You are on page 1of 4

SI KUYANG AGUSTIN NI PEDRONG BUNSOY

WIKA: MATATAG NA SANDIGAN NG PAGKAKAISA

Ano ang magagawa ng iilang salita? Magpanatag ng silakbo ng kalooban,

katulad ng mga salitang Narito ako? Magpatatag ng pagtitiwala, kagaya ng mga

salitang Huwag matakot? Magbuo ng pagsasamahan, kaparis ng mga salitang

Mahal kita? Ano ang magagawa ng iilang salita? Ano ang kanilang halaga? Ano ang

kyang idulot ng mga ito? Ano ang kanilang katuturan sa kabihasnan, sa sambayanan,

at sa sangkatauhan?

Ang kasagutan sa mga tanong na ito ay matimyas na inilalahad ng kasaysayan

ng sangkatauhan. Ayon sa mga tal, ang imperyo ng Tsina ay nagsimula nang

pagbuklurin ni Qin Shi Huang Ti ang mga tribo ng kanyang lupain sa pamamagitan

hindi lamang ng pakikidigma, kundi sa higit na mainam na paraanng pagbuo ng

iisang kasaysayan at paggamit iisang wika para sa lahat. Si San Agustin man, na

obispo ng Hippo sa Cartago, Africa, ay nagawang pag-isahin sa kabanalan ang

kanyang kawan dahil sa wika. Nagsalita siya at nangaral sa wikang Latin na

naunawaan ng kanyang inalagaang sambayanan, di gaya ng nauna sa kanyang obispo

na Griyego lamang ang alam. Naunawaan nila na ang wika nga ay mainam na

kagamitan sa pagkakaunawaan at pagbubukluran.

Ang mga nagbalangkas man ng pagsasakatuparan ng paggamit ng wikang

Filipino bilang pambansang wika natin ay ganito rin ang kaisipan. Nakita nila na dahil

sa napakaraming dayalekto ng Kapuluuanhumigit-kumulang tatlong daanay

mahirap magkaroon ng pakikipagtalastasang nagbubunsod ng pagkakaisa. Nalalaman

ng sinumang nagpapatakbo ng estado na ang sambayanang walang pagkakaisa ay


sambayanang walang pagkakakilanlan, walang pag-unlad. Ang lahat ng kamangha-

manghang bagay na ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng wika. Ito ang halaga

ng kahit na iilang salita: magbigay ng pagkakaisa sa bayang malaon nang watak-watak

at salu-salungat.

Sa ganito ring paraan, ang wika, gaano man kakaunti ang gamiting salita, ay

nagdudulot ng pagbabago sa isang tao. Ang isang taong makarinig ng mga salitang di

maganda tungkol sa kanya ay agad na magagalit, o kung di man, ay hahanap ng lakas

ng loob na magpaumanhin sa mga masamang bagay na sinabi tungkol sa kanya. Sa

kabilang banda, ang isang nakakarining ng papuri at paggalang ay tiyak na natutuwa

dahil sa mabuting pakikitungong sa kanya ay iniuukol. Ang isang magandang balita ay

dagling nagdudulot ng saya ng puso. Alalaong bagay inawit ng may-akda ng mga

Salmo, O! Kay gandang pagmasdan ng mga paa niyang may taglay ng mabuting

balita! (Sa kulturang Hebreo, ang mga salitang ito ay tanda ng abot-langit na

kagalakan.) Ang balita naman ng kamatayan o kasawiang-palad ay nagbubunsod ng

kapighatian at lumbay.

Di bat karanasan din natin ito? Naaalala pa nating malimit ang unang

pagkakataon na sinabihan tayo ng ating iniirog, Mahal kita, at tila ilog nang

magsasalimbayan ang masasayang alaala ng lumipas. May kirot pa rin sa puso kapag

naaalala natin ang sandaling narinig ang tungkol sa pagpanaw ng isang minamahal; at

bagong pag-asa ang sumisilay sa pagsasariwa kung paano natin nalampasan ang

ganitong kalaking hamon sa buhay. Umaalingawngaw pa rin sa ating tainga ang mga

salita ng isang talumpati o pangaral na nagpabago sa ating landas na tinatahak. At sa


bawat pagsagi sa gunita ng mga salitang ito, tayo ay napagpapanibago, napalalakas, at

higit na nagiging mabuting tao. Ito ang naidudulot ng wika.

Ang ganitong pagpapanibago ay napakahalaga sa pagkakaisa. Upang maging

tunay na buo ang bayan, kailangang ang mga kasapi nito ay may tamang pananaw at

mabuting pagkahubog. Kung hindi, ang bayang ninaais na maging maunlad ay mauuwi

sa bayang mapagpanggap: kunwariy lumalago sa labas ngunit hungkag sa loob. Ang

mga ito ay magaganap lamang kung may wikang nauunawaan at nagagamit ng lahat.

Sapagkat kung ang sambayanang pinatatatag ay nagnanais na maging malago,

kailangang nakasandig ito sa mga pagpapahalaga ng lahi. Ang pagsasalin at

pagpapatibay ng mga pagpapahalagang ito, na sa bawat salin-lahi ay nagpapalakas at

nagpapanibago, ay nagaganap sa pamamagitan ng wika. Hindi bat ang unang aralin

ng mga bata ay hindi nagaganap sa paaralan, kundi sa bahay, kung saan naghahabilin

ang nanay na Maging mabuti ka sa iba upang maging mabuti rin sila sa iyo, o ang

tatay na Magpakatatag ka at magtiyaga upang maging maalwan sa buhay, o ang lola

na Mahalin ang Diyos at huwag Siyang kalimutan sa ano mang iyong gagawin. Ang

mga ito ay sandigan ng isang nagkakaisang sambayanan! At ang wika ang

nagdududlot ng mga ito.

Kaya naman gayon na lamang ang halaga ng wika sa kabihasnan, sa

sambayanan, at sa sangkatauhan. Hindi ang mga barbarong Visigoth ni Alaric ang

nagpabagsak sa imperyo ng Roma. Ang nakasira sa kanila ay ang pagtanggi ng mga

mamamayan na making sa hinihingi ng batas ng kaayusan. Nawalan sila ng

pagkakaisa dahil sa pagkamakasarili at hindi pag-unawa sa kanilang kapwa. Kaya,

noong lumusob ang mga maninira, agad silang nabuwag at bumagsak. Hindi lamang
pagmamalabis ang dahilan ng rebelyong Sepoy laban sa mga Ingles na naganap sa

India. Nakakaya pa noon ng mga Sepoy (mga sundalong taal na taga-India) ang

pahirap ng mga mananakop. Sila ay nag-aklas dahil sa hindi pakikinig ng mga Ingles

sa kanilang pakiusap na huwag gumamit ng langis ng hayop sa paggawa ng mga

lalagyan ng bala ng baril (iyon ay taliwas sa kanilang relihiyon).

Hindi lang naman talamak na kasakiman ang dahilan ng pagkasira ng

pamunuang Marcos. Nakasira rin ang hindi niya pakikinig sa hinaing ng bayan na tama

na, sobra na, wakasan na ang mga pagsikil sa karapatan at pagsakal sa katarungan.

Ang mga pagkakataong ito ay mga yugto sa kabihasnan kung kalian hindi nagamit ang

wikang nauunawaan upang magkaroon ng pagkakabuklod-buklod sa kabila ng mga

pagkakaiba-iba. Ito ang katuturan ng wika sa kabihasnan, sa sambayanan, at sa

sangkatauhan. Kapag hindi ito nagamit nang tama, ito ay nagiging dahilan, hindi ng

pagkabuo, kundi ng pagkasira.

Ang wika ay makapangyarihan. Ito ay maraming nagagawa para sa pagkakabuo

at pag-unlad ng sangkatauahan. Ito ay nagdudulot ng pagkakaunawaan. Ito ay

nagbubunsod ng pagpapanibago. Ito ay nagbibigay ng pag-unlad kapag ginamit nang

mahusay, at pagkawasak kung isasantabi lamang. Ang lahat ng ito ay mahalagang

sangkap ng pagbubuklod. Ang mga ito ay marapat gamitin, ngayon na, sapagkat ang

wika ay matatag na sandigan ng pagkakaisa.

You might also like