You are on page 1of 3

Katherine Nicole G.

Santos
ABM 11- McGregor

Bundok ng Plastik
Sa pagusbong ng panahon, kaakibat ng pagsulong ng ekonomiya ng ating bansa ang mga
produktong madaling gamitin para sa masang Pilipino. Iba’t–ibang mga produkto at kagamitan ang
nabibili ng tingi sa mga suking tindahan na siyang tinatangkilik ng marami. Ang karamihan sa mga
Pilipino ay patingi-tinging kung bumili ng shampoo, sabon at iba pang mga pangunahing bilihin dahil
yoon lamang ang kaya bilihin ng kanilang budget. Marami ring mga industriya ang lumago ng dahil sa
malaking demand ng mga konsyumer sa mga produktong mura at madaling gamitin. Hindi maikakaila
ang mga magagandang dulot ng mga produktong nasa sachet ngunit malaki rin ang masamang epekto ng
pabalat nito sa ating kalikasan. Ang mga sando bags, styrofoam containers at mga sachet ay gumagamit
ng mga single use plastics na pabalat. Malaki man ang ginhawang dulot ng mga ito, malaki rin ang
panganib na dulot nito sa ating kalikasan.

Ang Enero 23, 2020 isyu ng dyaryo ng Pilipino Star Ngayon ay nagtalakay sa kanilang editoryal
ng isang mahalagang isyung panlipunan kaugnay ng paggamit ng single use plastic sa ating bansa. Ang
kabuoan ng editoryal ay nagpakita ng matalinong opinyon at pahayag upang makapangumbinsi ng mga
mambabasa. Ang may akda ay nagbanggit ng mga estadistika at mga sarbey upang ipakita na maraming
Pilipino na ang mulat sa mga mapanganib na dulot ng mga single use plastic. Ang mga impormasyon at
datos na nabanggit ay pinag-aralan at sinaliksik nang mabuti ng may akda upang makapangumbinsi ng
mga mambabasa na iwasan ang paggamit ng mga ito. Dahil ang editoryal na ito ay nagmula sa isang
tabloid, gumamit ang may akda ng payak ngunit mga angkop na salita upang higit na maintindihan ng
mga mambabasa.

Sa kabuoan ng editoryal, sumasangayon ako sa panig ng may akda kung saan nais niyang
ipagbawal ang paggamit ng mga single use plastic. Ang paraan ng paglalahad niya ng impormasyon at
kaalaman ay naging epektibo dahil mas maintindihan ko ang iba’t ibang panganib dulot ng mga plastik.
Naimulat ng may akda ang aking kaalaman ukol sa isang mahalagang isyung panlipunan tungkol sa
lumalalang polusyon dulot ng mga plastik. Hindi ko itatanggi na maging ako man ay gumagamit ng mga
single use plastics ngunit matapos kong mabasa ang editoryal na ito , nabatid ko na mas marami pala ang
masamang epekto ng plastik kaysa sa mabuting dulot nito. Maraming mahalagang punto sa editoryal ang
naging inspirasyon ko sa pagbabago ng mga bagay na aking nakagawiang gawin gaya ng paglimita sa
paggamit ng mga single use plastics sa araw-araw. Masasabi kong epektibo aang editoryal na ito dahil
nahikayat akong magbago. Marami rin akong natutunan kaugnay ang mga single use plastics at ito ang
mga sumusunod:
Sa kabila ng ginhawang dulot ng mga produktong nasa single use plastics, maraming mga
Environmental Advocate Groups at Environmental Warriors ang nagsusulong na ipagbawal na ang
paggamit nito sa ating bansa. Isa sa mga inihayag nilang dahilan ay ang mga pangyayari sa tuwing
sasapit ang panahon ng tag-ulan. Sa lungsod ng Maynila kung saan mataas ang pagkonsumo ng mga
single use plastics, hindi kataka-takang matagal bago humupa ang baha dahil ang mga drainage at mga
daluyan ng tubig ay nababarahan ng mga plastik na nagkalat sa mga lansangan. Marami rin sa mga lugar
sa Pilipinas ang bumabaha kahit mahina lamang ang ulan dahil hindi maayos ang mga kanal at daluyan
ng tubig. Sa halip na napakikinabangan ang mga drainage systems sa ating bansa, nababawasan ang
kapakinabangan nito dahil sa mga plastik at basurang nakabara dito. Maraming mga bagyo ang
nagpabaha sa ating bansa na sana ay hindi na nangyari kung nabawasan ang mga plastik sa mga estero at
daluyan ng tubig sa ating bansa.

Isa rin sa mga dahilan upang ipagbawal na ang paggamit ng single use plastics ay ang masamang
epekto nito sa mga hayop at sa ating karagatan. Ayon sa isang pag-aaral, pang-apat ang Pilipinas sa mga
bansa sa Asya na malakas magtapon ng basurang plastik sa karagatan. Ang mga plastik ay nakalilikha
ng isang mapanganib na polusyon sa karagatan at kalupaan. Maraming mga hayop sa karagatan ang
namamatay dahil nakakain nila ang mga plastik na itinatapon sa mga karagatan. Maraming endangered
species tulad ng mg pawikan ang napipinsala dahil sa mga ito. Ang mga anyong tubig kagaya ng Manila
Bay ang apektado ng matinding polusyon sa tubig. Sa halip na pakinabangan ang mga tubig na ito, hindi
na ito ligtas gamitin dahil lubha na ang polusyon at dumi na taglay nito. Daan-daang taon ang kailangan
lumipas bago malusaw ang mga plastik kung kaya’t matagal din ang panganib na dulot nito sa kalusugan
ng mga hayop at kalagayan ng ating mga anyong tubig.

Maraming mga kalupaan sa Pilipinas ang nagagamit upang itambak ang plastik at mga basura.
Daan-daang ektarya ang nakonsumo para lamang maitapon ang tone-toneladang basura kada araw. Sa
dami ng nakokonsumo nating plastik ay nagmistula na itong bundok ng basura. Lubha itong mapanganib
dahil nagsisilbi itong banta sa kalusugan ng mga residente malapit sa mga dump site. Maraming sakit
ang nakukuha mula sa maruming kapaligiran. Banta ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang mga ekta-ektaryang lupain na nakonsumo sa mga dump site ay nagamit sana sa pagpapatayo ng
mga estruktura ang hindi na magagamit dahil sa gabundok na basurang plastik na nakatambak doon.

Ang mundo ay ang ating tahanan kaya marapat lamang na atin itong mahalin at ingatan. Sa dami
ng biyaya na binibigay ng ating kalikasan at kapaligiran, nararapat din nating itong suklian ng
magagandang gawain. Maraming paraan upang maipakita natin ang pagmamahal sa ating kalikasan at
isa na rito ang pagbabawal sa paggamit ng mga single use plastics. Maliit man ang hakbang na ito,
malaki naman ang magiging epekto nito sa ating kalikasan. Simulan na natin sa ating munting paraan
ang pagmamahal sa ating kalikasan bago pa mahuli ang lahat.
Pilipino Star Ngayon, Enero 23, 2020

You might also like