You are on page 1of 7

I.

PANIMULA
A. URI NG PANITIKAN
Binubuo ng mahigit kumulang pitumpung kabanata ang nobela ni Amado V. Hernandez
na tumatalakay sa lagay panlipunan at pulitika ng isang bansa. Ang Mga Ibong
Mandaragit ay isang nobelang tauhan kung saan ang mga kaganapan sa nobela ay
umiinog sa isang tauhan, si Mando. Ang nobela ay tumatalakay sa mga pangyayari
humubog sa pagkatao ni Mando at kung paano siya binago ng mga karanasan.
Sinasalamin din ng nobela kung paano naman naapektuhan ng iba pang tauhan si Mando,
mapa-pisikal man, emosyonal, mental at ispiritwal.
Ang nobela ay may temang sosyo-politikal kung saan tinalakay ang kalagayan ng
mamamayan sa lipunan. At kung paano pinamalakad ng nakataas ang kalagayng politikal
at ekonomikal. Isinasaad ang problema ng lipunan mula sa kagipitan, pagkakapantay-
pantay, trabaho, hanggang sa kalayaan at karapatan. Ang mga suliraning ito ay kinatawan
ng iba’t ibang tauhan sa nobela.
Bawat kabanata sa nobela ay tumatalakay sa bawat mahahalagang tauhan na mahalaga rin
ang papel sa pangunahing karakter. Kaparis sa nobela ni Rizal, inilahad ang
pagkakakilanlan ng bawat isa at kung paano nagbigay-kulay sa katauhan ni Mando.
Halimbawa si Tata Matyas, na isang dating sundalong Pilipino, siya ang naging tulay kay
Simoun at Mando ng ikuwento ang katotohan sa yamang itinapon sa dagat.
B. BANSANG PINAGMULAN
PILIPINAS
C. PAGKILALA SA MAY-AKDA
Si Amado Vera Hernández (13 Setyembre 1903 – 24 Marso 1970) ay isang makata at
manunulat sa wikang Tagalog. Kilala rin siya bilang "Manunulat ng mga Manggagawa",
sapagkat isa siyang pinuno ng mga Pilipinong manggagawa at sa kaniyang mga pagpuna
at pagsusuri sa mga kawalan ng katarungang naganap sa Pilipinas noong kaniyang
kapanahunan. Nakulong siya dahil sa pakikipagugnayan niya sa mga kilusang
makakomunista. Siya ang punong tauhan sa isang bukod-tanging kasong panghukuman
na tumagal ng 13 taon bago nagwakas. Noong kaniyang kabinataan, nagsimula na siyang
magsulat sa wikang Tagalog para sa pahayagang Watawat (Flag). Nang lumaon ay
nagsulat siya ng para sa mga Pagkakaisa at naging patnugot ng Mabuhay. Napukaw ng
kaniyang mga sulatin ang pansin ng mga dalubhasa sa wikang Tagalog at ilan sa kaniyang
mga salaysayin at tula ay napabilang sa mga antolohiya, katulad ng Parolang Ginto ni
Clodualdo del Mundo at ng Talaang Bughaw ni Alejandro Abadilla. Noong 1922, sa
gulang na 19, naging kabahagi si Hernandez ng samahan pampanitikan na Aklatang
Bayan na kinabibilang ng mga kilalang manunulat sa Tagalog na sina Lope K.
Santos at Jose Corazon de Jesus.
Sinalaysay ni Hernandez sa kanyang mga akda ang pakikipagsapalaran at pakikibaka ng
mga manggagawang Pilipino. Minsan siyang napiit dahil sa salang sedisyon, at habang
nasa loob ng kulungan, naisulat niya ang "Isang Dipang Langit", ang isa sa mga
mahahalaga niyang tula.
Nakilala rin si Hernandez sa kanyang mga nobelang gaya ng "Ang Ibong Mandaragit", at
"Luha ng Buwaya". Ang ilan sa kanyang maikling kuwento ay natipon sa isang tomo na
pinamagatang "Langaw sa Isang Basong Tubig at Ibang Kuwento". Nagturo din siya sa
Pamantasan ng Pilipinas. Kakikitaan ng diwang makabayan ang marami niyang tula at
nobela: lantad sa mga ito ang makatarungang poot sa pagiging tila isang kolonya ng
Estados Unidos ang kaniyang bansang Pilipinas. Naipakulong siya ni Elpidio
Quirino dahil sa bintang na pagiging mapanghimagsik.

D. LAYUNIN NG AKDA
sa pamamagitan ng mahabang salaysaying ito, hinangad ng may-akda ang pagbabago at
pagaangat ng kalagayan ng lipunan. Naglalahad ito ng katayuan ng pamumuhay at
kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino. Nang sumapit na ang kalagitnaan ng 1944 sa
Pilipinas, humihina na ang puwersang pansandatahan ng Imperyo ng mga Hapones.
Malapit na ang pagkagapi ng mga Hapon sa Asya noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Tinalakay din ng nobela ang kalagayan ng mga mamamayan sa pagdating ng
industriyalisasyong dala ng mga Amerikano sa Pilipinas. Naisalin din ang Mga Ibong
Mandaragit sa mga wikang Ingles at Ruso

II. PAGSUSURING PANG NILALAMAN


A. MGA TAUHAN/ KARAKTER SA AKDA
Si Mando Plaridel
Si Mando “Andoy” Plaridel ang pangunahing tauhan sa nobelang ito. Ang tunay na
pangalan niya ay Alejandro Pamintuan. Ngunit nang sumapi siya sa kilusan ng mga
gerilyero ay ginamit niya ang pangalang Mando. Naging gerilyero si Mando nang
ipagkanulo siya sa mga Hapon ng amo niyang si Don Segundo Montero, isang
mayamang asendero at kolaborador na nakatira sa Look ng Maynila. Dating pinag-aaral
si Andoy ng mangangalakal na si Don Segundo, na ang tanging pasuweldo lamang ay ang
pantustos sa pag-aaral.
Si Don Segundo Montero
Bilang mayamang may-lupa at may pagpapahalaga sa pagpapanatili ng katayuan sa
lipunan – sa panahon man ng kapayapaan o digmaan – nakipagkasunduan si Don
Segundo Montero sa mga bagong mananakop na mga Hapones. Ginamit niya ang
kaniyang pananalapi, mga pag-aaring bagay, mga kamaganak at mga tauhan. Maging ang
anak niyang si Dolly ay ginamit ang kakanyahan bilang babae at ang pamukas na “pag-
ibig” sa pakikisama sa mga Hapon, at nang lumaon, sa mga opisyal na Amerikano rin.

Pastor- ang magbubuklod sa nakaraan at kasalukuyan ni Mando. Ito ang kahalagahan ni


Pastor sa nobela. Mapapansin na ang dating katiwala ay nagpapahalaga sa kanyang mga
kasama. Matigas ang kanyang paninindigan sa katotohanan at kabutihan ang dapat
manaig at hindi ang kawalang hustisya at kasamaan

Puri at Dolly- mapapansin sa dalawa ang dalawang mukha ng mga Pilipina. Isang Maria
Clara na mahinhin ngunit mas matapang pa sa barako katulad ni Puri at si Dolly naman
ay isang Maria Clarang nangingibabaw ang tawag ng laman at pagiging marupok sa pag-
ibig.

B. BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI


Nagsimula ang unang kabanata sa paglubog ng araw sa kagubatan. Narating ni Mando
Plaridel - at ng dalawang pa niyang kasama - ang bahay-kubo ni Tata Matyas na nasa
bulubundukin ng Sierra Madre. Si Tata Matyas ay isang dating rebolusyonaryo na nakibaka
laban sa mga Kastila at Amerikano. Ang mga kasama ni Mando ay sina Karyo at Martin, na
mga kapwa gerilyero rin. Tumakas sila mula sa isang bigong pakikipagtunggali laban sa mga
sundalong Hapones na lumusob sa kampo nila sa Sampitan. May mga tatlo o apat na buwan
na ang nakaraan ng huling dumalaw si Mando sa tirahan ni Tata Matyas. Noong huling
pagbisita ni Mando kay Tata Matyas ay nakapagpalitan sila ng mga usapin hinggil sa kanilang
mga sariling suliranin, at maging tungkol sa simulain nila sa kilusan. Napagusapan din nila
ang Noli Me Tángere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, lalo na ang kinahinatnan ng
kayamanan ni Simoun (ang pangunahing tauhan sa El Filibusterismo) matapos na itapon ang
mga ito ni Padre Florentino (isa pang tauhan sa El Filibusterismo). Ayon kay Tata Matyas,
magagamit sana ang kayaman ni Simoun bilang panustos sa mga pangangailangan ng mga
gerilya. Naniniwala si Tata Matyas na totoo ang mga tauhan sa mga nobela ng bayaning si
Jose Rizal, sapagkat kilala ng kaniyang mag-anak ang tunay na “Padre Florentino”. Kung
bata pa lamang siyang katulad ni Mando ay sisisirin niya ang dagat para hanapin ang
nawawalang kahang-bakal ni Simoun. Naniniwala rin si Tata Matyas na ang lahat ng mga
bayani – bukod pa kina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini – ay dapat na
maging huwaran ng mga mamamayang Pilipino.

Hinanap at natagpuan ni Mando – mula sa karagatan sa may Atimonan - ang kayaman ni


Simoun sa tulong ng mapang ipinagkaloob ni Tata Matyas. Ngunit, sa kabila ng kabutihang
palad na ito, namatay sina Karyo at Martin. Sinalakay si Karyo ng isang pating, samantalang
si Martin naman – dahil sa pagkanais na masarili ang natuklasang kayaman - ay namatay sa
pamamagitan ng mga kamao ni Mando.

Nang matapos ang digmaan ay nagbalik nga ang kapayapaan, ngunit nagbalik din ang mga
dating pamamalakad ng mga mayayaman at maylupa. Kung kaya’t hindi nawala ang paksang
panlipunang iniharap sa pamahalaan, sa mga asendero at sa mangagalakal ng mga samahan
ng mga magsasaka sa bukirin at ng mga manggagawa sa lungsod.

Nangibang-bayan si Mando upang ipagbili ang mga kayaman at nang maging salapi, sapagkat
bago siya umalis ay nagtatag siya ng isang pahayagan, ang Kampilan. Dahil sa kaniyang
paglisan mula sa Pilipinas, ipinagkatiwala niya ang pagpapalakad ng Kampilan kay Magat, na
isa ring dating kagerilyero. Tatakbo ang imprenta sa tulong din ang iba pang dating mga
naging gerilya, katulad nina Tata Matyas, Andres, Rubio, at Dr. Sabio. Si Dr. Sabio naman, na
dating guro, ay nangako kay Mando na paiinamin ang mga bagay na itinuturo sa paaralang
Freedom University (Pamantasan ng Kalayaan), na itinatag din ni Mando, para sa ikabubuti
ng kabataan. Ang huli ay isa rin sa mga tagubilin ni Mando, bago maglakbay sa Europa at
Estados Unidos.
C. KULTURANG MASASALAMIN SA AKDA
Kulturang Amerikano
III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA
Inilahad ang kuwento ng nobela batay sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa
buhay at paglalakbay ni Mando at ng iba pang tauhan. Inumpisahan ito ng umakyat si
Mando sa bundok Sierra Madre nang lusubin ang kanyang sinilangang bayang
Sinampangan. Matapos ang giyera, nakuha niya ang kayamanan at napunta siya sa
sosyedad. Natapos ang kuwento ng manumbalik ang kaguluhan ng dahil sa pag-aapi ng
kapwa Pilipino. Mapapansin na ang mga kabanata patungkol sa partikular na tauhan ay
minsan hindi nagkakasunod-sunod. Ito na rin ay dahil sa pagkatapos ng isang tauhan ay
panibagong tauhan ang tatalakayin. Sa huli pinagsama-sama sila sa isang tagpuan,
maging ang kanilang layon at aksiyon.
Ang mga nakalipas na pangyayari (batay sa daloy ng kuwento) ay binabalikan ng mga
taong may kuneksiyon dito, hindi man pisikal o kahit sa salita lamang. Ang daloy na rin
ng mga pangyayari ang naglalahad ng mga ganitong uri ng panunumbalik na binibigyan
ng panibagong kabanata at tuldok ng mga tauhan. Halimbawa nito ang ginawang
pagpapatuloy sa kuwento ni Simoun at ng kanyang alahas na muling binuhay ni Mando
sa pamamagitan ng kuwento ni Tata Matyas. Isa pa ang pagkukumpara ng mga ibong
mandaragit noon at ng mga ibong mandaragit sa panahon ng nobela. Inilahad ito ng
ipakita ni Magat ang kopya ang editorial sa El Renacimiento (Muling Pagsilang) na
pinamagatang Aves de Rapiña (Birds of Prey). Kung saan inatake nito ang mga umano’y
ibong mandaragit. (Ang mga ibong mandaragit na tinutukoy sa Aves de Rapiña ay ang
mga opisyales noong panahon ng Amerikano katulad ni Interior Sec. Dean Worcester)
IV. BUOD
Sa kabundukan ng Sierra Madre, 1944, kumatok sa pinto ni Tata Matyas ang guerilyang
si Mando Plaridel kasama ang mga kasamang sina Martin at Karyo. Si Tata Matyas, na
dating rebolusyonaryo at nanirhan sa isang kubo sa bulubundukin ng Sierra Madre, ay
ang puntahan at tuluyan ng mga guerilyang lumalaban sa mga Hapon katulad ni Mando.
Doon sa kubo nalaman ni Mando na totoo ang mga pangyayari at katauhan sa mga nobela
ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Dahil kay Tata Matyas, nalaman din ni
Mando na totoo rin ang kayamanan na inilubog ni Pari Florentino sa Dagat Pasipiko.
Hinimok ng matanda na kuhanin nina Mando ang nasabing mga kayamanan upang hindi
ipantustos para sa sarili ngunit ipantustos sa pagbangon ng bansa pagkatapos ng digmaan.
Nagpatuloy sina Mando, Martin at Karyo sa paglalakbay upang kunin naman ang
nasabing kayamanan ni Simoun. Sa kanilang paglalakbay, nakilala nila sa Magat na
pinuno ng isang grupo ng mga guerilya. Doon nila napagtanto ang kanilang pagkakatulad
na magbubuklod sa kanila. Nagpatuloy sila sa paghahanap sa kayamanan at napadpad sa
tirahan noon ni Pari Florentino. Natanaw nila ang karagatang Pasipiko at kanila itong
sinisid. Naiwan sa bangka si Martin dahil di ito marunong lumangoy habang sina Mando
at Karyo ang sumisid sa dagat. Ilang sandali ang lumipas, napansin ni Martin na namula
ang dagat dahil sa dugo. Sinalakay pala sina Mando at Karyo ng isang pating at sila’y
nakipagbuno rito. Malubhang nasugatan si Karyo na kanya ring ikinamatay. Inilibing siya
sa mga kagubatan ng Atimonan. Natigil din pansamantala ang kanilang pagsisid sa
kayamanan.
Nakalipas ang ilang araw, nagpatuloy sila sa paghahanap. Hindi naman sila nabigo.
Matapos ang kanilang kasawiang sinapit, bumungad sakanila ang isang baul na
naglalaman sa kayamanan ni Simoun. Puno ito ng mga alahas at iba pang kayamanan ng
mag-aalahas. Pero mapaglaro ang tadhana, sinunggaban ni Martin si Mando. Inundayan
ito ng taga sa iba’t ibang part ng katawan at sa mukha pero nakipaglaban pa rin siya sa
nagtaksil sa kanya. Napatay ni Mando si Martin na gumuwa sa kanya ng pilat sa mukha
na magpapaalala sa kanyang sinapit. Bumalik si Mando kay Tata Matyas para ipakita ang
kayamanang natipon sa baul. Naglalaman pala ito ng limpak-limpak na alahas na
nabanggit din sa mga nobela ni Rizal.
Matapos ang “V-Day,” muling nagkita sina Mando at Magat. Kasama ni Magat si Andres
na nahuli ng kanyang grupo. Si Andres ay isang lider-Makapili na laban sa mga
Amerikano at kakampi ng mga Hapon. Nagustuhan naman siya ni Magat dahil na rin sa
kanyang paninindigan at pagmamahal sa bayan kahit iba ang pakahulugan nila sa mga
katagang ito. Napagdesisyunan nila na magtayo ng isang pahayagan na gamit ang
kayamanan ni Simoun upang tumulong sa pagbabago sa lipunan. Pinangalanan nila itong
Kampilan na may islogan na Katotohanan, Katwiran at Hustisya. Ito’y pinamatnugutan ni
Magat pangkahalatan, Andres sa editoryal at si Mando ang publisista. Ginamit nila ang
pahayagan upang maghatid ng balanseng at makatotohanang balita na iba sa mga
pahayagan na umiiral noon. Ginamit din nila ito upang ilabas ang listahan ng mga
politikong dawit sa “graft and corruption.” Ang unang edisyon nito ay lubos na
ikinagalak ni Tata Matyas.
Itinampok ng pahayagan ang ginawang pagmamalupit sa mga magsasaka ng Asyenda
Montero. Hindi raw makatwiran ang pagtrato ng mga may-ari nito na si Don Segundo
Montero sa kanila lalo na ang hatian sa kita at mismong lupa. Si Don Segundo ay asawa
ni Donya Julia at ama ni Dolly. Si Dolly naman, na naging kalaguyo ng isang heneral na
hapon, ay nagpalaglag sa Hong Kong (habang nagbabakasyon kasama ang ina) ng anak
niya sa Amerikanong sundalong iniwan siya para sa isang misyon sa Hapon. Sa Pilipinas,
sinuway ni Pastor ang utos ng Don na ibalik ang mga patakaran na hindi napatupad
noong kasagsagan ng giyera katulad na lang ng ‘di makatwirang hatian sa kita ng saka.
Dahil dito, tinanggal sa puwesto si Pastor. Dinalaw naman ng kawani ng Kampilan si
Pastor at mga kasamang magsasaka sa bahay nito upang mapag-alaman ang mga
pangyayari sa asyenda. Nagpetisyon kasi ang unyon ng magsasaka sa gobernador ng
probinsiya ukol pa rin sa mga pagmamalabis ng may-ari nito sa kanila. At upang
malinawan ang mga obrero sa kanilang hakbang, sa hiling ni Mando, dinalaw ni Dr.
Sabio, patnugot ng Freedom University, ang mga magsasaka. Napag-usapan nila ang
balak ni Dr. Sabio na bilhin ang asyenda upang gawing laboratoryo ng pag-aaral ng mga
mag-aaral ng pamantasan at upang magkaroon ng patas na hatian sa lupa. Napag-usapan
din nila ang mabuting uri ng ekonomiya (pamamahala) sa Pilipinas kung Kapitalista,
Sosyalista o Komunista ba. Bago lumisan ang grupo ni Mando, ipinangako niya kay
Pastor at sa anak nitong si Puri na ibibigay niya ang kahon na naglalaman ng tagubilin ng
naglayas na kaanak na si Andoy. Si Andoy, na si Mando kinalaunan, ay nanilbihan at
pinag-aral ni Don Segundo ngunit nilyasan niya ito ng sumanib sa guerilya. Ikinagalit ito
ng Don.
Mga ilang araw ang lumisan, bumalik si Mando dala ang kahon ni Andoy na naglalaman
ng sulat para sa amaing si Pastor at ng singsing para sa pinsang si Puri. Pagkatapos nito,
umalis si Mando pa-Europa. Nilibot ng dating guerilya ang mga historikal na lugar sa
Espanya, Britanya at Pranses pati na rin ang mga pinuntahan ni Rizal at ang imprentahan
ng La Soli. Naroon si Mando upang bumili rin ng rotero para sa mabilisang pag-imprenta
ng kanyang tinutustusang pahayagan at upang ihahente ang mga alahas ni Simoun. Doon
nakilala ni Mando sina Helen, Mike at Heneral Mosca na naghahente sa kanya at naglibot
pa sa iba’t ibang lugar sa Europa at Latin Amerika. Sa isang nightclub sa Paris, nakita
niya si Dolly na kinakaladkad ng isang Pranses. Iniligtas ni Mando ang dating
pinagsisilbihan at dahil dito napaibig niya si Dolly. Ginamit ni Mando ang pagkakataon,
hangga’t di pa siya nakikilala bilang Andoy, upang maghiganti sa mga Montero dahil sa
lupit na naranasan.
Habang nasa Europa si Mando, patuloy pa rin ang mga operasyon ng Kampilan. Kanilang
ibinalita ang mga pangyayari sa loob ng Kongreso hanggang sa simpleng istorya katulad
ng isang inang pinatay ang mga anak dahil sa sobrang hirap. Patuloy rin ang mga batikos
ng pahayagan laban sa Mga Ibong Mandaragit. Samantala, ang ilang mataas na opisyales
at maiimpluwensyang tao ay nagtipon sa bahay ni Gobernador Doblado (gobernador ng
mga magsasaka). Kasama sina Senador Botin, Obispo Dimas, Huwes Pilato, Heneral
Bayoneta at Don Segundo Montero, naglaro sila ng poker sa isang air-conditioned room
sa loob pa rin ng bahay ng gobernador. Dumalaw si Dr. Sabio upang pag-usapan nila ng
gobernador ang problema sa Asyenda Montero at hilingin kay Don Segundo ang pagbili
ng kanyang pamantasan sa asyenda. Tumanggi ang don sa kanyang alok. Napag-usapan
din nila ang tungkol sa “peace and order” at lagay ng politika at pamamahala sa bansa.
Sa pagbabalik ni Mando sa Pilipinas, naghanda ng piging si Don Segundo para sa
pagbabalik ni Dolly at inogurasyon ng kanyang bagong bahay na gawa ng arkitektong si
Pong Tua-Son na may pagtingin sa dalaga. Dumating ang Presidente at ang mga
kasamang “pokerista.” Dumating din si Mando na nakipagtalastasan sa Presidente ukol sa
kamalian ng pamahalaan. Matapos ang piging, ang mga “pokerista” at si Son Tua, ama ng
arkitekto, ay nag-usap sa bagong negosyo nila na pagbebenta ng kontrabandong armas.
Sina Son Tua at Don Segundo ang mamahala sa puhunan habang sina Heneral Bayoneta
at Sen. Botin ang sa proteksiyon. Makalipas ang ilang araw, nagkaroon ng miting sa
Plaza Miranda ang mga obrero at kilalang tao na tumutuligsa sa mga mapag-aping
pamamalakad. Si Senador Maliwanag ang tanging politikong nagsalita kasama ang mga
lider-obrero katulad ni Pastor, Danoy at Rubio. Si Maliwanag lamang ang maituturing
makabayan at maka-mahirap sa Kongreso.
Pero matapos ang miting sa Quiapo, sinunog ang sakahan sa asyenda. Isinisi ni Kapitan
Pugot, bagong katiwala ni Don Segundo, kina Pastor, Mang Tumas at Danoy ang
pangyayari dahil natagpuan umano ang mga baril, subersibong dokumento at ginamit sa
panunog sa bahay nila. Tinanggi nina Pastor at Mang Tumas, na kakauwi palang galing
Maynila, ang panunog. Inaresto pa rin ang dalawa sa kabila ng kanilang pagtanggi ngunit
di nila kasama si Danoy na nagpaiwan sa Maynila. Hirap at hagupit ang kanilang dinanas
sa loob ng piitan at pinilit na pinapaamin sa mga bagay na di naman nilang ginawa. Dahil
sa pagmamatigas, pinatay si Mang Tumas. Pinalabas ito na nagpumilit tumakas kaya
napatay. Ngunit napalaya rin si Pastor dahil sa mahina ang akusasyon laban sa
nasasakdal. Tiningnan naman ng huwes ang anggulo na pinatay ni kapitan Pugot si
Tumas.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, nasa Baguio ang pamilya Montero. Doon din sila
dinalaw ng mga kasosyo sa iligal na negosyo. Dumalaw rin si Mando sa pamilya dahil
nagkataon na may pagpupulong ang mga publisista sa naturang lungsod. Nagkaroon ng
mainit na diskusyon sa pagitan nina Mando at Don Segundo tungkol pa rin sa hinaing ng
mga magsasaka sa ayenda ng pamilya. Bago magpaalam inamin ni Mando kay Dolly na
siya ang dating inaaping katiwala na si Andoy. Nagulantang si Dolly at pinalayas si
Mando na may matatalim na pananalita.
Sa pagpunta niya sa opisina isang gabi, tinambangan si Mando ng dalawang lalaki at
nasugatan dahil sa bala. Dala na rin ng dating pagkaguerilya, nagawang mapagtanggol ni
Mando ang sarili sa mga tauhan pala ni Don Segundo Montero. Sa hospital, inamin ni
Mando ang dating pagkakakilanlan sa mag-amang Pastor at Puri, na kasintahan na niya.
Hiniling din niya sa ama ng kasintahan (at pinsan) ang kamay ng dalaga. Lumabas sa
Kampilan ang nangyari kay Mando. Sunud-sunod nawala ang mga taong may pakana
nito sa kanya. Ang senador ay nangibang-bansa, ang heneral ay nagpatalaga sa Visayas at
Mindanao at ang mga negosyante ay nagpunta ng Baguio. Doon din sa hospital napag-
usapan ang pag-usad ng kanilang planong pagtatayo ng isang korporasyon kung saan
nakapaloob ang Freedom University, Kampilan, ilang radyo at telebisyon, at maging ang
Asyenda Montero upang maglunsad ng pagbabago sa bansa.
Ngunit sunud-sunod ang nangyaring mga kaguluhan, laganap ang panliligalig ng mga
tulisan sa iba’t ibang lugar. Natagpuang patay si Kapitan Pugot. Dinukot si Son Tua ng
mga tulisan at palaging may gulo sa asyenda. Kaya nagpadala ang Presidente ng
telegrama kina Dr. Sabio, Mando atb. upang humingi ng proposisyon sa ikalulutas ng
kaguluhan. Ipinakita rin niya ang listahan ng mga may pakana ng kaguluhan. Ngunit
nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap. Iginiit kasi ni Dr. Sabio na ibigay na sa mga
magsasaka ang pagmamay-ari ng Asyenda Montero upang matigil ang kaguluhan. Sinabi
naman ni Mando na kagagawan ng punong ehekutibo ang mga panliligalig dahil sa
baluktot nitong pamamahala. Ngunit tumanggi ang Presidente sa panukala ng dalawa.
Iginiit niya na walang sinuman ang maaaring magleksiyon sa kanya. Kasabay nito ang
pagbabanta niya ng pagdedeklara ng Writ of Habeas Corpus o ng pag-aresto ng mga may
pakana ng kaguluhan na hindi dumaraan sa husgado. Sa Asyenda Montero kung saan
nagpupulong ang mga magsasaka sa pamumuno ni Rubio at Danoy, dumagsa ang
pulutong ng mga sundalo dala ang isang tangke. Pinaulanan ng bala ang mga magsasaka,
dumanak ang dugo sa lupa. Maraming namatay na magsasaka kabilang si Pastor. Sa isang
tagong lugar, naghanda ang mga dating guerilyanong sina Mando at Magat at mga lider-
obrero na sina Danoy at Rubio upang sugapain ang Mga Ibong Mandaragit gamit abg
dahas na tanging solusyon nakikita nila sa pagmamalabis ng mga ito at para sa ikabubuti
ng mga mahihirap na siyang mukha ng bansa.

You might also like