epiko.
Si Melchora Aquino, o Tandang Sora, ay hindi ininda ang kanyang edad makatulong lamang sa
mga sugatan at nagugutom na mga Katipunero sa panahon ng Himagsikan.
Sa pagsiklab ng Himagsikan noong 1896, maraming mga Katipunero at mga karaniwang tao na
nakilahok sa rebolusyon ang maituturing na mga bayani. Sa kagustuhan nilang makamit ang inaasam
BULACAN STATE UNIVERSITY

na kalayaan ng bansa, nakipaglaban sila sa mga Espanyol, kahit walang kasiguruhan ang kanilang
tagumpay. Ang mga Katipunerong ito ay mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan.
Bagama’t nakamtan ng bansa ang kalayaan nito mula sa mga Espanyol, ang mga Amerikanong
tumulong upang makalaya ang mga Pilipino ay siya ring sumunod na sumakop dito. Ang mga bayaning
katulad ni Macario Sakay, na patuloy na tinutulan ang pananakop ng mga Amerikano, ay nagsilbing
inspirasyon sa ilang mga Pilipinong pilit itinatakwil ang mga bagong mananakop.
Sa panahon ng Commonwealth, binigyan ng karapatan ng mga Amerikano ang mga Pilipino na
pamunuan ang kanilang sariling bansa. Hindi man ito naging madali, lalo na’t nasangkot ang Pilipinas sa
Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinakita ng mga pangulong tulad nina Manuel Quezon, Sergio
Osmeña at ManueSi Melchora Aquino, o Tandang Sora, ay hindi ininda ang kanyang edad makatulong
lamang sa mga sugatan at nagugutom na mga Katipunero sa panahon ng Himagsikan.

Si Dr Jose Rizal sa Panahon Ngayon


“Ang hindi marunong lumingon pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Hindi
makakamit ang tagumpay nang walang kasamang gabay at tulong mula sa pamilya, mga kaibigan at
mga mahal sa buhay lalo na sa ating Maykapal. Ang kalayaang mayroon ang ating bansa ay hindi
makakamit kung hindi lumaban ang ating mga bayani. Ngunit sa panahon ngayon, tayo ba ay mula at
nagmamalasakit pa sa ating mga bayani o kahit man lang sa ating pambansang bayani?
“Kung nabubuhay si Dr. Rizal ngayon, unang-una siya sa mga magkokomento ukol sa mga isyu
sa ating lipunan. Bago niya gawin ‘yon nakapagsaliksik na siya at inalam na niya ang kabuuan ng mga
isyung ito, kagaya ng ginawa niya noong ika-labinsiyam na siglo,” ani Eloisa de Castro, propesor mula
sa Unibersidad, sa isang panayam sa Varsitarian.
Iginiit ni de Castro na makatutulong ang makabuluhang kamalayan sa pagtugon sa bawat isyu,
lalo na sa pagkilatis ng tama at mali. “Kung wala kang malalim na kaalaman o pagkakaintindi ng
konteksto, wala ka ring karapatan na magbigay ng opinyon, kasi nagdaragdag ka lang ng mas
maraming kalituhan at hindi lang kalituhan kung hindi, you are a purveyor of fake news,” giit ni de
Castro. Ayon pa sa kaniya, nakapaloob din sa critical engagement ang malalim na kaalaman sa
kasaysayan ng bansa.
“Kung mababaw ang pagkakakilanlan mo sa iyong sarili, mababaw ang kaalaman mo sa
kasaysayan. Pinag-iiwanan tayo ng kasaysayan dahilan sa hindi natin siya pinapansin,” Wika ni de
Castro, kung nabubuhay si Rizal ngayon, siguradong may opinyon siya mga napapanahong isyu sa
bansa tulad ng extrajudicial killings, isyu sa South China Sea, estado ng pulitika at sa mga taong
ginagawang biro ang kasaysayan.
Pinuna rin ni De Castro ang mga taong ginagamit si Rizal sa mga uri ng pagbibiro sa social
media. “Ang ginagawa nila ay paglapastangan even if it is in modern day context. Kalapastanganan pa
rin ‘yon para sa akin. Ang taong ginagamit nila ay isang tao na excellent at napakagandang halimbawa
bilang isang tao at Filipino,”
Nagampanan ni Rizal ang kanyang mga tungkulin para sa bayan noon na dapat bigyan ng pansin
ng sambayanang Pilipino. Hindi mo masasabing nagpabaya si Dr. Jose Rizal sa responsibilidad niya
bilang isang Pilipino noong ika-labinsiyam na siglo. Sa katunayan, ano ba ang irereklamo mo sa buhay
niya, ibinigay niya ang kaisa-isa niyang buhay para sa sambayanang Pilipino.
BULACAN STATE UNIVERSITY

You might also like