You are on page 1of 1

Ayoko ng gulay. Kung ako si Superman, kailangan mo lang ilapit sa akin ang hiniwang pipino para manghina ako.

Hindi mo na kailangan maghanap ng kryptonite. Isang pipino lang. Hiniwang pipino..o kaya lumpiang ubod, diningding, papaitan, pakbet, pinakbet, laing, kamatis, bawang , sibuyas, okra, talong, repolyo, labanos, mustasa (kahit hindi ko alam kung ano 'yon), bataw, patani, kundol, patola, at bahay kubo--lahat yan, ayoko! GWARRRK! <*suka*> Oo, masustansya nga ang mga gulay, pero masarap ba? At kung kakain ka ng mga halaman, e di sana naging kabayo ka na lang! Saka hindi lang naman mga gulay ang may bitamina. Kung gagamitin natin ang sukatan ng mga nutritionist, maraming malasang pagkain ang mas masustansya pa sa mga gulay. Katulad na lang ng pork barbecue. Ito ay may 84.2 grams (gm) ng protein, .6 milligrams (mg) ng iron, at 0% fat. Isa pa ang potato chips. Meron itong 2,500 IU ng Vitamin A, 40mg ng Vitamin C, at 400 IU ng Vitamin D. Kabilang din sa grupong ito ng mga masasarap at masusustansyang pagkain ang hamburger, popcorn, at pixxa pie na pare-parehong may 10.2mg na Niacin, 45mg na Calcium, 1.3mg na Iron, at 27mg na Vitamin C kung kakayanin mo pati ang kahon ng pizza pie. At kung inaakala mong walang mapapala sa kakahithit ng sigarilyo, nagkakamali ka! Dahil ang isang stick ng yosi e merong 258 IU ng Vitamins A at D. At madadagdagan pa ng 1,200mg ng Calcium at two flourides kung sasabayan mo ng Lambanog. Kita mo na? 'yan ang mga bagay-bagay na inililihim sa atin ng mga nutritionist sa di malamang kadahilanan. Pero isipin mo, ipagpipilitan ba nila sa atin ang mga gulay kung wala naman silang mapapala dito? Hindi! Ano ang benipisyo sa kanila kung sakaling lumusog tayo? Wala! Pero patuloy pa rin silang nagsisikap sa gawaing ito. AT BAKIT?? Makinig ka maigi: Dahil. Gusto. Nilang. Mahawa. Ang buong sangkatauhan sa Foot & Mouth disease na nakukuha sa mga uod sa gulay. Balak rin nilang malason tayo ng tira-tirang pesticides galing sa mga itinitindang gulay sa palengke. At gusto nilang mahiwa ang kamay ng mga tai habang naghahanda sa kusina ng lutuing gulay! Ito mismo ang ginagawa ngayon ng mga tinatawag nating "nutritionist" para sila ang maghahari sa mundo pag naubos na tayo! Pero hindi mo alam 'yon, tao, dahil pagmulat ng mga mata mo dito sa mundo ay tinatanggap mo na lang ang lahat bilang katotohanan! At alam mo ang kapalit?--- HABAMBUHAY NA PAGKAIN NG MGA GULAY!!!!!!!!! Yikes. <*sign of the cross*> --PABORITONG LIBRO NI HUDAS. Page 136-137

You might also like