You are on page 1of 82

Chapter 01 • How To Get Away With Murder?

ERALD CASTELL

NAGSITAHIMIK ANG lahat nang pumasok ang aming guro sa classroom. Tumigil sa
nakakasukang paghaharutan ang mga magkasintahan. Humina ang mga sigawan na kanina'y
umaalingawngaw sa silid. Nauwi sa nakabibinging katahimikan ang mga bulungan.

Dahil nakaupo ako sa likuran, nakikita ko kung ano-ano ang ginagawa ng mga kaklase
ko. Karamihan sa kanila'y nakakrus ang mga daliri at paulit-ulit na bumubulong na
"Sana nakalimutan niya... Sana nakalimutan niya..."

Halos hindi rin sila humihinga hangga't hindi pa nagsasalita ang teacher naming
abala sa pagbubura ng mga nakasulat sa white board. Malamang, hindi nakapag-review
ang mga 'to para sa nakatakdang quiz namin ngayong araw. Paano ba naman, busy sila
sa pakikipaglandian kanina.

"For our lesson today," inilapag ni sir ang eraser sa mesa, kinuha ang marker at
nagsimulang magsulat sa board, "we will be discussing about trigonometric
functions. Last time, we already talked about the..."

Nakita kong nakahinga nang maluwag ang mga kaklase ko. Nawala ang tensyon sa
kanilang balikat. Kapansin-pansin din ang ngiti ng tagumpay sa kanilang mga mukha.

Pero nagkakamali ang mga kumag na 'to kung akala nila'y nakalusot na sila.

Mabilis kong itinaas ang aking kamay nang muling humarap si sir sa amin.

"Yes, Mr. Erald Castell? Is there something you wanna say?"

"Sir, 'di ba sinabi n'yo last week na may quiz tayo ngayon?" nakangiti kong tugon
sa tanong niya. Kaagad akong sumulyap sa mga kaklase kong halos magdiwang na
kanina. Nanlaki ang kanilang mga mata at bahagyang napabuka ang mga bibig.

Maya-maya'y naramdaman ko ang mga nanlilisik nilang tingin sa direksyon ko, tulad
sa mga leon bago lapain ang bibiktimahing usa. Kung isa akong "normal" na
estudyante, mapapatakip ako ng bibig at magsisisi sa mga salitang nakatakas sa
aking labi.

Pero hindi ako tulad nila. Hindi ako natatakot na ipahayag ang opinyon ko. Hindi
ako natatakot na sumalungat sa agos.

"Muntik ko nang makalimutan!" nagpapalakpak si sir at saka itinigil ang pagsusulat


sa white board. "Salamat sa pagpapaalala, Mr. Castell. Now, get one whole sheet of
paper."

"ERRR-AAALD!" nanggigigil na bulong ng ilang katabi ko, sinabayan pa ng mga


nagbabantang sulyap. "Kahit kailan, kontrabida ka talaga!"

Alam kong hindi 'yon isang papuri kundi isang pagpapahayag ng pagkamuhi. Pero para
sa aki'y malaking bagay at nakatataba ng puso ang tawaging "kontrabida." Ni minsa'y
hindi ako ituturing na bayani ng mga nakakakilala sa 'kin. Mahilig kasi akong
manabotahe ng mga plano at sumira ng kaligayahan ng iba.

Kung magiging protagonist ako ng isang nobela, mas pipiliin kong maging isang anti-
hero, 'yung main character na walang taglay na kahit anong katangian ng isang
bayani. Masyado nang mainstream ang mga "good guy" na gustong labanan ang kasamaan.
Oras na para sa mga tulad kong kontrabida para matutukan ng spotlight.

Ngunit dahil sa nangyari, posibleng armalite ang itutok ng mga kaklase ko sa 'kin.

May kabayaran din ang pagiging kalaban ng sangkatauhan-ang pag-iisa at 'di


pagkakaroon ng kaibigan. Kapag hindi ka "in" at hindi ka sumusunod sa agos, para
kang may ketong na iniiwasan ng lahat sa takot na mahawa sa 'yo.

Sanay na akong maglakad nang mag-isa sa mundong ibabaw kaya hindi problema sa 'kin
'to. Tuwing lunch time, mag-isa akong kumakain sa sulok ng cafeteria. Tuwing klase
namin sa PE, mag-isa akong nakapuwesto sa pinakataas at pinakadulong upuan sa
bleachers ng aming gymnasium. Parang may invisible aura ako na nagsasabing "huwag
kakausapin o lalapitan. Nakamamatay."

Hindi na rin siguro kataka-taka kung sasabihin kong wala pa akong naging
girlfriend. Kaakibat na 'yon ng aking "sumpa." Hindi rin kasi ako interesado na
hanapin ang soulmate ko o ang taong meant-to-be para sa 'kin (kung meron man).
Hindi rin ako desperadong alamin kung may "forever" ba sa pag-ibig o wala.

Ang sabi nila, memorable ang high school life dahil dito mararanasan ng isang
kabataang tulad ko ang first love, first date at first heartbreak. Tss! Ang high
school romance na pinapangarap ng karamihan sa amin ay isa lamang delusyon. At
hindi ako isang hangal para magpalinlang dito.

Tatlumpung minuto ang lumipas nang matapos kong sagutin ang quiz. Habang naglalakad
ako patungo sa harapan para ipasa ang papel ko, may ilan sa mga kaklase ko ang
nangtangkang takirin ako. Malas nila dahil lagi akong handa sa mga ganong
sitwasyon.

Nang pabalik na ako sa upuan, nakita kong napapakamot sa ulo at halos magdikit na
ang mga makakapal na kilay ng mga katabi ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero
kumpara sa mga utak-ibon na 'to, hindi hamak na mas matalino ako.

***

Nang tumunog ang nakakairitang school bell, madali kong inayos ang aking gamit at
naglaho nang parang ninja sa classroom. Mahirap na, baka abangan ako ng mga kaklase
ko sa labas ng classroom o kaya sa hagdanan.

Nakatulong ang bugso ng mga estudyanteng naglalakad sa hallway ng third floor para
hindi ako matunton ng mga taong may balak na gantihan ako sa nangyari. Sumabay ako
sa kanilang agos at naging maliliksi ang bawat hakbang ko hanggang sa marating ang
hagdanan.

Pasado alas-kuwatro na, oras ng uwian. Sa halip na dumiretso akong umuwi para
matulog o mag-log in sa Facebook, nagtungo ako sa right wing ng first floor at
naglakad papuntang dulo ng pasilyo, ang lugar kung saan kakaunti lamang ang
dumadaan.

Paglilinaw: Hindi ako pupunta sa Chamber of Secrets o kahit anong lihim na lugar
dito sa school building. Nag-text kasi kanina sa 'kin ang presidente ng tanging
club na sinalihan ko dahil kailangan daw naming mag-meeting para sa darating na
"club fair."
Kung ako ang tatanungin, hindi ko gustong sumali sa kahit anong organisasyon. Sa
katunayan, noong nakaraang taon, sinubukan kong magtayo ng sariling club para sa
mga kontrabidang tulad ko-ang Villain Club. Sa kasamaang palad, hindi pumayag ang
Office of Student Affairs. Masyado na raw marami ang clubs sa school.

Kahit labag sa kalooban ko, sumali ako sa isang existing club. Dito sa Felician
High, mandatory ang pagsali ng mga estudyante sa isang academic club at isa o
dalawang non-academic club. Kapag hindi ka naging miyembro ng kahit anong org,
mabibigyan ka ng exclusive ticket papuntang principal's office at makaka-meet-and-
greet mo pa ang dragon lady ng school namin.

Nakarating ako sa tapat ng isang pinto kung saan may nakadikit na papel at
nakaimprenta ang pangalang "SOS Club."

Sa dinami-dami ng mga club, bakit dito ako sumali? Una, nag-iisa lang ang miyembro
dito kaya hindi ko kailangang makihalubilo sa maraming estudyante. Pangalawa,
bilang isang aspiring evil overlord, kailangan ko ng isang fortress kung saan
puwede akong tumambay kapag vacant period o tuwing walang klase kapag may school
event.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sumilip muna sa siwang para tingnan kung may
nag-aabang na "trap" sa akin. Noong una ko kasing pagpasok sa club office para
magtanong kung puwedeng sumali, binasa ako ng president gamit ang isang water gun.

"Bilang miyembro ng SOS Club, dapat handa ka sa posibleng mangyari! Paano kung
pagbukas mo sa pinto e na-trigger ang pagsabog isang bomba?" natatandaan kong
pangaral niya sa akin.

Alam kong classified bilang detective club ang org namin pero sobra naman yata para
isipin na may magtatanim ng bomba sa opisina o kaya'y gagawa ng krimen.

Nang masiguro kong "clear" ang paligid, tuluyan ko nang binuksan ang pinto at
tumuloy sa loob. Hindi ganon kalaki ang club room kaya kaunti lang ang gamit. May
maliit na cabinet sa sulok na ang tanging laman ay alikabok. Meron ding nakapakong
white board na kasing-linis ng walang sulat na papel at corkboard sa pader. Sa
gitna ng silid ay nakapuwesto ang mahabang mesa na yari sa kahoy kung saan tila
natutulog ang isang babaeng may hawak na camera sa kanang kamay at water gun sa
kaliwa.

At sa ibabaw ng mesa'y umaagos ang pulang likido at mabagal na tumutulo sa sahig.

Pu-Pulang likido?! Maaari kayang-

"Mi-Miss President?"

Napahakbang ako nang paurong habang pinagmamasdan ang hindi gumagalaw niyang
katawan. Mabilis kong ini-lock ang pinto para walang makapasok at makakita sa
nangyari. Bumilis ang pintig ng puso ko habang pinagmamasdan ang pagdaloy ng dugo.

Posible kayang pinagtitripan ako ng president gaya ng ginawa niya dati? Gusto ko
sanang hawakan siya para kumpirmahin kung totoo nga ang nakikita ko. Ngunit paano
kung dumikit ang fingerprints ko sa kanya? Lalo akong madidiin sa krimen na hindi
ko naman ginawa.

Anong dapat kong gawin? Bakit ang isang tipikal na araw sa buhay ko ay naging isang
episode ng How To Get Away With Murder? Dapat ko bang tawagin ang mga pulis at i-
report ang nangyari? Hindi, tiyak na dadaan ako sa mahaba-habang interview at ayaw
kong masayang ang mga nalalabing oras ng araw ko. Baka ako pa nga ang magmukhang
kahina-hinala sa nangyari e.
Tsk. Hindi ko inasahang mamomroblema ako sa isang bagay na hindi ko ginawa.

Mas mabuti nang tumakas mula sa crime scene at magpanggap na walang nakita. Bilang
isang self-proclaimed na kontrabida-kahit hindi ako ang nasa likod ng krimeng ito-
gusto kong bigyan ng sakit ng ulo ang mga tao rito sa campus lalo na ang student
council. Tiyak na manginginig ang laman ng mga estudyante kapag nabalitaan nila ang
SOS Club Murder Case.

Hahawakan ko na sana 'yung doorknob gamit ang kamay kong nakabalot ng panyo nang
bigla akong napahinto. Muli akong napalingon sa walang buhay na katawan ng club
president.

"Hi, Erald! Can we meet later in the club office at around 4PM? We need to talk
about the club fair."

Sh*t! Ang text message niya sa 'kin kanina! Kung iinspeksyunin ng mga pulis ang
kanyang phone at makikita 'yon, malamang ipatawag nila ako at ituring na prime
suspect.

Mukhang wala na akong choice kundi burahin ang text message para walang ebidensya.
Marahan akong lumapit papunta sa kanyang kinauupuan, nag-iingat na hindi matapakan
ang dugo na nasa sahig. Sinuri ko ang ibabaw ng mesa. Wala roon ang kanyang phone
kaya malamang ay nasa bulsa ito ng kanyang palda.

Hindi ko alam kung mahilig siyang magbura ng sent messages, pero mas mabuti na ang
sigurado. Sino bang mag-aakala na posibleng malaki ang epekto ng ganong kaliit na
detalye?

Dahan-dahan kong ipinasok ang aking kamay sa kanyang kanang bulsa. Malakas ang
hinala ko na nandito ang kanyang phone imbes na sa kaliwa dahil mahilig ang mga
tulad niyang right-handed na ilagay sa kanang bulsa ang mga laging ginagamit na
bagay. Naramdaman ko ang isang matigas, manipis at parihabang bagay at unti-unti ko
itong kinuha.

Sa oras na nabura ang message na 'yon at malinis ang doorknob na may fingerprints
ko, wala na talagang makapagtuturo sa 'kin. Mabuti't walang ibang tao rito at wala
masyadong dumadaan sa hallway ng aming club office. Hindi ko tuloy maiwasang
mapangiti lalo nang mapagtanto kong umaayon ang lahat sa akin.

Kahit siguro si Sherlock Holmes, hindi malalaman na nanggaling ako sa kuwartong


ito.

Magkahalong lungkot at awa ang nararamdaman ko para sa nangyari kay Miss President.
Pero bilang isang kontrabida, hindi ako dapat makaramdam ng kahit anong emosyon
dahil 'yon ang magiging sanhi ng pagbagsak ko.

Malapit ko nang mailabas mula sa bulsa ang kanyang phone...

...nang may biglang kumatok sa pinto.

-30-

Chapter 02 • Dilemma of the SOS Club

ERALD
TOK! TOK! TOK!
Walang tigil sa pagkatok ang taong nasa kabilang panig ng pintuan. Mabilis akong
nagtago sa ilalim ng mesa, sa tabi ng mga hindi gumagalaw na hita ni Miss
President, para hindi ako kaagad makita kung sakali mang biglang bumukas ang pinto.
Tumagal din ng mahigit tatlong minuto bago huminto ang nakakairita at sunod-sunod
na katok. Sa wakas, maitutuloy ko na ang pagbubura ng ebidensya. Sana'y wala nang
humadlang sa 'kin.
Muli kong ipinasok ang kamay ko sa bulsa ng palda ni Miss President para kunin ang
kanyang phone. Nang mailabas ko na ito, biglang gumalaw ang katawan niya at
nakarinig ako ng tili na muntikan nang makabasag sa eardrums ko.
"KYAAA! Pervert! Pervert! PERVERT!"
Sa isang iglap, nagkaroon ng buhay ang inakala kong pumanaw na. Nagpatuloy siya sa
pagsisigaw habang kinakalabit ang gatilyo ng kanyang water gun na nakatutok sa
aking mukha. Naramdaman ko at nalasahan pa ang tubig na nanggaling sa laruan niyang
baril.
Mabilis kong iniharang ang mga kamay ko sa aking mukha para hindi ako tamaan ng
tubig. Napapikit din ang mga mata ko nang may maaninag na nakakabulag na flash mula
sa kanyang camera.
Kainis. Mukhang nahulog na naman ako sa mga patibong niya!
"Tama na!" pagsusumamo ko sa kanya habang napapahakbang ako paurong para hindi na
abutan pa ng water gun. "Sige na, panalo ka na!"
Nakakahiya. Kung may ibang makakakita sa 'king basang anyo, tiyak na pagtatawanan
nila ako. Isa itong malaking sampal para sa kontrabidang tulad ko.
"Pervert!" muli niyang tawag sa 'kin matapos niyang itigil ang pagpindot sa kanyang
laruan. "How dare you take advantage of me!"
"Huwag mo akong sisihin. Kasalanan mo 'to. Kung hindi ka nagpatay-patayan diyan, e
'di sana-"
Napatigil ang aking dila sa kalagitnaan nang mapagtanto kong baka iba ang isipin
niyang kahulugan ng mga salitang lumabas sa bibig ko. Hindi ko intensyon na
pagsamantalahan siya o gawan siya ng masama. Ang gusto ko lang ay kunin ang phone
niya at burahin ang message thread namin.
Pinunasan ko ang aking mukha gamit ang panyo at inayos ang "wet look" hairstyle ko.
Kanina'y nakababa ang bangs ko at halos natatakpan na nito ang aking mga mata.
Ngayo'y kailangan kong suklayin ito pataas at ipakita ang aking malapad na noo.
Nakakasagabal kasi sa paningin ko 'yung tumutulong tubig mula sa hibla ng basang
buhok.
"Ano bang pumasok sa utak mo't naisipan mong pagtripan na naman ako?"
"Gusto kong malaman kung kaya mong i-deduce na nagpapanggap akong patay," malumanay
niyang sagot sa tanong. Kumpara kanina, kalmado na siya ngayon at mukhang
nakalimutan na ang maling pang-aakusa sa 'kin. "As a member of the SOS Club,
kailangan nating i-test kung gaano kagaling ang mga member pagdating sa deductions!
Kung sanang nagduda ka sa dugo rito sa mesa at tinikman mo, malalaman mo kaagad na
isang palabas ang lahat ng ito!"
"At saan mo galing ang props na 'yan?"
"Tomato juice," mabilis niyang tugon habang may tinitingnan siya sa loob ng kanyang
bag. "Hindi ko naubos kaninang lunch kaya naisipan kong gamitin para sa trick na
'to. Teka, puwede ka bang tumalikod?"
"At bakit? Hindi ka pa ba satisfied sa trap na ginawa mo kanina?"
"Magpapalit ako ng damit," sabi niya sabay turo sa pulang mantsa sa bandang itaas
ng kanyang long-sleeved na uniporme. "Mabuti't nagdala ako ng ekstrang damit."
"Tsk." Napa-palatak muna ako bago humarap sa puting pader ng aming club room.
Siguraduhin niya na wala na siyang nakatago pang patibong kundi malalagot talaga
ang babaeng 'to sa 'kin.
Siya nga pala si Henrietta de Leon, ang president ng SOS Club. Hanggang ngayo'y
nagtataka pa rin ako kung bakit dito siya sumali imbes na sa ibang club. Sa tingin
ko, mas bagay niyang magpa-member sa Glee Club, Arts Club o Sewing Club.
"Puwede ka nang humarap," aniya matapos ang ilang minutong paghihintay. Nakasuot na
siya ngayon ng kulay puting t-shirt at sinusuklayan ang kanyang buhok na lagpas
balikat ang haba. Tinatakpan ng bangs ang kalahati ng kanyang noo, kulay tsokolate
ang tila lagi niyang nagniningning na mga mata, may katangusan ang ilong at medyo
nakaumbok ang magkabilang pisngi. Kapag tinatamaan ng sikat ng araw ang kanyang
balat tulad ngayon, nagliliwanag sa kaputian ang kanyang kutis.
Mula sa kanyang bag, inilabas niya ang isang notebook at ipinatong ito sa parte ng
mesa na walang bahid ng ibinuhos niyang tomato juice. Tiningnan niya muna ang
kanyang camera bago sumulat sa isang pahina nito.
Ikatlong beses ngayon ng pagpunta ko rito sa club office pero nakapukaw na sa
atensyon ko ang kakaiba niyang ginagawa. Minsa'y basta-basta siya kukuha ng larawan
ng kahit anong eksena, kagaya nang nagtanong ako kung puwedeng sumali sa club noong
nakaraang linggo at kanina habang binabasa niya ako gamit ang water gun. Matapos
noo'y isusulat niya ito sa kanyang notebook.
Hanggang ngayon ba'y gumagamit pa rin siya ng diary? Posible kayang nagsusulat siya
ng kuwento na ipa-publish niya sa Wattpad? O baka naman itinatala niya ang mga
karanasan ng kanyang "makulay" na high school life?
Gusto ko sana siyang tanungin kung para saan ang ginagawa niya para malutas na ang
misteryong ito. Ngunit dahil hindi ko business 'yon, minabuti kong itikom ang bibig
ko.
Pumuwesto ako sa upuan sa kanyang harapan at ipinatong ang aking siko sa mesa.
"Puwede na ba nating pag-usapan kung ano ang pagmi-meeting-an natin?"
Kinuha niya ang nakatuping papel na nakaipit sa kanyang notebook at iniabot sa
'kin.
"Love letter?" pabiro kong tanong sa kanya bago basahin ang nilalaman no'n. "Ilang
araw pa lang tayong magkakilala. Huwag mong sabihing nahulog na ang loob mo sa
'kin?"
"Stop joking!" tugon niya sabay sara sa sinusulatan niyang kuwaderno. "Nakadepende
sa letter na 'yan ang magiging kinabukasan ng club natin kaya sana'y seryosohin
mo."
Nice try, sabi ko sa sarili ko bago ibaling ang tingin sa sulat. Galing ito sa
Committee on Non-Mandated Organizations na nasa ilalim ng aming kataas-taasang High
School Student Council. Masyadong mahaba ang nilalaman at isinulat sa English kaya
tinamad na akong magbasa.
Inilapag ko sa mesa ang papel at tumingin kay Miss President. "Ano bang punto ng
sulat na 'to?"
"That's an eviction notice from the committee," malungkot niyang paliwanag. "May
ilang clubs kasi na kaunti ang members kaya balak nilang tanggalan ng club room ang
ilan at ibigay ito sa mga mas malalaking club. Pero ang mas nakakabahala, baka ma-
dissolve ang isang club kapag hindi na-meet ang required number of members."
"At bakit kailangan nating problemahin ang bagay na 'to?" Sumandal ako sa upuan at
iniunat ang aking mga braso.
"Dahil sa ngayon, tayong dalawa pa lang ang members ng SOS Club."
Muntikan na akong mahulog sa kinauupuan nang marinig ang kanyang sagot. Kung ganon,
hindi pa nadagdagan ang bilang ng mga tulad naming early bird applicants?
"Ba-Bakit? Hindi ba may nag-a-apply naman na mga interesadong estudyante?"
"Meron, pero kapag ibinigay ko na 'yung application form at qualifying exam, bigla
silang magpapaalam na pupunta sa washroom tapos hindi na babalik." Damang-dama ko
ang kalungkutan at pagkadismaya sa boses niya. "Don't worry. Natatandaan ko 'yung
mga mukha nila pati boses kaya puwede natin silang i-ban dito sa office."
Ganon ba siya kakumpiyansa sa kanyang memorya?
"But for now, kailangan nating umisip ng paraan para makakuha ng members lalo na
kapag araw ng club fair," pagpapatuloy niya. "Or else, mapapalayas na tayo rito at
baka ma-dissolve na rin ang club."
Tsk. Balak agawin ng kapita-pitagang student council ang aking fortress at ipamigay
ito sa mga mas mababang uri ng nilalang dito sa campus? Gusto ba nilang pumapel
bilang kontrabida sa buhay ko?
Hindi ko mahahayaang magwagi sila sa kanilang binabalak. Kailangang magawan ko ito
ng paraan para hindi mawala sa amin ang opisina at mabuwag ang club.
"May ideya ka ba kung paano natin malulusutan ang butas ng karayom na 'to, Miss
President?"
"Kung meron kang mga kaibigan na puwedeng magpa-member, madali nating malalampasan
ang problemang 'to," tugon niya. "Kinausap ko na 'yung mga kaklase ko pero walang
gustong sumali sa SOS Club."
Napakadali naman pala. Kailangan ko lang i-invite ang mga kaibigan ko para sumali.
Teka, wala nga pala akong kaibigan.
Lingid sa kaalaman ni Miss President, kasing-dami ng mga naging girlfriend ko ang
bilang ng mga kaibigang puwede kong pakiusapan-zero. Ayaw ko ring humingi ng tulong
sa mga kaklase ko lalo na't hindi maganda ang timpla ng relasyon namin. Kung
hihingan ko sila ng pabor, tiyak na papaluhurin muna nila ako at pagtatawanan.
Isang malaking kahihiyan 'yon para sa 'kin.
"Pasensya na pero hindi kasi ako isang social butterfly kaya wala akong masyadong
ka-close sa klase," palusot ko, umaasang kakagatin niya ito. Kung alam niya lang,
ang pagiging kontrabida ko ang dahilan kaya wala ako ni isang kaibigan.
Napakrus ang mga braso niya habang direktang nakatitig sa 'kin ang kanyang mga
mata. "It seems we have no other choice but to rely on traditional methods.
Kailangan nating mag-post ng mga ad sa bulletin boards at magpakitang-gilas sa
darating na club fair sa Biyernes. We have to give our best shot. Otherwise..."
"Madaling sabihin kaysa gawin," aking bulong kasabay ng pagkalas ko sa tila staring
contest naming dalawa. Medyo hindi ako komportableng matagal na magkatagpo ang
aming tingin. "Kung sanang mas marami tayong members ngayon, mas mapapadali ang
trabaho."
"There's nothing we can do about it!" aniya. "Hindi naman natin mapipilit ang iba
na sumali sa club kung ayaw nila, 'di ba?"
Tama. Sino nga ba ang gustong sumali sa SOS Club? Pangalan pa lang, tunog
nakakabagot na. Parang walang exciting na mangyayari. Kung hindi lang dahil kaunti
ang member nito (na dadalawa lang pala, kabilang na ako) at sa opisinang puwede
kong gawing tambayan, hindi ko maiisipang tumapak sa kuwartong ito.
Kulang din kami sa manpower kaya imposibleng magawa namin ang mga dapat naming
gawin para ma-promote ang club sa susunod na mga araw. Ang natitirang paraan na
lang-gaya ng sinabi ni Miss President kanina-ay magpakitang-gilas sa araw ng club
fair.
Pero paano? Dapat ba kaming magsagawa ng magic show sa harap ng madla o magbuga ng
apoy para makuha namin ang atensyon nila? 'Yung tipong mamamangha sila't
mauudyukang sumali sa amin? Kung sanang may-
Unti-unting nanlaki ang mga mata ko at dahan-dahang napabuka ang bibig ko nang may
ideyang biglang pumasok sa aking isipan. Parang may hindi nakikitang bumbilya na
umilaw sa ulo ko.
Malamang, iyon na ang hinahanap naming sagot para maisalba ang club na 'to.
"Have you thought of something that we can do?" nagtatakang tanong ng kasama ko na
bahagyang naningkit ang mga mata at kumunot ang noo. Nabasa niya siguro sa aking
ekspresyon na may naisip na akong paraan.
Lumawak ang ngiti sa natutuyo kong labi.
"Miss President, nasabi ko na ba sa 'yong kontrabida ang turing ng mga classmate ko
sa 'kin?"
-30-

Chapter 03 • East Versus West

ERALD

NAHIHIKAB PA ako habang naglalakad patungo sa harapan, sa tapat ng white board ng


aming classroom. Nakapokus sa 'kin ang tingin ng mga kaklase kong nakaupo sa gawing
kaliwa. May ilan sa kanila ang sumisigaw na "Hoy, ayusin mo 'yan, ah! Huwag mong
sayangin ang pinaghirapan namin!"
"Para sa final round ng ating Mental Combat, si Erald ang napiling representative
ng west team!" anunsyo ng aming guro na nakapuwesto sa huling row. "Sino naman kaya
ang ipangtatapat ng east team?"
Paglilinaw: Hindi kompetisyon para sa mga ipadadala sa mental hospital ang Mental
Combat. Tagisan ito ng talino.
Iba-iba ang trip ng mga teacher dito sa Felician High, kagaya ni Ma'am Basco. Sa
halip na magpa-written quiz sa Chemistry subject namin, mas pinili niyang hatiin
ang klase sa dalawang grupo at pagharapin ang mga miyembro nito sa isang one-on-one
showdown. Ang team na mananalo ay bibigyan ng perfect score habang ang matatalo ay
hanggang 80 lamang out of 100.
Ang score ngayo'y isang tie-parehong may 14 points ang bawat grupo. At dahil huling
round na 'to, sa akin nakasalalay kung mananalo o matatalo ang team na
kinabibilangan ko. Puwedeng kusa akong magpatalo. Puwede rin namang ipanalo ko ang
larong 'to. Depende ang magiging kahihinatnan sa kung ano ang trip ko. Kaya nga
hindi mapakali 'yung iba kong kasama dahil baka palubugin ko mismo ang sarili
naming bangka.
Pinilit kong itago ang ngisi ng aking labi. Ni hindi siguro nila naisip na ang
taong binabalewala nila sa klase at minsa'y kinamumuhian pa ang posibleng
magpapanalo sa kanila. Nag-e-enjoy akong makita ang mga nababahala nilang mukha.
Paano pa kaya kung matalo kami? Tiyak na mababahiran ang mga 'yon ng kalungkutan,
pagkadismaya at desperasyon.
Habang abala ako sa pag-iisip kung ano ang magiging trip ko, tahimik na lumapit sa
harapan ang isang lalaking may magulong buhok na tila hindi nagsusuklay o
tumitingin sa salamin. Gusto ko sanang itanong kung mahangin ba sa labas. Dahil sa
suot niyang salamin, nagmukha siyang isang genius, 'yung stereotypical nerd na
walang ibang ginawa kundi gawing almusal, tanghalian at hapunan ang pagbabasa ng
libro.
Sa puntong ito ng laro kung saan parang all-or-nothing ang sitwasyon, marapat na
ilabas ng bawat grupo ang kanilang secret weapon. At ang lalaking katapat ko ngayon
ang lihim na sandata ng mga kalaban namin.
Mukhang kailangan ko nang magseryoso.
Isa sa mga itinuturing na ace student ng aming klase si Reynard Caballero, mas
kilala sa tawag na "Rein." Ang baduy ng buong pangalan niya, 'no? Kung ang tingin
sa akin ng karamihan ay kontrabida, ang tingin naman nila kay Rein ay isang "bida."
Marami ang humahanga sa kanya at tuwing nagsasalita siya, talagang tutok na tutok
ang mga kaklase namin.
Sa tatlong taon kong pag-aaral dito sa Felician High, nakita ko na siguro ang iba't
ibang mukha ng mga matatalinong estudyante. Karamihan sa kanila'y mga utak-
talangka, naghihilaan pababa para matawag na numero uno sa ranking o makakuha ng
pinakamataas na grade sa isang subject.
Pero iba sa kanila si Rein. Hindi siya ganon kauhaw sa mga numero. Tahimik siyang
nakaupo sa harapan at nakikinig sa mga discussion. Hindi rin siya ganon ka-aktibo
pagdating sa class participation. Pero kapag tinawag siya ng aming guro, siguradong
mapapanganga ang lahat sa husay niyang sumagot. Kataka-taka pa ba kung bakit mas
tinitingala siya kumpara sa ibang matatalinong estudyante sa aming klase?
'Yon din ang dahilan kaya ayaw ko sa mga tulad niya. Kung isa itong kuwento, siya
ang mas nararapat na tawaging hero dahil sa taglay niyang katangian. Ngunit masyado
nang gasgas ang mga bidang katulad niya.
Kung ako ang kadiliman, siya ang liwanag. Kung ako ang evil wizard, siya ang white
knight. At ngayo'y magkakaalam na kung sino ang mas magaling sa aming dalawa.
Sandaling nagkatagpo ang aming tingin bago namin kunin ang dalawang white board
marker na nakapatong sa teacher's table. Pero bago pa dumampi ang mga kamay namin,
aksidente kong nahulog ang mga gagamiting panulat na gumulong sa ilalim ng mesa.
Ako na mismo ang yumuko para kunin ang mga 'yon. Kinuha ko 'yung isang marker
habang 'yung isa pa'y iniabot ako sa kanya.
"Salamat," nakangiting tugon niya sa akin.
He-he-he. Ako dapat ang magpasalamat.
"Mukhang kumpiyansa ka sa sarili mo na mananalo kayo, ah," komento ko nang harapin
ang white board para maghanda sa tanong na ibabato ni Ma'am Basco.
"Mas kumpiyansa ako sa aking mind palace," kampanteng sagot ni Rein. Kagaya ko,
nakapokus na rin siya sa white board at inihanda ang hawak na marker para magsulat
ng sagot.
Narinig kong may tinatawag na mind palace ang kalaban ko. Wala akong ideya kung
saan niya galing 'yon pero ayon sa kanya, may kakayahan siyang tandaan ang mga
bagay-bagay sa pamamagitan ng nasabing technique. Kumbaga, nagsisilbing "hard
drive" ang utak niya at puwede niyang i-save dito ang iba't ibang uri ng
impormasyong makatutulong sa kanya.
Tingnan natin kung uubra 'yang mind palace mo laban sa katusuhan ko.
"Remember, don't write anything until I say go," paalala ni Ma'am Basco sa aming
dalawa. "Now for the final question, what is the fiftieth element in the periodic
table?"
Napalunok ako ng laway habang hinihintay ang hudyat ng aming teacher. Sumulyap ako
kay Rein na walang kahit anong bakas ng kaba sa mukha. Pareho nang nakahanda ang
hawak naming markers para isulat ang sagot anumang sandali mula ngayon.
Kusang napapangisi ang labi ko habang nakatingin sa kanya. Teka, huwag muna. Relax
lang, Erald. Hindi ka pa puwedeng ngumiti. Hindi mo pa puwedeng ipakita na ikaw na
ang nagwagi sa tunggalian.
Ang hindi alam ng katapat ko, talo na siya bago pa man magsimula ang laban. Sinadya
kong inihulog ang dalawang white board markers kanina para palitan 'yung isa ng
marker na walang laman. At 'yon ang iniabot ko kay Rein na hindi man nagduda sa
nangyari.
Hahaha! Aanuhin mo ang pagiging matalino kung tuso naman ang kalaban mo?
Nakatitig ang mga mata ko sa dulo ng hawak niyang marker. Gusto kong makita ang
kanyang reaksyon kapag napansin niyang walang tinta ang panulat niya.
"Go!"
Laking-gulat ko nang biglang binitawan ni Rein ang marker at naglabas ng isang
nakatago sa kanyang bulsa. Sa loob ng dalawang segundo, naisulat niya ang salitang
"Tin" sa board.
Gumulong sa aking paanan ang marker na iniabot ko kanina. Dahil masyadong nakapokus
ang atensyon ko sa kanya, wala akong naisulat ni isang letra o isang tuldok.
"The east team got the correct answer!" anunsyo ng aming teacher na sinabayan ng
hiyawan mula sa mga kaklase kong nasa gawing kanan.
"Sabi ko na nga ba, ipapatalo tayo niyang Erald na 'yan e!" komento ng kagrupo kong
nasa harapan. Dinig na dinig ko ang pagkadismaya sa kanyang boses.
"Dapat talaga iba na lang ang isinabak natin," dagdag ng katabi niyang mukhang
gorilya.
Pa-Paano nalaman ni Rein ang ginawa ko? Nakita ba niya kung paano ko pinalitan ang
isa sa mga nahulog na marker kanina? Imposible. Mabilis ang galaw ng mga kamay ko
kaya hindi maaaring napansin niya 'yon.
Nagkaharap kaming dalawa, walang gustong bumalik sa mga upuan namin. Tumunog ang
school bell, hudyat na pumatak na ang alas-dose ng tanghali, pero hindi pa rin kami
umaalis sa aming kinatatayuan. May sinasabi si Ma'am Basco na pumasok sa isang
tenga ko at lumabas sa kabila.
"Nice try, Erald," nakangiting sabi niya kasabay ng pag-adjust sa suot na salamin.
"Aaminin ko, muntikan na akong mahulog sa patibong mo kundi ko lang napansin ang
isang bagay."
Isang bagay?
"Nang mahawakan ko ang marker kanina, napansin kong masyadong magaan ito,"
pagpapatuloy niya nang hindi ako kumibo. "Dahil ikaw ang katapat ko sa final round,
isang konklusyon ang nabuo ng utak ko: Na walang laman ang ibinigay mong marker.
Posibleng pinalitan mo nang mahulog kanina."
"At bakit may nakatago kang marker diyan sa bulsa mo?"
Ipinakita niya sa 'kin ang hawak niyang panulat. "Safety precaution lang ito kung
sakaling may balak kang gawing pandaraya. Alam naming mahilig ka sa mga ganitong
bagay kaya minabuti naming maghanda."
Tsk. May disadvantage din pala kapag alam ng mga kaklase mong kontrabida ka. Kaya
nilang hulaan ang susunod mong galaw.
"Hanggang sa susunod, Erald." Tinapik niya ako sa balikat bago tuluyang umalis sa
aking harapan. "Well played."
Pagkalabas ko ng classroom, bumungad sa 'kin ang flash ng camera (na hindi na
masyadong nakakabulag dahil maliwanag sa labas). Isang babae lang ang kilala kong
gagawa no'n sa harapan ko-si Henrietta, ang president ng SOS Club.
"Yow!" masiglang bati niya sa 'kin. Medyo nasisilaw ako sa kanyang matamis na
ngiti. Hawak-hawak niya ang ilang posters na may mga salitang "Join Our Club."
"Kumusta?"
Kaagad ko siyang hinila palayo sa classroom. Mahirap na, baka may makakita sa 'min
at magkaroon ng maling ideya. Tiyak na pagtsitsismisan ako kung magkaganon. "Paano
mo nalamang dito ang klase ko?"
"Tut-tut-tut! Did you forget na member ako ng SOS Club? Minamaliit mo yata ang
detective skills ko?" mayabang na tugon niya.
"Ang sabihin mo, nakita mo sa application form na ipinasa ko sa 'yo kung ano'ng
section ko," nababagot kong tugon sa kanya matapos pag-isipan ng ilang segundo kung
saan niya nakuha ang impormasyong 'yon. "Teka, bakit kinailangan mo pa akong
sunduin?"
"You're not replying to my messages kaya pinuntahan na lang kita."
"Pasensya na, wala kasi akong load," pagsisinungaling ko. Humingi kasi siya ng
tulong sa 'kin na magdikit ng mga poster sa bulletin boards ngayong lunch time.
Wala sa bokabularyo ko ang tumulong kung hindi ako makikinabang. Oo, para ito sa
club, pero may ideya na ako kung paano namin lulutasin ang problema.
At saka nakakababa ng pagkatao ko bilang kontrabida kung makikita ako ng iba na
abala sa pagdidikit ng kung ano-ano.
Naglakad kami sa hallway ng third floor hanggang sa makarating sa hagdanan. May
nakapakong bulletin board sa pader na halos puno na ng iba't ibang advertisements
mula sa ibang clubs. Inutusan ako ni Miss President na ipaskil ang poster na siyang
tinutulan ko.
"Bakit ba kailangan mo pa ang tulong ko? Kaya mo namang gawin ang ganitong
napakasimpleng bagay."
"Bilang member ng SOS Club, kailangan mong sumunod sa utos ng president," paliwanag
niya na parang isang gurong nangangaral sa isang estudyante. "Hindi ka naman siguro
mamamatay kung gagawin mo 'yan, 'di ba? At saka, I already posted some of these
earlier kaya it's your turn to do the same."
Oo, walang masamang mangyayari sa 'kin kung itatapal ko itong papel sa bulletin
board. Pero paano ang dignidad ko bilang isang kontrabida?
Nagkatinginan muna kami, wala ni isa sa 'min ang kumibo sa loob ng ilang segundo.
Sa huli'y pumayag din ako sa gusto niya. Baka tanggalin niya pa ako sa club kung
hindi ako susunod. Sana nga lang, hindi puro pagdidikit ng poster ang gawin namin
sa buong academic year.
"By the way," hirit niya habang ipinupuwesto ko ang poster, "hindi mo pa nai-share
sa 'kin kung anong klaseng gimik ang pinaplano mo para sa club fair."
Sandali akong napasulyap sa kanya bago tumugon. "Sa ngayo'y isa munang sikreto
'yon. Kahit ikaw ang club president, hindi ko puwedeng sabihin sa 'yo."
"Safety precaution lang ito kung sakaling may balak kang gawing pandaraya," sambit
niya matapos kong mailagay nang maayos ang aming club advertisement.
Teka, parang pamilyar ang mga salitang 'yon, ah. Parang narinig ko na kanina.
"That's what your classmate said habang kausap ka niya," paglilinaw niya. Malamang,
napansin niya ang pagtataka sa mukha ko. "Don't tell me na may balak kang gawing
'pandaraya' sa araw ng club fair? Is that why you don't wanna share it with me?"
Kuhang-kuha niya ang bawat salitang binanggit ni Rein kanina. Narinig ba niya ang
usapan namin? Pero nasa labas siya ng classroom namin kanina. Ang lakas naman yata
ng pandinig niya?
Napabuntong-hininga muna ako bago kami tumuloy sa pagbaba ng hagdan. Mukhang wala
na akong magagawa kundi sabihin sa kanya ang binabalak ko. "Kailangan mong
magpatay-patayan para makuha ang atensyon ng mga estudyante. Tapos, papasok ako
para lutasin ang kunwari'y murder case."
Napapalakpak siya sa tuwa nang marinig ang aking plano. Lalo pang nagningning ang
mga mata niya, parang bata na binigyan ng kendi. "Wow! Maganda ngang pakulo 'yan
para maka-attract tayo ng members! Why haven't I thought of that earlier?"
Sa totoo lang, sa kanya ko nakuha ang ideya 'to matapos niya akong i-trick gamit
ang tomato juice kahapon.
Nang makatapak kami sa ground floor at makalapit sa bulletin board, nasorpresa kami
sa aming nakita.
"Wha-What happened here?" pagulat niyang tanong habang pinagmamasdan ang mga
nakabaligtad na posters. Halatang may gumulo sa ayos ng mga club ad.
Sa gitna ng bulletin board, isang natatanging papel ang may maayos na pagkakalagay.
Nakasulat dito ang mga sumusunod na salita:
This is a work of the K-OS! Club. Kung gusto n'yong gumawa ng gulo gaya ng nangyari
sa bulletin board na ito, mag-text o tumawag sa 0918-XXX-XXXX.
"This isn't a good joke, is it?" tanong ni Miss President. Kinuhanan niya muna ito
ng litrato bago tinanggal ang nasabing papel. Inalis din niya ang lahat ng mga
poster at muling ipinaskil ang mga 'to sa ayos kung paano namin sila nakita noong
una. Tandang-tanda niya kung saan nakapuwesto ang bawat isa.
"Hindi 'yan isang biro," sagot ko habang pinapanood siya sa kanyang ginagawa.
"Ganito ang paraan ng club na 'yon para i-advertise ang kanilang sarili. Posibleng
kabilang ang K-OS Club sa mga grupong hindi kinikilala ng student council."
"So they're one of the unofficial clubs?" Ang kasama ko na mismo ang nagdikit sa
aming poster sa board.
"Oo, 'yung mga club na walang magawa kundi manggulo sa kaayusan ng campus," sabi ko
habang nakatitig sa poster ng Walang Forever Club.
"At kung tama ang kutob ko, muling magpaparamdam ang K-OS Club sa club fair."
-30-

Chapter 04 • Start With A Boom

ERALD

ITO NA siguro ang isa sa mga pinakamasayang araw sa academic year na 'to.

Hindi ako excited para sa club fair. Wala naman kasi akong gagawin dito buong araw
kundi umupo at maghintay ng mga estudyanteng gustong maging miyembro ng SOS Club.

Ang pinaka-highlight ng araw na 'to para sa 'kin ay ang pagiging excused sa lahat
ng mga subject. Ibig sabihin, hindi ko na kailangang magpanggap na nakikinig sa
guro o kaya'y makipagplastikan sa mga kaklase kong lumalapit lang sa 'kin tuwing
may kailangan. Salamat sa kagalang-galang na student council dahil mas mae-enjoy ko
ang huling araw ng linggo.

Gaganapin ang club fair sa open area ng campus kung saan may nakatayong estatwa ng
isang anghel. Kung titingnan mula sa himpapawid, ang hugis ng aming high school
building ay baliktad na letrang U. May lima itong palapag at rooftop kung saan
minsa'y tumatambay ang ilang pasaway na estudyante para manigarilyo.

Alas-sais pa lang ng umaga, nandito na sa Angel Square ang ilan sa mga club officer
para ayusin ang kani-kanilang mga booth. Mag-aalas-siyete nang dumating kami ni
Miss President sa aming puwesto. Madaling mapapansin ng sinuman ang booth ng SOS
Club dahil wala itong kadeko-dekorasyon at nasa gitna pa ng mga agaw-pansing booth
ng Chemistry Society at Biological Sciences Society.

"Our booth looks so... boring," komento ni Miss President habang nakapamewang siya
at pinagmamasdan ang lugar namin. Hindi na niya kailangang banggitin ang obvious.
"May maeengganyo kayang sumali sa club natin niyan?"

Napakibit-balikat ako sa kanyang tanong at tumingin palayo ang mga nababagot kong
mata. "Hindi natin kasalanan na kulang tayo sa manpower. Kung mas marami tayong
miyembro, mas marami sana tayong nagawang paghahanda para sa event na 'to."

Isang malalim na buntong-hininga ang inilabas niya at nabaling ang tingin ng mga
bahagyang naningkit niyang mata sa 'kin. "If you only helped me make designs for
the booth yesterday, hindi mauuwi sa ganito ang lahat. I just hope na bebenta ang
pakulo mo mamaya para maka-attract ng prospective members."

"Siya nga pala, may nabili ka na bang tomato juice na gagamitin nating dugo
mamaya?" tanong ko para maiba ang pinag-uusapan namin.

Napapalakpak ang kanyang mga kamay at kitang-kita ang pagkagulat sa kanyang mukha.
"I almost forgot about that! Mabuti't ipinaalala mo. Teka, bibili muna ako sa
cafeteria. Man the booth, okay?"

Hindi na niya kailangang sabihin kung anong dapat kong gawin. Wala rin naman akong
ibang lugar na pupuntahan maliban dito.

Nang mawala na siya sa paningin ko, sumilip ako sa aking phone at tiningnan ang
oras. Mag-aalas-siyete y media na.

"Dapat ba akong masorpresa na makita kitang sumali sa isang club?"

Iniangat ko ang aking ulo at tumingin sa direksyon kung saan nagmula ang pamilyar
na boses na 'yon. Bumungad sa 'kin ang nakangiting mukha ni Rein. May hawak siyang
kahon ng mga aparato tulad ng test-tube, beaker, graduated cylinder at iba pa.

Sa lahat ng puwedeng makakita sa 'kin, bakit siya pa?

Teka, mukhang sakto ang timing ng kumag na 'to. Kung magkakaroon ng miyembro ang
aming club, 'yung mga tulad niyang may utak at gumagamit ng common sense ang
kailangan namin. Halata naman siguro 'yon noong nagkaharap kami sa Mental Combat
nitong Martes.

"Yow," tinatamad kong bati sa kanya. Ginawa ko nang golden rule ang hindi
pakikipag-usap sa mga tulad niya. Pero dahil may kailangan ako, pansamantala ko
munang susuwayin ang batas na 'yon. "Hulaan ko. Miyembro ka ng Chemistry Society,
tama?"

"Ang galing! Gaya ng inaasahan sa isang member ng SOS Club!"

Ako lang ba o parang may pagka-sarcastic ang tono ng pananalita niya? Sinabayan
niya pa ito ng isang nakakairitang ngiti. Bakit ba laging naka-smile itong si Rein?
Ipinangangalandakan niya bang maputi ang mga ngipin niya? O baka naman ang dimple
sa pisngi niya?

Gusto kong burahin ang kurba sa kanyang labi at paluhurin siya sa harapan ko habang
nagmamakaawa. Pero sa ngayon, kakalimutan ko muna ang ganng hangarin para sa misyon
ng aming club.

"Nasaan ang mga kasama mo?" nagtatakang tanong niya habang tinitingnan ang paligid
ng aming booth. Akala niya siguro'y may naglalaro ng tagu-taguan sa puwesto namin.
"Bakit mag-isa ka diyan?"

"Hindi namin kailangan ng maraming miyembro para maging functional ang club,"
nagmamayabang kong sagot sa kanya. "Aanhin mo ang nasa limampung miyembro kung
lilima lang sa kanila ang kikilos, 'di ba? Mas gugustuhin ko pang kaunti at tanging
deserving ang sumali sa club kaysa sa mga magsisilbing palamuti sa club office."

Lalong lumawak ang nakapintang ngiti sa kanyang mukha. "Kaso hindi mo matatawag na
club ang isang grupo na may isa o dalawang miyembro lang. Hindi 'yan ire-recognize
ng student council pati ng Office of Student Affairs."

Tsk. Natamaan niya ang puntong magiging sanhi ng pagbagsak ng aming club.
"Kaya nga..." tinanggal ko muna ang nakabarang plema sa lalamunan ko at nag-ipon ng
lakas ng loob para sabihin ang mga susunod na salita, "... gusto kong sumali ka sa
SOS Club."

Nagkaroon ng awkward na katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nagkatinginan kami at


tanging ang mga napapakurap na mata namin ang tila nag-uusap. Sa mga sandaling
'yon, para kaming mga estatwang nagkaharap sa isa't isa.

Makalipas ang ilang sandali, yumuko si Rein kasabay ng pag-aayos sa pagkakalagay ng


kanyang salamin. Isang mahinang tawa ang narinig ko mula sa kanya. Halatang
pinipigilan niya ito para hindi makarating sa tenga ko. May sinabi ba akong joke?

"Pasensya na, Erald, wala akong interes sa ganyang uri ng club." Ang pagkakasabi
niya sa mga salitang 'yon ay katulad sa isang babaeng ni-reject ang pag-ibig na
alok ng isang umaasang manliligaw.

"Mas gugustuhin mo bang sumali sa isang club kung saan naghahalu-halo lang kayo ng
iba't ibang kulay ng tubig para makagawa ng mga-"

Hindi ko na nagawang tapusin ang gusto kong sabihin. Parang napaurong ang dila ko
at nanigas ang panga habang nakatitig kay Rein. Ni hindi man siya nagsalita pero
nagawa niyang pahintuin ako sa pangungutya.

Ito ang unang pagkakataon na hinubad niya ang suot-suot na ngiti at pinalitan ng
seryosong itsura. Kahit sino siguro sa mga kaklase ko'y mapapatulala habang
pinagmamasdan ang mga nagbabantang mata niya. Pakiramdam ko tuloy, tinutusok ako ng
nanlilisik niyang tingin.

Nakakatakot. Nakakapangilabot. Hindi ko alam na may ganitong side pala siya.

Kaagad rin niya itong tinanggal at nagbalik sa normal ang timpla ng kanyang mukha.
Hindi na siya nagpaalam sa 'kin at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kanilang
booth.

Aaminin kong talo ako sa hindi inaasahang paghaharap namin ngayon. Mukhang mas
dapat pa siyang katakutan kaysa sa 'kin. Pero at least, may nalaman akong isang
importanteng impormasyon tungkol kay Rein-ayaw niyang tinatapakan ang mga bagay na
mahalaga sa kanya.

Lumipas ang sampung minuto. Wala pa rin ni isa sa mga estudyanteng naligaw sa mga
booth ang nagtangkang mag-sign up para sa membership. Dinadaan-daanan lamang nila
ako. May ilang hihinto sa harapan, pero maya-maya'y lilipat sa kabilang booth.

Sa halip na enjoy-in ko ang aking excused hours sa klase, mas nai-stress pa ako.

"Did someone sign up yet?" Sa wakas, nakabalik na rin si Miss President, dala-dala
ang tatlong canned tomato juice na nakasupot.

Ipinakita ko sa kanya ang walang sulat na papel na nakapatong sa mesa namin.


"Ganito na karami ang interesadong sumali sa club natin."

Kumunot ang kanyang noo at bahagyang napataas ang kaliwang kilay. "Where are the
names?"

Geez. Hindi ba niya na-gets ang joke ko? "Wala pa ni isang nagsulat ng kanilang
pangalan sa membership sheet."

Naglaho ang liwanag sa kanyang mukha na tila unti-unti na siyang nawawalan ng pag-
asa. Kapag may nakikita akong taong nalulugmok sa kumunoy ng kalungkutan, mas
nagagalak akong makita ang kanyang pagdurusa. Pero bakit kay Miss President, parang
naaawa ako?

Isa sa mga rule ng pagiging kontrabida: Hindi dapat magpakita ng kahit anong
emosyon sa mga ordinaryong nilalang lalo na sa bida. 'Yon kasi ang kadalasang sanhi
ng pagkatalo nila at dahil doo'y mas nagiging prone sila sa "change of heart."

Pinilit niyang ngumiti sa 'kin sabay sabing, "Anyway, dadagsa rin ang mga 'yan
mamaya! Basta maisagawa natin 'yung gimik. Should we already prepare for it?"

Wala akong nagawa kundi tumango sa kanya. Maging ako'y hindi sigurado kung magiging
epektibo ang plano namin para makahakot ng mga miyembro. Baka kasi mauwi lang sa
wala ang binabalak naming performance.

Muli akong napasilip sa phone ko at tiningnan ang oras. Mag-aalas-otso na ng umaga.

Tumayo na ako sa aking kinauupuan at lumapit kay Miss President. Oras na para
kumilos.

"Bale ang una nating gagawin ay maghahanap ng spot kung saan ka puwedeng magpatay-
patayan," paliwanag ko sa kanya habang lumilingon-lingon sa paligid. "Handa ka bang
madumihan para sa tr-"

"MAGANDANG UMAGA, MGA ESTUDYANTE NG FELICIAN HIGH. HULI NA BA KAMI PARA SA CLUB
FAIR?"

Napatingin kaming lahat sa mga speaker sa paligid kung saan nanggagaling ang
pambatang boses na 'yon. Sinadya sigurong i-distort ang boses ng nagsasalita para
hindi siya makilala ng kahit sinumang makakarinig sa kanya.

"KAMI NGA PALA ANG K-OS CLUB! ANG TAGAWASAK NG KAPAYAPAAN AT TAGAGULO NG KAAYUSAN
DITO SA CAMPUS."

"K-K-OS Club!" Ibinaling ni Miss President ang mga nanlaking mata niya sa 'kin.
"Hindi ba sila 'yung nanggulo sa arrangement ng mga club advertisement sa bulletin
board noong isang araw?"

Sabi ko na nga ba, magpaparamdam ang mga mokong na 'to sa club fair. Balak ba
nilang agawin ang spotlight sa amin? Kung may pinaplano silang pasabog, tiyak na sa
kanila mapupunta ang atensyon ng lahat at hindi sa "play dead" trick namin ni Miss
President.

Nagsilabasan ang mga estudyante sa ilang classroom para hanapin kung saan nagmumula
ang live broadcast. Kundi ako nagkakamali, posibleng nasa broadcasting room sa
fifth floor ang salarin.

Nagsitayuan na rin ang mga club officer sa ibang booths. Halos lahat sila'y may
pare-parehong ekspresyon sa mukha-pagtataka.

"AT DAHIL ISANG MAGARBONG SELEBRASYON ANG ARAW NA 'TO, MAY REGALO KAMI PARA SA
INYO."

Sa lahat siguro ng mga regalong puwede naming tanggapin, mukhang ito ang hindi
namin magugustuhan. Ano bang dapat asahan sa isang unofficial club na walang
gustong gawin kundi magdulot ng sakit ng ulo sa amin?

"SA BOOTH NG CHEMISTRY SOCIETY, MAY INIWAN KAMING PACKAGE NA SIGURADONG


MAGUGUSTUHAN NG MGA MEMBER NITO. KAUNTING PAALALA: MAG-INGAT SA PAGHAWAK AT IWASANG
MAHULOG ITO DAHIL BAKA... BOOM!"
Bo-Bomba? 'Yon ba ang regalo niya sa 'min? Talaga ngang may "pasabog" ang mga mang-
aagaw-eksenang 'to.

Mabilis na kumilos ang mga estudyante sa kabilang booth para kumpirmahin kung
totoong may iniwang package ang K-OS Club. Ilang segundo ang lumipas bago nila
nahanap ang isang maliit na kahon na selyado pa ng tape. Dali-dali nila itong
binuksan para makita ang laman.

"BO-BOMBA!" sigaw ng lalaking may hawak sa nasabing kahon. Nanginginig ang kanyang
baba at tumatagaktak ang pawis habang nakatitig sa regalo.

"GUSTO KONG MAGLARO TAYO. BIBIGYAN NAMIN KAYO NG LABINLIMANG MINUTO PARA I-DEFUSE
ANG BOMBA. KAPAG NAG-ZERO ANG TIMER... ALAM N'YO NA ANG MANGYAYARI. HAHAHAHA!"

Daig pa niya ang demonyo kung tumawa kaya nag-panic ang mga kasama namin sa Angel
Square. Ang ilan sa kanila'y mabilis na tumakbo palayo sa mga booth, umaasang hindi
sila maaabutan ng pagsabog ng bomba.

Pero bago pa man sila tuluyang makalayo, may puting usok na lumabas mula sa
malambot na lupa ng open area. Nabulilyaso tuloy ang balak nilang pagtakas.

"HUWAG N'YONG SUBUKANG TUMAKBO DAHIL MAY ITINANIM KAMING LANDMINES SA PALIGID NG
SQUARE. ANG USOK NA NAKIKITA N'YO NGAYO'Y ISANG BABALA. KAPAG MAY NAGTANGKANG
UMALIS SA INYO DIYAN... BOOM! HAHAHAHA!"

Walang nagawa ang mga estudyante kundi bumalik sa mga booth sa takot na baka may
matapakan silang bomba. Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang pinag-isipan talaga ng
K-OS Club ang palabas nila ngayong araw.

"SA MGA MATATAPANG NA KALULUWANG MAGDE-DEFUSE NG BOMBA, MAY INIWAN KAMING CLUES
PARA MAPIGILAN N'YO ANG PAGSABOG NITO. KUNG SAKALING HINDI N'YO ALAM ANG KASAGUTAN,
TANUNGIN N'YO SI SHERLOCK HOLMES."

Napakapit sa aking kaliwang braso ang mga nanginginig na kamay ni Miss President.
May naramdaman din akong malambot na bagay na dumampi sa aking balat.

"Wh-What should we do now?" Lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa 'kin na


parang ayaw na niya akong pakawalan. Ganito 'yung karaniwang eksena kapag pumasok
sa isang horror house ang magkasintahan at takot na takot 'yung babae.

Napalunok ako ng laway at may namuong pawis sa aking noo. Hindi ako komportable na
may babaeng masyadong malapit sa 'kin. Lagi kasi nila akong nilalayuan kaya nasanay
na ang katawan ko sa ganong senaryo.

Tumingin ako sa booth ng Chemistry Society at nakitang inilapag nila sa mesa ang
bomba. Habang nanginginig ang mga tuhod nila sa kabang baka sumabog 'yon, ako
nama'y nakangiti nang may ideyang pumasok sa utak ko.

"Miss President, mukhang hindi na natin kailangang ituloy ang binabalak nating
performance," bulong ko sa kanya para walang makarinig.

"What do you mean?" nagtatakang tanong niya. "Dahil ba mamamatay na tayo rito?"

Napaka-negative naman nito. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ng taga-K-OS Club? Kung
hindi nila alam ang kasagutan, puwede nilang tanungin si Sherlock Holmes."

"A-Ano'ng ibig sabihin no'n?"


"Oras na para magpakitang-gilas ang SOS Club."

-30-

Chapter 05 • End With A Pak?

ERALD
BAKIT IMPOSIBLENG magkaroon ng perpektong high school life ang isang estudyante?
Dahil may mga grupong tulad ng K-OS Club na walang alam gawin kundi guluhin ito.
"A-Ano'ng gagawin natin? Paano natin made-defuse itong bomba?" nangangambang tanong
ng lalaking nakatutok sa package. Nakita ko sa paggalaw ng kanyang lalamunan ang
paglunok niya ng laway, malamang dahil sa takot.
Oras na para umeksena ako.
"Dala mo ba 'yung camera mo?" tanong ko kay Miss President na nakapokus din ang
tingin sa booth ng Chemistry Society. May bahid ng pagkabahala sa kanyang mukha.
"Oo, bakit? Do you need to use it?"
"Ituring natin ang sitwasyong ito bilang isang club activity kaya kailangan nating
i-document ang pangyayari," tugon ko sa kanya at saka ko inalis ang pagkakahawak
niya sa braso ko. "Ayos lang ba kung ipapaubaya ko na sa 'yo ang documentation?"
"Leave it to me!" masiglang sagot niya bago pumunta sa aming booth para kunin ang
kanyang gamit.
Nagtungo ako sa kabilang booth kung saan maraming estudyante ang nakalupong at
magkadikit ang mga kamay na parang nananalangin. Isiniksik ko ang aking sarili sa
masikip na espasyo bago tuluyang makalusot malapit sa mesa.
"Walang mangyayari kung tititigan lang natin ang bagay na 'yan." Kaagad kong nakuha
ang atensyon ng lahat. Nabaling ang mapanuring tingin sa 'kin ni Rein na isa sa mga
nakapaligid sa bomba. "Sa ginagawa n'yo, nagsasayang lang kayo ng oras."
"Si-Sino ka ba?" tanong ng lalaking kasalukuyang sinusuri ang bomba.
"Pasensya na. Ako nga pala si Erald Castell, miyembro ng SOS Club," itinuro ko ang
booth namin sa kaliwa. "Sa mga ganitong sitwasyon, handa ang aming club na tumulong
sa inyo."
"SOS Club? Meron palang gano'ng klaseng club, no?" bulong ng ilang estudyanteng
nasa likuran ko. Parang first time pa lang nilang marinig ang club namin a.
Nakakainsulto.
Tsk. Imbes na patulan ko sila, minabuti kong tumahimik at magpokus sa bagay na
dapat gawin. Sa ngayo'y mas importanteng ma-defuse ang bomba at magpakitang-gilas
sa mga estudyante rito. Kapag nagawa ko 'yon, aayon ang lahat sa aking plano.
"At paano mo kami matutulungan? Kahit nga kaming taga-ChemSoc, hindi alam kung
paano ide-deactivate ang bombang 'to!"
Inilapit ko sa 'kin ang mapanganib na kahon para tingnan kung ano ang laman nito.
Nakapukaw sa atensyon ko ang timer na may labindalawang minutong natitira pati ang
lumang Nokia cellphone na posibleng detonator ng K-OS Club.
Sa puntong ito, wala na dapat kaming sayanging anumang segundo.
"May mga nabasa na ako tungkol sa improvised explosive device," paliwanag ko habang
maingat na sinusuri ang bomba. "Ang karaniwang ginagawa ng bomb squad ay self-
controlled explosion. Papasabugin nila ang bomba gamit ang ibang pampasabog. Ngunit
dahil masyadong delikado ang paraang 'yon para sa tulad nating high school
students, ang magagawa lang natin ay putulin ang wire na nagkokonekta sa battery at
sa detonator nito."
Narinig ko ang pagkamangha ng ilang estudyante sa tabi ko. Napansin ko rin sa aking
peripheral vision ang pagpuwesto ni Miss President sa gawing kanan para kunan ng
litrato ang ginagawa ko.
"Nakasisiguro ba tayong bomba talaga 'yan at hindi isang masamang biro lang?"
nagdududang tanong ng lalaking kanina pa masama ang tingin sa direksyon ko. Siya
siguro 'yung tipong ayaw naaagawan ng spotlight.
Sasagot sana ako sa tanong niya nang biglang may naunang nagsalita sa 'kin.
"Kapag umabot sa zero ang timer, posibleng usok ang lumabas sa bagay na 'yan,"
hirit ni Rein. Kumpara sa mga kasama niya, napanatili niya ang kanyang kalmadong
postura. "Posible ring mag-spray ng tubig o gumawa ng nakabibinging ingay. Depende
sa kung ano ang trip ng may likha niyan."
Gaya ng inaasahan sa lalaking ipinagmamalaki ang tinatawag niyang mind palace, alam
niya ang mga ganong detalye. Tingnan nga natin kung makatutulong sa sitwasyong ito
ang kanyang abilidad.
"Alam mo ba kung paano mag-defuse ng bomba?" naghahamon kong tanong sa kanya.
"Hindi ba meron kang mind palace kung saan mo iniimbak ang mga impormasyong
posibleng makatulong sa 'yo?"
Itinaas niya ang parehong kamay na tila sumusuko sa kalaban. "Sorry, wala pa akong
na-encounter na ganong impormasyon. May mga napanood ako sa TV kung paano pero
hindi talaga ganon ang proseso, 'di ba?"
Sabi na nga ba, may limitasyon ang kakayahan niya. Sa sitwasyong ito, mukhang sa
'kin nakasalalay ang buhay ng lahat.
Isang papel ang aking nakapa sa loob ng kahon. Inilabas ko ito at inilapag sa mesa
para makita ng lahat. Maliban dito, may nakita rin akong tatlong wires sa bomba-
kulay asul, dilaw at pula.
"Kailangan nating putulin ang mga wire para tumigil ang timer," komento ko habang
dahan-dahang iniaangat ang bomba upang tingnan nang malapitan ang ibang parte.
"Pula ang karaniwang pinuputol sa mga action movie, pero sa tingin ko'y hindi ganon
katanga ang gumawa nito."
"Paano natin made-defuse 'yan?"
Itinuro ng kanang kamay ko ang papel na kanina pa nila tinitigan. "Sabi ng taga-K-
OS Club, bibigyan nila tayo ng clues kung paano. At nasa harapan n'yo na mismo ang
makakapagsalba sa buhay natin."
Nang wala na akong makitang kakaiba sa kahon, marahan ko itong ibinalik sa mesa.
Dapat ko ngayong pagtuonan ng pansin ang palaisipang nakasulat sa papel.
Sampung minuto bago ang pagsabog.
Napakamot tuloy ako ng ulo habang binabasa ang mga clue. Kahit pagbali-baliktarin
ko ang papel na 'yon, hindi ko maisip kung paano naging hints ang mga nakasulat na
quote.
The first wire says, "Never trust to general impressions, but concentrate yourself
upon details."
The second wire replies, "But it's quite a three pipe problem!"
The third wire answers, "Kindly whisper 'Norbury' in my ear."
"Hey, do you know what those statements mean?" Lumapit sa aking tabi si Miss
President para mabasa nang malapitan ang mga clue. Medyo naiilang ako sa sobrang
lapit ng kanyang mukha sa akin. "They don't make sense, do they?"
Napahawak ang kanang kamay ko sa aking noo. Kahit anong piga sa aking utak, walang
lumalabas na ideya para ipagkone-konekta ang mga pangungusap na 'yon. Kung sanang
may mapagtatanungan ako...
Teka, mapagtatanungan?
"Kung sakaling hindi n'yo alam ang kasagutan, puwede n'yong tanungin si Sherlock
Holmes," natatandaan kong paalala ng taga-K-OS Club. Paano mo tatanungin ang isang
fictional character? Wala namang paraan para magkausap kaming dalawa.
At ang isa pang kinasasakit ng ulo ko ay ang salitang "Norbury." Para kasing nabasa
ko na 'yon kung saan. Sa Facebook ba habang binabasa ko ang mga madramang update ng
virtual friends ko? O sa isang blog na aksidente kong napuntahan noong isang araw?
"The Adventure of the Yellow Face," sambit ng lalaking kilala ko ang boses. Lumapit
si Rein malapit sa 'kin at kinuha ang papel sa mesa para muling basahin ang mga
clue.
"Alam mo ba na ang Norbury ay isang district sa London?" Para siyang si Kuya Kim na
bigla-biglang nagbibigay ng trivia kahit hindi tinatanong. "At ang lugar na 'yon ay
naging setting sa isang Sherlock Holmes story na pinamagatang The Adventure of the
Yellow Face. Naka-save sa mind palace ko ang detalye ng kuwentong 'yon dahil doon
nagkamali ng deduction si Holmes."
Tila may bell na tumutunog sa utak ko. Maging ang pamagat na kanyang nabanggit ay
parang pamilyar sa 'kin.
"Nakalimutan mo na ba?" tumingin siya sa akin at nakita kong nagliwanag ang kanyang
suot na salamin. "Binasa natin 'yon nitong Miyerkules sa World Literature class
natin. At ang nakasulat sa papel na 'to ay linya mula roon."
"Hahahaha!" hindi ko naiwasang mapahalakhak. "Bakit gagamit ng linya mula sa isang
Sherlock Holmes story ang mga taong nasa likod nito? Sa tingin mo ba, 'yon ang susi
para ma-decode natin ang mga iniwan nilang clu-"
Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng aking paglingon sa bomba. Muli kong tiningnan
ang mga wire nito.
Asul, dilaw at pula...
Isang linya na galing mula sa isang Sherlock Holmes story...
Ang pamagat nitong The Adventure of the Yellow Face...
At ang paalala ng taga-K-OS Club na tanungin si Holmes kung sakaling hindi namin
alam ang sagot...
Napapalakpak ang aking mga kamay matapos maliwanagan sa misteryong bumabalot sa mga
clue. Isang malawak na ngiti ang ipininta ng aking labi habang nakatitig sa bomba.
Anim na minuto bago ang pagsabog.
Napatingin muna ako kay Rein, umaasang magkakaroon ng silbi ang kanyang mind palace
technique. "Alam mo ba kung saang Sherlock Holmes story mababasa ang mga linyang
nakasulat dito?"
Sa aking pagkadismaya, dahan-dahan siyang umiling. "Pasensya na, hindi kasi ako
isang Sherlockian kaya wala pa akong nababasang ibang Sherlock stories."
Tsk. Kung kailan inakala kong makakatulong na siya...
"The Adventure of the Blue Carbuncle... The first quote can be read in that story!"
sabi sa 'kin ni Miss President na ipinakita ang naka-flash sa screen ng kanyang
phone. Aanhin mo nga naman ang mind palace kung may internet connection ka at
puwede mong tanungin si Google?
Ang buong akala ko'y isang mascot lang ang tumatayong lider ng aming club. Hindi ko
inasahang magkakasilbi siya sa ganitong sitwasyon.
"The second one is from... The Red-Headed League!" Bago ko pa siya utusang i-search
ang pangalawang quote, nagawa na niya ito.
"Te-Teka! Bakit kayo nagse-search ng mga Sherlock quotes?!" nababahalang tanong ng
lalaking ilang minuto ring nanahimik mula nang kunin ko ang bomba sa kanya. "Hindi
ito ang oras para diyan!"
Nagpukol ako ng seryosong tingin sa kanya. "Hindi n'yo pa ba nage-gets na ang susi
para ma-decode ang mga clue ay nasa Sherlock Holmes stories? At ang sagot kung
aling wire ang mauunang putulin at kung alin ang mahuhuli ay nasa pamagat ng mga
'yon!"
Tama, imposibleng magkamali ako sa aking deductions.
The Adventure of the Blue Carbuncle. The Red-headed League. The Adventure of the
Yellow Face...
Asul, pula, dilaw. Dapat sunod-sunod na putulin ang mga wires sa ganong ayos!
Kaagad nila akong binigyan ng plais para masimulan ko na ang pagputol sa mga wire.
Lumayo ang karamihan sa mga estudyanteng nakapalibot sa amin sa takot na baka
maling wire ang matamaan ko at sumabog ang bomba.
"Are you ready?" tanong ni Miss President, may bakas ng pag-aalala sa kanyang
mukha.
Hindi ko na kailangang sumagot. Kung mali man ang deductions ko at bigla itong
sumabog, at least marami akong makakasama papunta sa kabilang mundo.
Dalawang minuto bago ang pagsabog.
Lumunok muna ako ng laway bago ko ipitin sa ngipin ng plais ang asul na wire.
Parang tumigil ang mundo nang maputol ko 'yon. Wala ni isang nagsalita. Walang
nagtangkang gumalaw. Tila tumigil sa paghinga ang lahat. Tanging bugso ng hangin
ang maririnig sa paligid.
Limang segundo rin ang lumipas bago ko sunod na pinutol ang pulang wire. Napapikit
ang karamihan sa mga kasama ko, nananalangin na sana'y hindi ako nagkamali sa
ginawa ko.
Wala pa ring nangyayaring pagsabog. Ang kaso, hindi pa rin tumitigil ang countdown
timer.
Isang minuto bago ang pagsabog.
Binitawan ko muna ang plais sa mesa at nag-unat-unat ng braso.
"Ho-Hoy! Ano'ng ginagawa mo? Ilang segundo na lang, sasabog na 'yan!" sigaw ng
isang babaeng nasa gawing kaliwa ko. "Gusto mo bang mag-suicide at idamay kami?"
Humarap muna ako sa kanya bago ako napatingin sa lupa. Napalitan ng kalungkutan ang
sigla sa aking mukha. "Pa-Pasensya na. Na-Naputol ko na 'yung tatlong wire pero 'di
pa rin tumitigil 'yung timer. Mu-Mukhang nagkamali ako."
"A-ANO?!"
Gusto kong kuhanan ng litrato ang mga pagmumukha nila. Nanlaki ang mga naluluha
nilang mata at nanginig ang mga baba. May ilang napatakip ng mukha, napaluhod at
nagsimulang mag-breakdown.
Hahahaha! Nakaka-enjoy talagang panoorin ang mga kaawa-awang nilalang na 'to.
Masarap pala sa pakiramdam kapag hawak mo ang kaligtasan ng lahat. Ibibigay nila sa
'yo ang buong tiwala nila sa pag-asang ikaw magsisilbing Messiah.
Tama na ang paglalaro. Mabilis kong kinuha ang plais at pinutol ang dilaw na wire.
Sa wakas, tumigil ang timer sa oras na 00:07.
"Biro lang! Na-defuse ko na 'yung bomba," sinabayan ko pa ng ngiti ang aking
anunsyo. Pero mukhang walang nagbago sa kanilang reaksyon. Hindi ba nila na-
appreciate ang joke ko?
"Ba-Bakit? Bakit kailangan mo pa kaming takutin?"
Tumalikod ako at nakitang umiiyak si Miss President. Nadungisan ng luha ang kanyang
maamong mukha na pilit niyang pinupunasan gamit ang kamay. Kinakagat niya ang
kanyang labi para mabawasan ang ingay ng paghihinagpis niya.
"Ma-Masyado kasi kayong seryoso kaya naisipan kong magbiro para gumaan ang
atmosphere dit-"
PAK!
Isang malutong na sampal ang kanyang itinapal sa aking mukha. Dahil sa lakas ng
tunog nito, napatingin sa 'min ang ilang estudyante.
Kaagad kong naramdaman ang pamamaga ng aking kaliwang pisngi. Sigurado akong
kitang-kita ng mga taong nakapaligid sa 'min ang pamumula nito.
Gusto ko sanang magpaliwanag sa kanya pero bigla siyang tumakbo palayo sa 'kin nang
hindi nagpapaalam.
Mas makabubuti siguro kung hahayaan ko munang humupa ang tensyon.
Muli kong pinaalalahanan ang aking sarili: Hindi dapat magpakita ng kahit anong
emosyon ang kontrabida sa mga ordinaryong nilalang.
"Well played." Nagmula ang pamilyar na boses na 'yon sa aking kanan na sinundan ng
mabagal na pagpalakpak. Hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala si Rein. Masyado
akong nakapokus sa nangyari kay Miss President kaya hindi ko napansin ang paglapit
niya.
"Kahit kailan, hindi mo ako dini-disappoint sa mga madudumi mong taktika." Tinapik
niya ako sa balikat bago naglakad palayo kagaya noong magkaharap kami sa Mental
Combat. Tinutukoy ba niya ang masamang biro ko kanina o baka naman...
Sa huli, ako pa yata ang nagmukhang masama kaysa maging bayani sa paningin ng iba.
Pero kung tutuusin, ganon naman talaga ang gusto kong mangyari, 'di ba?
-30-

Chapter 06 • Just As Planned

ERALD
KANSELADO NA ang buong club fair sa Angel Square dahil sa mala-bomb scare na
insidente. Inutusan ang mga club na ipagpatuloy sa kani-kanilang club room ang
recruitment.
Ilang minuto matapos kong ma-defuse ang bomba, mabilis na umaksyon ang security
personnel ng Felician High para siguruhing ligtas na ang sitwasyon. Pinasabog nila
ang kahon at napag-alamang pulbos at hindi pulbura ang laman nito.
Ang mga tinatawag na landmines sa open area ay peke lang pala. Sa oras na matapakan
ay maglalabas ang mga 'yon ng puting usok. Taliwas sa sinabi ng taga-K-OS Club,
wala talagang bombang nakatago sa ilalim ng lupa.
Lahat kami'y naisahan nila. Kahit pala nagkamali ako ng pinutol na wire o kung may
nagmatapang na tumakas, walang seryosong mangyayari sa amin.
Wala ring nahuling salarin ang mga umaksyong estudyante nang pasukan nila ang
Broadcasting Room. Ang lahat ng nai-broadcast kanina ay naka-record sa isang CD na
nakatakdang mag-play saktong alas-otso ng umaga.
Kamangha-mangha. Pinag-isipang mabuti, pulido ang trabaho, at walang iniwang
ebidensya ang mga tauhan ng K-OS Club.
Hihihihi~ Hindi ako nagkamaling lumapit sa kanila para maisagawa ang palabas
kanina.
Mabuti't nakita ko ang advertisement ng kanilang club habang nagdidikit kami ng
poster ni Miss President sa mga bulletin board nitong Martes. Tinandaan ko ang
contact number na nakalagay sa papel at kaagad silang tinawagan para malaman kung
kaya nilang tugunan ang request ko.
Nakasulat sa script ang lahat ng nangyari sa Angel Square. Sila ang naghanda ng
pekeng bomba at landmine habang ako naman ang nagplano kung saan 'yon dapat ilagay,
kung saang booth ipadadala ang kahon, kung anong oras magsisimula ang palabas at
kung paano mareresolba ang kaso.
Siyempre, kinonsidera ko rin sa script kung paano magre-react ang mga mangmang na
estudyante. Alam kong kapag narinig nilang may bomba, magtatakbuhan sila palayo sa
clock tower kaya sinabihan ko ang mga tauhan ng K-OS Club na itago ang mga landmine
sa lupang puwedeng tapakan. Ako rin mismo ang nagsulat ng script na ginamit sa
Broadcasting Room at ang nag-isip ng mga clue kung aling wires ang puputulin.
Just as planned!
Tama, ako ang mastermind ng insidenteng ito. Dalawang araw ko ring pinag-isipan
kung paano dapat gumulong ang mga eksena. Basta ang bottomline: Dapat ako na
miyembro ng SOS Club ang makapag-defuse ng bomba.
Ang kinailangan ko lang gawin ay magpanggap na nahihirapan sa paglutas ng mga clue.
Sa ganong paraan, walang makakahalata na planado ang lahat nito. Pero pakiramdam
ko, may isang naghihinala na lahat ay kagagawan ko.
Sa kasamaang palad, nauwi ang lahat sa wala. Matapos ang insidente, wala ni isa sa
mga estudyante ang nagdesisyong magpa-member sa club namin. Nakatuon pa rin ang
kanilang atensyon sa muntikan nang pambobomba kaysa sa taong nagligtas sa kanila.
Dagdag pa rito ang pagsampal sa 'kin ni Miss President. Namamaga pa rin at pulang-
pula pa ang kaliwang pisngi ko. Nagkagusot tuloy ang "relasyon" naming dalawa.
Hindi ko masabing "pagkakaibigan" dahil una sa lahat, hindi kami magkaibigan.
Nataon na pareho kami ng club na sinalihan.
Nang pinabalik na kami sa club room, dumiretso ako sa rooftop at nagpalipas ng oras
doon. Baka masama pa ang loob niya sa 'kin kaya mabuti kung pahuhupain ko muna.
Mahirap na, baka batuhin niya ako ng dala-dalang camera o ihampas sa akin ang
upuan.
* * *
Pagsapit ng lunch time, halos apat na oras matapos ang insidente (pati ang
pananampal sa 'kin ni Miss President), napagpasyahan kong dumaan sa club room para
tingnan ang sitwasyon.
Dapat ba akong humingi ng paumanhin sa kanya? Wala naman akong ginawang masama
kundi magbiro kanina. Hindi ko inakalang seseryosohin nila 'yon. At saka kundi
dahil sa 'kin-kahit na peke ang bomba-posibleng nasa kabilang buhay na kami ngayon.
Teka, teka. Bakit ba ine-entertain ng isip ko ang ganong posibilidad? Dapat nga'y
wala akong pakialam sa kung ano ang sasabihin o mararamdaman nila sa 'kin.
Kagaya ng dati, walang masyadong dumadaan sa hallway kung saan matatagpuan ang club
room namin. Huminga muna ako nang malalim bago kumatok at pihitin ang doorknob.
Pagpasok ko sa aming opisina, bumungad sa 'kin ang nakangiting presidente.
Kasalukuyan siyang nagsusulat sa kanyang notebook habang pasulyap-sulyap sa
camerang nakapatong sa mesa.
Aba, parang walang nangyari kanina, ah. Back to normal na ba ang lahat?
"He-Hello," nauutal kong bati sa kanya na sinamahan ko pa ng isang tinatamad na
kaway.
"Hi, Erald! Where have you been?" may tono ng pag-aalala sa tanong niya. Ni hindi
ko maramdaman na sarcastic ang kanyang pagkakasabi, parang natural talaga. "Kanina
pa kita hinihintay. I thought you were involved in an incident."
Lumapit ako sa mesa at umupo sa silyang nakapuwesto sa tapat niya. Inasahan kong
babatiin niya ako gamit ang panghampas ng kanyang camera. Nagpapanggap ba siyang
okay na ang lahat?
"By the way, hiniram mo ba ang camera ko? You have photos here habang may
pinaglalaruan kang kahon."
Ipinakita niya sa akin ang isang litrato kung saan sinusuri ko ang bomba kanina.
Hindi niya ba matandaan na hindi isang ordinaryong kahon ang kinakalikot ko? Teka,
napapasobra na yata siya. Hanggang kailan ba siya magkukunwari na parang walang
nangyari?
"And I have search history about some weird quotes in my phone." Sunod niyang
ipinakita sa 'kin ang Google page kung saan naghahanap siya ng resulta para sa
katagang "but it's quite a three pipe problem."
"Did you also borrow my phone? Oh, what happened to your face? Bakit namumula? Are
you okay? Did someone hit you or something?"
Napatulala ako sa inosenteng mukha ni Miss President, may halong pagkabahala ang
kanyang itsura. Noong una'y sumagi sa akin na baka kunwari'y concern siya at bigla
akong gagantihan sa masamang biro ko kanina. Imbes na ganon ang gawin niya, inabot
niya ang aking mukha at hinaplos ito gamit ang kanyang malambot na kamay.
Hindi ako makapaniwala sa nakita at narinig ko. A-Anong nangyayari? Bakit parang
wala siyang natatandaan tungkol sa insidente? Teka, baka niloloko na naman niya ako
at nagpapanggap lang siyang walang naaalala?
Pero sobra naman yata. Kung galit siya sa 'kin, imposibleng magawa niyang magbiro
ng ganito.
"Mi-Miss President, talaga bang hindi mo alam kung sino ang kumuha ng picture na
ipinakita mo sa 'kin o kaya 'yung nag-search sa Google gamit ang phone mo? Pati
'yung taong naglagay ng pulang markang ito sa mukha ko?"
Tumingin siya sa kisame at idinampi ang hintuturo sa kanyang labi, tila napaisip sa
sinabi ko. Aaminin ko, mas naging cute siya ngayon. "All I can remember is that I
gave you canned tomato juice for our trick. Nakatulog yata ako rito sa office kaya
na-miss ko ang club fair. That's why I was looking for you earlier para itanong
kung anong nangyari. May na-recruit ba tayong new members?"
Nakita ko sa mga mata niya na walang halong pagsisinungaling o pagkukunwari ang mga
salitang lumabas sa kanyang bibig. Ku-Kung ganon, talaga ngang nakalimutan niya ang
nangyari sa Angel Square kanina.
Ano bang meron sa babaeng 'to?
TOK! TOK! TOK!
Muntikan na akong napatalon sa gulat nang marinig ang pagkatok sa pinto namin.
"Come in!" sigaw ni Miss President para marinig siya ng kung sinumang nasa labas.
Bumukas ang pinto at pumasok ang isang lalaking magulo ang ayos ng buhok at
nakasuot ng salamin. Nakapamulsa pa siyang naglakad palapit sa kinauupuan ko.
A-Anong ginagawa niya rito?!
"Good afternoon," bati ni Rein sa amin ni Miss President. Sa lahat ng pwedeng
bumisita sa club room namin, bakit siya pa? "Sana'y hindi ako nakakaistorbo sa
inyo."
Umiling si Miss President at napaturo sa bakanteng upuan sa tabi ko. "Anyone's free
to come in. Please take a seat."
Tsk! Bakit sa tabi ko pa? Hindi ba alam ni Miss President na sa liit ng club room
namin, hindi puwedeng magtabi ang evil wizard at white knight? Hindi ba niya
nararamdaman ang tensyon sa pagitan naming dalawa?
At anong ginagawa ng lalaking 'to rito? Sa Chemistry Society siya, 'di ba? Naligaw
ba siya ng kuwartong pinasukan?
Ako na sana ang maglalakas-loob na tanungin kung ano ang pakay niya rito pero
naunahan niya ako.
"Gusto kong sumali sa SOS Club," walang pagdadalawang-isip niyang anunsyo sa 'min.
Halos mahulog ako sa upuan nang marinig ang dahilan niya. Tama ba ang narinig ko?
Gusto niyang maging member namin? Isa ba 'yong joke? Pinagti-trip-an niya ba kami?
"Mukhang kulang pa kayo sa members para ma-qualify kayo bilang club kaya naisipan
kong magpa-member."
"Teka, teka, kung sasali ka sa club namin dahil naaawa kang baka ma-dissolve kami,
puwede ka nang lumabas." Hindi ko na napigilan ang sarili kong ipahayag ang aking
opinyon. Ang balak niyang pagsali ay insulto sa 'kin at sa mismong club. "At saka
sinabi mo sa 'kin kanina na hindi ka interesado sa mga ganitong bagay, 'di ba?"
Muli niyang ipinakita ang mapuputi niyang ngipin na lalo pang kumikislap tuwing
nasisikatan ng araw. "Hindi ako sasali dahil lamang sa awa. Sa katunayan, nag-
withdraw ako ng application sa ChemSoc para makapagpokus sa club na 'to. Kaya
sana'y payagan n'yo akong maging miyembro ng SOS Club."
"Approved!" mabilis na sagot ni Miss President na naka-thumbs up pa! "Kailangan mo
lang fill-up-an ang application form and we can formally welcome you as a club
member."
"Te-Teka! Hindi tayo puwedeng basta-basta tumanggap ng mga aplikante!" protesta ko
sa desisyon niya.
"As the acting club president, I am the only one who can approve or reject
applications," depensa niya habang itinuturo ng kanyang hinlalaki ang sarili. "At
kung hindi pa natin tatanggapin itong si... what's your name? Rein? Baka mabuwag na
ang club natin next week. We don't want that scenario to happen, do we?"
Wala akong magawa kundi sumang-ayon sa kanya. Gaya ng kanyang binigyang-diin
kanina, siya ang club president habang ako'y hamak na miyembro lang.
"Maraming salamat!" nagkamayan ang dalawang mahilig ngumiti at nagpalitan ng
pagbati. Kung titingnan, bagay silang dalawa. Isang inosenteng prinsesa at isang
nerdy na kabalyero.
Sunod na humarap sa 'kin si Rein at inalok ang kanyang kanang kamay. Hindi pa rin
nabubura ang kurba sa kanyang labi. "Magtulungan sana tayong dalawa para gawing
productive ang club na 'to."
Kahit labag sa aking kalooban, nakipagkamay ako sa kanya bilang senyales ng
pagkakaibigan kuno. Kinuhanan pa kami ng litrato ni Miss President para ma-record
ang makasaysayang tagpong ito.
Mukhang kailangan kong bumili ng disinfectant mamaya. Baka mahawa ako sa pagiging
"good guy" niya.
* * *
Dahil opisyal na miyembro na ng SOS Club si Rein, sabay kaming pumunta sa club room
ngayong umaga. Ayaw kong makita kami ng mga kaklase kong magkasama kaya mas nauuna
akong naglalakad sa kanya.
Pagbukas namin sa pinto, nakita namin si Miss President na kausap ang isang
lalaking parang bunot ang ayos ng buhok, pabilog ang hugis ng mukha at katamtaman
ang laki ng katawan. Sa kanyang kuwelyo, naka-pin ang isang badge na may logo ng
aming school.
"Executive committee," bulong ni Rein sa 'kin kahit hindi ko siya tinatanong. May
abilidad rin ba siyang makilala ang isang tao base sa damit o sa dekorasyon nito sa
katawan?
"Good morning, guys!" ikinaway ni Miss President ang kanyang kanang kamay. Hawak-
hawak niya sa kabila ang isang papel na mukhang ibinigay ng lalaking taga-execom.
"May good news ako sa inyo!"
Sana talagang good news 'yan. Umupo kaming dalawa ni Rein sa silya sa tabi ng aming
bisita at inilagay ang mga shoulder bag namin sa ilalim ng mesa. Kinuha ko ang
sulat na hawak ni Miss President at binasa ang nilalaman nito.
HENRIETTA DE LEON
President, SOS Club
Felician High
Dear Ms. De Leon:
Greetings of peace!
In accordance with our rules and regulations on club rooms, organizations with less
than five members are mandated to vacate their workplace which shall be then
designated to clubs with more members. Considering that your club only has three
official members at the moment, you are bound to comply with the rule.
However, due to the remarkable contribution of your club member in resolving last
week's club fair incident, I'm authorizing your club to keep the office and
continue your operations there.
If you have any concerns, please address them to the person delivering this notice.
For the betterment of the student body,
MADELEINE CASTELL
Secretary
High School Supreme Student Council
Tsk.
"I don't know what incident she meant in the letter, but I'm glad the secretary
allowed us to stay here," sabi ni Miss President sa kanyang kausap. "Please send
her our heartfelt thanks."
"I will let her know," sabi ng taga-execom bago siya tumayo at lumabas ng club
office.
Pagsara ng pinto, kaagad na nagbato ng tanong si Rein sa aming club president.
"Talaga bang hindi mo alam kung anong nangyari last week? Hindi ba't nandoon ka
habang dine-defuse ni Erald 'yung bomba?"
Nanlaki ang mga mata ni Miss President na nakabaling ang tingin sa 'kin. Parang
hindi siya makapaniwala. "Really? You managed to defuse a bomb? As expected from a
member of our club! Ikaw pala ang tinutukoy ng secretary sa kanyang letter!"
Napakunot ang noo ni Rein, tila hindi naiintindihan ang nangyayari. Ganyan din ang
reaksyon ko nang malaman kong nakalimutan ni Miss President na sangkot din siya sa
insidenteng 'yon.
"Kung gano'n, hindi mo rin natatandaan na sinampal-"
"PAL-itan ng pabor," mabilis akong sumingit bago niya matapos ang gustong sabihin.
"Ganyan naman talaga ang kalakaran sa mundong 'to, 'di ba? Gagawan mo ng pabor ang
isang tao dahil umaasa kang kapag ikaw ang mangangailangan, ibabalik niya ang pabor
na 'yon sa 'yo. At gustong samantalahin secretary ang katotohanang 'yon."
Napasulyap sa 'kin si Rein. Bakas sa kanyang mukha ang pagtataka kung bakit
iniiwasan kong pag-usapan ang nakaraan.
"Speaking of secretary , hindi ba ang apel-"
Lumikha ng nakakairitang kaluskos ang upuan ko kasabay ng aking pagtayo. Ayaw kong
marinig ang susunod na tanong. "Bibili lang ako ng maiinom sa vendo. May gusto ka
bang ipabili, Miss President?"
"Wala naman pero may pabor sana ako sa 'yo... if you don't mind."
Pabor?
"Can you call me Hennie or Etta instead? Masyado kasing pormal 'yung Miss
President. Gusto ko sana, parang magkakaibigan ang turingan natin sa club na 'to."
Napangiti ako sa kanyang hinihinging pabor. Akala ko kung ano na. Ganon lang pala
kasimple.
"Sige, kung 'yon ang gusto mo, Hennie."
-30-

Chapter 07 • Quick Deduction Showdown

ERALD

KUNG NAKAMAMATAY ang pagkabagot, malamang ay sumakabilang-buhay na ako.


Pakiramdam ko, isa akong halaman na naghihintay masikatan ng araw sa gitna ng tag-
ulan. Ngunit kahit gaano katagal ako maghintay, hindi dumarating ang liwanag na
magbibigay-buhay sa 'kin.
Ganyan ang sitwasyon ngayon sa SOS Club. Ilang araw na ang nakalilipas mula noong
club fair incident, pero wala ni isang estudyante ang pumunta sa 'min para idulog
ang kanilang problema. Sino nga ba naman kami para pagsabihan ng mga idinadaing
nila, 'di ba?
Bukas pa rin ang club para sa mga estudyanteng interesadong magpa-member. Ang kaso,
hanggang ngayo'y walang naglalakas-loob na mag-apply. Mas pipiliin siguro nilang
sumali sa boring na Modern Literature Club o makiisa sa fanatics ng Cosplay
Community kaysa sa amin.
Pero ngayong umaga, para mahasa ang mga kinakalawang naming utak, may napaglibangan
kami.
Kasama kong pumasok sa club office si Reynard (ayaw ko siyang tawaging Rein) na
nakatutok sa binabasa niyang nobela. Paulit-ulit siyang napapahawak sa bridge ng
kanyang salamin kada lipat ng pahina. Tumitingin ba siya sa salamin tuwing
pumupunta siya sa restroom o bago umalis ng bahay? Para kasing dinaanan ng bagyo
ang buhok niya sa sobrang gulo nito.
Ayaw ko siyang nakakasabay na pumunta sa opisina, baka isipan nila na mag-
bestfriend na kami sa kabila ng taliwas naming katauhan. Natataon na pareho kami ng
hallway na nilalakaran at ang oras ng pag-alis namin ng classroom. Mabuti't hindi
niya ako kinakausap kaya hindi ko na kailangang magpanggap na interesado sa kung
anumang topic ang lalabas sa kanyang bibig.
Kagaya ng dati, binati kami ni Hennie (alinsunod sa request na tawagin siya sa
ganong pangalan) sa kanyang abot-tengang ngiti at masigla pero minsa'y
nakakairitang boses. Nakapuwesto ang upuan niya sa gitna ng mahabang mesa. Hindi na
rin bago sa paningin kong makita siyang nagsusulat sa notebook pati ang camera na
nakapatong sa ibabaw.
Pagkaupo namin ni Reynard sa magkabilang dulo ng mesa (sinadya kong lumayo sa
kanya), iniabot sa 'kin ni Hennie ang kulay pulang Moleskin notebook at sinabing,
"While I was away earlier, someone entered our clubroom and left that on the table.
There's also a note saying that he will return later. Mukhang may kliyente na
tayo!"
Kliyente? Sa wakas, matapos ang ilang araw ng paghihintay, may naligaw na sa
balwarte namin. Pero bakit niya ibinibigay sa 'kin 'to?
"In the meantime, can you deduce the identity of the owner based on the contents of
that notebook? Subukan mo rin, Rein."
Bago ko 'yon buksan, napangiti ako't napasulyap sa lalaking abalang-abala sa
pagbabasa. May naisip akong ideya. "Tama, bakit hindi tayo magkaroon ng deduction
showdown, Reynard? Imbes na kung ano-ano 'yang ginagawa mo na hindi related sa club
natin."
Mabilis kong nakuha ang kanyang atensyon sa pagtawag ko sa kanyang buong pangalan.
Ibinaba niya ang hawak na libro at tumingin nang diretso sa mga mata ko. Nagliwanag
ang lente ng kanyang salamin. "Parang isang patalim ang utak ko na kailangang
hasain sa pamamagitan ng pagbabasa. Nakatutulong ito para magkaroon ng laman ang
mind palace ko."
"Isa bang palusot 'yan para hindi mo tanggapin ang hamon ko?" pabalang kong tanong
sa kanya. "Natatakot ka ba na baka matalo kita?"
Isang mabagal na pag-iling ang kanyang itinugon. "On the contrary, gusto kong
malaman kung gaano ka kagaling sa deductions. Baka kasi hanggang sa mga maruruming
taktika ka lang."
"Gusto ko ring makita kung uubra 'yang mind palace mo laban sa 'kin."
"Talaga? Baka pagsisihan mo ang araw na 'to."
Tingin sa 'kin, tingin kay Reynard-parang nanonood ng tennis match si Hennie sa
bilis ng palitan namin ng lalaking hinahamon ko. Manood ka lang diyan sa kinauupuan
mo dahil papakainin ko ng alikabok ang mayabang na 'to maya-maya.
"That's a good idea, don't you think?" ani Hennie. Nagningning na parang kislap ng
bituin ang mga mata niya. "Dapat may mga session tayo tulad nito para mahasa ang
deduction skills natin!"
Natin? Ni wala pa akong nakikitang patunay na may kakayahang gumamit ng deductive
method itong si Hennie. Pasalamat siya dahil may posisyon siya rito. Kung ako ang
presidente ng SOS Club, ni-reject ko na ang application niya.
Itinuon ko na ang atensyon ko sa hawak na notebook. Makikita sa pabalat nito ang
dalawang letra: RM na isinulat gamit ang kulay itim na bolpen. Inilipat ko ito sa
susunod na pahina at napansin ang sulat na halos hindi na maintindihan sa sobrang
gulo.
Sa kabila noon, nagawa ko pa ring basahin ang ilang pangalan tulad ng "Aguinaldo,"
"Dr. Oronce" at "Sir Barrera." May ilan ding direct quotations ang nakasulat sa
tabi ng mga 'to at mukhang ang pinag-uusapan ay tungkol sa aksidenteng pagkahulog
ng isang babae sa hagdan. Pero ayon kay Sir Barrera, tinitingnan nila kung may foul
play na nangyari.
Hindi ko naiwasang mapangisi habang nakatitig sa salitang "prexy" sa tabi ng
"Aguinaldo." Pasensya na, Reynard, pero mukhang makakabawi na ako sa pagkatalo ko
sa 'yo noon.
"Ang may-ari ng notebook na ito'y isang lalaki," kumpiyansa kong sinabi matapos
isara ang kuwaderno. "Base sa mga nakasulat dito, isa siyang mystery writer na
gumagawa ng senaryo para sa kanyang kuwento. At kung hindi ko nagkakamali, balak
niya tayong konsultahin para alamin kung epektibo ang naisip niyang trick."
Inihagis ko kay Reynard ang notebook, sinadyang ipatama ito sa mukha niya. Ngunit
mabilis ang reflex ng kanyang kanang kamay kaya agad niya itong nasalo. Sayang!
"Paano mo nasabing lalaki ang may-ari nito?" tanong niya bago buksan ang notebook.
"Tingnan mo kung gaano kapangit ang sulat niya. Kadalasan, pangit ang handwriting
ng mga lalaki lalo na kapag nagmamadali. Samantala, ang mga babae'y may magandang
penmanship kumpara sa atin."
Napahawak siya sa bridge ng kanyang salamin. Nakasanayan na yata niyang gawin 'yon.
"At 'yung pagiging mystery writer niya?"
"Kung babasahin mo ang mga direct quotation, mapapansin mong pinag-uusapan ng mga
tauhan-sina Aguinaldo, Dr. Oronce at Sir Barrera-ang isang aksidente kung saan
binawian ng buhay ang isang babae. Pero may agam-agam na baka may foul play na
nangyari. Hindi ba't ganyan ang karaniwang senaryo sa mystery stories? Kapag una,
akala mo aksidente. 'Yon pala, murder ang nangyari."
Nang nakita ko siyang napatango, kumpirmado na ang panalo ko. Napapikit pa nga siya
e, mukhang iiyak anumang sandali mula ngayon. Ganon ba talaga kasakit ang matalo sa
isang tulad ko?
Hahahaha! Ano ka ngayon, Reynard? Aaminin mo na bang mas superior ang aking
deduction skills kumpara sa 'yo? Saan na 'yung ipinagmamalaki mong mind palace?
Gumuho na ba o nawala ng parang bula dahil ilusyon mo lang 'yon? Magsalita ka, uy!
Napakurap ang mga mata ni Hennie habang hinihintay ang tugon ng kalaban ko. Teka,
baka nakatulog na siya sa sobrang kahihiyan sa pagkatalo niya.
"Interesting deductions..." Unti-unti niyang imulat ang mga mata at nakangiting
tumingin sa 'kin. "Ang kaso, mali lahat ng sinabi mo."
Ang ngiting 'yon na gusto kong burahin mula sa kanyang mukha, muli na naman niyang
ipinakita sa akin. Dahil sa pagtama ng sikat ng araw sa kanyang salamin, nagliwanag
ang mga lente nito. Ang akala ko'y na-checkmate ko na itong si apat na mata.
"Isang babae ang may-ari ng notebook," itinaas niya ang hawak na bagay at binuksan
ito sa pahina kung saan mababasa ang notes. "Tama, kadalasa'y mas magulo ang
handwriting ng mga lalaki kaysa sa mga babae. Pero kung iko-consider mo ang kanyang
trabaho, maiintindihan mo kung bakit ganito kapangit ang kanyang sulat."
Pareho kaming nakatitig ni Hennie sa kanya, nakikinig sa pangontra niya sa aking
magaling na deductions. Saan niya hinuhugot ang lakas ng loob at kapal ng mukha
para sabihing mali ko?
"Ang mga pangalang nakalagay rito, hindi ba sila pamilyar sa 'yo?" tanong niya
sabay turo sa nakasulat na "Aguinaldo."
Napakibit-balikat ako bilang tugon. "Bakit? Mga pangalan ba 'yan ng mga artista?
Gaya ng sinabi ko, mga tauhan niya 'yan para sa kanyang mystery story."
Lalo pang lumawak ang kanyang ngiti, tila mas naging sigurado siya na tama ang
kanyang iniisip. Napalunok tuloy ako ng laway. Mauulit na naman ba 'yung nangyari
dati kung saan nautakan niya ako?
"Ang mga direct quotation na nabasa mo ay hindi para sa isang mystery story." Kahit
pinapatunayan niyang mali ako, walang maririnig na kayabangan sa kanyang boses.
"Ang mga ito'y gagamitin sa isang news article. Tama, ang may-ari ng notebook na
ito ay isa sa mga news writer ng The Felician."
Sa mga hindi nakakaalam, ang The Felician o Feli ay ang official student
publication ng Felician High. Lingguhan itong ipina-publish tuwing Lunes at
ipinamimigay sa mga estudyante. Kasama kasi ito sa mandatory fee na kailangang
bayaran tuwing enrollment.
Ang pinagtatakahan ko lang, saan nakuha nitong si Reynard ang ideyang 'yon?
"Hindi ko alam kung bakit wala kang ideya kung sino sina Aguinaldo," pagpapatuloy
niya. "For your information, mga prominenteng tao sila rito sa university. Si
Aguinaldo ay ang High School Supreme Student Council president, si Dr. Gwyneth
Oronce ay ang director ng Office of Student Affairs habang si Sir Bruno Barrera ay
ang director ng Office of Campus Security."
Lumingon sa akin si Hennie, bahagyang kumunot ang kanyang noo at naningkit ang mga
mata. "Do you really not know who those people are?"
Tumingin ako palayo para iwasang sumagot. Kung hindi sinabi ni Reynard, hindi ko
malalaman kung sino-sino ang mga 'yon. Kailangan ko bang isaulo kung ano ang
pangalan ng student council president para matiwasay akong makapag-aral sa Felician
High? E ano ngayon kung malalaman kong si Aguinaldo ang kataas-taasang pinuno ng
student body? May magbabago ba sa buhay ko?
Kung hindi kinakailangan, hindi ako gagawa ng isang bagay na hindi ko
papakinabangan. Wala akong mapapala sa mga pangalan nila kaya mabuti kung hindi ko
bigyang pansin o kaya'y kalimutan na lang.
"Pangit ang handwriting niya rito dahil mabilis niyang isinulat ang mga sinabi ng
kanyang interviewee," dagdag ni Reynard at saka itinuro ang pahina kung saan may
sinabing mahabang linya si Aguinaldo. "At ang clincher sa deduction na news writer
ang nakaiwan nito ay ang salitang 'prexy.' Sa journalistic writing, ginagamit ang
mga maiikling salita lalo na pagdating sa headlines. For example, mas gagamitin
nila ang salitang 'tilt' kaysa 'competition' dahil kaunting space ang kailangan
non."
"At anong ibig sabihin ng prexy?"
"President. Kaya kung napansin mo, nakasulat ito sa tabi ng Aguinaldo."
Napapalakpak dala ng pagkamangha si Hennie. Kanina pa niya maiging tinititigan
itong si apat na mata habang ipinapaliwanag ang kanyang deduction. "Wow! I didn't
know you're quite knowledgeable about journalism."
Itinuro ni Reynard ang kanyang ulo. "Naka-save ang mga impormasyong tulad nito sa
hard drive ko-ang aking mind palace. Pamilyar kasi ang mga pangalang nandito kaya
naisipan kong i-access ang internal storage ko kanina."
'Yon ba ang dahilan kaya napapikit siya?
"At kung tama ang hinala ko, ang pangalan ng kliyente natin ay Ria Martinez,"
walang pakundangan niyang inanunsyo sa amin. "Sa mga news writer ng Feli, tanging
siya ang may initials na RM."
Kung isang video game ang deduction showdown namin, pakiramdam ko'y isang uri ng
"cheat" ang kanyang mind palace. Ngayon ko lamang napagtanto na puwede niyang
gamitin sa kanyang advantage laban sa 'kin ang ipinagmamalaki niyang imbakan ng mga
impormasyon. Kahit puno ng mga walang kakuwe-kakuwentang bagay ang hard drive niya,
may silbi rin pala ito... gaya noong Angel Square incident.
Teka, teka, inaamin ko na bang talo ako at mas superior ang kanyang kakayahan kaysa
sa 'kin?
"Any rebuttals, Erald?" tanong ni Hennie matapos niya kaming kuhanan ng litrato ni
Reynard. "O baka tinatanggap mo na ang pagkatalo mo? For me, his deductions seem to
be more plausible than yours."
"Wala. Basta naniniwala pa rin akong mystery writer ang may-ari ng notebook."
Pinili kong panindigan ang mga deduction ko kahit na mas may sense ang paliwanag ng
aking karibal. Hindi kayang tanggapin ng pride ko na natalo ulit ako ni apat na
mata.
Ganito ba talaga ang kapalaran ng mga kontrabida? Laging natatalo sa mga bida?
"Hindi natin malalaman kung sino ang tama sa aming dalawa hangga't 'di dumarating
ang kliyente," dagdag ko. Sa sitwasyon ngayon, mas mabuti kung mali kaming pareho
sa mga deduction namin kaysa lumabas na tama ang mga ipinunto ni Reynard. "Kaya
huwag muna tayong manghusga kung sino ang nagwagi sa showdown na 'to."
At ang taong magbibigay-liwanag sa misteryong nasa likod ng naiwang notebook ay
mukhang nandito na. May kumatok ng tatlong beses sa pinto bago ito binuksan.
Tumuloy ang isang babaeng hanggang balikat ang haba ng itim na buhok. Kapansin-
pansin ang seryosong ekspresyon ng kanyang payat na mukha pati ang malalalim na
eyebags ng mga kulay abo niyang mata. Siya siguro 'yung tipong tutok na tutok sa
kanyang ginagawa at 'yung hindi mo puwedeng basta-basta biruin. Hindi siya payat
pero hindi rin siya mataba. Katamtaman ang hubog ng kanyang katawan at maputi ang
kulay ng kanyang balat tulad kay Hennie.
Ang mas dapat pagtuonan ng pansin sa kanya ay ang nakasabit na malaking ID card.
Kahit isang metro ang pagitan naming dalawa, kitang-kita ko ang kanyang 2x2 photo
at ang salitang "MEDIA" na naka-bold ang mga letra.
Tsk. Kung ang babaeng 'to ang kliyente namin, walang duda-tama ang mga deduction ni
Reynard.
"Welcome to the SOS Club! How can we help you?" Parang bibong empleyado sa isang
fast food chain itong si Hennie sa kanyang pagbati. Baka nasubukan na niyang mag-
part time job sa McDo o Jollibee.
"I'm Ria Martinez, news writer from The Felician," pagpapakilala ng aming bisita.
Tumingin ako palayo at napapikit nang marinig ang kanyang pangalan pati ang
organisasyong kinabibilangan niya. "Gusto ko sanang i-consult sa inyo ang posibleng
pang-eespiya sa publication namin."
Inilapit ni Hennie sa aking tenga ang kanyang bibig at bumulong, "Is it right for
me to say na 1-0 ang score?"
Tsk. Kainis.
-30-

Chapter 08 • Smoke 'em Out!

ERALD

PARA MAS maipaliwanag sa amin ang problema ng kliyente, inimbitahan kami ni Ria
Martinez na pumunta sa kanilang opisina. Nagpaalam akong maghihintay na lang sa
club room pero hinila ako ni Hennie mula sa aking kinauupuan at pinilit na sumama
sa kanila.

"Alam n'yo naman sigurong kapag may balita o tsismis sa school, kami kaagad ang
unang nakakasagap, 'di ba?" tanong ni Ria habang naglalakad kaming apat sa hallway.
"Bago namin i-publish sa aming social media accounts o ilagay sa next issue, bine-
verify muna namin ang detalye."

Dahil magkapantay kami ng lakad ni Reynard, pinanatili ko ang distansya naming


dalawa. Baka kasi isipin ng mga estudyanteng nakakasalubong namin-or worse, mga
kaklase namin-na close kami. Sina Hennie at Ria naman, naglalakad sa unahan.

"Mahigpit kami pagdating sa confidentiality ng mga impormasyong nakakalap namin,


lalo na kung kahina-hinala at magdudulot ng scandal. Kaya lagi naming paalala sa
mga involved na writer na huwag magle-leak ng info sa mga kakilala nila o kahit
kanino."

"Kaso merong isa sa inyo na sumuway sa protocol na 'yon, tama?" sumingit na ako sa
nakakabagot na pagpapaliwanag niya. Nagpapaligoy-ligoy pa kasi siya imbes na maging
direct to the point.

Lumingon sa akin si Ria at saka tumango. "Tama. Tatlong beses nang nangyari na may
na-leak na info. Alam n'yo ba 'yong The FHS Files Facebook page kung saan pwede
kang anonymously na mag-confess ng kahit ano?"

Hindi ako social media savvy kaya hindi pamilyar sa akin ang pangalan ng page na
'yon. Pero mukhang sina Hennie at Reynard, aware sila sa existence nito.

"Doon na-leak ang tatlong unverified info namin. At nagmula raw 'yon sa isang
mapagkakatiwalaang source sa mismong The Felician. Dahil doon, nagreklamo sa amin
ang mga nadawit na pangalan at tinanong kami kung bakit nagpapakalat kami ng
tsismis kahit hindi totoo."
Napahawak si Reynard sa bridge ng kanyang salamin. "'Yon ba 'yong sinabing buntis
daw 'yong isang senior high student, pati 'yong palihim na pakikipagkita ng isang
teacher sa kanyang estudyante?"

Aba. Pati pala mga cheap na tsismis, sine-save ng mokong na 'to sa kanyang mind
palace. Kung sigurong makakapasok ako roon, puro basura ang laman nito. Dapat mga
mahahalagang impormasyon lang ang iniimbak niya roon, hindi kung ano-ano.

"So ang request mo sa amin ay..." Napahawak si Hennie sa camera na nakasabit sa


kanyang leeg. Mapagkakamalan mong isa siya sa mga photographer ng Feli dahil sa
dala-dala niyang gadget.

"Hanapin ang espiya sa aming organisasyon at siguruhing hindi na magkakaroon ng


leak."

Dahil sa pag-uusap namin habang naglalakad, hindi namin namalayang nakatayo na kami
sa tapat ng editorial office ng The Felician. Nasa left wing ito ng first floor ng
aming high school building, katabi ng office ng High School Supreme Student
Council.

Binuksan ni Ria ang pinto at pinatuloy kaming tatlong miyembro ng SOS Club sa
kanilang headquarters. Pagpasok, kaagad na sumalubong sa mga mata namin ang isang
mahabang mesa. Nakapatong dito ang ilang piraso ng papel na may mga pulang marka.
Mga article siguro 'yon na kinokorek ng mga editor nila. Meron ding mga nakapakong
white board at cork board sa pader kung saan nakalagay ang agenda ng kanilang
publication. Sa isang sulok, nakaimbak ang ilang bundle ng latest issue ng Feli.

Pinaupo kami ni Ria sa palibot ng mesa at niligpit muna ang mga nakakalat na papel.
Nang maayos na ang lahat, umupo siya sa tabi ni Hennie.

"Malakas ang kutob ko na isa sa mga kasama kong writer ang nagli-leak ng info. Ang
mga ganitong bagay kasi, tanging sa mga news writer dini-discuss."

"Kung ganon, iniisip mong isa itong inside job?" sumandal ako sa upuan at napakrus
ang mga braso. "Na isa mismo sa inyo ang salarin?"

Isang tango ang isinagot niya sa akin, medyo may pag-aalinlangan kung dapat ba
niyang kumpirmahing pinagsusupetyahan niya ang kanyang mga kasamahan. Hindi na ako
nagulat pa sa sagot niya. Sa mundo ngayon, isang kahangalan na ipagkatiwala sa
isang tao na huwag niyang ipagkakalat ang isang sikreto. Kapag may nagsabi sa 'yong
"trust me" aba'y magduda ka na.

"Kung isa nga sa inyo ang mole, mas mapapadali ang pagtukoy natin sa kanya," sabi
ni Reynard na may nakapormang ngiti sa kanyang labi. Sa tono niyang puno ng
kumpiyansa, mukhang confident ang mokong na 'to na malulutas namin ang problema.

"Alam ba ng editor-in-chief n'yo ang tungkol dito?"

Ano bang klaseng tanong 'yan, Hennie? Hindi na importante kung aware ang kanilang
EIC o hindi. Mas mahalaga na malaman natin kung sino-sino ang mga kasama sa news
team.

"Actually, siya ang nag-advise na konsultahin ko kayo. Narinig niya kasi ang ginawa
n'yo sa club fair incident." Panandaliang nabaling ang tingin sa akin ni Ria bago
niya ibinalik sa kanyang katabi. "Kung sakaling matulungan n'yo kami, bilang
kapalit, magsusulat kami ng feature article para sa club n'yo."

"Ta-Talaga?! Gagawin n'yo iyon para sa amin?" Napapalakpak ang mga kamay ni Hennie
at kumislap ang mga mata niya, parang musmos na nakarinig na pupunta sila sa
Jollibee at bibili ng happy meal-teka, sa McDo pala 'yon. Malawak ang readership ng
Feli kaya kahit isang maiksing article lang, sapat na para magkaroon ng malaking
exposure ang aming club.

"Pero hindi ba isang maling move na imbitahan mo kami rito sa office n'yo?" Bago pa
makasagot ang taga-Feli, sumingit na naman ako. "Kung totoo ngang isa sa inyo ang
suspek, paano kapag nakita niya kami rito? Posibleng manghinala siya na humihingi
kayo ng tulong sa amin."

"Pwede naman niyang idahilan na dinala niya tayo rito para interview-in tungkol sa
club fair incident," biglang sumabat si Reynard. Hey, manahimik ka riyan. Hindi
ikaw ang tinatanong ko.

Kumuha ng isang latest issue ng Feli si Ria at iniabot sa amin. Itinuro niya ang
masthead sa second page kung saan nakasulat ang pangalan ng staff nila. Kaagad na
natuon ang atensyon namin sa news team. Si Hennie na may nakasabit na camera sa
kanyang leeg, kinuhanan ng litrato ang mga pangalan:

NEWS WRITERS
Gabriel Azcarraga
Michael Bustamante
Raphael Cuevas
Uriel Duenas
Ria Martinez

Ngayong may listahan na ng suspect, oras na para gumamit ng process of elimination.


Magtatanong na sana ako sa kanya kaso naunahan ako ni Reynard na laging pabida.
"Sino-sino ang mga kasama mo sa team nang pinag-usapan n'yo ang tungkol sa
tsismis?"

Tsk. Ganon din ang itatanong ko.

"Present kaming lima noong pinag-usapan namin ang tsismis na may buntis na senior
high student," paliwanag ni Ria, ramdam kong pinagmamasdan niya ang paggalaw ng mga
mata namin. "Sa rumors ng forbidden relationship ng isang teacher at isang student,
kami nina Michael, Raphael at Uriel ang kasama sa meeting, may sakit kasi noon si
Gabby. Sa latest na leakage, ako lang ang wala sa aming lima dahil kinailangan kong
magpa-check-up."

Napahaplos sa kanyang baba si Reynard habang nakatuon pa rin ang tingin sa mga
pangalan. Bumulong siya na parang baliw sa kinauupuan niya. "Silang tatlo ang..."

"So how are we going to deduce who's the spy among them?" inosenteng tanong ni
Hennie. Wala man bang pumasok sa isip niya na kahit anong ideya kung paano namin
mana-narrow down ang list of suspects?

"Sa tingin ko'y kailangan muna nating maghintay ng panibagong tsismis na pwedeng
pag-usapan ng news team ng Feli. Pagkatapos noon, babantayan natin ang kilos ng
tatlong suspek. Kung sino ang kikilos ng kahina-hinala sa kanila-kunwari may
kakausapin siya sa isang hindi mataong lugar-malamang siya na ang hinahanap natin.
Tatlo tayo kaya walang problema sa manpower."

"Tatlong suspek? Hindi ba lima sila? Apat, kung tatanggalin natin si Ria,"
pagtataka ni Hennie na napakunot ang noo.

Napabuga na lang ako ng hangin at napabalikwas ng tingin sa aking gilid. Mas


qualified pa yata akong maging club president kaysa kay Hennie na puro tanong at
pa-cute. Kung hindi lang siya naunang magpa-register sa akin, ako dapat ang nakaupo
sa trono niya.
Lumikha ng pagkaluskos ang aking upuan nang tumayo ako. Napatingin silang tatlo sa
akin, nagulat sa pabigla-bigla kong kilos.

"Saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos," sabi ni Hennie.

"Ang sabi ni Reynard, kailangan nating maghintay ng bagong info na pwedeng i-leak
ng espiya. Kahit umupo tayo rito ng ilang oras, hindi uusad ang imbestigasyon natin
kaya mas mabuti kung magsisibalik na tayo sa kani-kanyang business natin."
Napatingin ako kay Ria at iniabot ang aking phone. "Pwede ko bang mahingi ang
number mo?"

"Wow, Erald. Hindi ko alam na napaka-straightforward mo pala pagdating sa mga


babae," natutuwang sambit ni Hennie, dahilan para mapairap ang mga mata ko.
Inaakala siguro niya na nagkainteres ako kay Ria kaya kinukuha ko ang kanyang
number.

"Para ito sa imbestigasyon natin. Gusto ko siyang maka-text kung sakaling may mga
tanong ako sa kanya. Huwag mo sanang bigyan ng malisya."

Nang ibinalik na sa akin ni Ria ang phone ko, lumabas na ako sa kanilang office at
iniwan ang dalawang kasama ko sa loob. Bahala sila kung gusto pa nilang
makipagtsismisan doon kaysa i-track down ang salarin sa leakage. Basta ako,
sisiguraduhin kong mabubunyag ang kanyang katauhan sa lalong madaling panahon.

***

Pagpatak ng alas-kwatro ng hapon, dumiretso ako sa Starbucks sa tapat mismo ng


campus namin. Malamig. Amoy kape (obviously). Nakakatanggal sana ng stress ang
atmosphere kundi lang maraming customer. Dahil oras na ng uwian, halos puno na ang
mga upuan dito. Marami ring nakapila sa counter at mabibilis ang mga galaw ng staff
dahil sa dagsa ng mga tao.

Hindi na ako nag-drop-by sa aming office dahil baka magkita pa kami ni Reynard o
kaya'y mabiktima ako ng prank ni Hennie. Nasaktan ang pride ko kaninang talunin ako
ni Reynard sa deduction showdown kaya ipapakita ko sa kanila na mas superior ang
aking deduction skills.

Mabuti't kinuha ko ang number ni Ria kaya mas mapapadali ang imbestigasyon ko.
Hiningi ko ang mga number nina Michael Bustamante, Raphael Cuevas at Uriel Duenas-
ang tatlong suspek ko sa kasong ito-mula sa kanya. Sa limang news writers ng Feli,
silang tatlo lang ang present sa lahat ng meeting tungkol sa mga tsismis kaya na-
eliminate na sa listahan sina Gabriel Azcarraga at Ria Martinez.

Kung ka-level ng katalinuhan ko si Reynard, malamang na-deduce na rin niya kung


sino-sino ang dapat matira sa suspect list. Ang tanong ngayon: Sino sa aming dalawa
ang unang makakahuli sa espiya?

Habang pinaglalaruan ko ang straw ng in-order kong iced coffee, idinial ko ang
numero ni Michael. Isang beses pa lang nag-ring ang phone, kaagad na niya itong
pinick-up.

"Good afternoon. Si Michael Bustamante ba ito ng The Felician? Nakuha ko ang number
mo sa directory ng mga news writer. Meron kasi akong gustong i-pitch na story sa
inyo, baka worthy na i-pick-up n'yo. Nasa coffee shop ako sa labas ng school, pwede
ba tayong magkita? Medyo confidential kasi ang sasabihin ko."

"Ta-Talaga? Juicy ba 'yang exclusive scoop na ibibigay mo sa akin?"


Napangiti ako nang maramdaman ko ang excitement sa kanyang boses. "Siyempre. Hindi
naman kita iistorbohin kung walang kwenta ang sasabihin ko sa 'yo. Nakaupo ako sa
pinakadulong mesa."

"O sige, sige. Will be there in five minutes!" At ibinaba na niya ang tawag ko.

Ipinatong ko ang aking phone sa mesa at sinipsip ang aking kape. Ang mga tao nga
naman, kay daling kumagat sa isang pain. Basta sabihin mong meron kang isang bagay
na gustong-gusto nilang makuha, kaagad silang mahuhulog sa isang trap.

Wala pang limang minuto, may lumapit na isang lalaking mataba at malaki ang tiyan
sa mesa ko. Kasing laki na yata ng hita ko ang braso niya. Hinahabol pa niya ang
kanyang hininga bago siya umupo sa tapat ko. Kagaya ni Ria, merong nakasabit na
media ID sa leeg niya.

"Hi, ako nga pala si Michael Bustamante, news writer ng The Felician," iniabot niya
sa aking kanyang matabang kamay para makipag-handshake. Nagpakilala ako sa kanya
pero hindi ko binanggit ang apelyido ko. Kung hihigpitan niya ang hawak sa mga
daliri ko, kayang-kaya na niya itong durugin. "Bakit nga pala ako ang naisipan mong
tawagan? Pwede namang idiretso mo sa news desk namin ang scoop mo."

Ipinatong ko ang aking mga braso sa mesa at nag-lean paharap. Tumingin muna ako sa
mga taong nasa likuran namin para i-check kung may palihim na nakamasid.

"Nabasa ko kasi 'yong mga post sa The FHS Files. Merong mga tsismis doon na galing
daw sa isang source mula sa The Felician. Mahirap nang magtiwala kung kani-kanino
kaya ikaw ang tinawagan ko. Nabasa ko kasi ang mga article mo at masasabi kong
mataas ang pagpapahalaga mo sa journalistic ethics."

Of couse, isa 'yong malaking kasinungalingan. Ni isang article niya, wala pa akong
nabasa. Kailangan ko lang bola-bolahin ang matabang ito.

"Ta-Talaga?" Napakamot siya sa kanyang ulo, mukhang nahiya sa mga papuri ko sa


kanya. "Sa-Salamat sa pagtitiwala sa akin. Sa totoo niyan, sa aming lima sa news
team, ako lang ang conscious pagdating sa ethics."

Sige, buhatin mo pa ang sarili mong bangko. "Ah, ganon ba? Mas mabuti kung
malalaman ng editor n'yo para ma-verify kung totoo itong tip ko. Huwag mong itsi-
tsismis sa mga kasama mo, ha?"

Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na parang nagpa-Panatang Makabayan. "Promise!
Cross my heart!"

Pinagdikit ko ang aking mga daliri at bahagyang hininaan ang boses ko. "Alam mo ba
ang rule ng student council pagdating sa club rooms? Na kapag hindi umabot sa lima
ang members ng isang club, papalayasin sila roon para ibigay sa mas deserving na
club?"

"Nabasa ko nga 'yan sa rulebook," patango-tango niyang tugon.

"Aware ka ba sa SOS Club? Narinig ko kasing tatlo lang ang members nila pero hindi
sila pinaalis ng student council. Merong nakapagsabi sa 'kin-hindi ko sasabihin ang
pangalan-na binlackmail daw 'yong secretary para manatili sila roon."

Napatakip ng bibig si Michael at nagpakurap-kurap ang mga mata na parang Christmas


lights. "Ta-Talaga? Ang secretary, na-blackmail nila?"

"Oo. Ang pangalan daw ng nam-blackmail ay Reynard Caballero, isang Grade 11


student. Malakas ang kutob ko na baka may hawak siyang something laban sa secretary
kaya nagawa niyang pasunurin ito sa kagustuhan niya."

Paulit-ulit ang naging pag-iling niya at napapalatak pa. "Mukhang simple ang
hininging pabor ng Reynard na 'yon pero posibleng i-blackmail niya ulit ang
secretary para sa mas malaking pabor sa hinaharap. Kailangang imbestigahan ng Feli
ito. Salamat sa tip."

"Walang anuman. Basta wala kang pagsasabihan na galing sa akin ang info, ha?"

Muli akong nakipagkamay sa kanya bago siya umalis. Hindi naman siya nanghinala sa
mga kilos o sinabi ko kayang mukhang walang gusot ang aking plano.

Ngayon, oras na para sa susunod na target. Idinial ko ang number ni Raphael Cuevas
at-gaya ng sinabi ko kay Michael-nakipagkita ako sa kaparehong coffee shop sa labas
ng aming campus. Noong una'y ayaw pa niyang pumunta pero nang sinabi kong involved
ang isang miyembro ng student council, nagbago ang isip niya.

"A-Ano? Se-Seryoso ka ba sa sinasabi mo? Hindi ka ba nagbibiro?" pagulat na tanong


ni Michael. Kung 'yong unang nakausap ko'y mataba, ito namang kaharap ko ngayo'y
payat ang pangangatawan at may mahabang buhok na abot hanggang leeg. Naalala ko
tuloy 'yong mga sumikat noon na F4 sa hairstyle niya.

Naging marahan ang pagtango ko at napakunot ang aking noo. "Hindi rin ako
makapaniwala noong una. Pero sabi ng kaibigan ko-hindi ko siya papangalanan-nakita
niyang magkahalikan sa KTV box ng isang mall ang secretary at ang president ng SOS
Club."

"Pero pareho silang babae, 'di ba? At wala sa itsura ng secretary ang pagiging...
lesbian."

"Kahit ako, hindi makapaniwala nang ikwento sa akin ng kaibigan ko. Pero nang
ipinakita niya 'yong picture, halos himatayin ako sa gulat. Crush ko pa naman si
secretary." Muntik na akong masuka sa sinabi ko.

Inubos muna niya ang isang basong tubig bago siya tumugon sa akin. "Malaking
scandal ito kung totoo man 'yan. Paano kung ginagamit ng SOS Club president ang
relasyon niya sa secretary para makahingi ng mas malaking budget para sa club
activities?"

Napabuntong-hininga ako at nagpanggap na nababahala talaga. "Kaya nga sa 'yo ko


ipinagkatiwala ang impormasyong ito. Kung may ibang nakakita sa kanila sa KTV box,
tiyak na magpapakalat sila ng tsismis anytime soon. Mas mabuti kung maunahan n'yo
na sila sa balita."

"Sige, we will take it from here. Titingnan namin kung totoong may relasyon ang
dalawang 'yon at kung may hininging pabor ang president ng SOS Club sa kanya."

"Basta diretso mong sasabihin sa editor mo, ha? Baka kasi may mag-leak sa mga kapwa
mo news writer."

Nang nangako siya sa akin na wala siyang ibang pagsasabihan, nagpaalam na siyang
umalis. Muli akong um-order ng bagong iced coffee bago ko tinawagan ang huling
suspek-si Uriel Duenas. Parehong script ang ginamit ko sa kanya at hindi naman siya
nagtanong ng kung ano-ano.

"Teka, hindi ba 'yan isang joke?" Inalis ng kaharap kong lalaki ang suot niyang
salamin at pinunasan ang mga lente nito. "Baka sinasayang mo lang ang oras ko. May
hinahabol pa akong deadline para sa isa kong article."
Napasipsip ako sa malamig kong inumin bago ko siya sinagot. "Ayon sa kaibigan kong
miyembro din ng SOS Club, nakita niyang may ginagawang kababalaghan 'yong club
president at 'yong member nilang nakasalamin. Imagine, ginagamit nila ang isang
room sa mismong school building para ma-satisfy ang tawag ng kanilang laman."

Bumuga ng hangin si Uriel at nabaling ang tingin sa sahig. "Isa 'yong major offense
sa school rules and regulations. Pwede silang ma-suspend o ma-expel kapag
napatunayang totoo 'yan."

"Kaya nga..." pinagkrus ko ang aking mga braso at lumapit sa kanya, "...dapat
maging strikto ang student council pagdating sa rules and regulations ng mga club
room. Malay mo, hindi lang sila ang nambababoy sa clubroom na ipinagkatiwala sa
kanila."

"Sige, idi-discuss ko ito sa editor namin at titingnan ko kung anong magagawa ng


Feli. Kokontakin kita kapag may kailangan pa akong impormasyon mula sa iyo. Thank
you sa ibinigay mong tip."

Hindi na rin siya nagtagal sa pagkakaupo at nagpaalam na rin sa akin. Nang makita
kong lumabas na siya ng coffee shop, nakahinga na ako nang maluwag at sumandal sa
upuan. Kahit wala nang laman ang aking baso, patuloy pa rin ako sa pagsipsip sa
natunaw na yelo.

Ngayong nakatanim na ang mga binhi, ang kailangan ko na lang gawin ay maghintay ng
tamang panahon para anihin ang mga bunga nito.

***

Kinabukasan, paggising ko sa umaga, kaagad akong tumutok sa aking laptop para


tingnan kung tama ang kalkulasyon ko. Hindi ako kasing-adik ng iba pagdating sa
social media. Pero dahil "in" na ngayon ang pagkakaroon ng Facebook account,
nakigaya na rin ako sa kanila.

Itinype ko ang "The FHS Files" sa search box ng website at lumabas ang isang page
kung saan nakasulat ang mga katagang "Your secret is safe with us. Confess
anonymously" sa cover photo nito. Nang ini-scroll down ko ito sa mga page post, ang
pinakaunang nabasa ko ay...

Hindi naiwasang mapangiti matapos basahin ang post. Mukhang effective ang inilatag
kong trap para sa taong 'yon.

-30-

Chapter 09 • "Mad Eleine"

ERALD

NAGING TOPIC sa buong campus ang latest post ng The FHS Files. Naririnig ko ang
bulung-bulungan ng mga estudyanteng nakatambay sa hallway, hawak-hawak ang kanilang
phone, at pilit na hinuhulaan kung aling club ang tinutukoy sa naturang confession.
Kung kasing talino ko sila, malamang e na-gets na nila within five seconds ang club
na sangkot sa isyu. Napakadali kasi ng clue na ibinigay ng admin ng page kaya ang
mga matatalas na isip na tulad ko'y hindi mahihirapang i-deduce ang sagot.
Pagpatak ng alas-nuwebe ng umaga, saktong pag-ring ng school bell, dumiretso ako sa
rooftop. Itinext ko kasi si Uriel-ang espiya sa Feli-at nakipag-arrange ng meeting
doon para opisyal nang isara ang kasong ito.
Pag-akyat ko roon, nakita ko siyang naghihintay habang nakatanaw sa malawak naming
campus. Pwede ko siyang ligtas mula sa kahihiyan na haharapin niya, kaso kailangan
ko siyang itulak mula rito.
"Pasensya na kung pinaghintay kita," pambungad ko, napaharap tuloy siya sa akin.
Biglang umangat ang kaniyang magkabilang balikat na parang nagulat.
"Ikaw pala. Nakita mo na ba 'yong bagong post ng The FHS Files?"
Dahan-dahang akong lumapit sa kanya habang nakapamulsa ang mga kamay ko. "Oo, at
mukhang ang tinutukoy nila roon ay ang SOS Club, base sa iniwan na clues ng admin."
"Wala akong pinagsabihan na kahit sino tungkol doon sa ibinigay mong tip sa akin
kaya paano nangyari 'yon? Posible kayang 'yong kaibigan mong member din ng club ang
nag-leak no'n sa The FHS Files?"
Pinanood ko lang ang nababahala niyang pagkilos at hinayaan siyang magsalita nang
magsalita. Nakakaaliw pagmasdan ang pagpapanggap niyang wala siyang kinalaman sa
nangyari. Hihihi~ Mga tao nga naman.
"Natanong mo na ba 'yong kaibigan mo kung siya nga ang nag-confess sa page na
'yon?"
"Hindi."
"Ba-Bakit?"
"Dahil..." huminto ako sa tapat niya at nagpukol ng isang nakakaasar na ngiti,
"...walang katotohanan ang mga sinabi ko sa 'yo kahapon."
Nanlaki ang mga mata niya at napahakbang paurong. Pwede nang pasukan ng mga langaw
ang nakabukas niyang bibig. "A-Anong ibig mong sabihin? Sabi mo, nakita ng kaibigan
mong taga-SOS Club ang kalaswaang ginagawa ng mga member doon?!"
"Isa 'yong kasinungalingan. Sinabi ko 'yon sa 'yo para malaman kung ikaw ang nagli-
leak ng mga info mula sa Feli. Maliban sa akin, tanging ikaw ang nakakaalam na may
nangyayaring kababalaghan sa SOS Club. Kaya kung may magkakalat man ng tsismis na
'yon, walang ibang dapat paghinalaan kundi ikaw."
"Si-Sinasabi mo bang isa 'yong patibong?"
Tumango ako. Hindi pa ba 'yon obvious? Naku naman. "Oo, at madali ka namang
nahulog. Kung ako sa 'yo, ititigil ko na ang pagmamaang-maangan dahil bistado na
kita. Mas mabuti kung umamin ka nang ikaw ang leak sa school paper natin."
Yumuko siya't mukhang nawalan na ng ganang pabulaanan ang akusasyon ko. "Tss. Sabi
ko na nga ba, dapat naging maingat ako sa impormasyong 'yon."
"Sabihin mo sa akin, sino ang nag-utos sa 'yo na maging espiya sa Feli?"
"Wa-Walang nag-utos sa akin. Maniwala ka."
Mukhang hindi niya natindihan ang tanong ko kaya inulit ko sa kanya. "Meron bang
nag-utos sa iyo na mag-espiya sa Feli?"
"A-Ang admin ng The F-FHS F-Files," nauutal niyang sagot, namumuo na ang pawis sa
kaniyang noo. "Basta-basta na lang niya ako chinat at in-offer-an ng isang deal.
Gusto niyang makakuha ng exclusive scoops mula sa Feli. Bawat isang scoop, may
kabayaran kaya tinanggap ko na. Hindi ko alam kung saan niya balak gamitin 'yon.
Baka gusto lang niyang magpakalat ng tsismis sa campus."
"Kilala mo ba kung sino siya?"
"Hi-Hindi."
"Talagang hindi mo siya kilala?"
"Ma-Maniwala ka sa akin! Bakit pa ba ako magsisinungaling sa 'yo?!"
Napabuntong-hininga na lang ako habang tinititigan ang nakakaawang mukha ni Uriel.
Kung totoo man ang sinabi niya, mukhang wala na akong mapipiga sa lalaking ito.
"Alam na ng mga taga-Feli ang katotohanan kaya mag-isip ka na ng paraan kung paano
makakalusot sa gusot na 'to."
Iniwan ko na siyang mag-isa sa rooftop. Kung anuman ang gawin sa kanya ng mga taga-
Feli, hindi ko na business 'yon. Ang mahalaga'y natupad ko ang deal namin sa
kanila.
Nang pababa na ako sa hagdan sa may first floor, nakita kong nakasandal sa pader si
Reynard at nakapamulsa ang mga kamay. Dahil sa pagtama ng liwanag sa kanyang
salamin, hindi ko alam kung sa direksyon ko ba siya nakatingin o hindi.
Nakita kaya niya ang post ng The FHS Files? Narinig kaya niya ang usapan namin ni
Uriel sa taas?
"Yow," kumaway ako sa kanya at binati ng isang ngiti. Hindi ko usually ginagawa
ito, lalo na sa kanya, pero dahil maganda ang gising ko ngayong umaga, na-feel kong
dapat ikalat ang good vibes.
Nagpatuloy ako sa pagbaba sa hagdanan hanggang sa magkatapat kami ni Reynard. Ni
hindi man niya ibinalik ang pagbati ko sa kanya. Baka nabulag na siya kaya hindi
niya nakita ang pagdating ko?
"Ano na namang ginawa mo, Erald?"
Huminto ako sa tapat niya nang hindi lumilingon sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?
May ginawa na naman ba akong masama o hindi mo nagustuhan?"
"Itinatanong pa ba iyan?" Napahawak siya sa bridge ng kanyang salamin. "Talaga bang
maruruming taktika lang ang alam mong gamitin para masolusyunan ang isang
problema?"
Tsk. Ang aga-aga, sinisira niya ang mood ko. Humarap ako sa kanya at nagkasukatan
kami ng tingin sa loob ng ilang segundo. Ewan kung paano niya nalaman pero mukhang
hindi ko na kailangang magpanggap na walang alam sa tinutukoy niya.
"May masama ba sa ginawa ko? Nakahanap ako ng paraan upang mabilis nating maisara
ang kasong 'yon. At mukhang hindi naman ako nagkamali sa desisyon ko. Na-reveal ko
na kung sino ang espiya sa The Felician. Ikaw, anong nagawa mo para malutas ang
problema?"
Umiling-iling pa siya sa mismong harapan ko kaya lalong kumulo ang aking dugo.
"Nalutas mo nga ang isang problema pero gumawa ka naman ng panibago. May naisip na
kaming solusyon ni Henrietta pero dahil kumilos ka nang hindi man nagpapaalam sa
amin, nabulilyaso na ang lahat."
Napaalik-ik tuloy ako sa sinabi niya. "At bakit ko kailangang magpaalam sa inyo?
Dapat nga'y purihin n'yo pa ako imbes na kwestiyunin ang paraang ginamit ko.
Ngayong exposed na ang identity ng espiya, magsusulat na ng feature article ang
Feli tungkol sa atin at magkakaroon na tayo ng maraming kliyente."
"Ang ibig mo bang sabihin, mas importante sa 'yo ang resulta kaysa sa proseso?"
"The end justifies the means," may paninindigan kong sagot sa kanya. Tama naman,
'di ba? Aanhin mo ang isang maayos na proseso kung sa bandang huli ay papalpak din
ito? Ang importante'y makarating ka sa destinasyon mo, kahit ano pang landas ang
tahakin mo-mapa-shortcut man o 'yong laging dinadaanan.
Napabuntong-hininga si Reynard at umalis mula sa kanyang pagkakasandal sa pader.
Nagsimula siyang maglakad patungo sa direksyon ng aming club room. "Mukhang kahit
anong sabihin ko sa 'yo, wala ring magiging epekto. Sana nga lang, hindi mo
pagsisihan ang ganyang pilosopiya sa buhay."
Wala kang alam kaya mas mabuti pa kung manahimik ka na lang.
Pinauna ko na siyang maglakad dahil nararamdaman ko ang tensyon sa pagitan naming
dalawa. Para kaming magnet na pareho ang polarity. Kahit kailan, hindi kami maa-
attract sa isa't isa-not in a romantic way.
Pagpasok ko sa aming clubroom, nakita ko si Hennie na nakaharap sa white board at
tinitingnan ang mga nakadikit na litrato ng mga babae roon. Nang marinig niyang
bumukas ang pinto, kaagad niya kaming binati ng nakakasilaw niyang ngiti.
"Hey, alam n'yo bang may kumakalat na tsismis ngayon?"
"Oh?" walang gana kong tugon nang makaupo ako. "Tungkol saan naman 'yan?"
"Meron kasing post sa The FHS Files tungkol sa isang club na may ginagawang
kababalaghan sa clubroom nila," naging seryoso ang mukha ni Hennie. "May ilang
nagsabi sa akin na baka SOS Club daw ang involved roon base sa clues. But that's
absurd, right? Wala naman tayong ginagawang kalaswaan dito."
Napaka-slow talaga ng babaeng 'to. Mabuti hindi siya kasing talas ni Reynard
pagdating sa pagkokonekta ng mga bagay-bagay dahil kung hindi, baka nasampal na
naman ako.
Nahuli kong napasulyap ang mga mata ni Reynard sa akin bago siya tumugon. "Baka may
gusto lang sumira sa club natin kaya may nagpapakalat ng mga malisyosong tsismis.
Dahil sa club fair incident, naging matunog na ang pangalan ng club na 'to, salamat
sa galing ni Erald."
Gusto niya bang pagtakpan ang ginawa ko? Ano, sa tingin niya ba'y magkakaroon ako
ng utang na loob dahil doon? May pagkasarkastiko rin pala ang lalaking 'to e.
"Anyway, ano nang balak natin sa espiya ng The Felician?" nakapamewang na tanong ni
Hennie. "Teka, bakit hindi ka pala dumaan dito kahapon, Erald? Pinag-usapan namin
kahapon ni Rein kung paano namin mahuhuli ang salarin."
"Ah, kasi..."
"Sa totoo niyan, nabisto na ni Erald kung sino ang espiya kaya hindi na natin
kailangang isagawa ang plano natin," bigla na namang sumingit si Reynard kahit
hindi siya ang tinatanong.
Nanlaki ang mga mata ni Hennie. Noong una'y parang namangha siya sa kanyang narinig
pero 'di nagtagal, sumimangot din siya.
"Does that mean na sinolve mo ang case na 'yon nang mag-isa? Nang hindi kami
sinasabihan?"
"Masyadong hassle kung sasabihin ko pa sa inyo ang pinaplano ko kaya ako na mismo
ang umasikaso."
"Dahil ba... gusto mong patunayan na mas magaling ka kay Rein kaya nag-solo ka?"
Sabay kaming napalingon ni Reynard kay Hennie na may malungkot na ekspresyon sa
kanyang mukha. Hindi ko inasahang mababasa niya ang intensyon sa likod ng ginawa ko
kahapon. Minsan talaga, nasosorpresa ako ng babaeng 'to, kagaya noong hindi niya
matandaan ang nangyari sa club fair incident.
"Erald, always remember na isa tayong club dito," malumanay niyang sabi nang hindi
ako nakatugon. "Imbes na makipag-compete ka sa kanya, bakit hindi tayo magtulungan?
Magkakaibigan dapat tayo rito, hindi magkakaaway."
Sanay na akong mag-isa sa mundong ito kaya hindi ko na kailangang makipaghawak-
kamay kahit kanino. Gusto ko sanang buweltahan ang mga sinabi ni Hennie tungkol sa
kooperasyon at sa kakornihan ng pakikipagkaibigan pero pinili ko na lang manahimik.
Baka hindi lang sampal ang abutin ko sa kanya.
"Sige na, hindi ko na uulitin 'yong nangyari kahapon." Para sa ikatatahimik at
ikakapayapa ng aking umaga, ito ang best na sagot.
"Promise?" Lumapit si Hennie sa upuan ko at itinapat sa akin ang kanyang pinky
finger. Napabuga ako ng hangin habang pinagmamasdan ang kanyang maliit na daliri.
Mukhang alam ko na kung anong gusto niyang gawin.
"Promise."
Para bumalik ang sigla sa kanyang mukha, nakipag-pinky swear ako sa kanya, tanda na
hinding-hindi ko sisirain ang aking pangako. Isa na namang childish act, brought to
you by our club president.
Heh. Pero nagkakamali siya kung iniisip niyang seryoso akong makikipagtulungan kay
Reynard.
"By the way, bakit may mga nakadikit na pictures diyan? Mga bagong kliyente ba
sila?" Itinuro ko ang whiteboard para ma-divert ang atensyon namin sa ibang bagay.
"We were checking kung may similarities ang mga sangkot sa tsismis. Parang common
denominator ganon. Baka kasi sa ganitong paraan, malaman namin kung may koneksyon
sila sa isa sa mga suspek," paliwanag ni Hennie. "So far, wala pa kaming nae-
establish na kahit anong magkokonekta sa kanila. Eto lang dalawa ang may
pagkakatulad."
Itinuro niya ang magkahiwalay na litrato ng dalawang babae, 'yong isa'y may itsura
at mahaba ang buhok habang 'yong isa nama'y may suot na pabilog na salamin at
hanggang leeg lang ang buhok.
"At anong meron sa kanilang dalawa?"
"Maliban sa mga kumalat na tsismis na naninira sa kanila, there were rumors na
balak nilang humabol sa student council next year. 'Yong inaakusahang buntis ay
isang sikat na personality rito sa campus habang 'yong inili-link sa isang teacher
ay scholar at kabilang sa mga top student every year."
"Naisip namin na baka demolition job ang pagpapakalat ng mga tsismis para isabotahe
ang plano nilang tumakbo," dagdag ni Reynard. "Pero dahil walang ganong koneksyon
sa iba pang damay sa mga tsismis, mukhang hindi 'yon ang pising magdudugtong sa
kanilang lahat."
Biglang kumurba ang gilid ng aking labi. Mas naiintindihan ko na ngayon ang
katotohanan sa likod ng kasong ito: Ang pagpapakalat ng tsismis. Ang involved na
mga estudyante. Pati ang motibo ng "mastermind."
***
Pag-uwi ko ng bahay noong hapon, tsineck ko kaagad ang page ng The FHS Files. Pilit
kong hinanap 'yong post tungkol sa pekeng tsismis sa SOS Club pero hindi ko na
makita. Mukhang binura na o kaya'y nakatago sa kanilang timeline.
Pinatay ko na ang aking laptop at lumabas ng kuwarto. Nakaramdam ako ng uhaw kaya
naisipan kong pumunta sa kusina. Nasa second floor ang kwarto ko kaya kinailangan
ko pang bumaba sa hagdan naming yari sa kahoy para makapunta roon.
"I'm home!"
Kasabay ng pagsara ko sa aming ref ang pagbukas ng pinto. Narinig ko ang malulutong
na yabag ng sapatos na kumikiskis sa marmol naming sahig. Umupo ako sa couch ng
aming sala kung saan nagkasalubong kami ng isang babaeng may perm hairstyle na abot
hanggang dibdib niya. May katangkaran din siya kumpara sa ibang babae.
Siya nga pala ang aking nakatatandang kapatid-si Madeleine Castell, ang secretary
ng High School Supreme Student Council. Imbes na "ate" ang itawag ko sa kanya,
tinatawag ko siyang "Maddie." Tawag ko nga noon sa kanya ay "Mad Eleine."
"Mukhang nag-eenjoy ka sa mga ginagawa mo ngayon, ah," komento ni Maddie habang
tinatanggal ang kanyang flat shoes.
"At kailan ka pa nagkainteres sa mga aktibidad ko?" sagot ko nang hindi tumitingin
sa kanyang direksyon. Naitanong niya siguro 'yon dahil wala siyang ibang masabi sa
akin. Inilabas ko na lang ang aking phone at itinuon ang atensyon ko sa paglalaro
ng Clash of Clans. Naku, may umatake pala sa 'kin. Magantihan nga ang loko.
"Until recently," nakita ko sa aking peripheral vision ang pagtanggal niya sa suot
na kulay berdeng blazer, ang uniporme na exclusive sa mga taga-student council.
Umupo siya sa kabilang couch at ipinatong sa kanyang hita ang inalis niyang damit.
"That reminds me, hindi mo pa pala ako napapasalamatan sa ginawa ko para sa inyong
club."
May dapat ba talaga akong ipagpasalamat sa kanya? Kung tutuusin, oo, dahil kung
hindi niya niligtas ang club namin mula sa eviction, wala na akong tambayan sa
school. Pero I won't give her the satisfaction. Kapag sinabi ko ang salitang "thank
you," magkakaroon ako ng utang na loob sa kanya.
"Trabaho mo 'yon bilang secretary ng student council kaya wala akong dapat
ipagpasalamat," pabalang kong sagot. "At saka hindi naman ako lumuhod sa harapan mo
para huwag kaming tanggalan ng clubroom."
"Honestly, I didn't really expect anything from you, not even a simple thanks."
Tumayo siya't humakbang patungo sa hagdan, papunta sa kanyang kwarto. "Sana'y
maging consistent ka sa ugali mong 'yan."
Ibinaba ko ang aking phone at tumingin sa kanyang nakatalikod na katawan. Oras na
para ilabas ko na ang aking itinatagong baraha. "By any chance, narinig mo na ba
ang mga tsismis na pinapakalat ng The FHS Files? Sigurado akong aware ka sa mga
'yon."
Huminto siya at lumingon sa akin, sumabay sa galaw niya ang kanyang kulot na buhok.
Nagkasalubong ang tingin naming dalawa. "Tsismis? Anong klaseng tsismis?"
Napadekwatro ang aking mga binti at isinandal ang aking likod sa couch. "Tungkol sa
isang senior high student na buntis daw at 'yong babaeng may sikretong relasyon sa
isang teacher."
"What about them? Bakit kailangan kong malaman ang tungkol sa kanila?" nakangiti
niyang sagot na parang wala siyang kaalam-alam sa pinagsasabi ko. Sa ganyan naman
siya magaling-sa pagpapanggap.
"Alam mo bang may balak silang tumakbo sa student council sa susunod na eleksyon?
Pareho silang sikat at may pangalan sa campus kaya madali silang makakahakot ng
boto. Pero dahil sa mga tsismis, malamang e nadungisan ang image nila sa mga
estudyante."
Naglakad siya pabalik sa inupuan niya kanina habang nagpapaliwanag ako. Nakangiti
lang siya't walang bahid ng pagkasorpresa o pagkabahala sa kanyang mukha. Marunong
talagang magtago ng emosyon ang babaeng ito.
"Kung iisipin, posibleng ang pagpapakalat ng tsismis ay isang random na insidente,"
pagpapatuloy ko habang pinagmamasdan ang kilos niya. "Pero kung titingnan mo sa
ibang anggulo, makikita mo ang ikinukubling katotohanan."
"Katotohanan?"
"Na may mga taong gustong isabotahe ang pagtakbo nila sa student council kahit
kakasimula pa lang ng school year. Isang maagang demolition job para tiyaking hindi
sila mananalo. Ang taong nasa likod nito'y posibleng kakandidato rin sa susunod na
student council elections kaya gusto niyang alisin ang mga sagabal. Gusto niyang
bunutin ang mga damo sa paligid niya bago pa sila tumubo. Sino kayang posibleng
makaisip ng ganitong taktika?"
Umiwas ako ng tingin sa kanya't ibinaling ito sa kisame, kunwari'y nag-iisip nang
malalim. Siyempre, isa lang itong acting dahil kanina pa ako may ideya kung sino
ang makakagawa nito.
"Teka, maalala ko lang, may balak kang tumakbo bilang student council president,
'di ba?"
Nagtitigan kami ng kapatid ko, walang mata na gustong kumalas at halos wala ring
humihinga sa aming dalawa. Namayani ang katahimikan sa sala namin. Ilang segundo
pa ang lumipas bago siya nagpukol ng isang pilit na ngiti sa akin.
"Pati ba naman sa akin, tatayo kang kontrabida?"
Bull's eye! Hindi man niya sinagot categorically ang tanong ko, ang tugon niya'y
isang kumpirmasyon na tama ang aking hinala.
"Thanks to you, naging ganito ako," tugon ko.
Wala na siyang ibang sinabi. Tumalikod siya at ipinagpatuloy ang kanyang paglalakad
patungo sa hagdanan. Saktong ibabalik ko na ang aking atensyon sa phone ko nang
muli kong narinig ang boses niya.
"By the way, Erald, do you still remember that accident four years ago?"
Nanigas ang kaliwang kamay ko habang humigpit ang aking hawak sa phone. Bakit niya
na-bring up ang bagay na 'yon? Para asarin ako? Gumaganti ba siya dahil nabuko ko
ang plano niya?
"They say na mapaglaro ang tadhana. Hindi ako naniniwala until recently."
"Anong gusto mong sabihin, ha?"
Ngumiti ulit siya sa akin. "Nothing. Just enjoy your time in your club."
Pinagmasdan kong mawala ang kanyang figure sa aking paningin habang nakatitig ang
mga nanlilisik kong mata sa kanya.
Hanggang ngayon, hindi ko pa nakakalimutan ang nangyari noon... na nagtulak sa akin
para maging ganito ako.
-30-

Chapter 10 • Black and White

ERALD

NAPAKAALIWALAS NG panahon. Mabagal ang paggalaw ng mga ulap na parang lumulutang na


cotton candy sa kalangitan. Nakatirik na ang araw sa itaas pero dahil nasa
nalililimang parte ako ng rooftop, hindi ako natatamaan ng sinag nito.

Tahimik ko na sanang mae-enjoy ang aking morning break nang biglang...

"Hey, bakit parang iniiwasan mo na kami, ha?" Narinig ko ang boses ng isang lalaki
sa may hagdanan. Puno ng angas at kayabangan ang tono nito na parang isang hari na
dapat paglingkuran.

"Ka-Kasi me-medyo naging busy ako nitong mga nakaraang araw," paliwanag ng isa pang
lalaking may nanginginig na boses. "Hi-Hindi ko kayo iniiwasan!"

"Talaga, ha? Dahil diyan, doble 'yong ibibigay mo sa amin ngayong araw."

"Pe-Pero wala na akong pambili ng lu-"

"Walang pero-pero!" bulyaw ng mayabang na lalaki. "Kasalanan mo kasi hindi ka


nagpakita sa amin!"
Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa ilalim. Wala na akong narinig na protesta
sa inaaping lalaki kaya malamang, pinagbigyan na niya ang pambu-bully ng mga
nakapalibot sa kanya.

"'Yan ang gusto ko sa 'yo e, madaling kausap! Sa uulitin, ha!"

Nakinig lang ako sa pag-uusap nila habang nakatingala ako sa langit. Kung isa akong
estudyante na may malakas na sense of justice, pinigilan ko ang pambu-bully ng mga
lalaki at pinangaralan pa sila kung gaano kasama ang pangingikil sa kapwa.

Kung sigurong ang Erald na nasa rooftop ngayon ay ang hangal na Erald noon,
malamang ganon ang ginawa ko.

Noong nasa elementary pa ako, pinangarap kong maging isang bayani. Dahil nasa
murang kaisipan pa lang ako noon, may pagka-idealistic pa ako. Sumali ako noon sa
Volunteer Club kung saan tumutulong kami sa mga estudyanteng nangangailangan ng
tulong. Kung may nahihirapan sa kanilang lesson o may dapat na ayusing school
event, to the rescue kami lagi sa kanila.

May feeling of satisfaction noon tuwing may natutulungan kami. Nakakagaan ng


pakiramdam at masasabing "worth it" ang oras at pagod namin. Dahil doon, naging
motto ko nang tumulong sa mga dapat tulungan kahit walang kapalit. Kaya nga noong
minsan, apat na taon na ang nakakaraan...

"Tama na!" Hinarang ko ang isang grupo ng mga lalaking binuhusan ng isang timba ng
tubig ang kanilang kaawa-awang biktima. Kahit payat pa ako noon, naglakas-loob
akong pumagitna sa kanila.

"At sino ka para humarang-harang sa amin? Kaibigan ka ba niya?" tanong ng lalaking


malaki ang katawan. May tumutulo pa ngang sipon sa ilong niya pero hindi niya
napapansin.

"Bakit? Kailangan ko bang maging kaibigan ang isang tao para tulungan ko siya?"
Nagmamatapang kong sagot at nagkasukatan kami ng tingin ng lider ng mga bully na
kamukha ni Damulag sa Doraemon.

Alam kong nasa disadvantage ako dahil tatlo sila habang nag-iisa lang akong
pumoprotekta sa kanilang binu-bully. Wais din ang mga kumag dahil sa school garden
nila dinala ang biktima. Wala kasing dumadaan na ibang estudyante o guro dito kaya
perpect spot ito sa mga krimen.

Pinatunog ng mga lalaki ang mga kamao nila pero hindi ako natinag. Tinitigan ko
lang silang tatlo ng mga kalmado kong mata.

"Sino ba kayo sa akala n'yo, ha? Porke ba mukha kayong tigasin, may karapatan na
kayong mam-bully? Malalaki nga ang mga katawan ninyo pero 'yang utak at puso n'yo,
walang laman."

"A-Anong sinabi mo?! Ang kapal naman ng mukha mong laitin kami!"

"Ang lakas ng loob ng payatot na 'to, a! Akala mo kung sinong magsalita!"

"Tingnan natin kung makakapagyabang ka pa kapag natikman mo ang mga kamao namin!"

At 'yon ang una't huling suntukan na aking kinasangkutan sa buong elementary life
ko. Dahil nga na-outnumber ako sa kanila, wala akong nagawa kundi tanggapin ang mga
suntok at tadyak nila. Pinatakas ko ang kaawa-awang estudyanteng sinagip ko habang
hinahayaan ang tatlong kumag na gulpihin ako.
Mabuti na lang, bumalik ang estudyanteng tinulungan ko na may kasamang guard at mga
guro. Kaagad nila kaming naawat. Dahil sa mga tinamo kong bugbog, halos hindi na
ako makatayo mula sa pagkakatumba sa lupa.

Kahit namamaga ang kaliwang mata ko at masakit ang katawan ko, masaya pa rin ako
dahil may natulungan akong estudyante.

Pero hindi lahat, na-appreciate ang mga effort ko.

"Ano na namang gulo ang pinasok mo?" tanong ng papa ko nang makauwi kami sa bahay.
Pinatawag kasi siya sa principal's office kinaumagahan para pag-usapan ang
rambulang kinasangkutan ko. "Ngayon pa lang ang unang beses na ipinatawag ako dahil
nasangkot ang anak ko sa isang gulo. This is embarrassing!"

Yumuko lang ako habang nakaupo sa aming couch at hinayaang pumasok sa isang tenga
ko at lumabas sa kabila ang kanyang sermon.

Napahawak sa kanyang baywang si papa at napailing-iling pa. "Ano bang pumasok sa


isip mo't naisipan mong makisali sa gulo? E ano ngayon kung binu-bully ang isa sa
mga schoolmate mo? Dapat bang makialam ka sa business ng iba, ha?"

"Dad, baka naimpluwensiyahan siya ng pagsali sa Volunteer Club?" Tumayo sa tabi ni


papa si Maddie. Hanggang balikat pa lang ang buhok niya noon at hindi pa naka-perm.
Ahead siya sa akin ng isang taon sa elementary. "Nasanay siguro siyang tumulong sa
mga nangangailangan kaya pati ang mga bagay na hindi niya dapat pakialaman,
pinapasok niya."

"Volunteer Club? Ano kasing club 'yan sinalihan mo, ha? May mapapala ka ba riyan?"
tumataas na naman ang boses ni papa.

"Masama bang tumulong sa kapwa ko?"

"Pero may kapalit ba ang ginagawa mong pagtulong? Ano, wala?" Nagpalakad-lakad siya
sa harapan ko na tila hindi mapakali.

"Bakit? Kailangan bang may kapalit lagi kapag tumutulong ka?"

Napabuga siya ng hangin at huminto sa tapat ko. Nababasa ko sa kanyang mata na


dismayado siya sa aking sagot. "Sa tingin mo ba, kung tumutulong ako sa mga
pasyente ko nang walang kapalit, may makakain at maibibigay akong allowance sa
inyo?"

Isang doktor ang papa ko at meron siyang sariling clinic sa siyudad. Naiintindihan
ko ang frustration niya dahil pinapangalagaan niya ang kanyang pangalan at
reputasyon. Isa nga namang kahihiyan para sa kanya kung ipapatawag siya sa
principal's office dahil nakipagsuntukan ang anak niya.

"Bakit hindi mo gayahin ang ate mo? Nasa student council siya at nare-recognize ang
mga pinaggagawa niya sa school." Heto na naman tayo sa pagkukumpara. Palibhasa kasi
mas pinapaboran niya ang kanyang anak na babae kaysa sa akin dahil isa siyang
achiever. "Gusto kong umalis ka na sa pipitsuging club na 'yon, ha? Naiintindihan
mo ba ako?"

Kahit labag sa kalooban ko, tumango ako sa utos niya. Pero hindi 'yon
nangangahulugang basta-basta kong iiwan ang club kung saan napamahal na ako.

Itinaas ni papa ang kanyang hintuturo sabay sabing, "This will be the first and
last time na ipapatawag ako sa principal's office. Maliwanag?"
Para akong robot na tumango-tango sa mga pinagsasabi niya. Sa ganitong sitwasyon,
ang pinakamainam na solusyon ay um-agree sa kanya para matigil na ang pangangaral
niya sa akin.

Umakyat na siya nang padabog sa kanyang kuwarto sa second floor at iniwan kaming
dalawa ni Maddie sa sala. Nagkaroon ng ilang segundong katahimikan bago umupo ang
ate ko sa kabilang couch.

"Alam mo bang ang mga taong nagpapaka-trying hard na maging bayani, nagiging
kontrabida sa bandang huli. Kaya kung ako sa 'yo, ititigil ko na 'yan bago pa ako
maging tulad nila."

Ang akala ko, bilang kapatid niya, iko-comfort niya ako at sasabihing okay lang ang
ginagawa ko. Pero sa kanyang pananalita, mukhang kampi siya sa papa namin.

Pero ang mas nagtulak sa akin para magbago ay ang-

"Hey, Erald, nandito ka pala!"

Pagkamulat ng aking mga mata, nakita ko si Hennie na nakatutok ang camera sa akin.
Napatingin ako sa oras ng aking phone. Sampung minuto na nga ang lumipas mula nang
mangyari ang pambu-bully sa hagdan. Mukha yatang napaidlip ako.

"May kailangan ka ba sa akin?" Tumayo ako't nag-unat-unat ng mga braso.

"We have a new client!" masiglang sagot niya sa akin, nagliwanag ang kanyang mukha
at nagningning ang mga mata. Ang akala ko pa naman, tumama na siya sa jackpot ng
lotto. Magpapabalato sana ako.

"At paano mo nalamang dito ako sa rooftop nakatambay?"

"Sinabi sa akin ni Rein. Kung wala ka raw sa clubroom, posibleng nasa rooftop ka at
nagpapalipas ng oras."

Sabay na kaming bumaba ni Hennie sa hagdan magmula fifth hanggang first floor ng
school building. Napapahikab akong naglalakad habang ang kasama ko'y tsine-check
ang kanyang camera. Pinagtawanan pa talaga niya sa tabi ko ang litratong kuha niya
habang nakapikit ako kanina. Geez. Ilan bang gigabyte ang memory card niya't hindi
pa maubusan ng space para sa bagong pictures?

Nang makarating kami sa clubroom, bumungad kaagad sa amin ang mukha ni Reynard na
may hawak-hawak na libro at isang babaeng nakatalikod sa amin. Umupo ako sa
monobloc chair na malayo kay apat na mata at ipinatong ang mga braso ko sa mesa.

"Sorry kung pinaghintay ko kayo," wika ni Hennie bago siya umupo. "Hinanap ko pa
kasi itong isa naming club member."

"At bakit kailangan pa ang presensya ko rito? Dapat ba lagi tayong present na tatlo
tuwing may kliyente?" pabalang kong tanong habang napangalumbaba ako. Pwede naman
kasing mamaya nila sabihin sa akin.

"Ikaw kasi ang number one consultant ng club na 'to na nakalutas sa club fair at
The Felician incidents," sagot ni Reynard matapos niyang isara ang kanyang libro at
tingnan ako ng mga mapanuri niyang mata. "Mas tataas ang tsansang ma-solve natin
nang mabilis ang request ng client kung nandito ka."

Hindi man halata pero ramdam ko ang pagkasarkastiko ni Reynard sa sinabi niya
tungkol sa akin.
"At sino naman ang mapalad nating kliyente?" Lumingon ako sa babaeng nasa tapat ko.
Dahan-dahang nanlaki ang mga mata ko nang makita ang nakangiti niyang mukha at
naka-pig tails na buhok. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang sa kalahati ng kanyang
katawan. Suot niya ang kaparehong uniporme ni Hennie kaya nangangahulugang dito rin
siya nag-aaral.

A-Anong ginagawa niya rito?

"Sabi ko na nga ba, ikaw 'yan, Erald!" masayang bati ng aming kliyente. "Kumusta?
Dito ka rin pala nag-high school, 'no?"

Hindi ko rin alam na dito siya nag-high school. To put it exactly, wala akong
pakialam kung saan man siya pumunta pagkatapos ng graduation namin noon. Sabi nga
ni Maddie noong isang araw, talagang mapaglaro ang tadhana.

"Ma-Magkakilala kayong dalawa?" tanong ni Hennie na nakahanda ang camera para sa


isa na namang picture-taking.

"Magkasama kami sa isang club noong elementary, 'di ba, Erald?"

Meet Faith del Rosario, ang president ng Volunteer Club na kinabilangan ko noon, at
ang... paano ko ba dapat sabihin ito? Ang una kong...

Hay. Kung alam kong siya ang gustong humingi ng tulong sa amin, nagsuot sana ako ng
maskara o kaya'y hindi na ako sumama kay Miss President. Bakit sa dinami-dami ng
lugar sa mundo, dito pa kami nagkita?

Sinubukan kong panatilihin ang kalmado kong postura. The past is the past, hindi na
kailangang balikan pa.

"Eh? Hindi ko alam na active pala itong si Erald sa extra-curricular activities


noong elementary siya," komento ni Hennie. "Akala ko siya 'yong tipo ng
estudyanteng nakamukmok lang sa sulok."

"Exact opposite ng sinabi mo!" tugon ni Faith. "Kasama ko siya sa Volunteer Club
kung saan tumutulong kami sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong. Si Erald
na yata ang outstanding club member namin noon... hanggang sa nag-quit siya.
Nagulat lang ako kasi hindi ko in-expect na magiging involved ka ulit sa mga club
activity."

"Kaya siguro dito napili ni Erald na magpa-member kasi gusto niyang ituloy ang
nasimulan niyang pagtulong sa mga schoolmate niya."

Ano bang pinagsasabi ng president namin? Nagpa-member ako rito sa SOS Club dahil
gusto kong magkaroon ng pagtatambayan kapag wala kaming klase o tuwing may school
activity. Nagkakamali siya kung sa tingin niya'y isa akong huwarang estudyante
kagaya noon.

"So bakit ka napunta rito? Anong kailangan mo sa amin?" nababagot kong tanong kay
Faith.

"Napaka-cold mo naman! Hindi mo man ba ako kukumustahin? Matagal-tagal na rin


tayong hindi nagkikita mula nang mag-graduate tayo."

"Mas interesado akong malaman kung anong request mo sa amin kaysa alamin kung
maayos ang kalagayan mo o kung may boyfriend ka na."

Nabura ang ngiting nakapinta sa kanyang labi, nasorpresa siguro sa "I don't care"
attitude ko sa kanya.
"Bale nabasa ko 'yong article tungkol sa club n'yo na naka-publish sa The Felician
kaya kayo ang naisipan kong lapitan." May kinuhang isang envelope si Faith mula sa
kanyang bag at inilapag ito sa mesa. "Meron kasi akong kaibigan na taga-Chess Club.
Siya si Wesley, ang number one na chess player doon at ang posibleng pambato natin
sa inter-school athletic competitions."

Kinuha ni Hennie ang envelope at binuksan ito. Inilabas niya ang tatlong larawan na
may iba't ibang anggulo kung saan makikitang nakapokus sa paglalaro ng chess ang
isang lalaking nakasalamin.

"Malapit na ang try-outs para ma-determine kung sino ang ilalaban ng school kaya
todo practice ang mga gustong sumali. Kahapon, natagpuang duguan ang ulo at walang
malay si Wesley sa club room namin. Sa tabi niya, may duguang malaking chessboard.
Ayon sa mga nakakita sa kanya, posibleng nahulog 'yon mula sa cabinet na malapit sa
mesa kung saan nakalatag ang chessboard."

"Is he okay now?" sabi ni Hennie, may bakas ng pagkabahala sa kanyang mukha.

"Nasa ospital pa rin siya pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya nagkakamalay.
Malakas yata ang pagtama ng chessboard sa ulo niya."

"Posible bang aksidente ang nangyari?" tanong ni Rein, napahawak sa bridge ng


kanyang salamin. "Pero hindi ka naman pupunta rito kung 'yon ang nangyari, tama?"

Tumango ang kliyente namin. "Meron kasing kakaiba kay Wesley. Nang buhatin ang
katawan niya, may mga nahulog na chess piece mula sa kanyang bulsa. Nang chineck
ang laman nito, nandoon ang lahat ng chesspieces maliban sa apat na naiwan sa
chessboard na nasa mesa. Malakas ang kutob ko na hindi ito isang aksidente kundi
isang assault."

"Teka, anong kakaiba roon?" hirit ko. "Baka naisipan niyang nakawin 'yong mga
chesspiece kaya ibinulsa niya. At saka anong basehan mo para sabihing hindi
aksidente ang nangyari?"

"Sa bigat ng malaking wooden chessboard, imposibleng mahulog 'yon mula sa itaas ng
cabinet, maliban na lang kung lumindol nang malakas. Kaya malamang, may kumuha nito
at saka inihampas kay Wesley."

Kung hindi lumindol kahapon, posible ngang tama ang assumption ni Faith.

"Ang mas dapat sigurong bigyan ng pansin dito ay 'yong naiwang chessboard,"
pagpapatuloy niya. "Sabi ko nga, may apat na piraso sa ibabaw nito. Feeling ko, isa
'yong message na iniwan ni Wesley. Malamang kilala niya ang taong umatake sa kanya
at bago siya hinampas sa ulo, ipinosisyon niya 'yong apat na chesspiece sa board."

May inilabas pa siyang isang litrato na iniabot niya kay Hennie. Lumapit kaming
dalawa ni Reynard sa aming club president para malinaw na makita ito. Apat na black
chesspiece ang nakaposisyon sa magkakahiwalay na white squares.

"Ganyan ang pagkakaayos ng chessboard nang natagpuan si Wesley sa clubroom. What do


you think? May coded message ba siyang iniwan?"

"Posible kayang ang code na ito'y..." napabulong si Reynard na napahawak sa kanyang


baba. Naningkit ang mga mata niya pero kitang-kita ko rito na malinaw na niyang
nakikita ang sagot.
Wala akong masyadong alam sa chess maliban sa tawag sa mga piyesa at mga galaw
nila. Kung may nakatagong kaalaman itong si Reynard sa kanyang mind palace na
magsisilbing clue sa pag-solve ng umano'y code, mukhang nasa disadvantage na naman
ako.

Iniangat niya ang kanyang ulo at tumingin kay Faith. "Kilala mo ba kung sino-sino
ang may access sa clubroom? May listahan ba kayo ng mga pangalan nila?"

Tsk. Mukhang one step ahead na naman si apat na mata sa akin. Pero hindi ako
pwedeng magpatalo sa kanya. Muli kong sinuri ang litrato at pinagmasdan ang
posisyon ng apat na piyesa.

Kung hindi ako nagkakamali, sa paglalaro ng chess, laging merong...

Napangiti ako nang mabatid ko na ang mensaheng gustong ipahatid ng biktima gamit
ang chesspieces. Mautak din pala ang Wesley na 'yon para makagawa ng ganitong
klaseng code.

Ngayon, ang kailangan ko na lang makita ay ang listahan ng mga taong may access sa
kanilang clubroom.

-30-

Chapter 11 • Paint It Black

ERALD

NATATANDAAN KO pa, apat na taon na ang nakararaan, kung bakit bigla akong umalis sa
Volunteer Club. Walang masyadong impact ang mga pangaral sa akin ni papa pati ang
pagkampi ng ate ko sa kanya. Nanindigan ako sa nakaugalian kong pagtulong sa mga
kapwa ko estudyante.

Pero nagbago ang lahat nang hindi ko sinasadyang marinig ang pag-uusap ng dalawang
miyembro ng sinalihan kong club. Nakasandal ako sa isang pillar ng hallway nang
makita ko ang aming club president na si Faith-payat pa siya noon, nakalugay ang
buhok at hindi pa gano'n ka-developed ang kanyang dibdib-at ang isa naming member
na nakalimutan ko na kung sino.

Tatawagin ko sana silang dalawa para kumustahin pero natigil ako nang marinig kong
banggitin nila ang pangalan ko.

"Sa tingin mo, papayag ba si Erald na gawin 'yon?" tanong ng babaeng may mahabang
buhok. Kahit anong pagpiga ko sa aking utak, hindi ko na matandaan ang kanyang
pangalan maging ang palayaw niya.

"Siya na siguro ang pinakamasunurin nating member kaya sigurado akong gagawin niya
kung anuman ang ipapagawa natin," sagot ni Faith. Medyo na-touch ako sa sinabi niya
dahil kinilala niya ang efforts ko, hindi kagaya ng mga kadugo kong minamaliit ang
pagiging bahagi ko ng Volunteer Club.

"Basta kapag ako ang nagsabi sa kanya, one hundred percent sure na susunod siya sa
akin," dagdag ni Faith. "Malakas ang kutob kong may gusto siya sa akin kaya lagi
siyang nagpapakitang gilas tuwing may activity kami. Kaya kung sasabihin ko sa
kanyang gumulong sa sahig o tumahol na parang aso, hindi man siya magdadalawang-
isip na gawin 'yon."
"Oo nga, 'no? Napansin ko ngang lagi siyang nakatitig sa 'yo. Baka sumali siya sa
club natin dahil gusto ka niyang makasama ka?"

"Kung iyon nga ang dahilan, mas mapapadali ang trabaho ko sa club," sinundan niya
ito ng isang mahinang tawa. "Ni hindi nga niya napansin na laging 'yong mga
mahihirap na assignment ang binibigay ko sa kanya. Go pa rin siya nang go."

Natulala na lamang ako habang patuloy nila akong pinag-uusapan. Nang dadaan na sila
sa tapat ko, mabilis akong tumalikod at tinakpan ang aking mukha para hindi nila
ako makilala. Nagtatawanan pa sila noon kaya malamang, hindi nila napansing nandoon
ang taong pinagtsitsismisan nila.

At doon nagsimulang gumuho ang tiwala ko sa sangkatauhan. Kapag nga naman


nagpakabuti at nagpakabait sa kanila, pagsasamantalahan nila ito. Napakuyom ang mga
kamao ko nang sumagi sa aking isipin ang mga matatamis na ngiti ni Faith tuwing may
hinihingi siyang pabor sa akin.

Isa pala 'yong ilusyon. Isa pala 'yong kasinungalingan. At heto ako, nagpakahangal
para sa kanya.

Oo, aaminin kong nagkagusto ako sa kanya noong nasa elementary pa kami. 'Yon ang
isa sa mga dahilan kung bakit ganado ako sa mga club activity namin. Pero
nagkakamali siya kung iniisip niyang ang mga ginawa ko noon sa club ay
pagpapakitang-gilas para magpa-impress sa kanya.

Pagkatapos no'n, ilang araw din akong hindi pumunta sa club hanggang sa
mapagdesisyunan kong umalis na roon.

"Aba, ang lalim yata ng iniisip mo," bulong ni Faith sa aking kanang tenga, dahilan
para manumbalik ang kamalayan ko sa kasalukuyan. Ewan kung bakit bigla ako ngayong
inaatake ng mga flashback. Lahat ng mga alaala ni Erald ng nakaraan, ibinaon ko na
sa limot.

Napalingon ako sa kanya at sinabing, "Kailangan kong mag-concentrate para ma-


confirm ko kung tama ang interpretasyon ko sa chessboard code."

Dinala kami ni Faith sa gymnasium kung saan matatagpuan ang club room ng mga chess
player. Maliit lamang ito-kasing-liit ng aming office-at ang tanging laman ay isang
parihabang mesa kung saan may nakapatong na chessboard at ang cabinet na halos
kasing-tangkad ko na puno ng mga tropeyo mula sa iba't ibang chess competitions.

Muling nabaling ang aking tingin sa listahan ng mga may access sa Chess Club.
Limang pangalan ang nakasulat dito kaya hindi kami mahihirapang alamin kung sino sa
kanila ang naghampas ng trophy kay Wesley.

CHESS CLUB MEMBERS


Adam Zulueta
Bill Yllana
Chad Vizcaya
Dave Urbina
Wesley Soler

Napangiti ako nang mabasa ang isa sa mga pangalan. Mukhang tama ang pagkaka-
decipher ko sa code.

"Did you get it?" tanong ni Hennie na biglang sumulpot na parang kabute sa gilid
ko. Masyadong malapit ang kanyang mukha sa akin kaya lumayo ako nang kaunti sa
kanya. "Nandyan ba ang sinasabi n'yong umatake kay Wesley?"
"Sa ngiting tagumpay na nakapinta sa labi ni Erald, mukhang oo ang sagot sa tanong
mo," sabi ni Reynard habang inaayos ang mga pirasong nasa chessboard. Tinanggal
niya ang lahat ng piyesa maliban sa apat na chesspiece na inilagay niya sa posisyon
katulad ng nakita namin sa litrato.

"Talaga? Kilala n'yo na kung sino ang salarin?" pagulat na tanong ni Faith. "Paano
n'yo nalaman ang message sa code na iniwan ni Wesley?"

Lumapit ako sa chessboard at tiningnan ang apat na black chesspieces na nakapwesto


sa magkakahiwalay na white squares. "Ang bawat square dito sa board ay may
coordinates. From left to right, naka-designate ang mga letra mula A hanggang H.
From bottom to top, naka-designate naman ang mga number mula 1 hanggang 8."

"So this bottom left square is called A1, correct?" napaturo pa si Hennie sa isang
sulok ng board.

"Imporanteng kabisado mo ang chessboard coordinates para kahit walang aktwal na


chesspieces at board sa harapan n'yo, kaya n'yo pa ring makapaglaro," paliwanag ni
Reynard na gusto yata akong agawan ng spotlight. "Sa blind chess, sinasabi lang ng
isang player ang coordinate kung saan niya ilalagay ang kanyang piyesa. Kunwari,
Pawn to E5, Knight to F6, Bishop to G7."

"At paano makakatulong ang chess coordinates sa code?"

"Tingnan mo kung nasaan inilagay ang mga piyesa sa board: Pawn sa A3, Knight sa C1,
Bishop sa D4 at King sa H2," inunahan ko na sa pagpapaliwanag si Reynard habang
pinagtuturo ko ang mga nabanggit na chesspiece. "Ang susi sa paglutas ng code na
ito ay nasa coordinates. At kung ia-arrange mo ang mga ito base sa numerong
kaakibat ng mga letra..."

C1. H2. A3. D4.

"Chad!" bulalas ni Hennie nang mapagdugtong niya ang mga clue na ini-spoonfeed ko
na sa kanya. "If that's reasoning is correct, si Chad Vizcaya ang umatake kay
Wesley!"

"Posibleng ginawa niya ito para hindi makasali sa try outs ang number one na
pambato ng Chess Club sa inter-school competitions," komento ni Reynard habang
pinaglalaruan ng kanyang kanang kamay ang black king. "Gusto siguro niyang siya
mismo ang mag-represent sa school natin."

Ang mga tao nga naman, kapag pinangunahan ng inggit at pagiging uhaw sa karangalan,
gagawin ang lahat para makamit ang bagay na kanilang inaasam.

"I can't believe na kayang gawin ito ni Chad," pailing-iling na wika ni Faith,
nakakrus pa ang kanyang braso sa kanyang dibdib at tila hindi pa rin makapaniwala.
"Ang akala ko pa naman, magkaibigan talaga silang dalawa ni Wes."

"Kung iisipin, napakatanga niya," biglang hirit ko kaya napatingin silang lahat sa
akin. "Dapat tinuluyan na niya si Wesley noong hinampas niya ng wooden chessboard.
Sa oras na magising ang tinarget niya at tanungin kung ano talagang nangyari,
malamang ituturo siya ni Wes bilang lalaking umatake sa kanya."

"Hey, huwag ka namang magsalita ng ganyan!" bulyaw ni Hennie sa akin. "Pasalamat


tayo dahil buhay pa si Wesley at hindi siya natuluyan."
Kung ako ang salarin dito, mas malinis ang ginawa kong krimen at tiniyak kong
walang magsusupetyang assault ang nangyari. Sisiguruhin kong kahit si Sherlock
Holmes, hindi niya ako maituturo bilang suspek.

"Faith, may number ka ba ni Chad? Maybe we could talk to him about what he did to
Wesley," sabi ni Hennie.

"Sige, ite-text ko siya. Pero sapat na ba ang code na iniwan ni Wesley para
patunayang siya nga ang umatake sa kanya?" nababahalang tanong ni Faith bago niya
sinimulang mag-type sa kanyang phone.

"Tatanungin natin siya kung may alibi siya ilang minuto o oras bago natagpuang
duguan dito si Wesley," tugon ni Reynard. Yumuko siya at kinapa ang sahig kung saan
may bakas pa rin ng dugo. "May mga CCTV camera dito sa gymnasium kaya pwede nating
makita roon kung anong oras siyang pumasok sa clubroom at kung may kakaiba sa kanya
noong paglabas niya."

Heto na ang boring na parte ng imbestigasyon. Dahil medyo preoccupied ang utak ko
sa mga flashback, hindi ako makaisip ng mas entertaining na paraan upang paaminin
ang suspek sa ginawa niyang kasalanan. Sa ngayon, magpa-pass muna ako at iiwan kina
Hennie at apat na mata ang pagsara sa kasong ito.

Naglakad ako patungo sa pintuan at kumaway nang hindi lumilingon sa kanilang tatlo.
"Mukhang hindi n'yo na kailangan ang tulong ko rito kaya mauuna na ako sa inyo.
Balitaan n'yo na lang ako kapag napaamin n'yo ang suspek."

"Te-Teka, Erald! Hindi pa tayo-"

Pero bago ko pa marinig ang gustong sabihin ni Hennie, ibinagsak ko ang pinto ng
clubroom at naglakad sa mahabang pasilyo. Babawi na lang ako sa susunod, kapag nasa
mood na ako.

"Erald, wait!"

Huminto ako sa kalagitnaan ng hallway at tumalikod. Ang akala ko'y si Hennie ang
tumawag sa akin pero paglingon ko, nakita kong tumatakbo patungo sa kinatatayuan ko
si Faith.

"Bakit, may mali ba sa deductions namin?" nababagot kong tanong.

Tinitigan niya ako nang mata sa mata, tila gusto niyang mag-staring contest kami.
"Ano bang nangyari sa 'yo?"

"Nangyari sa akin? Sumama lang kasi ang pakiramdam ko kaya naisipan ko nang umalis.
Kayang-kaya na nina Hennie at Reynard na tapusin ang kasong ito."

"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin." Nanahimik muna siya ng ilang segundo at naging
seryoso ang tono ng kanyang boses. "Bakit bigla kang nagbago? Hindi ka naman ganyan
dati, ah? Bakit parang naging cold at distant ka na ngayon?"

Ngumisi ako sa mga sunod-sunod niyang tanong. At talagang siya pa ang kumukwestiyon
sa character makeover ko?

Napabalikwas ang aking tingin sa kabilang direksyon. "Sinasabi mo bang nagbago na


ako... dahil hindi na ako ang Erald na madaling utuin at gamit-gamitin noong
elementary pa tayo?"

Natulala ang mga mata ni Faith at napabuka ang kanyang bibig. Gusto niya sigurong
itanong kung ano ang ibig kong sabihin pero dahil sa pagkagulat sa sinabi ko,
naubusan siya ng salita.

"Sabihin na nating nagising na ako sa katotohanan at namulat sa mga kasinungalingan


noong bata pa lang ako," pagpapatuloy ko habang pinagmamasdan ang mukha niyang
balot sa pagtataka. "Kaya sorry kung pinatay ko na ang Erald na nakilala mo noon."

Tumalikod ako sa kanya at nagpatuloy sa paglalakad sa kahabaan ng hallway. Wala na


akong pakialam sa kahit anong sabihin niya. Nakapag-move on na ako kaya wala nang
rason para lumingon ako sa nakaraan.

Pagpatak ng alas-kuwatro ng hapon, hindi na ako dumaan sa clubroom at dumiretso na


ako palabas ng campus. Wala rin namang tinext si Hennie sa akin kaya malamang, wala
nang ibang kliyente napadaan sa opisina namin.

Huminto ako sa tapat ng stoplight, pinapanood ang pagdaan ng mga sasakyan habang
hinihintay na mag-red ang ilaw nito para makatawid na ako sa pedestrian crossing.
Napatingin ako sa gitna ng daan at tila may alaalang pilit na kumakawala sa baul na
pinaglagyan ko nito.

Kung si Reynard ay may mind palace kung saan niya sine-save ang mga impormasyong
nae-encoutner niya araw-araw, ako nama'y may memory vault. Dito ko itinatago ang
masasakit at mapapait na alaalang gusto kong makalimutan. Kahit gaano pa ito ka-
secured, meron at merong memoryang pilit na tatakas mula sa loob.

Biglang sumagi sa isip ko ang nangyari apat na taon na ang nakalilipas, dito mismo
sa pedestrian crossing. Pauwi rin na ako noon matapos kong magpaalam na magku-quit
sa Volunteer Club. Palutang-lutang ang isip ko habang naglalakad, hindi ko na
namamalayan kung may nakakabangga ako sa daan o natatapakan na paa.

Pinagninilay-nilayan ko kung tama ang sinabi ng papa ko na hindi ako dapat mag-
aksaya ng oras sa mga bagay na walang kapalit. Pinag-iisipan ko rin kung tama ba
ang sinabi ng ate ko na trying hard akong maging bayani sa pagtulong ko sa iba.

Saktong nag-red ang stoplight nang makarating ako sa crossing noon. Tumatawid na
ang isang batang babae na halos kasing-edad ko lang siguro. Dapat ay nakahinto na
ang mga sasakyan para padaanin kaming mga pedestrian. Pero may isang kotseng
mabilis ang takbo at tila walang balak na huminto.

Napatingin ako sa babaeng nasa gitna ng daan. Hindi niya siguro napansin ang hindi
pumeprenong kotse kaya patuloy siya sa paglalakad. Sa sandaling 'yon na nagdududa
ako kung tama ang ginagawa kong pagtulong sa iba, parang may bumulong sa tenga ko
na sagipin ang babae.

Kumaripas ako nang takbo sa pedestrian crossing at itinulak nang malakas ang batang
babae para hindi siya masagasaan ng kotse. Nailigtas ko nga siya sa kapahamakan
pero ako naman ang nabundol ng sasakyan. Tumilapon ako nang ilang metro at tumama
ang ulo ko sa sementadong kalsada.

Napatingala ako sa kalangitang kulay kahel at unti-unting nandilim ang paningin ko.

Pagmulat ng mga mata ko, natagpuan ko ang aking sariling nakahiga sa malambot na
kama. Kulay puti ang halos lahat ng mga bagay na nakita ko-mula pader, kisame,
sahig at ang hinigaan ko-kaya naisip kong baka nasa langit na ako. Pero nang maamoy
ko ang matapang na disinfectant at ang biglang pagsakit ng ulo ko nang sinubukan
kong tumayo, napagtanto kong nasa ospital pala ako.

"Gising ka na pala." Bumukas ang pintuan at pumasok ang isang pamilyar na mukha-si
papa. Nakasuot siya ng kulay puting coat na abot hanggang tuhod. Nakapatong ito sa
kanyang light blue na longsleeved shirt at itim na pantalon. Meron ding nakasabit
na stethoscope sa kanyang leeg.

Kung tama ang hinala ko, sa kaniyang clinic ako dinala ng mga taong nagmamagandang-
loob.

Napahawak ako sa aking ulo, nakapa ang nakapalupot na benda at naramdaman ang sakit
sa bandang likuran. "Nandito ba kayo para sermonan ulit ko? Kahit na may nailigtas
akong buhay kanina?"

Lumapit siya sa akin at tiningnan ako ng mga walang buhay niyang mata. Hindi kagaya
nang pinangaralan niya ako dati, mas kalmado siya pero hindi ko mabasa kung
natutuwa o nagtitimpi siya sa galit dahil sa kanyang poker face.

"I must admit na kahanga-hanga ang ginawa mo. Ayon sa mga nakasaksi, iniligtas mo
raw 'yong batang babae mula sa pagkakasagasa. Hindi lahat ng mga tao, may ganong
instinct."

Ngumiti ako nang banggitin niya ang salitang "kahanga-hanga." Mukhang maa-
appreciate na niya ang effort kong tumulong sa iba kahit walang kapalit. Baka nga
bigyan niya pa ako ng medal dahil sa kabayanihan ko.

"Pero mukhang balewala ang ginawa mong pagliligtas sa kanya."

Dahan-dahang nabura ang ngiti sa labi ko at nabaling ang tingin ng mga nanlaki kong
mata sa kanya. "A-Anong ibig mong sabihin? Anong nangyari sa kanya?"

"Hindi nga siya nasagasaan pero tumama naman ang ulo niya sa sementadong daan.
Isinasailalim na namin siya sa iba't ibang test para tingnan kung may epekto ito sa
utak niya."

"Ma-Magiging okay naman siya, 'di ba? Magiging maayos naman ang-Argh!" Natigil ako
sa pagsasalita nang muling kumirot ang ulo ko.

"Didiretsohin na kita. Malabo na siyang maka-survive sa lagay niya ngayon. Isang


himala na lang kung magigising pa siya kinabukasan o sa mga susunod na araw."

May mga sinabi pa ang papa ko pero hindi ko na 'yon narinig. Natulala na lamang ako
sa blangkong pader. Sinubukan kong iligtas ang babaeng 'yon pero mukhang idinelay
ko lang ang kamatayan niya.

Kung hindi ko ba siya tinulak, posible kayang nakaligtas siya't maayos ang lagay
niya? Paano kung ilang segundo bago bumangga ang kotse sa kanya, kaagad siyang
nakaiwas dahil mabilis ang reflexes niya? Kung hindi ako nakialam, mauuwi ba sa
ganito ang lahat?

"Hindi ka pa ba napapagod sa ginagawa mo?"

Hindi ko namalayang nakaalis na sa kwarto si papa at nakaupo na sa kama ko si


Maddie.

"Sinabi ko na sa 'yo noon na huwag kang magpaka-trying hard na maging bayani. Bakit
hindi ka nakinig sa akin?" sabi niya habang hawak-hawak ang orange na dinala niya
para sa akin. "Hindi lahat ng taong nangangailangan ng tulong, kailangan mong
tulungan. Minsan kailangan mong ipikit ang mga mata mo sa kanila at magpanggap na
hindi mo sila naririnig. Hindi mo ba kayang gawin 'yon?"

"Nandito ka ba para sermonan ako?"

"Gusto ko lang ipa-realize sa 'yo na wala kang mapapala sa pag-aasta mo bilang


isang hero," nakangiting sagot ni Maddie habang pinapanood ang paggalaw ng
kutsilyong hawak niya sa paghiwa sa orange. "Huwag kang gagawa ng bagay nang walang
kapalit o hindi mo papakinabangan. Ganon lang kasimple."

Napakabata pa ng ate ko noon pero ganon na siya kung mag-isip. Medyo mature, medyo
nakakatakot. Baka namana niya sa papa ko ang ganong mentalidad kaya "advance" na
siyang mag-isip kahit nasa elementary pa lang siya.

Inalok niya sa akin ang isang platito ng ini-slice niyang orange. "Isipin mong ito
ang forbidden fruit na kapag kinain mo, mabubuksan ang mga mata mo't mamumulat ka
sa katotohanan, gaya nina Adam at Eve."

Nagbalik na ang kamalayan ko sa kasalukuyan nang mag-red na ang stoplight, huminto


na ang mga sasakyan at nagsimulang tumawid ang mga katulad kong pedestrian sa
crossing.

Kung mauulit man dito ang nangyari apat na taon na ang nakararaan, ipipikit ko na
lang ang mga mata ko at dire-diretso akong maglalakad.

-30-

Chapter 12 • Maddie's Request

ERALD

NAPAKABIHIRANG PAGKAKATAON na sabay kaming mag-almusal ni Madeleine bago kami


pumasok sa school. Lagi kasi siyang kumakain ng breakfast sa school canteen (lalo
na't meron silang free meal bilang officers ng High School Supreme Student
Council). Naghain ang maid namin ng French toast na may kasamang slices ng mangga.

Tahimik kaming kumakain na parang hindi nag-e-exist ang isa sa amin. Ginagamitan pa
niya ng kutsilyo at tinidor ang paghiwa sa tinapay habang ako nama'y kinakain ang
toast nang nakakamay. Napaka-pasosyal talagang kumilos ng babaeng ito kaya minsan
naiirita ako sa pagiging maarte niya.

Ang tanging okasyon kung kailan nagkukumustahan kami ni Maddie ay tuwing kasama
namin si papa tuwing almusal. Ilang araw siyang nasa Cebu ngayon para sa isang
conference ng mga doktor sa nbong Pilipinas. At dahil hindi namin siya kasamang
kumakain ngayon, wala kaming pakialamanan ng ate ko. Wala rin akong interes na
malaman kung kumusta na siya sa pagiging student council officer o kung may
lalaking nagkamaling pumorma sa kanya.

"I have read this week's issue of The Felician. Your club seems to be getting
attention nowadays."

Muntik ko nang maibuga kay Maddie ang mainit na kapeng iniinom ko. May mahiwagang
ingredient bang inilagay ang maid sa kinakain naming French toast kaya naisipan ng
ate ko na mag-start ng conversation? Napaka-unusual ng ganitong pangyayari sa
umaga.

"Kung sasabihin mong dapat akong magpasalamat sa 'yo, huwag mo nang subukan."
Pinunasan ko ang aking bibig at kumagat sa paubos kong tinapay. "Kung may dapat
akong pasalamatan, 'yon ay ang sarili ko."

Marahan niyang binitawan ang mga kubyertos sa plato at uminom muna ng gatas. "Bilib
na bilib ka rin sa sarili mo, 'no? Iniisip mo bang kundi dahil sa 'yo, mananatili
pa rin sa anino ang SOS Club?"

"Parang ganon na nga," sagot ko bago ko inubos ang aking kape.

"Sige nga, patunayan mo sa akin na ikaw ang trump card ng inyong club," sabi ni
Maddie sabay punas sa kanyang bibig. "Meron akong challenge sa inyo."

Challenge? Napataas ang kilay ko habang pinagmamasdan ang ngiti sa kanyang labi.
"'Yon ba ang dahilan kaya sinabayan mo akong mag-almusal ngayong umaga? Dahil may
gusto kang ipagawa sa akin? At please, huwag mo nang gamiting excuse na gusto mo
akong i-challenge."

Lalo pang lumawak ang ngiti sa kanyang mukha. "Oh... So you can now read between
the lines, huh? That's good. Bagay na bagay nga sa 'yong sumali sa club na 'yon."

"Huwag mo na akong bolahin. At huwag kang umasang susunod ako na parang aso sa
gusto mong ipagawa," pabalang kong tugon sa kanya bago ako tumayo. Ang akala niya
siguro'y mauutakan niya ako.

"If you will grant my request, I will owe you and your club a favor."

Saktong paliko na ako sa hagdan nang marinig ko ang pahabol na hirit niya. Dahan-
dahan akong napalingon at tiningnan siya ng mga naningkit kong mata. "Seryoso ka ba
sa sinasabi mo?"

Tumango si Maddie, hindi pa rin napapawi ang kurba sa kanyang labi. "Yes, as long
as I can do it. Kung kailangan n'yo ng extra budget sa club, I can persuade the
treasurer to have that request approved. Kung gusto n'yo ng bagong clubroom, I can
give it to you in a snap of my fingers. Don't underestimate my power as the
secretary."

Bumalik ako sa aming dining table at tumayo sa tapat niya. Nagkatitigan muna kami
bago ko siya binato ng tanong. "Ano ba 'yang request mo?"

"Alam kong mahilig kayong mag-solve ng problema. Pero this time, kayo mismo ang
gagawa no'n," sagot ni Maddie habang kinukutsara ang isang slice ng mangga. "Gusto
ko sanang ilagay n'yo sa sitwasyon ang student council vice president para
ipagtapat niya ang kanyang nararamdaman sa aming president. Kahit anong pilit
nilang pagtatago, alam kong may feelings sila para sa isa't isa."

Ewan kung dapat ba akong matawa o ma-disappoint sa request niya. Ang akala ko'y
mabigat ang hihingin niyang pabor na maglalagay sa akin sa bingit ng pagkaka-
suspend o expel.

"At kailan ka pa naging interesado sa love life ng iba, ha?"

"I'm worried na baka makaapekto sa performance nila bilang council officers ang
kanilang... romantic feelings." May pandidiri sa tono ni Maddie. "Siyempre, ayaw
kong may mga unnecessary factor na humadlang sa pagtupad ng aming mga
responsibilidad."

"At kailan mo gustong maisagawa ang plano mo?"

"Magkakaroon ng leadership training seminar sa mga non-academic club sa Sabado at


Linggo. Gusto naming malayo sa siyudad kaya pinili naming venue ang isang ecopark
sa paanan ng Mount Arayat. Don't you think that's the perfect time and place to
execute the plan?"

Ang isa sa mga pinakaayaw ko kapag member ka ng isang club ay ang mga mandatory
seminar o conference. Ang mas masaklap, naisipan nilang mamundok kami kung saan
siguradong mahina ang signal ng mga internet service provider. Hindi ako
makakapanood ng YouTube videos kapag bored ako o mag-browse ng mga nakakatuwang
memes.

Napahawak ako sa aking baba. "I assume na kasama kaming mga taga-SOS Club sa
seminar na 'yan, tama?"

"Yes, kaya nga kayo ang naisipan kong hingan ng pabor. Pwede kayong mag-stage ng
isang kaguluhan doon at kunwari'y iso-solve n'yo ang kaso. In that way, mas lalawak
pa ang exposure ng inyong club. Pero huwag n'yong kakalimutan ang main objective
n'yo: Kailangang magkaaminan na ang dalawang co-officers ko."

Mukhang challenging nga ang gusto niyang mangyari. Kung paggawa lang ng kaguluhan
ang usapan, number one expert ako riyan.

"Hindi ako ang nagde-decide kung anong mga request ang tinatanggap ng SOS Club kaya
kailangan ko munang i-refer ito sa aming president. Kung hindi siya pumayag,
pasensyahan na lang."

"Don't worry. Confident akong papayag siya sa request ko."

Naglakad na ako palayo sa kanya, patungo sa hagdan, nang biglang may sumagi sa isip
ko. Isang tanong na kanina pa gustong kumawala sa aking bibig.

"By the way, paano ka nga pala magbe-benefit sa planong ito?"

Ilang segundo ring nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming dalawa habang


nagkatitigan kami. Nginitian niya lamang ako sabay sabing, "Does it matter?"

Tsk. Kahit siguro pilitin ko siya kung ano ang kanyang ulterior motive sa request
na 'yon, hindi pa rin niya sasabihin. Kung tutuusin, pwede ko naman itong i-decline
pero masyadong nakaka-tempt ang offer na gagawan niya ako ng pabor kapag
nagtagumpay kami sa misyon.

* * *

"Yes, here we are!" nakangiting wika ni Hennie nang huminto ang sinasakyan naming
bus sa tapat ng isang gate. Nagsimula nang magsibabaan ang mga estudyanteng kasama
namin.

Dahil nakaupo kami sa pinakahuling row nina Hennie at Reynard, pinauna na namin ang
mga kasama naming atat na atat nang makababa. Nang umikli na ang pila sa exit ng
sasakyan, sumunod na kaming tatlo bitbit ang aming mga gamit.

Tatlong araw bago kami pumunta sa leadership training seminar, nabanggit ko sa co-
members ko sa SOS Club ang tungkol sa request ng secretary. Kaagad naman itong in-
approve ni Hennie dahil mukhang exciting daw ang misyon at bilang pagtanaw ng utang
na loob sa "kabutihan" ni Maddie. Wala namang naging objection si Reynard kaya may
green light na ang request.

Pagbaba namin sa bus, bumungad sa amin ang mga naglalakihang puno at ang asul na
kalangitan. Sa kinatatayuan namin, tanaw na tanaw ang kabuuan ng Mount Arayat. Nasa
paanan kasi ng nasabing bundok ang ecopark na nirentahan ng student council.
Masarap singhutin ang hangin. Nakakapresko, hindi gaya sa siyudad na halos polluted
na. Maririnig din ang walang humpay na huni ng mga ibon.

"Wow! Ang ganda pala rito!" palinga-lingang naglakad si Hennie sa sementadong daan.
Nakasuot siya ng floral na blouse at skirt. Hindi gaya ng hairstyle niya kapag nasa
school, nakapusod ngayon ang kanyang buhok. Ang hindi lang nagbago sa kanya ay ang
nakasabit na camera sa kanyang leeg.

"Makakabuti sa kalusugan natin ang pagbisita sa mga ganitong lugar para luminis ang
mga baga natin," komento ni Reynard na nagliliwanag ang lente ng salamin. Isang
asul na polo shirt ang suot niya na tinernuhan ng denim pants.

Habang sila'y "well dressed" para sa okasyong ito, ako nama'y naka-V-neck shirt
lang at naka-shorts. Kung may score sa pagiging fashionable, malamang zero ang
nakuha ko pagdating sa fashion sense. Wala rin naman kasi akong pakialam sa
sasabihin ng iba. Ang importante, may suot akong damit. Mas masagwa siguro kung
pumunta ako rito nang nakahubo't hubad.

Nauna na ang ilan sa mga estudyante sa harapan namin habang may iilang nagpaiwan
para magdala ng mga gamit na malamang ay para sa mga acitivity ngayong araw.

"So what do you think of this place? Is it conducive for the seminar?"

Lumingon kaming tatlo sa likuran at binati ng nakangiting mukha ni Maddie. Nagba-


bounce ang kanyang kulot na buhok habang humahakbang patungo sa amin. Nakapatong
ang berde niyang blazer sa kanyang puting polo shirt.

Meron siyang kasamang isang lalaki na halos kapareho ko ang tangkad. Nakabagsak ang
kanyang buhok at nang magtagpo ang mga Itim naming mata, nginitian niya ako kaya
napansin ko ang kanyang dimples. Itim na polo shirt ang outfit niya, kapareho ng
suot ng ilang estudyanteng nagbubuhat ng mga gamit.

"Ang secretary..." bulong ni Reynard kay Hennie nang nagpukol siya ng nagtatakang
tingin sa ate ko.

"Ah! Kayo pala 'yon! It's nice to meet you in person!" Inabot ng aming club
president ang kanyang kamay kay Maddie. "Thank you nga pala about doon sa
clubroom."

Nakipag-handshake naman ang ate ko na tila isang politikong may nakasalubong na


loyal supporter. "We give special consideration sa mga estudyanteng may nako-
contribute sa peace and order ng campus. I assume my younger brother already told
you about my request?"

"Brother?"

Nabaling ang tingin sa akin ni Maddie, nababasa ko sa kanyang naningkit na mga mata
ang tanong na "You haven't told them that I am your sister?"

Bakit ko kailangang ipagkalat ang bagay na 'yon sa iba? "Importante bang malaman
nila? Kahit sabihin kong kapatid kita o anak ako ng presidente ng Pilipinas, hindi
'yon magiging relevant sa club namin."

Nanlaki ang mga mata ni Hennie habang no reaction naman si Reynard. Hindi sila
kaagad na nakarekober sa rebelasyong bumungad sa kanila.

"Talagang mahiyain si Erald kaya siguro hindi niya nasabi sa inyo. By the way,"
itinuro niya ang kanyang kasama na nakatayo na parang estatwa sa tabi niya. "This
is Raizen Regis, ang head ng aming executive committee."

"Pleased to meet you." Isa-isa niya kaming kinamayan habang nakangiti't pinapakita
ang kanyang mapuputing ngipin. "Sana'y mag-enjoy kayo sa mga activity na inihanda
namin para sa inyo."
Napa-thumbs up si Hennie na tila game na game talagang sumabak sa mga ipagagawa
nila sa amin. "Don't worry! We will actively participate sa mga 'yon!"

Hey, hey. Huwag mo akong idamay sa enthusiasm mo sa mga activity mamaya. Nandito
ako para tuparin ang request ni Maddie at hindi para makipagkaibigan sa ibang mga
estudyante.

"Siya nga pala, Maddie, kailan ang birthday ng student council president?" tanong
ko matapos ang kanilang obligatory chit-chat.

Tumingin siya kay Raizen na parang humihingi ng kumprimasyon. "September 1, 1998


yata? Bakit, balak mo ba siyang regaluhan? Two months pa bago ang birthday niya."

"Ah, wala. Na-curious lang ako." Tss. 'Yong mga kaibigan ko nga, hindi ko
nireregaluhan kaya bakit ako mag-aaksaya ng pera't panahon para sa isang taong
hindi ko lubos na kilala?

Ay teka, wala nga pala akong kaibigan.

Nagpaalam na kami sa kanilang dalawa at sumunod sa mga estudyanteng nauna na sa


amin. Ilang mayayabong na puno rin ang aming dinaanan. Mapapaisip ka minsan na baka
biglang may sawang mahulog mula sa mga malalaki nitong sanga.

"Why didn't you tell us that your sister is the studtent council secretary?" tanong
ni Hennie na nangunguna sa aming tatlo. Itinututok niya ang kanyang camera kung
saan-saan at kumukuha ng litrato. "Nakiusap ka ba sa kanya para hindi tayo
tanggalan ng clubroom?"

Hell no. Hinding-hindi ako hihingi ng pabor sa tulad niya lalo na't alam kong may
kapalit ito. "Gaano ba ka-relevant kung sakaling nalaman n'yo ang tungkol doon? At
saka nagkakamali kayo kung iniisip n'yong ginamit ko ang koneksyon niya sa student
council para ma-reverse ang eviction notice sa atin."

"Tama. Masyadong out of character kung gagawin niya 'yon," hirit ni Reynard. "Kung
nasa Titanic tayo, mas gugustuhin pa niyang magpaiwan at lumubog kasama ang barko
kaysa humingi ng tulong kahit kanino. The typical Erald."

Napangisi ako nang marinig ang kanyang komento. Mukhang kabisado na ni apat na mata
ang pag-uugali ko, ah.

"Anyway, kailangan nating i-review ang ating plano ngayong nandito na tayo mismo sa
venue," sabi ko habang lumilingon-lingon sa luntiang paligid. May mga natanaw na
akong mga building sa 'di kalayuan. "Dinala n'yo ba 'yong mga gamit na pinadadala
ko?"

Tumango silang dalawa pero mukhang may pag-aalinlangan sa itsura ni Hennie. "You
still haven't told us a single thing about your plan except for the necessary
tools. Kaya paano natin masisigurong coordinated tayong tatlo kung ikaw lang ang
nakakaalam no'n?"

"For sure, madudumihan ang mga kamay natin sa taktikang naiisip nitong si Erald,"
dagdag ni Reynard na napatingin sa aking direksyon. "At sigurong komplikado ang
binabalak niya."

Hindi ko talaga sinabi sa kanila dahil kapag nalaman nila ang senaryo, baka mag-
back out sila o hindi sila makipag-cooperate sa akin.

"Basta magtiwala kayong dalawa," ngumiti ako nang sumagi sa isip ko ang iniluluto
kong gimik. "Simple lang naman ang gagawin natin: Kikidnapin natin mamaya ang
student council president."

-30-

Chapter 13 • Eraldian Stratagem

ERALD

"KIDNAPIN?! ARE you out of your mind?" pagulat na tanong ni Hennie na napahinto
para titigan ako ng mga tsokolate niyang mata.
"Gaya ng inasahan sa 'yo, Erald," dagdag ni Reynard na napangiti sa suhestiyon ko.
'Yon na siguro ang pinakamainam na paraan upang maisagawa ang request ni Maddie.
Natural sa mga tao na hanapin ang mga bagay na nawawala. Maiwan nga lang ang cell
phone nila sa isang lugar, kinakabahan na sila. Paano pa kaya kung taong malapit sa
kanila ang biglang mawala nang parang bula?
"Kapag lumubog na ang araw, doon natin isasagawa ang plano." Hininaan ko ang aking
boses nang makarating kami sa tapat ng isang puting gusali kung saan nakalupong ang
iba naming kasama. "Meron na akong naisip na code na ipapa-solve sa kanila. Ang
kailangan na lang ay ang lugar kung saan natin dadalhin ang student council
president."
Lumingon-lingon si Reynard sa aming paligid, tinatanaw ang iba pang mga building sa
ecopark na natatakpan ng mga malalaking puno. "Kailangang maglibot mamaya para
maghanap ng lugar na pagtataguan sa target natin."
"Te-Teka, Rein! Don't tell me na payag ka sa plano ni Erald?"
"Basta walang masasaktan sa binabalak niya, walang problema sa akin," nakangiting
tugon ni apat na mata. Maging ako'y nasorpresa na hindi man siya nagreklamo at
tumutol sa brilliant plan ko. "At saka hindi ba mabuti na paminsan-minsan, nagagawa
nating mag-isip tulad ng mga masasamang loob? Exercise rin ito para sa mga utak
natin."
"Hmm..." Yumuko si Hennie at napahawak sa kanyang baba. Mukhang hindi pa siya one-
hundred percent na payag sa plano. "It's two against one so I guess majority wins.
Basta dapat walang mapapahamak, ah? At dapat malinis ang gagawin nating... krimen."
Kumurba ang gilid ng aking labi. Ngayo'y wala nang hadlang para sa abduction plan
namin. "Huwag kayong mag-alala. Bawat isa sa atin, may malaking papel na gagampanan
mamaya."
Pinapasok kami ng mga organizer sa puting building na tinatawag na "Batyawan Hall."
Sa loob, naka-set-up na ang ilang rows ng monobloc chairs at isang mahabang mesa sa
harapan kung nakalagay ang isang projector. Malawak ang buong hall kaya kasya ang
mga nasa limampung estudyanteng um-attend sa training na 'to. Uupo sana ako sa
pinakadulong row pero bigla akong hinila ni Hennie at pinaupo sa unahan.
Pagpatak ng alas-siyete y media ng umaga, napuno na ang hall at pumasok na rin ang
limang makapangyarihang estudyante na may suot na berdeng blazer sa Feliciano High-
ang High School Supreme Student Council. Kasama rin nila ang execom sa pangunguna
ni Raizen na tila may permanenteng nakaukit na ngiti sa kanyang mga labi.
"Good morning, everyone!" masiglang bati ng isang babaeng nakasalamin na tumayo sa
aming harapan. Parehong nakatrintas ang lagpas balikat niyang buhok na hati sa
dalawa. Pamilyar ang mukha niya dahil tumakbo siya noong student council elections
last year. Pero dahil wala silang kalaban noon, nanalo sila by default basta
makakuha sila ng fifty percent plus one na number of votes.
"First of all, thank you sa mga um-attend sa ating annual leadership training
seminar! I know dapat nagpapahinga kayo ngayon sa mga bahay o dorm n'yo pero you
decided to spend your time in this worthwhile event."
Dapat talagang magpasalamat kayo lalo na sa akin dahil usually sa mga oras na 'to,
mahimbing pa ang tulog ko. At kung sanang walang request si Maddie, hindi naman
talaga ako pupunta rito.
"So siya 'yong kikidnapin natin mamaya?" bulong ni Hennie habang nakatingin sa
harap ang mga mata niya. "In case you don't remember, ang pangalan ng student
council president natin ay Emilia Aguinaldo."
Ah, siya pala 'yong nakasulat na "Aguinaldo" sa notes ni Ria Martinez na writer ng
The Felician. Pasok sa isang tenga at labas sa kabila ang mga salitang binibitawan
niya. Ipinapaliwanag niya ang objective ng seminar na ito kaya hindi na
importanteng pakinggan pa.
Sunod niyang tinawag sa harapan ang isang lalaking nakataas ang buhok at may
maskuladong katawan. Sa limang officer ng student council, siya lang ang may
matapang na mukha at matatalim na mata na parang tutusukin ka kapag nagtagpo ang
tingin n'yo. Sinimulan niyang ipaliwanag ang iba't ibang lugar sa ecopark na
gagamitin namin para sa dalawang araw na event.
"At sino naman ang lalaking 'yan?"
"Andrew Bonifacio," sagot ni Hennie na itinutok ang kanyang camera sa lalaki. Sa
gandang lalaki ba naman ng taong nasa harapan niya, talagang kukunan niya ito ng
litrato. "He's the vice president."
Silang dalawa pala ang target namin, huh. Ewan kung anong nakita ni Maddie at bakit
naisipan niyang magpaka-stupid-este cupid-sa dalawang 'yan. Ang sabi niya, may
nararamdaman ang dalawang 'yan sa isa't isa pero bakit wala akong makitang sparks?
Baka mali ang judgment ng ate ko at ipinapagawa niya sa amin ang isang imposibleng
bagay.
"For two days and one night, mag-e-stay kayo sa Tuknangan Rooms. Dahil three
representatives per club ang in-invite namin, pwede kayong mag-stay sa iisang
kuwarto na kayang mag-accommodate ng dalawa hanggang tatlong katao. Iga-guide kayo
ng mga execom member papunta roon."
Ipinaliwanag din niya ang house rules at do's and dont's habang nasa ecopark kaya
nagtagal pa kami sa hall. Napapapikit na nga ang mga mata ko at muntikan na akong
maidlip... kung hindi lang ako kinukurot sa braso ni Hennie para magising. Si
Reynard naman, tahimik lang na nakikinig.
* * *
Hindi ko alam kung nagtitipid ang council o talagang part ng "experience with
nature" ng ecopark ang hindi pagkakaroon ng aircon sa aming kwarto. Maliban kasi sa
electric fan, bumubugso ang sariwang hangin sa bukas naming bintana. Heto pa, isang
doubledeck bed lang ang higaan namin. Ang ibig sabihin, kailangang mag-share ng
dalawa sa amin. Dahil nag-iisang babae si Hennie, masosolo niya ang isang higaan
kaya kaming dalawa ni Reynard ang magse-share sa isa pa.
Ugh. Mas gugustuhin ko pang makatabing matulog si Hennie kaysa kay apat na mata.
"So what's our plan now?" tanong ni Hennie, nakapuwesto na sa kama sa itaas ng
doubledeck.
May one hour pa kami bago mag-start ang first session ngayong umaga. Pwede naming
libutin ang ang buong ecopark at maghanap ng venue para sa gagawin naming "krimen."
"I-check muna natin kung kumpleto ang mga gamit para sa misyon."
Mabilis nilang inilabas ang mga kagamitang ni-request kong dalhin nila para sa
abduction maya-maya. Inilapag nila sa sahig ang isang rolyo ng duct tape, ilang
metro ng lubid, isang bote ng chloroform, pingpong ball at ski mask. Ako naman,
inilabas ko ang isang stun gun na in-order ko pa online.
"Ta-Taser! A-Anong balak mong gawin diyan?" Nanlaki ang mga mata ni Hennie nang
makita ang dala kong armas. "Ang akala ko ba walang masasaktan sa planong ito?"
"Naninigurado lang ako kung sakaling hindi gumana ang Plan A," pinaglaruan ko ang
stun gun sa aking mga kamay. "At baka kailanganin ko ito for self-defense sakaling
may manggulo sa seminar natin."
Tinanggal ni Reynard ang suot niyang salamin at pinunasan ang mga lente nito.
"Pwede mo na bang sabihin kung anong eksena at saan natin gagamitin ang mga ito
mamaya?"
"Simple lang. Kailangan nating ihiwalay ang student council president mula sa mga
kasama niya. Kapag mag-isa na siya, tatakpan natin ang ilong at bibig niya gamit
ang panyong may pampatulog. Kapag wala na siyang malay, dadalhin natin siya sa
lugar na hindi kaagad matatagpuan ng iba."
"At paano nila mahahanap ang pinagtaguan natin sa president?"
"Kung nakikinig ka sa sinabi ko kanina, bibigyan ko sila ng code na kailangan
nilang i-solve para malaman kung saan siya dinala." Tumango si Hennie, mukhang wala
siyang pagtutol sa aking plano pero si Reynard, nagdududa pa yata.
"Madaling sabihin pero mahirap gawin. Paano natin masisigurong walang hahadlang sa
plano? Kung susuriing mabuti, puno ng butas 'yan. Paano kung maging busy siya
mamaya? Paano kung laging may nakabuntot sa kanya?"
Tsk. Andami namang tanong ng apat na mata na 'to. Takpan ko kaya ng duct tape ang
bibig niya?
"Basta magtiwala kayo sa akin mamaya. Kukuntsabahin ko rin ang secretary para
siguradong aayon ang lahat sa plano," sabi ko sa kanila bago ako tumayo. "O siya,
maglilibot muna ako sa ecopark habang may time. Mag-chill muna kayo rito."
Ilang kuwarto rin ang dinaan ko bago ko narating ang labas ng Tuknangan Rooms.
Binati ako ng nakakasilaw na sinag ng araw kaya tila napasaludo ako para
protektahan ang aking mga mata.
"Erald, wait!"
Lumingon ako't nakitang tumatakbo papunta sa akin si Hennie. Maingat ang kanyang
pagkakahawak sa nakasabit na camera sa kanyang leeg.
"O bakit ka nandito?"
"Gusto ko ring mag-sightseeing. Sayang naman kung magkukulong ako sa kuwarto
hanggang mag-start ang morning session."
Hinayaan ko na lang siyang maglakad sa tabi ko habang tinatahak namin ang
sementadong daan. Salamat sa mayabong na lilim ng mga puno, hindi kami masyadong
naiinitan. Habang ako'y palinga-linga sa paligid, si Hennie nama'y walang tigil ang
pag-click sa kanyang camera.
"Bakit ba lagi mong dala-dala 'yang camera mo?" Ilang linggo na rin kaming
magkakilala at magkasama sa SOS Club pero hanggang ngayo'y hindi ko pa rin alam ang
dahilan. Maging ang pagsusulat niya sa kanyang notebook tuwing nasa clubroom kami,
isa pa ring misteryo sa akin.
Huminto siya sa paglalakad at itinutok ang kanyang camera sa itaas kung saan may
nagpapahingang ibon. Pagka-click niya rito, humarap siya sa akin. "Para makapag-
record ng memories. Minsan kasi nakakalimutan ko kung saan ako pumunta kahapon o
kung anong ginawa ko kanina kaya para maalala ko, lagi akong kumukuha ng litrato.
In-advise sa akin ni mama na gawin ko ito para ma-fill ang gaps sa memory ko."
Naalala ko tuloy ang nangyaring matapos ang club fair incident. Bigla niyang
nakalimutan ang pananakot na ginawa ko sa kanila pati ang pagsampal niya sa pisngi
ko. Hindi na namin nabanggit sa kanya ang katotohanan dahil mas mabuting hindi na
niya maalala. Pero ano kayang klaseng kondisyon ang meron siya? Bakit bigla-biglang
nabubura ang ilan sa mga alaala niya?
Tumigil kami sa tapat ng isang swimming pool na walang lamang tubig. Nasa four feet
siguro ang lalim nito. Mula rito, natatanaw ko ang isang villa kung saan nakita
kong lumabas ang president at vice president ng student council. Malamang doon nag-
e-stay ang mga student council officer.
"Bakit ba gustong-gusto mong tumutulong sa pagbubuhat ng mga gamit?" tanong ng vice
president na nakapamulsa pa habang naglalakad.
"Masyado nang busy ang execom at saka hindi naman ganon kabigat ito," sagot ni
president na may bitbit na malaking kahon. Ni hindi man siya naisipang tulungan ng
kasama niya.
"Dapat sa president na kagaya mo, nakaupo sa trono at inuutus-utusan ang mga kawal
mo. Para saan pa ang mga kasama nating execom kung tayo rin ang gagawa ng trabaho
nila?"
"Ang mabuti pa, tulungan mo na lang akong magbuhat nito."
"Tss! No way!"
At saka kumaripas ng takbo ang vice president, iniwan ang kanyang boss nang mag-isa
sa daan.
Teka, ang akala ko ba, may feelings ang lalaking 'yon sa president? Bakit kung
umasta siya, parang wala siyang pakialam sa love interest niya? Nagkamali nga kaya
si Maddie sa kanyang kutob?
"In denial ang lalaki," narinig kong sabi ni Hennie, nakatutok ang kanyang camera
sa nag-iisang president.
"In denial? Nakita mo naman ang ginawa niya. Basta-basta niya iniwan ang babaeng
supposedly na gusto niya." Napamuestra ako tuloy ng 'di oras.
"Erald, nagka-girlfriend ka na ba? O naranasan mo na bang manligaw? Sige, kahit ma-
in love man lang?"
"At paano naging relevant 'yan?" Ang pagsagot sa tanong gamit ang isa pang tanong
ang pinakamainam na taktika para iwasan ito. Pero sa totoo niyan, negative ang
sagot ko sa lahat ng tanong niya. Nagka-crush ako noong mangmang pa lang ako kaso
hindi ko 'yon kinokonsidera bilang pagiging "in love."
Ipinakita niya sa akin ang mga nakuha niyang litrato ng vice president noong nasa
Batyawan Hall kami. Nasa frame din ang president na pasimpleng sumusulyap sa
nagsasalitang ka-partner niya.
"Hindi ko nakunan ng litrato 'yong speech ni Emilia kanina pero napansin kong
patingin-tingin si Andrew sa kanya. Tapos sa picture na 'yan, si Emilia naman ang
pasulyap-sulyap kay Andrew."
"Okay, so what?"
Napabuga siya ng hangin. "May dalawang dahilan kung bakit tititigan ng isang babae
ang isang lalaki. Either may dumi siya sa mukha o may gusto siya sa kanya. At dahil
walang dumi sa mukha ni Andrew, isang conclusion ang mabubuo natin."
"At anong scientific basis mo para diyan? May nag-conduct ba ng study para ma-
determine ang correlation ng pagtitig ng isang tao at pagka-attract romantically?"
"Wala pero pagdating sa mga ganitong bagay, malakas ang radar ko. For example,
noong magkita kayo ni Faith sa clubroom, may kakaiba akong naramdaman sa inyong
dalawa pero hindi mutual ang feelings n'yo sa isa't isa."
Tss. Talagang kailangan niyang banggitin 'yon?
Anyway, sisimulan ko na ang plano namin. Ang pinakaunang hakbang para umayon ang
lahat sa script ay kunin ang tiwala ng target.
"Diyan ka muna," sabi ko kay Hennie bago ako tumakbo patungo kay president. Hindi
pa siya masyadong nakakalayo kaya nahabol ko siya.
Sinabayan ko siya ng lakad at kinuha ang bitbit niyang kahon. Teka, ano nga kasi
ulit ang pangalan niya? Imelda? Hay, bahala na. "Tulungan ko na kayo, Miss
President."
"Ay, thank you!" Akala ko'y aangal pa siya sa kabutihang ginawa ko. "Sorry kung
naistorbo pa kita. May I know your name?"
"Erald from the SOS Club," pagpapakilala ko.
"Oh, that club!" Napapalakpak ang president na parang may sumaging billion peso
idea sa isip niya. "Marami na akong narinig tungkol sa inyo. Magaling daw kayo
pagdating sa deductions at pagso-solve ng mga problema. Remember the club fair
incident? I was also amazed sa ginawa n'yo."
Pinilit kong ngumiti kahit nakakangawit sa muscle ng bibig ko. Ang hindi niya alam,
ako mismo ang may pakana no'n, sa tulong ng K-OS Club.
"Gusto n'yo bang pakitaan ko kayo ng aking deduction prowess?"
"Sige nga. Tingnan natin kung totoo ang mga tsismis tungkol sa club n'yo."
Tinanggal ko muna ang nakabara sa aking lalamunan sa pamamagitan ng pag-ubo bago
ako nagsimula. "May gusto ka sa vice president, tama?"
Nanlaki ang mga mata niya at hindi kaagad nakasagot. "A-Ano bang sinasabi mo?"
"Ang pagbubuhat mo ng kahon na ito ay isang test para sa kanya, tama? Gusto mong
malaman kung magpapaka-gentleman siya at tutulungan ka niya. Ang kaso, hindi umayon
ang lahat sa inaasahan dahil bigla na lang siyang umalis."
"Na-Nagkakamali ka," pailing-iling pa niyang depensa sa sarili. "Friend lang ang
turing ko kay Andrew. Don't look into it too much."
"Eh? Bakit kaninang nasa Batyawan Hall tayo, panay ang sulyap mo habang nagsasalita
siya? At habang nakatingin ka sa kanya, lumalaki ang pupils ng mga mata mo, isang
indikasyon na attracted ka sa kanya. Kung wala talaga sa 'yo iyon, bakit
pinagpapawisan ka ngayon? Dahil ba nababahala kang may nakabuko sa nararamdaman
mo?"
Hindi ko na alam kung anong pinagsasabi ko. Basta-basta na lang akong nagbato ng
random deductions kahit hindi totoo para mapaamin ang babaeng ito.
Tumigil siya sa paglalakad at tumugon sa akin ng isang ngiti. "Minsan nakakatakot
ang mga tulad n'yo na kayang basahin ang iniisip o nararamdaman ng isang tao sa
pag-oobserba ng mga maliliit na detalye."
Ngayong kumagat na siya sa pain ko, oras na para ilatag ang next phase.
"Gusto mo rin bang malaman kung reciprocated ang feelings mo sa kanya?"
"I don't think na mutual ang feelings namin sa isa't isa." Napawi ang saya sa mukha
ni president at may umukit na kalungkutan dito. "Lagi niya akong binabalewala.
Kahit ako ang student council president, minsan parang nakababatang kapatid ang
turing niya sa akin na pwede niyang asar-asarin."
"Sa tingin ko, magkatulad kami ni vice president pagdating sa pagha-handle ng
feelings." Naging seryoso ang tono ng aking boses, dahilan para mapatingin siya sa
akin. "Minsan idine-deny namin ang nararamdaman namin sa takot na baka masira ang
status quo. May ilan kasi na kapag nag-confess ng pag-ibig sa isang tao, nasisira
ang friendship nila. Minsan pa nga, nagiging strangers na sila."
"Ang saklap naman. Nangyari na ba sa 'yo iyon?"
"Sa kasamaang palad, oo." Heh. Biro lang. Ni hindi ko pa nga talaga na-experience
na ma-in love kaya paano ko malalaman ang kakayahan ko sa pagha-handle ng feelings?
Lahat ng sinabi ko'y kasinungalingan para makuha ang loob ni president.
"Kaya mas mabuti kung kaagad mong malalaman ang tunay na nararamdaman niya para sa
'yo."
"Pero paano? Humihingi ako ng signs pero lahat ng iyon, hindi tumatama."
"Ganito ang dapat mong gawin. Mamayang gabi, bago mag-dinner..."
* * *
Mabilis ding natapos ang buong araw ng sunod-sunod na seminar. Kung hindi ko sana
katabi si Hennie, malamang ay natulugan ko na ang lahat ng sessions. Wala rin sa
mga talk ang atensyon ko dahil mas sabik akong malaman kung aayon ang lahat sa
inaasahan ko.
Nagtago na ang haring-araw at sumulpot na sa mapanglaw na kalangitan ang
nagliliwanag na buwan kasama ang mga alipores nitong bituin. Kaming tatlo na taga-
SOS Club, nakatambay sa likod ng mga puno, malapit sa walang tubig na swimming
pool.
"Ano bang hinihintay natin dito?" tanong ni Hennie na nagsawa na yata sa
kahihintay. Labinlimang minuto pa lang kaming nasa labas pero naiinip na siya.
Inilapit ko sa aking labi ang hintuturo ko. "Ssshh! Huwag kang maingay! Baka
matunugan tayo."
"Hinihintay ba natin ang pagdating ni Emilia dito?" Nakasandal si Reynard sa isang
puno at nakakrus ang mga braso. "Ano bang sinabi mo sa kanya at bakit mukhang
sigurado kang pupunta siya rito?"
Bigla akong siniko ni Hennie sa braso. "Hey, i-orient mo naman kami. Wala kaming
kaideya-ideya sa kabuuan ng plano mo."
Napabuntong-hininga muna ako bago ko sinagot ang mga tanong nila. "Kaninang umaga,
nangako ako kay president na tutulungan ko siyang i-reveal ang nararamdaman ng vice
president sa kanya. Sinabi ko sa kanyang ise-set-up ko silang dalawa rito para
magkaaminan na sila."
Naningkit ang mga mata ni Reynard. "Pero..."
"Pero hindi ko ginawa 'yon. Ni hindi ko nga nakausap ang vice president magmula
nang dumating tayo rito."
"Eh?" Bahagyang napalakas ang boses ni Hennie. "So what's the sense of this set-
up?"
"Sinabi mong in-denial ang vice president sa kanyang feelings sa president, tama?
Kung itinuloy ko ang ganitong set-up, sa tingin mo ba talagang aamin ang lalaking
'yon? Dapat may compelling force na mag-intervene sa kanilang dalawa. At 'yon ay
ang pag-kidnap natin sa babaeng kakarating lang dito."
Nakita namin ang figure ng student council president, palingon-lingon sa paligid at
parang may hinahanap.
"Mabuti't nakausap ko ang secretary-general kanina," bulong ko habang pinapanood
ang paglapit ng president sa hindi masyadong naiilawang parte ng daan. "Ipinasiguro
ko sa kanya na lahat ng mga attendee maliban sa ating tatlo ay nasa loob ng
Batyawan Hall para walang umistorbo sa atin."
"Ano na ngayon ang gagawin natin?"
Isinuot ko ang dala kong ski mask at inilabas ang isang panyo na may chloroform.
Dahan-dahan akong naglakad patungo kay president, nag-iingat na huwag gumawa ng
kahit anong ingay.
Saktong nakatalikod siya nang malapitan ko siya. Mabilis kong tinakpan ng panyo ang
kanyang ilong at bibig. Sinubukan niyang sumigaw at magpumiglas pero makalipas ang
ilang segundo, tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Lumapit sa akin sina Hennie at Reynard, naging maingat din sa kanilang paglalakad
at palingon-lingon sa kaliwa't kanan, tinitiyak na walang paparating sa
kinatatayuan namin.
"Bale ganito ang gagawin natin," sabi ko sabay tanggal sa ski mask. "Hennie,
pumasok ka sa Batyawan Hall at umarte na nakita mong may dumukot kay president.
Dalhin mo ang kanyang phone na tatawagan natin mamaya."
"Si-Sige, I'll do my best to act."
"Good," sunod kong tiningnan si Reynard at iniabot sa kanya ang susi na nakalakip
sa isang papel. "At ikaw naman, dalhin mo ang babaeng 'to sa lugar na pagtataguan
natin. Gamitin mo ito para makapasok doon. Sundan mo ang mga instruction diyan at
kapag okay na ang lahat, bumalik ka na sa Batyawan Hall."
"Anong gagawin natin matapos noon?"
"Tatawagan natin ang phone ng president na nasa kamay na dapat ng sinumang nasa
hall at ibibigay sa kanila ang code." Inilabas ko ang aking phone at nagsimulang
mag-type sa screen nito.
O A G B W Q Z N R T A W O V
Ipinakita ko sa kanila ang isang series ng mga letra. "Ito ang code na gagamitin
natin. At ang clue para ma-crack ito ay ang birthdate ng student council
president."
-30-

Chapter 14 • Reversal

ERALD

LET THE game begin.


Pasimple akong bumalik sa Batyawan Hall na parang wala kaming ginawang krimen.
Ganito pala ang feeling kapag may ginawa kang kalokohan. Parehong nakaka-excite at
nakakakaba.
Nakahanda na ang mga pabilog na mesa na may mga nakahaing pagkain pero hindi pa rin
nag-uumpisa ang dinner.
"Nag-reply na ba siya sa inyo?" narinig kong tanong ng vice president sa mga kasama
niya sa student council. Maging si Maddie na kinuntsaba ko, umarte na parang walang
alam sa nangyari. "Kanina pa dapat siya nandito, ah. Saan ba nagpunta ang babaeng
'yon?"
"Did you try calling her?"
"Oo pero hindi siya sumasagot. Baka naiwan niya ang phone niya kung saan." Unti-
unting pumipinta ang pagkabahala sa mukha ng lalaki. Sige, mag-alala ka pa para
lalong magkaroon ng impact ang balitang ihahatid sa inyo ng kasama ko.
Tahimik lang akong umiinom ng tubig sa isang sulok habang hinihintay ang first act
ng play na dinerek ko. Makalipas ang ilang segundo, pumasok sa hall si Hennie na
tila nakakita ng multo sa daan patungo rito. Hinabol niya muna ang kanyang hininga
bago niya nilapitan ang mga student council officer na nasa harapan.
"E-Excuse me. Ma-May da-dapat kayong malaman," sabi niya. "Na-Nakita ko si Emilia
sa labas kani-kanina, biglang may dumukot na lalaki sa kanya. Sinubukan ko siyang
habulin pero mabilis ang takbo niya."
"A-Ano?!" Nanlaki ang mga mata ng vice president at napanganga ang bibig sa
pagkagulat. "Si-Sigurado ka ba riyan sa sinasabi mo?"
Iniabot ni Hennie ang puting phone na kinuha namin kanina sa bulsa ng president.
"Nahulog niya ito kanina. Hindi ako sigurado noong una pero noong nakita ko 'yong
wallpaper niya, alam kong kay Emilia 'yan."
Naging mabibilis ang mga daliri ng vice president sa pagpindot sa screen ng phone.
"E-Eto nga ang phone ni Emilia. Sh*t! Sinong makakagawa nito? Nakita mo ba ang
itsura ng taong dumukot sa kanya?"
Umiling si Hennie. "May suot na ski mask 'yong lalaki kaya hindi ko nakita ang
itsura niya pero meron siyang katangkaran-nasa five feet and six inches siguro-at
malaki ang katawan."
Hindi ko in-expect na ganito pala kagaling umarte ang club president namin.
Nagbigay pa siya ng fake description para linlangin ang sinumang susubok na hanapin
ang lalaking tumangay sa walang malay na biktima.
"Raizen!" tawag ng vice president sa lalaking abala sa pag-aayos ng gamit sa
kabilang mesa. Nagmadali itong lumapit sa kanya at nagpukol ng nagtatakang tingin.
"Tawagin mo ang lahat ng execom members na nandito at halughugin n'yo ang buong
ecopark!"
"Halughugin? Bakit? May nangyari ba?"
"Nawawala ang president natin. May dumukot daw sa kanya."
Dahil malakas ang boses niya, narinig ng lahat ng nasa hall ang masamang balita.
May halong pag-aalala at pagkaalarma ang mga itsura nila. Ang ilan pa nga sa tabi
ko'y nagbulungan pa.
"It's better if we ask for the help of the staff here," suhestiyon ni Maddie na
sinang-ayunan nina vice president at Raizen. "Dapat sigurong mag-search tayo sa mga
lugar na hindi madalas puntahan ng mga taong nasa ecopark. Malamang doon nagtatago
ang dumukot kay Emilia, kung hindi pa siya nakakaalis dito."
Napa-tap na ang mga daliri ko sa mesa na parang naglalaro ng piano habang
hinihintay ang pagdating ni Reynard. Dahil sa pekeng paglalarawan na ibinigay ni
Hennie, malamang hindi siya paghinalaan kahit late siyang dumating dito sa hall.
Habang abala ang lahat sa pagtsitsismisan at kung ano ang dapat gawin, nagtungo ako
sa men's comfort room at ini-lock para masigurong walang mang-iistorbo sa akin.
Pumasok ako sa isang cubicle at inilabas ang aking phone. Mabilis kong itinype ang
sumunod na mensahe:
I know you really want to find her
But first, let me give you a code to decipher:

O A G B W Q Z N R T A W O V
If you don't know how to crack it, here's a clue:
Her birthdate should serve as your cue.
Still don't get it? Oh! It's quite too easy,
I'm getting impatient so you better hurry.
Pagka-send ko sa message na 'yon sa number ng president, mabilis kong binuksan ang
aking phone, inalis ang isa kong SIM card at inihagis sa inidoro. Kinailangan kong
gawin 'yon para hindi nila ako ma-trace. Spare lang naman 'yon at wala akong
importanteng contact na naka-save doon.
Lumabas ako ng banyo at nakitang nakalupong ang ilang estudyante kay vice
president. Ambilis naman yata nilang na-receive ang message ko.
Umiling-iling ang nagugulumihang lalaki habang nakatitig sa hawak niyang phone. "A-
Ano 'to? I-Isang code? Wa-Wala akong maintindihan."
"Does this mean someone want to play with us? Is that why they abducted the
president?" sabi ni Maddie habang nakapamewang siya't pabalik-balik ang lakad sa
tabi ng vice president. "What if we don't find her quickly?"
"Ang sabi niya rito, baka maubusan siya ng pasensya kaya baka-Tsk! Kainis! Bakit
ngayon pa nangyari ito?!" Bahagyang lumakas ang boses ng lalaki at nandidilim na
ang kanyang mukha sa galit. Anytime, baka masuntok niya ang kanyang katabing si
Raizen.
"Hey, baka pakulo n'yo lang itong mga taga-council, ha? Baka gusto n'yo lang kaming
takutin?" komento ng isang babaeng nakaupo sa tabi ko.
"Seriously? Sa tingin mo ba makakagawa kami ng ganitong klaseng joke?" Ramdam ko sa
bawat salitang binibitiwan ng vice president ang pagkairita. Kulang na lang ay
magbuga siya ng apoy sa init ng kanyang ulo.
Nilapitan ko si Reynard na nakaupo sa isang mesa at binulungan siya. "Sinunod mo ba
'yong nakasulat sa instructions ko?"
"Oo, pero para saan 'yong pingpong ball na ipina-"
"Ssshhh... Baka may makarinig sa 'yo." Sinenyasan ko naman si Hennie na lumapit sa
aming mesa.
"Magiging okay ba ang lahat?" nababahala niyang tanong. Naimpluwensyahan na rin
yata siya ng mood ng mga kasama namin sa hall. "Hindi ba't masyadong OA ang message
na ipinadala mo sa kanila? Parang pinalabas mo na papatayin natin si Emilia kahit
hindi naman."
"Minsan, kailangan mong bigyan ng illusion of danger ang ibang tao para mas bumilis
ang physical reflex at thought process nila," sagot ko habang pinapanood ang mga
hindi mapakaling council officer. Ito dapat ang kinukunan ng litrato ni Hennie,
hindi kung ano-ano.
"Wala na tayong oras para sa gimik na 'to!" sigaw ng vice president. "Raizen,
humingi ka na ng tulong sa staff ng ecopark na 'to. Pagkatapos noon, sisimulan na
natin ang paghahanap kay Emilia."
Saktong lalabas na sila ng hall nang sumingit ako. "Actually, hindi n'yo na
kailangang magpagod at mag-aksaya ng oras."
Lumingon sa akin ang lahat ng mga tao sa hall na parang may dumating na celebrity.
Spotlight naman diyan, oh. Nagtungo ako sa harapan at tumigil sa tapat ng vice
president. Sandaling nagkatagpo ang tingin namin ni Maddie bago kumalas ang mga
mata ko.
"Sabi nila, may ipinadala raw na code ang taong dumukot kay Miss President, tama
ba?"
"Si-Sino ka?" Napakunot pa ang noo ng lalaking kanina pa nagpa-panic.
"Maswerte kayo dahil kasama n'yo ngayon ang SOS Club. Ako nga pala si Erald, ang
number one codebreaker sa Feliciano High."
"Co-Codebreaker?" hindi makapaniwalang tugon ng vice president. "Kung ganon, kaya
mong i-crack ang code na ito?"
"Lahat ng mga code ay may sinusundang rules kaya posibleng ma-decipher natin kahit
ano pa man 'yan."
"Si-Sige, subukan mo kung kaya mong i-crack." Iniabot niya sa akin ang phone ng
president.
"Pero bago ko gawin 'yon, gusto muna kitang tanungin. Bakit sobra yata ang
pagkabahala mo sa pagkawala ng president? Ang ilan sa mga kasama mo, napapanatili
ang pagiging kalmado sa sitwasyong ito pero ikaw, para kang bulkan na malapit nang
sumabog."
Subukan man niyang sagutin ang tanong ko, walang boses na lumalabas sa kanyang
bibig.
"Ganon ba siya kaimportante sa 'yo?" dagdag ko nang hindi tinitingnan ang reaksyon
niya. "Kung ako sa 'yo, magpapakatotoo na ako sa nararamdaman ko."
Natahimik na lang ang vice president habang nakayuko at tila pinag-iisapan ang mga
sinabi ko.
"Anyway, unahin muna nating i-solve ang code na ito." Lumapit sa tabi ko sina
Hennie at Reynard. "Ayon sa message, ang clue para ma-crack ito ay ang birthdate ng
president. Alam n'yo naman siguro kung kailan 'yon, tama?"
"September 1, 1998."
Naramdaman kong nabaling sa akin ang tingin ni Raizen, tila nagtataka sa tanong ko.
"Pwede ba akong makahingi ng papel at bolpen?"
Mabilis akong inabutan ng mga taga-execom ng mga bagay na kailangan ko. Ipinatong
ko sa mesa ang papel at isinulat ang serye ng mga letra doon.
O A G B W Q Z N R T A W O V
"Ang pinaka-common na type ng code ay ang Caesar cipher. Kailangan mo lang i-move
ng ilang beses ang mga letra. Pero dahil nabanggit ang birthdate bilang clue,
malamang 'yon ang susundan nating bilang sa pagmo-move ng mga 'to."
"How will September 1, 1998 help solve this code?" tanong ni Hennie. Hindi ko nga
pala nasabi sa kanila kung anong klaseng code ang ginamit ko.
"Kailangan mo itong i-convert bilang numbers. Kapag nagsusulat tayo ng date, six-
digit format ang ginagamit natin kaya sa kasong ito, ang birthdate niya ay magiging
090198. Pwede mong isulat ang bawat number sa bawat letra ng code."
"Pero may anim na digits lang ang birthdate samantalang may fourteen letters ang
code."
"Hindi 'yon problema. Uulitin mo lang mula sa umpisa ang pagsusulat ng birthdate sa
ilalim ng code. Bale ganito ang magiging kalalabasan."
"Ang tawag dito ay 'date shift cipher' at ang decryption key ay isang petsa na
dapat alam ng magde-decode. Ang number sa ilalim ng bawat letra ang magsasabi kung
ilang beses natin dapat i-move ang mga ito. Kunwari sa letrang O, dahil 0 ang
katapat niyang number, hindi natin siya gagalawin. Sa letrang A, subukan nating i-
move ito nang siyam na beses pabalik."
"In reverse, it will be from A... Z, Y, X, W, V, U, T, S... R!" Binilang pa talaga
ni Hennie sa kanyang daliri ang bawat titik na nabanggit niya.
Dahil ako mismo ang gumawa ng code, alam ko na ang sagot dito. Pero para hindi
magmukhang obvious, nagpanggap ako na kunwari'y nag-iisip at nagbibilang din ng mga
letra para makuha ang nakatagong message.
Ilang minuto lamang ang itinagal bago ko nakumpleto ang pag-crack sa code.
Ipinakita ko ang sagot sa mga estudyanteng nakapaligid sa akin, dahilan para sila'y
mapamangha.
O R G A N I Z E R S R O O M
"O-Organizer's room?" May halong pagtataka ang pagbasa ng vice president. "Si-
Sigurado ka bang tama ang paraan mo ng pag-decode? Bakit diyan naman dadalhin si
Emilia?"
"It's a matter of psychology," sagot ko. "Normally, iisipin mong dinala ang biktima
sa isang lugar na hindi madalas dinadaanan o pinupuntahan ng mga tao para mahirapan
kayong maghanap. Malamang naisip niyang baligtarin ang ganong way of thinking kaya
pinili niyang lugar ang kwarto ninyong mga organizer. Kakaunti lang ang mag-
aakalang doon dadalhin ang president."
Lumingon ang vice president kay Raizen at nagpukol ng seryosong tingin dito pati sa
ibang miyembro ng execom. "Guys, let's go!"
Kumaripas ng takbo ang ilan sa amin. Siyempre nakisali rin kaming mga taga-SOS Club
sa "fun run" ng student council. Ilang metro din ang itinakbo namin bago narating
ang villa kung saan nanunuluyan ang mga student council officer. Nadaanan din namin
ang swimming pool na walang tubig.
Pagdating doon, kaagad na ipinasok ng vice president ang susi sa doorknob at basta-
basta sumugod nang wala man lang kahit anong pag-iingat. Kung totoong may masamang
loob dito, tiyak na binaril o sinaksak na siya.
Una nilang pinuntahan ang sala habang ang iba naming kasama'y nagpunta sa iba't
ibang parte ng villa. Ako naman, dumiretso sa kanilang kwarto dahil doon ko
inutusan si Reynard na dalhin ang aming target.
Pagbukas ko sa pinto at sa ilaw ng kwarto, nakita kong patagilid na nakahiga sa
kama ang president. Naka-tape ang kanyang bibig at nakagapos ang mga kamay gamit
ang lubid. Sa tapang ng pinaamoy kong chloroform, hanggang ngayo'y wala pa rin
siyang malay.
"Nandito siya!" sigaw ko sa mga taong nasa labas ng kwarto para dumagsa sila sa
loob.
Mabilis kong tinanggal ang pagkakatakip ng kanyang bibig at pagkakagapos niya.
Hinawakan ko ang kanyang kaliwang kamay. Dinama ko ang kanyang pulso rito pero wala
akong maramdaman na kahit mahinang pintig.
"Ku-Kumusta siya? A-Ayos lang ba siya?" nag-aalalang tanong ng vice president.
Naging mabagal ang aking pag-iling. "Mukhang late na tayo. Hindi ko na maramdaman
ang pulso niya."
Lumaki ang mga mata niya at nagsimulang mangilid ang kanyang luha. Hinawakan din
niya ag kaliwang kamay ng walang malay na babae at kinapa ang pulso nito. Nang wala
siyang maramdaman, nakita kong walang tigil ang panginginig ng mga kamay niya.
Bigla niyang niyakap nang mahigpit ang katawan ng president at may tumulong luha sa
kanyang kaliwang mata.
"Ku-Kung a-alam ko lang na ma-mangyayari ito, hindi sana kita pinabayaang lumabas
nang mag-isa kanina," garalgal din ang kanyang boses at medyo nauutal pa. Kahit
kasing tapang ng leyon ang kanyang mkuha, nagmukha ngayon siyang isang maamong
pusa. "Hi-Hindi ko man lang nasabi sa 'yo ang nararamdaman ko. I love you, Emilia.
Sana naririnig mo 'yon."
Habang ang ila'y nakigaya na rin sa pagluha, palihim akong napabuga ng hangin at
napairap sa ibang direksyon. Napaka-korni kasi ng eksena, parang sa mga typical
teen love story. Kung ang ilan sa mga kasama nami'y na-touch, ako nama'y halos
masuka.
"Ba-Bakit ka umiiyak, Andrew?"
Nagulat ang lahat nang makita nilang namulat ang mga mata ng president. Ilang
segundo pa lang ang nakakalipas, akala nila'y patay na ang babaeng nadatnan nila
rito.
"Pa-Paanong... Bu-Buhay ka? Pe-Pero wala ka nang pulso kanina? Hindi ba ako
nananaginip?"
"A-Ano bang pinagsasabi mo?" mahina pa ang boses ng president, hindi pa siguro
tuluyang nagigising ang kamalayan niya. "Teka, ano ba itong nasa damit ko?"
Inilabas niya ang isang maliit na bolang nakaipit sa kanyang kilikili at inihagis
ito palayo.
Totoong wala na siyang pulso kanina kaya nga noong chineck ng vice president,
inakala nitong patay na siya. Ang trick ay nasa pingpong ball na ipinaipit ko sa
kaliwang kilikili niya. Ipinahiga ko siya nang patagilid para ma-squeeze ang bola
at mabigyan ito ng pressure. Sa gano'ng paraan, pansamantalang mawawala ang pulso
niya sa kaliwang kamay. Kung 'yong kabila ang chineck ng vice president, posibleng
nabuko na ang trick ko.
Hindi ko na kailangang panoorin pa ang mga sumunod na eksena dahil kung tama ang
kalkulasyon ko, ito na ang pagkakataon para magkaaminan na silang dalawa. Biglang
pumalakpak ang mga kasama namin. Kahit na nagkaproblema, all's well that ends well.
Lumabas na ako ng kwarto at iniwan silang nagyayakapan. Siguradong hindi
palalampasin ni Hennie na kunan ng litrato ang madramang eksenang 'yon.
"Congratulations, mukhang tagumpay ang naisip mong plano," sabi ni Maddie na
nakasandal sa pader ng sala. Hindi rin siguro niya masikmura ang ka-sweet-an sa
kwarto kaya nandito siya sa labas.
"Salamat dahil ipinahiram mo sa amin ang susi sa villa na 'to at tinulungan mo
kaming maging smooth ang lahat," tugon ko nang magtagpo ang tingin namin. "Mas
napadali ang pagsasagawa ng plano namin dahil sa 'yo."
"Don't mention it. I should be the one thanking you," biglang nag-iba ang tono ng
boses niya-naging malalim, naging seryoso. "Thank you, sincerely, thank you."
Napalunok ako ng laway nang makita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Maddie.
Ewan pero nakaramdam ako ng pagkabagabag habang pinapanood ko siyang maglakad
papasok sa kwarto kung saan nagse-celebrate ang lahat.
Ang hindi ko alam noon, 'yon pala ang isa sa mga pinakamalaking pagkakamaling
nagawa ko.
"Tama pala ang hinala ko."
Mabilis akong napalingon sa aking likuran. Naglalakad patungo sa kinatatayuan ko si
Raizen na nagtatago pala sa isang sulok at posibleng nakinig sa pinag-usapan namin
ni Maddie.
"A-Anong ibig mong sabihin?" Pinilit kong magmukhang kalmado. Relax ka lang, Erald.
Kailangang panatilihin ko ang aking poker face. Hindi niya dapat mabasa sa mga
kilos at reaksyon ko na tama nga kung anuman ang iniisip niya.
"Kaninang umaga, noong pagkababa n'yo sa bus, naitanong mo kay Madeleine kung
kailan ang birthday ni Emilia. Napaka-random question kung titingnan." Ipinasok
niya sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon ang mga kamay niya at huminto sa
tapat ko. "Tapos kani-kanina lang, sinabi ng nagpadala ng code na ang clue para ma-
crack ito ay ang birthdate ni Emilia. Coincidence?"
"Huwag kang mag-overthink, nagkataon lang na naisip sigurong gamitin ng salarin ang
impormasyong 'yon. Porke ba naitanong ko kung kailan ang birthday ng president, ako
na kaagad ang may pakana nito?"
"Coincidence din kaya na kayong tatlong taga-SOS Club ang wala sa Batyawan Hall
noong oras na lumabas si Emilia? Sa tingin ko, nagsabwatan kayo para maisagawa ang
planong ito. Tama ba?"
Lagot. Hindi ko inakalang may makakapagkonekta sa mga tuldok ng kasong ito. Bilis!
Kailangan kong umisip ng palusot kundi mabubuking ang ginawa namin nina Hennie at
Reynard!
"Pero huwag kang mag-alala. Walang nangyaring masama kay Emilia kaya papalampasin
ko ito at hindi namin kayo gagawing 'accountable.' Sa tingin ko naman, may mabuting
dahilan para dito."
Tinapik niya ako sa balikat bago siya nagpatuloy sa paglalakad papasok sa kwarto.
Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang umalis na siya sa tabi ko. Muntikan
na nga akong atakihin sa puso. Ang akala ko'y ipagsisigawan na niya sa lahat ang
ginawa namin.
At least, nakalusot kami sa ngayon. At dito nagtatapos ang request sa amin ni
Maddie.
-30
Beep! Beep! Beep!
Halos mapatalon ako sa gulat nang maramdaman kong biglang nag-vibrate ang aking
phone. Nakita sa screen na naka-flash ang pangalan at number ni Hennie. Sumilip ako
sa loob para tingnan kung nandoon siya pero tanging si Reynard lang ang nakita ko.
Saan kaya siya nagsusuot at bakit niya ako tinatawagan? Huwag niyang sabihing
naligaw siya ng daan papunta rito sa villa?
"Hennie? Mabuti napatawag ka? Nasaan ka na ba, ha?"
"Hello, Erald Castell." Isang distorted na boses ang sumagot. Hindi ko tuloy
malaman kung lalaki o babae ang kausap ko. Posible ring pinagti-trip-an ako ng
aming club president. May downloadable kasi na voice changer app kaya baka 'yon ang
ginagamit niya. "Naaalala mo pa ba kami?"
"Hindi mo na ako maloloko, Hennie. Ang mabuti pa, itigil mo na ang kalokohang 'yan
at pumunta ka na rito sa villa ng student council."
Pero mukhang ayaw niyang makinig sa akin.
"Hindi kami invited sa leadership training seminar pero nagpumilit pa rin kaming
pumunta para batiin kayong nandiyan. Kung sakaling nakalimutan mo na kami, kami nga
pala ang K-OS Club."
K-OS Club? 'Yong mga taong hiningan ko ng tulong para manggulo noong club fair?
Totoo bang sila ang tumatawag?
"At bakit n'yo hawak ang phone ni Henrietta?"
"Simple lang: We want to play a game."
-30-

Chapter 15 • Resemblance

ERALD

"GAME? WHAT game?" Nababahala kong tanong sa taong kausap ko. Gusto kong isipin na
pinagti-trip-an lamang ako ni Hennie. Pero mukhang seryoso na sitwasyon. Sino bang
mag-e-expect na magpaparamdam sila rito sa leadership seminar?
"Bibigyan kita ng sampung minuto. Ay, hindi. Pitong minuto para hanapin ang inyong
kasamahan," sagot niya. "Kapag hindi n'yo siya nahanap sa time limit na 'yon,
magpaalam na kayo sa kanya. Ha-ha-ha-ha!"
"Te-Teka! Se-Seryoso ba kayo? Ang akala ko ba gusto mo lang maglaro?"
"Oo, pero walang thrill kung walang mabigat na kapalit kapag natalo kayo, 'di ba?
Ha-ha-ha-ha!"
Napakuyom ang mga kamao ko habang pinapakinggan ang nakakairita niyang tawa. Kapag
nakita ko ang lalaking 'to, sisiguruhin kong mapupuno ng black eye ang kanyang
mukha. I swear.
"Pwede pa tayong mag-usap pero baka maubusan na kayo ng oras. Good luck, number one
codebreaker," sabi niya bago ibaba ang tawag.
Kainis! Bakit may biglang susulpot at aagaw sa papel ko bilang kontrabida!
"Anong problema, Erald? Bakit parang pinagbagsakan ka ng langit at lupa riyan?"
Kakalabas pa lang ni Reynard mula sa kwarto kung saan nagdiriwang ang ibang
student-leaders para sa president at vice president. Mabuti siguro kung sabihin ko
sa kanya ang mensahe ng taga-K-OS Club. Ayaw kong humingi ng tulong sa kanya pero
dahil may time limit, kailangan kong gamitin ang resources na available.
"Reynard, naaalala mo pa ba ang K-OS Club na nanggulo noong club fair?"
"'Yong unofficial club na hiningan mo ng tulong para i-set-up ang bomb scare sa
school?"
"Oo, sila nga. Ngayon, may plano na naman-"
Bigla akong napahinto sa pagsasalita at nanlaki ang mga nakatitig kong mata sa
kanya. Pa-Paano niya nalaman ang tungkol doon? Ang alam ko, wala akong pinagsabihan
na kahit sinuman.
"Sabi ko na nga ba," napangisi siya habang nakapamulsang lumapit sa kinatatayuan
ko. "Noong una pa lang, duda na ako sa mga pangyayari noon. Ang pagpapadala ng
pekeng bomba sa Chemistry Society booth, ang biglang pag-eksena ng SOS Club at ang
pagpapakitang-gilas mo sa gano'n kadelikadong sitwasyon-nanghinala na akong may
kinalaman ka sa nangyari."
Gusto ko sanang magpaliwanag sa kanya kung bakit ko nagawa 'yon pero unti-unting
nauubos ang oras namin. "Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa bomb scare
incident. Ngayon, kailangan ko ang tulong mo. Kinidnap yata nila si Hennie at
binigyan nila tayo ng pitong minuto para hanapin siya... kundi may masamang
mangyayari kay Miss President!"
Biglang nawala ang ngiti sa kanyang labi at napalitan ng seryosong ekspresyon ang
kanyang mukha. "Kung gano'n, nandito sila sa leadership training seminar? Pero
paanong..."
"Hanapin muna natin si Hennie bago natin alamin kung sino sa mga nag-attend ang
posibleng konektado sa grupong 'yon."
"May ibinigay ba silang clue?"
Umiling ako sabay haplos sa aking baba. "Basta sinabi nila na may pitong minuto
tayo para hanapin si Hennie. Kapag pumatak na 'yon sa zero, hindi natin alam kung
anong posibleng mangyari sa kanya."
Napahawak si Reynard sa bridge ng kanyang salamin. "Baka isa na naman itong prank
gaya ng ginawa nila sa bomb scare incident? 'Di ba hindi naman talaga tunay na
bomba ang ipinadala nila?"
"Prank man ito o hindi, mas mabuti nang makasiguro tayo. Personal nila akong
tinawagan para sa larong ito at ramdam ko sa boses ng kumausap sa akin na seryoso
sila."
Sumilip ako sa oras ng aking phone. Dalawang minuto na ang nakalipas mula nang
tumawag ang taga-K-OS Club.
"Baka pwede nating gamiting clue ang time limit." Nagkrus ang mga braso ni Reynard
habang nakatitig pa rin sa akin. "Bakit sila magse-set ng countdown hanggang sa
matagpuan natin si Hennie? Pwede naman kasing wala ang factor na 'yon para sa
larong ito."
"Paano kung may bombang naka-strap kay Hennie at may pitong minuto na lamang ito
bago sumabog?" Medyo over-the-top ang ideyang 'yon pero ang K-OS Club kasi ang
involved rito. Nagawa nga nilang takutin ang buong school gamit ang pekeng bomba.
Baka kailangan kong mag-isip tulad nila. Dahil isa akong self-proclaimed
antagonist, posibleng pareho kami ng line of thinking ng taga-K-OS Club. Kung ako
ang dudukot kay Hennie, saan ko siya dadalhin sa loob mismo ng ecopark? Sa
pagkakaalam ko kasi, hindi basta-basta makakalabas ang sinuman hangga't walang
clearance mula sa organizers ng event kaya mataas ang tsansang nandito pa sila.
Kung ako ang nasa posisyon nila, bakit bibigyan ko ng time limit ang paghahanap sa
nawawalang babae? Kapag ba naubos ang oras, talaga ngang may mangyayaring masama
kay Hennie? Saang lugar sa ecopark na 'to applicable ang gano'ng kondisyon?
Habang lumilipas ang bawat segundo, lalong nalalagay sa peligro ang buhay ni Miss
President. Saan kaya siya pwedeng dalhin para-
"Swimming pool."
Napalingon ako kay Reynard na biglang kumibo matapos ang ilang minuto ng pag-iisip.
"Anong swimming pool?"
"Habang naglilibot kayo ni Hennie kaninang umaga, pinag-aralan ko ang mapa ng
ecopark," paliwanag niya. "May off-limits na lugar dito na binabantayan ng CCTV
cameras kaya kung merong magtatangkang pumunta roon, maaalertuhan ang staff. Dahil
wala pang report mula sa kanila, posibleng wala sa off-limits na areas ang
hinahanap natin."
"At paano napasok ang swimming pool sa deductions mo?"
"Natatandaan mo pa ba kanina noong hinihintay nating lumabas ang student council
president para dukutin siya? May swimming pool na walang lamang tubig. Pwedeng doon
inilagay ng mga taga-K-OS Club si Hennie at sinimulang punuan ng tubig. 'Yon siguro
ang dahilan kung bakit binigyan ng time limit. Kapag lumipas ang pitong minuto,
maabot na ang level kung saan malulunod na siya."
"Aasa ako sa deduction mo, Reynard!" Hindi ako mapaniwalang sasabihin ko 'yon sa
kanya. He's probably the last person I would depend on this world. But because time
is of the essence, kailangan kong i-set aside ang personal na nararamdaman ko laban
sa kanya. "Pakisabi sa student council na dinukot si Hennie at baka kailanganin
niya ng medical attention!"
Kumaripas ako nang takbo palabas ng villa. May sinabi pa si Reynard pero hindi ko
na narinig. Mabilis kong sinilip ang orasan sa phone at napansing dalawang minuto
na lamang ang natitira.
Mabuti't hindi gano'n kalayo ang swimming pool kaya mabilis akong nakarating doon.
May malaking hose na naglalabas ng tubig. Lumapit pa ako nang kaunti at nakitang
nakahiga sa pool si Hennie, nakatali ang kanyang mga kamay at paa. Nakatakip din ng
tape ang kanyang bibig para siguro hindi siya makasigaw at makahingi ng tulong.
Nakalubog na sa tubig ang buong katawan niya at pinipilit ng kanyang ulo na huwag
mababad sa tubig.
Ayaw kong maging bayani pero sa sitwasyong ito, pinairal ko na ang pagiging makatao
ko at hindi na nagdalawang-isip na lumusong sa tubig. Halos maabot na ng level nito
ang tuhod ko. Kahit nahirapan akong maglakad sa tubig, pinilit kong makapunta sa
gitna kung saan halos malunod na si Hennie.
"Miss President!" sigaw ko nang iniangat ko siya at tinanggal ang tape niya sa
bibig at ang pagkakatali ng kanyang mga kamay at paa. Kahit ayaw kong mabasa ang
suot kong damit, wala na akong nagawa nang dumikit sa akin ang basang-basang
katawan niya.
Kahit na mukha siyang payat, nabigatan ako habang binibitbit ang katawan niya
patungo sa gilid ng swimming pool. Saktong dumating si Reynard kasama ang ilang
student leaders. Tinulungan nila akong ihiga si Hennie sa semento. Wala siyang
malay pero may pulso pa siya. Malamig ang kanyang katawan na parang ilang oras
ikinulong sa freezer.
"A-Anong nangyari dito?" tanong ni Andrew na lumapit sa katawan ni Hennie. "Pa-
Paano siya napunta sa pool?"
Umahon muna ako sa swimming pool at ipinalipit ang basa kong damit. Mabuti na lang,
may dala akong extra kundi uuwi ako nang basang-basa. "Habang busy tayo sa
paghahanap kay student council president, dinukot siya ng mga taga-K-OS Club at
dinala rito sa swimming pool para lunurin."
"K-K-OS Club?!" Nagbulungan ang lahat ng mga nasa paligid namin. May mga
pinagsasabi sila pero hindi ko na pinansin.
"Parating na raw dito 'yong doktor ng ecopark," sabi ni Emilia na kakarating pa
lang kasama si Maddie.
"Ayos lang ba siya? Kailangan ba siyang i-CPR?" tanong ni Raizen, may bahid ng pag-
aalala sa kanyang mukha.
Biglang itinutok sa akin ang tingin ng lahat. Teka, teka! Nag-effort na nga akong
sagipin siya tapos ako pa ang gusto n'yong mag-revive sa kanya? At saka wala akong
kaalam-alam sa CPR na 'yan.
Lumuhod si Reynard sa tabi ni Hennie. Iniangat niya nang kaunti ang ulo ng aming
club president at inilapit ang kanyang ulo rito. Pinapakiramdaman niya siguro kung
barado ang airways. Ipinagdikit niya ang kanyang dalawang kamay at ipinatong ang
mga ito sa bandang dibdib. Ilang beses din siyang nagsagawa ng chest compression
bago niya idinikit ang kanyang bibig sa bibig ng walang malay naming kasama.
Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa mapaubo ng tubig si Hennie at dahan-dahan
bumukas ang mga mata niya. Nasa mind palace siguro ni Reynard ang procedure ng
pagsasagawa ng CPR kaya alam niya ang dapat gawin. Sa mga ganitong sitwasyon din
pala nakatutulong ang ipinagmamalaki niyang skill.
"Na-Nasaan ako... A-Anong ginagawa ko rito..." 'Yon ang mga unang salitang
nabulalas ni Hennie. Mahina ang kanyang boses at sobra ang pamumutla ng kanyang
balat.
"Nasa ecopark ka ngayon para sa leadership training seminar. May nagtangkang
lumunod sa 'yo. Hindi mo ba natatandaan?" pagpapaalala ni Reynard.
"Leadership training... seminar? Na-Natuloy pala 'yon... Bakit parang wala akong
matandaan..."
Nanlaki ang mga nakatitig kong mata sa inosente niyang mukha. Ganito rin ang
nangyari matapos ang bomb scare incident. Wala siyang matandaang kahit ano. Posible
kayang nagkaroon na naman siya ng episode ng selective amnesia dahil sa trauma?
Ilang sandali pa ang lumipas, dumating ang doktor na ipinatawag ng mga kasama
namin. Kinuhanan si Hennie ng body temperature at chineck din ang kanyang
heartbeat. Napagpasyahan ng doktor at ng student council na dalhin siya sa
pinakamalapit na ospital para ma-examine siya roon. Tinawagan din ang parents niya
para ma-inform tungkol sa nangyari.
"You need to come with her," sabi sa akin ni Madeleine nang dumating ang
ambulansya.
Sa puntong ito, nakapagpalit na ako ng damit dahil baka mapulmonya ako at sunod na
isugod sa ospital. "Bakit? Kayo dapat na taga-student council ang magbantay sa
kanya."
"But you were the one who saved her. You knew about what that rogue club did to
her. If her parents need an explanation, ikaw ang makakapagbigay ng buong detalye."
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ko't naisipan kong magpakabayani ulit.
Parang napaka-out of character sa tulad kong self-proclaimed villain na sagipin ang
isang babaeng muntik nang malunod. May nabasa akong quote noon na hindi mo raw
kailangan ng kahit anong rason para iligtas ang buhay ng isang tao. Maybe that
applies to this situation, but whatever.
Sa bandang huli, hindi ako nakapalag nang hinila ako ng mga taga-student council
papasok sa ambulansya. Sinubukan kong tumakas pero hinila ako ni Madeleine at
ipina-lock ang pinto. Wala na akong nagawa kundi titigan si Hennie na inihiga sa
isang stretcher at patuloy na tsine-check-upan ng kasama naming attendant sa loob.
Ilang minuto rin ang lumipas bago kami nakarating sa ospital. Ipinaubaya na namin
sa mga nurse ang buhay ni Hennie. Hindi naman siguro siya mamamatay pero baka
nagkaroon ng "side effect" dahil sa pagkakababad niya sa tubig nang ilang minuto.
Pwede ring nagka-trauma siya sa ginawang pagdukot sa kanya.
Somehow, this hospital scene reminded me of what happened four years ago. Isinugod
rin ako sa ospital noon pati ang babaeng tinangka kong sagipin. Sinubukan kong
maging bayani noon pero lalong lumala ang sitwasyon.
Habang hinihintay ang update ng doktor kung kumusta na si Hennie, nagtungo muna ako
sa vending machine sa lobby ng ospital at bumili ng canned coffee. Saktong lumingon
ako sa pasukan ng building nang may masilayan akong pamilyar na mukha ng isang
middle-aged na babae.
Hindi ko na matandaan kung saan ko siya nakita pero alam kong nagkita na kami noon.
Pinilit kong alalahanin kung saan ko unang nasilayan ang mukha niyang puno ng pag-
aalala.
"Excuse me, miss. Dito ba in-admit ang anak ko?" narinig kong tanong niya sa front
desk nurse. Maging ang boses niya, pamilyar din. Saan ko nga ba unang narinig 'yon?
"Ano ho ang pangalan ng anak n'yo?"
"Henrietta de Leon. I'm her mother."
Biglang dumulas mula sa pagkakahawak ko ang canned coffee at napatulala ako sa
kanya.
Diretso ang kanyang tingin nang dumaan siya sa harapan ko. Dala na siguro ng labis
na pag-aalala sa kanyang anak, hindi na niya pinansin ang ibang taong nasa paligid
niya.
Nagkita na kami noon-apat na taon na ang nakakaraan-sa ospital ng papa ko. Tandang-
tanda ko pa ang parehong mukhang puno ng pagkabahala at ang mga mabibilis niyang
yabag patungo sa kwarto ng kanyang anak.
I can't be mistaken. She's the mother of the girl I tried to save back then.
-30-

Chapter 16 • Good Tidings?


ERALD

DIALING...
Tsk. Ano bang ginagawa niya ngayon at bakit hindi niya masagot ang tawag ko? Hindi
pa siya tulog ng ganitong oras kaya nakapagtatakang hindi niya pinipick-up ang
kaniyang phone.
Matapos naming maihatid sa ospital si Hennie kanina, bumalik na kaagad ako sa eco-
park. Kinailangan ko pang mag-ala-ninja para hindi ako makita ni Mrs. De Leon. Alam
kong minsa'y makapal ang mukha ko pero sa pagkakataong 'yon, pinili kong tumakas at
magtago. Wala pa akong mukhang maihaharap sa kaniya.
Ang mas nakakainis, napagastos pa ako upang makapag-commute pabalik.
Nasa labas ako ng Tuknangan Rooms, naglalakad paikot sa puno habang nakadikit sa
tenga ang nag-iinit kong phone. Feeling ko nga, sasabog na 'to sa mukha ko.
"Hello?"
Sa wakas, sumagot din siya!
"Naririnig mo ba ako, pa?" pambungad kong tanong, wala mang hi, hello o good
evening.
"Hindi pa ganon kahina ang pandinig ko. Why are you calling this late?"
"May kailangan akong itanong sa inyo." Inihanda ko na ang sarili ko para ibato 'yon
sa kaniya. "Natatandaan n'yo pa ba 'yong batang iniligtas ko noon, four years ago?"
"'Yong aksidente kung saan nabagok ang ulo ng batang babae?"
Aba, matalas pa pala ang memorya niya. "Siya nga. Alam n'yo pa ba ang pangalan
niya?"
"Matagal-tagal na rin 'yon kaya hindi ako nakasisiguro pero..." ilang segundong
natahimik ang papa ko, akala ko'y nakatulog na siya. "Sa pagkakatanda ko, kakaiba
ang pangalan niya. Marietta?"
"Hindi ba Henrietta?"
"Ah, oo, tama. Henrietta. Henrietta de Leon yata. Bakit mo naitanong?"
Napapikit na lamang ako at naglabas ng isang malalim na buntong-hininga. That
confirmed it.
"Do you know that she's still alive?"
"As far as I know, yes. Bakit?"
"Noong kinausap mo ako noon, ang sabi n'yo mababa na ang tsansang maka-survive
siya. Kaya paano nangyaring buhay pa siya ngayon?"
"Mababa nga ang tsansa, pero hindi ko sinabing mamamatay na siya. After naming
magsagawa ng tests, nagdesisyon ng family niya na dalhin siya sa mas malaking
ospital."
Napakamot tuloy ako ng ulo. "Teka, buhay siya pero hindi n'yo man lang naisip
sabihin sa akin?"
"After I told you about her condition that night, hindi ka na nagtanong ng update
sa kaniya kaya wala akong sinabi. And Madeleine told me to never mention anything
about the girl para matigil na ang kahibangan mo noon."
At nakipagsabwatan pa ang ate ko para ilihim sa akin ang katotohanan? Kahit kailan
talaga, feeling kontrabida siya sa buhay ko.
"Bakit mo biglang naitanong? Ang huling balita ko, naging successful ang operasyon
pero nagkaroon ng problema sa temporal lobe niya. Nakita mo ba ulit ang babaeng
'yon?"
"Hindi ko lang siya nakita. Magkakilala pa kami at magkasama sa isang club," sagot
ko. "Salamat sa confirmation, makakatulog na ako nang mahimbing."
May pahabol na hirit pa si papa pero binabaan ko na siya. Nakuha ko na rin naman
ang gusto ko.
"How do you feel now that you've learned of the truth?"
Dahil araw-araw kaming magkasama sa bahay, kilala ko na kung sino ang nagsalita sa
likuran ko. Ang mapagmataas na tono ng pananalita pati ang accent niya-walang iba
kundi si Maddie.
"You knew it all along." Dahan-dahan akong humarap sa ate kong nakasandal sa isang
lamp post. Nakakrus pa ang mga braso niya habang nakatitig ang mga mata sa akin.
"Kaya ba sinabi mo noong isang araw na mapaglaro ang tadhana? Dahil alam mong
magkasama kaming dalawa sa SOS?"
"Do you really think I saved your club from dissolution just because you prevented
a bomb scare?" Nakangisi siyang naglakad patungo sa akin, nagba-bounce ang kaniyang
naka-perm na buhok sa bawat hakbang niya. "Nang makita ko ang pangalan n'yong
dalawa sa member list, na-realize kong kailangan mo nang malaman ang katotohanan."
"Salamat. Sobrang na-appreciate ko ang concern mo." Napairap ako sa ibang
direksyon. Ginamit pa talaga niya ang kaniyang kapangyarihan bilang miyembro ng
student council para pag-trip-an ako. "Pero mas na-appreciate ko pa sana kung hindi
na tayo naglaro ng isang charade."
"Sabi mo nga kanina sa hall, you are the number one codebreaker." Hindi pa rin
nawawala ang ngiti sa mga labi ni Maddie. "Henrietta's the code, and it is your job
to decode her. Kung hindi pa nangyari 'to, hindi mo pa malalaman ang katotohanan. I
don't know if I should thank the K-OS Club."
"Henrietta's not a code that you can use to watch me dance!" napalakas ang boses ko
dahil sa pagkairita. Nagkatitigan lamang kami nang wala siyang naisagot sa akin.
Sumakto ang tunog ng mga kuliglig para sa dead air.
"It's already late. You should rest now. Maaga pa ang session bukas."
"No need to remind me." Naglakad na ako pabalik sa Tuknangan Rooms at iniwan ang
kapatid ko sa may poste.
Nadatnan kong gising pa si Reynard at nagbabasa ng libro sa kuwarto namin. Hanggang
dito ba naman, pagbabasa pa rin ang inaatupag niya?
Humiga na ako sa lower bed ng doubledeck. Dahil wala na si Hennie rito, solo ko na
ang isa sa mga kama kaya hindi ko na kailangang maki-share kay apat na mata.
Napatulala na lamang ako sa taas. Masyadong maraming nangyari ngayon araw at
nasobrahan na yata ako sa mga rebelasyon.
Tama si Maddie, mukhang kailangan ko na ngang matulog.
"Erald, gising ka pa ba?" Narinig ko ang tunog ng pagsara ng libro ni Reynard.
"Tulog na ako. Naka-autoresponder na lang ako ngayon," sagot ko. Baka marami rin
siyang iniisip kaya hindi siya makatulog.
"Noong kinontrata mo ang K-OS Club para sa bomb scare, meron ka bang nakuhang hint
tungkol sa kanila?"
Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga at humarap sa aking kasama. Nabanggit na naman
niya ang tungkol sa K-OS. Gusto ko sanang itanong kung paano niya nalamang hinire
ko sila pero naunahan na naman niya ako.
"Nakaharap mo ba sila? O nakausap man lang?"
"Dinial ko lang ang number na ipinost nila sa bulletin board. Sinagot ako ng isang
lalaking parang nakasinghot ng helium kaya tunog pambata ang boses."
"Voice changer, huh?"
Nanliit ang mga mata kong nakatingin sa kaniya. "Bakit ka biglang naging interesado
sa kanila?"
"Inilagay nila sa panganib ang buhay ni Miss President. Kaya bilang mga kasama niya
sa club, dapat nating alamin kung sino ang nasa likod nito."
Muli akong napahiga at iniunat ang mga braso at binti ko. "Ang alam ko lang sa
ngayon ay kasama siya sa mga inimbitahan ng student council para sa leadership
training na 'to. Siguradong may list ng attendee ang mga organizer. Ang kailangan
lang natin gawin ay i-narrow down 'yon."
Unti-unting bumigat ang mga talukap ng aking mata. Sinubukan kong labanan dahil may
gusto pa akong sabihin.
Ngunit tuluyan nang nandilim ang paningin ko.
* * *
Ilang araw ko ring hindi nakita si Hennie sa clubroom. Ayon sa tsismis, napulmonya
raw siya noong leadership training seminar kaya kinailangan niya munang magpahinga.
Na-solo ko nga ang aming headquarters-lalo na kapag hindi tumatambay roon si
Reynard-pero parang may kulang. Parang nawalan ng sigla ang club dahil wala ang
aming president.
Pagdating ko sa clubroom ngayong araw, parang naaninag ko si Hennie sa kaniyang
usual spot, hawak-hawak ang kaniyang camera habang nagsusulat sa journal.
Bahagyang kumurba ang mga labi ko. Oops, teka! Hindi ako pwedeng ngumiti. Out of
character 'yon para sa akin. Dapat 'yong normal face ang ipakita ko sa kaniya.
"Good morning, Erald!" Kahit nakakairita minsan ang sobrang energetic niyang boses
at ang pa-singsong na banggit niya sa pangalan ko, na-miss ko rin ito ng mga
nagdaang araw.
"Good morning," walang gana kong bati sa kaniya kasabay ng pagkaway ng kanang kamay
ko. Hinila ko ang isang monobloc chair, ipinatong sa kabila ang aking bag at umupo.
Nang iniangat ko ang aking tingin, nagulat ako nang bigla siyang nawala sa paningin
ko.
Minumulto niya na ba ako? Nasa harapan ko lang siya kani-kanina lang! Kinusot ko na
lamang ang mga mata ko dahil baka inaantok o nananaginip pa ako.
"Sinong kausap mo diyan?" narinig ko ang boses ni Reynard kasabay ng pagbukas ng
pinto. Narinig niya siguro ang pagbati ko ng magandang umaga sa isang imaginary
character sa harapan ko.
"Nagpa-practice akong mag-greet ng mga kliyente natin," palusot ko.
Hinila ni Reynard ang monobloc chair sa tabi ko at saka naglabas ng isang libro.
Heto na naman kaming dalawa sa aming usual routine. Kapag wala si Hennie, walang
nangungulit para mag-spark ng conversation sa amin. Kagaya ng mga nagdaang araw,
hindi kami nag-uusap sa clubroom kahit magkatabi lang kami.
Ibang-iba talaga ang atmosphere kapag wala ang club president.
Bale ang gagawin namin dito ay tumambay hanggang mag-ring ang bell para sa
afternoon period. Wala rin kasing naligaw na kliyente kaya wala kaming ibang pag-
aaksayangan ng oras.
TOK! TOK!
Sabay kaming napalingon ni Reynard sa pintuan. Dininig yata bigla ng kalangitan ang
reklamo ko. Hinintay naming bumukas ang pinto o sundan pa ng mga katok.
Ngunit walang naging response. Napilitan tuloy akong tumayo at i-check kung sino
ang kumatok. Pagbukas ko ng pinto, wala akong naaninag ni anino ng tao. Imposible
namang multo ang may gawa nito.
"Huh?" Pinulot ko ang isang package na nakabalot ng Christmas gift wrapper sa
doorstep ng aming clubroom. Kung sinuman ang kumatok, mukhang iniwan niya 'to para
sa amin.
"Ano 'yan, Erald?"
Ini-lock ko ang pinto bago inilipag sa mesa ang package. Merong laman sa loob,
hindi ganon kabigat. Sa mismong pabalat ay nakadikit ang isang Christmas greeting
card. Napaka-weird. Ang layo pa naman ng Pasko.
FROM: 11-1519
TO: 191519
DO NOT OPEN.

"At kanino naman kaya galing ito?" tanong ko habang inaalog ang kahon. Wala naman
akong marinig na tick-tock kaya posibleng hindi bomba ang laman nito. At saka
masyado maliit para sa isang pampasabog.
"Posible kayang isang code ang nakasulat sa greeting card?" tanong ni Reynard nang
siya na ang sumuri sa package.
Posible nga. Walang matinong tao sa mundo ang maglalagay ng serye ng numero sa "To"
at "From" ng isang card maliban na lamang kung may ibang meaning ito.
Tinanggal ko ang card mula sa pagkakadikit sa package. Bakit may hyphen ang number
sa "From" habang dire-diretso ang pagkakasulat ng mga numero sa "To"? Paano kung
ang bawat digit ay nagre-represent ng letter?
Hindi. May twenty six letters sa English alphabet kaya kung one letter per number,
hindi sapat ang 0-9 para ma-represent ang lahat ng letra. Paano kung every two
digits ay may katumbas na letter? Kung ibabase natin sa arrangement ng alphabet,
ang pang-11 na letter ay K, ang pang-15 ay O habang ang pang-19 ay S-
"K-OS!" Nagulat ang kasama ko nang bigla akong mapatayo. Dahil umulit lamang ang
tatlong pares ng number sa "To," hindi ko na kailangang pag-isipan pa kung sino ang
intended recipient ng package:
SOS
Ngumisi ako habang hawak-hawak pa rin ang greeting card. "Mukhang ang package na
ito ay para mismo sa atin."
"Simple substition, tama?" tanong ni Reynard. "Bawat two digits dito ay nagre-
represent ng isang letter. Kung gagawin nating basis ang arrangement ng letters sa
English alphabet, made-decode natin ang message."
Mabilis kong pinunit ang Christmas wrapper na bahagyang ikinagulat ng kasama ko.
"Huwag kang mag-alala. Hindi ito isang bomba." Ipinakita ko ang parihabang kahon sa
kaniya. Dahan-dahan kong binuksan ito habang sinisilip ang nasa loob. Baka itong
laman ang booby trapped kaya kailangang mag-ingat.
Nang matanggal ko ang takip ng kahon, bumungad ang isang puting smartphone. Kinuha
ko ito at pinindot ang power button. Nag-on naman pero hanggang sa lock screen lang
na nagre-require ng eight-digit password.
Para saan pa ang pagpapadala nito kung hindi ko rin naman mabo-browse ang laman?
"May iniwan silang note sa loob." Ipinakita ni Reynard ang isang sticky note kung
saan nakasulat ang isang bugtong.
Water, Earth, Fire and Air? You know these four.
If you don't know their origins, you can't make a score!
Wanna find the answer? Swim across the Rhine River
Pray to the Norse goddess Freyja as you dive deeper
Emerge from the depths in Yterrby, Sweden once you are sober
Pray to the Greek Goddess of the Moon to guide you forever
Sa likod ng sticky note, nakasulat ang isang phone number na kailangan daw naming
tawagan kapag na-access na ang phone.
-30-

Chapter 17 • Grand Game

ERALD
Water, Earth, Fire and Air? You know these four.
If you don't know their origins, you can't make a score!
Wanna find the answer? Swim across the Rhine River
Pray to the Norse goddess Freyja as you dive deeper
Emerge from the depths in Yterrby, Sweden once you are sober
Pray to the Greek Goddess of the Moon to guide you forever
NAPAKAMOT NA lamang ako ng ulo habang paulit-ulit na binabasa ni Reynard ang bawat
linya. Hinahamon talaga kami ng mga taga-K-OS Club, ah. Hindi ko alam kung bored
sila o kung gusto nilang makipaglaro pero never ko silang uurungan.
"Katulad ng intro sa Avatar ang unang linya," komento ni Reynard sabay underline sa
Water, Earth, Fire at Air. "Ito 'yong apat na elementong kaya niyang i-bend."
Kung tutuusin, pwedeng hindi na namin pansinin ang code na 'to at mas pagtuonan ng
pansin ang ibang bagay. Pero kung gagawin namin 'yon, parang sinabi na rin namin sa
K-OS Club na hindi namin kayang tanggapin ang hamon nila.
Kumuha ako ng highlighter pen at ini-highlight ang mga salitang sa tingin ko'y
clue. "May dalawang lugar at dalawang Goddess na nabanggit sa clue na 'to. Baka
'yon ang kailangan nating i-consider para ma-crack ang message."
Kaunti lang ang alam ko pagdating sa Greek at Norse mythology kaya nasa
disadvantage ako. Pero baka matulungan kami ng ipinagmamayabang na mind palace ni
Reynard. Dahil kung hindi, ihahampas ko sa kaniya ang smartphone na bigay ng K-OS
Club.
"Nagbabasa ka ba ng mga mythology at may alam ka ba sa geography?" tanong ko. "Sa
ganitong sitwasyon, ang mind palace mo lamang ang maaasahan natin."
"Hindi ganon kalawakan ang kaalaman ko sa mga area na 'yan," sagot niya. "Pero
nagkakamali ka kung iniisip mong tungkol doon ang code na 'to."
"O sige nga! Pakitaan mo ako!" Sumandal ako sa upuan at ipinagkrus ang mga braso
habang nakangising pinagmamasdan si apat na mata. Saan kaya siya humuhugot ng
kayabangan? Galing ba sa mind palace niya?
Kumuha siya ng bolpen at itinapat ito sa sticky note. "Sa unang linya, nabanggit
niya ang apat na elemento. Sa sumunod na linya, sinabi niyang dapat alam natin ang
pinagmulan ng mga 'yon para ma-decode natin."
Tahimik lamang akong nakamasid sa kaniya at hinayaan siyang magpaliwanag. Sabi nga
nila, huwag mong guluhin ang kalaban kapag gumagawa siya ng kamalian.
"Kung pagsasamahin mo ang clue sa unang dalawang linya, ang makukuha mong hint ay
origin ng mga element."
"So aalamin natin kung saan nagmula ang tubig, lupa, apoy at hangin?"
Umiling si Reynard. "Sa tingin ko, ang tinutukoy na elements dito ay ang mga
nakatala sa periodic table. At ang mga kasunod na linya ay clues para malaman kung
aling elements ang tinutukoy nila. Dahil isa ang chemistry sa mga favorite subject
ko, nakapagbasa ako ng ilang impormasyon tungkol sa elements at karamihan sa mga
'yon ay naka-store sa mind palace ko."
Heto na naman siya sa pinagmamalaki niyang alas. Bakit niya kailangang i-save sa
kaniyang mind palace ang mga nabasa niya tungkol sa elements? Ano, para may pang-
trivia siya sa Chemistry Week?
"Alam mo bang galing sa Rhine River ang pangalan ng element na Rhenium?"
Kung alam ko, e 'di sana ako na mismo ang nag-decode nito. Isinulat niya ang "re"
sa dulo ng ikatlong linya.
"Ang Norse goddess Freyja na nabanggit dito ay tumutukoy sa isa pa niyang pangalan-
Vanadis-kung saan ipinangalan ang element na Vanadium," paliwanag ni Reynard sabay
sulat sa letrang "V".
"Isinunod naman sa lugar na Ytterby, Sweden ang pangalan ng Erbium." Isinulat niya
ang letrang "Er" sa dulo ng ikalimang linya.
"At ang tinutukoy na Greek Goddess of Moon ay si Selene, na ginawang basehan sa
pangalan ng element na Selenium. Kung pagsasamahin natin sila, makukuha natin ang
'Re-V-Er-Se.' Reverse."
Bigla akong natawa. "Paano naging Reverse ang password kung digits ang hinihingi ng
lock screen?"
"Kung numbers ang nire-require, baka ang atomic number ng bawat element ang
password. 75-23-68-34. Subukan mong i-type."
Oo na, hindi mo na ako kailangang pagsabihan pa. In-input ko ang mga numerong
nabanggit niya. Nang pindutin ko ang "Enter," na-access ko na ang homescreen ng
smartphone.
"See?"
Tsk. May advantage lang siya dahil may mga nakaimbak na basura doon sa mind palace
niya. Kung nagbasa-basa rin ako ng Chemistry book namin, baka ako pa mismo ang
nakapag-crack nito.
"Ano nang gagawin natin?"
"Tatawagan ang number na ibinigay sa atin."
Idinial ko ang nakasulat na number sa likod ng sticky note at hinayaan itong mag-
ring. Pinindot ko rin ang loudspeaker button at inilagay ito sa mesa para marinig
naming dalawa ang boses ng sasagot.
"Greetings, SOS Club. Hindi ko inakalang ganito n'yo kabilis maso-solve ang
passcode ng smartphone na hawak n'yo ngayon."
Boses bata ang naririnig namin. Malamang gumamit siya ng voice changer app.
"Pero huwag muna kayong magsaya dahil nagsisimula pa lamang ang laro natin."
"Laro? Anong klaseng laro?"
"Gusto naming subukan kung gaano kayo kagaling sa pag-decode at pag-deduce sa mga
sorpresang inhanda namin sa inyo."
"Pasensya na pero wala kaming panahon para makipaglaro sa inyo," pabalang kong
sagot kaya napatingin tuloy sa akin si Reynard. "Hindi naman sa inuurungan namin
ang pipitsuging club n'yo pero may ibang bagay pa kaming dapat pagtuonan ng
pansin."
"Magagawa n'yo bang ipagsawalang-bahala ang banta namin kung may mga buhay na
nakataya? Alam n'yo naman siguro ano ang kaya naming gawin. Nasampolan na nga kayo
noong leadership training seminar."
"Anong ibig mong sabihin? Baka sinasabi mo lang 'yan para makipaglaro kami sa iyo."
"Hehehehe~ Nasa inyo kung papatulan n'yo ang hamon ko. Pero walang sisihan kapag
may nangyaring masama sa isang schoolmate n'yo."
"Mas mabuti kung papakinggan natin ang gusto niyang sabihin," payo ni Reynard,
mukhang sineseryoso niya ang banta ng mokong na kausap namin. Kung sa bagay, mas
mabuti nang makasiguro. Wala namang mawawala kung papakinggan namin ang sasabihin
ng taga-K-OS Club na 'to.
"Fine, we will bite."
"Anumang sandali mula ngayon, magkakaroon ng eksena sa rooftop. Ano sa tingin n'yo
ang gagawin ng isang suicidal na babae kapag nakatanggap siya ng rejection letter
mula sa kaniyang boyfriend?"
"Hindi naman masyadong obvious ang sagot sa tanong mo. Baka magpakamatay ang
babae."
"Tama. Kaya para sa susunod kong hamon sa inyo, kailangan n'yong mapigilan ang
babae mula sa pagpapakamatay. Merong kopya ng tulang isinulat ng lalaki sa hawak
n'yong phone, baka makatulong para hindi matuloy ang balak niyang gawin."
Paano niya nalamang may mangyayari ngang ganon? Nakikita ba niya ang future para
ma-predict n may magtatangkang magpakamatay?
"Tatawagan ko kayo kapag na-solve n'yo na ang problema. Good luck sa inyo, SOS.
Hahahahaha!"
"Teka, may tanong pa-"
At binabaan na niya ako ng tawag. Wala ring silbi kung tatawagan ko ulit siya. Baka
hindi niya rin sagutin.
"Ang sabi niya, may naka-save na kopya diyan ng tula para sa babae. Para pwede
nating tingnan?" itinuro ni Reynard ang hawak kong phone.
Dumiretso ako sa gallery. Walang halos laman ito kaya kaagad kong nakita ang isang
photo ng tula.
Someday I will leave your side
Don't believe me when I say that
Rest assured, my feelings for you remain pure
As these emotions may have become burden.
Would you rather be with me?
Knowing that my heart can lie
Can't make it subside
An emotion I never felt before.
Because of you, I began to feel
Desperation to leave you hanging
And you'll never hear me utter my
Everlasting "I love you."
-Romeo Romero
TRAGEDY OF TWO
"Okay, can you explain kung bakit magpapakamatay ang isang babae kapag nabasa niya
ito?" tanong ko.
Nagpukol ng nagtatakang tingin sa akin si Reynard na parang may nagawa akong
kasalanan.
"Naranasan mo na bang ma-in-love, Erald?" tanong niya. Medyo masagwang pakinggan na
siya pa ang nagtanong sa akin noon.
"Technically, hindi. Usually hanggang crush lang ako. Pero teka, bakit napunta sa
lovelife ko ang usapan?"
"Compared kasi sa 'yo, hindi ganon katigas ang puso ng ibang tao," banat ni
Reynard. "Sabi nga ng caller, may suicidal tendecies ang babae kaya hindi malabong
maisip niyang magpakamatay. May mga taong manhid na katulad mo. May mga taong
madaling masaktan."
Pasensya na sa pagiging manhid, ah? Ayaw ko kasing ma-distract ako ng kalokohan
gaya ng pag-ibig. Marinig ko pa lang nga ang salitang 'yon, nangingilabot na ako.
Bago pa niya ako gisahin sa hot seat, tumayo ako't sumilip sa pinto. May mga
estudyanteng naglupong-lupong sa open area, nakatingala na parang may bumababang
anghel sa langit.
"Mukhang nagsimula na ang shooting." Grabe, saktong-sakto ang timing ng suicide
attempt na 'to, ah.
Lumabas kami sa clubroom at nagmadaling umakyat patungong rooftop. Salamat sa mga
estudyanteng parang naglalakad sa buwan sa sobrang bagal, parang na-traffic na rin
kami sa daan.
Pagtuntong namin sa rooftop, may isang babaeng nakatayo pinakadulo at nakayuko.
Pilit siyang inaawat ng mga teacher at mga estudyanteng akala nila'y may magagawa
pa.
"Miss, bumalik ka na rito! Masyadong delikado diyan!"
Thank you, Captain Obvious. Hindi naman halatang ganon kadelikado ang pagtayo sa
edge ng rooftop.
"Hi-hindi ako aalis dito! He doesn't love me anymore! Siya na lang nga ang
nagpapasaya sa akin tapos mawawala pa siya sa tabi ko? I'd rather die than see
another day!"
Naku, ang drama mo, ate. Kung audition ito para sa isang pelikula, malamang nakuha
ka na sa pagtulo ng mga luha mo. Nakakainis na minsan ang pagiging madrama n'yo.
Dahil hamon ito ng K-OS Club, napaisip ako kung paano namin maliligtas ang babae.
Kung sa mga teacher nga, ayaw niyang makinig, sa amin pa kayang mga hindi niya
kilala.
Napahaplos sa kaniyang baba si Reynard. "Hindi ko maintindihan kung bakit
kailangang banggitin ng caller ang tulang natanggap ng babae mula sa kaniyang
boyfriend."
"Backgrounder ang tulang 'to para alam natin kung ano ang pinanghuhugutan ni ate,"
sagot ko.
"Kahit hindi na ipakita sa atin ang tula, wala ring magbabago sa sitwasyon. Hindi
natin basta-basta makukumbinse ang babae na umalis sa kinatatayuan niya... maliban
na lang kung may nakatagong mensahe doon sa tula."
May punto nga naman si apat na mata. Para saan pa ang tulang 'to kung hindi rin
namin magagamit sa pag-solve sa problema? Posible kayang may magic word na nakatago
sa mga linya at tugma na kapag sinabi namin kay ate, magbabago ang isip niya?
Muli kong inilabas ang smartphone at pinindot ang mga numero sa lockscreen.
Pagpindot ko sa huling digit, bigla akong napatigil at unti-unting nanlaki ang mga
mata ko.
Ang password ng phone na 'to na base sa atomic numbers... kapag nai-convert mo sa
elements na nire-represent nila, mabubuo ang salitang ReVErSe. Pabaligtad!
Madali kong binuksan ulit ang photo ng tula, nakisilip na rin si Reynard sa akin.
Kung babasahin mo siya sa nakagawiang paraan, maiisip mo ngang nakikipaghiwalay na
ang lalaki. Pero kung babasahin mo siya ng pabaligtad...
TRAGEDY OF TWO
Romeo Romero
Everlasting "I love you."
And you'll never hear me utter my
Desperation to leave you hanging
Because of you, I began to feel
An emotion I never felt before.
Can't make it subside
Knowing that my heart can lie
Would you rather be with me?
As these emotions may have become burden
Rest assured, my feelings for you remain pure
Don't believe me when I say that
Someday I will leave your side
Bingo!
"Mukhang pareho tayo ng iniisip," komento ni Reynard. Ewan kung paano niya nalaman
ang iniisip ko
"Meron na akong nabasang mga tula na isinulat sa ganitong format," paliwanag ni
Reynard. "Ang pinaka-recent siguro ay 'yong tula ni Juan Miguel Severo. Mahal kita
hindi kita iiwan. Kapag binasa mo nang pabaligtad, 'Iiwan kita hindi kita mahal'.
'Yon din siguro ang ginamit na technique ng writer."
"Please, pag-usapan natin ito, miss! Huwag kang tumalon!"
"Para saan pa? E hindi na niya ako mahal!"
"Ehem! Ehem!" Sinadya kong lakasin ang pagtanggal ng nakabarang invisible na plema
sa lalamunan. Lahat sila'y natahimik at napatingin sa akin. Parang nasa spotlight
na naman ako.
"Mas mabuti pa kung ititigil mo na ang drama, miss," sabi ko.
"A-Anong drama?" pasinghot-singhot niyang sagot sa akin. "Sa tingin mo ba ginagawa
ko 'to para magpapansin sa inyo?"
"E para saan pa nga ba?" tugon ko. "Huwag mong sayangin ang buhay mo dahil sa
kakitiran ng utak mo at pagkalulong mo diyan sa pesteng pag-ibig na 'yan-"
Tinapik ako sa balikat ni Reynard at hinarangan ako mula sa mga manonood. Hoy, oras
ko 'to para magpasikat! Bakit bigla kang eeksena diyan?
"Miss, nasa iyo pa ba ang kopya ng tulang isinulat para sa 'yo ng boyfriend mo?"
Tumango ang maluha-luhang babae sabay labas ng kapirasong papel. Pinampunas pa niya
ito ng kaniyang mga luha.
"Nagkaroon ka lang ng misunderstanding sa message na nasa sulat," malumanay na sabi
ni Reynard.
"Mi-Misunderstanding? Paano misunderstanding e malinaw sa mga salitang ginamit niya
na hindi na niya ako mahal at gusto na niyang humiwalay sa akin!"
"Sa unang tingin, talagang maiisip mong ganon ang gusto niyang ipahiwatig sa 'yo.
Pero kung babasahin mo siya nang pabaligtad, meron pang isang message na nakatago
rito."
Pasinghot-singhot na binasa ng babae ang sariling kopya ng tula. Nang matapos siya,
bigla siyang napatingin palayo at lalong naiyak.
Madaling nilapitan siya ng mga teacher at inialis siya sa gilid ng rooftop. Dumagsa
rin ang mga kaklase niyang kanina pa concerned sa kaniya.
Sa wakas, natapos na rin ang drama.
Beep! Beep! Beep!
Nag-flash sa screen ng smartphone ang number ng taga-K-OS Club. Lumingon-lingon ako
sa paligid, mabilis na iginagala ang mga mata ko para sa taong may hawak ng
kaniyang phone. Malakas ang kutob ko na nasa paligid lamang siya, nakamasid sa mga
nangyari kaya alam niyang na-solve na ang kaso. Pero sa dami ng tao rito,
nahihirapan akong mahagilap siya.
Tsk. Kainis! Wala na akong magagawa kaya sinagot ko na lamang ang tawag niya.
"Congratulations! Talagang pinapahanga n'yo ako, SOS. Mas naging exciting tuloy ang
laro natin? Hahaha!"
"Wala na bang mas hihirap diyan sa mga hamon mo, ha?" paasar kong sagot. "Bigyan mo
kami ng kaso, 'yong pagpapawisan naman kami. Kahit nakapikit ako, kaya kong i-solve
ang problemang 'to."
"Huwag kang masyadong magmadali, Erald. Appetizer pa lang ang natikman mo. Ihahain
ko na sa 'yo ang main dish. Hahahaha!"
Bring it on! Puro ka satsat e.
"May ipapadala ako ng text message sa inyo. 'Yon ang magsisilbing susunod na clue.
Good luck!"
Pagbaba niya ng tawag, binuksan ko kaagad 'yong inbox. One message received. At ang
laman no'n? Heto:
11,2,5
4,6,4
9,1,3
6,1,1
1,4,2
8,6,5

10,2,1
5,5,1
1,4,2

2,1,2
3,7,6
7,4,7

9,7,1
4,6,4
7,4,2
11,6,5

My God, I hate Math.


-30-

Chapter 18 • The Dark Side

ERALD
MY GOD, I hate math. Talagang chinachallenge ako ng taong 'yon, ah. Kapag nagkita
kami, papakainin ko siya ng numbers.
"Any idea kung anong posibleng ibig sabihn nito?" Ipinakita ko kay Reynard ang mga
number na naka-flash sa phonescreen. Umaasa akong may mahuhugot ulit siya mula sa
kaniyang mind palace para ma-solve namin 'to.
Nahaplos siya sa kaniyang baba, bahagyang nanliit ang mga mata habang nakatitig.
"If we try simple substitution, the answers won't make sense. Kaya baka ibang
klaseng code ang ginamit."
Heto na yata ang tinatawag na main dish ng taga-K-OS Club.
"Sa tingin ko, ang bawat set ng tatlong numbers ay katumbas ng isang letter.
Nakagrupo ang mga ito sa apat kaya malamang may apat na salita."
"Kailangan ba nating ipag-add or subtract ang mga number para makuha ang sagot?"
tanong ko. "Baka may kailangan tayong gawin sa bawat set?"
"Hindi ko pa na-try ang lahat ng mathematical operation dahil masyadong time
consuming," tugon ni Reynard. "Pero speaking of Math, parang pamilyar ang format ng
pagkakasulat nila."
Tumaas ang kaliwa kong kilay. "Anong format?"
"Sa pagpa-plot ng coordinates sa Cartesian plane."
"Ano, kailangan pa nating gumamit ng graphing paper? At saka tingnan mo, tatlo ang
numbers sa bawat row. 'Di ba x at y axis lang ang pina-plot doon?"
"Wala bang ibang clue na iniwan ang taong 'yon? Kagaya sa tula kanina, nagamit
nating hint ang sagot sa lockscreen ng smartphone."
Binuksan ko ulit ang photo ng tulang muntikan nang maging sanhi ng pagpapakamatay
ng babae kanina. "Wala namang visible clue na isinulat dito."
Inilapit pa ni Reynard sa kaniyang mukha ang phone. "Wala nga sigurong iniwang clue
sa tula dahil ito mismo ang clue."
"Huh? Hindi kita ma-gets."
"May nabasa ako noon tungkol sa book ciphers. Ipapadala ang isang libro at isang
serye ng numero sa taong magde-decode, gaya ng mga clue na ibinigay sa atin.
Nakasulat sa cipher kung pang-ilang page, pang-ilang paragraph, pang-ilang linya at
pang-ilang salita makikita ang bahagi ng secret message."
"Okay, sabihin nating na-gets ko na. Paano 'yan magiging applicable sa code na
ibinigay ng mokong na 'yon?"
"Ang tulang 'yan ang magiging reference natin. Sa tingin ko, ang unang number ay
tumutukoy sa line, ang ikalawa'y sa word habang ang pangatlo'y sa letter. Kunwari,
ang unang letter na sagot ay makikita sa 11th line, 2nd word, 5th letter ng tula.
Kung pagsasamahin natin ang mga letter sa bawat set, makakabuo tayo ng salita."
Kahit labag sa loob ko, sinundan ko ang technique na itinuro ni Reynard. Medyo
nakakahilo at nakakalitong i-trace ang letter L sa second word na "you'll" na nasa
eleventh line. Pinagpatuloy lang namin ang ginawang pagde-decipher hanggang sa
marating ang huling set ng numbers.
LOCKER TWO ONE FOUR
Nagmadali kaming bumaba mula sa rooftop, nilampasan ang mga estudyanteng mababagal
maglakad. Mabuti't pababa kami sa hagdan kaya hindi sumakit ang mga binti namin.
Pagdating sa ground floor, lumiko kami sa kaliwa hanggang marating ang locker room.
"Two-one-four... two-one-four..." bulong ko habang dinadaanan ang mga locker na
nagsisimula sa number two. Sa left side ako naghahanap habang sa right side naman
si Reynard.
"Heto," itinuro ni apat na mata ang locker sa kaniyang banda. Isang lock na may
combination key ang naka-latch dito. Wala mang nakadikit na pangalan sa pinto,
meron namang nakalagay na papel kung saan nakasulat ang mga letrang "K-OS".
"Sana hindi bomba ang laman ng locker na 'yan," sabi ni Reynard nang hinawakan ko
ang lock.
Ang dali naman nito. Mukhang hindi ako pagpapawisan sa pag-unlock ng kandado.
Nang isinet ko ang combination code sa 111519, may narinig akong tunog ng pag-
click! at naalis ang shackle nito. Simpleng substitution ang kailangan. Iko-convert
mo lang ang mga letrang K-OS base sa arrangement nila sa alphabet: 11-15-19. Parang
reverse lang ito ng code sa greeting card kanina.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng locker at sinubukang silipin ang nasa loob
nito. Dahil sa sobrang dilim, wala akong nakita. Nang tuluyan nang bukas ito,
walang laman sa loob maliban sa isang puting envelope.
"Hmm?" Kumunot ang noo ko nang makitang walang nakasulat sa lamang papel nito,
mapaharap o likod. Meron pa itong kasamang karaom na hindi ko alam kung para saan.
"Baka nagkamali siya ng inilagay na papel."
"Kung sinuman ang humahamon sa atin, kalkulado niya ang lahat ng mangyayari.
Metikuloso siya pagdating sa mga detalye kaya sa tingin ko, hindi siya nagkamali
diyan."
"At paano magiging clue ang kapirasong papel? May made-deduce ba tayo kung walang
nakasulat na kahit ano?"
Kinuha ni Reynard ang papel at sinuri ito nang maigi. Kahit anong tingin niya
diyan, wala siyang makukuhang kahit ano. "Maybe there's a hidden message here."
"Paano naging hidden e wala ngang kahit ano?"
"Meron ka bang lighter diyan?" tanong niya.
"Lighter? Para saan?" nagtataka kong tanong. "Oy, balak mo bang sunugin ang papel?"
Basta-basta na lamang siya lumabas ng locker room. Sinundan ko ang mabilis niyang
lakad hanggang may makasalubong kaming lalaki na kakababa lang ng hagdan at
ngumunguya ng bubble gum.
"Excuse me? Pwede ba naming mahiram ang lighter mo?"
"At bakit ko naman ipapahiram sa inyo?" tanong ng random guy.
"Alam mong may rule tayo sa campus na bawal manigarilyo kahit saan. May nakaumbok
na kaha ng sigarilyo diyan sa bulsa mo. Kung hindi mo kami papahiramin, mapipilitan
kaming i-report ka sa guidance office."
"Tsk. Heto na! Basta huwag n'yo akong isusumbong, ha?" Walang nagawa ang lalaki
kundi ipasa kay Reynard ang lighter. Nagmamaktol siyang umalis sa harapan namin.
"Para saan ba 'yang lighter?" Muli na namang naglakad si Reynard papunta sa mas
maliwanag na parte ng hallway.
"May nabasa ako noon tungkol sa invisible ink na pwedeng gamitin para itago ang
mensahe mo. Pwede kang gumamit ng mixture ng lemon juice at tubig. Pwede ring
gatas. Isasawsaw mo ang cotton bud o paint brush na gagamitin mong panulat sa
puting papel."
Galing na naman siguro sa mind palace niya ang impormasyong 'yon. At least
nakakatulong sa amin ang mga random na bagay na alam niya. Pero may tanong ako.
"Bale kapag natuyo, hindi mo na mababasa kung anuman ang nakasulat sa papel, tama?
E paano mo mababasa 'yon?"
"Dito papasok ang lighter," kinalabit niya ang sparkwheel kaya may umusbong na apoy
sa maliit na fire gauge nito. Itinapat niya ang papel sa itaas, may kaunting
distansya para hindi masunog. "Kailangan mo lang painitan ang papel hanggang sa
lumabas ang nakasulat dito."
Pakiramdam ko, parang nagsasagawa kami ng isang science experiment. Ilang segundo
rin ang lumipas bago tuluyang lumitaw ang mga salitang hindi namin nabasa kanina.
RESCUE OPERATION COMMENCES!
FAITH BE TESTED IN THE UNGODLY STORAGE.
A DARK ROOM WAITS FOR YOU.
CURIOUS PEOPLE HAVE SPOKEN OF FIVE TALES FOR MINUTES .

Heto na naman tayo sa mga bugtong. Nagkatinginan kami ni Reynard, parehong


naguluhan sa gustong ipahatid ng susunod na challenge.
"Ano sa tingin mo ang sagot diyan?" tanong ko.
"It makes sense but at the same time, it does not." Napahawak siya sa bridge ng
kaniyang salamin, saktong nagliwanag ang mga lente nito. "May nakatago rin sigurong
message kaya hindi dapat natin i-interpret sa face value nito."
Tinitigan namin pareho ang nakasulat sa papel, paulit-ulit na binabalikan ang mga
salita. Kung kukunin mo ang first word ng bawat sentence, wala kang mabubuong
thought na may sense. Kung ang last word naman, nonsense din ang kalalabasan.
"First word, then every third," bulong ni Reynard.
"Huh? Anong sabi mo?"
"Isa itong skip code," paliwanag niya. "Babasahin mo ang una at saka 'yong bawat
ikatlong salita."
Kung susundin ko ang sinabi niya, ang lalabas na message ay...
RESCUE operation commences!

FAITH be tested IN the ungodly STORAGE.a dark ROOM waits for YOU.
curious people HAVE spoken of FIVE tales for MINUTES .

"Rescue faith in storage room, you have five minutes?" Iniangat ko ang tingin kay
Reynard. "Bakit natin sasagipiin ang pananalig natin?"
Teka, parang mali. Baka hindi "pananalig" ang ibig niyang sabihin sa "faith." Baka
pangalan 'yon ng tao. At ang kakilala kong estudyanteng may ganong pangalan ay...
"Faith... 'Di ba 'yon ang pangalan ng kliyente natin-"
Hinawakan ko ang magkabilang balikat ni Reynard. Ngayon alam ko na kung sino ang
tinutukoy ng code na 'to! "Nasaan nga kasi 'yong storage room dito?"
"Nasa kabilang wing."
Nagulat na lamang si apat na mata nang kumaripas ako ng takbo. Ang sabi sa code,
meron kaming five minutes. Ganito rin ang ginawa nila noon kay Hennie kaya
kailangan naming seryosohin ang time limit na ibinigay nila.
Tumakbo kami sa pavement ng open area. Pinagtitinginan kami ng mga estudyante,
nagtataka kung bakit parang may tinatakasan kami. May ilan pa nga akong nakabangga
dahil harang-harang sila sa doon. Tss. Magsitabi nga kayo!
Nang makarating kami sa tapat ng Storage Room 1, hinabol muna namin ang aming
hininga. Nang bubuksan ko na ang pinto, napansin kong may naka-latch na padlock.
Kahit anong hila ko, ayaw bumukas!
"Hindi 'yan kagaya ng lock kanina na may combination code," komento ni Reynard.
"Baka kailangan nating tawagin ang janitor."
Saan naman namin mahahagilap ang taong 'yon? Naka-dalawang minuto rin kami sa
pagtakbo mula sa kabilang wing papunta rito. Kulang-kulang tatlong minuto na lamang
bago may mangyaring masama kay Faith.
Wala ring gamit malapit sa amin na pwede kong gamitin para sirain ang lock. Gawa sa
bakal ang pinto kaya hindi tatalab ang ginagawa sa mga pelikula na biglang sisipain
tapos matutumba na.
Ano bang pwede kong gawin?
Lumingon ako sa aking kasama na iginagala ang mga mata sa paligid. "Dala mo pa ba
'yong envelope kanina?"
Tumango siya sabay abot nito. "Bakit?"
Inilabas ko ang karayom at ipinasok sa keyhole ng lock. Pinagpawisan ako habang
isinusuksok ito sa loob. Hindi pa ako ganon kagaling sa lockpicking, pero baka
swertehin ako ngayon. Wala na kaming ibang maaasahan pa kundi ang mga sarili namin.
Click!
Yes! Pagkaalis sa padlock, hinila ko kaagad ang pinto. Salamat sa liwanag mula sa
labas, nakita namin ang laman ng storage room. Nakahandusay sa sahig ang walang
malay na katawan ng isang babae. Sa bandang kanan, merong isang kalan ng uling.
Papasok na sana ako sa loob nang bigla akong hawakan sa braso ni Reynard.
"Bakit?"
"Delikado kung basta-basta ka papasok," sagot niya. "Huminga ka muna ng malalim at
iwasang mong mag-inhale habang nasa loob ka."
"At bakit naman?"
Itinuro niya ang kalan sa loob. "Carbon monoxide poisoning. Ginagamit 'yan noon
bilang paraan ng suicide. Peligroso kung makakalanghap ka niyan."
Gaya ng sinabi niya, huminga ako nang malalim bago tumakbo paloob. Tama nga ang
hinala ko, ang dati kong kaklase na si Faith ang tinutukoy sa code. Binuhat ko siya
sa aking mga braso at nagmadaling lumabas ng storage room.
Nagsimulang maglupong sa paligid ang mga estudyanteng curious sa nangyari.
"Don't worry, buhay pa siya!" sigaw ko. Hinanap ko si Reynard sabay sabing,
"Kailangan natin siyang dalhin sa clinic!"
Nagbigay-daan ang mga estudyante nang itinakbo ko sa clinic ang walang malay na
biktima. Kaagad namang inasikaso ng school nurse si Faith, chineck ang vital signs
niya at inobserbahan ang breathing pattern.
Naghihintay kami ni Reynard sa labas ng clinic nang naramdaman kong nag-vibrate ang
smartphone. One message received.
AUDITORIUM. FIFTH FLOOR.
COME AT ONCE.
COME ALONE.
"Hindi pa ba tapos ang challenge nila?"
Mabilis kong inexit ang binabasa kong text message nang subukang manilip ni
Reynard.
"Mukhang wala na. Nag-congratulate na sila sa atin," palusot ko. Wala namang bakas
ng pagdududa sa kaniyang mukha kaya mukhang naniwala siya. "May pupuntahan lang ako
saglit. Ikaw muna ang bahala rito."
* * *
Gaya ng nakasaad sa text message, mag-isa akong pumunta sa auditorium sa fifth
floor. Madilim. Walang katao-tao. Perpekto para sa isang private meeting na ni-
request ng taga-K-OS Club.
Naging maingat ako sa paglalakad dahil pababa ang sahig. Kinailangan ko pang
gamitin ang flashlight ng phone ko para makita ang aking dinaraan. Ilang rows ng
theater seat ang kinailangan kong lampasan bago nakapunta sa dulo, sa may paanan ng
stage.
At doon ko nakita ang isang naka-hood na nilalang, nakaupo sa isang monobloc chair
sa gitna ng entablado. Inilawan ko ang kaniyang mukha pero dahil nakayuko siya,
hindi ko maaninag kung ano ang itsura niya.
"Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa auditorium din pala ang tuloy." Ibinaba ko ang
flashlight at pinagmasdan ang kausap ko. Ni hindi man gumagalaw. Baka namatay na
siya sa kahihintay sa akin?
"Nagkita na rin tayong dalawa, Erald Castell," bati ng lalaking naka-hoodie. Hindi
na nga robotic ang boses niya, pero parang napaos naman siya. Kung sinabi niya lang
sana sa akin, dinalhan ko siya ng salabat bilang tanda ng pagkakaibigan.
"Mas maa-appreciate ko kung tatanggalin mo 'yang hood mo at haharapin mo ako. Face
to face," hamon ko sa kaniya.
Hindi naman ako nag-joke pero bigla siyang natawa. "Pagpasensyahan mo na ang mga
gimik ko. Hindi ko pwedeng basta-basta ipakita kahit kanino ang mukha ko."
"Panget ka siguro kaya pinili mong magkita tayo sa madilim na lugar," pabiro kong
sagot. "Tama na ang joke time. Bakit mo ba ako ipinatawag dito? At bakit kailangang
mag-isa ako? Balak mo ba akong ipadukot?"
Tumawa siya nang marahan kahit seryoso na ako. "Ang ganyang paraan mo ng pag-iisip
ang dahilan kaya naging mas interesado ako sa 'yo. Huwag kang mag-alala, hindi ako
miyembro ng isang kidnap-for-ransom group. Ang gusto ko lang ay manggulo rito."
"At mukha ngang nag-e-enjoy ka naman. Wala ka sigurong magawa sa buhay kaya
ginagawa mo 'to."
"Aba, bakit nag-iba ang ihip ng hangin? 'Di ba gusto mo ring gumawa ng mga gulo
para bigyan ng thrill ang buhay-estudyante mo? Kaya nga sinubukan mong magtayo ng
Villains Club, tama? Kaso hindi 'yon pinayagan ng Office of Student Affairs."
Nanliit ang mga mata ko habang pinagmamasdan ang hindi niya gumagalaw na katawan.
"Paano mo nalaman ang tungkol doon?"
Tumawa ulit siya bilang sagot. "Baka nakalimutan mong humingi ka ng tulong sa amin
para guluhin ang club fair? Naka-record ang pag-uusap natin noon pati na ang
palitan natin ng messages."
Napalunok ako ng laway. Mukhang alam ko na kung bakit niya ako pinatawagan dito.
"Gusto mong gamitin ang mga 'yon para i-blackmail ako?"
"Gaya ng inaasahan sa 'yo! Nahulaan mo agad kung ano ang intensyon ko."
Hindi ganon kahirap basahin ang iniisip ng mga tulad niya. Basta kasi pagdating sa
kalokohan, number one o two ako diyan. "Magkano ang gusto mo? Para sa ikatatahimik
ng kaluluwa mo?"
"Hindi ko kailangan ng pera, Erald. Ikaw ang kailangan ko."
"Teka, na-in love ka na yata sa akin? Sorry, pero hindi ako pumapatol sa kapwa ko
lalaki."
"Gusto kong sumali ka sa K-OS Club."
Nabura ang ngiti sa mga labi ko. Hinintay ko muna kung may follow-up siyang banat
gaya ng "joke lang! Naniwala ka naman!" Ngunit hindi siya kumibo, mukhang
hinihintay ang sagot ko.
"At bakit ako sasama sa inyo?"
"Ang mga maduduming taktika na ginagamit mo para lutasin ang isang problema, ang
baluktot mong pag-iisip na laging taliwas sa karamihan at ang husay mo pagdating sa
paglutas ng mga bagay-bagay. Nararapat lang na sumali ang isang tulad mo sa amin."
Na-meet ko pala ang lahat ng qualifications nila? Hindi ko alam kung dapat ko 'yong
ikatuwa.
"Nagkakamali ka kung inakala mong gusto lang naming makipaglaro sa club n'yo. Dahil
ang totoo niyan, ang mga hamon na 'yon ay para sa 'yo."
"Kaya pala maging si Faith, dinamay n'yo sa larong ito. Ganon ba ako kaespesyal
kaya ginawa n'yo ang lahat ng 'yon?"
"Nanghihinayang ako na mapupunta ka sa isang pipitsuging club. Mas magiging kapaki-
pakinabang ka sa amin at mag-eenjoy ka pa."
"At paano kung tumanggi ako?"
"Mapipilitan kaming ilabas ang recording ng ating usapan tungkol sa club fair
incident. Naiisip mo ba ang posibleng maging epekto non sa 'yo at sa SOS? Masisira
ang reputasyon ng inyong club at madudungisan pa ang mga pangalan n'yo."
Tsk. Bakit nga ba hindi ako naging maingat noon?
Teka, bakit nga ba ako nagdadalawang-isip na sumali sa kanila? Sabi nga niya,
matagal ko nang pinangarap na magkaroon ng Villains Club, at mukhang K-OS Club ang
tatayong club para sa mga kontrabida.
Tuwang-tuwa ako kapag nagkakaroon ng kaguluhan at pinapanood ang desperasyon sa
mukha ng mga biktima ko. Perfect na perfect talaga ako para sa grupo nila.
Pero bakit ganito? Nagkaroon ako ng agam-agam? Nandito na ang matagal ko nang
inaasam sa high school life ko. Parang magkakaroon na nga ng direksyon ang buhay ko
kapag naging miyembro nila ako.
"Kapag sumali ka sa amin, kailangan mong iwan ang SOS. Mahirap na, baka magkaroon
ng conflict of interest. At gusto naming maging full time ka sa grupo."
"Hindi ba pwedeng both?"
Bakit? Bakit parang ang hirap bitawan ng club na 'yon? Wala naman talaga akong
pakialam sa SOS. Kaya lang ako sumali doon ay para magkaroon ako ng tambayan tuwing
break time namin.
Teka, nakailang "bakit" na ba ako? Ah, basta! Hindi ko in-expect na mahihirapan ako
sa pagpili. Wala akong kahit anong attachment sa club lalo na't hindi pa naman ako
masyadong nagtatagal doon.
"Bibigyan kita ng tatlumpung segundo para magdesisyon."
"Uy, walang ganyanan! Kailangan kong pag-isipang mabuti 'to!" protesta ko ngunit
hindi niya ako pinakinggan.
"Tweny-nine. Twenty-eight. Twenty-seven."
Ugh! Talagang gusto niya akong i-pressure! Kung sanang wala siyang hawak na kahit
anong materyal laban sa akin, madali kong matatanggihan ang offer niya.
At kung sanang walang humihila sa akin para manatili sa SOS, ibibigay ko na kaagad
ang matamis kong "oo" sa kanila.
"Nineteen. Eighteen. Seventeen."
Excitement. Thrill. 'Yon lang naman ang gusto ko sa nakakabagot na buhay na 'to.
Kung wala ang mga rekadong 'yon, putaheng may matabang na lasa ang kalalabasan.
Gusto kong may spices para ganahan akong pumasok araw-araw.
Mukhang nasa harapan ko na mismo ang sagot.
"Nine. Eight. Seven."
"Stop! Hindi mo na kailangang ituloy ang bilang mo."
"Ano, tatanggapin mo ba ang alok naming membership para sa 'yo?"
Huminga ako nang malalim. Sorry, Hennie, pero kailangan kong gawin 'to.
"Ang desisyon ko ay-"
[END OF ACT ONE]

Announcement

Project DECODE is going to be published under FAIRY PUBLISHING HOUSE! Ang ACT ONE o
unang labinwalong kabanata ay maisasalibro na for only ₱190 (shipping fee
excluded).
To know more about the reservation and payment details, please visit the Q.E.D.
Club (Project LOKI) Facebook group or send me a private message here on Wattpad.
Naka-reserve na ang first 400 copies pero ongoing pa ang reservation for the second
batch.
Thank you!

You might also like