You are on page 1of 1

CAULDRON

pangngalan | ˈkôldrən
Wala nang mas karapat dapat pang hirangin bilang salita ng taon kundi ang cauldron. Kung gaano
gumasta ang ating gobyerno ng limampung milyong piso para sa isang kalderong isang beses lamang
gagamitin habang kuripot at hindi mabigyan ng sapat na pondo ang suliranin ng bansa sa maraming
Pilipinong patuloy na nawawalan ng trabaho dahil sa endo; ang mga magsasakang nababaon sa utang at
pinagkakaitan ng lupaing sakahan; mga drayber ng pampasaherong dyip na pagbabayarin ng walong
daang piso kada araw sa loob ng pitong taon para sa bagong modelo ng mga dyip habang ang anim na
daang piso lamang ang kadalasan nilang kita sa araw-araw; ang mga gurong napilitang gawing silid-aralan
kahit ang palikuran dahil sa kawalan ng pondo para sa pagtatayo ng sapat na silid-aralan sa bansa; at
habang marami pa ring Pilipino ang naghihirap, nagugutom at hindi makatanggap ng maayos at murang
serbisyong pangkalusugan ay malinaw na salamin ng naging kabuuang estado ng bansa sa taong ito.
Ang cauldron o caldron ay isang hiram na salitang Ingles mula sa Old Northern French – caudron na
hinango lang rin sa Latin – calidarium na tumutukoy sa lutuang palayok o kaldero sa Filipino. Kadalasang
kakikitaan ng cauldron o kaldero ang mga tahanan ng karamihang Pilipino sapagkat naging parte na ng
ating buhay ang pagkain ng kanin na niluluto gamit ito. May kaldero man sa bahay, dala ng kahirapan
marami sa mga Pilipino ang hindi ito kayang lamnan at may maihaing kanin sa hapag araw-araw. Subalit
hindi tulad ng pangkaraniwan nitong gamit sa pagluluto, ngayong taon ay nagsilbi itong kawa ng apoy,
simbolo ng maalab na pagbubukas ng Timog-Silangang Asyang Palarong Pampalakasan (Southeast Asian
Games).
Sa nangyaring ito, kitang-kita kung paanong ginagasta ng pamahalaan ang pondo ng taong bayan at
sa kung gaano kalayong pang-uuto ang kaya nilang gawin sa mga Pilipino para lamang mapunan ang
kanilang sariling bulsa. Nakakabahalang makita kung papanong binigyang halaga nila ang isang “sining” na
halos sampung segundo lamang naipakita sa una nang nakunang video ng pagsisindi nito at hindi ang
kalagayan ng edukasyon o ang iba pang mas mahahalagang problema sa bansa. Sa limampung milyong
pisong halagang inilaan nila dito makakapagpatayo na sana tayo ng limampung dagdag silid-aralan pa.
Marami sa mga Pilipino ang umalma at binatikos ang napakamahal na pondong nilaan ng gobyerno
para lamang sa cauldron na ito. Dito mahihinuha na unti-unti nang namumulat ang ating mga mamamayan
sa katiwaliang ginagawa ng ating mga pulitiko. Subalit nakalulungkot na mayroon pa ring nagbubulag-
bulagan, sarado ang isip at masugid na sinusuportahan ang ganitong gawain ng pamahalaan. Masyado pa
rin silang nagpapadala sa kanilang iniidolong pulitiko, partikular na ang pangulo at mga kaalyado nito sa
pulitika. Marami pa ring Pilipino ang hindi kritikal mag-isip at mas kinakain ng palabas na isinasagawa ng
gobyerno upang mapagtakpan ang korupsyon at kanilang kapalpakan.

You might also like