You are on page 1of 17

Panimula

Paano maipakikita ang akademikong kasanayan sa paggamit ng wika? Kung may husay ba sa

pagpili ng mga salita? Sa tinig at tindig? O sa kakayahang maisalin ang mensahe nais maipabatid

sa kausap o tagapakinig?

Mabisa ang paggamit ng wika kung ang intensyon ng tagapagsalita ay naunawaan ng

tagapakinig/kausap. Sa pang-araw araw na sitwasyon ng ating buhay, iba iba ang ating

nakakasalamuha, iba iba ang lugar ang ating napupuntahan, at iba iba ang dahilan kung bakit tayo

bumubuo ng diskurso. Mahalaga na maging maingat tayo sa paggamit ng wika sa lipunang ating

kinabibilangan dahil ang epektibong unawaan ay ditto nakasalalay.

Sa modyul na ito, matutukoy ang mga sitwasyong pangwika sa Pilipinas.

Ang Wikang Filipino sa Iba't ibang Kalagayan

 Itinuturing na multikultural at multilingguwal ang Pilipinas dahil sa maraming dahilan, isa rito

ang natural na alokasyon ng mga isla ng bansa, dahil sa hiwa hiwalay na mga lalawigan at

mga anyong tubig na namamagitan sa bawat isla nit, likas rin ang pagkakaroon ng higit sa

iisang kultura at iisang wika.

 Ayon sa pananaliksik, ang pinakahuling bilang ng wikang umiiral sa Pilipinas ay 169 at ayon

kay McFarland (2004), sampung rehiyunal na wika ang maituturing na pangunahing wika

rito kabilang ang Tagalog, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Ilocano, Kapampangan, Bicol,

Pangasinan, Maranao at Maguindanao. Itinuring itong mayoryang wika batay sa panukatan

ng tagapagsalita na higit isang milyon.

 Nagkakakiba iba ang paggamit ng wika dahil sa dami ng tao at lawak ng lugar kung saan ito

ginagamit bilang midyum ng pang-araw araw na talastasan.

 Ang impluwensya ng mga dayuhan ay isa rin sa mga dahilan ng multilingguwal at

multikultural ang sitwasyong pangwika at pangkultura ng Pilipinas. Patunay rito ang Ingles

at Espanyol.

Sa Paaralan

 Sa kasalukuyan, bagaman at ang pambansang wika ang dapat na gamitin bilang wikang

panturo, Mapapansin pa rin sa ilang institusyon ang pamamayagpag ng Ingles bilang

midyum ng pakikipagtalastasan. At Ingles pa rin ang ginagamit na wikang panturo sa halos


lahat ng akademikong disiplina.

 Madalang naman na sa mga paaralan ang nagtuturo ng dayuhang wika gaya ng Hapon,

Pranses, Espanyol, at Aleman. Kadalasan ay ibinibigay na lamang ito bilang elektibong

kurso sa kolehiyo.

 Ang pag-usbong ng mga institusyong nagbibigay ng kursong pangwika para sa mga

dayuhan dito sa Pilipinas ay naging daan rin upang ang pag-aaral ng wikang dayuhan ay

maging kahingian lalo na sa mga guro na ninanais magturo ng mga Koreano, Hapon o

Intsik.

 Ayon sa sanaysay ni Propesor Rudy Rodil, napatunayan niyang hindi kapos sa bokubolaryo

ang Filipino sa larangan ng diskursong intelektwal.

 Ayon pa sa guro na nabanggit, mas medaling ituro ang Kasaysayan ng Pilipinas sa sariling

wika, mas nadarama, tumatalab, interaktibo at buhay.

 Pansinin, ang ilang kurso sa mga programang pangkolehiyo ay may deskriptibong

Philippine Literature, Philippine Constitution, History and Governance, at iba pa. Natural, sa

pamagat lamang ng kurso ito ay ituturo sa wikang Ingles, salungat sa inaasahan na wikang

pambansa ang daluyan ng pagkakaunawaan sa loob man o labas ng paaralan.

Sa Mass Media

 Ang midyang pangmadla ay tumutukoy sa industriyang panlipunan na may tungkuling

magbantay, magmasid, mag-ulat ng mga pangyayari sa kapaligiran at maging tinig ng

mamamayan sa mga kinauukulan.

 Kasama sa sangay ng midyang pangmadla ang pahayagan, radyo, telebisyon at internet.

 Pansinin ang kalagayan ng wika sa telebisyon, mas nahihikayat ang mga tagasubaybay sa

mga telenobelang ang gamit na ay nauunawaan ng masa. Sa radyo, ang mga taga-anunsyo

ay higit na nauunawaangamit ang unang wika ng isang lugar maging mga wikang rehiyunal.

At ang mga babasahing nasusulat sa Filipino ay may lugar sa merkado, ang nakalulungkot

lamang ay ang halaga nito kaya iilang Pilipino lamang ang nagkakaroon ng kakayahang

makabili nito, at ang mga pahayagan na kaya ng masa ay pili lamang.

 Maituturing na makapangyarihan ang mass media sa pag-impluwensya ng mga tao.

Halimbawa rito ay ang wikang gamit ng mga kilalang personalidad sa telebisyon, ginagaya
ito ng masa kung lagi laging ginagamit at napakikinggan. Gayundin ang wikang gamit sa

pag-aanunsyo sa radyo tulad ng tambalan sa Love Radio at mga jargon sa internet.

 Ang pagpapahayag sa media ng mga mamamayang humihingi ng tulong, nagpapabatid ng

masidhing damdamin, pumupuna at nagpapaliwanag ng kanilang sitwasyon upang

makarating sa ilang tao o korporasyon ay gumagamit ng wikang nauunawaan ng mga target

nilang tagatanggap ng mensahe upang matukoy ang intensyon nila sa pinakamabisang

paraan.

Sa Social Media

 Ang social media ang tumutukoy sa pangkat ng internet-based application na ginawa na

nagpapahintulot sa pagbuo at pagpapalitan ng mga impormasyon. Isa itong pamamaraan

ng interaksyon ng mga tao na lumilikha, nagbabahagi, at nagpapalitan ng mga ideya sa

isang virtual community (Kaplan, 2009).

 Ilang pananaliksik na ang nagsabi na isa sa mga pinakaaktibo sa paggamit ng Internet ay

mga Pilipino, bagaman Ingles ang pangunahing wika sa paggamit nito at Ingles ang mga

materyales na matatagpuan rito, hindi na rin maisasantabi ang paglaganap ng mga tekstong

nasusulat sa Filipino.

 Ang facebook ay isa sa may pinakamalawak na sakop ng paggamit ng internet, isang

komunidad na kung saan ay may kalayaan ang bawat miyembro na magpahayag,

magpalitan ng kuro-kuro, manghikayat, mag-impluwensya at marami pang ibang dahilan sa

paggami nito.

 Ang gamit ng wika sa social media ay masasalamin halimbawa sa mga blogs. Ang blogs ay

taguri sa mga tampok na impormasyong nang-aaliw, nagpapabatid, naglalarawan,

nagpapaliwanag at nanghihikayat na gawa ng mga blogger. Ito ay mga teksto at larawan

batay sa interes ng gumawa. Nagiging madali para sa mga blogger ang magpahayag gamit

ang wikang nauunawaan ng nakararami na maaring may parehong interes.

 Napayayaman ang Filipino sa social media dahil sa malawak na sakop nito ng tagabasa,

tagasulat at tagasubaybay. Ngunit tandaan may mga dapat rin isaalang alang sa

pagpapahayag kahit ito ay sa social media sites at hindi basta basta na lamang

magapapahayag. Ang pag-iwas sa pangongopya, paninirang-puri at pagbabanta ay ilan


lamang sa mga di katanggap tanggap na pananamantala ng mga netizen o ang mga aktibo

sa paggamit ng internet.

 Digital citizenship ang isa sa mga napapanahong pagpapahalaga na dapat ay palawakin pa

lalo na at maraming nabubuhay na maseselang isyu sa mga facebook statuses, tweets,

blogs at iba pang posts online. Ito ay pagtatanda sa mga katanggap tanggap na asal at gawi

sa paggamit at pagtangkilik sa iba't ibang social media sites.

 Ang mga guro at mag-aaral ay nakikinabang sa mas mabilis na paraan ng pagkatuto at

pagtuturo dahil sa social media sites. Nagiging daan ito sa mabisang pagpaparating ng

aralin, kasunduan, at anunsyo. Nagiging maalam rin ang netizens sa paggamit ng wika sa

pagpapahayag, pormal man o impormal.

 Ang slacktivism ay isa sa mga negatibong resulta ng pananamantala sa social media sites

na kung saan ay na may mga indibiduwal na nagpapasimula ng pagsuporta sa isang

panlipunang isyu kahit na hindi siya tuwirang may ugnayan sa politika at nagdudulot ng di

praktikal ba epekto sa isyung pinaglalaban.

 Ang kalagayang "alone-together" ay naisilang rin dahil sa pag-usbong ng koneksyon ng mga

nag-iisa ngunit may nakaksama sa isang espasyong gawa ng internet.

Sa Audio-Visual

 Ang panonood bilang isa sa mga kasanayang pangwika, ay proseso ng pagkuha ng

mensahe kasama ang pag-unawa mula sa mga palabas. Masasabing isang uri ng pagbasa

ang panonod ngunit sa halip na tekstong nalakimbag ay sa pamamagitan ng audio-visual

ang binibigyan ng interpretasyon.

 Ang tanghalan o teatro ay halimbawa ng palabas na nagpapayaman sa wika. Ang mga

dayalogo ng artista sa entablado ay gaya ng mga patalastas na mag-iiwan ng mensahe sa

manonood.

 Ang mga pelikula ay daan rin sa pagpapayaman ng wika na nag-iiwan ng aral, kwento at

ideya mula sa iskrip ng mga artistang kabilang sa isang palabas. Kadalsan ang mga pelikula

ay sumasalamin sa napapanahong kalagayan ng buhay ng mga tao kung kaya't ang antas

ng wikang gamit rito ay sumasalamin rin sa kasalukauyang kalagayan nito

Panimula
Ang isang salita ay may tiyak na tungkuling ginagampanan sa pahayag. Ang mga salitang bumubuo sa

daloy ng diskurso ay kumakatawan sa kalagayan ng wika sa kulturang Pilipino o larangang

pinaggagamitan nito. Ang bawat larangan ay may kani-kaniyang mga terminolohiyang tumutugon sa

pangangailangan ng mga taong gumagamit nito. May mga salita sa Medisina na hindi ginagamit sa

Abogasya gayundin sa pamilihan at paaralan. May mga terminolohiyang naiiba ang kahulugan

depende sa larangang kinabibilangan nito.

Sa modyul na ito, masusuri ang register ng wika na magpapakita ng kalagayang pangwika sa kulturang

Pilipino.

Ang Baryasyon ng Wika

 Sa sosyolinggwistika, ito ay salita para sa pagkakaiba iba ng porma ng wika.

 Kadalasan ding ginagamit ng mga linggwista ang barayti/baryasyon ng wika para sa

pagkakategorya ng wikang mula sa iisang sanga.

a. Heyograpikal – Pagbabago ng wika sa lugar. (Ilokano sa La Union, Pangasinan, Ilocos, sa

ilang bahagi ng Baguio)

b. Sosyal – Pagbabago ng wika sa kahingian ng sitwasyon at taong kasangkot. (kaswal sa

kapamilya, kaibigan o kakilala at pormal naman sa pagtitipon, pagpupulong o kasiyahan)

c. Okupasyunal – Pagbabago ng wika sa kahingian ng propesyon o hanapbuhay. (Literatura,

Korte, Simbahan, Medisina)

 Sa mga pag-aaral, napatunayan ang kahalagahan ng relasyong sosyal sa pagpapayaman at

pagpapaunlad ng wika.

 Tinatawag na convergence ang pagkakataon na ang nagsasalita ay iniiba ang pananalita ayon

o batay sa kaangkupan nito sa kanyang kausap upang higit na makapalagayang loob.

Samantala, tinatawag namang divergence ang sapilitang pagbabago ng pananalita ng isang tao

upang mapansin ang kanyang kaibahan, di-pakikiisa o pagpapaalam ng kanyang sariling

identidad. (Teoryang Akomodasyon, Howard Giles)

 Nagkakaroon ng barayti ng wika dahil sa etnograpiya ng komunikasyon na tumutukoy kung

pormal o impormal ang estilo ng usapan batay sa kalahok sa komunikasyong sitwasyon o

paksa sa isyung pinag-uusapan (Hymes, 1972).

 Ang pisikal na lugar na kinaroroonan ng mga tao at ang klase ng komunidad na nalikha nila ay
malaking impluwensya sa wika.

 Ang istadardisasyon ng wika ang ideyal na barayti ng wika upang maging pangkalahatan,

nangangahulugan ito na wala ng magiging pagkakaiba sa pagbigkas, baybay at

pagpapakahulugan sa bawat salita.

 Ang istandardisasyon ang inaasahang unipormeng magagamit sa gobyerno, akademiya, media,

komersyo, at iba pang malaganap na larang upang magtuloy-tuloy ang unawaan at mawala ang

balakid sa diskurso.

 Halimbawa ng implikasyon sa istandardisasyon ng wika ay sa salitang "urong", sa Tagalog-

Rizal/Bulacan ito ay nangangahulugan ng paghuhugas ng pinggan, samantalang sa mga taga-

Maynila, ito ay pag-uusog ng isang bagay. Gayundin ang salitang yumao, sa ilang Katagalugan,

ang yao ay nangangahulugan ng alis o umlis, samantalang sa iba naman, ito ay pagpanay o

pagkamatay.

 Ang sosyolek o Social Dialect ay kolektibiong wikang gamit ng partikular na grupo ng mga tao

ayon sa kanilang propesyon o komunidad. Maaaring ito ay bunga ng natamong edukasyon,

trabaho, grupo sosyo-ekonimiko, kaanak, kasarian at iba pa.

 Dahil sa dimensyong sosyal ng wika, nagbubunsod din ito sa barayti/rehistro ng wika na may

kinalaman sa taong nagsasalita o gumagamit ng wika.

 Ang rehistro ng wika ay nakikita o ginagamit sa isang partikular na disiplina, gaya ng jargon

para sa mga doctor, abogado, call center agent at iba pa.

Rehistro ng Wika

 Static Register – Bibihirang istilo ng wika dahil piling sitwasyon lamang ang ginagamitan. Hindi

nagbabago o matagal ang pagbabago. (Panunumpa sa Husgado, Mga Pagsasabatas,

Pananalita ng mga Magsisipagtapos, atbp.)

 Formal Register – Ang wikang ginagamit sa ganitong sitwasyon ay isahang-daan na daluyan

lamang (one-way). Ito rin ay wikang ginagamit sa paarfalan at pamantasan. Kadalasang

impersonal. (Pagtatalumpati, Homilya, Deklarasyon atbp.)

 Consultative Register – Wikang may pamantayan. Ang mga gumagamit ng wikang nasa

ganitong sitwasyon ay katanggap-tanggap para sa magkabilang panig ng struktura ng

komunikasyon. Ito rin ang wikang ginagamit sa negosasyon, pulong, at pagtitipon. (sa pag-
uusap sa pagitan ng doktor at pasyente, guro at mag-aaral, abogado at kliyente, atbp.)

 Casual Register – Impormal na wika na kadalasang ginagamit sa malalapit na kakilala o

kaibigan. Ang pagbibiro at paglolokohan o paggamit ng mga koda / pananagisag ay normal. Ito

ay wika ng isang pangkat, kinakailangang kabilang ka sa grupo upang makakonekta sa usapan.

Ito rin ay ginagamit da berbal na talstasan sa bahay, lansangan, kwentuhan, huntahan at iba

pa

Intimate Register – Pangpribadong pakikipag-usap. Ito ay limitado lamang sa mga matatalik na

kasama sa bahay o espesyal na tao sa buhay. (Usapang mag-asawa, magkasintahan,

magkapatid, mag-ina o mag-ama, atbp.)

URI KAHULUGAN HALIMBAWA

Neutral Karaniwang ginagamit ng lahat sa maraming

sitwasyon, larangan at pagkakataon.

Agham, buhay, Matemetika,

makina, sistema, mapa

Teknikal Nakaayon ang kahulugan sa partikular na larangan

at propesyon.

Dextrose, turbo engine, power

drill,flashdrive, lesson plan

In-house Ginagamit at nagmumula lamang sa isang

kompanya, grupo o lugar.

Lapad – pera sa Japan at taguri

ng mga OFW doon.

Bench-level Terminong kadalasan ay tumutukoy sa isang

gadget o aplikasyon sa kompyuter at iba pa at

gamit ng mga nagtataglay nito.

Bling-bling, Android, Grab, Uber

Slang Taguri rin sa balbal na wika, impormal na termino

para sa impormal na sitwasyon

Datung, ermat, utol, yosi, chika


Vulgar Hindi dapat gamitin sa publiko o pormal na usapan

dahil sa implikasyong moralidad, kagandahang-

asal at kultura.

Pagmumura, mga salitang

tumutukoy sa maseselang

bahagi ng katawan

Panimula

Sa pakikipagkomunikasyon ng tao, sa anyong berbal man o sa anyong di-berbal, ang kanyang

kakayahan sa larangan ng pagpapahayag ay lagi ng nasasangkot. Sa kahusayan niya sa

pagpapahayag nakasalalay ang linaw ng mensaheng nais niyang iparating sa kanyang kapwa.

Upang ang tao ay mag-angkin ng isang mabisa at maayos na paraan ng pagpapahayag tungo sa isang

matagumpay na pakikipagkomunikasyon, nararapat na paunlarin niya ang kasanayang pangwika. Ang

kasanayang pangwikang ito ang magiging tuntungang kaalaman ng isang tao upang mabisa niyang

maipahayag ang mensaheng nais niyang ipaabot.

Sa modyul na ito, masusuri ang wastong gamit ng mga salita sa pakikipagkomunikasyon.

Kakayahan ng Wika

 Komunikatibo – kakayahan sa paglalapat ng mga kaalamang lampas sa gramatika, ang layon nito

ay para sa pagkakaunawaan.

 Lingguwistika – siyentipikong pag-aaral ng wika. Pagsusuri sa istruktura, katangian, pag-unlad, at

iba pang may kaugnayan sa wika.

 Upang masabi na maykakayahang komunikatibo,kailangang tinataglay niya ang kakayahang

panlingguwistika at gramatika (Tiongan, 2011).

Istruktura ng Wika

 Ang ponema, morpema at sintaks ang tutugon sa pagsusuri ng istruktura ng wika.

Ponema

 ang tawag sa pinakamaliit na yunit ng tunog na nagbibigay kahulugan sa isang wika.

 hango sa salitang Griyego na phonema (tunog)

 Ponolohiya -- ang tawag sa maagham na pag-aaral ng tunog -- pinag-aaralan ang wastong

bigkas ng mga tunog.


 Tatlong Salik sa Pagsasalita

1. Enerhiya (Energy) - nilikhang presyon ng papalabas na hiningang galing sa baga

2. Artikulador (Articulator) - nagpapakatal sa mga babagtingang pantinig (Vocal)

3. Resonador (Resonator) - nagmomodipika ng tunog. Ang bibig at guwang ng ilong ang

itinuturing na resonador.

 Ang wikang Filipino ay may 21 ponema : 15 ang katinig, 5 ang patinig at ang impit na tunog /’/

sa dulo ng salita.

Mga katinig:

Panlabi (sounds produced by the lips) - B, P, M

Pangipin (sounds produced by the teeth) - D, N, T

Panggilagid (sounds produced by the gums) - L, R, S

Pangngalangala (sounds produced by the throat) - K, G, Ng, W

Pasutsot (sounds produced by exhaling) – H, /‘/

Mga Patinig:

A, E, I, O, U

Dagdag na walong kating na salita na may dalal-dala ring tunog.

C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z

 ang bawat ponema ay maaaring makapagbago ng kahulugan ng isang salita (kontrast)

Hal. nasa - pasa – nangangahulugan na ang /n/ at /p/ ay makabuluhang tunog

 maaari ring di makapagpabago (malayang nagpapalitan)

Hal. babae-babai ; lalake-lalaki

 Diptonggo/ Malapatinig - alin man patinig na sinusundan ng malapatinig na w at y.

Halimbawa :

aw, iw, ay, ey, iy, oy at uy. (bahaw, bahay, okoy, baliw)

 Klaster- kambal na magkaibang katinig sa isang pantig

Hal: tra-ba-ho, kla-se, bra-so, swel-do

 Pares Minimal – ang tawag naman sa dalawang magkaibang ponema na nasa magkatulad na

posisyon, may parehong pagbigkas, ngunit magkaiba ang kahulugan.

Hal: pala – bala: sulat – sukat: tubo - kubo


 Ponemang Suprasegmental – tono, haba, diin, antala

Hal: (patanong) pon? (pasalaysay) ha

Ka (3) Ka (3)

(2) ha (2) pon.

(1) (1)

taLa – list BAsa – read

Tala – star baSA – wet

Morpema

 Ang tawag sa pinakamaliit na yunit ng isang salita na nagtataglay ng kahulugan.

 Maaaring isang salitang-ugat, isang ponema o isang panlapi

 Istem/ Salitang- ugat – ay ang payak na salitang walang panlapi. Ang mga ito ay maaring

pangngalan, pang-uri at pandiwa. (ina, dilaw, takbo)

 Morpemang binubuo ng isang ponema -Matatagpuan ito sa mga salitang buhat sa Kastila–

senado/ senadora; kusinero/ kusinera, sa mga salitang nagtatapos sa o na nangangahulugan

ng lalaki at sa mga salitang nagtatapos sa a na nangunguhulugang babae— barbero/

barbera; Aurelio/ Aurelia at iba pa.

 Panlapi– tinatawag na di- malaya sapagkat nalalaman lamang ang kahulugan nito kapag

naisama na ito sa istem/salitang-ugat. Tinatawag na panlaping makangalan, kapag ang

nabubuong salita ay pangngalan; panlaping makauri, kapag ang nabubuong salita ay pang-uri

at panlaping makadiwa, kapag ang nabubuong salita’y pandiwa. (masaya, kinulayan, umawit)

 Bukod sa mga istem at mga panlapi , nakabubuo rin ng mga bagong salita sa pamamagitan ng

pag-uulit at pagtatambal ng mga salita .

 Pag-uulit - - may tatlong paraan

a. Parsyal o di-ganap na pag-uulit – unang pantig lamang ang inuulit . Hal. babasa , susulat ,

aawit

b. Ganap na pag-uulit – buong salitang-ugat ang inuulit . Hal. Araw-araw , gabi-gabi

c. Kumbinasyon ng parsyal at ganap na pag-uulit hal . Tutulog-tulog , sasayaw-sayaw , aalis-

alis

 Pagtatambal – pinagsasama sa isang pahayag ang dalawang salitang pinagtambal para


makabuo ng isang salita .

a. Malatambalan -- hal . Tsaang-gubat , bahay-ampunan

b. Tambalang-ganap — hal . Bahag+hari =rainbow; balat+sibuyas = maramdamin

Pagbabagong Morpoponemiko

 Anumang pagbabago sa karaniwang anyo ng isang morpema dahil sa impluwensya ng mga

katabing ponema.

Uri ng Pagbabagong Morpoponemiko

 Asimilasyon - / ŋ/ o / ng / ; napapalitang ang / ŋ/ ng /m/ kung ang tatabihan nito ay /p/ o /b/ sa

inisyal na pusisyon at papalitan naman ng /n/ kung /d/, /l/, /r/, /s/, /t/ ang tatabihan nito.

a . Asimilasyong di - ganap / parsyal

hal . Pampalengke, pambayad, pandama, pangkahoy

b. Asimilasyong ganap (nawawala ang isang ponema)

hal . Pamalengke , panalo, pamahay ,panabing, pangahoy

 Pagpapalit ng Ponema

a. /d/-- /r/ ≈ madami ≈ marami –pag patinig ang hulihan ng unlapi.

b. /d/ -- /r/ ≈ lipad+ -in ≈ lipadin ≈ liparin [-in/ -an] ,pahid+ -an ≈ pahidan ≈ pahiran

c. /h/ -- /n/ ≈ kuha+han ≈ kuhahan ≈ kuhanan

d. /o/ -- /u/ ≈ laro+an ≈ laruan , dugo ≈ duguan

 Metatesis/ Maylipat

a. Nagkakapalit ng pusisyon ang /l/ o /y/ ng salitang-ugat kapag ginigitlapian ng [-in] ang mga

ito.

hal. -in- + laro ≈ nilaro, -in- + yari ≈ niyari, -in- + regalo + an ≈ rinegaluhan ≈ niregaluhan

b. Pagkakaltas ng ganap

hal. silid + an ≈ silidan ≈ sidlan, atip + an ≈ atipan ≈ aptan

 Pagkakaltas ng Ponema -- kung ang huling ponemang patinig ng salitang-ugat ay nawawala

sa paghuhulapi nito.

hal. Bukas + an ≈ bukasan ≈ buksan, asin + an ≈ asinan ≈ asnan

 Paglilipat- diin -- kapag nilalapian ang mga salita, nagbabago ang diin nito.

hal. BAsa + -hin ≈ baSAhin , takBO+ -han ≈ takBUhan, uWI + -an ≈ uWIan
Sintaks

 Ang pagkakaalam kung paano pinagsasama-sama ang mga salita para bumuo ng mga parirala

at mga sugnay.

 Ito ay may kinalaman sa sistema ng mga tuntunin at mga kategorya na siyang batayan ng

pagbubuo ng mga pangungusap.

 Pag-aaral ng istruktura ng mga pangungusap.

 Tinatawag ding palaugnayan na may kinalaman sa sistema ng pag-uugnay-ugnay ng mga

salita upang bumuo ng pangungusap.

Parirala - lipon ng salita na walang paksa o simuno at panaguri at wala ring buong diwa o kaisipan.

Halimbawa: mag-aral magmaneho; hinggil sa pagpapabahay sa mahihirap

Sugnay – Ito ay lipon din ng mga salita na maaring may diwa at maari ring wala. Maari rin itong

magkaroon ng paksa at panaguri at maari ring wala.

Sugnay na Makapag-iisa/Malayang Sugnay/ Punong Sugnay- nagtataglay ng buong diwa o

kaisipan . (payak na pangungusap)

Halimbawa: Ako ay nakahiga. ; Ang batang matalino. ; Samahan mo kami sa sine!

Sugnay na di-makapag-iisa/Pantulong na Sugnay - Wala itong diwa kung di isasama sa isang

punong sugnay. Nagsisimula ito sa isang pangatnig.

Halimbawa: Ako ay nakahiga nang siya ay dumating. ; Kung aalis ka, iwanan mo ang susi.

Pangungusap

 Isang sambitlang may patapos na himig sa dulo na may buong diwa.

 Lipon ng mga salita na binubuo ng paksa at panaguri upang maipabatid ang mensahe.

 Paksa- pinag-uusapan sa pangungusap; Panaguri-nagbibigay turing sa paksa.

Karaniwang Ayos ng Pangungusap- nauuna ang panaguri kaysa paksa.

Halimbawa: Taunang ipinagdiriwang sa Kalibo, Aklan ang Ati-atihan.

Di-Karaniwang Ayos ng Pangungusap- nauuna ang paksa kaysa panaguri at idinaragdag ang

panandang ay.

Halimabawa: Ang Ati-atihan ay taunang ipinagdiriwang sa Kalibo, Aklan.

Anyo ng Pangungusap:

 Payak na pangungusap – binubuo ng isang paksa at isang panaguri na may iisang diwa.
May payak na paksa at payak na panaguri . Hal. Pinsan ko po siya . May tambalang paksa

at payak na panaguri . hal . Nagsusulat ng komposisyon ang guro at ang mga mag-aaral .

May payak na paksa at tambalang panaguri hal . Ang mga bata ay nagsasayaw at umaawit

. May tambalang panaguri at tambalang paksa . hal . Namimili ng paninda sa ibang bansa at

nagbebenta sa Pilipinas sina Aling Nena at Menchie.

 Tambalang Pangungusap - binubuo ng dalawang magkatimbang na payak na

pangungusap, dapat magkaugnay ang mga ito at nagkakaisa sa kahulugan . Pandugtong =

pangatnig = at, o, pero , ngunit , subalit o datapwat Hal. Pumunta kami sa Mall of Asia at

nakita naming lahat si Alden Richards.

 Hugnayang Pangungusap - Binubuo naman ito ng dalawang sugnay. Buo ang diwa ng

isang sugnay , habang ang isang sugnay ay hind. Pandugtong =

dahil,kung,kapag,nang,sapagkat,upang at iba pa. Hal. Magiting na ipinagtanggol ni Bob ang

kanyang kakayahang sumayaw nang siya’y pagtawanan ng buong klase.

 Langkapang Pangungusap – Dalawa o higit pang punong sugnay at dalawa o higit pang

pantulong na kaisipan. Hal. Nagalit si Sir Hilario at pinagsabihan kami dahil maingay kami at

hindi nakikinig.

Pangungusap na Walang Tiyak na Paksa

 Pangungusap na eksistensiyal – ito ay pagpapahayag ng pagka- mayroon o wala.

Hal: May mga raliyista ngayon sa Edsa.

Wala na.

 Pangungusap na Pahanga – Ito ay nagpapahayag ng damdamin ng paghanga.

Hal: Kayganda talaga ng tanawin sa Boracay!

Ang galing mo!

 Maikling sambitla – mga iisahin o dadalawahing pantig na nagpapahayag ng matinding

damdamin.

Hal: Ay!

Aray!

 Pangungusap na Pamanahon – nagsasaad ng oras o uri ng panahon ang mga ganitong

pangungusap.
Hal: Maulan na naman.

Napakainit!

 Mga Pormulasyong Panlipunan – ito ay mga pagbati, pagbibigay-galang at iba pa na

nakagawian na sa Wikang Filipino.

Hal: Mano po.

Salamat po.

 Modal – Nangangahulugan ng gusto/nais/ ibig.

Hal: Nais kong makapag-aral.

Ha’ gusto kong mahiga.

 Penomenal – nagsasaad ng mga pangyayari sa kalikasan, walang simuno o panaguri ang

mga sumusunod na pangungusap.

Hal: Babaha na naman sa Maynila.

Niyanig ng lindol ang Japan.

 Pautos – sinusundan ng panghalip na mo at o pang- abay.

Hal: Dalian mo.

Sige pa.

Alis.

 Pagyaya- nagsasaad ng pagyaya o pagyakag.

Hal: Tayo na.

Halika na.

 Ka-Pandiwa – nagsasaad ng katatapos na kilos.

Hal: Kaaalis lang niya.

Kakakain ko lang.

 Panawag – panawag na pangkamag-anak.

Hal: Hoy!

Psst!

Mga Pampalawak ng Pangungusap

 Mga Paningit Bilang Pampalawak

Mga paningit o ingklitik ang tawag natin sa mga katagang isinasama sa pangungusap
upang higit na maging malinaw ang kahulugan nito.

Hal. ba, na, pa, lamang, muna, kasi, naman, din/rin, lang, sana, kaya, nga, ho, po, man,

tuloy, yata , daw/raw,

 Mga Panuring Pampalawak

Dalawang kategorya na mga salita ang magagamit na panuring, ang pang-uri na panuring

at ang pang-abay.

Hal. Ang matalinong mag-aaral ay iskolar.

Ang bata ay iskolar ng pamahalaan sa pamantasan.

Umalis agad ang mag-anak.

Patalilis na umalis agad ang mag-anak.

 Mga Kaganapan ng Pandiwa Bilang Pampalawak

Ang iba’t ibang uri ng kaganapan ng pandiwa ay mga pampalawak.

Hal. Tumakbo ang tao patungo sa liblib na lugar. (ganapan)

Sinugpo niya ang peste sa pamamagitan ng gamot. (kagamitan)

Nagtanong si Alyssa kay May. (direksyunal)

Umunlad ang kanilang pamumuhay dahil sa pagtitiyaga. (sanhi)

Pinagalitan ni Janna ang kanyang kapatid. (tagaganap)

Namili ng mga paninda si Alice. (layon)

Nagluto kami para sa mga bata. (tagatanggap)

Wastong gamit ng salita

Nang

- Bilang pangatnig: Nagsimula na ang laro nang kami ay dumating

- Pinagtambal na NA at NG: Nagaral nang mabuti ang mga bata.

- Panggitna sa salitang-ugat na inuulit: basa nang basa; magtiyaga nang magtiyaga

- Bilang pang-ugnay: Inihain ni Ella ang pagkain nang buong ingat.

- Bilang kasingkahulugan ng upang: Magpatawad sa kapwa nang tayo ay patawarin rin.

Ng

- Bilang pantukoy na palayon: Namimili siya ng mga pangregalo.

- Bilang pananda sa tagaganap: Nilinaw ng guro ang aralin sa Filipino.


- Nagsasaad ng pagmamay-ari ng isang bagay: Ang tahanan ng pamilya Mallari ay maayos.

- Katumbas ng with ng Ingles: Ako ay tinanggap niya ng masayang puso.

May

- Pag sinusundan ng pangngalan: May kasama siyang umuwi.

- Pag sinusundan ng pandiwa: May gagawin ka ba sa mga susunod na araw?

- Pag sinusundan ng pang-uri: Si Jing ay may magandang kalooban.

- Sinusundan ng pnghalip panao: Bawat isa ay may kani-kaniyang suliranin.

- Sinusundan ng pantukoy na MGA: May mga tao p asa kanila.

- Sinusundan ng pang-ukol na SA: Ang mga manlalaro ay may sa palos ang pagkilos.

Mayroon

- Kapag may napasingit na kataga: Mayroon daw malaking pagpupulong ngayon.

- Ginagamit sa panagot sa tanong: May hinihintay ka ba? Mayroon.

- Tumutukoy sa pagka-maykaya sa buhay: Isa siya sa mayroon sa kanilang lugar.

Din/Daw

- Kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig: bawal din; bakit daw?

Rin/Raw

- Kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig at malapatunug na y o w: tayo rin; sino

raw?; lilitaw rin; sabay-sabay raw

Pinto

- Bahagi ng bahay/gusali na binubuksan: Kumatok ka sa pinto bago ka pumasok.

Pintuan

- Daanan : Masikip ang kanilang pintuan.

Ipunas

- Tumutukoy sa paglalagay: Ipunas mo iyan sa iyong mukha.

Punasan

- Tunmutukoy sa pag-aalis: Punasan mo ang iyong maruming mukha.

Konteksto ng Diskurso (Dell Hymes)

S – setting, ang lugar at panahon na kinaganapan ng diskurso

P – participants, ang tao o mga taong kasangkot sa diskurso


E – ends, layunin o goal ng diskurso, maaaring upang mang-aliw, manghikayat, pumuna,

at iba pa.

A – act sequence, ang pagkakasunod sunod ng pagbuo ng diskurso na minsan kung ito’y

pasalita ay naaantala

K – keys, ang susi na makatutulong sa mabisang diskurso, kasama ang tono, ekspresyon at

pamamaraan sa pagpapahayag

I – instrumentalities, ano ang gamit ng wika pati na rin ang porma at antas nito sa paggamit sa

dikurso.

N – norms, kaugalian, tradisyon at kulturang kinasangkutan ng diskurso

G – genre, anyo ng diskurso, sa pasulat, maaaring ito ay sanaysay, maikling kwento, awit, tula,

at iba pa; kung ito naman ay diskursong pasalita, maaaring nagbabalita, nasasalaysay,

nagpapaliwanag, nagbababala, at iba pa.

You might also like