You are on page 1of 13

Occidental Mindoro National High School Mamburao, Occidental Mindoro

Isang Suring-Aklat Sa Nobelang

EL FILIBUSTERISMO
Ni: Dr. Jose P. Rizal

Iniharap ni:

Mary Claret Vianney Tarriela Cantos


IV Dandelion

Iniharap kay:

G. Eduardo D. Ellarma
Guro, Filipino IV

Pebrero 24, 2012

RUBRIC SA PAGMAMARKA DIMENSYON PUNTOS

ISKOR

Orihinalidad Nilalaman Paglalahad ng mga Ideya/Kaisipan Lalim ng Pagkakaunawa sa Nobela


KABUUAN

20% 30% 25% 25%


100

PANIMULA
A. Rasyonale:

Ang suring-aklat na ito ay may layuning magkaroon ng mas simple o payak na interpretasyon para sa mga kapwa-estudyate at sa iba pa ang akdang El Filibusterismo na nakasulat sa wikang Kastila ang orihinal. Ang suring-aklat na ito ay ginawa upang makapagbigay-tuon sa mga bagay ng hinangad na ibunyag ni Rizal tungkol sa Pilipinas noong kanyang panahon. Kinailangan ding magsaliksik upang maisagawa ang suring-aklat na ito upang higit pang maunawaan ang kaligirang panlipunan at pampulitika na inilalarawan at tinututulan ni Rizal sa kanyang nobela. Mahalagang suriin ang akdang El Filibusterismo sapagkat ito ay naging instrumento upang imulat ang mga ninunong Pilipino na makipaglaban para sa kalayaan. Ito ay nararapat suriin upang maunawaan ng bawat isa ang mga naganap noong mga panahong nasakop ang Pilipinas ng mga Kastila. Kinakailangang suriin at unawain ang akdang ito sapagkat ito ay naglalarawan ng ilang mga sakit ng bayan na hanggang sa ngayon ay nagaganap pa rin sa ating bansa kahit na wala na tayo sa ilalim ng mga Kastila. Sa pamamagitan nito ay maaaring mailarawan sa bawat isipan ng mga mambabasa ang pinagkaiba sa ugnayan ng simbahan sa gobyerno noon sa ugnayang mayroon ito ngayon. Marami ding aral na mapupulot sa pagsusuri ng akdang ito at mas makadarama ng pagiging isang makabayan ang isang mambabasa sa tulong nito.

B. Talambuhay ng May Akda:


Si Jose P. Rizal na may buong pangalang Jos Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga Kastila sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa. May angking pambihirang talino, siya at hindi lamang isang manunulat ngunit isa ring magsasaka, manggagamot, siyentipiko na nakadiskubre at nagpangalan ng ilang mga hayop na kanya namang pinangalanan, at ang sikat sa mga ito ay ang Draco Rizalina isang lumilipad na butiki. Siya ay isa ding makata, imbentor, iskultor, inhinyero, kuwentista, lingguwista, at may kaalaman sa arkitektura, kartograpiya, ekonomiya, antropolohiya, iktolohiya, etnolohiya, agrikultura, musika (marunong siyang tumugtog ng plawta), sining sa pakikipaglaban (martial arts), at pag-eeskrima. May palayaw na Pepe si Jose Rizal, siya ay ang ika-pito sa labing-isang anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos. Ang pangalan namang Rizal ay nagmula sa salitang "Ricial" o butil ng palay na ginamit lamang ni Francisco (dahil siya ay isang magsasaka) alinsunod sa kautusan ni Gobernador Narciso Calaveria noong 1849 na magpalit ng mga apelyido ang mga Pilipino. Kalaunan ay ginamit na rin ni Francisco ang Rizal Mercado upang makaiwas sa kalituhan mula sa kaniyang kasamang mangangalakal. Ipinanganak sa Calamba, Laguna si Pepe at mula sa pamilyang masasabi ring nakaaangat sa buhay dahil sa kanilang hacienda at lupang sakahan. Si Paciano at si Pepe lamang ang mga anak na lalaki sa kanilang labing-isang magkakapatid. Ang kaniyang mga kapatid na babae ay sina Saturnina, Narcisa, Olympia, Lucia, Maria, Josefa, Concepcion, Trinidad at Soledad. Ang pagkahilig sa sining ay ipinamalas niya sa murang edad. Natutunan niya ang alpabeto sa edad na tatlo at limang taong gulang naman nang siya ay mututong bumasa at sumulat. Napahanga niya ang kaniyang mga kamag-anak sa angking pagguhit at paglilok.

Walong taong gulang siya nang kanyang isinulat ang tulang "Sa Aking Mga Kababata," na ang paksa ay tungkol sa pagmamahal sa sariling wika (na noon ay Tagalog). Ang kaniyang ina ang unang guro ng ating pambansang bayani. Ito ang nagturo sa kaniya ng alpabeto, kagandahang asal, at mga kuwento ("Minsan ay may Isang Gamo-gamo"). Samantala, ang kanyang pormal na edukasyon ay unang ibinigay ni Justiniano Aquino Cruz sa Bian, Laguna. Pagkatapos noon, siya ay ipinadala sa Maynila upang mag-aral sa Ateneo de Manila University at doon ay tinamo ang Bachelor of Arts noong 1877 (siya ay 16 taong gulang) at nakasama sa siyam na estudyanteng nabigyan ng sobresaliente o namumukod-tanging marka. Ipinagpatuloy ni Jose ang pag-aaral sa Ateneo upang maging dalubhasa sa pagsusukat ng lupa at pagiging asesor. Natapos siya sa kursong asesor noong 21 Marso 1877 at naipasa ang Lupong Pagsusulit para dito noong 21 Mayo 1878 subalit dahil siya ay 17 taong gulang pa lamang ay hindi siya pinahintulutang magtrabaho bilang asesor hanggang 30 Disyembre 1881. Noong 1878, pumasok siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina ngunit dito ay naranasan niya ang diskriminasyon mula sa mga paring Dominikano. Ipinasya niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa Espanya ng sa kaalaman ng kaniyang mga magulang. Noong 21 Hunyo 1884, sa edad na 23, iginawad sa kanya ang Lisensiya sa Medisina at noong 19 Hunyo 1885, sa edad na 24, ay natapos din niya ang kurso sa Pilosopiya na may markang ekselente. Siya ay nagsanay ng medisina sa Hospital de San Carlos ngunit itinigil niya ito upang mag-aral ng optalmohiya sa Paris sa ilalim ng pagtuturo ni Dr. Weckert at sa Aleman sa ilalim ni Dr. Otto Becker. Ginawa niya ito sapagkat noong panahong iyon ay malala na ang sakit sa mga mata ng kaniyang ina. Sa Berlin, siya ay naging kasapi ng Berlin Ethnological Society at Berlin Anthropological Society sa ilalim ng pamunuan ng pamosong patolohistang si Rudolf Virchow. Si Jose P. Rizal ay isang Pilipinong repormista para sa isang lipunang malaya at hindi isang rebolusyonaryong naghahangad ng kasarinlan. Bilang puno ng Kilusan ng Pagbabago

ng Pilipinas na itinatag ng mga Pilipino sa Barcelona, Espanya, nagbigay siya ng ambagsulatin sa La Solidaridad. Hindi natanggap ng mga maykapangyarihang opisyal ang mga pagbabagong iyon, sapagkat nangangahulugan ng pagkawala ng pangingibabaw ng Kastila. Kaya sa pagbabalik ni Rizal sa Maynila mula sa Espanya, pinaratangan siya ng paghahasik ng gulo dahil sa pagtatatag ng La Liga Filipina, nilitis at ipinatapon sa Lungsod ng Dapitan/Dapitan,Zamboanga del Norte/Zamboanga noong 1892. Doon, nagtayo siya ng isang paaralang pambata, at isang pagamutan. Bukod dito, nagsagawa rin siya ng isang pambayang sistema ng padaloy-tubig. Noong 1896, natuklasan ang lihim na samahang Katipunan, kaya bigla itong naglunsad ng rebolusyon. Nang mga panahong iyon, pinayagan si Rizal ng pamahalaang maglingkod sa Cuba bilang manggagamot sa panig ng Espanya at naglalayag patungo sa nasabing lugar. Pagsiklab ng himagsikan, kaagad siyang ipinaaresto sa barko at ipinabalik sa Pilipinas. Nadawit siya bilang kapangkat at kapanalig ng mga nag-aalsa. Pinaratangan siya ng paghihimagsik at pagtatangkang ibagsak ang pamahalaan, at pagtatatag ng isang bawal na samahan. Napatunayang siyang nagkasala at hinatulan ng bitay. Noong ika-30 ng Disyembre 1896, binaril siya sa Bagumbayan, na Liwasang Rizal ngayon. Hiniling niyang huwag lagyan ng piring sa mata at mabaril ng paharap, subalit pinayagan lamang na alisin ang piring sa mata. Dahil dito, sa pagbaril sa kanya, siya'y pumihit paharap, habang bumabagsak, bilang tanda na hindi siya taksil sa pamahalaan.

Buod:

Matapos ang masalimuot na pangyayari na bumabalot sa mga tauhan sa Noli Me Tangere, lalo pa itong pinaigting ng diwa ng paghihiganti, karahasan at karuwagan sa akdang El Filibusterismo sa panibagong katauhan ni Crisostomo Ibarra bilang Simuonisang Amerikanong hilaw na mag-aalahas. Gamit ang kanyang taglay na yaman at pagiging malapit sa Gobernador Heneral ng Espanya, unti-unti niyang isinagawa ang kanyang paghihiganti sa mga prayle kasabay ng kanyang pagbabalak na itakas ang kanyang pinakamamahal na si Maria Clara mula sa kumbento ng Sta. Clara na maituturing na kakambal ng impiyerno. Bilang kanyang paghahanda sa binabalak na pag-aalsa, tahimik siyang kumuha ng mga tauhang kanyang magiging kasangkapan. Ang isa sa mga ito ay si Kabesang Tales. Ginamit ni Simoun ang pagiging marahas at palaban nito upang himukin na ipaghiganti ang sariling pamilya. Di nagtagal ay sumanib din ang kanyang amang si Tandang Selo sa pagrerebelde sa mga Kastila partikular na sa mga prayle. Ang sumunod naman ay si Quiroga. Siya ay isang negosyanteng Intsik na binigyang tulong-pinansyal ni Simoun kapalit ang kanyang pagpahintulot na ilagak ang mga baril na gagamitin sa binabalak na pag-aalsa sa kanyang tahanan. 'Di nagtagal ay nahimok din ni Simoun si Placido Penitente- isang mag-aaral na nakipagtalo sa kanyang guro dahilan sa baluktot nitong pamamalakad. 'Di naging mahirap para kay Simoun na manghimok ng kakampi sa dahilang tulad niya rin ang mga ito na napag-alab ang galit sa pakana ng mga kastila. Ngunit, naiiba sa mga ito si Basilio dahil sa kabila ng kapaitan ng kahapon, pinili pa rin niyang mamuhay ng walang bahid ng paghihiganti sa puso. Lubos niyang pinagpasalamat ang pagpapaaral sa kanya ni Kapitan Tiyago at ang magandang buhay na kanyang tinatamasa kasama ang kanyang kasintahan na si Juli kaya't wala na siyang mahihiling pa. Ngunit naging mapaglaro sa kanya ang tadhana. Dahil sa pagkakamali ng kanyang mga kamag-aral at mga kasapi sa AWK sa pangungutya at paggawa ng katatawanan sa mga prayle, sila'y

napagbintangang mga utak ng pagbabadya ng paghihimagsik sa pamamalakad ng mga kastila. Ang mga nagkalat na paskin ay siyang naging matibay na patunay laban sa kanila. Siya'y nakulong at binawian ng lahat ng kasaganahan sa buhay. Kasabay ng kanyang pagkakakulong ay ang misteryosong pagkamatay ni Juli matapos makipagkita kay Padre Camorra upang humingi ng tulong para sa kanyang paglaya. Tuluyan namang nagipit si Basilio nang pumanaw si Kapitan Tiyago at nang hindi siya nito pamanahan ni isang kusing. Ang mga paghihirap ng kahapon na unti-unti siyang binabalikan ay ang naging dahilan upang makianib siya sa nanghihinang si Simoun. Dahil sa mapagbigay na pagmamahal ni Isagani kay Paulita Gomez hindi naging matagumpay ang balak ni Simoun na pasabugin ang tahanan ni Kapitan Tiyago na kung saan naganap ang magarbong salu-salo ng pag-iisang dibdib ni Juanito Pelaez at Paulita Gomez gamit ang isang mamahaling lampara. Bagkus, ito pa ang nagsilbing patunay para kay Padre Salvi na siya at si Crisostomo Ibarra ay iisa. Siya'y agad na ipinahanap upang dakipin. At upang magtago, siya'y pumunta kay Padre Florentino sa pag-aakalang siya'y maiintindihan nito ngunit ang lahat ng kanyang paniniwala ay sinalungat ng pari. Nang makatanggap sila ng liham na nag-uutos na isuko ang taong tinatago ni Padre Florentino ay agad na nabuo sa kanyang isipan na mas mabuti pang siya'y magpatiwakal kaysa mapasakamay ng mga kastila. Namatay si Crisostomo na hindi yumuyukod sa relihiyon at pamamalakad ng mga dayuhang nagpahirap sa kanya. Ang kanyang mga kayamanan at labi ay pinaagos ni Padre Florentino sa kailaliman ng dagat at sinabi niyang itago nawa ito ng kalikasan sa kailaliman, na kasama ng mga korales at mga perlas.

PAGSUSURI:
A. Paksa ng Nobela:
Ang nobelang El Filibusterismo na ang ibig sabihin ay Ang Paghahari ng Kasakiman ay pampulitika na nagpapadama, nagpapahiwatig at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan. Tumatalakay ito sa paghihiganti laban sa mga kalupitang taglay ng mga Kastila at partikular na sa mga prayle. Ito ay makikita sa ginawang pagbabalik ni Crisostomo Ibbara bilang si Simoun. Siya ay nanghimok ng mga kasapi para sa gagawing paghihiganti para kay Maria Clara. Tumatalakay din sa pakikipaglaban para sa tunay na pag-ibig ang nobelang El Filibusterismo. At ito ay makikita sa ginawang pagdedesisyon ni Basilio na umanib kay Simoun upang makapaghiganti sa mga Kastila para sa kanyang pinakamamahal na si Huli na misteryosong namatay matapos makipagkita sa isang prayle na si Padre Camorra. Sumasalamin din ang nobelang ito sa kawalang karapatan, kawalang hustisya, at pagiging makabayan nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas. Ito ay isinulat ni Jose Rizal upang ialay sa tatlong paring martir na lalong kilala sa tawag na Gomburza.

B.

Layunin ng Nobela
Ang nobelang El Filibusterismo na isinulat ni Jose Rizal ay may layuning

gumising ng damdamin upang maghangad pang lalo ng ganap na kalayaan at tunay na karapatan. Ito ay isinulat ni Jose Rizal sapagkat nais niyang idaan ang kanyang mensahe tungkol sa pagkamatay ng tatlong paring martir sa pamamagitan ng paggawa ng isang nobela na tiyak siyang mababasa at makararating sa iba. Nang sa ganoon ay mas mamulat ang mga Pilipino lalo na ang kabataan sa panahon ngayon na minsan na tayong inalipusta ng mga kastila,ninakawan ng karapatan at hustisya kayat dapat tayong maging handa sa mga susunod pang pakikipaglaban para sa ating bansa.

C. Pagsusuri sa mga Mahahalagang Tauhan sa Nobela:


Simoun - ang mayamang mag-aalahas, na nakasalaming may kulay, na umano'y tagapayo ng Kapitan Heneral ngunit siya ay si Juan Crisostomo Ibarrana nagbalik upang maghiganti sa kanyang mga kaaway. Siya ay tauhang lapad sapagkat hanggang sa dulo ng nobela ay hindi nagbago ang kanyang ugali at layuning makaganti sa mga kallupitan ng mga Kastila.


Isagani - ang makatang kasintahan ni Paulita, pamangkin ni Padre Florentino. Siya ay isang tauhang bilog, sapagkat hindi niya naituloy ang planong pagpapasabog sa bahay ni Kapitan Tiyago dahil nalaman niyang mapapahamak ang kanyang kasintahang si Paulita Gomez.

Basilio - ang mag-aaral ng medisina at kasintahan ni Juli. Siya ay isang tauhang bilog sapagkat nagbago ang kanyang ugali at paninindigan nang siya ay umanib kay Ibarra para sa paghihiganti para sa namatay niyang kasintahang si Juli.

Kabesang Tales - ang naghahangad ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka na inaangkin ng mga prayle. Siya ay isang tauhang lapad dahil walang nagbago sa kanya hanggang sa dulo ng nobela.

Tandang Selo - ama ni Kabesang Tales na nabaril ng kanyang sariling apo. Siya ay isang tauhang lapad dahil walang nagbago sa kanyang pag-uugali o paniniwala hanggang sa siya ay bawian ng buhay.

Senyor Pasta - Ang tagapayo ng mga prayle sa mga suliraning legal. Siya ay isang tauhang lapad dahil walang nagbago sa kanyang karakter hanggang sa huli. Ben Zayb - ang mamamahayag sa pahayagan. Isa siyang tauhang lapad, dahil bilang isang Kastila ay walang nagbago sa kanyang paniniwala hanggang sa huli. Placido Penitente - ang mag-aaral na nawalan ng ganang mag-aral sanhi ng suliraning pampaaralan. Siya ay isang tauhang bilog sapagkat nagbago ang kanyang pag-uugali dahil sa ilang kaganapang naranasan niya sa kaniyang paaralan at isa na dito ang pagsagot niya ng walang galang sa kanyang guro sa Pisika.

Padre Camorra - ang mukhang artilyerong pari. Isa siya sa mga tauhang bilog sapagkat sa kabila ng pagkagusto niya kay Juli ay nagawa niya itong talikuran dahil sa siya ay isang pari.

Padre Fernandez - ang paring Dominikong may malayang paninindigan. Isa siyang tauahang lapad sapgkat walang nagbago sa kahit anong aspeto ng kanyang karakter sa nobelang ito hanggang sa dulo.

Padre Salvi - ang paring Franciscanong dating kura ng bayan ng San Diego. Siya ay isang tauhang lapad dahil walang nagbago sa pananaw niya hanggang sa dulo ng nobela. Padre Florentino - ang amain ni Isagani. Siya ay nanatiling tapat sa pagiging pari hanggang sa dulo ng nobela lalo na nang kanyang isinuko si Padre Camorra, kaya isa siyang tauhang lapad.

Don Custodio - ang kilala sa tawag na Buena Tinta. Siya ay isang tauhang lapad at nagpatuloy ang pagiging hambog na pag-uugali hanggang sa dulo ng nobela. Padre Irene - ang kaanib ng mga kabataan sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila. Ang layunin niya ay nagpatuloy kaya isa siyang tauhang lapad. Juanito Pelaez - ang mag-aaral na kinagigiliwan ng mga propesor; nabibilang sa kilalang angkang may dugong Kastila. Siya ay isang tauhang lapad dahil nagpatuloy ang kanyang taglay na pag-uugali at pananaw hanggang sa wakas ng nobela .

Macaraig - ang mayamang mag-aaral na masigasig na nakikipaglaban para sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila ngunit biglang nawala sa oras ng kagipitan. Siya ay

isang tauhang lapad dahil nagpatuloy ang kanyang hangaring maitayo ang Akademya ng Wikang Kastila kahit na nabigo sila dito.


Sandoval - ang kawaning Kastila na sang-ayon o panig sa ipinaglalaban ng mga magaaral. Isa siyang tauhang lapad dahil nagpatuloy ang kanyang pagsuporta sa mga magaaral na nais maitayo ang Akademya.

Donya Victorina - ang mapagpanggap na isang Europea ngunit isa namang Pilipina; tiyahin ni Paulita. Isa siyang tauhang lapad dahil kahit kailan ay hindi nagbago ang kanyang mapagpanggap na ugali.

Paulita Gomez - kasintahan ni Isagani ngunit nagpakasal kay Juanito Pelaez. Bagamat ikinasal siya sa iba ay hindi naman nagbago ang pag-ibig na nararamdaman nito para kay Isagani kaya isa siyang tauhang lapad.

Quiroga - isang mangangalakal na Intsik na nais magkaroon ng konsulado sa Pilipinas. Isa siyang tauhang lapad dahil walang nabanggit na kahit na anong pagbabago sa kanyang karakter sa nobela.

Juli - anak ni Kabesang Tales at katipan ni Basilio. Isa siyang tauhang lapad dahil hanggang sa kanyang misteryosong pagkamatay ay hindi nabago ang nararamdaman niya para akay Basilio.

Hermana Bali - naghimok kay Juli upang humingi ng tulong kay Padre Camorra. Isa siyang tauhang lapad dahil walng nagbago sa kahit na anong aspeto ng kanyang karakter sa nobela.

Hermana Penchang - ang mayaman at madasaling babae na pinaglilingkuran ni Juli. Walang nabanggit na kahit na anong pangyayari sa nobela sa karakter niya kaya isa siyang tauhang lapad.

Don Tiburcio - asawa ni Donya Victorina. Isa siyang tauhang lapad dahil tulad ng kanyang asawa ay wala ding nabago sa pag-uugali niya.

D. Pagsusuri sa mga Mahahalagang Pangyayari sa Nobela:


Isang mahalagang pangyayari sa nobela na maiuugnay sa kasaysayan ng Pilipinas na nagpakita ng buong pusong pakikipaglaban para sa Kalayaan ay ang pakikipaglaban nina Simoun. Ipinakita sa bahaging ito kung papaano unti-unting nahimok ang mga Pilipino na sina Basilio na maghiganti laban sa kalupitan ng mga Kastila na ginagawa sa kanila. Hanggang sa sila ay dumami at lalo pang nag-alab ang damdaming matagal ng nagtitiis sa pang-aalipusta ng mga Kastila. Ito ay hindi malayo sa totoong naganap nang sakupin ng Kastila ang bansang Pilipinas sa loob ng mahabang panahon kasabay ng pagsakal at pagnakaw ng karapatan ng bawat Pilipino. Hanggang sa dumating din ang araw na nagdesisyon ang marami na dapat ng lumaban upang mabawing muli ang kalayaang matagal ng nagtago mula sa maliwanag na sinag ng araw. Maiuugnay din ang kaganapan kung saan ginamit na inspirasyon nina Basilio ang mga mahal nila sa buhay na inapi ng mga Kastila upang pagtibaying lubos ang layuning makabawi sa mga Kastila. Tulad din ito ng nangyari noon na sadya namang dumanak ang dugo na siyang nagpagising sa mga Pilipino upang lumaban at muling umahon sa putikan.

Pagtataya:
Ang El Filibusterismo ay isang kahanga-hangang akda. Sapagkat , bukod sa ito ay isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas ay masasabi ring may kakaibang kapangyarihan itong gumising ng damdamin at kumumbinsi na makipaglaban para sa kalayaan. Bilang isa sa kabataan sa henerasyon ngayon ay masasabi kong isa itong kapakipakinabang na akda. Sapagkat sa pamamagitan ng pagtalakay at pagbabasa nito ay nakapagbibigay kaalaman ito na humahantong sa pagrereplek sa mga pangyayaring naganap noong panahong sinakop ng mga Kastila ang ating bansa. Tila ba isa itong kwento na tumatalakay sa iba pang kwento. Napakasining ng pagkakagawa at malaman. At para sa akin ay higit pa ito sa kahit na anong kwento sapagkat ang lahat ng kwento ay nakapaloob na dito. Nandidito na ang kwento tungkol sa pamilya,

tungkol sa pag-ibig, tungkol sa determinasyon, tungkol sa pang-aapi, tungkol sa pagkabigo, tungkol sa pagkapanalo, at tungkol sa sariling bayan. Napakarami ring aral na mapupulot sa nobelang ito na maaaring maiaplay sa pang-araw-araw na buhay nating mga Pilipino.

KONGKLUSYON:
Ang nobelang El Filibusterismo ay sadya namang karapat-dapat na irekomendang basahin ng madla , sapagkat maiuugnay natin ang taglay nitong kwento sa tunay na naganap noong panahong sinakop ng mga Kastila ang bansang Pilipinas. Ito ay mahalagang mabasa at maunawaan ng bawat isa sapgkat ito ay naging bahagi ng kasaysayan at nagsilbing instrumento upang palakasin ang loob ng mga nanghihinang loob ng mga Pilipino sa ilalim ng mga Kastila noon. Mahalaga ding malaman ng bawat Pilipino kung gaano kahirap at ipinaglaban ng mga naunang Pilipino ang kalayaang ating tinatamasa sa ngayon sa pamamagitan ng akdang ito na isinulat pa mismo ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal. Maraming aral ang mapupulot sa nobelang ito. Unang-una na rito ay ang pagkakaroon ng matinding determinasyon at ang hindi pagpapadala sa agos ng sitwasyon upang makamit ang isang bagay na minimithi. Isa pa sa mga aral na aking natutunan ay ang pakikipaglaban para sa pamilya at ang paggamit ng mga masasakit na pangyayaring nagaganap sa buhay ng tao bilang inspirasyon at matibay na pundasyon sa pagkatao upang magtagumpay sa kahit na anong laban at pagsubok ng buhay. At siyempre ang pinakamahalagang aral na napulot ko dito ay ang pagtitiwala sa Diyos na hanggat may buhay at determinasyon ay may pag-asa. Kung ako ang may akda ng nobela ay maaari ko itong mapaunlad sa pagsasabi ng tuwiran sa totoong nangyari sa pagkamatay ni Juli upang lubos na maintindihan ng mga mambabasa ang mga kaganapan. Ngunit bukod dito ay wala na akong maisip pang ikauunlad nito dahil para sa akin ay tamang- tama lamang ang pagkakagawa nito at may sapat itong kakayahan upang palabasin ang emosyon ng mga mambabasa sa bawat kaganapang mayroon ito.

You might also like