You are on page 1of 1

"Mga Pangarap Minsa'y 'Di Naaabot"

(Isang talumpati para sa mga katulad kong kabataan at mga mag-aaral na patuloy na nangangarap. Pangarap na
nagiging sandigan ng bawat isa upang maging matibay at magkaroon ng direksyon ang pagkatao at upang
magampanan ang tungkulin sa sarili, sa pamilya at sa bansa.)

Tulad niyo at lahat ng nandito at nakikinig, alam ko may iisa tayong mithiin. Marami tayong pangarap, kabi-
kabila, maya-maya mayroon tayong nabubuo sa ating isipan ngayon at sa kinabukasan pa, mayroon na namang
panibago. Iba-iba ang mga pangarap natin habang tayo ay lumalaki, nagkakaedad at nagkakaroon ng iba't-iba at
mas malawak na pananaw sa buhay. Gaya ng sinabi ko, iisa lang ang mithiin natin; nasa bawat pangarap na
nabubuo natin, ang tangi lamang nating gusto ay ang mapagtagumpayan, maabot at maangkin natin ang mga
pangarap na ito. Ngunit ang buhay hindi laging panalo. Ang pangarap ay hindi laging naaabot.

Ang pangarap ay maihahalintulad sa kaibigan. Sa pagkakaibigan, tulad ng karaniwang pangarap marami rin
palang kabiguan. Una, kahit gaano mo gustuhing tumagal ang pagkakaibigan niyo darating ang pagkakataong aalis
sila, iiwan ka o kaya naman ikaw ang mang-iiwan. Maraming dahilan. Minsan personal, minsan wala lang. Ikalawa,
pangarap mo mang kaibiganin sila, sila itong lumalayo. Hindi mo alam kung bakit at hindi mo rin naman malalaman
mula sa kanila. Sa mga pagkakataong ito, siguro nga kailangan mo lang na lang tanggapin ang katotohanan. Bukas
makalawa malalaman mo tuluyan na silang umalis. 'Yung pangarap mo biglang maglalaho. Ngunit minsan sa buhay
umaasa ka pa rin na babalik sila, sa tamang panahon.

Tulad ng pangarap mong manalo sa isang patimpalak. Kapag narinig mo nang hindi ang iyong pangalan ang
binasa ng hurado para tumanggap ng tropeo o medalya, nakakapanlumo di ba, nakakapanghinayang, nakakaiyak.
Pero ipinangako mo sa sarili na sa susunod na laban, sisiguruhin mong mananalo ka na. Mahirap di ba, masakit,
dahil hindi mo alam kung kakayanin mo pang harapin ang mga laban na ito. Parehas lang naman ito sa pagkawala
ng kaibigan. Kung iniwan ka nung una, gusto mo sa ikalawang pagkakataon matagpuan mo na ang totoong kaibigan
dahil ayaw mo nang masaktan muli. Ayaw mo nang manlumo, manghinayang at umiyak. Kung alam mo nang
ginawa mo na ang lahat-lahat, wag mo nang pahirapan ang sarili mo at piliting mangyari ang bagay na hindi naman
dapat mangyari. Nasimulan mo na at nagawa mo na ang parte mo, hayaan mo na ang Diyos ang magtuloy ng
sinimulan mo. Alam Niya ang mas makabubuti. Alam Niya kung sino at ano ang para sa'yo. Alam Niya rin mismo
kung kailan ito dapat mapasaiyo. Tandaan mo lamang na ang ating mga pangarap ay nagsisilbi lamang isang gabay
sa atin sa kung ano man ang dapat nating tahakin. Dahil ang totoo, hindi naman talaga eksakto sa kung ano ang
gusto mong mangyari ang madalas na mangyari, minsan higit pa sa inaasahan at kung minsang maging negatibo
ang resulta, ito'y sa kadahilanang hindi iyon para sa'yo o hindi iyon ang tamang panahon. Lahat naman may dahilan
at lahat ng kabiguan ay may naghihintay na tagumpay sa hinaharap. Di mo nga lang masasabi dahil ang Diyos lang
ang sadyang nakakaalam. Ang pangarap minsan kung kaya natin buuin, kaya nating abutin.

You might also like