You are on page 1of 2

Ilusyong koneksyon

Bunga ng labis na teknolohikal na pangangailan ng mga Pilipino, inilatag kamakailan ng


Department of Transportation and Communication (DOTC) ang pagkakaroon ng wifi access para
sa taumbayan na handog ng gobyerno. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kataka-takang hindi pa
din naipagkakaloob ng pamahalaan ang nasabing pangako sa buong Pilipinas. Bagamat ang
libreng internet ay magiging malaking tulong para sa bawat isa, hindi pa din maaalis ang
malaking banta sa seguridad at kalayaan ng mga indibidwal.
Isinasaad sa House Bill 1550 na pagkakalooban ng libreng wifi ang mga pampublikong
lugar sa buong bansa tulad ng mga paaralan, ospital, paliparan, seaports at iba pa. Kasama rin
sa magkakaroon ng free wifi ay ang LRT 1, LRT 2 at MRT. Dalawang istasyon ng MRT sa Ortigas
at Guadalupe ay may wifi access na para sa mga commuters. Una nang sinabi din ng DOTC na
sila’y lumagda na kasama ang Smart Telecommunications na siyang mangunguna sa pagbibigay
ng nasabing programang aabot sa 1GB. Subalit sa kabila ng mga mabubulaklak na pangako at
salitang kaakibat ay isang abot-kamay na teknolohiya, mababanaag na hindi pa din naaabot ng
programang ito ang lahat ng panig ng bansa partikular na sa mahihirap na lugar.
Sa pahanon ng teknolohiyang kinakaharap ng kasalukuyang henerasyon, mahalagang
parte sa kani-kanilang mga buhay ang internet. Kung kaya’t malaking tulong ang pagkakaroon
ng libre nitong access para sa nakararami. Ayon kay Mac Yanto, pinuno ng Computer
Professional Unions, ang kapangyarihan ng internet ay napakalaking gabay para sa lahat.
Bagamat malaki nga itong tulong para sa mga tao, malaki din aniya ang umaabuso dito.
Madalas na ginagamit ang kapangyarihan nito sa masasamang mga bagay tulad ng
pagnanakaw, online scamming, cyberbullying, online terrorism, pornography at hacking. Kung
kaya’t gaano man nakatutulong ang internet ay hindi din dapat abusuhin.
Ayon sa tala ng Department of Information and Communication (DICT), 12,841 nang
mga lugar ang may Public Wifi sa bansa at 1,634 dito ay pawing mga lungsod. Layunin ng
panukala na mapabilis ang serbisyo ng pamahalaan at mapalawak ang paglahok ng publiko sa
takbo ng pamamahala. Itinatadhana rin na hindi dapat lagyan ng password o restriction ang
libreng public Wifi. Isang tanong nga lamang kung kailan ito ganap na magiging batas dahil sa
mahabang prosesong dadaanan nito. Sa ngayon, hintayin na lamang natin kung kailan ito
maisasabatas at kung kailan nito mapagkakalooban ang lahat ng panig ng Pilipinas.
Ang teknolohiya ay oo nga’t malaki ang nagiging ambag at tulong sa ating mga araw-
araw na pamumuhay ngunit kung susuriin ito din ang minsang sumisira sa atin. Nararapat na
alam natin kung ano ang mga tamang gawin sa paghawak sa mga ganitong klaseng sitwasyon.
Hindi masama ang pagconnect sa pampublikong wifi. Bilang payo, kinakailangan lamang i-
disable ang Auto-Connect sa mga gadget na ginamit, iwasan ang pagpunta sa mga website na
kinakailangan ang personal na impormasyon at bank account, bantayan kung ang mga pook-
sapot ay may glitches, at sa pagtatapos ay i-click ang forget connection para sa inyong
seguridad.
Sa paggamit ng makabagong mga kaalaman, nararapat ang tamang paggamit at
wastong pananagutan upang hindi ito magamit sa anumang masamang paraan. Mabuti at
maganda ang pangkalahatang epekto ng teknolohiya, lamang may mga taong higit itong
inaabuso at ginagamit sa maling paraan. Bilang mga taong nabubuhay sa modernong panahon,
mahalagang malaman natin ang ating mga limitasyon sa mga ginagawang kilos sa social media.
Sa pangkalahatan, ang public wifi ay oo nga’t labis na makatutulong para sa lahat ngunit
kinapapalooban ito ng tamang paggamit at pananagutan para sa ikabubuti din ng lahat.

You might also like