You are on page 1of 4

10 Pangakong napako ni Pangulong Duterte

Berdugo man kung ituring, batong pamamahala kung isipin. Siya si Pangulong
Rodrigo Roa Duterte, ang kasalukuyang lider ng Republika ng Pilipinas. Kilala siya
bilang isang strikto, matapang, tigasin at higit sa lahat may istilong kamay na bakal sa
larangan ng pulitika. Noon pa lamang na nakaupo siya sa Davao bilang alkalde ay
talaga namang siya’y kinatatakutan na. Kung kaya’t siya ang napusuan ng
sambayanang Pilipino bilang presidente ng bansa upang malutas ang matagal nang
mga problema ng bayan. Sa kanyang pag-upo sa pamahalaan bilang ulo ng Pilipinas,
marami siyang pangakong binitawan para sa mga mamamayang Pilipinong
naghahangad ng pagbabago. Ngunit sa paglipas ng panahon, tila ba unti-unting
napapako ang kanyang mga sumusunod na pangako:
1. Pagsugpo sa illegal na droga sa loob ng 3-6 buwan. Simula’t sapul ng
umupo ang pangulo ipinangako na niya sa mga Pilipino ang pagligpit sa kaso
ng illegal na droga. Ayon sa kanya, patuloy niyang susugpuin ang mga
lantarang drug pushers, drug lords, at drug users na lantaran at talamak sa
ating bansa. Sa tulong aniya ng Philippine National Police (PNP) at Philippine
Drug Enforcement Agency (PDEA) ay magagawa nilang lipulin ang
nasabing problema. Ngunit, kamakailan ay humingi pa ng karagdagang
anim na buwang palugit ang pangulo para sa kanyang kampanya kontra
droga na patunay na hindi nagawang matupad ng pangulo ang kanyang
inaasahang pangako.
2. Pagbabalik ng parusang kamatayan. Isinaad ng Pangulong Duterte noong
kanyang ikalawang State of the Nation Address ang pangakong pagbabalik
ng Death Penalty o parusang kamatayan. Ito ay para aniya sa mga taong
gumawa ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay,
panggagahasa, hazing at marami pang iba. Marami ang umaasa sa
pangakong ito ng presidente lalo na ang mga pamilya ng biktima ngunit
hanggang ngayon ay nakabinbin pa din ito sa senado.
3. Pagtuon sa pampublikong kalusugan. "Kapag nagpa-ospital kayo, ako
magbayad," ani Pangulo. Ipinangako din ni Duterte ang pagtugon niya sa
mga kalusugan ng mga Pilipino lalo na sa mahihirap. Aniya maraming mga
tao ang hindi nakakayanang makapunta sa hospital kung sila’y may sakit.
Subalit, marami pa ding Pilipino ang hindi nararanasan ang pangakong ito ng
pangulo lalo na sa mga liblib na lugar ng Pilipinas. Ayon sa tala ng Social
Weather System, 1 sa bawat 5 mahihirap na Pilipino ang namamatay ng hindi
na nakakapunta sa anumang pagamutan.
4. Magaan na buhay at kalagayang pinansiyal ng mga mahihirap na
Pilipino sa tulong ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion
(TRAIN). Noong Mayo 31, naipasa na sa House of Representatives ang
House Bill 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).
Ang panukalang tax reform ay nakabalangkas sa 10-point economic agenda
ng rehimeng Duterte na naglalayon umano na magpataw ng mas mahusay
na paraan ng pangongolekta ng buwis. Kasabay nito ang pangako ng
presidente ng mas maginhawang buhay at estadong pinansiyal sa tulong ng
TRAIN. Ngunit, mapanlinlang ang sinasabi ng economic managers ni
Duterte na paborable ang TRAIN para sa mahihirap. Mangangahalugan ng
dagdag pasanin sa mahihirap na pamilyang Pilipino ang kabuuang epekto ng
pagbabago sa income tax, pagpapalawig sa sakop ng VAT, dagdag na buwis
sa mga produktong petrolyo, at ang idudulot nitong implasyon. Malinaw na
imbes na mayayaman ang target ng tax reform package, mahihirap na
pamilya ang pangunahing pipigain at papahirapan ng TRAIN.
5. Paggawa ng mga paliparan at mga tulay. Matatandaang binibigyang diin ni
Duterte ang 'Build, Build, Build' program ng kaniyang administrasyong na
layong magtulak sa Pilipinas sa 'Golden Age of Infrastructure'. Dagdag pa
niya, ang pagdaragdag daw ng mga paliparan ay magiging isang susi sa higit
pang pagpapalawak ng turismo ng bansa. Ang mga tulay naman umano ang
sasagot sa suliranin ng trapiko sa bansa. Ngunit, nasaan na ang mga
ipapatayong paliparan? Bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din tapos
ang mga tulay? Hindi pa din mahulugang karayom ang Maynila sa dami ng
sasakyang mistulang naka-parada sa kahabaan ng EDSA.
6. Kompartableng buhay para sa mga Pilipino. Isa sa mga pangako ni
Duterte sa kanyang unang SONA ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng isang
komportable at magaan na buhay. At nitong Hunyo 2017, pormal na inilunsad
ng economic managers ng administrasyon ang Philippine Development Plan
(PDP) 2017-2022, ang magiging gabay ng administrasyon sa pagpapaunlad
ng bansa. Gaya ng inaasahan, nakatuntong din ito sa oryentasyong
neoliberal – parehas sa mga patakaran at programa na ipinatupad ng mga
nagdaang administrasyon at napatunayan nang hindi nagdudulot ng
anumang kaunlaran sa bansa.  Nakatuon ang PDP sa paglikha ng
paborableng kondisyon para sa malalaking negosyante at dayuhang
korporasyon. Imbes na pagpapaunlad ng mga produktibong sektor ng
ekonomiya, idinidiin ng PDP ang pagpapahusay sa sektor ng serbisyo at
pagtatayo ng susing imprastruktura para magsilbi sa operasyon, kalakalan at
pamumuhunan na kailangan ng pandaigdigang merkado. Samakatuwid,
napauunlad lamang ng Pangulo ang sistemang ekonomiya ng bansa ngunit
hindi ang pangakong komportableng buhay sa mga Pilipino.
7. Wakasan ang kontraktuwalisasyon. Noong kampanya pa lamang ng
Pangulong Duterte, mariin niya nang tinututulan ang kontraktuwalisasyon.
Ipinangako niya sa kanyang mga talumpati at panayam na wawakasan niya
na ng tuluyan ang nasabing hinaing. Inilibas ng Dept. of Labor and
Employment (DOLE) and DO 174 matapos ang mga konsultasyon sa mga
employer at grupong manggagawa. Pero ayon sa mga manggagawa, hindi
naman sinunod ng DOLE ang kanilang mga rekomendasyon. Ang DO 174,
na sa esensya ay pinagtitibay ang legalidad ng pangongontrata at
nagbibigay-daan para maging regular ang isang manggagawa sa agency at
hindi sa kanyang pinapasukang kompanya. Itinaas ng DO 174 ang halaga ng
kapitalisasyon ng mga ahensiya, at nagsasagawa ng mga hakbang para
higpitan ang ilegal na pangongontra pero sa esensya, ipinagtibay nito ang
kontraktwalisasyon. Kung susumahin, hindi nagawang wakasan ng pangulo
ang nasabing problema.
8. Pambansang dagdag sahod. Matatandaan ding nangako ang pangulo na
gagawin niya ang lahat mapataas lang ang sahod ng mga manggagawang
Pilipino. Partikular na sa mga kawani ng gobyerno tulad ng mga guro at
sundalo. Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong
nakaraang taon na kanilang pag-aarlan ang pambansang P125 na dagdag
sahod na labis na ikinatuwa ng sambayanan. Subalit hanggang sa ngayon,
patuloy pa din na umaasa ang madla sa pangakong ito ng pangulo.
9. Pagsasa-ayos ng sigalot sa West Philippine Sea. Pangako din ng Pangulo
ang pagpunta sa West Philippine Sea habang sakay ng isang rubber boat at
may dalang baril na kung saan gagamitin aniya sa pagsupil ng mga Chinese
Coast guards. Dagdag pa niya sa isang panayam, ang nasabing parte ng
karagatan ay talaga naman sa atin kung kaya’t dapat itong ipaglaban. Hindi
masabi kung nagbibiro lamang ang pangulo ngunit biro man ito o hindi dapat
na tuparin ng presidente ang kanyang mga pangako dahil umaasa dito ang
kanyang nasasakupan.
10. Pangangalaga sa buhay at karapatang-pantao. "I value human life, the
way I value mine," ani Duterte. Sa pahayag na ito ng pangulo sa kanyang
SONA, mariin niyang ibinabahagi sa taumbayan na siya ay may matibay na
pagpapahalaga sa buhay at karapatang-pantao. Kahit ano pa man aniya ang
sabihin ng nakararami, ginagawa lamang daw niya ito para din sa kapakanan
ng lahat. Hindi umano niya ititigil ang kampanya kontra droga hanggang hindi
pa nahuhuli ang pinakahuling pusher, drug lord, at user. Ngunit sa kabila ng
nakikita nating katagumpayan ng kanyang adhikaing masupil ang illegal na
droga, hindi pa din maaalis sa ating mga isip na hindi niya tunay na
napangalagaan ang mga nasayang na buhay at mga naapakang karapang-
pantao.
Bilang pagtatapos, si Pangulong Duterte ay oo nga’t hindi nakatupad sa kanyang
mga pangako ngunit hindi pa naman huli ang lahat para sa ating mahal na lider. Marami
pang taon ang gugugulin upang tuluyang sumbatan ang pangulo kung hindi niya
lubusang matutupad ang kanyang mga sinabi. Subalit sa ngayon, patuloy na lamang
nating suportahan ang ating lider dahil wala naman siyang gagawin na hindi
makabubuti para sa kanyang nasasakupan. Ang pangulo bilang pinakamataas na
kapangyarihan ng bansa ay may napakalaki at napakabigat na responsibilidad. Hindi
natin masisisi ang presidente kung minsan ay hindi niya natutupad ang kanyang mga
programa at plataporma. Sa ngayon, patuloy na lamang nating asahan ang kanyang
bakal na kamay o batong pamamahala at sa pangulo’y buong puso na magtiwala.

You might also like